Ukol sa Nawawala.

Lahat ng nawawala ay hinahanap.  Lahat ng nawawala ay dapat ikabahala.  Lahat ng nawawala ay dapat bigyang pansin.  Lahat ng nawawala ay dapat namimiss.  Lahat ng nawawala ay dapat hanapin.  At kapag sinabing lahat, walang pwera-pwera.  Ballpen, barya, singsing, I.D., cellphone, tinapay, abrilata, pulang medyas, sandok, martilyo, huling piraso ng puzzle, karayom, polkadots na panty, charger, pusa, autographed picture ni Ate Shawie, sinturon ng  Barbie mo, scratch paper na sinulutan mo ng cellphone number ng crush mo, sintas, deep red na lipstick, diary o ang paboritong tupperware ng nanay mo.  May kwenta man o wala, mahal man o natawaran mo sa Divisoria, binili mo man o inarbor, maliit man o pangit, luma man o second-hand, ang nawala ay hindi dapat mawala.  Ang nawala ay dapat muling mahanap.


Marami-rami na din akong naiwala.  May ilang sinadya pero mas marami ang hindi ko inaakalang mawawala pala.  Nakawala ako ng payong ng ilang beses (sadya karamihan), kwintas, pera, pati palda kong pangpasok na iniwan ko ng hindi ko namamalayan sa c.r. ng school namin.  Kahit digicam na inutang lang ng kapatid ko sa credit card niya naiwala ko din noong nag-prom kami.  May nawalang mga kaibigan at ilang pilit kong iwinalang kaibigan sa isip ko.  May mga nawalang formula sa Math o sagot sa fill-in-the blanks sa exam sa memorya ko.  Naiwala ko din minsan ang tiwala ko sa sarili ko at tiwala sa ibang taong nakakasalamuha ko.  Nakawala na din ako ng crush sa imahinasyon ko at sa pagdaan ng panahon ay nadala na din sa pagihip ng hangin.  Nawala na din sa utak ko ang kaarawan ng ilang kaibigan, pangalan ng ilang nakilala, ang sikreto niya o ang sikreto ko, ang utos ng nanay ko, ang favor ng kapatid ko o ang halaga ng isang bagay, ng isang ala-ala o ng isang kaibigan.  Sa lahat ng iyon, sinadya man ng pagkakataon o hindi, may isang bahagi ng buhay ko (maiksi man) na inalay ko sa paghahanap sa mga nawalang ‘yon o kahit sa pag-aalala at pagkamiss lang sa kanila.  At kahit papaano, may ilan akong nahanap.  At may ilang hindi na at pilit ko na lamang kinalimutan.


Kanina, nakanood ako ng Story line.  Tungkol sa abduction cases na tila nakalimutan na at naibaon sa libo-libong kasong nahihimbing sa bangungot ng realidad.  Nakilala ko si Manuel.  Isang dating magsasaka at naging biktima ng hindi makatarungang pagbihag at pagpapasakit ng grupo ng mga militar at ni Army Maj. Gen. Jovito Palparan.  Detalyado ang bawat salitang binitawan niya.  Buhay na buhay ang takbo ng istoryang inilahad niya.  Matulis ang reaksyon ng damdamin ko at ng ate ko.  Awa, takot, poot at galit.  Dati rati nababasa ko lang ang pangalan ni Palparan sa mga vandals malapit sa FA (Fine Arts) at sa mga placards at sa katsa na bumabandera kapag may rally.  Naririnig ko lang ang mga kwentong ganito kapag nananawagan ang mga aktibista at pinapamukha sa bawat klasrum ang picture ni Karen Empeno at Sherlyn Cadapan (mga nawawalang UP students/activists) at kasabay ng hinaing nila ang mga pangalan ng mga dapat daw sisihin at parusahan.  Nakita ko lang ng malapitan ang lagim ng kalagayan ng mga nawala at hindi na muling nahanap pa sa bulag na hustisyang mayron tayo ngayon nang mapadpad kami sa isang exhibit tungkol at alay para sa kanila.  Nabasa, naintindihan at naisulat ko lang ang mumunting saloobin ko sa lahat ng ito nang minsang kailanganin namin para sa isang aralin.  Pero dun lang natapos ang lahat ng iyon.  At sa pakikinig ko kanina sa karanasan ni Manuel, ang nasaksihan niyang paglapastangan sa pagkababae ng ilan, pagbugbog, pag-aalipusta, unti-unting pagkitil sa pagkatao at buhay nila, hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ko. Kung ganun ang epekto sa tulad kong isang mangmang at walang kinalaman sa kanilang lahat, ano pa kaya ang emosyong namayani sa nanay, sa asawa o sa anak ng mga walang kaawa-awang nabihag at hanggang ngayon ay tila hindi na muling mahahanap pa sa kwento ni Manuel? Buhay pa ba sila at nakatakas katulad ni Manuel? Naghihingalo na ba sila at kasalukuyang nagkukubli sa kung saan mang lugar? Patay na ba sila at hindi na muling mabibigyang hustisya pa? May saysay pa ba ang laban nila o sadyang laro na lang ito sa mata ng ilan?



Hindi din lahat ng tao ay naniniwalang lahat ng nawawala ay dapat pang hanap-hanapin.  May ilang solb na sa alternatibo, halinhin sa nawala, proxy sa hindi makakarating, plan B o kahit ang long method kapag nawalan na ng pag-asa sa shorcut.  Malapit na ang Father’s Day at kahapon nakapili na agad ang tatay ko ng regalo namin para sa kanya.  Sa pagka-atat niya, na-order at nabayaran na din ang regalong iyon.  Isang pares ng sapatos.  Isa na namang pares ng sapatos.  Isa na namang itatambak sa cabinet niya ng magkakamukha namang sapatos.  Isang pares ng sapatos laban sa mga ngiping ilang buwan na ding absent sa loob ng bibig niya.  Mga ngiping mas may silbi sana sa buhay niya sa aspetong pangmatagalan at mas matimbang sa personal niyang pangangailangan.  Hindi lahat ng nawawala ay dapat ikabahala.  Hindi lahat ng nawawala ay dapat ma-miss.  Hindi lahat ng nawawala ay hindi pwedeng palitan.  Gayunpaman hindi din lahat ay may katumbas.


Kung nawawalan na ako ng ganang makinig sa walang saysay at mapagkunwaring pagsuyo ng mga trapo sa ngayon, magigising ba ang atensyon ko sa tunay nilang pagkatao at hangarin bukas o samakalawa ‘di kaya? Paano kung nawawala na ang tapat at malinis na pakikipaglaban sa lipunang ating ginagalawan, may makakahanap pa ba ng nararapat na solusyon para dito at mahahanap pa ba natin ang taong makakahanap ng solusyon na iyon? Kung nawawala na ang puso at utak ng ilan sa pag-intindi at pag-unawa sa kalagayan at kahihitnan ng pangkalahatan, paano nila malalamang may nawawala pala hindi sa iba kundi sa sarili nila? Paano kung mawala na ang pagkakataong mabago at maiayos natin ang nakaraang nadumihan at nabaluktot ng ilang walang malasakit sa mawawalan, ano pa ang kalalagpakan ng nawalan bukas?


Hindi lahat ng nawawala ay habang buhay nang mawawala.  Hindi rin lahat ng nawawala ay muli pang nakikita.  Hindi rin lahat ng nawawala ay hinahanap pa.  Hindi rin lahat ng nawawala ay napapansin nating nawawala pala. Paano kung mawala ako o ikaw bukas? Mahahanap mo ba ang daan pabalik? O maghihintay ka na lang at patuloy na aasang may isang magmamalasakit at puspusang maghahanap sa iyo? Hanggang saan kaya ang pag-asa mong muli ka pang matatagpuan? Hanggang kailan ka mawawala? Hanggang kailan ka hindi mawawala?

5 thoughts on “Ukol sa Nawawala.

  1. hindi ko lang sure, medyo hindi ko pa neexperience yun e. haha pero maraming tao sa paligid na best example para dun. katulad ni hayden at katrina. hahaha

  2. ei! i tagged you in a post (hindi ko maisalin sa tagalog eh)…

    may espesyal at sikretong mabubunyag sa panulat na ito… silipin mo naman kapag nakahanap ka ng panahon. meron din dyang parangal para sa iyo, maari mong isulat muli ayon sa iyong kagustuhan. (whatever!) salamat!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s