Azkals: Pinoy Pride!

Aminado ako na hindi ako mahilig sa sports.  Maliit ako kaya talo sa basketball.  Mabagal akong tumakbo kaya lugi ako sa softball. Takot ako sa bola kaya hindi ako qualified sa halos lahat ng laro.  Kaya laos sa akin ang Intrams nung high school.  Para sa akin, tatlong araw lang ‘yun na walang pasok at stress-free, wala ng iba.  Pero dahil sa Azkals (Philippine National Football Team) at sa AFF Suzuki Cup 2010, na-realize ko na medyo wala pala akong kwenta.

Namuo ang idea ko ng football nung naglalaro ako nung bata ako nung parang baseball pero walang bat dahil sisipain lang nung titira ang bola na ipinagulong ng “pitcher”, kaya sa tuwing naririnig ko ang football, nagrerewind lang ang childhood ko at ang mga home runs ko.  Pero alam ko namang may sport talaga na football dahil meron nun sa Family computer, at alam kong soccer ang tawag ng iba dun dahil meron ding American Football.  Pero tumanda akong malayo ang loob sa football at sa halos lahat ng sports (bukod sa occasional kong pagpepretend na isa akong basketball fan).  Para kasing nakakainip ang pagdating ng isang goal.  Sumikat si David Beckham, walang epekto.  Dumaan ang World Cup nung summer na halos lahat ng classmates ko at mga tao sa twitter ay bukambibig ang favorite team nila, pero wala pa ring epekto sa akin. Nang matalo ng Azkals ang Vietnam (2008 suzuki cup champion) nung December 5, madami ang nagising sa katotohanan at tumaas ang google search hits ni phil at james younghusband.  Nakakahiya man pero katulad ng karamihan, hindi ko akalain na may ibubuga pala tayo sa football (soccer kung gusto mo).

Hindi ko alam ang lahat ng terms sa isang football game at hindi ko din alam kung sinu-sinong team ang pinakamagagaling sa mundo (bukod sa spain na nanalo sa fifa world cup 2010, salamat sa twitter sa pagiging instant newspaper ko).  Pero sa iilang beses na napanood ko ang Azkals, napatango na lang ako at napangiti sa sobrang pagka-proud sa pagiging Pilipino ko.

Natalo man tayo sa Indonesia sa semi-finals (see inserted video: aminado akong ang bongga ng goal ni Gonzales), marami akong narealize dahil sa Azkals at sa mga tweets na nabasa ko.  Kung hindi pa sila nakapasok sa semis ng Suzuki Cup ngayong taon ay hindi ko pa o hindi pa NATING lahat mapapansin at mararamdaman na andyan pala sila na willing iwagayway ang bandila natin at ipagsigawan na Mabuhay ang mga Pilipino.  Nakakahiya man pero kabilang ako sa mga taong ngayon lang nakinood ng football dahil NANALO sila.  Bakit naman kailangan pang pagaksayahan ng panahon kung talunan lang din naman, di ba? Bago ang laban nila sa Indonesia, umasa ako na mananalo ulit sila lalo pa’t mas dumami na ang supporters nila (kasama ako) at bilang tumaas naman ang confidence nila dahil 2-0 ang score sa laban nila sa Hanoi, pabor sa Pinas.  Pero narealize kong medyo wala pala talaga akong kwenta.

Dalawang game ang semi-finals, tig-isang home game ang bawat team.  ‘Yung unang laban ng Azkals ang home game nila.  Nakuha nila ang home game nila sa Gelora Bung Karno, sa Indonesia.  Nakakainis.  Nakakaiyak.  Parang teleserye ‘yung emote moment.  Sa NBA, napansin ko na advantage kadalasan ang home game, mas madaming fans, mas sanay ka sa court, mas matindi ang love at support ng paligid, may lisensya ang players na magyabang sa bawat pagshoot niya.  Kaya nadismaya ako nung malaman kong hindi pwedeng ganapin ang home game ng Azkals sa Panaad stadium sa Bacolod dahil hindi pasado sa AFF standards.  HOME GAME.  Parang sinumbatan ka siguro ng anak mo na mas feel-at-home siya sa kapitbahay niyo kaya dun niya gustong gawin ang  7th birthday niya.  Ganun kadrama at ka-cinematic.

Malungkot man sa unang rinig, pero tama sila (lahat ng source ko ay tweets, hail the power of twitter) na kung nakaya ng Azkals na iangat ang Pilipinas sa Hanoi, kakayanin uli nila sa Jakarta.  Sabi nga, worldwide ang mga Pinoy.  Hindi tayo choosy kung nasaang sulok man tayo ng mundo, hangga’t baon natin ang mga buo nating pangarap at pagmamahal ng mga mahal sa buhay.  At saka, aminin man natin o hindi, maraming pulitiko at artista, baon ang mga pekeng ngiti at hot na hot na intriga, ang makikiagaw lang ng limelight sa buong team kung maglalaro sila sa Pinas.  Mas magulo, mas maraming distractions sa team, mas malapit sa korupsyon.  Naagawan man ang Azkals ng isang HOME game na pinaghirapan nila at ilang taon ding pinangarap, naibigay sa kanila ang buong pagkakataong ibangon ang mga sarili nila, ang Pilipinas, tayo at mas naramdaman nilang lalo ang suporta ng mga Pilipino ng walang bahid ng pulitika at pakikiusyoso lang.

Nakita  at naramdaman ko (at mo rin siguro) kung paano sumuporta ang buong Indonesia sa halos lumalangoy na kulay ng pula sa stadium sa 2 games ng Azkals sa semis.  Bukod sa nakakamangha naman talaga ang laki ng stadium nila, nakakamangha din ang suporta at pagmamahal nila sa sarili nilang football team.  Karamihan sa kanila, ipinanganak na sa paglalaro at panonood ng football. At dahil dun, saludo din ako sa kanila.

 

Matagal ko ng alam kung paano sumuporta ang mga Pilipino kahit anong sports pa yan, singing contest, beauty pageant, at kahit ano pa mang labanan.  Pero ngayon lang ang sa football.  Sa twitter pa lang, umusok na ang timeline ko sa updates sa leg 2 ng semis kaninang umaga.  Nakakalungkot man isipin na hindi nasaksihan ng Azkals ang suporta ng mga Pinoy sa loob mismo ng Gelora Bung Karno, alam ko, sigurado ako na marami ang nakatutok, napasigaw, napamura sa red card ni Greatwich sa live broadcast sa TV kanina.  Sabi ko nga, hindi tayo choosy pagdating sa lugar.  Dahil dun, saludo ako sa mga Pinoy.  At kahit mabingi na sila sa ingay ng fans ng kalaban, ni hindi man lang sumuko at napagod ang buong team sa pagbantay sa bola at sa paggoal nito.  Buong buo ang determinasyon at pagnanais na manalo, dahil dun, saludong saludo ako sa mga Pinoy.

 

Siguro nga baguhan pa ang buo nating suporta (o maaaring hindi pa ito buo) sa national football team at maaaring nagsisimula pa lang ang history ng Azkals kung ikukumpara natin sa lagay ng Indonesia at sa karamihan ng Asian teams.  Ganunpaman, hindi na dapat natin sayangin pa ang pagkakataong nasa harap na natin ngayon.  Hindi lang tayo pang-boxing.  Hindi lang tayo pang-biritan.  Hindi lang tayo nagtatago sa anino ni Manny Pacquiao o ni Charice Pempengco.  Taas noo nating sabihin na pang-football din tayo.  Kung itatanong sayo kung ano ang FIFA ranking natin, sabihin mong pang-150 FOR NOW….but wait there’s more. Watch out. <evil grin>

 

Hindi lang ipinapanganak ang bayaning iniisip nating maglilinis sa pangalan ng Pilipinas sa isip at puso mo mismo at sa buong mundo, kundi kailangan ng mahabang panahon bago sila tuluyang umusbong at magtagumpay.  Walang mangyayari kung ipinanganak sila sa isang gobyernong walang malinis na intensyon at sa lipunang kapos sa hustisya at pagkakapantay-pantay.  Hindi rin niya (o nila) kakayaning hilahin tayong lahat pataas kung iilan na nga lang sila ay nagpapahila lang tayo sa kanila imbes na tumulong sa pagtulak sa bawat isa, mas malala kung may iilang nanghahatak pababa.  Isang matinding pasasalamat sa Azkals sa pagbuhay ng dugo ng maraming Pilipino at pagmulat sa katotohanang maraming atleta ang hindi nabibigyan ng kaukulang pansin at suporta (lahat ng aspeto).  Hindi man sila nakapasok sa finals, sapat na ang pakiramdam na isa akong Pilipino.  Marami pang susunod na laban, MARAMI PA.  Kung nagawa ng mga lolo at tatay natin na ipaglaban ang Ginebra all the way, kakayanin uli natin MAGMULA NGAYON, manalo man o matalo.

 

KUDOS SA AZKALS PHILIPPINE NATIONAL FOOTBALL TEAM!

37 thoughts on “Azkals: Pinoy Pride!

  1. This is the longest Tagalog article I read since Rizal classes and it was worth it.

    Naah, you’re not a “bandwagon” fan. You’re a fan, period. I’ve always believed that if you give Pinoys something to cheer, or support, they’d gladly do it.

    nice read

    • wow, salamat po kuya mike. nakaka-flatter naman at nakakainspire. susubukan ko pong magsulat ng marami pang makabuluhang bagay. at sigurado akong susuportahan ko din ang azkals at ang mga Pilipino kahit ano pa man ang mangyari kahit magtagal pa ako dito sa ibang bansa🙂 merry christmas.

  2. bisaya po talaga ako, pero kahit nahirapan ako ng konti s a pagbasa, nagpapasalamat ako na merong isang katulad mo na napahanga sa paglalaro ng mga Azkals…

    isa po ako sa pinakaunang naniwala sa kakayahan nila na makipgtunggali sa mga ibang koponan ng ibang bansa kung mabibigyan lang ng sapat na suporta at inspirasyon…

    dahil sayo at sa mga sinulat mo, sigurado ako na mas lalo nilang pagbubutihin ang paglalaro ng football. para sayo at sa mga kababayang pilipino na sumusuporta sa kanila.

    maligayang pasko po.

    • salamat dan! salamat sa pagbasa ng article ko at salamat sa suporta mo sa azkals nung hindi pa ako (o kami) nagigising sa katotohanan. kudos! joined forces na tayong LAHAT ngayon! yehey!!

      maligayang pasko din sayo!

  3. Pingback: Cebu Football » Pinoy Pride and the Azkals

    • kuya mike, sobrang nakakataba talaga ng puso na nakainspire ako at madaming nakarelate. at ang saya na mas lalo kong na-feel na ang suporta nating lahat sa azkals at pag-asa para sa mga Pilipino ang nagba-bind sa atin ngayon. ang sarap maging Pilipino.

      salamat po uli, at andami kong nadidiscover na fanpage, website, blogs (kasama na po yung inyo) na magiging guide ko sa football at sa azkals. ang saya.🙂

  4. Woot.🙂 Sakto, napakasimple ng article na to. Walang dramas or kung anu-anong kuskos para lang mapansin ng madla. I’m not a fanatic of philippine team pagdating sa football, pero dahil sa post mo na to, iggoogle ko to!

    Salamat kaibigan.🙂 Nakikipagblogroll lang ho!

  5. great blog! i can relate din sa feelings mo.. im not really a football fanatic but i do have some friends who play football and one of them is with azkals (which ngayon ko lang din nalaman)

    kudos to you and more power to azkals! merry xmas!

  6. Anga galing ng entry na ito. Nakakatuwa na sa kaunting panahon ng Suzuki Cup ay may na-inspire ang Azkals na katulad mo, Ms. Starlet. Apir tayo dyan!

    Bago lang ako sa football. May 2010 lang. Hehehe. Bago lang din akong fan ng Azkals. Heto yung blog ko: aspirefanzine.blogspot.com🙂

    Salamat!

    • salamat jay!🙂 oo ako din natutuwa na kasama ako sa mga na-inspire ng azkals, excited na tuloy ako sa 2011 at sa susunod pang mga taon. sana dumami pa tayo!!!

      add din kita sa blogroll! ayos!

  7. Hi Star, this is going to be a tough one. A friend of mine has requested, if you could, post an English version. He’s an australian whose got deep roots in Pinoy football. He tried the translation programs in the net but it didn’t work.

    Happy New Year!

  8. Hi star, this is going to be a tough one. A friend of mine, an Australian with deep ties in Pinoy football, is asking if you could post an English version. He got intrigued when I posted a link to this article in my blog.🙂

  9. Pingback: Azkals: Pinoy Pride! « Ang Malikot na Mundo ng Ilusyonadang Starlet

  10. Pingback: Buod. « Ang Malikot na Mundo ng Ilusyonadang Starlet

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s