Crush ko si: Ebolusyon ng KALANDIAN

***** Kung pababawan lang ng mga bagay na nagjojogging at nagtutumbling sa loob ng utak ng isang tao, alam kong hindi ako mahuhuli sa ranking.  Dulot na rin siguro ito ng kakulangan ng social life ko ngayon at pagiging out-of-school youth ng mahabang panahon.  BABALA: font color pa lang, malandi na, at tumpak, oo napansin ko ngang masakit sa mata.  Galing ito sa multiply account ko, at naisip kong essential ang color scheme ko sa blog na ito. *wink*

******


<sing> “crush kita! wooh! 2x”, sa tuwing umaalingawngaw ang commercial na ‘yan, kumukulo ang dugo ko pero dahil wala na  akong maisip na intro, kahit papaano ay napatunayan kong may silbi pa pala kahit papaano ang kantang ‘yan sa buhay ko.

Kung may tanong ang slumbook na “what is LOVE?”, hindi rin sasablay ang tanong na “who is your CRUSH?” na kadalasan ay SECRET ang sagot ng karamihan.  Ano nga ba ang crush? May katuturan ba ang konseptong ito? Ito ba ay pakiramdam, emosyon o isang ideya lamang? May magic ba itong kapartner at may kilig factor nga ba itong souvenir? May age limit ba ito? Bawal bang magtwo time sa iyong official crush? Dapat nga ba itong isikreto o ipagsigawan kaya? Totoo bang ‘di daw normal ang taong walang crush? Isa ba itong mahalagang elemento ng lipunan o ito’y sadyang kalandian lamang?

Kung may evolution ang tao ayon kay Charles Darwin, mayroon din akong version ‘nun.  Hindi man based on scientific facts at lab experiments, mga tunay na pangyayari at obserbasyon ko ang aking naging puhunan.

  • Nung bata pa ako, usong-uso ang mga larong tulad ng 10-20, chinese garter, piko, patintero, at marami pang iba.  May isang laro akong natatandaan na ginagamitan ng jumping rope na may kinalaman sa aking teorya ng ebolusyon.  May dalawang taya na hawak ang jumping rope sa magkabilang dulo habang may isang tatalon sa gitna at iiwasang maapakan ang lubid.  Nalimutan ko ang tawag sa larong ito basta ang alam ko sa last part ng pagtalon, bibigkasin ng sabay sabay ang alphabet, “A! B! C! D! E!….”, isang ikot ng lubid 360 degrees at isang talon ng tumitira sa bawat titik.  Sa letter na matatapatan ng pagkataya o ‘yung moment na maapakan na ang lubid, ‘yun daw ang initials ng crush nung batang tumalon.  Syempre kahit mga musmos pa lang, may halong kalandian na ang larong ito.  Sa karanasan ko, sinasadya kong magpataya sa 1st letter ng pangalan ng crush ko.  Kunwari inosente, malay ba nila.
  • Ang walang kamatayan at favorite ng lahat, ang FLAMES.  Kung hindi ka pamilyar sa larong iyan, ako’y lubusang naaawa sa iyo.  Lahat na ata ng taong kageneration ko, ipinaubaya sa FLAMES ang destiny nila.  Kahit saang lugar, kahit kailan, kahit sa notebook pa sa Biology, may makikita kang ganito.  Maraming naniwala sa kapangyarihan na naidudulot nito, simpleng ngiti, simpleng kilig.  Nauso din ‘yung nacocompute mo ang percentage ng compatibility ninyo ng crush mo sa pamamagitan ng bilang ng letters ng full name ninyong dalawa.  Mas mahabang proseso ito kaysa sa FLAMES pero marami din ang pumatol dito (ahem..).
  • Nung bata pa ako, nauso na din ang mga computer games tulad na lamang ng Counter Strike.  Hindi man ako nakapaglaro ng mga ganyang games, alam kong kailangan ng username o player’s name o whatever na tawag dun.  Bumenta sa ilang kakilala ko ang paggamit ng pangalan ng crush nila bilang username nila.  Ang weird nito, hindi ko alam kung anong kasiyahan ang naidudulot nito.  Oh well, hayaan na natin sila.
  • Nang mauso ang cellphone at text messaging, naging normal na ang mga text galing sa mga number na hindi registered sa phonebook mo.  Ganito lang ang kadalasang laman ng text nila, “Hi (smiley)” o kaya “Hello (smiley smiley)” o kaya “Hi……………” at syempre ikaw naman na nag-aaksaya ng oras magrereply ng “Hu U?”.  Nandyan din ang mga text galing sa mga kilala mo naman na naglalaman ng mga out of nowhere na tanong na kunwari ay hindi nila alam ang sagot tulad ng “gud pm, anong page nga ba ‘yung assignment natin sa Math?” o kaya “huy, saan daw isusulat yung summary nung story? Sa yellow paper ba?”. Whatever.  Pero ang point ko nga pala, ‘yan ang tinatawag na pasimpleng crush.
  • Nung highschool namin may resident photographer ang school namin na madalas dumadalaw sa campus.  Siya ang may hawak ng lahat ng negative ng i.d pictures ng mga estudyante, as in lahat.  Hindi man niya kilalang kilala ang bawat estudyante ng personal at by names, aware siya sa mga uri ng estudyante na tanging picture na oorderin sa kanya ang sagot sa nag-aalab na pagsinta sa kanilang mga crush.  Sanay na siya sa ganitong style.  Paano umorder? Simple lang, alamin ang full name ng crush mo, mainam kung pati year & section.  Then, hintayin lamang si aling photographer, magprepare ng pera (30 pesos ata yun) at ‘yun na, order time.  Kadalasan, pasikreto ang kasunduang nagaganap, walang lalabas na detalye, at siguradong hinding hindi ka isusumbong ni ate sa iyong sinisinta.  Minsan naman, sa sobrang pagtitipid ng ilang estudyante, pinupuntirya na lang ang mga pictures na nakapost sa bulletin board sa loob ng class rooms at ‘yung board ng mga school organizations. Pag-ibig nga naman.
  • Ito ang style na walang kupas, ang mang-asar.  Mula pa noon hanggang ngayon, applicable pa rin ito.  Basta asahan mo nang ang taong kinaiinisan mo dahil lagi kang inaasar at pinapaiyak at laging sinusugod ng nanay mo after mong magsumbong, crush ka nun.  Believe me.  So kung trip mong ipangalandakan sa crush mo ang feelings mo, then what are you waiting for? Subukan na ang patience at boiling point niya.  Good luck.
  • Wala ring kupas ang vandalism sa arm chair, upuan sa bus, pader sa kanto at public restrooms.  Kadalasan katabi ito ng mga nakakaentertain na vandals ng mga hot na hot na tsismis at issue.  Mga tipong “I love you (insert name here)” o kaya “Marry me, (pangalan ni crush)” at kung anu ano pang proposals.  Minsan may mga reply at second the motion kang mawiwitness na siguradong nakakaaliw basahin.
  • Syempre nang sumiklab na ang mundo ng internet, nandyan na ang infamous FRIENDSTER at kung anu-ano pang online community.  Mas dumali na ang trabaho ng mga taong may matinding pagsinta at sumisiklab ang desire na makapaginvestigate, isang click lang sa friendster, TENEN!!!! full details plus pictures. ^o^ eternal happiness.

Maiksi lamang ang teorya kong ito.  Alam kong kulang pa ang mga pinagsasasabi ko para mabigyang kulay ang salitang CRUSH.  Bukod sa tinatamad na kong mag-isip at magtype, ayoko na ring bukuhin pa ang sarili ko sa mga nalalaman ko tungkol sa isyung ito. ^_^  Basta ang masasabi ko na lang, ano man ang tunay na magic sa likod ng salitang ito, huwag itong masyadong dibdibin at pagkatutukan ng panahon tulad ng paggawa ng blog na kakagawa ko lang.  Kung kunwari slumbook ito at may tanong na what is crush?, ang walang kakwenta kwenta kong sagot na huwag mo sanang i-apply sa iyong buhay dahil wala naman akong moral lesson na nais iparating (ito ay dahil wala na akong maisip na ending) ang CRUSH para ‘yang fireworks, makulay, nakaka-amaze, nakakawow, masarap tingalain, nakakagaan ng loob, nakakapagpasaya, espesyal.  Ngunit ganunpaman madali itong mawawala at maglalaho, ilang minutes lang makakaget-over ka kaagad, walang direksyon at patutunguhan, masyadong malayo, masyadong mataas, walang direkta at totoong impact sa realidad, pangpalipas oras lamang, parang sideline ng buhay at higit sa lahat kapag tinitigan at inalayan mo ng mahabang oras, nakakangalay.

6 thoughts on “Crush ko si: Ebolusyon ng KALANDIAN

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s