Metro ni Manong

Hindi ako madalas mag-taxi.  Masyado kasing mahal at feeling ko hindi rin ligtas.  Bukod sa wala akong kasing kuripot, masyado kasing magaslaw ang imagination ko sa tuwing nasa loob ako ng taxi na tipong maiisip kong may halong pampatulog ‘yung air freshener na masisinghot ko kaya mahihimatay ako sabay liliko si manong sa damuhan.  Mga ganyang eksena, pang-teleserye o kaya pang-TV Patrol.

High school pa lang ako, hindi na mapakali ang dalawa kong paa kapag nakasteady lang ako sa bahay.  Kahit na hindi kami masyadong sanay sa Manila, dumayo talaga kami ng kaibigan ko makapunta lang sa isang concert.  Sikreto kung kailan dahil takas lang kami sa school nun with the help of our beloved friends sa pagtakip sa amin kung bakit kami absent.  Madaling araw na natapos kaya medyo madalang na ang bumabyahe pauwi sa’min.  Halos pumuti ang buhok namin kakahintay sa bus, jeep, o kahit anong may gulong, na kahit kalesa papatulan namin.  Napagdesisyunan naming sumakay na lang ng taxi kahit takot kaming magising na lang na nasa ibang planeta na kami.  Pagsara pa lang ng pinto ng taxi, nagtalunan na ang lahat ng nilalaman ng katawan ko.  Ayoko naman atang maheadline kinabukasan.  Anong tadhana naman ‘yon, ang pangit ng ending.  Pero dahil nasusulat ko na ‘to ngayon, pinalad kaming makasakay sa isang taxi na matino ang driver.  Tinuruan niya pa kami kung saan kami sasakay pagkababa ng taxi.

Memorable din ang mga araw ko sa peyups bago magsimula ang unang sem ng college life.  Ilang araw bago ang enrollment, kailangan ng mga freshies na magpamedical sa Infirmatay (i.e. Infirmary).  Dahil na rin siguro sa pagod, kaba, at takot sa papalapit na kabanata ng buhay ko at dahil nahawaan ata ako ng “kabaitan” at pagka”approachable” ng ilang nag-aassist dun, na-drain ang kabaitan at pasensya ko.   Nagyaya ang nanay ko na mag-mall pagkatapos pero dahil hindi ako pamilyar sa lugar, hindi ko alam kung saan sasakay.  Dahil takot akong maligaw, tinatamad na kong magisip, at naiinitan ako, nagdemand akong magtaxi na lang kami.  Isang hindi praktikal na desisyon.  Swerte pa dahil isang matinding traffic ang nakaabang.  Hindi ko alam kung sadyang trapik talaga nung araw na ‘yun o nadenggoy kami ni manong dahil halatang bagong salta kami sa diliman.  Hindi ko na tinanong kung magkano ang binayad ng nanay ko, dahil busy ako masyado sa pagdedestress at sa pagpunas sa pawis at init ng ulo ko.

Forward sa 2nd yr ko, sumubok (uli) akong mag-apply sa org.  Huling gabi bago kami sumalang sa Talent Show namin, nagpraktis kami sa huling pagkakataon.  Dahil medyo madami-dami ang mga dala namin, tipong lipat bahay gang at hindi lang basta basta backpack at paper bags ang mga dala namin, kailangan naming magtaxi galing philcoa papuntang fairview.  Walo kami nun.  Gabing gabi na.  Nahirapan kami sa pagkuha ng taxi dahil nga gabi na at madami pa kami.  Pagkatapos ng pag-isnab sa amin ng ilang taxi, may isang hulog ng langit na pumayag na sumakay kaming walo.  Parang sardinas na hindi masarap ang itsura namin.  Medyo mahal ang binayad namin kapalit ng ilang minutong joyride with manong.  Pero ayos lang dahil siya lang ang nag-iisang taxi driver na naawa at naantig sa hulas na hulas na mga itsura namin nung gabing ‘yon.

Ilang araw bago ko lisanin ang Pilipinas kong mahal, papunta kami noon sa US Embassy, nang maencounter namin ang pinakanakakaaliw na taxi driver.  Natutuwa ako sa mga manong na mahilig makipagkwentuhan sa mga pasahero.  Mas sulit kasi ang bayad.  Medyo traffic kaya napahaba ang kwentuhan namin.  Isa siyang simpleng tao.  Simpleng tao na nangarap at nagsimula sa ilang pirasong damit nang mapadpad siya sa Maynila.  Ok naman ang naging buhay niya.  Nagkaroon pa nga siya ng negosyo at nahanap si the one.  Nagkaroon siya ng mga anak.  Nagkaroon siya ng taxi.  Ang taxi na dinadrive ni manong.   Ang taxi na sinakyan namin ni ate.  Simple lang ang buhay niya: gigising sa umaga, maliligo, kakain, magdadrive, uuwi, kakain, matutulog.  Paulit-ulit.  Hindi nga daw niya namalayan na matanda na siya at halos lahat ng ka-edad niya ay patay na.  Pero hindi ko malilimutan ang sinabi niya na may isang bagay na pinagpapasalamat niya: Masaya siya na buhay pa siya.  May mga tao palang hindi marunong magreklamo sa simpleng buhay na meron siya.  Naapprove ang visa ko nung araw na ‘yon pero pakiramdam ko mas masaya sa’kin si manong.

Hindi ko nilalahat ang mga taxi drivers.  Hindi porke’t na-enjoy ko kakwentuhan si manong driver #4 ay ginusto ko nang mag-taxi araw-araw.  Hindi rin dahil feeling ko idinaan kami ni manong #2 sa matrapik na lugar ay dapat ko nang ipa-phase out ang mga taxi sa lahat ng kalye.  Iba-iba talaga ang bawat byahe, gaya ng pagka-assorted ng experience sa pagsakay ko sa pedicab, tricycle, jeep, “baby” bus, bus, o MRT.  Kaya mag-taxi ka pa rin kung trip mo at kung afford mo.  Go lang! Basta siguraduhing gumagana nang matino ang metro, tandaan at itext/i-bbm/itweet ang plate number ng taxi sa nanay, bff, o syota just in case makidnap ka nga, at syempre huwag namang mag-1-2-3, magbayad ng tama.  Higit sa lahat, ‘wag ding masyadong mag-inarte at magdemand na i-overcome ni manong ang heavy traffic.  Hindi siya si Moses at hindi ka ganung ka-ispesyal.  Enjoy!

 

(Note: Nirecycle ko lang ang blogpost na ‘to galing sa multiply site ko.  Tinamaan ako ng ka-emohan at hinalungkat ang mga lumang blogs.  Wala lang, sharing.)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s