ouch!! it hurts.

Sabi-sabi na hindi daw madali ang buhay at walang perpektong istoryang ipinanganak sa mundong ito. Kumbaga parang mga player tayo sa isang video game, maraming kalaban sa daan, may freebies na makakatulong sa adventure, may bonus sa bawat challenge na nalamlampasan, pwede din namang magrestart kapag na-game over o ‘di kaya ay magpause muna at humingang malalim bago magpatuloy, mahabang biyahe patungo sa finish line. Dahil walang favoritism si God at nagreward naman siya ng iba-ibang anyo ng talento at galing sa bawat isa sa atin, nagpamudmod din siya ng iba ibang uri ng pagsubok na dapat nating harapin. Iba-ibang level ng difficulty depende sa overall power ng manlalaro. May mababaw para sa iyo, tipong kahit nakapikit at nakatali ang paa at kamay mo ay easy-ing-easy pa din, pero hindi para sa ibang players. Iba ako, iba ka, iba siya.

***********
Masasabi kong accident prone ako nung musmos pa lang ako. Isa sa mga paborito kong nguyain nung bata pa ako ay candy at ang pinakapaborito ko sa lahat ay ang Fox. Feeling ko noon ang mahal mahal ‘nun. ‘Yung tipong hindi ko nabibili sa tindahan sa tabi ng bahay namin. Kaya umaasa na lang ako sa pasalubong ng ate kong highschool pa lang noon. At dahil paborito ko nga, nang isang beses na uwian ako ng ate ko ng fox, dali-dali kong binuksan at nilasap ang tamis at sarap nito habang patalon-talon sa kama sa harap ng tv. Ang hindi ko alam, kapalit ng kasiyahang iyon ay isang ‘di makakalimutang pangyayari sa buhay ko. Sa isang iglap nagLQ kami ng Fox. Tinalikuran ko na ang pagmamahal ko sa kanya. Hanggang ngayon naaalala ko pa din kung gaano kasakit malunok ang isang buo at napakalaking candy na ‘yon.


****
*********

Lahat ng mga kapatid ko ay hindi nagdaan sa prep. Pero dahil may kapitbahay kami ‘nun na nag-enroll sa prep at nagkataong kalaro ko din siya kahit mas matanda siya sa akin, binalak ng nanay ko na isalingpusa ako sa klase niya. Hindi pa man dumadating ang unang araw ng pasukan, nagbago ang lahat. Isang araw, nautusan ako ng nanay ko na tawagin ang kapitbahay namin. Dahil masayahin at maligalig akong bata at isa sa mga paborito kong laro noon ang piko, nakipaglaro ako ng piko sa sarili ko habang nilalakad ko ang semento patungo sa pintuan ng kapitbahay namin. Kandirit. Kandirit. Blag. Sa kasamaang palad, nadulas ako at nabali ang braso ko. Napahiga pa nga ako sa isang batya ng nakababad nilang damit na nasa daraanan ko. Nang dahil lang dun, natulad ako sa mga ate ko, hindi na din ako nagprep pero naglaro pa din ako ng piko sa mga sumunod na taon ng aking kamusmusan.

*************

Tandang tanda ko pa noon na ang paborito kong ulam nung bata ako ay ‘yung pinangat na isda. Nagkakamay pa nga ako kapag ‘yon ang kinakain ko. ‘Yun lang ang ulam na nakakapagpatigil at nakakapagpauwi kaagad sa akin kapag tanghali galing sa paglalaro. Kahit na sabi ng mga ate ko ay mabaho daw ang aroma nito, wala akong pake. Pero hindi lamang ‘yon, lahat ata ng uri ng isda kinakain ko ‘nun. Ako na ata ang pinakahindi pihikang bata sa salinas noon. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, sinubukan ako sa pagmamahal ko sa mga isda. Tandang tanda ko pa ang nagpabago ng lahat, ang DINAING NA BANGUS. May unquotable quote pa ako ‘nun, “(nagwawalang iyak)Waah, mamamatay na ata ako nay, waah”, pagkatapos kong lumunok ng saging at uminom ng isang basong tubig nawalan talaga ako ng pag-asang lumaban. Isang nakakatawang gabi ‘yon para sa buong pamilya ko bukod sa kawawang ako. Nang malunok ko ang napakaswerteng tinik na ‘yon, nalaman kong may mas sasakit pa pala sa paglunok ng isang buong piraso ng candy.

*********

Marami pa akong nakakabaliw na karanasan nung bata pa ako. Muntik na akong malunod sa isang tabo. OO. Matinding takot ang naramdaman ko ‘nun, mas matindi pa sa totoong nalulunod sa malalim na swimming pool. Nastapler ko na din ang sarili kong daliri. Hindi ko naisip na malalabanan ng stapler ang hinlalaki ko, ayun at napaiyak ako ng sobra sobra. Naislide ko na din ang sarili kong tuhod sa zipper ng unan namin. Hanggang ngayon bahagya kong naaaninag ang remembrance ng araw na ‘yon sa tuhod ko. Nahulog na din ako sa hagdanan ng kapitbahay namin. Nahulog mula sa pinakaitaas hanggang sa dulo ng hagdan, para akong naging bola na kahit nandun ang mga kalaro ko at ang nanay nila hindi nila ako napigilan sa paggulong. Pero dahil pinagpala ata ako, hindi man lang ako nabagok o nagalusan, may kaunting pasa, pero ang mas kinabahan ako ay nabasag ko ang thermometer namin na balak ko pa naman sanang isauli na sa bahay namin. Nang dahil sa thermometer na ‘yon, hanggang ngayon walang kaalam-alam ang nanay ko sa nangyari sa akin. At dahil sadyang magnet ata ako sa mga kakaibang karanasan, kahit highschool na ako ay hindi ako nagpahuli. Natipalok na din ako sa hagdanan ng eskwelahan namin pero hindi ko alam kung may nakakita man o wala. Basta ang natatandaan ko, ‘yun din ang araw ng maganap ang kontrobersyal na Wowowee stampede.  Siguro signos ang pagkatipalok kong ‘yon.  Nalapnos ko din ang sarili kong kamay habang kumukuha ako ng mainit na tubig sa dispenser para sa instant noodles ko. Nagprom ako ng may bandage ang 1/4 ng kamay ko.

*********

Ayon nga sa pelikulang “Dahil mahal na mahal kita”,
‘ininsulto ni Cory si Mela, sinaktan ni Mela si Cory, hindi sasaktan ni Mela si Cory kung hindi ininsulto ni Cory si Mela, pero ano ang mas masakit? blah blah blah..’, mukha mang palaisipan pero ang nais ko lang i-relate sa katagang iyan ay hindi lang ako puno ng pisikal na sakit, may emosyonal na sakit din akong pinagdaanan, may seryoso pero mas marami ang hindi.

Isa sa maaaring papasa sa isusulat ko sa slumbook sa most embarassing moment, bukod sa SECRET, ay nang minsang mapahiya ako sa program ng Linggo ng Wika o Buwan ng Nutrisyon nung Grade5 pa lang ako. Sa loob ng isang gabi, kailangan kong saulohin at dibdibin ang isang tulang tungkol sa mga prutas (lalo akong nalito ngayon kung ano nga ba ang okasyon at bakit kailangan kong tumula). Hanggang ngayon alam na alam ko pa ang unang linya ng tulang ‘yon, Manggang manibalang na katakam-takam at dahil alam na alam ko ang unang linyang ‘yon, ‘yun lang ang naitula ko sa harap ng buong eskwelahan namin. Nakatatlong ulit na palakpak ang mga tao sa akin, pero mas lalo akong nablanko. At upang maging malala ang lahat, pumanik ang teacher ko sa backstage at pilit ibinulong ang bawat linya ng tula sa akin. Ang masakit nga lang ‘nun, hindi man lamang siya nagtago ng kahit kaunti. Umiyak ako sa banyo ng classroom namin pagkatapos.

Pero isa sa pinakamasakit na araw para sa akin ay nang umapak ako sa pintuan ng airport at dumaan kay mamang guard ilang buwan na ang nakakaraan dala dala ang isang maleta at isang backpack na puno ng ala-ala. Masakit man, halos 2 minuto lang ako umiyak ‘nun. Napansin kong mas mailap ang luha kapag mas matindi ang sakit na tumatama sa akin.

******

Simple man o malalim, ano mang anyo ng sakit at pagsubok ang madaanan natin, magsilbi nawa itong aral, extra life, dagdag sa power at battery ng bawat isa sa atin sa laro ng buhay. Hindi man natin ito malagpasan o matapos, hindi naman Niya susukatin ang lakas at halaga natin ayon sa final score at time at lalong lalo hindi Niya tayo huhusgahan kung paulit-ulit tayong mataya o magame over, nasa tiwala at determinasyon sa buhay ang lahat. Para sa kanya, hindi uso ang game over at hindi bawal ang humingi ng tulong sa Kanya, ang 2nd player ng laro nating lahat.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s