Instant Oatmeal

Hay, sobra na naman sa  tubig ang oatmeal ko.  Para na namang binuhusan ng hugas bigas.

Sa mga panahong tulad nito, lalo kong nararamdaman ang hirap ng walang nanay.

Mag-aalas-dose na pala.  Hindi tulad ni Cinderella, hindi ko pansin ang takbo ng oras, ang galaw ng mga kamay ng orasan.  Natapos ko na naman ang isang araw.  Ginising ko ang ate kong nakatulog sa sofa dahil sa kahihintay sa akin.  Pinapatulog ko na siya dahil may pasok pa siya bukas.  Ayoko pang matulog.  Hindi pa ako dinadalaw ng antok.  Weird.  May l.q. ata kami ng katauhan kong antukin.  Magulo pa ang lamesa namin.  Kailangan ko muna atang maglinis.  Ano ang nakain mo? Tanong ‘yan ng ate ko at maaaring tanong ko din sa sarili ko.

Ano nga ba ang nakain ko? Hindi ko alam.  Mas madali sigurong sagutin ang tanong na ano ang hindi ko na nakakain.  Marami.  Hindi ko alam kung ano at ilan.  Basta ang alam ko, ang maraming ‘yon ay luto ng nanay ko.  Nakakamiss ang maraming ‘yon.  Iba ang lasa ‘nun.  Kakaiba.  Masarap.  Walang katulad.  Basta.

Ibang-iba na ngayon.  Nasa sariling bahay namin ako ngayon pero ang pakiramdam ko nasa boarding house ako.  Malaya.  Independent.  Tahimik.  Kanya-kanyang kilos.  Walang nanay.

Kapag nag-iisa ako, ramdam na ramdam ko kung paano nag-iba ang hangin sa bahay namin.  Magulo ang pagkakasalansan ng mga damit namin sa drawer.  Naaayos ko minsan tuwing umaga pero parang magulo pa din.  Iba pa rin ‘yung dati.  Bihira na din ang mga prutas na namamahinga sa ref namin.  Hindi na bongga ang tanghalian namin tuwing Linggo na dati rati ay animo’y laging may fiesta.  Wala ng nagluluto ng turon at bananacue kapag meryenda na.  Ang mga basong naiwang nakatunganga sa lamesa tuwing gabi ay nandun pa rin pagdating ng umaga, ni isang sentimetro ay hindi sila gumalaw.  Wala ng sumisigaw at nanenermon sa aming magkakapatid at sa aso namin.  Wala ang nanay naming kahit may baong megaphone 24/7 ay laging handang manlambing at maging isang cool na nanay.

Ano nga ba ang nakain ko? Weird.  Hindi ako ganitong ka-seryoso.  Ipinanganak na akong clown.  Tagapagpatawa sa mga ate ko at tagacontribute ng ingay at gulo sa bahay namin.  Masarap tumawa at ngumiti pero mas masarap magpatawa at magpangiti.  Mas madali.  Mas ok.  Ano ang nakain ko?  Hindi ko alam.  Nasobrahan na naman siguro sa tubig ang oatmeal ko.

– 12/05/07

nung panahong nanay-less ako at naging fulltime emo

2 thoughts on “Instant Oatmeal

  1. bukod ata sa pagkain (ng oatmeal?) nakakadagdag din ang puyat sa hormona imbalance sa katawan na patis emosyon ay hindi matantya ng logic ng isipan. ewan ganito kasi naiisip ko kapag nagiging emotional ako pero parang weird lang kung iisipin.

    hay iba talaga ang may nanay. mabuhay!

    • di ko kayang hindi magpuyat dahil mas cool ang matibay sa puyatan kaya forever ng di magkakasundo ang emosyon at utak ko. hahaha at oo mas enjoy talaga ang may nanay!! kahit hindi niya ako pinagluluto ng oatmeal, keri lang😀

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s