Medyo napupuno na ang homepage ko sa facebook ng mga nakakainggit na listahan ng mga special events/experiences sa 2011 ng mga kaibigan ko. At dahil likas akong inggitera, gusto ko ding maki-join.
Ayoko nang isa-isahin kung anu-ano ang pinagdaanan ko nung sinagupa ko ang bawat araw ng 2011. Hindi naman ako nanalo sa lotto, hindi ako nakakita ng artista (pero nakakita ako ng internet action star), hindi pa ako artista, hindi pa rin ako tumatangkad, at hindi pa rin ako nagagawaran ng diploma. Pero kung susumahin, aprub na aprub sa’kin ang 2011 (kahit na hindi ko natupad ang dare ko na umamin sa crush ko bago magunaw ang mundo sa 2012, lels, neknek mo crush, you will never ever know, EVURR).
Para mas ma-emote, pagsasama-samahin ko na lang ang pasasalamat ko sa lahat nang naging parte ng 2011 ko kahit na alam kong ‘di naman nila mababasa ‘to (kayo na ang mga busy at hindi pakalat-kalat sa internet!!). Here we go:
Salamat sa mga taong kahit ‘di ko kilala ay binack-up-an ako sa kauna-unahang “cyber away” ko. Virtual hug para sa inyo!!!
Salamat kay Phil Younghusband sa pagiinspire sa’kin na lumandi via twitter. Kahit na inisnab ako ng ininvite ko nung Valentine’s, bumilib sa’kin ang mga dear friends ko at sumaya kaming lahat. Kababawan at its finest!
Salamat sa panel nung kauna-unahan kong job interview sa hindi pagkain sa akin ng buhay. Salamat din sa libreng mineral water.
Salamat sa English teacher ko na nagsaboy ng moral support. I heart you mam!
Salamat sa Amerikanong nakatabi ko sa eroplano pauwing Manila sa pagvovolunteer na buhatin ang maleta ko sa masyadong unreachable na overhead bin. Mabuhay ka! Salamat din sa pagbisita sa Pilipinas!
Salamat kay ate na nakakwentuhan ko sa airport sa Nagoya, Japan na tinuruan ako kung paano maging hindi aanga-anga sa pagpila sa Immigration at Customs sa NAIA 1. Nakalabas ako ng airport in less than 1 hr. Expert si ateng!
Salamat sa lahat ng kaibigan kong pinasingit ako sa schedule nila para makipagbonding sa’kin nung umuwi ako sa Pinas. Kapos ang bakasyon ko pero worth it ang bawat segundo dahil sa inyong lahat ♥ (insert background music: ♬ keep smiling, keep shining, knowing you can always count on meeeeee ♬)
Salamat sa mga ate kong pinagligpit ako ng plato sa bawat gabi, nilibre ako sa kung saan-saan, at naging driver ko 24/7 nung nagbakasyon ako sa Pinas.
Salamat sa crush ko sa pag-accept sa friend request ko. Sana hindi ka nag-assume na crush kita. Pero salamat sa pagwawallpost (‘wag judgmental, mababaw lang talaga ako) dahil nalaman kong kilala mo pa ako kaya kinilig naman ako. Again, ‘wag ka sanang mag-assume na crush kita, ‘wag ganun, ok? ♥
Salamat sa mga iilang bagong kakilala at kaibigan (note: choosy ako kaya chosen one kayo!!).
Salamat sa kumpanyang pinagtyagaan ako nung summer. Busog na busog (literal) ako sa piling nyo.
Salamat sa ate ko na naging sugar mommy, personal chef, at stylist ko. Dahil dyan gagawaran ka ng kalangitan ng isang gwapong the one.
Salamat sa mga nakagroup ko ngayong sem sa lahat ng projects, hindi nalagas ang bangs ko at sana hindi din nabawasan ang hibla ng sa inyo. *Fist bump*
Salamat sa mga taong naniwala sa’kin na kaya ko, kahit na parang hindi naman. Igugroup hug ko na lang kayo dahil awkward kung isa-isa pa.
Salamat sa lahat ng always willing na makinig at umintindi sa mga ka-emohan at kaartehan ko via fb, twitter, wordpress, text, at bbm. Kilala n’yo na kung sino kayo ♥
Salamat sa nanay kong pinagluluto ako ng pritong itlog tuwing umaga at sa pagpeprepare lagi ng chicken sandwich. Lamang na lamang ako sa mga classmates ko dahil lagi akong busog sa 1st period tapos may ready pa akong chibog sa loob ng bag.
Salamat sa tatay ko sa hindi pagsuko sa lahat ng debate natin araw-araw. ’Yan ang tunay na katapangan (kahit takot ka sa multo), harapin ang “counterpart” ng iyong kabataan. Mana lang ako sa’yo *wink*.
Salamat papa god sa patience at unlimited love, sa blessings, moral lessons, at realizations ng 2011. High five from earth!
Kung may nakalimutan ako at feeling mo isa ka dun sa mga nakalimutan ko, mahinahong magreklamo sa comment box. Basta salamat nang marami!! HAPPY NEW YEAR!
Hindi ako madalas mag-taxi. Masyado kasing mahal at feeling ko hindi rin ligtas. Bukod sa wala akong kasing kuripot, masyado kasing magaslaw ang imagination ko sa tuwing nasa loob ako ng taxi na tipong maiisip kong may halong pampatulog ‘yung air freshener na masisinghot ko kaya mahihimatay ako sabay liliko si manong sa damuhan. Mga ganyang eksena, pang-teleserye o kaya pang-TV Patrol.
High school pa lang ako, hindi na mapakali ang dalawa kong paa kapag nakasteady lang ako sa bahay. Kahit na hindi kami masyadong sanay sa Manila, dumayo talaga kami ng kaibigan ko makapunta lang sa isang concert. Sikreto kung kailan dahil takas lang kami sa school nun with the help of our beloved friends sa pagtakip sa amin kung bakit kami absent. Madaling araw na natapos kaya medyo madalang na ang bumabyahe pauwi sa’min. Halos pumuti ang buhok namin kakahintay sa bus, jeep, o kahit anong may gulong, na kahit kalesa papatulan namin. Napagdesisyunan naming sumakay na lang ng taxi kahit takot kaming magising na lang na nasa ibang planeta na kami. Pagsara pa lang ng pinto ng taxi, nagtalunan na ang lahat ng nilalaman ng katawan ko. Ayoko naman atang maheadline kinabukasan. Anong tadhana naman ‘yon, ang pangit ng ending. Pero dahil nasusulat ko na ‘to ngayon, pinalad kaming makasakay sa isang taxi na matino ang driver. Tinuruan niya pa kami kung saan kami sasakay pagkababa ng taxi.
Memorable din ang mga araw ko sa peyups bago magsimula ang unang sem ng college life. Ilang araw bago ang enrollment, kailangan ng mga freshies na magpamedical sa Infirmatay (i.e. Infirmary). Dahil na rin siguro sa pagod, kaba, at takot sa papalapit na kabanata ng buhay ko at dahil nahawaan ata ako ng “kabaitan” at pagka”approachable” ng ilang nag-aassist dun, na-drain ang kabaitan at pasensya ko. Nagyaya ang nanay ko na mag-mall pagkatapos pero dahil hindi ako pamilyar sa lugar, hindi ko alam kung saan sasakay. Dahil takot akong maligaw, tinatamad na kong magisip, at naiinitan ako, nagdemand akong magtaxi na lang kami. Isang hindi praktikal na desisyon. Swerte pa dahil isang matinding traffic ang nakaabang. Hindi ko alam kung sadyang trapik talaga nung araw na ‘yun o nadenggoy kami ni manong dahil halatang bagong salta kami sa diliman. Hindi ko na tinanong kung magkano ang binayad ng nanay ko, dahil busy ako masyado sa pagdedestress at sa pagpunas sa pawis at init ng ulo ko.
Forward sa 2nd yr ko, sumubok (uli) akong mag-apply sa org. Huling gabi bago kami sumalang sa Talent Show namin, nagpraktis kami sa huling pagkakataon. Dahil medyo madami-dami ang mga dala namin, tipong lipat bahay gang at hindi lang basta basta backpack at paper bags ang mga dala namin, kailangan naming magtaxi galing philcoa papuntang fairview. Walo kami nun. Gabing gabi na. Nahirapan kami sa pagkuha ng taxi dahil nga gabi na at madami pa kami. Pagkatapos ng pag-isnab sa amin ng ilang taxi, may isang hulog ng langit na pumayag na sumakay kaming walo. Parang sardinas na hindi masarap ang itsura namin. Medyo mahal ang binayad namin kapalit ng ilang minutong joyride with manong. Pero ayos lang dahil siya lang ang nag-iisang taxi driver na naawa at naantig sa hulas na hulas na mga itsura namin nung gabing ‘yon.
Ilang araw bago ko lisanin ang Pilipinas kong mahal, papunta kami noon sa US Embassy, nang maencounter namin ang pinakanakakaaliw na taxi driver. Natutuwa ako sa mga manong na mahilig makipagkwentuhan sa mga pasahero. Mas sulit kasi ang bayad. Medyo traffic kaya napahaba ang kwentuhan namin. Isa siyang simpleng tao. Simpleng tao na nangarap at nagsimula sa ilang pirasong damit nang mapadpad siya sa Maynila. Ok naman ang naging buhay niya. Nagkaroon pa nga siya ng negosyo at nahanap si the one. Nagkaroon siya ng mga anak. Nagkaroon siya ng taxi. Ang taxi na dinadrive ni manong. Ang taxi na sinakyan namin ni ate. Simple lang ang buhay niya: gigising sa umaga, maliligo, kakain, magdadrive, uuwi, kakain, matutulog. Paulit-ulit. Hindi nga daw niya namalayan na matanda na siya at halos lahat ng ka-edad niya ay patay na. Pero hindi ko malilimutan ang sinabi niya na may isang bagay na pinagpapasalamat niya: Masaya siya na buhay pa siya. May mga tao palang hindi marunong magreklamo sa simpleng buhay na meron siya. Naapprove ang visa ko nung araw na ‘yon pero pakiramdam ko mas masaya sa’kin si manong.
Hindi ko nilalahat ang mga taxi drivers. Hindi porke’t na-enjoy ko kakwentuhan si manong driver #4 ay ginusto ko nang mag-taxi araw-araw. Hindi rin dahil feeling ko idinaan kami ni manong #2 sa matrapik na lugar ay dapat ko nang ipa-phase out ang mga taxi sa lahat ng kalye. Iba-iba talaga ang bawat byahe, gaya ng pagka-assorted ng experience sa pagsakay ko sa pedicab, tricycle, jeep, “baby” bus, bus, o MRT. Kaya mag-taxi ka pa rin kung trip mo at kung afford mo. Go lang! Basta siguraduhing gumagana nang matino ang metro, tandaan at itext/i-bbm/itweet ang plate number ng taxi sa nanay, bff, o syota just in case makidnap ka nga, at syempre huwag namang mag-1-2-3, magbayad ng tama. Higit sa lahat, ‘wag ding masyadong mag-inarte at magdemand na i-overcome ni manong ang heavy traffic. Hindi siya si Moses at hindi ka ganung ka-ispesyal. Enjoy!
(Note: Nirecycle ko lang ang blogpost na ‘to galing sa multiply site ko. Tinamaan ako ng ka-emohan at hinalungkat ang mga lumang blogs. Wala lang, sharing.)
Hindi pa ako nakakakumpleto ng simbang gabi, kahit na kasama sa tally ‘yung umattend ng misa pero nakatulog o ‘yung nagpaalam sa nanay na magsisimba pero tumambay lang sa labas ng simbahan kasama ang mga tropapips and/or labidabs, hindi pa talaga. Pero nakapagsimbang gabi naman na ako, kaya kahit na hindi ako beterana at lifetime awardee pagdating sa pagkumpleto sa 9 na araw, naeexcite pa din ako kapag December 16 na. Wala lang, naeexcite ako para sa mga nagpaplano na makakumpleto at makapagwish.
Dahil kahit tumambling pa ako mula sa bubong ng bahay namin o mangakong hindi na ako kakain ng chocolates forever and ever kapalit ng chance na makapagsimbang gabi ako ngayong taon, papaandarin ko na lang uli ang imagination ko para naman hindi mauwi sa wala ang excitement ko.
Simula ng dumating ako dito sa Sweet Home Alabama, pinakanakakabaliw na taon ko na ang 2011. Madaming nangyari na wala sa plano ko pero masaya at fulfilling naman kung iaadd at isusubtract ang lahat ng dumating at nawala. At malaki ang naging parte ng buhay internet ko para balansehin ang lapot ng stress at pressure sa school at sa trabaho, kaya buo pa din ako ngayon. Sa tingin ko, ito ang taon na naging lagalag ako sa tunay na buhay at sa world wide web.
Tutal uso naman na ang 2-in-1, buy one get one, at back-2-back laglagan at intriga sa showbiz at sa gobyerno ngayon (hanapin ang konek, go!), pag-iisahin ko na ang pagrereminisce ko sa 2011 at sa pagiimagine na magsisimbang gabi ako.
At ang tanong lang ay: kung magsisimbang gabi ako, sino ang pipiliin kong maging simbang gabi buddy?
DAY 1: RAMON BAUTISTA
Matagal ko nang kilala ang nag-iisang internet action star na si Sir RB, pero ngayong 2011 lang ako naging clingy sa internet love triangle niya (i.e. formspring, twitter, at tumblr). Seryoso ako. Kung papipiliin nga ako ni Papa God kung sino ang gusto kong maging BFF, si idol Ramon ang pipiliin ko. At kung itotodo na ni Lord ang paggawad ng wish sakin, hihilingin ko din na kung magiging kasing smart at witty ako ng isang tao, gusto ko kawavelength ko sa spectrum si Sir RB. Dahil wala nang tatalo sa pagkasuperb ni Ramon, magiging maganda ang simula ng misyon kong makumpleto ang simbang gabi kung sasamahan niya ako. Sigurado ako na magsasaboy siya ng good vibes at moral support kaya gaganahan hindi lang ako kundi pati ang buong sambayanan.
DAY 2: MARIO MAURER
Ilang beses akong pinilit ng mga ate ko na panoorin ang Crazy Little Thing Called Love at ilang beses ko din silang dineadma. Pero hindi ko alam kung ano/paano/kailan/bakit o bakit ako nagpapilit na panoorin ‘yun nung bakasyon. Totoo ang sabi nila na kikiligin ka hanggang langit kapag pinanood mo pero walang nagsabi sa’kin na hindi na ako makakamove-on.
Pero dahil na rin sa tulong ni Idol Ramon Bautista, naapply ko na ang reverse bittering at lahat ng payong pag-ibig niya kaya ok-ok na ako. Pero dahil nasa Pinas naman si Mario Maurer ngayon, bakit di ko na din siya yayain magsimbang gabi, di ba? Sayang ang chance, baka sakaling mainlove sa’kin kapag nilibre ko ng puto bumbong #dreambig #bibigaykarin
DAY 3: INGRID MICHAELSON
Ok fine, hindi siya Pinoy at malamang hindi niya alam kung ano ang simbang gabi kahit sabihin ko pang 9 Mornings pero dahil halos araw-araw ko din pinakinggan si Ingrid Michaelson ngayong 2011, isasama ko siya sa listahan ko. Kahit na iilan lang sa mga kanta niya ang kanta-bol, madalas siya ang una kong sinesearch sa youtube o automatic na siya na ang station ko sa Pandora. Dahil isa siya sa mga nagpasurvive sa akin sa mga hell weeks at emo moments ko, malaki ang utang ko sa kanya kaya magsisimbang gabi kami. Tapos magsasample na din ako sa harap niya, baka sakaling makitaan niya ako ng potensyal sa pagkanta (bwahahahahahahahaha).
Kung hindi mo pa siya napapakinggan, ito ang isa sa mga paborito kong kanta niya.
DAY 4: SIR DAN PALAMI
Dahil baka matsismis pa ako kung isa sa mga Azkals ang pipiliin ko, si Sir Palami na lang ang isasama ko. Pero sa totoo lang, siya naman ang puno’t dulo nang lahat. Kung wala siya, malamang wala din ang Azkals at baka isang malaking question mark ang tumubo sa ulo mo kung babanggitin ko ang Phil Younghusband o Neil Etheridge sabay sabi na “never heard….”. Hindi ako die hard football fan kaya hindi ko kayang ienumerate kung anu-ano ang mga pinagdaanan ng Philippine National Football team bago sila makarating kung nasan man sila ngayon. May mga nagsasabi na overrated daw ang Azkals at lagi na lang natatalo at nauuwi sa pagsosorry sa mga fans nila via twitter ang ilang games. Buti na lang hindi sila si Dan Palami. Buti na lang may Dan Palami na walang kasing haba ang pasensya, tiyaga, at pagmamahal sa football at sa buong team. At dahil gusto kong magpasalamat at icongratulate ang taong hindi sumuko sa mga panahong malamang ay sinukuan na ng mga tulad ko, magsisimbang gabi kami ni Sir Palami. Puto bumbong and bibingka are on me!
DAY 5: MY FUTURE EX-CRUSH
Kahit na alam kong hindi niya mababasa ‘to, ayokong magname drop dahil baka may magtsismis sa kanya at magfeeling siya. Pero hindi siya dapat magfeeling dahil alam ko na makakaget-over din ako sa kanya in the near future *kidlat*. Nagkataon lang na gusto kong magsama ng taong kilala talaga ako sa listahan na ‘to para malito ako kung ano ang reality sa panaginip. Bukod sa alam kong mas seryoso siyang tao kesa sa’kin pagdating sa pagsisimba, sa tingin ko maaaliw naman akong kasama siya. Mukhang nakakatuwa naman siya tapos may bonus pa akong kilig to the bones na moment. Sa records ko, siya na ang pinakamatagal kong naging crush, at matagal ko nang sinasabi sa sarili ko na kung nakilala ko lang siya nang mas malalim, sigurado ako, as in sigurado ako *kidlat* na hindi ko siya naging crush. At perfect moment na magkakilanlan kami nang mabuti habang hindi pa sumisikat ang araw, sa harap ni Papa God, kasama ang aroma ng puto bumbong. P.S. Kung mag-uuwi siya ng puto bumbong para sa mga kapatid niya, sigurado ako na matotouch ako at magiging fail ang plano kong magmove-on. Please see Day 9 (alternative ending).
DAY 6: RAMONA BAUTISTA
‘Yun ay kung mahahanap ko siya.
DAY 7: ROOMMATES NI JESS SA “NEW GIRL”
Hindi pa ako gagraduate sa school year na ‘to pero graduating na ang standing ko sa school records ko. Mahabang kwento pero dahil nga graduating ako, medyo nakakatrauma ang stress ng sem na ‘to. Isang malaking sign ang hindi ko pagtambay sa library namin (library=ang lugar kung saan ako natutulog at kumakain). Hindi ako masyadong nakanood ng tv na kahit TFC shows ay hindi ko na nasubaybayan. Pero totoo pala na kapag gusto ay may dahilan. Pinanood namin ang pilot ep ng New Girl dahil bida si Zooey Deschanel (si Summer sa paborito kong 500 days of Summer). At tadum!! Naaliw ako ng sobra sobra. Simula nun, kahit na gaano ako kabusy, gumagawa ako ng paraan para lang makanood ng bagong episode. Basta, aliw ‘to. Simple lang ang story at natural lang ‘yung mga characters. Parang ang saya maging si Jess, at dahil inggitera talaga ako, gusto ko ‘yun mafeel kaya magsisimba kami ng mga roommates niya.
At ito ang isa sa mga paborito kong scenes sa New Girl (note: ‘yung naka-red shirt, pinalitan na siya ng ibang character the next episode):
DAY 8: PATTY LAUREL
Rewind to 2006. Isa ko pang malaking karibal si Patty Laurel kay Atom level lang. Pero dahil wala siyang kasing cool, ang hirap mainis sa kanya. Forward to 2011, nagbreak na sila. Hindi ko alam kung parte ba ‘yun ng moving on phase ni Patty pero minake-over niya ang blog niya. Hindi ko din alam kung bakit pero simula ‘nun lagi ko ng chinecheck kung may bago ba siyang blogpost. Nakakaaliw na kahit hindi kami magkasing-sosyal, magkasing-kinis,at magkasing-cool, never akong na-o.p. sa mga posts niya. Kung irereincarnate ako, gusto kong maging isang Patty Laurel. Mahilig siya sa mga bata, at kailangang kailangan ko ng pasensyang meron siya para hindi ako maging isang bitter na matandang dalaga wag naman sana o super boring na nanay. Ang tindi ng powers niya sa pagdadala ng damit na kahit nasa disyerto siya (true story!), mukha pa din siyang fresh na fresh at bagong ligo. At ang maganda pa dun, ‘yung mga sinusuot niya, hindi tipong sa fashion shows mo lang makikita o ‘yung pang-prod number sa ASAP o sa Walang Tulugan. At higit sa lahat, ang major reason kung bakit gusto kong maging isang Patty Laurel ay dahil andami-dami na niyang narating sa buong mundo at isa siyang mother packer (true story uli!). Kaya magsisimbang gabi kami para makakuha ako ng tips sa maraming bagay dahil sigurado naman ako na hindi ako irereincarnate ni Papa God sa lalong madaling panahon kaya hindi matutupad ang wish kong maging isang Patty Laurel.
DAY 9: PROFESSIONAL HECKLER
Dahil masaya ang naging simula ko with Sir RB, mabuti pang tapusin ko ang simbang gabi mission ko with Heckler. Ngayong 2011 ko lang siya nakilala, at nagsisisi ako kung bakit ngayon ko lang siya nakilala *insert ♬Bakit ngayon ka lang.. bakit ngayon kung kelan ang puso ko’y ♬..* Pero seryoso ako, kung may twitter ka and/or mahilig magblog-hopping, ‘wag na ‘wag mong kakaligtaang bisitahin si Heckler. Matatawa ka na, mauupdate ka pa sa news at current events, minsan pati showbiz intriga! Bihira na niyang gawin, pero tuwing Sabado, meron din siyang interactive activity para sa followers niya, ang QUIZtion. Kung katulad kita na hayok sa 3 second fame at may pagkacompetitive ang dugong dumadaloy sa’yo, maeenjoy mo ‘yun. Take note: hindi siya pipitsuging labanan, dahil mga bigating tao ang makakalaban mo. When I say bigatin, I mean mga taong nakikita sa tv! Sikreto kung sino.
DAY 9 (ALTERNATIVE ENDING): FUTURE EX-CRUSH (one more chance ang drama)
Ito ang alternative ending kung hindi ko maoovercome ang kilig nung Day 5. *since di ko din naman mahahanap si Ramona, iuusod ko ang schedule, matupad lang ‘to (wahahahaha)*
Kung tutuusin, ito ang magiging unang beses na makukumpleto ko ang simbang gabi. Unang beses din na matutupad ang wish ko sa simbang gabi.
December 5, 2010. Wala pa akong kamalay malay na gumagawa na ng history ang Azkals sa Hanoi nung araw na ‘yun. Habang nagpapakalunod ako sa mga libro at notes ko para sa finals, unti-unti na palang nakakaahon ang Philippine football sa akala na ng lahat na palubog nang bangka ng pagkapanalo kahit wala silang salbabiba, lifeboats, sagwan, at arkiladong lifeguards.
Dahil maaga pa ang pasok ko bukas at kailangan ko nang matulog, to follow na lang ang blogpost ko para sa Azkals. Sa ngayon, isang simple pero bonggang congrats at salamat muna sa Azkals, kay ex-coach Simon McMenemy, sa lahat ng hindi sumuko sa national team, at kay Sir Dan Palami. Kung may powers lang ako, hindi ko lang itetrending topic kundi idedeklara ko pa talaga na National Azkals Day ang araw na ‘to (I-holiday na ito Mr. President!)
Hindi ako magaling at lalong hindi ako mahilig magregalo kahit na sa pinakakaclose ko pang mga tao. Para patas lang, hindi din ako mahilig humingi at magparinig ng gusto kong matanggap na nakabalot mula sa ilalim ng christmas tree mula kay Santa, sa mga magulang ko, sa mga imaginary kong ninang at ninong, o sa kapitbahay namin.
Pero para sa kapakanan ng mga taong sadyang naguumapaw ang kadakilaan at kabutihan at magkukusang-loob na isama ako sa listahan nila ngayong Pasko, eto ang partial wish list ko (in no particular order):
“Si Amapola sa 65 na Kabanata” ni Ricky Lee
image from the internets
TOMS gutoms (ayan specific design pa yan, size 5 1/2)
image from www.toms.com
Isang bonggang bonggang coffee maker – gagawaran kita ng freedom of choice, kahit anong brand, color, at special features, basta makakasalok ako ng isang baso ng kape anytime, oks na!
“The Best of Chico and Delamar’s The Morning Rush Top 10″
image from the internets
Kahit anong album ng Eraserheads
Azkals jersey (kahit anong number at last name ang nakasulat, gusto ko surprise!! #artelang)
THE “girlfriend ako ni Ramon Bautista” shirt
image from http://ramonbautista.tumblr.com
Got 2 Believe DVD – ‘wag kang masyadong manghusga, pero kung 1 gazillion times mo nang pinanood ang “Harry Potter” o “Twilight” kaya achieved mo nang irecite kahit natutulog ang mga linya ni Harry the Potter at ni shining shimmering splendid Edward, ito ang sarili kong movie of all time na saulado ko ang mga dialogue.
Antivirus package para sa 3 computers
Kahit anong nakakatouch o nakaka-emo na kaartehan (e.g. slideshow ng mga pictures with madramang background music)
P.S. Nakakaaliw palang maglista ng mga gusto kong matanggap na regalo. Kahit na parang lokohan lang, parang napa-excite ko ang sarili ko. Try mo! Advanced cyber high five!
P.P.S. Alam ko at nating lahat na hindi totoo si Santa, kaya kapag sinabing Dear Santa, codename lang yung Santa para hindi masyadong paobvious kung sino ang pinapatamaan. ’Wag maging insensitive, give love on Christmas day ( just remember, it’s better to give than to receive.)
P.P.P.S. Hindi talaga ako mahilig manghingi ng regalo. Ang blogpost na ‘to ay parte lang ng peer pressure at trip na makiuso. Walang basagan ng trip! Advanced Merry Christmas!!!!