5/4

Nung bata pa ako, napagbabaligtad ko ang evaporated milk at condensed milk.  Akala ko sa langit napupunta ang mga lobong nabibitawan ng mga batang mahina ang attachment sa pisi.  Akala ko bawal uminom ng tubig kapag kumain ka ng madaming manggang hilaw at bagoong.  Ngayon solved na ako sa mga maling akalang ‘yan.  Pero, nasobrahan ata ako.

Magpatuloy sa pagbasa

Saan: Super Oriental

Hindi tulad sa California at sa iba pang mataong state, kaunti lang ang mga tindahan at tambayan dito para sa mga Asian lalong-lalo na sa mga Pilipino.  Isa sa mga paborito ko ay ang SUPER ORIENTAL.  Sa sobrang pagkapaborito ko, 2 beses ko na siyang dinadalaw.  Pangatlo ngayon.


Drive.  Drive.  Drive ng halos 30 minuto mula sa bahay (malayo na ‘yun para sa travel time dito).  May napadpad pang lady bug sa loob ng sasakyan namin.  Aaaaahh ate!!!! picture-an mo, dali!!.  Kung kailan hindi ko dala ang camera ko ay saka pa may present at ready magpapicture na insekto sa paligid ko, at isang lady bug pa, e sa A Bug’s Life ko lang naka-close-up ang katulad niya.  Malas na nilalang ata talaga ako.

Pagliko sa parking lot, tenen, Super Oriental heto na ako! remember me??.    Super Oriental: Ha? Never heard.

Pumasok na kami.  Pull.  Yes, pamatay ang chimes ng pintuan nila.  Hindi isang simpleng TING! o CLING! o EENK!.  Instrumental, mellow, parang ‘yung mga naririnig mo sa mga Chinese resto, parang buong kanta na.  Pwede ng gawing soundtrack ng pelikula.

Tatay ko: (pagkakita sa isang walang kamalay-malay na mamang papasok sa tindahan) Aay, Pilipino din ‘yun.

Ate ko: (pagkakita sa isang Koreanese na naka-istambay sa may pintuan) Oooh, friend ko ‘yan.

Nanay ko: Asan na ba ang galunggong na ‘yun? Nandito lang ‘yun e.  Aaay ang laki ng tuyo oh.  Gusto n’yo ba ng tuyo? *pisil*

Oo, sabog lagi ang usapan namin basta nasasabik kami sa mga nakikita ng aming mga mata.


Nakakamiss ang mga pagkain sa Pinas.

Ate ko: Naku, Nagaraya! Kung may Nagaraya na sila ngayon, naku mayayapos ko talaga ‘yang tindera na ‘yan.

Ako: Wah, Pretzel.

Ate ko: WWWOOOOHHHHHH. Oh my, gusto ko ‘yan.

Tatay ko: (kasalukuyang namamakyaw ng Pancit Canton)

Ako: Tay, ang mahal naman netong kalamansi (juice).

Tatay ko: Ha? Magkano? (sumagot ako) Akin na, ibabalik ko.

Ako: Sinabi ko lang naman na mahal.  Ikaw na mismo ang nagsabi, kung gusto mo talaga, bilhin mo (parang pag-ibig lang *o*).  Kaya bilhin mo na.  Ikaw naman magbabayad di ba?

Ako: Wow! Ang laking Hello Panda.

Ate ko: Hay naku, wala talagang Nagaraya.

Ako: Ate, NOVA!

Ate ko: Nakita ko na ‘yan dati.  Eto Chippy, gusto mo ba?

Ako: Ayoko nga!! Chippy? E ‘di ba lasang *tut*tut* ‘yan?

Ate ko: Tange, Humpy Dumpy ‘yun.

Ako: Ay, oo nga pala.

Ako: Ate, tingnan mo. tenen!

Ate ko: C2!!! favorite ko ‘yan!!!!

Ako: Kaso lemon lang.

Ate ko: Nye.  Ayoko niyan.

Ako: Oo, masakit sa lalamunan.  Pang-may sakit.

Ako: Wow, puto seko.  Aah u-ra-ro oh. (stress on 2nd syllable)

Nanay: Uraro! (mas mabilis na pagbigkas, stress on the last)

Ako: Ah, ganun ba ‘yun.  ‘Di ko alam.  Ate, URARO oh.

Ate: Ano ‘yun?

Ako: ‘Yung hugis bulaklak.  Basta masarap.  Eto oh!!! May puto seko din.

Ate: PUTO SEKO!!! Asan? Gusto ko ‘yung gawang Quezon e.

Ako: (sabay basa sa packaging) Mey-ca-u-a-yan, Bu-la-can.  Eto Bulacan oh.

Ate: E ‘di hindi Quezon.

Ako: Hindi nga.

Ako: E gusto mo ba ng Peng Pai Pao?

Ate: Ha?

Ako: PENG PAI PAO. (Hindi ko din alam kung ano ang laman nun)

Ako: Aaay, ang cute nung drawing oh.  Aaay, eto, gusto mo? Ice-cream-ice-cream-an.  Parang nung bata tayo.  Mga kung anu-anong shape ng sugary thingy.  Aaay, eto mas may effort na ice-cream-ice-cream-an.

Ako: PENG PAI PAO!!!

Tatay ko: Tara na.

Ako: PEEENNNGG!

Ako: Oo nga, wala akong gana ngayon e.

Ako:  Tay, ikaw na magbayad sa cashier, lagi mainit ang ulo ng cashier dito e.

Ate ko: Ano ba ‘yan, nahiya pa si tatay sa mango juice.  Tinira pa ‘yung isa sa shelf.

Ako: Ate, hello kitty oh!

Ate: Ano ka, BATA!?!

(nagwalk-out na ang ate ko, at naiwan akong nag-iisa at nagayuma ng kinang at alindog ni hello kitty)

May ballpen, pambura, notebook na iba-ibang hugis, bag, wallet, tsinelas, unknown things, at kung anu-ano pang ka-ek-ekan na may drawing ng mukha niya.  Parang gusto kong bumili ng isa, tapos pipicture-an ko para sa blog ko.  Bwahahaha.  Alin kaya dito?? Hmm.  Naaaliw pa din ako ni Hello Kitty.  Aaah ang cute! Ay, ang galing. Wah, parang gusto ko neto.  Habang parang sinasapian na ako sa magic spell at charms ni Hello Kitty, naririnig ko ang tv na tunog Intsik.  Ni hao ding shao shi shi ting pao sio pao min me shao xu yi ye chuk chak chenes… muntik ko ng sabayan ang pagiintsik nung nasa tv dahil nawala na ako sa sarili dahil kay Hello Kitty.  Past time kasi namin ng mga kapatid ko ang panonood nung Chinese cook na nakaka-wow ang style of cooking, tipong nilublob na sa kung saan saan ang sandok, ‘yun pa din ang panghalo at walang aarte-arte dahil expert siya sa gulok.  Oo, paborito naming sabayan ang pagiintsik niya kasabay ng background music ng tilamsi ng kawali, Ni hao (ssssshhhh <—kawali yan) ding shao (sssshhhh) ting pao (ssssshhh)… kaya naging sakit na namin ‘yan.  Buti na lang naalala kong Intsik nga pala ang mga tao dun at baka mabatukan ako.  Hay, naku.  Pahamak kang hello Kitty ka!  Dahil diyan, hindi na kikita bibilhin.  Babu.

Ako: O, asan na ang pinamili natin?

(sabay kita sa mga binili namin sa isang maliit at gamit na kahon)

Ate ko: Yes, naman, parang lipat bahay lang.


Paalis na sana kami, nang biglang hindi talaga makapagpigil ang tatay ko sa mango juice na iniwan niyang nag-iisa sa shelf.  Seryoso talaga ang quote niya na kapag gusto mo talaga, bilhin mo, inaapply namin lagi ‘yun.  At bago kami nagpaalam ng tuluyan sa paningin ni Super Oriental, naiuwi ng tatay ko ang isa pang mango juice.

Stalker ba ako?

Sa bawat araw na nakakasalamuha ko ang sarili ko, hindi ko na napapansin kung normal pa ba ako o sadyang tagilid lang ang pakikitungo ko sa salitang normal.  Kahapon, muli akong napaisip.  Dejavu.  Parang nag-reunion ang mga ala-ala mula noong buhay na buhay pa ang social life ko.  Sabi ng isa sa mga boss ko kahapon habang nakikipagtsismisan sa tatay ko, “Bogart (hindi tunay na pangalan ng tatay ko, naaaliw lang ako sa tunog niya, kung BOGART ang pangalan mo, i-friend mo ako dali!), I think you’re daughter is stalking me”.  O hindi.  Sino’ng stalker? Hindi ako stalker.  Hindi.



Pero dati oo.


Wala akong gang.  Wala akong mga “bata” o kahit isang alagad na nakaleather jacket na on-call sakaling may potential victim na ako.  Hindi ako big-time.  At lalong hindi ako pwedeng rentahan at arkilahin.  Underground lang ako noon.  Simpleng galaw.  Kaunting sulyap.  Para-paraan.  Dahan-dahan.  Para sa sariling kapakanan at kaaliwan.


Kung tutuusin, pihikan ako.  Kaunti lang ang mga nabiktima ko noon.  Long-term ang uso sa akin.  Sapat na ang mga daliri mo sa kaliwang kamay kung dodrawing-an mo ng mga mukha ang mga dulo nito sabay gawa ng pagsasadula ng mga kabaliwan ko noon.  May classmate, may kaibigan, may sikat, may kakilala ng kaibigan, may crush ng kakilala, may teacher, may di-gaanong stranger at syempre may hindi ko talaga kilala.  Kung 5 lang ang daliri mo sa kaliwa, drawing-an mo na din ang kanan.


Wala naman akong ginawang katakwil-takwil.  Baka nga katulad lang kita nang hindi mo nalalaman o baka ang ini-stalk ko pala noon ay mas malala pa sa akin.  Ang mahalaga lang sa akin noon ay ang pangalan, buong pangalan.  At dahil ang swerte ay pakalat-kalat lamang, madaming sumasambot sa tulad ko.  Ang pinakamamahal kong world wide web.  Konting click lang, may nakahain nang juicy para sa aking lalamunan; birthday, paboritong pelikula, hobbies, idol na artista, paboritong teleserye ni juday, paboritong kanta ni roselle nava, school, likes at dislikes.  Nalalaman ko din kung jologs ba siyang umasta o conyonistic kung magsalita o kung buhay na niya ang pagbaby-talk.  Nakikilala ko din ang mga tao sa buhay niya, kaibigan, kapatid, classmate, pinsan o kapitbahay na paminsan-minsan naman kapag natuwa sa akin ang swerte power sa paligid, makakatagpo ako ng connecting line, ng bridge sa buhay ko patungo sa mundo nila.  Nandyan din ang mga public photos, at ika nga ng isang kantang hindi ko naman paborito pero gusto kong isama ngayon if a picture paints a thousand words... na totoo namang nagdudulot ng walang hanggang kasiyahan at paminsan-minsan, naipagmamalaki pa sa iba na parang pusang nagyayabang sa dagang natalisod niya. Minsan may mga blogs at shout outs din na nakakatulong din sa pagiimagine at pagbuo ko ng over-all personality at character niya.  At syempre nasasagot ang tanong ko kung may syota-syotaan na ba siya o hanggang crush lang siya o sobrang lamya ng social life niya na nais niyang mag-isa panghabang buhay.  Madami talagang bonus dahil kay www at dahil dun madami talaga ang katulad ko ang nabibigyang buhay ang tendency na maging ahem stalker wanna-be.


May ilang bagay naman na dumadating lang sa akin nang hindi sinasadya.  Kusang lumalapit.  Minsan halos masaulo ko ang class schedule niya sa pagiging isang magaling na observant.  Lagi ko siyang nakakasalubong sa ganitong araw sa ganitong oras papunta sa ganitong building.  Halos nabubuo ko minsan ang puzzle kapag pursigido ako o kapag magaling ako sa research ko o kapag naging medyo closed na kami.  Common sense lang minsan ang lahat at syempre ang pagiging alert 24/8.


May iba na hindi nakukuntento sa imaginary world nila.  Nais nila ng execution.  Nais nila ng mabilisang happy ending.  Gumagawa ng shortcut papalapit sa target point.  Tatambay sa madalas niyang tambayan, gagawing hobby na din ang ganitong hobby upang may something common na sila, kukunin ang ganitong subject para siguradong kasama siya ng isang buong sem, kakaibiganin ang kaibigan niya para masaya, lilipat ng boarding house malapit sa kanya o sa mismong dorm na tinitirhan niya para ma-rape siya para maka-closed siya.  At taas-noo kong sasabihing wala akong ginawa dito.  Kaya kung sa tingin mo ay ini-stalk kita noon na sigurado ko naman na hindi, sana’y na-relieved ka sa iyong mga nabasa at nalaman.  Sana’y naisip mong sinungaling ang mga tulad ko.


Sariling effort, determinasyon at dedikasyon plus kaunting budbod ng swerte na may kasamang tsismis mula sa outside forces, ‘yan lang ang sa tingin ko ang nalaman ko mula sa aking mga karanasan.  Wala akong masyadong natutunan sa phase ng buhay kong ito.  Masaya naman ang ganitong hobby ngunit nakakatakot kung gagawing career panghabang-buhay.  Hindi ito ang tamang paraan upang mag-aksaya ng panahon dahil unang-una hindi ka dapat nagsasayang ng panahon at pangalawa hindi ito nakakatuwang paraan upang magpalawak ng mundo mo.  Kaya pakiusap, huwag kunsintihin ang iyong crazy self, hindi ‘yan healthy sa iyo at sa kinabukasan mo.


Stalker.  Tunog rebelde.  Parang ang cool-cool.  Mukhang mas exciting ito kaysa dumapa sa kama at umiyak nang dear god, crush niya ba ako? Bakit naman hindi? Bakit? Huhu.  Siguro nga paminsan-minsan ay hindi natin maiwasan na subukan ang mga ganitong bagay sa mahiyain nating buhay para lamang maiba, para mahawakan natin sa ating mga kamay ang sarili nating kasiyahan, ang sarili nating tadhana.  Sino’ng may ayaw ng ganun? Ako gusto ko nun.  Pero hindi ‘yun ang kailangan ko upang maging masaya.

At para sa boss ko, hindi talaga kita iniistalk.  Ang corny ko naman para gawin ‘yun. Peksman.

Gaano ka ka-high?

Marami tayong kwento sa ating mga buhay.  Kwentong nakakaantig, nakakatawa, nakakaiyak, nakakainis, nakakagulat, nakakakilig, nakakatakot, nakakadiri.  Lahat tayo kanya-kanyang originality sa istorya.  Mantakin mo, hindi nauubusan ng letter sender ang Maalala mo Kaya sa halos ilang taon nila sa tv.  At kung ang sulat ko ang papanoorin mo ngayon, siguradong mahihirapan kang i-categorized ang kwento ko.  Kung ako ang tatanungin, sasabihin kong ang lahat ng bahagi ng kwento kong ito ay walang dudang fiction at produkto lang ng aking imahinasyon.  Kung ako, itinatanggi ko nang kakilala ko ang sarili ko, ikaw pa kaya?  Subukan mo.  At oo, mahaba uli ito.  Kasing haba ng pasensya ko sa sarili ko, bakit ako nagkaganito?  Bakit?

BACKSTREET BOYS

Tandang-tanda ko pa kung ano ang kauna-unahang kantang English ang isinapuso at isinadiwa ko, ang 2 Become 1.  Pero hindi ako naging avid fan ng Spice Girls kahit na naging paborito ko rin ang  hand gestures ng Stop.  Pwede tayong magdance showdown ngayon.  Tandang-tanda ko din ang kauna-unahang album na kinabaliwan at dinibdib ko, ang 1st album ng 98 degrees.  Araw-araw pinakikinggan at sinasabayan ko ang buong album nila, side A at side B.  At dahil pursigido ako, na-memorize ko ‘yun.  Nang bigla kong makilala ang NSYNC.  Mas ok ‘to ah.  Mas mukhang bagets ang mga itsura at mas upbeat ang music, mas nakakaindak.  Kahit sinayaw pa namin sa school noon ang Because of You ng 98 degrees, nadaig ‘yun ng It’s Tearin’ Up my Heart at I Want You Back.  Nang dahil dun nabaling ang atensyon ko sa kanila.  May version pa kami ng mga kapatid ko ng God Must Have Spent A Little More Time on You with matching 2nd voice, kulot effect at lahat ng ungol na may full emotions at feelings.  Mayron pa akong video na hinding-hindi ko isheshare unless gagayumahin mo ang crush ko para sa akin, deal?  Unti-unti silang sumikat lalo na nang i-release nila ang Bye, bye, bye.  Nang mga panahong ‘yun, natuklasan naman namin ang reality show na naging simula ng O-Town.  Mula audition hanggang sa maging lima na lang sila.  Muling nahati ang atensyon ko.  Ilang buwan, sumikat din sila at totoong narindi ako sa All or Nothing, akalain mong nagka-isyu pa ang mga classmate ko kung sino ang nasa tamang tono sa pagkanta ‘nun, naki-oo na lang ako sa ilan sa kanila.  Habang nasa stage ako ng pagkaadik sa tatlong boyband na ‘yun, kilalang-kilala ko na noon ang Backstreet Boys.  Bata pa lang ako, adik na adik na ang mga ate ko sa kanila.  At dahil gaya-gaya ako, kinilala ko din sila.  Nang dumating ang panahon na nakaget-over na ako sa 98 degrees at inis na inis ako sa NSYNC dahil puro si Justin na ang bida sa Celebrity album nila at naconvince ako ng mga ate ko na jologs pala silang pumorma habang nababaliw ang mga kaibigan ko sa All or Nothing at The Painter, napagtuunan ko ng pansin ang Backstreet Boys.  ‘Yun na ang simula ng lahat.  Millenium ang kauna-unahang tape na nagkaroon kami.  Sa sobrang pagka-fan ko, nagtiyaga akong pakinggan at paulit-ulitin ang buong album na ‘yon para lang maisulat ang lyrics ng lahat ng kanta nila sa album na iyon.  Rewind, pause, play, pause, rewind, play. hanggang sa makumpleto ko na ang lahat ng kanta.  Kinanta ko pa sa classroom namin ang The One at hindi man lang sumagi sa isip ko na baka mali-mali o saliwa ang mga salitang nabuo ko.  Kanta lang ako.  At kung may classmate man akong makakaalala ng araw na ‘yun, babatukan ko siya ngayon din hanggang sa malimutan na niya ang lahat.  Pagkatapos nun bumili na din kami ng Black and Blue at pati ng Backstreet Boys at Backstreet Back na hinalungkat pa ata ng mga sales lady para sa amin.  Hindi na ako nakaget-over mula ng maadik ako sa kanila.  Hindi tulad ng ibang boyband na may paborito lang akong member, tulad ni Jeff sa 98 degrees, ni JC sa NSYNC at ang minahal ko talagang si Jacob sa O-Town.  Isang matinding palaisipan sa akin, pati sa aking mga kapatid, ang tanong na kung may isang itatapon at ivovote-out sa BSB, sino ang chosen one? at never kaming nakapagdesisyon kung sino nga ba, as in wala talaga.  Lahat sila ok na ok, walang patapon, may kanya-kanyang galing at packaging.  Ganun katindi ang pagmamahal ko sa BSB.  May ilan din kaming VHS tapes ng concert, interviews, TRL guestings at kung anu ano pa.  Binigyan din ang tatay namin ng katrabaho niya ng vcd na may trivia at fan quiz kung saan malalaman mo kung sino ang compatible member para sa iyo.  At ang most prized possession ko ay ang libro ko ng BSB na isang kahilingang natupad nang magbirthday ako noon.  Isa din sa mga paborito kong panoorin lalo na kapag hindi pa ako inaantok at gusto kong magpuyat, ay ang VHS ng The Greatest Hits nila dahil nakakasabay na ko sa lyrics napapanood ko pa ang music videos nila.  Meron din kaming pirated karaoke cd ng mga kanta nila, paborito ko din ‘yun kahit pirated.  Hanggang ngayon umaasa pa din akong balang araw mapapanood ko na din sila ng live.

Dramatic moment:  Ingat na ingat kami sa lahat ng VHS namin ng BSB.  May kanya-kanyang label.  Ang pinakapaborito sa lahat ng paborito namin ay ang concert nila nang umuwi sila sa Orlando, ang hometown nila.  Sobrang bongga ‘nun at sinuwerte kami na nasaktuhan namin sa HBO ‘yun.  Hindi tulad ng concert ni Britney Spears, never ng inulit ng HBO ang concert na ‘yun kaya kapag napagtitripan namin ng mga ate ko, lagi naming pinapanood ang kopya namin ‘nun.  At hindi kami nagsawa, laging nandun ang kilig factor at kasiyahang dulot nila.  Nang biglang dumating ang araw na iyon.  Grade 6 pa lang ako ‘nun.  Friday, syempre pagod at inaantok na ako pagkatapos ng isang linggong pagpasok sa school.  Nagkataong maganda ang Maalala Mo Kaya episode ‘nun.  Si Paolo Contis ang bida bilang isang bading.  At dahil naintriga ang mga ate ko sa palabas at wala sila sa bahay nang gabing ‘yon, naghabilin sila sa nanay ko na i-record na lang para mapanood nila sa susunod na araw.  At dahil wala ako sa sarili, hindi ko nafeel na ginising pala ako ng nanay ko para asikasuhin ko ang VHS player namin dahil hindi siya masyadong marunong.  Pero dahil inaantok ako, tumango lang ako.  Lumipas ang gabi.  Kinabukasan, papanoorin na ng mga ate ko ang pinarecord nila.  Nay, asan na po ‘yung tape? Nang iabot ng nanay ko, gumimbal sa ate ko ang label ng VHS tape,  walang iba kundi ang *tenen* Homecoming concert ng Backstreet Boys sa Orlando.  Parang gumuho ang lahat ng maaaring gumuho.  Syempre dahil bata pa lang ako at halatang nasa addicted state ako, umiyak kaagad ako habang nakadapa sa sofa.  Hanggang sa magsermon na ang nanay ko na, e sa wala naman siyang kaalam-alam sa mga tapes na meron kami.  At sa loob-loob ko, kasalanan ko ang lahat.  Umiyak ako ng todo todo.  Nahimasmasan kaagad ang mga ate ko.  Ok lang daw, at least baka sakaling maganda ang MMK episode na meron kami.  Play.  Walang picture na lumabas sa screen, puro gray, at may kaunting garalgal na ingay.  Lalo akong humagulgol nang parang walang katapusan.  Ilang buwan ang nakalipas, ni-replay ang MMK episode na iyon.  Nakakatuwa.


F4

Sino nga ba ang babaeng hindi naadik sa Meteor Garden at sa F4?  Meron nga ba?  At aminado ako na sobrang tinamaan ako ng halimuyak at gayumang dala nila.  Pero ang pinakapaborito ko sa kanilang apat ay si Wat si Lei (huwag intindihin ang spelling, basta katunog, solved na).  Kasi masyadong macho si Dao Ming Si, super mayabang at masyadong masculine.  Mas pasado sa akin ‘yung tipong sobrang bait, tahimik at bestfriend type.  At feeling ko noon ang gwapo gwapo ni Lei.  At sobrang affected ako dahil kahit ilang beses ko isearch sa internet, si Dao Ming Si ang bida sa Meteor Garden at siya ang kalove team ni Sanchai.  Sobrang adik na adik ako ‘nun.  Kung cocompute-in ang mga nagastos ng nanay ko sa internet card na halos araw araw niyang bilhin noon para sa mga abnormal niyang mga anak, pwede ko na sigurong gawin tsinelas pang-banyo ang isang pares ng hav.  Halos mapuno ang memory ng computer namin sa pictures nila.  Hindi ko matanto kung bakit ako natuwa sa pagcopy at pagsave ng mga pictures na ‘yon.  Nagprint pa ako ng ilan sa mga paborito ko tapos dinikit ko sa aparador namin katabi ang pictures ni Rico Yan at Ryan Agoncillo.  Ngayon pa lang, pag-isipan mo na kung bakit mo ako naging kaibigan o kung nais mo pa akong maging kaibigan.  At nasabi ko na bang namemorize ko din ang ilan sa mga kanta nila dahil nagpabili din ako ng album nila? at ‘yung special package pa ang pinabili ko para may kasamang vcd ng mga music videos nila

Dramatic moment:  Mula simula hanggang sa dulo, si Lei ang isinisigaw ng puso ko para kay Sanchai.  At dahil paborito akong asarin ng mga ate ko, hindi nila pinalampas ang pagkakataong gamitin si Lei para ako’y asarin at paiyakin.  At hindi sila nabigo.  Isang gabi, habang nagkukwentuhan kami tungkol sa Meteor Garden, pinagtripan nila si Lei.  Sobrang payat daw, parang butiki.  Tapos wala pang emosyon, ang tamlay tamlay.  At dahil dun umiyak ako buong gabi.


Christian Bautista

Ayoko mang aminin, pero dumaan nga ako sa phase ng buhay ko na naadik ako kay Christian Bautista.  Sinabi ko pa noon sa tatay ko nang mapanood niya ang music video ng The Way You Look at Me na siya na ang lalaking pakakasalan ko.  Inaabangan ko din siya sa ASAP at dun ako namulat sa mundo ng yahoo groups.  Isinapuso ko din ang 1st album niya.  Natuwa pa nga ako ng sabihin ng ate ko na dati daw ‘yun kapitbahay ng officemate niya  kaya malamang kayang kaya ng ate kong dalhin ako sa bahay ng kinaaadikan ko.  Buti na lang naka-move on kaagad ako sa phase na ito.  Nabagok o  nagpakabagok, ayoko nang alalahanin pa.

Dramatic moment:  May 23 nun.  Fiesta sa amin.  Nagkataon na may show siya sa SM na malapit sa amin.  Ilang araw bago ‘nun, niyaya ko na ang nanay ko na samahan niya ako para hindi naman nakakahiya.  Excited na excited ako nun.  Isang araw bago ang araw na iyon, nagdesisyon ako.  Palalagpasin ko ba ang fiesta? Isa sa mga paborito kong araw bukod sa Pasko dahil may pagkain sa bahay at may bisita at kumpleto kaming magkakapatid? Hindi ako pumunta sa SM ‘nun.  Nung simula, kampante ako sa desisyon ko hanggang sa dumating ang tanghali at mapanood ko ang ASAP at ang Fanatic.  Perfect time din ‘yun para asarin ako ng mga kapatid ko.  Hanggang sa mag-sink in ang desisyong ginawa ko, nagkulong ako sa kwarto at umiyak habang nagsisisi.  Tandang tanda ko pa na nagsulat ako sa diary ko ng gabing ‘yon sa sobrang sama ng loob sa sarili ko.


BLUE EAGLES

2nd year ako ng tamaan ako ng epidemya.  At si Wesley Gonzales ang isa sa mga dahilan.  Halos lahat ng games nila sinubaybayan ko sa tv at sobrang naging affected ako sa bawat pagkatalo o pagkapanalo nila.  Kahit na hindi naman ako taga-ateneo, feeling ko part ako ng team na ‘yon.  Sumali din ako sa kung anu anong forum at yahoogroups, nakinig ng HalikiNU, bumili ng Chalk mag at talagang nakipagdebate sa mga kaibigang green blooded.  Mula ng naging fanatic ako, hindi sila nagchampion sa UAAP hanggang sa makapasok ako sa peyups at narealize ko ang kabaliwang ginawa ko sa pagpapakabaliw sa team at mundo nila.  Nagsawa na ako sa kanila at naging bitter.  Last season ang pinakahindi ko sinubaybayan at isinuko ko na ng buong buo ang suporta ko sa kanila, at sa wakas nagchampion sila.  Malas ako o swerte sila?

Dramatic moment:  Sa lahat ng games ng Ateneo na natalo sila, may isang game na natalo sila ng La Salle ang iniyakan ko.  Hindi ko na matandaan kung bakit pero ang pagkakaalala ko, ilang segundo na lang nun at talagang nilipat ko sa ibang channel ang palabas sa sobrang inis at dumapa na lang sa kama at umiyak.  Nag-drama pa ako sa text sa ilang baliw din na kaibigan.


HALE and the like

Hale ang kauna-unahang bandang kinabaliwan ko.  Hindi pa man sila masyadong sikat, na-mesmerize ako kay Champ at sa ka-sentihan ng music genre nila.  At ‘nun ako naging full pledged member ng isang yahoo group.  Nakatagpo ng ilang kaibigan na naging malapit din sa akin.  Medyo kaunti pa lang kami ‘nun at in some way, civilized pa ang kabaliwan namin.  Nakilala ko ang z gurls at inampon nila ako kasama ang dalawa pang fetus na katulad ko kahit na hindi nagtatapos sa z ang nickname namin at mas bata kami kumpara sa kanila.  Naging isa ako sa active na nagpopost sa yg.  At may ilang dinayong gig.  Dun ako nabansagang groupie ng mga kapatid ko.  Nang maging seryoso na ang acad life ko dahil graduating na ako, medyo humina ang addiction ko.  Naging inactive na din ang ilan sa mga kaibigan ko at namayani na ang others sa yg na ‘yun.  Hindi ko alam kung bakit kinonsider namin na iba kami sa others na ‘yun.  Pagkatapos ‘nun, sumali ako sa isang text clan nang dahil sa promotion at recruitment ng ilang kaibigan.  Hindi ako naging active at ilang buwan lang, nagpakalayo layo na ako.  Nagparehab at nagmove on.  Nang magcollege ako, nagkataong ang naging roommate ko sa boarding house na naupahan ko, ay isang ex-member din ng clan na ‘yun.  Pareho na kami nung magaling at safe kaibiganin.

Dramatic moment:  Nang magconcert ang Hale sa isa sa mga resort malapit sa amin, at dahil manager ang mommy ng kaibigan ko, isa ako sa mga tumulong na magpromote at magbenta ng ticket.  Nakabenta at nakaloko.  Ate ko at ang bestfriend niya.  Dumating ang event date.  Nasa venue na ang lahat ng kaibigan ko pwera sa akin.  Habang hinihintay namin ang bestfriend ng ate ko sa bahay namin, umuwi ang nanay ko galing sa plaza dala dala ang balitang may commotion daw sa  bayan.  Naguluhan ako kung may barilan ba o holdapan o sunog o kung anu mang krimen.  Basta mahabang diskusyon ang inabot namin nun dahil ayaw na kaming paalisin ng nanay ko.  Hanggang sa mag-emote na ako at magmatigas ang ate ko.  Umiyak ako buong gabi habang nagwalkout ang ate ko kasama ang kaibigan niya.  Hindi sila nanood, lalong lalo hindi ako nakanood ng concert na ‘yun.  Nang mahimasmasan ako, nagdrama ako ng todo todo sa text sa mga kaibigan kong nag-eenjoy sa concert.  At kung naisave ko sana ang nobelang txt kong iyon, malamang makukumpleto ko na ang collection ko ng unquotable quotes ko sa buhay ko.

Naadik din ako sa Callalily pagkatapos kong gumaling.  Wala na akong masyadong kabaliwang ginawa dahil medyo may muwang at kahihiyan na ako ng mga panahong iyon.

Sa tingin mo, magaling na ba akong mag-imbento ng kwento? O naniniwala kang alumnae ako ng rehab? O nagka-amnesia ako at naguguluhan lang ako sa past life ko? O sadyang malamya lang ang buhay ko na kailangan kong pagalawin at paglaruan ang karanasan ko sa buhay? O nais ko lang patunayan na hindi ako kasing-corny katulad ng iniisip mo ngayon at hindi ako isang boring na creature na walang ginawa kundi magbilang ng guhit sa palad at talampakan ng nanay ko? O isa lang akong nanglolokong letter sender ni Ate Charo na nais magkaroon ng exposure at fans?

dear diary

Hindi ako ang tipo ng taong mahilig magwrap-up ng everyday lives nila sa blog.  ‘Yung parang diary talaga na buhay na buhay sa mga kwentong fresh na fresh pa with matching full emotions at kung anu-ano pang kacacasual-an.  Siguro dahil pakiramdam ko talaga na may nakalaang slot para sa akin sa mundo ng pagsusulat kaya mataas ang pressure at expectation ko sa sarili ko.  Ayokong gumawa ng blog na basta-basta lang.  Ayokong mag-blog para lang ma-update at mapahaba ang listahan ng posts ko o para dumami ang miyembro ng fans club ko.  Gusto ko kasi makita at maramdaman ko ang masidhing passion at tapat na pagmamahal ko sa larangang ito sa pamamagitan ng bawat sandaling nagba-blog ako.  Ito ang stepping stone ko.  Ayoko namang humakbang at umapak sa malamyang bato o tumuntong sa hindi de-kalidad na simulain.  Kung naniniwala ka sa mga pinagsasasabi ko, sali na sa fans club ko.

Hindi ko itatangging bata pa lang ako ay mahilig na akong magsulat sa diary, ang tunay na ninuno ng mga naghahari-hariang blog ngayon.  Siguro dala na rin ng inggit sa mga ate ko na may mga sarili din nilang mga diary.  Wala nga lang binatbat ang bersyon ko kaysa sa diary nila.  Natatandaan ko, dahil ilang beses kong nahawakan sa drawer niya, ang itsura ng diary ng isa kong ate.  Parang kamukha nung nasa Mara Clara na siyang naging susi sa pagkahaba-habang kwento ng masalimuot nilang mga buhay.  Simple lang ang sa akin.  Matingkad na violet at may konting bahid ng pink tapos may umeeksenang picture ni Snoopy sa gitna na hindi ko naman naging favorite mula noon hanggang ngayon.  Kahit ganun, ninamnam ko ang bawat pahina ni diary.  Feel na feel ko ang  bawat kwentuhan namin.  Inilabas ko sa kanya ang lahat-lahat. Lahat.

Hindi kami araw-araw nagtatagpo ni diary.  Depende kapag nafi-feel ko talagang may juicy na akong ikukwento.  Kapag deadma kami sa isa’t-isa, nagtatago siya sa drawer ko, kabonding ang mga underwear ko.  ‘Yun lang kasi ang tanging bagay na hindi namin pwedeng hiramin sa isa’t isa ng mga kapatid ko.  ‘Di tulad ng sapatos, pantalon, tsinelas, hikaw, blouse, bag, lotion, panyo, pabango, ballpen, tuwalya at kung anu-ano pa, bukod tangi ang mga katropang ‘yon ni diary.  Sa buong existence niya, naging mga front runners at security guard ang mga ‘yon laban sa mga outside forces na maaaring maghalungkat sa mga sikreto ko.

Kahit na buo ang loob at tiwala ko sa mga tagapagbantay ko, ingat na ingat pa din ako sa pagbanggit ng mga personal na pangalan kay diary.  Mahilig akong gumamit ng initials lalo na kapag tungkol na sa mga crush ko ang kwento.  Parang sa part 2 ng pelikulang Dear Diary na ang pamagat ay Dear Killer.  Bida si Lea Salonga at Herbert Bautista saka si Lileth.  Paborito namin ‘yon bukod sa mga pelikula ni Alma Moreno na saka ko na lang ibibida dahil hindi naman tungkol sa kanya ang blog na ito, pero promise, madaming magandang pelikula si Ate Ness at ‘yung ibang kapanahunan niya.  Balik sa Dear Killer, si M.D ang killer ng karakter ni Lileth.  Umikot ang isang oras ng palabas kakaisip ni Lea Salonga at ni Herbert kung sino si M.D at kung bakit nawawala si Lileth.  Mantakin mo sa isang personal diary, gumamit siya ng initials ng lalaking nanliligaw sa kanya at posibleng kumidnap at pumatay sa kanya nung Valentines Day na ‘yun.  Kung binanggit na lang niya ang totoong pangalan o kahit first name imbes na M.D., malamang hindi napagbintangan na killer ang walang kamalay-malay na si Mr. Delgado.  Pero ‘di ba, exciting kapag initials, at tipid sa ink ng ballpen at effort ng pagsusulat.  May makalusot man o may pakialamerang Lea Salonga o Herbert sa buhay ko, ligtas pa din ang mga sikreto ko.  Apir tayo Lileth.

Halos kalahati ng diary kong ‘yon, umikot din sa panahong namatay si Rico Yan.  Kung alam mo lang kung gaano ka-affected ang buong pamilya namin nun.  Parang tumigil din ang mundo namin kasabay ng pagdadalamhati ni Claudine Barretto.  Habang nabaliw ang ate kong kakarecord ng mga pelikula ni Rico at Claudine at huling episodes ng Whattamen, tumodo ako sa pagbuhos ng lungkot kay diary.  Parang feeling ko iniwan din ako sa ere ni Rico.  Inaway away pa namin ng mga kaibigan ko ang teacher namin dahil isinabay pa ang graduation namin sa mismong libing niya.  Umaga ang pagbaon sa kanya sa kalupaan, umaga din ang pag-akyat namin sa entablado ng eskwelahan namin.  Habang minamake-up-an ako ng bading, nakatutok kaming lahat sa tv, isama mo pa ang bading.  Kung hindi lang ako kapatid ng mga ate ko, malamang mas pipiliin nilang panoorin at makiiyak sa pag-goodbye forevermore ni Rico sa tv kaysa saksihan ang nakakatamad naming program na wala masyadong effort.  Kung pwede lang na ipadeliver na lang namin sa bahay ang diploma at medal ko, hindi na ako umattend sa araw na ‘yon.  Pero dahil minsan lang ako gagraduate sa elementary kaya ibinuhos ko na lang ang lahat kay diary.  At dahil napilitan nga ang mga ate kong samahan ako ng araw na ‘yon para ako’y i-video at palakpakan sa aking pag-akyat sa entablado, ni-record na lang nila ang libing ni rico, mula simula hanggang sa huli.  Hanggang ngayon hindi namin pinanood kahit isang beses ang tape na ‘yon.  Hindi pa namin kaya.  Take note: Kumpleto ang ate ko ng lahat ng maaaring irecord sa career ni Rico Yan, mula sa Star Magic Presents hanggang sa The Buzz at MTB episodes na patay na siya.  Meron din kami nung tribute cd para sa kanya na “Forever Young”.  Oo, pwedeng rentahan o arborin ang kahit ano sa murang halaga.  Kapag miyembro ng fans club ko, libre na.

Nakaget-over din naman ako pagkatapos ‘nun.  Nang mag-high school ako, nakasummarize na lagi ang kwento ko sa tuwing nagkikita kami ni diary.  Malawak-lawak na din ang mga adventure ko ‘nun.  Natatandaan ko pa nung banggitin ko kay diary na ang saya saya ko dahil ang dami dami ko ng kaibigan kahit first year pa lang ako.  Inisa-isa ko silang lahat at halos banggitin ko na ang buong section namin.  Ang dami dami talaga.  Nandun pa din ang mga initials at mga kontrobersyal na isyu ko sa sarili ko.  Medyo mas ok ok na ang mga topic na naiisip ko nun.  Hindi na masyadong nakakahiyang basahin kumpara nung mga ikinwento ko nung bata bata pa ako.  ‘Yung iba hindi na din ako masyadong makarelate kung babasahin ko ngayon kahit ako naman ang nagsulat nun noon.

Hindi ko nasulatan ang lahat ng pahina ni diary.  Hindi na rin ako masyadong nakipagkwentuhan sa kanya simula ng mag-3rd yr hs ako.  Nakilala ko na kasi si friendster at ang mundo ng blog.  Pero paminsan-minsan kapag nasisilayan ko siya sa drawer ko, binubuklat ko si diary para aliwin ang sarili ko.  At never siyang pumalyang patawanin ako.  Ang dami dami kong kababawan noon na hindi kaaya-ayang ibahagi sa iba kahit pa sa sarili kong mga ate o dito sa blog.

Magiisang taon na kaming hindi nagkikita ni diary.  Hindi ko na rin sigurado kung safe pa ba siya sa lugar na pinagiwanan ko sa kanya.  Pero hindi na rin ako masyadong kinakabahan kung meron mang makabuklat o makabasa ng bawat pahina niya.  Masasabi kong medyo malayo na ako sa bersyon ko na naging kaibigan ni diary noon.  Masyado pa akong mababaw, fresh, hilaw, inosente, nakakatawa.  Iba pa ang sa tingin ko noon ay kwentong dapat ikwento o emosyong dapat -i-feel at gamitin sa bawat sitwasyon.  Madali nang i-deny at ilaglag ang katauhan kong ‘yon noon kung babasahin natin ng sabay sabay ng napakalakas ang diary ko na parang nung panahong mangmang pa tayo at tinuturuan tayo ng teacher magbasa habang tinuturo at iniistress ng magic stick niya ang bawat salita sa blackboard.  Ngayon, wala man akong diary na kasing kulay  ni Snoopy, maaaring wala pa rin ‘yun pinagkaiba sa blog na kinukwentuhan ko ngayon.  ‘Yun nga lang high-tech na ang ganitong bersyon at aprubado sa akin na may ibang mga taong makikisilip o makakarinig ng bawat kwentuhan namin.  Mas pormal na ngayon at maingat ako sa mga salita, may kasama ng palamuti at extra spice para mas maganda.  Parang mga sulat kay Ate Charo sa Maalala mo kaya na mas maganda nang pakinggan, mas madaling maintindihan at mas nakakaaliw subaybayan.  Ganun pa man, nakakamiss din ang magkaroon ng diary.  ‘Yung kahit ano pwede mong sabihin kahit na isang malaking I hate you —- ang isulat mo, ayos lang, ready makinig si diary at hinding hindi ka niya ilalaglag.  Kahit labo labo ang topic na gusto mo, kahit mali-mali ang grammar at spelling, safe ka sa anumang kahihiyan.  Iba pa din siguro ang kasiyahan at safistaction na naramdaman ko noon kay diary sa kakaibang ligaya na naibibigay ng pagboblog ko ngayon.  Maaaring ang iniingatang kong blog ngayon ay step 2 na pala at ang mumunting diary na ‘yon na pinagbibidahan ni Snoopy ang tunay at original kong stepping stone.  Baka nga.

Gusto kong magtinda ng drugs

Sabi sa horoscope sa internet na nabasa ko kagabi (hanapin mo na lang sa yahoo), ang mga taong ipinanganak na Virgo ay may mga katangian na pwedeng maging isang technician, translator, statistician o writer.  Ang huling salitang iyon ay parang nagtransform at nagpapansin, nagmistulang ALL CAPS, bold at tila kumikinang at kumikindat pa sa harap ng screen ng computer ko.  Totoo nga siguro ang hinala ko sa aking kinabukasan.  Suportado din naman ako ng ate ko at ng ilang maawaing kaibigan sa ilusyon kong magtagumpay sa mundo ng pagsusulat.  Nabasa ko na din naman ang lahat ng naisulat ni Bob Ong, ang lider ng mga nagpipilit magpaka-unique, kumbaga mga Abu Sayyaf sa mainstream Pinoy publications.   Madami na din akong binisita at hinangaang mga blogsite, di kukulangin sa tatlo, kung isasama ang sarili kong likha.  At higit sa lahat, ang icing ng ilusyon pangarap ko, naranasan ko ang maging bahagi ng isa sa pinagpipitaganang institusyon sa Pinas.  Mantakin mo, nadaanan, nasakyan at maaaring nahawakan ng ilan sa magagaling na manunulat ang mga hagdan, Ikot jeep at upuan na nakilala at nakabeso-beso ko nung nasa kalinga pa ako ng eskwelahang ‘yon.  Sa kabila ng lahat ng pagpupursugi ko ngayon para matupad ang pangarap kong maging susunod na Bob Ong, kung pipindutin ko ang rewind sa remote control ng life story ko, masasaksihan kong hindi man lamang ako nagpamalas ng kahit kaunting hilig sa pagsusulat noon, nung inosente pa ako, nung uso pa ang cheribol at sikat pa si Jolens.  Sa halip, ilang kakaibang pangarap ang pinraktis ko noon.

*****

Kung naglayas lang sana ang anino ng nanay ko noong bata pa ako, malamang ako ang papasa bilang substitute.  Enjoy na enjoy ako sa pamamasyal sa palengke kasama ang nanay ko.  Bukod sa may bonus akong candy o itlog pugo, nasasaksihan ko kasi ng up-close ang mga tindera ng isda.  Mula pagbubugaw sa mga langaw, pagkaliskis sa mga isda, pagchochop-chop at pagsupot sa mga nahatulang isda pati sa mannerisms at kung anu-ano pang extra features ng mga best tindera sa palengke namin, minaster ko ata.  At syempre para hindi naman ako mukhang tanga sa re-enactment ko, ang version ko ng mga sariwang isda ay ang mga kawawang plastic na ipit ng damit na ninanakaw ko sa sampayan namin.

*****

Bukod sa pagtadtad sa mga nagkukunwaring isda, mahilig din ako sa bahay-bahayan.  At syempre kung may bahay, may mga gawaing bahay, na mas enjoy atang gawin lamang sa oras ng bahay-bahayan kaysa sa totoong buhay.  At ang biktima sa sitwasyong ito: ang mga walang kamalay-malay na damit sa cabinet ko.  Kinakalat at ginugulo ko sila sa kama, ang version ko ng paglalaba sa imaginary ilog (take note: old fashion, sa ilog ko trip maglaba).  At hindi ko niloloko ang sarili ko, kinukusot ko sila at pinipiga ng buong galak.  At dahil naglaba ako, syempre dapat may kapartner itong pamamalantsa.

*****

Hindi ko alam kung kasalanan man ito, pero isa sa pinakaweird na ginagawa namin ng abnormal ko ding ate ay ang magmisa.  Oo, tama ang mga titik na natype ko, nagmimisa kami sa sarili naming bahay.  Paano? Sinusuot ko ang sando ng tatay ko, kinukuha ang isang bell na give-away sa kasal ng hindi ko na matandaan kung sino at syempre ang sambuhay na inuuwi ng nanay ko pagkasimba.  Paminsan-minsan ako ang sakristan at ang ate ko naman ang pari.  Minsan nagpapalit kami ng katauhan.  Kung sino man ang gaganap na sakristan, siya na din ang sasagot sa bawat sasabihin ng pari.  At kung sino man ang sa amin ang pari, siya na din ang 1st at 2nd reader.  Hanggang ngayon hindi ko mapagtanto kung sadyang palasimba kami ng ate ko o talagang kulang lang kami sa turnilyo.  Sana ay napatawad na kami ni God sa mga kaabnormalang ‘yon.  Amen.

*****

At syempre nag-acting madre din ako.  Easy lang ito.  Sinasabit ko lang ang isang malaking tshirt sa ulo ko, tenen!, instant madre.  Minsan, kapag nagsawa na ako sa pagiging madre, iniimagine ko namang ang tshirt na ‘yon ay isang napakahabang buhok.  Dun na dumadating ang suklayan session.

*****

Masasabi kong hindi ako naging malanding bata pero masasabi kong naadik ako sa pagkalikot sa buhok ko sa harap ng salamin.  Kung anu-anong weirdong ayos ang ginawa ko noon.  At hindi ako nakukuntento sa pakikipaglaro sa buhok ko, nahilig din ako sa make-up, ‘yun nga lang hindi sa sarili kong mukha.  Nagpapadrawing ako sa classmate ko ng isang malaking mukha at ‘yun na ang make-up session namin ng crayola ko.  Hindi talaga ako lumaking malandi.

*****

Total performer ako nung bata ako.  Nagawa ko na ang magdoble kara sa harap nga lang ng salamin, with matching costumes, props at make-up at proud akong personal effort ang lahat ng ‘yon.  Nagpagod na din kami ng mga kapitbahay naming bumuo ng isang dance number para sa New Year’s Eve noon.  Wala namang program, gusto lang namin talagang magpakitang-gilas sa mga kapitbahay namin na syempre bilib na bilib sa amin (kapitbahay = pamilya ko, pamilya ng mga kalaro ko, kapitbahay na kamag-anak din namin).  At ang music: ang bonggang bonggang Vengaboys.  At dahil espesyal na bata talaga ako, may extra talent pa ako bukod sa pagkanta at pagsayaw.  May video tape pa nga ako na pinagpaguran kong iimpersonate ang mga pulitiko, hosts at kung sino-sino pang extra sa campaign ads noong 2001 election.  Kung nais mong umorder ng kopya, bigyan mo muna ako ng isang box ng tikoy at isang baso ng kape at isang picture ni atom araullo with signature and dedication.

*****

Nauso din sa amin nung grade 4 ako na magpayabangan ng pagdedesign ng dream bedroom namin.  At dahil mayabang ako, hindi ako nagpahuli sa mga drawing kong parang sinabuyan ng mukha ni Hello Kitty.  Mula kama, tuwalya, orasan, telepono at kahit lamp, hugis hello kitty.  Parang isang epidemya ang tumama sa amin ng mga kaibigan ko noon.

*****

Isa sa matinding pruwebang baliw ako noon pa man ay ang paglalaro ko ng Barbie nang mag-isa with matching dialogue.  At hindi basta basta simpleng usapan, with feelings at intonation pa.  Naisip ko kasing ang boring kung huhubaran, dadamitan at susuklayan ko lang ang mga Barbie kong abnormal ang mga waistline.

Barbie1:  Tok! Tok! Tok! Tao po?

Barbie2:  Yes? How may I help you?

B1:  Magpapanggap po sana akong katulong.

By that, ibig kong sabihin ay mag-apply at hindi magpanggap.

*****

Ang pinakaseryosong pangarap ko noong hindi pa nafoform ang utak ko ay ang maging pharmacist.

Nanay ko:  Anak, ano ba ang gusto mo paglaki mo?

Ako:  Uhm.. ah.. gusto ko pong.. (proud na proud) magtinda ng drugs!!!

Explanation ko: Saan ba bumibili ng gamot? SAGOT: drugstore; Translation: store of drugs; Conclusion: ang taong nagtatrabaho sa drugstore ay walang duda nagtitinda ng drugs. *_*

*****

Maging ano pa man ang ihip ng hangin sa aking paglalakbay, magchange costume man ako o mag-time first, masasabi ko sa sarili kong noon pa man ay hindi ako nagkulang sa originality at creativity sa pagdodrowing ng aking mga pangarap.