(xx) days of summer

First time kong mag-enrol para mag-summer.  Dalawa lang naman ang ibig sabihin kapag nagsusummer ang isang estudyante: (a) bumagsak siya sa isang subject na prereq sa isa pa niyang major subject o kahit minor lang pero magdedelay sa kanya, o (b) sadyang sabik siyang maungusan at makagraduate ng mas maaga kaysa sa plano ng curriculum ng course niya.  Sa kaso ko, applicable ang letter (a) at (b), tig-kalahati sila.

Hindi naman ako bumagsak, pero kailangan kong kunin ang isang subject ko sa Materials Science (MSE 281) dahil prereq ‘yun sa halos lahat ng mga kukunin kong major subject sa mga susunod na semester at dahil sa January pa uli nila iooffer ang subject na ‘yun; kaya madedelay ako ng isang taon kapag hindi ko pa kinuha.  Medyo sinuway ko din ang schedule ayon sa curriculum ng isang regular na estudyante sa department namin.  Isa akong transferee at nagsimula ako nung isang taon kaya kung kukwentahin, may 3 taon pa dapat ako bago grumaduate.  Hindi ako genius pero sinuwerte ako na na-credit ang mga kinuha kong subject sa Pinas kahit na halos pasang awa lang ang mga ‘yon.  Nagsimula ako bilang sophomore imbes na freshman, madaya para sa side ng iba, maswerte para sa akin.

Syempre dapat hindi ako excited pero dahil wala naman akong ibang alam gawin (simula ng dumating ako dito) kundi pumasok sa school at magpalamig sa library, hindi din naman ako tinamad.  Tatlong subjects ang kinuha ko, English 101, Statistics, at ‘yun ngang MSE 281.  Lahat ng sabihan ko, pare-pareho ang reaction nila na parang gusto ko daw magpakamatay.  Hindi naman, ano namang deadly sa mga ‘yan? Siguro kung kukuha ako ng Biology (na may kasama pang lab) at History, walang duda, maghihingalo na agad ako sa 1st day of school.  Kung ipis lang ako, ‘yan ang mga Baygon ng buhay ko.  Gayunpaman, hindi naman ako nagpasindak sa mga comments nila.

Tatlong araw sa isang linggo ang English ko.  Kaunti lang kami, at isang beses lang ata nakumpleto ang klase namin.  Hindi ko alam kung nasusuka na ba sila sa subject na ‘yun o naiinsulto sila na kailangan pa nilang pag-aralan at gawin ang mga bagay na kinder pa lang sila ay tinuturo na ata sa kanila.  Medyo nakakatamad nga minsan.  ‘Yung mga grammar exercise minsan pipili ka lang sa ‘is’ o ‘are’, ‘your o ‘you’re’, ‘him’ o ‘his’, nakakabobo, pero madalas nakakaasar na bakit kailangan ko pa itong sagutin? Sayang sa carbon atoms na nasa lead ng lapis ko.  Pero katumbas nun ay ang aliw na masaksihan ang pagkalito ng mga taong nakatahi na nga ang wikang Ingles sa mga dila nila ay mas naguguluhan pa sa mga mapagpanggap na tulad ko at ng kaibigan ko na mula naman sa Indonesia.  Hindi ko naman sila minamaliit, pinapalaki ko lang ang tiwala ko sa sarili ko.

Bukod sa sobrang pagka-late ng schedule, pinakaayokong pasukan ang Statistics ko dahil out of place ko.  Tandang-tanda ko nung unang araw na parang gusto ko na lang matunaw na parang ice cream o kaya ay i-wish na sana ay may powers ako para maging invisible.  Puro Civil Engineering ang major ng mga classmates ko.  Bukod pa dun, puro sila 4th yr kaya magkakakilala na silang lahat.  Nung sumunod na araw, may umagaw ng upuan ko sa may likuran, at dahil halos 40 kami, iilan lang ang bakanteng upuan na puro nasa unahang row.  Mahilig magpa-recite ang teacher ko.  ‘Yun ang routine niya sa klase, papatulugin niya kami sa halos 90 slides ng powerpoint niya at mananawag kapag trip na niya kaming gisingin.  Madalas wala akong katabi dahil walang gustong maupo sa unahan pero naenjoy ko na dun dahil bihirang tumawag ang professor ko sa bandang unahan.  May mga natutunan naman ako sa klase na ‘to kahit na alam kong hindi ko na sila dapat pang matutunan dahil icocompute na ng calculator at computer ang lahat ng ‘yun para sa akin.  At saka natuto akong maglaro ng blackjack sa Casino Night namin.  Hindi pa ako ganung kagaling pero narealize ko na kung yayaman man ako sa paglalaro sa Casino, gusto ko na dahil ‘yun sa blackjack.  Parang ang cool-cool.  Sakto lang ang experience ko sa klase na ‘to.  Masaya ako na nagawa ko ang lahat ng homeworks at take home exams (midterms at finals ay parehong take-home, isang nakakamanghang learning experience) nang mag-isa.  At nalaman ng professor ko ang pangalan ko kahit na hindi naman kami close pero dahil nga dun ay ilang beses niya akong tinawag sa recitation.  Laging half-mali ang sagot ko pero ‘di naman ako napapahiya.  Higit sa lahat, ito ang kauna-unahang klase na umabsent ako kaya hindi na malinis ang record ko sa attendance ko sa bago kong school at naramdaman ko kung paano maging cool uli kahit isang araw lang.

Naging kakaiba ang semester ko dahil na din sa MSE 281.  Mag-isa lang akong nag-register para sa klase na ‘yun, at dahil nga madedelay ako kapag hindi ko nakuha ‘yun, naawa ata ang mga professor ko kaya itinuloy nila.  Mas maluwag ang schedule dahil kung kelan libre ako at syempre ang mga teachers ko (lab at lecture) ang class meeting.  Nung una, magaan para sa akin dahil isang puntahan lang ako sa school dahil pumayag sila na hindi kami magkikita kapag wala naman akong pasok sa iba kong subjects.  Hindi ko na kailangang magnotes dahil binibigay na nila sakin ang lahat ng lectures (piniprint o kaya pdf), pati sa lab, binibigay na sa akin ang results para hindi na namin gagawin ang buong experiment.  Kahit anong tanong, reaksyon, tulong ang kailangan ko, pwede kong sabihin sa kanila.  Pero medyo nahirapan din ako, at baka sila rin.  Madalas hindi magtagpo ang mga schedule namin at madalas din na nahihiya akong katukin sila sa mga office nila kapag nakikita kong busy sila sa loob kahit na lagi nilang sinasabi na libre akong pumunta dun kahit anong oras.  Ayoko ding nagtatanong o nagpapatulong sa kanila, minsan kasi hindi ako sigurado kung hanggang saan ang boundary ng kainosentehan o katangahan sa pagtatanong o kung magtutunog intelektwal ba ako o halatang hindi ko iniintinding mabuti ang mga lessons.  Hindi ko din alam kung ano ang masasabi nila sa akin dahil parang pinagbigyan lang naman nila ako mula sa pagtutuloy nila sa klaseng ‘yun hanggang sa final grade na binigay nila.  Pero masaya na din ako na mas nakilala ko ang mga professor na makakasalamuha ko sa mga susunod na taon at sigurado ako na hinding hindi nila ako makakalimutan at ang stress na idinulot ko sa kanila.

Halos 2 buwan lang nangyari ang lahat pero parang kasing tagal ng isang regular na semester.  Sabi ko nung unang linggo na yayakapin at reregaluhan ko ang sarili ko kapag naipasa ko ang 3 subjects na ‘to.  Halos ilaban ko pa sa korte na walang kasing hirap ang summer ko kumpara sa 2 nakaraang semester ko kapag nageemote ako sa nanay at tatay ko kapag kinakamusta nila kung nasa katinuan pa ba ako.  Akala ko magsisimula nang muli ang exponential decay na trend ng academic performance ko na ginawa ko noon sa diliman.  Buti na lang, kinaya ko.  Buhay na buhay pa naman ako at handang handang mag-enrol muli sa susunod na summer ng 3 pa uling subject.  Para na ata akong masokista, academic masokista.

7 thoughts on “(xx) days of summer

      • ooooh. wow!!! cool ang material science!!! so tapos na kayo sa solid states physics? wag naman sanang matuluyan. hahaha nakakaloka din magaral tungkol sa mga ganyan.

      • nakaka-2 MSE subject pa lang ako, puro intro pa ‘yun. oo, enjoy nga siya. medyo konti nga lang ang mga nagmamajor nun sa school namin e, boring daw kasi. hindi naman, di ba??!! naghanap ng kakampi? salamat nga pala sa pagbisita sa blog ko. :))

    • aw, talaga? puro metals pa lang ang tinuturo samin e. gudluck sa thesis mo!!! epekto lang ng kasabawan sa acads ang mga blogs ko pero salamat ng marami.😀

  1. Pingback: Buod. « Ang Malikot na Mundo ng Ilusyonadang Starlet

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s