3 Linggong ♥

May 01, 2011.  Inannounce ni Obama na dedbol na si Bin Laden na sumakto din sa araw nang nalaman ng buong mundo nung 1945 na patay na si Hitler.  Beatification ni Pope John Paul II.  Labor day kaya holiday dapat kaso Linggo pero wala pa rin atang pasok kinabukasan para walang mag-amok at magreklamo hindi maabot ng braincells ko ang  holiday rules ni PNoy, dear Mr. President, sacred ang bawat holiday sa mga tulad ko kaya ‘wag kang k.j..  ‘Yan din ang araw na natapos na ang maliligayang araw ng mga kotseng nakalibre sa Cavitex dahil nagsulputan na ang mga tagasingil ng toll.  ‘Yan naman ang araw na nagsimula ang maliligayang araw ko.  Pinakamaliligayang araw.

Halos 3 linggo lang akong nagbakasyon sa Pinas.  Medyo kulang pero mas ok na ‘yun kesa sa hindi ako nakauwi.  Hindi naman ako masyadong nanibago.  Mainit at malagkit sa balat na pawis, ang walang kasing-consistent na traffic, at ang mga motor na lumilipad sa kahit saang side ng kalye ka mapatingin.  Long time no see!

Hindi nakakuha ng matagal na leave ang mga ate ko kaya naging official tambay ako sa mall.  Para akong bata na iniiwan ng mga ate ko tuwing umaga sa daycare at sinusundo kapag lumubog na ang araw.  First time kong magpalipas ng oras sa coffee shop ng walang iniisip na exam o lab report.  Lalong sumarap ang kape sa panlasa ko dahil dun.  Nang mga sumunod na araw at mamulubi na ako, naghihintay na lang ako ng opening ng mall sa parking lot habang naglalaro ng Fruit Ninja at Plants vs Zombies.  Hindi man ako nagtagumpay pigilan ang mga zombies, namaster ko ang paghiwa ng mga prutas kaya binabalaan na kita kung gusto mo mang patunayan na ikaw ang the best fruit ninja assassin.  Nakakapawis nga lang ang tumambay sa parking lot kasama si manong guard na minsan masama ang tingin sa’kin kapag lumalapit ako sa kotse ng ate ko.  Minsan binabagalan ko talaga ng pagbukas sa kotse para maisip niya na sinusundot ko lang ‘yung lock ng sasakyan.  Wala namang nangyaring habulan sa pagitan namin ni manong guard, isa siyang cool na security guard, swabe at hindi judgmental.  Dahil nga nakakapawis, madalas nasa labas na ako ng Landmark bago pa man mag-10am kaya isa ako sa mga unang nakakasaksi sa bonggang costume ng mga guards at saleslady nila.  At kahit na ako ang isa sa mga unang customers na nakapila sa entrance, wala pa ding sumasalubong sakin na good morning at smile at isang tusok lang ng magic wand nila ang natatanggap na pagbati ng bag ko.  Iniisip ko na lang na totoong magic wand ‘yung hawak nila at mag-aalarm ‘yun o magbabagong kulay o iilaw kapag may nadetect na bomba o baril at maililigtas nila ang buong mall mula sa isang pang-CNN na eksena.  Madalas nakiki-internet lang ako sa Burger King o nakikibasa sa Powerbooks pero kadalasan may dumadamay sa aking buhay bum via unlitxt/unlicall o totoong presence.  Hitting many birds with one stone.  Magpakabum sa mall sa Pilipinas (oh yes, mas naaaliw ako sa mall sa Pinas kesa dito) + unlitext + friends + friends + friends + friends = eternal happiness.

Hindi man sila mga bum na katulad ko, pinasingit pa din nila ako sa mga schedule nila at sinigurado nila sa'kin na hindi 'yun dahil sa chance na makalibre kundi dahil labs talaga nila ako. At dahil kaibigan ko sila, hindi ako naniwala. *char*

Madami-dami na din sa mga kaibigan ko ang nagtatrabaho na at nagkukunwaring seryoso na sa buhay pero masaya ako na nakasama ko uli sila pagkatapos ng 100 years.  May mga gusto kong makita pero hindi nagpakita, may hindi ko inaasahang makita pero nakita ko at masaya ako na nakita ko, may pwede kong makita pero hindi ako nagpakita, may mga gustong magpakita pero hindi sila libre (o baka ayaw nilang magpakita, ok fine).  Pero kahit na kadalasan mall lang ang venue namin, oks na oks ako dahil sila ang kasama ko.  Nun na lang uli hindi napanis ang laway ko kakakwento at kakatawa.

madaming wala sa picture na 'to.. sinadya ko talaga. Pinapunta ko sila sa shower room.

Natuloy din ang high school reunion namin kahit na halos kalahati lang kami at muntik na kaming ‘di makapasok sa resort dahil wala na daw table.  Halos lahat sa’min hindi nagswimming dahil mas naenjoy namin ang kwentuhan at bonding habang tuyo at fresh kami.  Hindi man namin nasulit ang bagong wave pool dun, priceless ang makasagap ng ex-highschool crush ng mga kaibigan, update sa buhay pag-ibig at iba pang seryosong bagay (e.g. trabaho… at lovelife uli), mga da moves na pumalpak at nag-work, at kung anu ano pang random na usapan.  Proud ako na madaling yugyugin ang mga kaibigan ko na magsabi ng totoo at maglabas ng sikreto kahit na hindi sila lasing.  Aprub!

Bukod sa makasama ang mga taong namiss ko, isa sa mga dahilan kung bakit ako umuwi ay para maningil ng libreng Yellow Cab.  Bihirang bihira akong makipagpustahan kahit sa UAAP pa man o American Idol kaya nang mapasubo ako sa isang pustahan kasama ang 2 sa pinakakaclose kong kaibigan, nun pa lang hinanda ko na ang wallet at kalooban ko sa pagkatalo ko.  Bukod sa kawalan ko ng experience sa pustahan, akala ko magtatagpo na kami ni the one kapag nagsimula na akong mag-aral sa Alabama at makakatikim nga ng libreng pizza ang mga kaibigan ko.  Pero pagkatapos ng 3 taon, sakin ang trophy.  Masaya ako na natupad ko ang misyon kong magpapakaseryoso lang ako sa acads dito at magiging loyal sa huling crush ko bago ako umalis sa Pinas.  Syempre mas masaya ako dahil masaya din ang mga kaibigan ko sa buhay nila kahit gumastos sila para sa kaligayahan ko.  Dear labidabs ng mga kaibigan ko, umayos kayo dahil higit pa sa pizza ang happiness na deserve ng aking dearest friends.  P.S.  Nangangagat ako kapag kinakailangan. rawr.

Dahil nga hindi pwedeng magbakasyon ng matagal ang mga workaholic kong ate, Subic ang naging destinasyon namin.  Nag-Zoobic Safari kami kahit na hindi naman ako mahilig sa animals at takot sa ibon.  Nakauwi naman ako ng buhay dahil inisnab ako ng ostrich at tumakas ako sa Bird Walk.  ‘Yun din ang araw na bumigay ang dila ko sa ice cream pagkatapos ng ilang buwan na loyalty sa yogurt at pagdyedieta.  Kinabukasan nag-tree top adventure naman kami at dahil abot langit ang katapangan naming magkakapatid, nag-canopy ride lang kami na kasing bilis ng mga kotse sa the fast and the furious kapag nasa parking lot sila at isa lang ang gulong na nakakabit.  Nakakaaliw ang staff nila dahil parang lahat ng sinasabi nila ay nakakatawa at parang isang malaking kasalanan dun ang hindi tumawa.  Kung mapapadpad ka sa Subic, ‘wag mong kakalimutang subukan ang tree top adventure.  Worth it ang bayad at pwedeng utusan ang staff nila na kunan ka ng picture habang ilang metro ang taas niyo mula sa lupa basta daw jumpshot.

Masarap makabonding uli ang mga taong matagal mong hindi nakasama.  Pero wala nang mas sasarap pa sa mga pagkaing matagal mo nang ‘di nakakain.  Longganisa sa Mcdo, puto bumbong, cream-o, tapsilog ng Hidden Tapsi, tomi, mango shake ng Lutong Bahay, Halo halo ng Razon’s, Lemon Square cheesecake, tapsilog ng Rodic’s, at marami pang iba.  Ang sarap tumira sa Pilipinas, kahit nakakataba.  Kaya kong isugal ang timbang ko alang alang sa kasiyahan.  O yes.

nandyan talaga kami sa isawan, pramis. Nahiya lang akong lumapit dahil andaming girlies ni idol ramon.

Tatlong beses akong dumalaw sa UP diliman.  Pero feeling ko kulang ang panahong ‘yun para magreminisce ako at mag-emote sa bawat haligi ng IC, sa Sunken, sa Teletubby land, sa KNL, o sa harap ng Chemsoc tambayan.  Maraming bagong building at one way na lang ang acad oval pero ‘yun pa din ang UP na minahal ko nang buong buo, ang one true love ko.  At sadyang mabait talaga si Lord dahil bukod sa sumaya ako nang sobra sa pag-apak ng paa ko sa diliman, nakatagpo ko pa ang idol kong si Ramon Bautista sa isawan.  Finormspring ko pa si Ramon ilang araw bago ako umuwi sa Pinas na sana magkita kami pag uwi ko para mahigitan ko ang starstruck moment ng ate ko nang makita niya si Anne Hathaway nang magbakasyon siya sa California.  Matagal ko na ding goal na magpapicture kay Ramon with his aprub pose para gawing profile picture panghabang buhay, ‘yun nga lang naka-off ata ang fangirl mode ko ng araw na ‘yan kaya nagpakastalker-ish na lang kami sa pagpicture sa kanya.  Ang saya talaga sa UP. ♥

Sa lahat ng nakakita sakin nung umuwi ako, pinaka-hindi ata naexcite ang aking pinakamamahal na aso na si kobie.  Naging mabait naman siya sakin sa mga piling araw na may masarap akong kinakain.  P.S.  past time namin ni kobie ang magpictorial at sa dinami dami ng pictures nya na kinunan ko, ito ang pinakafavorite ko.  Hindi namin ‘yan pinraktis.  Isa lang siyang natural  na mowdel at isa naman akong talented na photographer walang kokontra.

cute siya pero nagkukunwari lang 'yan.

Sa lahat ng nakipagbonding, nanlibre, nagpalibre, nakipagkwentuhan, nangamusta, nagregalo, naexcite, nakipagtext, at nagpasaya sakin, salamat.  Alam nyo na kung sinu-sino kayo.  At sa mga taong hindi ko nakita o hindi nagpakita, ‘di bale, marami pang next time (kung stalker mo ko, kabahan ka na LOLJK).  At sana kayo na ang manlibre sakin.  See you next year (sana)!

Advertisements

Sino’ng tatay mo?

Hindi ko alam kung siga ba o sadyang palakaibigan ang tatay ko nung kabataan niya pero marami ang nakakakilala sa kanya sa lugar namin kaya wala ng  tanung tanong pa kapag sinasabi ko kung sino ang tatay ko.

Sino nga ba ang tatay ko?

Kahit magutom pa siya buong taon, wala siyang pakialam basta makabili lang ng sapatos.  Hindi uso ang presyo basta nagustuhan niya.  Ang lagi niyang sinasabi sa’min na totoo ang love at first sight.  Kapag nakita mo na ang the one, ‘wag kang mag-isip ng kahit sampung segundo.  Bilhin mo na kaagad kung ayaw mong maunahan at manghinayang sa sapatos of your dreams.

Laos ang dalawang linggo na pagkahuli mo sa bagong pelikula.  Mas updated pa sa nagsasalok ng popcorn sa sinehan ang tatay ko.  Kaya kung naging taong grasa ang tatay ko, alam ko na kung saan ang tambayan niya.

‘Wag na ‘wag kang babanat ng kahit anong may kinalaman sa Philippine history kung ayaw mong matalo sa mga baon mong wala-ka-sa-lolo-ko at kung anu-ano pang trivia.

Idol niya si Ninoy.  PERIOD.  Sinubukan kong saliwain ‘yan ng tumakbo si Noynoy.  Hindi man nagwagi ang pambato ko, malakas pa din ang loob ko na sabihing hindi kasama si Noynoy sa statement bago ang period.  Pero ‘wag mong subukang kwestyunin ang tatay ko tungkol kay Ninoy, anak niya ako kaya malakas ang loob ko.  High five.

Iba ang idea ng tatay ko ng oras ng pag-uwi kapag may gala kami ng mga kapatid ko.

Tatay: Ano’ng oras kayo natapos kumain?

Ate: Mga 9pm na po.

T: NG GABI???

Ako (nakikisabat): alangan naman pong umaga.  Ano ‘yan sila, mga lola??

T: Kahit na, gabi na ‘yun ah.

Ako: (aba, lumalaban pa ang tatay ko) Tay, friday night.  Maaga pa nga ‘yan sa last full show e.

(kaya naming pahabain ng tatay ko ang mga ganitong usapan)

Hindi porke’t senior citizen na, hindi na pwedeng magkaroon ng smartphone.  Lalo na ng facebook app.

Kapag sinabi ng tatay ko na masarap, hindi ‘yun masarap.  At kapag may binili siya na hindi pala masarap, itatanggi niyang siya ang bumili nun kapag nag-aamok na ang nanay ko kapag madaming nakatambak sa loob ng ref.  Ako ang madalas na biktima dito dahil kapag wala na siyang takas sa isyu ng kung sino ang bumili, ihihirit niyang pinabili ko daw ‘yun sa kanya.

Matagal ata bago nakamove on ang tatay ko sa reality na mga babae ang anak niya.  Mas madalas siyang magpasalubong ng baril-barilan, robot, at kung anu-ano pa.

Updated ang tatay ko sa lahat ng naging celebrity crush ko.  Kahit na minsan lalaitin niya muna ng ilang araw bago siya magbigay ng moral support sa akin at kahit na minsan Atong ang tawag niya kay Atom, pwede akong kiligin at mag-announce na ‘yan ang papakasalan ko tay.  Umuoo naman siya.

Nagagwapuhan ang tatay ko kay Rico Yan.

Sobrang emo ng tatay ko.  Minsan dadalihan niya kami ng linyang pangteleserye at pampelikula lang, tipong magtatanong ka kung ano ang gusto niyang pasalubong, sasagutin ka niya ng “kahit wala na basta ang mahalaga makauwi ka ng matiwasay”.  Hindi ko alam kung ano ang isasagot sa mga ganyan.  Baka opo itay, mag-iingat po ako nang mabuti, huwag kang mag-alala, hindi ako pababayaan ni ate.  omg.

Usapang omg.

(habang kinikilig ako kay james younghusband)

Ako: OMG! OMG!
Tatay ko: ano ‘yung omg?
A: oh my god!
T: pati ba naman ‘yun inaabbreviate?
A: syempre. e siguro naman tay alam mo yung LOL?
T: hindi.
A: HUWAT? laugh out loud!
T: e di pwede din pala yung BK?
A: ?????
T: bwiset ka.

Bukod sa omg, alam na din ng tatay ko ang chorba.

Magaling tumakas ang tatay ko sa pagkain ng mga bawal sa kanya.  Hihirit siya na hindi pa siya nagcocoke sa buong araw kaya pwede siyang uminom nun kapag hapunan, na pwedeng iulam ang chicharong binili niya dahil hindi daw ‘yun isang ordinaryong chicharon dahil healthy ang chicharon na ‘yon, na hindi taba ‘yung tinusok ng tinidor niya kaya ‘wag na akong kumontra dahil may sarili akong plato at tiyan.

Kung may counterpart na tao ang ahas kapag nagpapalit ng balat, tatay ko na ‘yun kapag nagbibihis siya.

Takot siya sa injection kaya gagawin niya ang lahat makatakas lang sa pagbisita sa doktor.  Laos na sa’min ang dahilan niyang may meeting sa trabaho kaya kailangang pumasok kahit off siya.

May bukol siya sa noo na parang naudlot na sungay.  Hindi ko siya pwedeng tawanan dahil meron din ako nun.  Hindi din ako pwedeng tawanan ng mga ate ko dahil meron din sila nun. ha-ha-ha

Hindi niya maintindihan kung bakit at tuwing kelan dapat isagot ang “sakto lang”.  Sinubukan naming i-explain pero sakto lang ang pagka-intindi niya.

Para sa’min ng ate ko, dapat bago ka mag-asawa, siguraduhin mo munang meron ka ng perang pambayad hanggang sa college ng magiging mga anak mo.  Sabi ng tatay ko, kapag mahal mo, pakasalan mo.  Pwede naman daw mag-effort mag-ipon pagkatapos ng kasal.  Sinabi niya ‘yan pero alam kong babaliktarin niya rin ‘yan kapag hinarap ko sa kanya ang crush ko at sabihing mahal ko po siya.

Nakakaaliw malasing ang tatay ko.  Magsisimula siya sa hindi ako lasing hanggang sa umabot sa kung saan saan ang usapan.  Kadalasan dun niya sinasabing pwede ng magboyfriend at magpakasal ang kahit sino sa’min.  Kinabukasan, itatanggi niya ang lahat.

Minsan lang ako magpakacheesy kapag tatay ko ang kausap ko.  Dahil na din ayokong matabunan sa mga pangteleserye niyang mga dialogue o kadalasan kasi nauuwi kami sa mga madrama at masalimuot na experience niya nung binata pa siya na paulit ulit niyang kinukwento pero parang ‘di niya namamalayan o sa kahit anong trivia niya na tungkol sa mga nangyari noong unang panahon.  Mas madalas nagdedebate lang kami ng kahit tungkol saan, kahit tungkol pa sa kung sino ang susunod na Piolo Pascual (si Coco Martin daw para sa kanya) hanggang sa kung sino ang mas magaling: si Jose Rizal o si Andres Bonifacio hanggang sa kung ano ang definition ng “mapayat” sa mundo ko hanggang sa kung ano ang kaibahan ng binili niyang sapatos sa luma niyang sapatos.  Pero dahil Father’s day ngayon, susubukan ko.

Tay happy happy father’s day.  Salamat sa lahat ng sermon, payo, at unquotable quotes.  Nawa’y maging masaya ka sa bago mong sapatos.  Chorba ka.  🙂

AT SA LAHAT NG TATAY OUT THERE (kung meron mang mapapadpad dito sa blog ko), happy father’s day sa inyo.  Salamat at mabuhay kayo.  High five!

Balik-bayan

“Do you see anything yet?”

Sabi ng katabi kong kano nang tanungin ko siya kung gusto niyang itaas ko ang bintanang kalahating bukas.

Umiling ako.

Hindi ko kasi alam kung may  nakikita nga ba ako bukod sa kulay itim sa kabilang side ng bintana.  Hindi ko alam kung nasaang lupalop na kami.  Mukhang niloloko kami ng piloto.

Ilang minuto ko ding tinitigan ‘yung pagkaitim ng paligid.  Minsan kasi kapag ginagawa ko ‘yun sa salitang  pamilyar sa’kin o sa mukha ng taong malapit sa’kin, natatransform sila ng imagination ko na maging iba at weird.  Naisip ko na baka sakaling maging fuschia pink ‘yung itim o kaya may mag-anyong tao at magsabing siya ang konsensya ko.

Unti-unting lumitaw ang maliliit at bilugan na kulay dilaw.  Hindi ko alam kung gumana yung imagination ko o nagsasabi ng totoo ‘yung piloto.

Hanggang sa naging halos dikit-dikit ‘yung parang maliwanag na polka dots.

Hanggang sa unti-unting sumulpot ang mga bubungan na halos magkakaakbay na ang bawat dulo.  Hanggang sa nakita ko na ang parking lot.  Parking lot na naging highway.  Highway na naging parking lot.

Hanggang sumayad na ang gulong sa runway na halos ilang metro lang ang layo sa mga bahayan.  Nakauwi din.

*****

Araw-araw akong sumasakay ng baby bus papasok at pauwi nung high school ako.  Araw-araw kong nakikita ang dikit dikit na bahay sa Cavite na halos masaulo ko na kung aling bahay ang nadaanan ng bus kahit nakapikit ako sa buong biyahe.  Naisip ko minsan na ano nga kayang pakiramdam kung dadaanan ko ang mga bahay na ‘yun sa huling araw ko sa Pilipinas? Parang last chance ko sa memory game na kapag hindi ko namemorize ang pagkakasunud-sunod ay game over na ako.  Para kang tanga.  Sabi ko sa sarili ko.  Bakit naman ako aalis sa Pilipinas?  Hindi ka magegame-over, peksman, cross my heart.  Tinaga ko ‘yan sa buga namin.

*****

Bad news.  Tinext ako ng ate ko.  Game over.  Hindi yan ang text niya pero parang ‘yan ang nagregister sa utak ko.  Malapit na akong mag-debut ‘nun.  Debut ang tawag ng mga tao dun pero para sakin birthday ‘yun.

Marami akong kakilala na nagdebut talaga kasama na ang dalawa kong ate.  May 18 roses, 18 gifts, 18 candles.  Mukha namang masaya.  Maraming regalo, halos lahat ng kaibigan mo mula elementary hanggang college makikita mo sa magkakalapit na table, at may karapatan kang makipagsayaw sa crush mo ng walang malisya.  Naisip ko, mag-e-18 din ako balang araw.  Maisasayaw ko din ang crush ko.

Hindi ako nag-debut.  Bukod sa nacornyhan ako, dumating ang bad news.  Alam mo ‘yung parang naghalo ang inis, galit, lungkot, takot na parang gusto mong mahulog ka sa kama at marinig mong nagtatawanan ang dormmates mo dahil nananaginip ka pala at paiyak na sumisigaw? Dahil alam kong gising na gising ako nang magtext ang ate ko, umasa na lang ako na magreply siya na wrong send, sorry o kaya ng joke! hindi ka na mabiro, papasaload naman, tenks.  ‘Yun ang masakit kapag umaasa ka, madalas umaasa ka sa wala.  Walang ganung reply na dumating.  Pero nagreply pa din ang ate ko.  Sino’ng tanga ngayon? Sabi ko sa sarili ko.  Akala ko pampelikula lang ‘yung eksena na dadaan ka sa lagi mong dinadaanan sa huling pagkakataon habang tumutulo ang luha mo kasabay ng pagpatak ng ulan at paggalaw ng wiper sa windshield ng sinakyan mong last trip to jerusalem ang drama.  Madaya, hindi na nga ako magdedebut, hindi pa ako makakapagbirthday na masaya ako.  Naligo na lang ako dahil ayokong umiyak sa harap ng roommates ko.  Mas madaling umiyak kapag naulan o naliligo ka, hindi masyadong maalat ‘yung luha.

*****

Mabuhay.  Nakaapak uli ako sa NAIA.  Nung huli akong nandito, pakiramdam ko bibitayin na ako kinabukasan.  Hindi ko alam kung maiiyak ba ako sa tuwa o maiinitan.  Parang gusto kong kurutin ang lahat ng makakasalubong ko para lang makasiguro ako na wala ako sa panaginip o hindi kami dinala ng piloto sa Timbuktu.

*****

Happy birthday! Salamat manong guard.  18 na ako sa wakas.  Tama ako, magiging 18 din ako balang araw.  At ang balang araw na ‘yun ay ngayon.  Sabi na, pwedeng magkatotoo ang kahit anong sabihin mong magiging ikaw balang araw.  Umabsent ako sa school.  Sa totoo lang, madali akong yayaing umabsent sa school kahit manonood lang tayo ng concert pero wag na wag mo akong yayaing mag-cut sa mismong birthday ko kung ayaw mong mabigo at umabsent mag-isa.  Nung highschool ako, binabati pa ako ng mga COCC kapag birthday ko (salamat sa lahat ng naging kaibigan kong CAT officers).  Nung 1st yr college ako, wala mang bumating COCC sa akin, pero nakita ko ang crush ko nun, naka-pink ako dahil pwedeng mag-inarte kapag bday mo, at naglakas-loob na magdrop sa badminton class ko, unang sem pa lang, sinubukan ko ng magpakacool at magpakita ng sign na hindi ako gagraduate on time.  Kaya naniniwala ako na laging may espesyal na mangyayari, kahit hindi ko planuhin, kapag birthday ko.  Ngayon, wala pa ring COCCs pero nandito si manong guard.  Happy birthday to me.  Dun ko naisip na sana hindi na lang ako umabsent.

“She’s my grandmother”.  Pffft. Hindi mo lola ‘yun.  Gusto siguro akong hampasin ng nanay ko ‘nun.  Alam kong hindi ko lola ‘yung narinig kong pangalan pero parang nagsara ‘yung utak ko.  Yehey.  Hindi na ba ako mabibigyan ng visa? Akala ko nga ganun.  Akala ko iisipin nung consul na hindi ako tunay na anak ng tatay ko kaya invalid ang petisyon sakin at hinding-hindi na nila ako tatanggapin sa bansa nila.  Bukod sa umasa, masakit din ang mabuhay sa maling akala.  Siguro pareho lang ‘yun, ang umasa at mag-akala, siguro.  Magaling ‘yung consul.  Nakita niya sa likod ng mali kong sagot na anak ako ng tatay ko at para sakin talaga ang petisyon na ‘yun at alam ko na hindi ko lola ‘yung pangalang binanggit niya.  Magaling ‘yung consul.  Pero magaling lang siya sa pagbasa ng utak ko pero hindi ng puso ko.  Bagay sigurong maging consul ang mga naging crush ko.

*****

Ang haba ng pila.  Pero wala akong pakialam.  Naaamoy ko na ang amoy ng Pilipinas kaya kahit abutin pa ako ng 2 araw sa pilang ‘to, wala akong pakialam.  Ako ‘yun pero hindi ko alam kung ano ang nasa isip ng mga foreigners na mukhang aabutin ng Pasko bago makalagpas sa Immigration.  Totoo pala na kapag masaya ka, hindi mo mapapansin ang oras.  Kung makukulong ka man balang araw, sana maging masaya ka, para hindi ka mainip kakahintay sa araw na kakalampagin ng pulis ‘yung kulungan n’yo sabay sabing “Boy Siga, laya ka na”.  Kung nanliligaw ka din ng pahard-to-get at apo sa talampakan ni Maria Clara at natatagalan ka na sa kakaasang sasagutin ka niya, malamang hindi ka masaya kaya ‘wag nyo ng aksayahin ang oras ng isa’t isa.  Kaya kung pupunta kang Enchanted Kingdom, kukuha ng NBI Clearance, sasakay sa MRT Cubao Station, o manonood ng premiere ng huling Harry Potter, siguraduhin mong masaya ka para hindi ka maasar sa haba ng pila at magkalat ng bad vibes at init ng ulo.

Pagkatapos ng ilang masasayang minuto sampung nakakaimbyernang taon nakalagpas din ako sa Immigration at Customs at nakipagsagupaan na ako sa mga taong nakaharang sa labasan ng airport.

Nakauwi din.  Nakauwi din sa wakas.

..at kung bakit dapat iwasan ang A Crazy Little Thing Called Love ng mga taong cheesy

Kung susukatin ang ka-cheesyhan ko sa buhay ko, malamang malalaos ang Cheese Ring, Cheese Whiz, at ang extra cheesy mac and cheese recipe ng kungsinumang chef at kusinera at ng iyong suking karinderya .  Hindi ko alam kung namamana ba ‘yun o nakukuha sa hangin o sa ibang tao.  Sa mga kwento ng nanay at tatay ko nung magboyfriend-girlfriend pa lang sila, parang wala namang signs ng kung anumang kacheesyhang pampelikula na pwedeng naiagos nila sa blood vessels ko.  Kung nakukuha sa hangin, bakit pakiramdam ko mas mataas ang level nung akin kesa sa mga taong nasa paligid ko? Directly proportional ba ang kacheesyhan ng isang tao sa amount ng hanging naiinhale? May pahiwatig ba ‘yun sa size ng butas ng ilong ko o sadyang maiksi at kaunti ang buhok ko sa ilong kaya palpak ang pagfifilter ng hangin loaded with cheese at oxygen na nagaganap? Kung nagkakahawaan naman ang lahat ng tao, bakit may nasasabihan ng corny at cheesy? Sino sila at bakit immune sila sa kacheesyhan na meron ako?

Napagdaanan ko din noon ‘yung phase na hindi ako nagpapahuli sa mga Asianovelas at librong kilig to the bones.  Nirecord namin ang Meteor Garden.  Kinilig ako sa Sweet Valley Junior High.  Ilang beses kong pinanood ang Full House.  Hindi ko din tinatanggi na halos lahat ng paborito kong pelikula ay love story ang focus.  Umaasa akong ang the one ko ay si Landon Carter o si Noah Calhoun o magkakaroon ako ng sarili kong kwento ng 500 days of Summer.  Pero umabot din ako sa phase na ako na mismo ang nacornyhan sa sarili ko at naisip kong mabuhay sa totoong mundo na mas maraming Dao Ming Su at Justin nung hindi pa sila naiinlove kay Sanchai at kay Jessie o ang pinakamalapit ng taong pwedeng makipaglandian sa’tin ay si Summer na walang idea ng commitment at true love dahil tayo ang Tom ng buhay niya.

Pero totoo nga ata ang Aegis nang sabihin nilang tuloy tuloy ang pag-ikot ng gulong ng buhay dahil parang bumabalik uli ang phase ko ng kacheesyhan.  Hindi ‘yun dahil naka-100 ako sa videoke ng kantahin ko ang Luha, o dahil nagtagpo na kami sa may dalampasigan ng matagal ng nawawalang the one ko, pero dahil nagpapilit ako sa mga ate ko na panoorin ang A Crazy Little Thing Called Love.  Kung napanood mo na ‘yun, malamang nangiti ka kaagad at kinikilig ngayon.  Inhale, exhale, 1, 2, 3, tumingin sa salamin at i-assess ang sarili kung nasaang banda ka na bilang si Nam.  Kung blooming at kuminang ka sa salamin, ikaw na! malamang abot-kamay mo na si P’Shone.  Kung nadismaya ka sa nakita mo, ipasok ang dvd ng CLTCL o isearch sa youtube at panoorin buong maghapon hanggang sa mawala ka sa sarili at humaba ang buhok mo.

Kung hindi mo pa napapanood, ok lang ‘yan.  Nakakakilig at nakakaaliw man, hindi naman kawalan sa buhay ang pagpapalampas mo sa pelikulang ‘to.  Pero kung sadyang marupok ka at madaling mainggit sa kasiyahan ng ibang tao, gusto ko lang sabihin na iilan na lang ata kayo na hindi pa nakakapanood ‘nun LOLJK, gusto kong malaman mo kung bakit/saan ako o kami nakarelate.

1.  Stages ng pagkakaroon ng crush na pagdadaanan mo with your BFFs

Denial stage – ‘Yung tipong caught in the act ka na pero itatanggi mo pa din na crush mo si crush dahil nahihiya ka o ayaw mong kantyawan ka ng mga kaibigan mo.  Minsan, lalo na kapag ‘di kagwapuhan at hindi pwedeng ipagyabang si crush, magkukunwari ka pang nadidiri at naaasar.  At kung sobrang haba naman ng pila ng mga karibal mo kay crush, ipapangangalandakan mong “Yan?! Gwapo ba ‘yan? Hindi naman kaya!” at magfifeeling na hindi ka bibigay sa tawag ng mababaw na pag-ibig.

Ok-fine-crush-ko-siya-silence-na-may-kasamang-ngiting-pademure stage – Dadating ang araw na pipiliin mong magpakatotoo na at itigil na ang pagkukunwari dahil hindi fun ang kiliging mag-isa.  Masarap ang pakiramdam na nailabas mo na sa wakas ang matagal mong kinimkim na kilig at saya sa tuwing lolokohin ka nila kay crush, pero mag-ingat sa venue na pipiliin mo kung gagawin na ang moment na ‘to.  Siguraduhing wala sa 5-meter radius si crush dahil matagal-tagal at medyo magiging agaw-pansin ang magiging reaksyon ng mga kaibigan mo: “yihiiiiiiiiiiiiiiii <insert name of crush here>” (repeat 10x)

Kantyawan stage – Masaya ‘to sa mga unang araw dahil bulgaran na ang reaksyon ng mukha at puso mo sa tuwing abot tanaw si crush at pwede mo ng kurutin/hampasin/yugyugin ang kaibigan mo sa sobrang kilig.  Pero dadating ang araw na ikaw na mismo ang gustong magtago o magdistract sa circle of friends mo sa tuwing dadaan si crush para maiwasan ang paulit-ulit at traumatic na pangangantyaw nila sa pagkapula ng pisngi mo o kahit sa no-reaction-at-walang-malisya-kunwari-na-tingin-mo hanggang sa mapalingon si crush at maweirdohan sa tropa niyo.

That’s-what-friends-are-for stage – Para makabawi (o dahil sadyang pagod na silang mang-asar), tutulungan ka pa ng mga kaibigan mong mang-stalk at magplano para makidnap mapansin ka ni crush.  Nakadepende ang saya at pagkamemorable ng stage na ‘to sa level ng katinuan ng mga kaibigan mo.  At tandaan na wag makikipagkaibigan sa mas maganda sa’yo, dahil magiging mapanganib ang stage na ‘to kung kamukha ni Anne Curtis ang best friend mo.

2.  This must be a sign!

Nawawala ang depinisyon mo ng kababawan basta tungkol kay crush.  Ito lang ang mga bagay na nagreregister sa utak at puso mo:

  • Nalaman mong alam niya ang pangalan mo.
  • Binigyan ka niya ng mangga!!!!!!!
  • Nginitian ka niya. (kung kumindat pa sa’yo, e di ikaw na!!!)
  • Nambully siya ng nambully sa’yo at ibinili ka pa ng softdrinks.
  • Hinawakan niya ang kamay mo nang muntik ka ng mahulog sa stage.
  • Lumingon siya ng binulong mong “lumingon ka”.

Marami pa ‘yan at kung napanood mo na nga yung movie, may dagdag kilig lahat ng ‘yun.  At dahil napanood ko na nga, ayoko ng isulat lahat dahil baka mahimatay ako sa kilig o.a..

Pero kulang pa lahat ng pinakita ng bidang character kung ikukumpara sa mga nangyari sa’yo o sa ating lahat na feeling mo/natin noon ay pinadala ng tadhana para iparamdam sa’yo/sa’tin na natagpuan mo na si the one at oo, type ka din niya.  Walang limit ang kababawan.  Example 1: Tinext ka ni crush para magtanong kung nasa school ka na at kung may dala kang yellow paper.  Example 2: Kamay ni crush ang sumalo sa inaabot mong bayad sa jeep.  Matindi ang kapit ng mga ganitong pagkakataon sa memory mo at ang mga pelikulang tulad ng A Crazy Little Thing Called Love ang magpapadikit lalo sa pagkakapit ng mga ‘yan sa kasuluk-sulukan ng utak mo.  Good luck.

3.  Bibigay ka din!

Iba ibang paraan ang pwedeng ma-qualify sa goal na ‘to.  Dumadating ‘to kapag unti-unti ng nauubos ang signs sa paligid at hindi na kinakaya ng imagination mo ang pagpapakilig sa sarili mo.  Pwedeng sabay din ‘to nung planning stage na pamumunuan ng mga kaibigan mo, pero kadalasan kasi sandali lang ‘yun dahil unang-una mas matindi ang driving force mo kesa sa mga kaibigan mo na malamang ay may sariling crush din na gustong maabot.  Mas maraming individual activities ang stage na ‘to kesa sa joined forces na stalking nyo ng mga kaibigan mo: tipong pag-imbento ng kung anu-anong talent, hobbies, angking katalinuhan, at marami pang iba para lang umangat at mapansin ni crush.  Pwede ring daanin sa dasal, kulam, tingin, o nakamamatay na pabango sabay daan sa harap ni crush.  Pero kung maisasabuhay mo din ang pagiging swan mula sa pagiging ugly duckling, kering keri mo ang stage na ‘to Ikaw na!.

4.  Love is blind…

….kaya minsan pumapalya talaga ang panang para sana ay kay crush.  Parang teleserye ‘to pero nangyari ata ‘to sa halos lahat ng tao.  Ayaw man daw sa’yo ni crush, may idedeliver naman ang tadhana na kakagat sa pain mo.  Kung sadyang mahaba ang buhok mo, pwedeng ito din ang magiging sagot sa problema mo dahil baka marealize ni crush na gusto ka niya kapag naramdaman niyang may ka-sparring na siya para sa’yo Another ikaw na moment!.

5.  This is it!

Ito na ang climax ng kahit anong love story, kapag nagka-aminan na.  Dalawa lang ang pwedeng mangyari pagkatapos: (1) Mapahiya ka dahil nalaman mong wrong timing ka dahil may labidabs na siya at dahil isa lang ang puso niya hindi ka niya pwedeng sagutin ng “i love you too”, maiiyak ka pa sa sobrang tindi ng emotions, sabay mahuhulog ka pa sa swimming pool at magwawalk-out na basa at broken hearted; o (2) pareho lang nung (1) pero dahil sadyang pinagpala ka ay makakatanggap ka ng notebook/photo album kinagabihan at malalaman mong hindi one sided ang lahat at mabubuhay ka na sa kilig from the past.

Ang saya siguro kung pwedeng magkatotoo ‘yung kwento ni Nam at ni P’ Shone at kung magpaparaffle si God na ‘yun ang grand prize, malamang magkaroon ng maraming draw dates sa sobrang dami ng sasali.  Hindi ko alam kung ‘yung pagka-imposible nung kwento ang nakakakilig o sadyang ganun katindi ang pag-asa ng mga tao na magkakaroon din sila ng sarili nilang version ng ganun, na mabibiyaan din sila ng sarili nilang labidabs kahit consolation prize pa.  Siguro nga.  Kung hindi man mangyari ‘yun, ipasok ang dvd o itype sa youtube search box ang A Crazy Little Thing Called Love at panoorin buong maghapon hanggang sa mawala ka sa sarili at humaba ang buhok mo at dumating ang taong magpaparealize sa’yong laos ang pelikulang ‘yun dahil hindi niyo pa naman nasisimulan ang love story niyo, ang love story niyo ni <insert name ni the one>.

Instant Oatmeal

Hay, sobra na naman sa  tubig ang oatmeal ko.  Para na namang binuhusan ng hugas bigas.

Sa mga panahong tulad nito, lalo kong nararamdaman ang hirap ng walang nanay.

Mag-aalas-dose na pala.  Hindi tulad ni Cinderella, hindi ko pansin ang takbo ng oras, ang galaw ng mga kamay ng orasan.  Natapos ko na naman ang isang araw.  Ginising ko ang ate kong nakatulog sa sofa dahil sa kahihintay sa akin.  Pinapatulog ko na siya dahil may pasok pa siya bukas.  Ayoko pang matulog.  Hindi pa ako dinadalaw ng antok.  Weird.  May l.q. ata kami ng katauhan kong antukin.  Magulo pa ang lamesa namin.  Kailangan ko muna atang maglinis.  Ano ang nakain mo? Tanong ‘yan ng ate ko at maaaring tanong ko din sa sarili ko.

Ano nga ba ang nakain ko? Hindi ko alam.  Mas madali sigurong sagutin ang tanong na ano ang hindi ko na nakakain.  Marami.  Hindi ko alam kung ano at ilan.  Basta ang alam ko, ang maraming ‘yon ay luto ng nanay ko.  Nakakamiss ang maraming ‘yon.  Iba ang lasa ‘nun.  Kakaiba.  Masarap.  Walang katulad.  Basta.

Ibang-iba na ngayon.  Nasa sariling bahay namin ako ngayon pero ang pakiramdam ko nasa boarding house ako.  Malaya.  Independent.  Tahimik.  Kanya-kanyang kilos.  Walang nanay.

Kapag nag-iisa ako, ramdam na ramdam ko kung paano nag-iba ang hangin sa bahay namin.  Magulo ang pagkakasalansan ng mga damit namin sa drawer.  Naaayos ko minsan tuwing umaga pero parang magulo pa din.  Iba pa rin ‘yung dati.  Bihira na din ang mga prutas na namamahinga sa ref namin.  Hindi na bongga ang tanghalian namin tuwing Linggo na dati rati ay animo’y laging may fiesta.  Wala ng nagluluto ng turon at bananacue kapag meryenda na.  Ang mga basong naiwang nakatunganga sa lamesa tuwing gabi ay nandun pa rin pagdating ng umaga, ni isang sentimetro ay hindi sila gumalaw.  Wala ng sumisigaw at nanenermon sa aming magkakapatid at sa aso namin.  Wala ang nanay naming kahit may baong megaphone 24/7 ay laging handang manlambing at maging isang cool na nanay.

Ano nga ba ang nakain ko? Weird.  Hindi ako ganitong ka-seryoso.  Ipinanganak na akong clown.  Tagapagpatawa sa mga ate ko at tagacontribute ng ingay at gulo sa bahay namin.  Masarap tumawa at ngumiti pero mas masarap magpatawa at magpangiti.  Mas madali.  Mas ok.  Ano ang nakain ko?  Hindi ko alam.  Nasobrahan na naman siguro sa tubig ang oatmeal ko.

– 12/05/07

nung panahong nanay-less ako at naging fulltime emo

Paminsan-minsan (Kung friends tayo, this is for you)

Maraming may sabi noon na akala nila tahimik ako at walang ibang ginawa kundi pumuri at magpasalamat sa kabaitan at existence ng ibang tao na nakakasalubong ko.  Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o hindi sa tuwing nababagok na ang mga kaibigan ko at narerealize na nilang mali pala ang first impressions nila sa akin.  Pero dahil positive talaga akong tao at may selective kindness din naman ako, iisipin ko na lang na birds of the same feather flock together at honesty is the best policy.  Go figure.

Malapit na akong mag-tatlong taon dito sa sweet home Alabama, kaya naisipan kong i-enumerate ang mga nagbago sa buhay ko para siguraduhing nasa earth pa ako at hindi pa ako naiinception at ilista ang mga short term goals ko para i-update ang mga taong nakakakilala sa’kin na binabayaran ko para basahin ang blog ko.

1.  Nagpagupit ako.  Pixie cut.  Ayokong itwitpic, baka ikalat mo!

2.  Uuwi dapat ako sa Pinas sa May, kaso may 80% probability na maudlot dahil sa nagbabadyang bagong trabaho.

3.  Idedeactivate ko muna ang facebook at twitter ko next sem dahil full load ako at baka hindi kayanin ng utak at puso ko ang distraction.

4.  Kumakain na ako ng okra at peanut butter.

5.  Kung maging 100% probability ang #2, baka matagalan pa ang pagbabalik-pinas ko dahil baka magtrabaho muna ako para makabayad agad sa student loan.

6.  Nanood ako ng 3D movie ni Justin Bieber at ako’y nabieberized.

7.  Hindi na ako masyadong nanonood ng TFC, nakakaemo kasi lalo.

8.  Naimpluwensyahan na ako ng ate ko sa matinding devotion niya sa skirts, dresses, at heels.

9.  Nagpunta ako sa beach nung Spring break.  Note: beach. Spring break. beach. Spring break.

10.  May boyfriend na ako. ♥

11.  Mas macheesy pa ako sa cheez-whiz ngayon, promise.

12.  May bago na akong part-time na trabaho: taga-maintain ng isang ride sa isang amusement park.  Libre sakay na din.

13.  Gumawa ako ng sarili kong version ng “Friday” at inupload ko sa Youtube.

14.  Nag-audition ako sa talent show sa school namin nung isang taon.  Syempre, hindi ako nanalo.

15.  Dalawang buwan na akong hindi nainom ng kape.  At balak kong ituloy tuloy na ang rehab kong ‘to.  Masarap naman palang mabuhay ng walang kapeng dumadaloy sa katawan ko.

16.  Manonood ako ng laban ni Pacquaio at Mosley sa May.  Bati na kasi kami ni Manny.

17.  Malabo na ang mata ko kaya madalas na akong may suot na salamin.  Full time nerd na talaga ako.

18.  Bumagsak ako sa elective kong Algrebra.  Medyo hindi kasi nagtugma ang landas namin ni x,y, at z.

19.  Hiniling kong bday gift ang DVD ng Jersey shore season 4.

20.  Mas gusto ko ng tumira dito at magpakastateside hanggang sa pagtanda ko.

May mga blogpost na ang hirap gawan ng intro at ng ending.  Minsan parang wala ng sense at walang koneksyon ‘yung unang paragraph sa mismong laman nung blog at sa ending.  Minsan talaga mahirap isalin ‘yung bawat detalye at emosyon sa bawat salita, sa tamang salita, sa tamang panahon.  Parang we had the right love at the wrong time at How can something so wrong
Feel so right all along name that tune LOLJK.  ‘Yung parang walang nakakaintindi sa’yo at walang nakakagets ng punto mo?  Ganyan talaga minsan.  Minsan feeling mo malabo ka pa sa plastic labo.

 

 

Ang minsan kong ‘yon ay ngayon.

 

 

 

April 1.

 

 

 

Happy April Fools’ Day.

 

P.S. Totoo talaga ‘yung #6 e. Baby baby baby ooooh Baby baby baby nnnoooo, char. Happy April Fools’ uli.

Pikon Talo

Loser with a capital L.  Hindi ko alam kung ano ang qualifications bago ko masulatan ang noo ko ng capital L with glitters pa at maging official loser.  Hindi ko alam kung sign ba na naisip ko yan sa linggong sunud-sunod ang laban ng Azkals at sa unang linggo ko sa school pagkatapos ng spring break.

March 20

Ngayon ang concert ng One Republic.  Sinakto na perfect ending sa spring break.  Meron na akong ticket.  Pero hindi ako nanood.

Dahil hindi ‘yun ang ending na hinahanap ko.  O dahil ayoko din na matapos ang break.  O dahil natanggap ko na nasa Alabama ako, at si Taylor Swift lang ang mapapadalas ang pagbisita dito. /wrist.

March 21

3 am.  Isang oras bago ang unang laban ng Azkals sa group stage ng AFC Challenge Cup 2012.  Kung Backstreet Boys ‘yung nagconcert at hindi One Republic, malamang tulala na ako nung mga oras na ‘yan at nakikipaglaro ng charades sa sarili.  Kung hindi laro ng Azkals ‘yun, malamang tulog pa ako at nakikipaghabulan pa sa panaginip ko with my imaginary playmates.  Pero hindi ‘yun BSB, at Azkals ‘yun.

Aminado naman ako na wala akong masyadong alam sa football.  Nung December ko lang nadiskubre ang Azkals at ang mundo ng football.  Pero sa loob naman ng ilang buwan, may mga natutunan na ako at hindi na “ayun shoot!!!” ang reaction ko sa bawat goal.  Kilala ko na si Lionel Messi.  At nabalitaan ko din ang pagretire ni Ronaldo nung February.  Hindi na F4 ang naaalala ko kapag naririnig ko ang red card, at hindi na si David Beckham ang navivisualize kong papatayuan ko ng rebulto kapag binigyan ako ng pagkakataon ng football gods.

Pero alam ko na hindi lang ‘yan ang basehan para sabihing nakita ko na ang makulay na mundo ng football.  Wala pa yan sa kalingkingan ng lolo ng mga die hard football fans.  Hindi ko alam kung nasaang banda na ba ako bago ko maabot ang kalingkingang ‘yan.  Pero tuloy lang.

3:30 am.  Wala na nga atang live coverage ang laro.  Gumising ako ng maaga sa unang araw ng klase tapos hindi ko pa mapapanood ang Azkals.  Muntik ko ng basagin ang wall clock at punitin ang kalendaryo dahil ayoko na.

Hindi ko binasag yung wall clock at hindi ko din pinunit yung kalendaryo.  At kahit binasted ng Myanmar ang panliligaw ng Pilipinas na ibroadcast ng live ang unang laban ng Azkals, hindi nagtagumpay ang Myanmar na tapusin ang 3-month relationship namin ng football.

Football via Twitter.  Sa isang baguhang tulad ko, lahat ata ng nangyayari sa isang game ay napapasali sa listahan ko ng firsts ko bilang isang football fan.  At sa pambihirang pagkakataon, salamat sa Myanmar, pwede akong maki-apir sa mga taong matagal ng solid ang pagmamahal sa sport at sa buong national team sabay sabing “first time mo?”.

Nakagoal si James Younghusband sa 2nd half ng laban nila ng Myanmar.  Kasabay ng pagdating ng tweet na “goal!!!!!!” ang “lumindol!!!” at hindi ko alam kung kasalanan ba kung magtweet ako ng “yahhhhhoooooo!!”.  Kinabahan ako para dun sa lindol, pero madali akong nakarecover.  At ganun din ata ang Myanmar.  Habang handa na ang pagsasaya ng mga Pilipino sa halos ilang taon ding pinaghirapan ng Azkals na pagkapanalo laban sa kanila, biglang nakagoal ang Myanmar, sabay pagpindot ng cancel sa tweet na Azkals 1-0 oh yeah! wooohooo.

Draw ang laban.

Kahit puyat, pumasok pa din ako sa school.  Wala ako sa mood para makinig sa teacher ko kaya nagpakabusy na lang ako kakacompute kung dapat bang manalo ang Azkals sa susunod nilang 2 laban.  Saka ko biglang narealize na ibabalik nga pala ang exam namin bago matapos ang klase.  Nagulo ang computation ko sa kapalaran ng Azkals dahil naalala kong pumalpak ako sa exam na ‘yun.  Sigurado pasang awa ang score ko.

Pagkakuha ko ng exam ko.  96.  Muntik na akong mapalakpak sa sobrang tuwa.  Ganito siguro ‘yung naramdaman nung Myanmar.  Bigla kong naalala na open book nga pala yung exam at hindi pa huli ang lahat para sa Azkals dahil may 2 pang game.

March 22

Malalaman ko din ang score ko sa isa pang exam.  Alam kong pumalpak din ako dun pero mas generous magbigay ng partial points ‘yung teacher ko sa subject na ‘yun kaya pumasok ako ng walang masyadong kaba.  Naisip ko, kahapon nga naka-96 ako e, ngayon pa kaya? Nung tingnan ko ang test paper ko, 78.  Ganito siguro ang naramdaman ng Myanmar nung nakagoal si James.

Bumaba ng bumaba ang energy ko buong araw.  Hindi ko na napanood ang unang laban ng Azkals, malabo ding mapanood ko pa ang 2 pang susunod na laban, tapos palpak pa ang exam  ko sa favorite kong subject na tinuturo ng favorite kong professor.  Hindi ko alam kung sino ang sisisihin ko: ‘yung seatmate kong matalino, ‘yung nakagoal sa Myanmar, si Schrodinger, si Coach Weiss, ‘yung teacher ko nung kinder na ginawa akong first honor at nagparamdam sakin na masarap maupo sa unang row sa graduation.  Hindi ko alam.  Hindi ako tumingin sa salamin dahil baka makita ko ang sagot sa tanong ko, baka makita ko ang capital L sa noo ko.

March 23

3:30am.  Bukas na ang twitter ko at umasang gagana ang link na magpapalabas DAW ng laban ng Azkals at Palestine.

4am.  Laos ‘yung link kaya nag-abang na lang uli ako sa twitter.

5am.  Nakatulog ako sa harap ng computer habang bumaha ang timeline ko.

5:30am.  Nang marealize kong nakatulog ako, natakot ako na baka nakagoal na pala ang Palestine habang natutulog ako.  Pag-refresh ko ng timeline ko, 0-0.  Gising na gising pa ang Azkals at nakabawi sila sa mahinang depensa nung bago ako nakaidlip.

6am.  Draw uli ang laban.  Nagcompute uli ako kung kailangan na bang manalo ng Azkals sa huli nilang laban.  At dahil mas magaling sa Math ang mga finafollow ko sa twitter, nauna ang tweet nilang kailangan nang manalo ng Pilipinas.  At kailangan ko na ding uminom ng energy drink para di na ako makatulog uli.

9:15 am.  Replay ng laban ng Azkals at Myanmar (expected time).  Itinago ko na ang libro ko kahit na may exam ako kinabukasan at hindi pa ako nagrereview.  Naisip ko, mas pipiliin kong magcram kesa palagpasin ang laban ng Azkals na 2 araw ko ding hinintay.

10:15am.  Replay ng laban ng Azkals at Myanmar (actual time).

Pinilit kong kalimutang may isa pang laban ang Azkals.  May exam kasi ako kinabukasan at kumikinang kinang pa sa memory ko ang 78 na napala ko sa huli kong exam bago magspring break.  Pasado pa ‘yun pero sa tulad kong grade conscious, nakakatrauma ang ganun.  Ang malinis na record kasi sa school ang gusto kong gawing excuse para pagbigyan ang sarili kong gumising ng maaga at umabsent para sa mga non-acad stuff.  Napaisip tuloy ako.  Ito na ba ang sign na may mali akong ginagawa? Ito na ba ‘yung pagbatok sakin ng guardian angel ko? Ito na ba ang divine intervention? Masyado na bang malala ang “Azkalitis” (ayon kay sir craig) ko?

Tapos bigla kong naisipang idownload ang Tweetdeck para mas mabilis ang dating ng Azkals tweets.

March 24

May exam ako.  Nag-aral naman ako kahit na mahirap hindi madistract sa updates sa huling training ng Azkals bago ang laban nila ng Bangladesh.  Tinatak ko sa isip ko ang 78 at ang reward na makapagtwitter uli kapag hindi ako pumalpak sa pagsagot ko sa exam.

2pm.  English class ko.  Medyo weird ang klaseng ‘yun dahil ang lakas mangtrip sa pangongonsensya ‘yung prof ko dun.  Sabi niya ang best namin kahapon ay hindi na good enough ngayon.  Siguro nga tama siya.  Siguro ‘yung best na ginawa ko dun sa exam kong sineventy-eight ko ay outdated na, kulang na, pang-last sem pa.  Ang masakit pa dun, hindi ko na mabubura sa record ‘yung 78 dahil tapos na ‘yun kagaya ng 1-1 at 0-0 ng Azkals.

Pero pwede ko pa palang mabura ‘yung akin.  Deadline ng dropping nung araw na ‘yun.  Matatanggal ang stress ko sa isang iglap, sa isang pindot sa computer ng “withdraw”.

Hindi ko na mabubura yung draw ng Azkals sa AFC Challenge Cup 2012.  Pero pwede kong burahin ang stress ng pagpupuyat at pag-asang mananalo pa ang Azkals kung kakalimutan ko na lang ang football at magsimulang magpaka-GC uli 24/7 para hindi na maulit ang 78 ko at maagapan ko na ang depression ng pagkatalo.  Hindi na mahahati ang oras ko sa pagbuklat ng libro at pagaabang sa facebook at twitter sa bagong balita tungkol sa Azkals.  Hindi ko na kailangang iconvince ang mga kaibigan kong nagsasabing, wala na ‘yang Azkals.  Piliin ko lang mag-move on, parang ‘yung pagmomove-on ko sa Hale, sa ex-crush ko, at sa ice cream.  Ayos!  Sino’ng nagsabi na life is unfair?

March 25

3am.  Laban ng Azkals at Bangladesh.  Hindi ako gumising.

Dahil hindi naman ako natulog.  Sinusubukan ko kasing tapusin ang lab report ko.

4am.  Hindi ko pa tapos ang report ko at meron na lang akong siyam na oras para tapusin at isubmit.  Pero may laban ang Azkals.  Do or die, kailangan nilang manalo ngayon.  Pero kailangan ko ding gawin ang lab report ko.

4:01 am.  Nagsimula na.

6am.  3-0.  Nanalo ang Azkals laban sa Bengal Tigers at sa lab report ko.  Si Ian Araneta ang unang nakagoal.  Sinundan ni Angel Aldeguer ng 2 pang goals.  Sinundan ng maraming tweets na #Azkals we believe.  At tumatak sa history book ang moment na ‘to.  At pwede ‘tong tanungin sa game show 20 yrs from now.

Natalo ang Azkals sa semifinals ng AFF Suzuki Cup nung December.  Ilang beses na silang natalo noon, maraming beses, nung wala pa akong kamalay malay na may national football team pala tayo, nung si Manny Pacquiao lang ang nakikita kong sama-samang chinicheer ng mga Pilipino.  Hindi na malinis ang record nila, katulad ko, katulad ng maraming tao.  Pero hindi sila sumuko, sinubukan nilang manalo, at susubukan pa ring manalo.  Hinigitan nila ‘yung best nila kahapon at nung isang araw at nung isang taon.  At hihigitan nila sa susunod na laban ‘yung best nila ng matalo nila ang Bangladesh ngayon.

Mas masarap manalo kapag naranasan mong pumalpak at matalo, mas masarap makapasa kung naranasan mong bumagsak, mas masarap maging football fan kung marunong kang bumangon at makarecover sa pagkatalo, sa draw, at sa balitang walang live tv coverage.  Hindi ako nagdrop sa klase ko at wala akong balak na ibaon sa limot ang 78 ko.  Lalong wala akong balak itapon ang tiwala at suporta ko sa Azkals, kahit maka-78 pa uli ako o magdraw pa uli sila o matalo.  Pero hindi ako makaka-78 uli, at hindi sila matatalo.  Pero kung alinman ang mangyari, wala akong pakialam at hindi ako magbaback-out sa misyon kong maupo sa unahang row sa graduation ko at sa goal na mas makita pa ang makulay na mundo ng football.  Loser your face.  Go “GC me”! Go Azkals!