3 Linggong ♥

May 01, 2011.  Inannounce ni Obama na dedbol na si Bin Laden na sumakto din sa araw nang nalaman ng buong mundo nung 1945 na patay na si Hitler.  Beatification ni Pope John Paul II.  Labor day kaya holiday dapat kaso Linggo pero wala pa rin atang pasok kinabukasan para walang mag-amok at magreklamo hindi maabot ng braincells ko ang  holiday rules ni PNoy, dear Mr. President, sacred ang bawat holiday sa mga tulad ko kaya ‘wag kang k.j..  ‘Yan din ang araw na natapos na ang maliligayang araw ng mga kotseng nakalibre sa Cavitex dahil nagsulputan na ang mga tagasingil ng toll.  ‘Yan naman ang araw na nagsimula ang maliligayang araw ko.  Pinakamaliligayang araw.

Halos 3 linggo lang akong nagbakasyon sa Pinas.  Medyo kulang pero mas ok na ‘yun kesa sa hindi ako nakauwi.  Hindi naman ako masyadong nanibago.  Mainit at malagkit sa balat na pawis, ang walang kasing-consistent na traffic, at ang mga motor na lumilipad sa kahit saang side ng kalye ka mapatingin.  Long time no see!

Hindi nakakuha ng matagal na leave ang mga ate ko kaya naging official tambay ako sa mall.  Para akong bata na iniiwan ng mga ate ko tuwing umaga sa daycare at sinusundo kapag lumubog na ang araw.  First time kong magpalipas ng oras sa coffee shop ng walang iniisip na exam o lab report.  Lalong sumarap ang kape sa panlasa ko dahil dun.  Nang mga sumunod na araw at mamulubi na ako, naghihintay na lang ako ng opening ng mall sa parking lot habang naglalaro ng Fruit Ninja at Plants vs Zombies.  Hindi man ako nagtagumpay pigilan ang mga zombies, namaster ko ang paghiwa ng mga prutas kaya binabalaan na kita kung gusto mo mang patunayan na ikaw ang the best fruit ninja assassin.  Nakakapawis nga lang ang tumambay sa parking lot kasama si manong guard na minsan masama ang tingin sa’kin kapag lumalapit ako sa kotse ng ate ko.  Minsan binabagalan ko talaga ng pagbukas sa kotse para maisip niya na sinusundot ko lang ‘yung lock ng sasakyan.  Wala namang nangyaring habulan sa pagitan namin ni manong guard, isa siyang cool na security guard, swabe at hindi judgmental.  Dahil nga nakakapawis, madalas nasa labas na ako ng Landmark bago pa man mag-10am kaya isa ako sa mga unang nakakasaksi sa bonggang costume ng mga guards at saleslady nila.  At kahit na ako ang isa sa mga unang customers na nakapila sa entrance, wala pa ding sumasalubong sakin na good morning at smile at isang tusok lang ng magic wand nila ang natatanggap na pagbati ng bag ko.  Iniisip ko na lang na totoong magic wand ‘yung hawak nila at mag-aalarm ‘yun o magbabagong kulay o iilaw kapag may nadetect na bomba o baril at maililigtas nila ang buong mall mula sa isang pang-CNN na eksena.  Madalas nakiki-internet lang ako sa Burger King o nakikibasa sa Powerbooks pero kadalasan may dumadamay sa aking buhay bum via unlitxt/unlicall o totoong presence.  Hitting many birds with one stone.  Magpakabum sa mall sa Pilipinas (oh yes, mas naaaliw ako sa mall sa Pinas kesa dito) + unlitext + friends + friends + friends + friends = eternal happiness.

Hindi man sila mga bum na katulad ko, pinasingit pa din nila ako sa mga schedule nila at sinigurado nila sa'kin na hindi 'yun dahil sa chance na makalibre kundi dahil labs talaga nila ako. At dahil kaibigan ko sila, hindi ako naniwala. *char*

Madami-dami na din sa mga kaibigan ko ang nagtatrabaho na at nagkukunwaring seryoso na sa buhay pero masaya ako na nakasama ko uli sila pagkatapos ng 100 years.  May mga gusto kong makita pero hindi nagpakita, may hindi ko inaasahang makita pero nakita ko at masaya ako na nakita ko, may pwede kong makita pero hindi ako nagpakita, may mga gustong magpakita pero hindi sila libre (o baka ayaw nilang magpakita, ok fine).  Pero kahit na kadalasan mall lang ang venue namin, oks na oks ako dahil sila ang kasama ko.  Nun na lang uli hindi napanis ang laway ko kakakwento at kakatawa.

madaming wala sa picture na 'to.. sinadya ko talaga. Pinapunta ko sila sa shower room.

Natuloy din ang high school reunion namin kahit na halos kalahati lang kami at muntik na kaming ‘di makapasok sa resort dahil wala na daw table.  Halos lahat sa’min hindi nagswimming dahil mas naenjoy namin ang kwentuhan at bonding habang tuyo at fresh kami.  Hindi man namin nasulit ang bagong wave pool dun, priceless ang makasagap ng ex-highschool crush ng mga kaibigan, update sa buhay pag-ibig at iba pang seryosong bagay (e.g. trabaho… at lovelife uli), mga da moves na pumalpak at nag-work, at kung anu ano pang random na usapan.  Proud ako na madaling yugyugin ang mga kaibigan ko na magsabi ng totoo at maglabas ng sikreto kahit na hindi sila lasing.  Aprub!

Bukod sa makasama ang mga taong namiss ko, isa sa mga dahilan kung bakit ako umuwi ay para maningil ng libreng Yellow Cab.  Bihirang bihira akong makipagpustahan kahit sa UAAP pa man o American Idol kaya nang mapasubo ako sa isang pustahan kasama ang 2 sa pinakakaclose kong kaibigan, nun pa lang hinanda ko na ang wallet at kalooban ko sa pagkatalo ko.  Bukod sa kawalan ko ng experience sa pustahan, akala ko magtatagpo na kami ni the one kapag nagsimula na akong mag-aral sa Alabama at makakatikim nga ng libreng pizza ang mga kaibigan ko.  Pero pagkatapos ng 3 taon, sakin ang trophy.  Masaya ako na natupad ko ang misyon kong magpapakaseryoso lang ako sa acads dito at magiging loyal sa huling crush ko bago ako umalis sa Pinas.  Syempre mas masaya ako dahil masaya din ang mga kaibigan ko sa buhay nila kahit gumastos sila para sa kaligayahan ko.  Dear labidabs ng mga kaibigan ko, umayos kayo dahil higit pa sa pizza ang happiness na deserve ng aking dearest friends.  P.S.  Nangangagat ako kapag kinakailangan. rawr.

Dahil nga hindi pwedeng magbakasyon ng matagal ang mga workaholic kong ate, Subic ang naging destinasyon namin.  Nag-Zoobic Safari kami kahit na hindi naman ako mahilig sa animals at takot sa ibon.  Nakauwi naman ako ng buhay dahil inisnab ako ng ostrich at tumakas ako sa Bird Walk.  ‘Yun din ang araw na bumigay ang dila ko sa ice cream pagkatapos ng ilang buwan na loyalty sa yogurt at pagdyedieta.  Kinabukasan nag-tree top adventure naman kami at dahil abot langit ang katapangan naming magkakapatid, nag-canopy ride lang kami na kasing bilis ng mga kotse sa the fast and the furious kapag nasa parking lot sila at isa lang ang gulong na nakakabit.  Nakakaaliw ang staff nila dahil parang lahat ng sinasabi nila ay nakakatawa at parang isang malaking kasalanan dun ang hindi tumawa.  Kung mapapadpad ka sa Subic, ‘wag mong kakalimutang subukan ang tree top adventure.  Worth it ang bayad at pwedeng utusan ang staff nila na kunan ka ng picture habang ilang metro ang taas niyo mula sa lupa basta daw jumpshot.

Masarap makabonding uli ang mga taong matagal mong hindi nakasama.  Pero wala nang mas sasarap pa sa mga pagkaing matagal mo nang ‘di nakakain.  Longganisa sa Mcdo, puto bumbong, cream-o, tapsilog ng Hidden Tapsi, tomi, mango shake ng Lutong Bahay, Halo halo ng Razon’s, Lemon Square cheesecake, tapsilog ng Rodic’s, at marami pang iba.  Ang sarap tumira sa Pilipinas, kahit nakakataba.  Kaya kong isugal ang timbang ko alang alang sa kasiyahan.  O yes.

nandyan talaga kami sa isawan, pramis. Nahiya lang akong lumapit dahil andaming girlies ni idol ramon.

Tatlong beses akong dumalaw sa UP diliman.  Pero feeling ko kulang ang panahong ‘yun para magreminisce ako at mag-emote sa bawat haligi ng IC, sa Sunken, sa Teletubby land, sa KNL, o sa harap ng Chemsoc tambayan.  Maraming bagong building at one way na lang ang acad oval pero ‘yun pa din ang UP na minahal ko nang buong buo, ang one true love ko.  At sadyang mabait talaga si Lord dahil bukod sa sumaya ako nang sobra sa pag-apak ng paa ko sa diliman, nakatagpo ko pa ang idol kong si Ramon Bautista sa isawan.  Finormspring ko pa si Ramon ilang araw bago ako umuwi sa Pinas na sana magkita kami pag uwi ko para mahigitan ko ang starstruck moment ng ate ko nang makita niya si Anne Hathaway nang magbakasyon siya sa California.  Matagal ko na ding goal na magpapicture kay Ramon with his aprub pose para gawing profile picture panghabang buhay, ‘yun nga lang naka-off ata ang fangirl mode ko ng araw na ‘yan kaya nagpakastalker-ish na lang kami sa pagpicture sa kanya.  Ang saya talaga sa UP. ♥

Sa lahat ng nakakita sakin nung umuwi ako, pinaka-hindi ata naexcite ang aking pinakamamahal na aso na si kobie.  Naging mabait naman siya sakin sa mga piling araw na may masarap akong kinakain.  P.S.  past time namin ni kobie ang magpictorial at sa dinami dami ng pictures nya na kinunan ko, ito ang pinakafavorite ko.  Hindi namin ‘yan pinraktis.  Isa lang siyang natural  na mowdel at isa naman akong talented na photographer walang kokontra.

cute siya pero nagkukunwari lang 'yan.

Sa lahat ng nakipagbonding, nanlibre, nagpalibre, nakipagkwentuhan, nangamusta, nagregalo, naexcite, nakipagtext, at nagpasaya sakin, salamat.  Alam nyo na kung sinu-sino kayo.  At sa mga taong hindi ko nakita o hindi nagpakita, ‘di bale, marami pang next time (kung stalker mo ko, kabahan ka na LOLJK).  At sana kayo na ang manlibre sakin.  See you next year (sana)!

Balik-bayan

“Do you see anything yet?”

Sabi ng katabi kong kano nang tanungin ko siya kung gusto niyang itaas ko ang bintanang kalahating bukas.

Umiling ako.

Hindi ko kasi alam kung may  nakikita nga ba ako bukod sa kulay itim sa kabilang side ng bintana.  Hindi ko alam kung nasaang lupalop na kami.  Mukhang niloloko kami ng piloto.

Ilang minuto ko ding tinitigan ‘yung pagkaitim ng paligid.  Minsan kasi kapag ginagawa ko ‘yun sa salitang  pamilyar sa’kin o sa mukha ng taong malapit sa’kin, natatransform sila ng imagination ko na maging iba at weird.  Naisip ko na baka sakaling maging fuschia pink ‘yung itim o kaya may mag-anyong tao at magsabing siya ang konsensya ko.

Unti-unting lumitaw ang maliliit at bilugan na kulay dilaw.  Hindi ko alam kung gumana yung imagination ko o nagsasabi ng totoo ‘yung piloto.

Hanggang sa naging halos dikit-dikit ‘yung parang maliwanag na polka dots.

Hanggang sa unti-unting sumulpot ang mga bubungan na halos magkakaakbay na ang bawat dulo.  Hanggang sa nakita ko na ang parking lot.  Parking lot na naging highway.  Highway na naging parking lot.

Hanggang sumayad na ang gulong sa runway na halos ilang metro lang ang layo sa mga bahayan.  Nakauwi din.

*****

Araw-araw akong sumasakay ng baby bus papasok at pauwi nung high school ako.  Araw-araw kong nakikita ang dikit dikit na bahay sa Cavite na halos masaulo ko na kung aling bahay ang nadaanan ng bus kahit nakapikit ako sa buong biyahe.  Naisip ko minsan na ano nga kayang pakiramdam kung dadaanan ko ang mga bahay na ‘yun sa huling araw ko sa Pilipinas? Parang last chance ko sa memory game na kapag hindi ko namemorize ang pagkakasunud-sunod ay game over na ako.  Para kang tanga.  Sabi ko sa sarili ko.  Bakit naman ako aalis sa Pilipinas?  Hindi ka magegame-over, peksman, cross my heart.  Tinaga ko ‘yan sa buga namin.

*****

Bad news.  Tinext ako ng ate ko.  Game over.  Hindi yan ang text niya pero parang ‘yan ang nagregister sa utak ko.  Malapit na akong mag-debut ‘nun.  Debut ang tawag ng mga tao dun pero para sakin birthday ‘yun.

Marami akong kakilala na nagdebut talaga kasama na ang dalawa kong ate.  May 18 roses, 18 gifts, 18 candles.  Mukha namang masaya.  Maraming regalo, halos lahat ng kaibigan mo mula elementary hanggang college makikita mo sa magkakalapit na table, at may karapatan kang makipagsayaw sa crush mo ng walang malisya.  Naisip ko, mag-e-18 din ako balang araw.  Maisasayaw ko din ang crush ko.

Hindi ako nag-debut.  Bukod sa nacornyhan ako, dumating ang bad news.  Alam mo ‘yung parang naghalo ang inis, galit, lungkot, takot na parang gusto mong mahulog ka sa kama at marinig mong nagtatawanan ang dormmates mo dahil nananaginip ka pala at paiyak na sumisigaw? Dahil alam kong gising na gising ako nang magtext ang ate ko, umasa na lang ako na magreply siya na wrong send, sorry o kaya ng joke! hindi ka na mabiro, papasaload naman, tenks.  ‘Yun ang masakit kapag umaasa ka, madalas umaasa ka sa wala.  Walang ganung reply na dumating.  Pero nagreply pa din ang ate ko.  Sino’ng tanga ngayon? Sabi ko sa sarili ko.  Akala ko pampelikula lang ‘yung eksena na dadaan ka sa lagi mong dinadaanan sa huling pagkakataon habang tumutulo ang luha mo kasabay ng pagpatak ng ulan at paggalaw ng wiper sa windshield ng sinakyan mong last trip to jerusalem ang drama.  Madaya, hindi na nga ako magdedebut, hindi pa ako makakapagbirthday na masaya ako.  Naligo na lang ako dahil ayokong umiyak sa harap ng roommates ko.  Mas madaling umiyak kapag naulan o naliligo ka, hindi masyadong maalat ‘yung luha.

*****

Mabuhay.  Nakaapak uli ako sa NAIA.  Nung huli akong nandito, pakiramdam ko bibitayin na ako kinabukasan.  Hindi ko alam kung maiiyak ba ako sa tuwa o maiinitan.  Parang gusto kong kurutin ang lahat ng makakasalubong ko para lang makasiguro ako na wala ako sa panaginip o hindi kami dinala ng piloto sa Timbuktu.

*****

Happy birthday! Salamat manong guard.  18 na ako sa wakas.  Tama ako, magiging 18 din ako balang araw.  At ang balang araw na ‘yun ay ngayon.  Sabi na, pwedeng magkatotoo ang kahit anong sabihin mong magiging ikaw balang araw.  Umabsent ako sa school.  Sa totoo lang, madali akong yayaing umabsent sa school kahit manonood lang tayo ng concert pero wag na wag mo akong yayaing mag-cut sa mismong birthday ko kung ayaw mong mabigo at umabsent mag-isa.  Nung highschool ako, binabati pa ako ng mga COCC kapag birthday ko (salamat sa lahat ng naging kaibigan kong CAT officers).  Nung 1st yr college ako, wala mang bumating COCC sa akin, pero nakita ko ang crush ko nun, naka-pink ako dahil pwedeng mag-inarte kapag bday mo, at naglakas-loob na magdrop sa badminton class ko, unang sem pa lang, sinubukan ko ng magpakacool at magpakita ng sign na hindi ako gagraduate on time.  Kaya naniniwala ako na laging may espesyal na mangyayari, kahit hindi ko planuhin, kapag birthday ko.  Ngayon, wala pa ring COCCs pero nandito si manong guard.  Happy birthday to me.  Dun ko naisip na sana hindi na lang ako umabsent.

“She’s my grandmother”.  Pffft. Hindi mo lola ‘yun.  Gusto siguro akong hampasin ng nanay ko ‘nun.  Alam kong hindi ko lola ‘yung narinig kong pangalan pero parang nagsara ‘yung utak ko.  Yehey.  Hindi na ba ako mabibigyan ng visa? Akala ko nga ganun.  Akala ko iisipin nung consul na hindi ako tunay na anak ng tatay ko kaya invalid ang petisyon sakin at hinding-hindi na nila ako tatanggapin sa bansa nila.  Bukod sa umasa, masakit din ang mabuhay sa maling akala.  Siguro pareho lang ‘yun, ang umasa at mag-akala, siguro.  Magaling ‘yung consul.  Nakita niya sa likod ng mali kong sagot na anak ako ng tatay ko at para sakin talaga ang petisyon na ‘yun at alam ko na hindi ko lola ‘yung pangalang binanggit niya.  Magaling ‘yung consul.  Pero magaling lang siya sa pagbasa ng utak ko pero hindi ng puso ko.  Bagay sigurong maging consul ang mga naging crush ko.

*****

Ang haba ng pila.  Pero wala akong pakialam.  Naaamoy ko na ang amoy ng Pilipinas kaya kahit abutin pa ako ng 2 araw sa pilang ‘to, wala akong pakialam.  Ako ‘yun pero hindi ko alam kung ano ang nasa isip ng mga foreigners na mukhang aabutin ng Pasko bago makalagpas sa Immigration.  Totoo pala na kapag masaya ka, hindi mo mapapansin ang oras.  Kung makukulong ka man balang araw, sana maging masaya ka, para hindi ka mainip kakahintay sa araw na kakalampagin ng pulis ‘yung kulungan n’yo sabay sabing “Boy Siga, laya ka na”.  Kung nanliligaw ka din ng pahard-to-get at apo sa talampakan ni Maria Clara at natatagalan ka na sa kakaasang sasagutin ka niya, malamang hindi ka masaya kaya ‘wag nyo ng aksayahin ang oras ng isa’t isa.  Kaya kung pupunta kang Enchanted Kingdom, kukuha ng NBI Clearance, sasakay sa MRT Cubao Station, o manonood ng premiere ng huling Harry Potter, siguraduhin mong masaya ka para hindi ka maasar sa haba ng pila at magkalat ng bad vibes at init ng ulo.

Pagkatapos ng ilang masasayang minuto sampung nakakaimbyernang taon nakalagpas din ako sa Immigration at Customs at nakipagsagupaan na ako sa mga taong nakaharang sa labasan ng airport.

Nakauwi din.  Nakauwi din sa wakas.