dear diary

Hindi ako ang tipo ng taong mahilig magwrap-up ng everyday lives nila sa blog.  ‘Yung parang diary talaga na buhay na buhay sa mga kwentong fresh na fresh pa with matching full emotions at kung anu-ano pang kacacasual-an.  Siguro dahil pakiramdam ko talaga na may nakalaang slot para sa akin sa mundo ng pagsusulat kaya mataas ang pressure at expectation ko sa sarili ko.  Ayokong gumawa ng blog na basta-basta lang.  Ayokong mag-blog para lang ma-update at mapahaba ang listahan ng posts ko o para dumami ang miyembro ng fans club ko.  Gusto ko kasi makita at maramdaman ko ang masidhing passion at tapat na pagmamahal ko sa larangang ito sa pamamagitan ng bawat sandaling nagba-blog ako.  Ito ang stepping stone ko.  Ayoko namang humakbang at umapak sa malamyang bato o tumuntong sa hindi de-kalidad na simulain.  Kung naniniwala ka sa mga pinagsasasabi ko, sali na sa fans club ko.

Hindi ko itatangging bata pa lang ako ay mahilig na akong magsulat sa diary, ang tunay na ninuno ng mga naghahari-hariang blog ngayon.  Siguro dala na rin ng inggit sa mga ate ko na may mga sarili din nilang mga diary.  Wala nga lang binatbat ang bersyon ko kaysa sa diary nila.  Natatandaan ko, dahil ilang beses kong nahawakan sa drawer niya, ang itsura ng diary ng isa kong ate.  Parang kamukha nung nasa Mara Clara na siyang naging susi sa pagkahaba-habang kwento ng masalimuot nilang mga buhay.  Simple lang ang sa akin.  Matingkad na violet at may konting bahid ng pink tapos may umeeksenang picture ni Snoopy sa gitna na hindi ko naman naging favorite mula noon hanggang ngayon.  Kahit ganun, ninamnam ko ang bawat pahina ni diary.  Feel na feel ko ang  bawat kwentuhan namin.  Inilabas ko sa kanya ang lahat-lahat. Lahat.

Hindi kami araw-araw nagtatagpo ni diary.  Depende kapag nafi-feel ko talagang may juicy na akong ikukwento.  Kapag deadma kami sa isa’t-isa, nagtatago siya sa drawer ko, kabonding ang mga underwear ko.  ‘Yun lang kasi ang tanging bagay na hindi namin pwedeng hiramin sa isa’t isa ng mga kapatid ko.  ‘Di tulad ng sapatos, pantalon, tsinelas, hikaw, blouse, bag, lotion, panyo, pabango, ballpen, tuwalya at kung anu-ano pa, bukod tangi ang mga katropang ‘yon ni diary.  Sa buong existence niya, naging mga front runners at security guard ang mga ‘yon laban sa mga outside forces na maaaring maghalungkat sa mga sikreto ko.

Kahit na buo ang loob at tiwala ko sa mga tagapagbantay ko, ingat na ingat pa din ako sa pagbanggit ng mga personal na pangalan kay diary.  Mahilig akong gumamit ng initials lalo na kapag tungkol na sa mga crush ko ang kwento.  Parang sa part 2 ng pelikulang Dear Diary na ang pamagat ay Dear Killer.  Bida si Lea Salonga at Herbert Bautista saka si Lileth.  Paborito namin ‘yon bukod sa mga pelikula ni Alma Moreno na saka ko na lang ibibida dahil hindi naman tungkol sa kanya ang blog na ito, pero promise, madaming magandang pelikula si Ate Ness at ‘yung ibang kapanahunan niya.  Balik sa Dear Killer, si M.D ang killer ng karakter ni Lileth.  Umikot ang isang oras ng palabas kakaisip ni Lea Salonga at ni Herbert kung sino si M.D at kung bakit nawawala si Lileth.  Mantakin mo sa isang personal diary, gumamit siya ng initials ng lalaking nanliligaw sa kanya at posibleng kumidnap at pumatay sa kanya nung Valentines Day na ‘yun.  Kung binanggit na lang niya ang totoong pangalan o kahit first name imbes na M.D., malamang hindi napagbintangan na killer ang walang kamalay-malay na si Mr. Delgado.  Pero ‘di ba, exciting kapag initials, at tipid sa ink ng ballpen at effort ng pagsusulat.  May makalusot man o may pakialamerang Lea Salonga o Herbert sa buhay ko, ligtas pa din ang mga sikreto ko.  Apir tayo Lileth.

Halos kalahati ng diary kong ‘yon, umikot din sa panahong namatay si Rico Yan.  Kung alam mo lang kung gaano ka-affected ang buong pamilya namin nun.  Parang tumigil din ang mundo namin kasabay ng pagdadalamhati ni Claudine Barretto.  Habang nabaliw ang ate kong kakarecord ng mga pelikula ni Rico at Claudine at huling episodes ng Whattamen, tumodo ako sa pagbuhos ng lungkot kay diary.  Parang feeling ko iniwan din ako sa ere ni Rico.  Inaway away pa namin ng mga kaibigan ko ang teacher namin dahil isinabay pa ang graduation namin sa mismong libing niya.  Umaga ang pagbaon sa kanya sa kalupaan, umaga din ang pag-akyat namin sa entablado ng eskwelahan namin.  Habang minamake-up-an ako ng bading, nakatutok kaming lahat sa tv, isama mo pa ang bading.  Kung hindi lang ako kapatid ng mga ate ko, malamang mas pipiliin nilang panoorin at makiiyak sa pag-goodbye forevermore ni Rico sa tv kaysa saksihan ang nakakatamad naming program na wala masyadong effort.  Kung pwede lang na ipadeliver na lang namin sa bahay ang diploma at medal ko, hindi na ako umattend sa araw na ‘yon.  Pero dahil minsan lang ako gagraduate sa elementary kaya ibinuhos ko na lang ang lahat kay diary.  At dahil napilitan nga ang mga ate kong samahan ako ng araw na ‘yon para ako’y i-video at palakpakan sa aking pag-akyat sa entablado, ni-record na lang nila ang libing ni rico, mula simula hanggang sa huli.  Hanggang ngayon hindi namin pinanood kahit isang beses ang tape na ‘yon.  Hindi pa namin kaya.  Take note: Kumpleto ang ate ko ng lahat ng maaaring irecord sa career ni Rico Yan, mula sa Star Magic Presents hanggang sa The Buzz at MTB episodes na patay na siya.  Meron din kami nung tribute cd para sa kanya na “Forever Young”.  Oo, pwedeng rentahan o arborin ang kahit ano sa murang halaga.  Kapag miyembro ng fans club ko, libre na.

Nakaget-over din naman ako pagkatapos ‘nun.  Nang mag-high school ako, nakasummarize na lagi ang kwento ko sa tuwing nagkikita kami ni diary.  Malawak-lawak na din ang mga adventure ko ‘nun.  Natatandaan ko pa nung banggitin ko kay diary na ang saya saya ko dahil ang dami dami ko ng kaibigan kahit first year pa lang ako.  Inisa-isa ko silang lahat at halos banggitin ko na ang buong section namin.  Ang dami dami talaga.  Nandun pa din ang mga initials at mga kontrobersyal na isyu ko sa sarili ko.  Medyo mas ok ok na ang mga topic na naiisip ko nun.  Hindi na masyadong nakakahiyang basahin kumpara nung mga ikinwento ko nung bata bata pa ako.  ‘Yung iba hindi na din ako masyadong makarelate kung babasahin ko ngayon kahit ako naman ang nagsulat nun noon.

Hindi ko nasulatan ang lahat ng pahina ni diary.  Hindi na rin ako masyadong nakipagkwentuhan sa kanya simula ng mag-3rd yr hs ako.  Nakilala ko na kasi si friendster at ang mundo ng blog.  Pero paminsan-minsan kapag nasisilayan ko siya sa drawer ko, binubuklat ko si diary para aliwin ang sarili ko.  At never siyang pumalyang patawanin ako.  Ang dami dami kong kababawan noon na hindi kaaya-ayang ibahagi sa iba kahit pa sa sarili kong mga ate o dito sa blog.

Magiisang taon na kaming hindi nagkikita ni diary.  Hindi ko na rin sigurado kung safe pa ba siya sa lugar na pinagiwanan ko sa kanya.  Pero hindi na rin ako masyadong kinakabahan kung meron mang makabuklat o makabasa ng bawat pahina niya.  Masasabi kong medyo malayo na ako sa bersyon ko na naging kaibigan ni diary noon.  Masyado pa akong mababaw, fresh, hilaw, inosente, nakakatawa.  Iba pa ang sa tingin ko noon ay kwentong dapat ikwento o emosyong dapat -i-feel at gamitin sa bawat sitwasyon.  Madali nang i-deny at ilaglag ang katauhan kong ‘yon noon kung babasahin natin ng sabay sabay ng napakalakas ang diary ko na parang nung panahong mangmang pa tayo at tinuturuan tayo ng teacher magbasa habang tinuturo at iniistress ng magic stick niya ang bawat salita sa blackboard.  Ngayon, wala man akong diary na kasing kulay  ni Snoopy, maaaring wala pa rin ‘yun pinagkaiba sa blog na kinukwentuhan ko ngayon.  ‘Yun nga lang high-tech na ang ganitong bersyon at aprubado sa akin na may ibang mga taong makikisilip o makakarinig ng bawat kwentuhan namin.  Mas pormal na ngayon at maingat ako sa mga salita, may kasama ng palamuti at extra spice para mas maganda.  Parang mga sulat kay Ate Charo sa Maalala mo kaya na mas maganda nang pakinggan, mas madaling maintindihan at mas nakakaaliw subaybayan.  Ganun pa man, nakakamiss din ang magkaroon ng diary.  ‘Yung kahit ano pwede mong sabihin kahit na isang malaking I hate you —- ang isulat mo, ayos lang, ready makinig si diary at hinding hindi ka niya ilalaglag.  Kahit labo labo ang topic na gusto mo, kahit mali-mali ang grammar at spelling, safe ka sa anumang kahihiyan.  Iba pa din siguro ang kasiyahan at safistaction na naramdaman ko noon kay diary sa kakaibang ligaya na naibibigay ng pagboblog ko ngayon.  Maaaring ang iniingatang kong blog ngayon ay step 2 na pala at ang mumunting diary na ‘yon na pinagbibidahan ni Snoopy ang tunay at original kong stepping stone.  Baka nga.

4 thoughts on “dear diary

  1. e mukha kasing cute kasi colorful, syempre musmos palang ako nun kaya mas nanaig ang pagkacolorful niya. bakit? never kang nagkadiary? oh no. you missed half of your life. *o*

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s