UPCAT

August 7, 2005.  Linggo noon ng tanghali nung kumuha ako ng UPCAT. Last batch kumbaga, last batch ng mga 4th year high school students na magbabakasakaling matupad ang mga pangarap nila at mapabilang sa mundo ng mga Isko at Iska.  Medyo maulan pa ng araw na ‘yon, sinigang ang tanghalian na niluto talaga dahil paborito ko, pampaswerte daw.  Pero kahit paborito kong ulam ang kinakain ko at natutuwa ako kapag umuulan, iba nung araw na ‘yun.  Parang pakiramdam ko, sesentensyahan ako sa ilang sandali lang.  Parang hindi mga paru-paro ang lumilipad sa tiyan ko, sobrang nakakakaba.

 

Sa totoo lang, hindi ko naman talaga ikamamatay kung hindi ako nag-apply sa UP.  Pangarap kong makapag-aral sa UP, pero katulad lang din siya ng pangarap kong makasakay ng spaceship o kaya ay makatuluyan ang isa sa Backstreet Boys.  Bata pa lang ako, nakikita ko na lagi sa TV ang UP diliman.  Sa mga documentaries, sa mga lumang pelikula (ang paborito kong Dear Diary syempre), sa balita.  Medyo alam ko na noon kung paano masasabing taga-UP ang isang tao, kapag medyo weirdo ang itsura, parang hindi nagsusuklay, nakasalamin, pero nag-eenglish o di kaya ay sobrang lalim na Filipino.  Pero wala akong kakilalang nag-aral sa UP, alumni sa elemetary school na pinasukan ko, pinsan, o kapitbahay kaya wala naman talaga akong alam kung ano talaga ang meron sa UP.  Basta alam ko malayo ‘yun dahil hindi pa nadadaanan ng mga air conditioned bus na sinasakyan namin noon.

 

Nang naging 4th yr hs na kami, isang madalas na usapan na kung ano ang mga plano namin sa college.  Ako, katulad ng malalapit kong kaibigan, balak kong mag-chemical engineering sa Mapua.  Sigurado na ako nun pero naisip kong wala namang masama kung susubukan kong kumuha ng entrance exam sa ibang school.  UP ang pinakamaagang deadline ng application.  June ata.  Nakakatamad dahil alam ko namang hindi ako papasa at medyo chill lang kadalasan sa school dahil unang buwan ng academic year.  Pero sadyang mayabang ata talaga ako at tinuloy ko pa din, bakit hindi ko subukan kung hanggang saan ang tunay na galing ko? Ipinasa pa mismo ng nanay ko sa diliman ang application form ko dahil halos malapit na sa deadline.  First time ng nanay ko noon makarating sa UP.  Sabi pa daw nung babae sa window sa Registrar na maganda ang pangalan ko kahit na hindi naman ata.

 

Hindi ako nagreview ng todo bago ang exam.  Kadalasan, nageenroll pa talaga sa mga review centers ang mga pursigidong makapasa.  Pero dahil nga hindi naman nakasentro ang mga pangarap ko sa UP, hindi na ako nagsayang ng oras at pera para magreview pa.  Pero medyo naghanda naman ako ng kaunti, sa tulong ng isang reviewer na hindi pa nga ata pang-UPCAT talaga.  Isa lang ‘yun, 30 questions ata sa bawat section, at hindi ko pa ‘yun natapos.  Para kasing hindi naman mababago ng bawat tamang maisasagot ko sa pagrereview ang tadhana ko.  Saka dahil tamad na din ako.

 

Nung uwian ng Biyernes bago mag-UPCAT, namakyaw kami ng mga kaibigan ko ng mga Mongol #2 sa may tindahan sa likod ng school namin.  Pag-uwi ko ng bahay, namili din ako ng babaunin ko sa mismong exam.  Hindi ko matandaan kung ano pero malamang mga paborito kong baon ‘yun, tipong mga pagkaing hindi ko nakakalimutang dalhin kapag may field trip.  Siguro Hello Panda o ‘di kaya ay Yan-yan.  Sabi nga nila kasi, swerte kapag nagdadala ka ng mga paborito mong bagay.  Nagdala din ata ako ng pulang panyo.  Syempre rosaryo saka ‘yung picture ni papa Jesus.  Itinago ko silang lahat sa favorite kong bag na pink, kasama ang sandamakmak kong lapis.

 

12pm ata ‘yung simula nung exam at muntikan pa akong ma-late dahil medyo matrapik at muntikan pa kaming maligaw dahil hindi alam ng ate ko kung saan ‘yung school na pag-eexam-an ko.  Habang nagmamadali ako sa paglalakad sabay iwas sa putikan, nakasalubong ko ang mga classmates kong nag-exam nung umaga, “Mahirap.  Good luck”.  May kaibigan din naman ako na kapareho ng schedule ko pero magkalayo kami ng upuan dahil mas maaga siyang dumating.  Pina-ihi pa kami nung mga proctor bago magsimula, at halos umihi ata lahat kahit hindi pa puno ang gall bladder nila dahil medyo mahaba ang pila sa banyo.  Parang ang haba haba ng oras na ‘yun, parang ayoko ng bumalik sa upuan ko at magkulong na lang sa banyo.  Hindi ko na alam kung anong uunahin kong alalahanin sa utak ko, sin^2(x)+cos^2(x)=1?CH3OOH?PE=mgh?DNA?discombobulating?

 

Andaming instructions.  Hindi ko na matandaan kung anu-ano pero ang tumatak lang sa isip ko ay eksakto dapat ang pagshade sa mga sagot.  Kinabahan ako lalo.  Medyo mahina ako sa pagsheshade ng sakto sa linya kaya nung bata ako, palpak lagi ang itsura ng mga drawings sa coloring book matapos kong color-an.  Hindi ko na din matandaan ang pagkakasunud sunod ng mga sections sa exam pero tandang tanda ko pa na ang huling part ay ‘yung Reading.  Parang matindi pa ang pagkalula na naramdaman ko nun kaysa sa pagsakay sa roller coaster.  Kung anu ano na lang ata ang binilugan kong mga letter dahil parang napagod ang brain cells ko sa kahabaan at dami ng mga pinabasa sa amin.  Natapos ko naman ang exam pero hindi ako nagkaroon ng kahit isang minuto para ngumuya man lang ng isang piraso ng Hello Panda.

 

Mula ng matapos ko ang exam hanggang sa mga sumunod na buwan, halos ipusta ko na ang kaya kong ipusta na hindi ako papasa.  Para sa akin, nakakahinayang at nakakalungkot dahil parang napatunayan tuloy na hindi talaga ako matalino at baka nakakakuha lang ako ng awards sa school dahil mabait ako o mabait ‘yung teacher.  Hindi naman gumuho ang mundo ko dahil sa simula pa lang naman ay hindi na kasama sa plano ko ang pagpasok sa UP.  Nag-exam pa ako sa UST at syempre sa Mapua.  Puro chemical engineering ang course na inapplyan ko.  Nakapasa naman ako sa UST at Mapua pero mas pinili ko ang Mapua.  Nagpareserved na din ako.  Excited na ako dahil Grade 6 pa lang ako gusto ko ng maging engineer at dahil makakasama ko ang mga kaibigan ko hanggang college.

 

February ‘nun, Lunes ata, Lunes pagkatapos ng JS prom namin.  Natandaan ko dahil nawala ko ang Digicam ko nung prom at hindi ko pa alam kung paano ipapaalam sa amin na naiwala ko nga.  Tapos nabanggit ng teacher ko na may resulta na daw ang UPCAT at sa kasamaang palad, nakapasa ako.  Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko.  Syempre, nakakabigla, parang hindi totoo.  Kahit na hindi ako mismo ang nakakita ng pangalan ko sa listahan ng mga nakapasa, parang nakakaproud, ok naman pala ako, matalino din kahit papaano.  Nagpasundo ako sa nanay ko sa kanto para masabi ko agad habang naglalakad ang masamang balita tungkol sa digicam at ang mabuting balita tungkol sa UPCAT.  At ayon nga sa mga plano ko, mas tumatak ang UPCAT kaysa sa nawawalang digicam kaya hindi na din ako nasermunan ng ate ko na tunay na may-ari nung camera.

 

Ilang araw pagkatapos ng saya at papuri, narealize ko na ang problemang dapat kong harapin.  Alin ang pipiliin ko? Syempre UP, ‘di ba? Mura na ang tuition fee tapos UP pa.  Para kasing kapag sinasabi ng isang tao na taga UP siya, lumiliwanag na ang mga mata ng kausap niya kahit wala na siyang idugtong pa sa sinabi niya.  Pero hindi chemical engineering ang naipasa ko kundi Chemistry.  Ok na din pero mas lalo akong napaisip.  At least sa Mapua, makukuha ko talaga ang gusto kong course.  Tapos kasama ko pa ang mga kaibigan ko at mas malapit sa bahay kaya kakanin kung magcocommute lang ako.  At saka, may mga kakilala na ako na nakagraduate at nag-aaral pa dun kaya mas marami akong mahihingan ng tulong at advice.  Mas maliit ang campus, mas kaunti ang tao, mas nakafocus sa engineering ang buong school.  At higit sa lahat, matagal ko nang pinlano ito.

 

Hindi ko alam kung ano ang nagconvince sa akin.  Baka ‘yung murang tuition fee. ‘Yung pelikulang Dear Diary. ‘Yung panghihinayang ko sa mga lapis na ginastusan ko.  ‘Yung sign na nakapasa ako para hindi ako pagbayarin ng ate ko sa digicam.  O baka yung babae sa window na nagsabing maganda ang pangalan ko.  Hindi ko alam.  Pero hanggang ngayon, kahit na isa’t kalahating taon ko lang naranasang maging Isko, hinding hindi ko pinagsisisihan na mas pinili kong bumalik sa upuan ko nung UPCAT kaysa magkulong sa banyo sabay text sa nanay ko na sunduin niya na lang ako.

10 thoughts on “UPCAT

  1. dapat may kasunod to… yung panahon ng pagiging out-of school youth mo at ang dialogue na – “Sinira nyo na ang buhay ko!” sabay walk out hehehehe

    • actually wala na din ako sa sarili nun, pero alam ko nakasalubong ko kayo ni papa baldz, feeling ko ikaw nagsabi nun para takutin ako, sweet mo! bwahahaha

    • ayun, nasa kamay ng kung sino mang naglikom ng mga tables and chairs. kasama nung nawala kong shoul (tama ba spelling, medyo engot lang. haha)

      • sunday din ako kumuha ng upcat, umaga nga lang. andaming tao sa philcoa tas ang hirap sumakay. nagtaxi na lang tuloy kami ng hs classmates ko. sa BA ang testing center namin. anlamig. tas andami kong dalang pagkain nun. yun nga lang hindi ko nakain kasi istorbo lang sa pagsasagot ang pagkain.hehe.

        hay..ang sarap alalahanin.🙂

        good luck sa mga nangangarap na maging susunod na isko at iska!🙂

      • siguro mas nakakakaba at nakakapressure kung sa diliman mismo nag-exam, sa provincial schools lang kami nag-take. hay, pero kung anong hirap ng UPCAT, isang memorable na college life naman ang kapalit. mahirap pero masaya. :))

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s