Ayoko nang mag-english!

Hindi ko lang alam kung nabahiran ba ako ng dugo ni kumpareng Andres “Andy” Bonifacio, o dahil napadilat ng kultura ng diliman ang bulag kong kamalayan, o sadyang tagilid lang ako sa subject na English noon pa man, pero habang tumatagal at nalilipasan ako ng panahon, napapansin kong mas tumitindi at sumisidhi ang pagiging makabayan ko.

Baliw nga siguro ako kung tutuusin.  Mantakin mo nasa piling na ako ng mga stateside pero pilit pa rin akong lumilingon at nagpapahila sa anumang anyo ng force na magdadala sakin sa kulturang kinalakihan ko.  Sa halos napakadaming channel na pwede kong pagbabaran ng atensyon, hindi ako nagsasawa sa TFC, kahit Wowowee pa ang palabas o ang paborito kong conservative na si Eva Fonda.  Pinagtitiisan ko din ang bulok na mundo ng Friendster kaysa sa uso daw na Facebook.  Ayoko dun sa FB dahil maraming Kano dun at ayokong makihalubilo sa mundong dinodominate nila, ok na ako sa FS na pang-Pinoy.  Ironic dahil araw-araw nakikisalamuha ako sa mga English speaking na mga nilalang na ‘yon at nakikitira lang naman ako sa lupain nila.  At nang mahalungkat ko ang blogsite na ito, kung saan maisasakatuparan ko ang matagal ko nang inaasam at binabalak na 100% Tagalog na mga likha, naramdaman kong dito ako nabibilang.  Parang love at first sight.  Habang nahuhumaling ang ate ko kakanood sa mga Koreanovela sa internet, heto ako pinepressure ang sarili ko na panatilihing buhay ang dugong pinoy sa puso at diwa ko.

Elementary pa lang ako, naging maganda na ang mga grades ko (buhatan na ng bangko) pero napansin ko na kadalasan, sa isang subject ako hindi pumapalyang pumalya at ‘yun ay walang iba kundi ang subject na sabi ng tatay ko ay pinakamadali sa lahat, ang Filipino.  Kahit na lumaki ako sa piling ng Funny Komiks at sangkatutak na pocketbooks, ewan ko nga ba kung bakit never akong naengganyong mag-aral sa subject na ‘yon at hindi ko matandaang nabiyayaan ako ng gradong maganda sa paningin ko.  Kahit nung highschool ako, isa pa din ‘yon sa kinatamamaran kong pasukan at pag-alayan ng oras sa pagrereview.  Bukod sa mga kabastusan at lessons of love, wala na akong matandaang memorable na natutunan ko sa teacher ko noon.  Hindi din ako napabilang sa mga nasabitan ng medal na Best in Filipino.  Kasabay ng pangungulelat ko sa Filipino, masasabi kong hindi rin naman ako naging gaanong kaswerte sa agos ng English subject namin.  Bihira akong makakuha ng mataas na marka at positibong comment sa formal theme, siguro dahil isa ako sa mga teacher’s pet kaya ok-ok na rin ang grade na napapala ko.  Sa hindi ko na mabilang na essay writing contest na inepalan ko (puro English ang format ‘nun), isang beses lang ako nagwagi.  Ang organizer: Science Club; ang topic: malamang tungkol sa Science.  Hindi ko alam kung dapat ko bang ipagmalaki, pero dun lang ako pinalad na ipamalas ang nagkukunwari kong talent sa pagsusulat sa Ingles.

Hindi ko naman masasabing bitter ako sa Filipino noon pero nang mauso sa akin ang paggawa ng blog, mas naging patok sa akin ang paggamit ng English.  Para kasing hindi cool kung magtatagalog ako sa blog ko, walang dating.  Kahit nagkakilala na kami ni Bob Ong noon, hindi ko pa din nakaya ang pagsusulat ng gaya ng ginagawa niya.  Naka-ilang blog din ako noon hanggang sa magcollege na ako.  Unti-unting sumagi sa utak ko na may natatagong ganda ang mga likhang nasusulat sa Tagalog.  Siguro dahil mas lumawak ang mundo ko at mas naintindihan ko ang lipunang ginagalawan ko.  Bukod sa College Hymn na nasa wikang Filipino, nakakilala din ako ng mga simpleng tao na mas malalim ang pagpapahalaga sa Filipino na nagkataon ay wika ko din naman.  Nang balik-balikan ko ang mga likhang isinulat ko, nag-iba na ang tunog nila.  Unti-unti na din nagbabago ang paniniwala kong mas may dating kung iEnglish-in ang bawat kanto at sulok ng blog.  Nauwi ako sa paggawa ng mga kwentong Taglish.  Naenjoy ko at napansin kong mas madali, mas natural, mas magaang bumuo ng mga salita at ideya.

Makukumpleto na sana ang conversion ko noon kung hindi lang sa GE kong English1.  Naramdaman kong mahirap pala talagang magsulat sa wikang ‘yon.  Ang hirap maglapat ng emosyon at opinyon.  Ginawa ko na lang basic ang lahat, tutal basic college english naman ang course title ng subject kong ‘yon.  Sa bawat paghihikahos ko sa paglikha, tumatakbo sa isip ko na alang-alang sa kumikinang na grade, kaya ko ‘yon.  Nakapagpasa naman ako ng 2 essay at nakasurvive ako ng isang sem habang naghihingalo ang katauhan ko sa paghanga sa wikang banyaga.  Bilang ala-ala, isinama ko sa mga blog ko ang huling seryosong likha na ‘yon na nagpapaka-english.  ‘Yun man ang huli, nakapagbigay saya sakin ang farewell essay kong ‘yon kahit sa mababaw na paraan.  Nagkataong napadpad ang ex-crush ko sa mundo ng mga blog ko at nasabi niyang may galing naman daw ako sa pagsusulat sa english.  Nakakatawa na sa panahong isinuko ko na ang friendship namin ng wikang ‘yon, saka may ipinadalang messenger upang kahit papaano ay magdalawang isip man lang ako.  At sa anyo pa ng crush ko.  Ang mali nga lang sa setting, sinambit niya ‘yun habang nagrereklamo akong ‘di ko gagawin ang share ko sa project namin (na may kinalaman sa pagsusulat sa English).  Ngunit kahit alam kong binobola niya lang ako dahil tinatamad siyang ipasa ko sa kanya ang trabaho ko, naramdaman kong magandang farewell gift na ‘yun para sa akin.

Pagkatapos ‘nun, naging full-pledged Filipino blogger na ako.  Nagsimula na din ang panata ko sa idol kong si Bob Ong.  Hindi ko na tinantanan ang pagtangkilik sa wikang itinahi sa aking dila na hinding hindi ko ipapa-arbor o isasanla kahit pa buong araw akong pilitin ng ex-crush ko.

6 thoughts on “Ayoko nang mag-english!

  1. ganyan talaga, mahirap mag-english sa umpisa kasi hindi naman ito ang nakagisnan nating wika. ganyan din ako, di fluent sa english. buti pa nga spanish at filipino fluent ako –kasi ito ang nakagisnang wika ko. (chavacano po ako kaya marunong akong mag-spanish)

  2. Gusto ko rin sumulat gamit ang ating sariling wika. Pero nararamdaman kong hindi ako bihasa sa paggamit nito. Pero ninanais ko pa rin gumamit gayunpaman. Mayroong kakaibang kagandahan kapag gumagamit ka ng Wikang Filipino.

    But I use English as my primary language in my blog. There are a lot of influences that made me use such, including my undergraduate course that almost pressures us to use the English language. But regardless of the language, the most important thing is to impart the message–and I think you do it well. Happy blogging!

  3. TOP: apir. balak kong mag-aral ng Spanish, sana matuto. *-*

    MANINGNING: tse, at least aminado ako. di bale, idodonate mo naman ang dugo mo pag naubusan ako, di ba?

    ALPS: nice blogsite. I hope someday, makarating din ako sa mainstream blogging. magaling ka. kudos.

  4. hi din, mzta na? hehe

    ako din gusto ko magblog haha kea lang ala akong tym at hindi ko pa nadidiskubre ang talent ko sa pagsulat, kasalukuyan pa akong nkikipagtulungan sa mga scientist at researcher para mhanap nila ang ang natatago kong talento haha

    ingats lage:)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s