Iimbak

Buwanang Imbakan: Enero 2012

Crush kita.  Please reply.
Syempre chos lang ‘yan.  Hinding hindi ko sasabihin (directly) ‘yan sa’yo.  At itataya ko ang buhay ni Justin Bieber, sigurado ako na hinding hindi din ‘yan sasabihin sa’yo ng mga kaibigan ko.  Kaya kung iisipin mo na para sa’yo to, ikaw ang siguradong talo.  Mantakin mo, nag-assume ka, tapos ako, eto, walang kamalay-malay na binabasa mo din pala ang blog ko.

Pero FYI hindi kita naging crush dahil kumikinang ka at nag-stand out sa classroom nung una tayong nagkita.  ’Di ka masyadong artistahin, kaya ‘wag magfeeling.  Pero ok din ‘yang itsura mo, tipong piling tao lang ang makakaappreciate, ‘yung mga tao lang na makikilala ka talaga.  Safe ‘yang ganyang aura.  Pang true love. (ansabe?)

Bukod sa mga chem lab ko, ang pinaka-memorable class ko sa diliman ay ang GE (Gen Ed) na naging classmates tayo.  Sa dami ng estudyante sa school natin, sa dami ng pwedeng kuning GE, at sa chaos ng registration process sa lahat ng subjects, nakakaaliw na classmates tayo sa dalawang magkasunod na klase. Never nangyari sa’kin yung ganun bukod sa mga sem na pinagplanuhan talaga namin ng mga kaibigan ko ang sched namin.  Kaya no choice naman ako noon, di ba, kailangan kitang i-friend dahil mukhang hinulog ka talaga ng langit para ‘di ako maging loner at nasa phase pa kasi ako nun na bumubuo ng connections at circle of cheatmates.

At naging friends nga tayo.

Hingian ng yellow paper, tanungan kung anong “bagyo” ang nagaganap sa buhay acad natin sa isang major subject na pareho tayo ng teacher (pero magkaibang class period) habang nagmamadaling maglakad papunta sa building ng GE class natin, batian kapag nagkakasalubong kung saan man, kopyahan ng post lab, at kung anu ano pa.

Nang biglang gumuho ang idea ko ng friendship.

Masyado kang nakakaaliw.  Never kang nailang na lagi tayong sabay maglakad/magjeep papunta nga dun sa GE natin.  Well, dapat naman talaga na sumabay ka sakin dahil nga iisang klase lang naman ang panggagalingan natin bago ‘yun.  Nasabi mo pa noon na magaling naman akong magsulat in English dahil nabasa mo ang blog ko.  At kahit kababawan lang, natuwa akong hinintay mo ako minsan sa labas ng building (kahit isang beses lang ‘to) para lang manghiram ng readings.  Napahiya ako sa’yo nun dahil nauwi sa wala ang pagpasok mo ng maaga dahil ‘di ko pala dala ang readings na hihiramin mo kaya pareho pa tayong nanghiram sa classmate natin.  Kahit fail ako nun, nafeel ko naman na baka ako ang favorite mong classmate dahil alam kong may iba ka pang kakilala na pwede mo namang hiraman.  At aliw lalo nung napadaan ka sa tinambayan kong table sa MB (Math bldg) at nakiupo ka pa kahit na may klase ka pang papasukan.  Umalis ka saglit pero bumalik ka uli pagkababa mo ng bag mo sa classroom n’yo at nakipagkwentuhan ka muna sa’min ng kasama ko dahil sabi mo wala pa naman ang prof mo.

At ayun, hindi ka na normal na classmate sa paningin ko.

Wala kang kaalam-alam na ayoko na kitang makita noon.  Pero pang-asar ka pa dahil lagi kitang nakikita kahit ‘di ko naman pinaplano.  Sa SC (Shopping Center) kahit sobrang gabi na, sa Teletubby land, sa MRT, sa library, sa labas ng tambayan ng inaapplyan kong org.  ’Di ka din pumapalya sa tuwing winiwish ko sa sarili na sana makita kita.  May nakatabi ako minsan na weirdo sa bus mula sa may amin sa Cavite at nagkataon na sa Shaw Blvd ang punta niya kaya sumabay siya sakin hanggang mag-MRT ako, kinakausap niya ako kahit na obvious na nagrereview ako at feeling close ang mga tanong niya.  At dahil natakot ako nang sobra, gusto kong makita ka kahit nakatalikod man lang pagdating ko sa school (finals week ‘yon at kailangan kong mainspire nang bongga).  At pagkalikong pagkaliko ko sa Chem bldg, nandun ka sa kabilang side ng kalye at kumakaway sa’kin.

At nakakaasar pa na assuming ako at nagkataon na pa-fall ka naman.  Tapos bakit kailangan lagi kang nakangiti? Di bale ba kung kaya kitang isnabin e.

Ang weirdo ko na natandaan kong lahat ng yan.  Kasalanan mo ‘yan.

Kahit ‘di halata, farewell letter na ‘to dapat.  Gusto ko sanang magpagupit dahil ‘yun daw ang sign kadalasan pag may pinagdaanang matindi (matindi talaga? ang char ko) ang isang girlet at start na ng new phase daw ng buhay niya, kaso mahal magpagupit dito kaya eto na lang ang ginawa ko.  Instant blogpost.

Kung mabasa mo man ‘to o mabasa man ‘to ng sinumang kaibigan mo din, uhm, e ‘di, buking na ako.

2012 na kaya game na game ako sa hamon ni idol Ramon na umamin na dahil baka magunaw na ang mundo.  ’Di ako umamin technically, pero ‘yan na ‘yon.

Matuwa ka dahil choosy ako at pumasa ka sa standards ko.  Congratulations!

Goodluck sa buhay.  ’Wag na ‘wag ko na sanang mabalitaan kung sakaling mahanap mo na si the one.

Dahil sobrang haggard week na agad sa school (take note: 3rd week pa lang ng sem… *kill me now…. syempre chos lang*) at masama ang pakiramdam ko, ‘di ako magbablogpost nang mahaba.  Kaya eto na lang ang isang nakakagood vibes na kanta (well yung meaning ng kanta ‘di masyadong masaya).  Kung may kakanta neto sa’kin, kikiligin ako.  Pero ‘yun ay kung crush-able siya, kapag medyo masakit siya sa mata, syempre makicreepyhan ako #choosy #walalungs.  Enjoy!

Eric Hutchinson is love.

Nung umuwi ako sa Pinas nung isang taon, bukod sa tanong na “marami bang gwapo dun?” at “magkano iphone dun?”, karamihan sa tanong ng mga kaibigan ko ay kung paano daw ba ang buhay estudyante sa Sweet Home Alabama, specifically sa school ko ngayon, sa University of Alabama at Birmingham (UAB).

Hmmm. Sakto lang.  Hindi nakakabigla at nakakatunaw ng internal organs, pero hindi din naman buhay petix hanggang grumaduate.  Sakto lang.

‘Di gaanong kalakihan ang school namin.  Imagine: DLSU-Taft.  Hindi kami ‘yun.  Now, imagine: DLSU-D (kung hindi alam kung ano/saan ‘yan, I-GOOGLE!).  ’Yan kami.  Magaling daw ang school namin sa medical courses.  Feeling ko naman totoo ‘yun.  Maraming buildings pero hindi masyadong challenging ang layo sa isa’t isa (depende kung laking aircon ka at hindi marunong maglakad ‘pag more than 20 steps).  Walang gate at bakod sa buong school, diretso mga bahayan na at mga pinaglumaang building at bodega kaya bawal mag-angas-angasan.  May mga puno at damuhan, pero walang Sunken Garden (oo, ‘yun ang habol ko talaga e).  Kung ire-rate, 3 out of 5 ang ganda ng school namin.  Sakto na din.

mukhang ang ganda ng school namin. tandaan, madali lang magphotoshop (char) (picture from the internet)

Sa building namin, walang bell kaya depende sa konsensya ng teacher kung 1-to-sawa ang lecture-ran.  Pero syempre, on time sila magpalabas, kung kailangan talagang mag-extend, halos makiusap pa ‘yung ibang prof.  Puro bintana ang classroom kaya minsan ang hirap iwasang ‘di mapatitig sa may bintana para mag-abang nang mahuhulog mula sa kalangitan.  Pinakapaborito kong spots ay ang computer lab at ang banyo: parehong pwedeng kainan sa sobrang linis pero mas exciting sa complab dahil dun bawal ang kumain.  Ok din ang lobby dahil malambot ang mga upuan at pwedeng magcharge ng laptop, cellphone, at ng utak.  Four out of 5 ang building namin.

Konti lang ang kumukuha ng course ko (Materials Science Eng’g as in eng-eng joks).  Mula 2nd yr hanggang x years bago grumaduate, kadalasan sila-sila din ang magiging classmates mo kaya mahirap i-syota ang isa or kahit more tapos ibe-break mo after 1 week.  Mababait naman ang magiging classmates mo, ngingiti sila kung ngingitian mo sila.  Hindi masyadong uso ang kopyahan at team work sa assignments at take home exams, kadalasan ‘yung kaclose mo lang ang kabonding mo.  Pero kung mabait ka, kadasalan gumaganti ‘yung biniyayaan mo ng kabaitan: instant OT (old testaments).  Sa usapang fashion, as usual, may angat sa iba (dahil parang mowdel o kaya dahil overdressed), maraming simpleng tshirt at pantalon lang buong sem, at syempre merong halatang lutang, example: nakaboots dahil winter pero nakashort shorts.  Extremes ang mga tao, kapag matalino, sobrang talino, kapag tamad, sobrang tamad, kapag gwapo, sobrang gwapo (‘yun nga lang taken na, mas masaklap dahil normal ang engaged).  Gets mo na ‘yung kabilang end ng spectrum.  Sa kabuuan, 3.5 out of 5 ang mga tao sa paligid.

Karamihan sa mga subjects ay 2 beses kada linggo, ‘pag minor, minsan 3 araw.  Madalas may homeworks lalo na kung may kinalaman sa numbers ‘yung klase.  May website na pasahan ng assignments, minsan isusulat dapat sa papel at ipapasa in class, pero minsan kapag malakas ang trip ng prof, ipapatype ‘yung homework tapos ii-email sa kanya.  Sanay na ako dun sa panghuli, dalihan ba naman kami ng ganun ng isang prof na ang tanong lagi sa hw ay puro nakakatraumang formula at ke-habang  calculations ang involved (sukdulan!!).  Two to 3 ang exams tapos may finals pa.  Minsan, may written report and/or presentation kapalit ng finals.  Kapag mapagbigay ang teacher (madalas ‘to sa Calculus), tapos medyo bagsak ka sa exams, pwedeng sagutin at isubmit ang bagong sagot with solution para makakuha ng 1/2 ng kung ilang points ang halaga ng question na ‘yon.  Pwede ding gawin ‘yan minsan sa mga formal reports.  Hindi graded ang recitation lalo na pag major subjects.  Walang board work at ‘di masyadong uso ang class activities, paborito ko pa naman noon sa diliman ‘pag may buwis-buhay na pacontest sa classroom kapalit ng bonus points.  May attendance at kadalasan 6 absences ang limit bago bumagsak.  Bihirang macancel ang klase nang biglaan kahit magpanobena pa ang kahit sino.  Hindi ko ma-rate ang hirap ng acad load, depende pa din kasi sa subject at sa estudyante.

Generally, madaling makapasa sa bawat klase.  Lalo na kung may effort talaga (may pa-epal din naman na subjects syempre).  Sobrang approachable ng mga prof at karamihan sa kanila, laging available kung gusto mo ng madibdibang pag-uusap sa office nila o kahit gusto mo lang ng mapaghihingahan ng sama ng loob.  Marami ang willing magbigay ng study guide at kopya ng lumang exams.  Kadalasan sila na din ang magpiprint ng handouts (kung konti lang ang estudyante) at kung sadyang nakasakto ka talaga sa galanteng teacher, bibigyan ka pa ng binder.  Ok lang din sa kanila ang mag-usod ng deadline (‘yun ay kung lahat kayo ay magmamakaawa).  Meron pa akong naging teacher noon na pumayag sa wish ng classmate ko na sa ibang araw na lang siya mageexam dahil may isa pa syang exam sa parehong araw ng scheduled exam date sa klaseng ‘yun.  Ok din ang ganitong setting sa isang banda, pero alam kong iba pa din ang challenge kapag walang masyadong spoonfeeding, tipong matutuyuan ka talaga ng dugo at pawis makagraduate lang.  Pero kahit feeling ko medyo O.A. minsan ang kabaitan nyo, 4 out of 5 pa din kayo mam and sir.

Wala akong masyadong alam sa extracurricular activities at social life sa school namin.  Sa sagot lang na library sa tanong na saan ang paborito kong tambayan, ‘di ko na kailangang magexplain.  May mga orgs at frats pero hindi masyadong big deal.  May concerts at shows pero hindi rin masyadong big deal.  Walang malakihang events sa school na mapipilitan kang maki-join dahil mukhang masaya or dahil alam mong masaya talaga.  At ang pinakaayoko sa lahat ay walang party/celebration, kahit man lang sa loob lang ng classroom, sa last day ng klase: pizza? games?nakakaiyak na message para kay mam o kay sir? GROUP PICTURE?? O c’mon!!! WALAAA??? One out of 5.

Syempre, lahat ng sinabi ko ay base lang sa course ko at, um, siguro sa takbo ng utak ko.  Matitino naman ang mga graduates ng school namin at feeling ko naman matino ako (kaya gagraduate na ata ako, sa wakas!).  All in all, ok din na experience ang mag-aral dito o sa kung alin man sigurong school sa labas ng Pinas kaya thankful pa din ako na nandito ako.  Wala namang pangbubully na naganap o malawakang adjustment sa lifestyle at prinsipyo sa buhay, ‘yun nga lang napapasabak talaga ako sa inglisan.  Pero syempre kung papipiliin pa din ako, mas gusto ko pa ding mag-aral sa Pinas (College #ItsMoreFunInThePhilippines).

P.S. may kamalasan ata akong taglay dahil kung nung nasa Pinas ako, kulelat sa basketball sa UAAP ang school ko, ngayon talunan uli ang school ko pagdating naman sa kinamamatayan nilang American football.  But take note, dragon ang mascot namin, fierce! Medyo palangiti nga lang siya ng konti.  So semi-fierce.

Balik-eskwela na uli bukas.  Panibagong adventure na naman.  Dahil alam kong umaatikabong pakikipagbuno na naman laban sa acad gods ang magsisimula bukas, pinag-isipan kong mabuti kung paano uubusin ang nalalabi kong araw bago bitayin bilang bum.  Kailangan special.  Kailangan ‘yung di ko pa nagagawa o ‘di ko madalas gawin.  Nag-brainstorm sa tulong ng mga imaginary friends.

Last 3 days ng bakasyon grande ko sa loob ng kwarto.  Hindi ko naman tinatuan ang balakang ko.  Hindi ko kinulay-kulay ang mga damit sa drawer.  Hindi ako nagpa-slumber party for my girlalush classmates para magkulayan kami ng kuko at maghampasan ng unan.  Hindi din ako nakipag-inuman with mother dearest buong araw.  At, salamat sa diyos, ‘di ko naman naisip na bilangin ang hibla ng buhok ko o imbitahin ang kapitbahay namin para tanggalan siya ng ingrown. Last 3 days ko bago makipagreunion sa mga classrooms at prof ko, nagbasa ako.  Nagbasa ako ng libro.  Librong hindi e-book ha.

Isang libro bawat araw.  Isang araw kapiling ang isang libro.  Sumobra pa tuloy ako sa quota ko na 2 libro kada taon.  Medyo nakalimutan ko na pala talaga na masayang magbasa ng libro, ‘yun nga lang relative talaga ang definition ng ‘masaya’.  Pero ok din na pinili kong magbasa na lang sa tatlong araw na ‘yun, tipid gastos, hindi ako nagutom buong araw, tapos pakiramdam ko may nakakwentuhan akong mga taong ‘di ko naman talaga kilala sa totoong buhay pero mga mas cool pa sa pinagsama-samang lolo nating lahat.  No regrets!

Gusto kong pasalamatan ang mga ate ko na masyadong workaholic kaya napatambay at napasarap ako sa bookstore noon kakahintay sa kanila.  Nag-feel-at-home ako dun sa shelves ng mga libro na sinulat ng mga Filipino.  Racist ata ako, pero mas trip ko kasi ‘pag Pinoy ang sumulat.  Mas nakakarelate ako, lalo na sa sense of humor.  Saka syempre abot langit kasi ang bilib ko sa kanila.  Sa kanilang nagtagumpay sa pangarap kong medyo matagal ko na ding iniilusyong matupad.  At syempre, dahil nga ‘di ako kagalingan sa English.  Alam ko lang basic grammar pero ‘pag usaping metaphors at kung anu-ano pang may kalaliman na, unang word pa lang, sampung puting bandera na ang winawagayway ko.

Aprub na aprub sa’kin ang mga librong sinamahan ako bago man lang ako angkinin ng buhay acad bukas.  Isang masigabong palakpakan from me and my imaginary friends and thank you!

  1. PEKSMAN [mamatay ka man] NAGSISINUNGALING AKO [at iba pang kwentong kasinungalingan na di pa dapat paniwalaan] ni Eros S. Atalia
  2. Para kay B ni Ricky Lee (pangalawang beses ko na ‘tong basahin)
  3. Ligo na u, Lapit na me ni Eros S. Atalia

To follow na lang ang maiksing review ko sa kanila.  Gabi na at may pasok pa ako bukas.  Pero kung ‘di ako makakatulog, bahala nang mapuyat, makapagblog lang.  Pero pramis, kung kaibigan kita at alam mong magkikita tayo in the near future, pahihiramin kita ng mga librong ‘to (paalala mo lang) at kung nasaktuhan mong galante ako ‘pag nagkita tayo, konting biro mo lang, bibigay na ako at ibibili kita ng sarili mong kopya.  Hanggang dun ko kayang ipusta na maaaliw ka sa mga librong ‘to.

At dahil patapos na nga talaga ang sembreak ko, this song is for me kahit na wala naman akong pag-aalayan ng kanta dahil wala akong kakilala o classmate na Kim ang pangalan.

 

Ayokong sabihin ang pangalan ko kasi medyo nalalandian ako sa pangalan ko.  May nickname ako pero medyo special ang turing ko dun (kahit na ‘yun ang tawag sa’kin ng lahat ng nakatira sa eskinita namin at lahat ng kakilala ng mga magulang ko sa barangay namin).  Kapag nakilala kita at after 147 years ay sinabihan kita na “____ na lang ang itawag mo sa’kin”, ibig sabihin winner ka dahil close na tayo.  Kung kaibigan kita at ‘di mo maalalang sinabihan kita ng ganyan, malamang sa hindi, nag-assume ka lang na close na tayo (hahaha joks lang).

Masyado akong madaldal, ‘yun ay kung in Filipino ang usapan.  Kapag nagkukwento ako, madalas madaming segway at kung anu-anong walang kinalaman sa topic kaya bihira ako manalo sa mga essay writing contest at kaya iniiwasan ng mga ate ko na magpakwento ng kahit ano sa akin.  ’Yun din ang dahilan kung bakit feeling ko hindi ako pwedeng maging teacher kung 50 minutes lang per meeting, maging sub ni father sa paghohomily, o sumali at magtagumpay sa speed dating.  Mahilig din akong tumawa, online at sa personal.  Hindi ko kayang magcomment o magreply sa tweet ng walang HAHAHAHA, BWAHAHAHAHA, NYAHAHAHAHA o WAHAHAHAHAHA.  Ganyan din ang kaso sa totoong buhay, mas madami nga lang variations kaya mas nakakaaliw ako sa personal.

Mahilig ako magbasa, pero dinadatnan lang ako ng pagkahilig.  Depende kung may oras at kung wala talaga akong magawa.  Dati full-time bookworm ako, ‘yun ay nung wala pa akong kamuwang-muwang sa internet na simpleng paggoogle ng assignment tungkol sa  buhay ni chukchakchenes o ng kungsinumang cheverlu at mga makabuluhang define ganyan at ganito para sa reporting sa klase ay inuutos ko pa sa mga ate ko na icocopy-paste lang naman ang unang lalabas na entry.  Ngayon, mga 1 or 2 libro lang ang natatapos ko kada taon.  Kadalasan mga libro na isinulat ng mga Filipino.  Mas madali kasi makarelate saka medyo engot ako sa English.

Magaling ako sa Math.  ’Yun ang sabi ng mga teachers ko nung elementary at high school.  Sa kasamaang palad, ‘di naabisuhan ang mga naging prof ko sa diliman tungkol ‘don.  Paborito ko ang trigo at calculus nung highschool ako.  Nung nagcollege ako, naging paborito ko ang turon habang nagmamadaling maglakad papuntang MB (Math Building).  Naipasa ko ang Math 17, 53, at 54 pero aminado ako na naubusan ako ng dugo at nalusaw ang pagtingin ko sa mga numero dahil sa kanila.  Pasang-awa pero pasado pa rin ‘yun.  Medyo engot ako sa English, pasintabi sa mga naging prof at classmates ko nung college, kaya kailangan ko talaga ng excuse para isalba ang sarili ko: gusto ko pa ring ideklara na magaling ako sa Math, kahit man lang sa Math sa labas ng mundo ng diliman.  Pagbigyan n’yo na ako.

Dati akong Chemistry major sa diliman pero dahil gusto ni ermat at erpat, nangibang-bansa pagkatapos ng 3 sem na pakikipagbuno at pakikipagbonding sa mga taong nakaka-uno kahit hindi napasok o nagnonotes, taong mukhang hindi nagsusuklay pero walang kasing cool at kasing saya kasama, at mga hs valedictorian at ipinagtatayo ng rebulto sa probinsya nila pero naghihikahos para maka-tres man lang o makaget-over sa malupet na kapalarang singko.  Ngayon ay nagbabakasakali naman akong maging isang engineer balang araw.  Pero mahal na mahal ko pa rin ang Chem at ang IC (Institute of Chemistry) with all my heart.

Mahilig akong uminom ng kape, kahit saan galing, kahit matabang, basta kape.  Paborito ko ang adobo at sinigang.  Hindi ako kumakain ng peanut butter at okra, kahit isawsaw ko pa ‘yung pangalawa sa una.  Mahilig ako kumanta pero hindi ako magiging singer kasi hindi ako kasing ganda ni Anne Curtis.  Ayokong may umiinom sa baso ko, kung hindi ako nakatingin, pwede na din.  Kaya kong mabuhay sa itlog at cup noodles.  Paborito ko ‘yung pinakasimpleng burger sa McDo.  Nakakainis kasi wala ‘yun sa menu ng McDo dito.  Paborito ko din ‘yung McFlurry Oreo kahit na alam kong dinurog na Hi-Ro lang ‘yun minsan.  Gusto kong sumayaw, wala nga lang chance.  Hindi ako naniniwala sa I love you at tawagang baby at mahal ko.  Naniniwala ako sa destiny at sa mga signs, lalo na kapag gusto ko talagang mangyari ang isang bagay.  Mahilig akong manood ng proposal at wedding videos.  Tinetesting ko ang kacheesyhan at ka-emohan ko hindi para sa sarili ko pero para sa kasal ng mga ate at kaibigan ko in the future, goal ko ang hindi maiyak kapag wedding vows na o pigilan ang emosyon ko kapag nachakahan ako sa damit ng mga abay.  Ayokong maniwala sa first love never dies at sa mga sinasabing pangako ng kung sinumang pulitiko, actually kahit anong pangako ng kahit na sino, kahit na ikaw pa ang ultimate crush ko.  Gusto ko ng Cadbury Fruit & Nut, dulce de leche caramel cheesecake, at ng coffee crumble ice cream.  Ayoko sa mga lumilipad na ipis at sa mga masyadong nagmamagaling.  Gusto kong magkaroon ng bonggang coffee maker.  Gusto kong tumira sa Pilipinas.  Gusto kong magsulat habang buhay at gusto kong makatuluyan si the one.

Kanina, napagtripan na naman namin ng ate kong korean wannabe na magreminisce ng highschool life.  ’Di ako mag-eemote ngayon dito kaya ‘wag mangambang paiiyakin kita pero dahil alam kong mas nakakaengganyo talagang magbasa ng kahit ano (e.g. nobela, tula, love letter ni manliligaw/ka-MU/cuddle partner, notes sa Biology, o manual ng nabili mong camera na nakakaganda raw) kapag may background music, nagpost na din ako ng Youtube video sa ibaba para makantahan ka ni Ate Shawie ng “Highschool Life” habang nagbabasa.  ’Wag masyadong dibdibin ang lyrics (lalo na kung may bigla kang naalala) dahil baka hindi maka-get-over at masisi mo pa ako.

Mag-aanim na taon na simula nung grumaduate ako, pero hanggang ngayon nakakamiss pa rin ang highschool days.  Karamihan naman ata, hindi nakakamove-on sa buhay highschool nila.  Kung pa-highschool pa nga lang siguro ako ngayon, excited na siguro ako dun sa bagong pauso ng DepEd na K12 curriculum.  Mantakin mo, maeextend ng 2 years ang bonding moments n’yo ng mga kaibigan mong makakakuntsaba mo sa pageexperiment sa maraming bagay (e.g. hairstyle, bisyo, lovelife, extracurricular and other pa-epal activities, fashion style, music, at kung anu ano pang kaweirdohan at kabaliwan), makakagroup mo sa pagbuo ng pangarap (o ‘yung mandadamay sa course na kukunin para classmates pa din kayo hanggang college), at makakasama mo sa pagtransition mula sa pagiging batang uhugin at mukhang sabukot sa pagiging dalaga at binata na unti-unting magiging problema ang ayos ng buhok (at bangs), kung paano ang pinakamabisang paraan para mapansin ni crush o ng gustong ligawan, kung kanino kokopya  ng assignment (o exam), kung saan tatambay pagkatapos ng klase (o kung kelan aabsent para tumambay), o kung may tagos ba sa palda (at kung sino ang hihingi ng bulak na may hydrogen peroxide sa clinic at kung paano mo ieexplain sa nurse na hindi sapat ang isang bulak para makatanggal ng tagos nang hindi siya makukulitan at maiinis sa’yo).  ’Yun nga lang extra gastos talaga ‘yang K12 na ‘yan sa mga nagpapa-aral at pinapaaral ang sarili kaya malalim na isyu ‘to na hindi ko kayang i-blog nang seryoso.  Masarap lang isipin na sana nga mas matagal ang highschool life namin noon.  Sana tinanggal na lang ‘yung kinder (tutal isa lang naman ang naging kaibigan ko ‘nun) o binawasan ng ilang taon ‘yung elementary (tutal dun ata lumapad ang paa ko kakatakbo nang nakapaa para ‘di mataya sa sikyo at kakatalon nang nakapaa para magwagi sa chinese garter, 10/20, at kung anu-ano pang larong goma na may dinedeklarang mother).  Sana hindi na lang pala kami nagbakasyon noon tuwing summer o kaya sana naka-dorm kaming lahat sa loob ng campus para nasulit ‘yung maraming pagkakataon at bonding moments.  Kapos kasi e, alam mo ‘yon?

Pero swerte ko kasi kahit na sa tingin ko na bitin ang highschool days na binigay sa’min, nakahanap pa rin ako ng mga tunay na kaibigan na hanggang ngayon ay mga taong pinakamalapit  pa rin sa akin.  At namiss ko sila ngayon (‘yung mga madalas mag-online, medyo na lang syempre).  Pero kahit miss ko na kayo, ayokong humingi ng reunion kasi si Tyron Perez, ‘yung namatay na artista na bunga nung talent search na Starstruck, hingi daw nang hingi ng reunion.  Ayan, dedbol na ngayon.  ’Yang paghingi ata ng reunion ang modernong katapat ng pagkanta ng My Way.  Marami pa akong pangarap kaya kita kits na lang whenever, wherever.

dapat wacky na lang lagi ang class picture, mas makatotohanan kasi.. AT challenging!

Mag-aalas-nuwebe na ng gabi, hindi pa din ako naliligo.  Mamantika na ang buhok ko, para na namang nabanlawan ng expired na baby oil.  Teka, naeexpire ba ‘yon? Hay, tumatanga na ata talaga ako.  Nakakahiya sa Grade 2 teacher ko na halos ipusta ang buhay ng lahat ng classmates ko sa sobrang suporta sa talino at galing ko (daw) hanggang sa paggraduate ko sa elementary.  Patay na siya ngayon.  Sumalangit nawa.

Ang lamig ng tubig, nakakatamad tuloy maligo.  Ubos na pala ang shampoo na gusto ko, nakakatamad lalo maligo.  Sa totoo lang, lagi namang malamig ang tubig na lumalabas sa gripo namin at lagi ding walang laman ang plastic na lagayan ng paborito kong shampoo.  Hanggang ngayon, lagi ko pa ding nakakalimutang halos nasaid ko na nga pala ‘yung laman pero dahil wala namang sari-sari store sa bawat kanto dito sa Amerika kaya kailangan ko pa talagang pumunta sa grocery store, nirerefill-an ko na lang lagi ng tubig.  Nagbabaka-sakaling bumula pa din kahit sobrang diluted na nung “shampoo”.  Anak ng pating na lasing! nagamit ko sa isang sentence ang diluted.  Parang ang talino ko.  Pwede nang i-tweet at i-status sa facebook para ma-feel ng mga kakilala ko na nasa Amerika nga ako.   Sosyal-sosyalan kunwari.  Balik sa routine ko sa pagligo, ‘buti na lang swak na sa’kin ang kakarampot na “shampoo” kahit na halos umabot na sa beywang ko ang buhok ko sa haba.  Narinig ko noon sa tv na ‘yung buhok lang daw sa may anit ang dapat shinashampoo, tapos ‘yung icoconditioner lang ‘yung sa may bandang dulo.  ‘Yun daw ang susi sa mala-commercial model na buhok.  Syempre, sinunod ko naman.  Mapagpatol ako sa mga ganyang “sikreto” daw ng mga artista e.  “Sikreto” pero nirereveal naman nila on national television.  Ayun, sikreto na ng buong Pilipinas.  Hanep na ‘yan.

Hanggang ilan ba ang pwedeng maki-join sa isang “sikreto”? Dalawa: ikaw plus your bestest pal? Tatlo dahil ang bilang: ikaw, bff mo, tapos boyfriend mo kahit na ‘di naman  talaga siya nakinig nung kinuwento mo sa kanya? 1-to-sawa? Parang recruitment sa Katipunan, isang Katipunero magyayakag ng dalawang tropa, tapos ‘yung dalawang napa-oo nung unang Katipunero, tig-2 din sila dapat ng sesend-an ng friend request, tapos magtutuloy tuloy hanggang dumami? Shet.  Ang sarap sigurong maging loner.  ‘Yung alam mong wala kang utang na kwento sa kahit kanino kasi nga loner ka.

Sa totoo lang, wala akong reklamo dun sa mismong rate ng paglipad ng mga “sikreto” mula dun sa unang receiver.  E ikaw nga na nagmamay-ari nung mismong “sikreto”, ‘di mo kinayang itago lang dyan sa kaloob-looban mo, ‘yung pa kayang dinamay mo lang kahit na ‘di naman siya involved dun sa “sikretong” ‘yon? Tapos gegiyerahin mo ‘yung una mong sinabihan kapag kumalat na nga ‘yung “sikreto” mo? E kung nagwarning naman siya sa sinabihan niya ng “uy, sikreto lang natin ‘to ha”, may kasalanan pa din ba siya? Labas na dapat siya sa kaso na ‘to.  Dun ka sa next na sinabihan.  Or sa next.  Or sa next pa.  Kapag pagod ka na, subukang manalamin.  Kumindat sa sarili at tumango-tango.  Killer killer, who’s the killer.  Paborito kong laruin ‘yun nung bata ako.

Diyan dumadating ang self-assessment.  Ano bang uri ng mga kaibigan meron ka? Kapag sinabi kong kaibigan, hindi ‘yan ‘yung mga Facebook friends mo o ‘yung mga madalas mag-like sa profile picture mo nung nasaktuhan mo ang anggulo ng mukha mo at ang shade ng liwanag kaya nag-mukha kang artistahin.  ‘Yung tunay.  ‘Yung pwedeng interview-hin kapag namatay ka at magsasabi ng totoo, hindi ‘yung “mabait po siyang tao, sobrang caring, isang tawag or text lang, nandyan na kaagad”.  Well, may mga tao talagang ganyan, pero alam kong gets mo na ang point ko, ‘wag kang slow.  Kung ang tanging choice mo lang na masabihan ng problema at sikreto ay ‘yung mga tipong source ng lahat ng tsismosa sa barangay n’yo, panahon na para tingnan ang sarili at irecall ang mga ginawa mo o hindi ginawa sa buhay.  Birds of the same feather ang tawag diyan.  Kung ako sa’yo, magpapalagas ako ng balahibo at sasahimpapawid sa ibang ruta.

Hindi ko alam kung ano ang nagawa ko o kung naku-cute-tan sa’kin si Papa God pero nabiyayaan ako ng mga tunay na kaibigan.  ‘Yung alam kong makakapagpatunay (o pasisinungalingan) na mabuti akong tao kapag nanghingi na ‘yung simbahan ng mga pruweba kapag dumating na ‘yung punto na i-koconsider akong maging santo.  ’Yung hindi ako itsitsismis sa ibang tao.  ’Yung alam kung hanggang saan ang limit ng ka-share-share sa buhay ko.  ’Yung alam kung kelan dapat gumamit ng metaphors, ng salitang “tanga” na hindi nakaka-offend, ng realization sa loob ng isang joke, at ng codenames.  ‘Yung babatok sa’kin kapag may gagawin akong katangahan.  ‘Yung magpapalakas ng loob ko kapag may gagawin ako na sa tingin ko ay katangahan pero hindi naman talaga.  ‘Yung magpapaalala sa’kin kung ano ang kaibahan nung dalawang sitwasyon na ‘yon. Ganun.

Hindi pa din ako naliligo.  Actually, tinatamad lang ako.  Ang lamig kasi saka walang shampoo.

 

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 154 other followers