Balik-bayan

“Do you see anything yet?”

Sabi ng katabi kong kano nang tanungin ko siya kung gusto niyang itaas ko ang bintanang kalahating bukas.

Umiling ako.

Hindi ko kasi alam kung may  nakikita nga ba ako bukod sa kulay itim sa kabilang side ng bintana.  Hindi ko alam kung nasaang lupalop na kami.  Mukhang niloloko kami ng piloto.

Ilang minuto ko ding tinitigan ‘yung pagkaitim ng paligid.  Minsan kasi kapag ginagawa ko ‘yun sa salitang  pamilyar sa’kin o sa mukha ng taong malapit sa’kin, natatransform sila ng imagination ko na maging iba at weird.  Naisip ko na baka sakaling maging fuschia pink ‘yung itim o kaya may mag-anyong tao at magsabing siya ang konsensya ko.

Unti-unting lumitaw ang maliliit at bilugan na kulay dilaw.  Hindi ko alam kung gumana yung imagination ko o nagsasabi ng totoo ‘yung piloto.

Hanggang sa naging halos dikit-dikit ‘yung parang maliwanag na polka dots.

Hanggang sa unti-unting sumulpot ang mga bubungan na halos magkakaakbay na ang bawat dulo.  Hanggang sa nakita ko na ang parking lot.  Parking lot na naging highway.  Highway na naging parking lot.

Hanggang sumayad na ang gulong sa runway na halos ilang metro lang ang layo sa mga bahayan.  Nakauwi din.

*****

Araw-araw akong sumasakay ng baby bus papasok at pauwi nung high school ako.  Araw-araw kong nakikita ang dikit dikit na bahay sa Cavite na halos masaulo ko na kung aling bahay ang nadaanan ng bus kahit nakapikit ako sa buong biyahe.  Naisip ko minsan na ano nga kayang pakiramdam kung dadaanan ko ang mga bahay na ‘yun sa huling araw ko sa Pilipinas? Parang last chance ko sa memory game na kapag hindi ko namemorize ang pagkakasunud-sunod ay game over na ako.  Para kang tanga.  Sabi ko sa sarili ko.  Bakit naman ako aalis sa Pilipinas?  Hindi ka magegame-over, peksman, cross my heart.  Tinaga ko ‘yan sa buga namin.

*****

Bad news.  Tinext ako ng ate ko.  Game over.  Hindi yan ang text niya pero parang ‘yan ang nagregister sa utak ko.  Malapit na akong mag-debut ‘nun.  Debut ang tawag ng mga tao dun pero para sakin birthday ‘yun.

Marami akong kakilala na nagdebut talaga kasama na ang dalawa kong ate.  May 18 roses, 18 gifts, 18 candles.  Mukha namang masaya.  Maraming regalo, halos lahat ng kaibigan mo mula elementary hanggang college makikita mo sa magkakalapit na table, at may karapatan kang makipagsayaw sa crush mo ng walang malisya.  Naisip ko, mag-e-18 din ako balang araw.  Maisasayaw ko din ang crush ko.

Hindi ako nag-debut.  Bukod sa nacornyhan ako, dumating ang bad news.  Alam mo ‘yung parang naghalo ang inis, galit, lungkot, takot na parang gusto mong mahulog ka sa kama at marinig mong nagtatawanan ang dormmates mo dahil nananaginip ka pala at paiyak na sumisigaw? Dahil alam kong gising na gising ako nang magtext ang ate ko, umasa na lang ako na magreply siya na wrong send, sorry o kaya ng joke! hindi ka na mabiro, papasaload naman, tenks.  ‘Yun ang masakit kapag umaasa ka, madalas umaasa ka sa wala.  Walang ganung reply na dumating.  Pero nagreply pa din ang ate ko.  Sino’ng tanga ngayon? Sabi ko sa sarili ko.  Akala ko pampelikula lang ‘yung eksena na dadaan ka sa lagi mong dinadaanan sa huling pagkakataon habang tumutulo ang luha mo kasabay ng pagpatak ng ulan at paggalaw ng wiper sa windshield ng sinakyan mong last trip to jerusalem ang drama.  Madaya, hindi na nga ako magdedebut, hindi pa ako makakapagbirthday na masaya ako.  Naligo na lang ako dahil ayokong umiyak sa harap ng roommates ko.  Mas madaling umiyak kapag naulan o naliligo ka, hindi masyadong maalat ‘yung luha.

*****

Mabuhay.  Nakaapak uli ako sa NAIA.  Nung huli akong nandito, pakiramdam ko bibitayin na ako kinabukasan.  Hindi ko alam kung maiiyak ba ako sa tuwa o maiinitan.  Parang gusto kong kurutin ang lahat ng makakasalubong ko para lang makasiguro ako na wala ako sa panaginip o hindi kami dinala ng piloto sa Timbuktu.

*****

Happy birthday! Salamat manong guard.  18 na ako sa wakas.  Tama ako, magiging 18 din ako balang araw.  At ang balang araw na ‘yun ay ngayon.  Sabi na, pwedeng magkatotoo ang kahit anong sabihin mong magiging ikaw balang araw.  Umabsent ako sa school.  Sa totoo lang, madali akong yayaing umabsent sa school kahit manonood lang tayo ng concert pero wag na wag mo akong yayaing mag-cut sa mismong birthday ko kung ayaw mong mabigo at umabsent mag-isa.  Nung highschool ako, binabati pa ako ng mga COCC kapag birthday ko (salamat sa lahat ng naging kaibigan kong CAT officers).  Nung 1st yr college ako, wala mang bumating COCC sa akin, pero nakita ko ang crush ko nun, naka-pink ako dahil pwedeng mag-inarte kapag bday mo, at naglakas-loob na magdrop sa badminton class ko, unang sem pa lang, sinubukan ko ng magpakacool at magpakita ng sign na hindi ako gagraduate on time.  Kaya naniniwala ako na laging may espesyal na mangyayari, kahit hindi ko planuhin, kapag birthday ko.  Ngayon, wala pa ring COCCs pero nandito si manong guard.  Happy birthday to me.  Dun ko naisip na sana hindi na lang ako umabsent.

“She’s my grandmother”.  Pffft. Hindi mo lola ‘yun.  Gusto siguro akong hampasin ng nanay ko ‘nun.  Alam kong hindi ko lola ‘yung narinig kong pangalan pero parang nagsara ‘yung utak ko.  Yehey.  Hindi na ba ako mabibigyan ng visa? Akala ko nga ganun.  Akala ko iisipin nung consul na hindi ako tunay na anak ng tatay ko kaya invalid ang petisyon sakin at hinding-hindi na nila ako tatanggapin sa bansa nila.  Bukod sa umasa, masakit din ang mabuhay sa maling akala.  Siguro pareho lang ‘yun, ang umasa at mag-akala, siguro.  Magaling ‘yung consul.  Nakita niya sa likod ng mali kong sagot na anak ako ng tatay ko at para sakin talaga ang petisyon na ‘yun at alam ko na hindi ko lola ‘yung pangalang binanggit niya.  Magaling ‘yung consul.  Pero magaling lang siya sa pagbasa ng utak ko pero hindi ng puso ko.  Bagay sigurong maging consul ang mga naging crush ko.

*****

Ang haba ng pila.  Pero wala akong pakialam.  Naaamoy ko na ang amoy ng Pilipinas kaya kahit abutin pa ako ng 2 araw sa pilang ‘to, wala akong pakialam.  Ako ‘yun pero hindi ko alam kung ano ang nasa isip ng mga foreigners na mukhang aabutin ng Pasko bago makalagpas sa Immigration.  Totoo pala na kapag masaya ka, hindi mo mapapansin ang oras.  Kung makukulong ka man balang araw, sana maging masaya ka, para hindi ka mainip kakahintay sa araw na kakalampagin ng pulis ‘yung kulungan n’yo sabay sabing “Boy Siga, laya ka na”.  Kung nanliligaw ka din ng pahard-to-get at apo sa talampakan ni Maria Clara at natatagalan ka na sa kakaasang sasagutin ka niya, malamang hindi ka masaya kaya ‘wag nyo ng aksayahin ang oras ng isa’t isa.  Kaya kung pupunta kang Enchanted Kingdom, kukuha ng NBI Clearance, sasakay sa MRT Cubao Station, o manonood ng premiere ng huling Harry Potter, siguraduhin mong masaya ka para hindi ka maasar sa haba ng pila at magkalat ng bad vibes at init ng ulo.

Pagkatapos ng ilang masasayang minuto sampung nakakaimbyernang taon nakalagpas din ako sa Immigration at Customs at nakipagsagupaan na ako sa mga taong nakaharang sa labasan ng airport.

Nakauwi din.  Nakauwi din sa wakas.

2 thoughts on “Balik-bayan

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s