The Versatile Blogger Award

Pagkatapos ng halos 1 buwan kong “pagpapakabusy” sa tunay na mundo, sumalubong sa’kin ang comment (na dumiretso sa spam) ng isa sa aking mga bff na si Billie na ninominate niya daw ako sa The Versatile Blogger Award.  Walang cash prize at ginintuang trophy pero ang sarap sa pakiramdam na may nagbabasa pa pala ng blog ko kahit na self-centered madalas ang mga posts ko.

So eto ang rules:

If you are nominated, you’ve been awarded the Versatile Blogger award.

  • -Thank the person who gave you this award. That’s common courtesy.
  • -Include a link to their blog. That’s also common courtesy — if you can figure out how to do it.
  • -Next, select 15 blogs/bloggers that you’ve recently discovered or follow regularly. ( I would add, pick blogs or bloggers that are excellent!)
  • -Nominate those 15 bloggers for the Versatile Blogger Award — you might include a link to this site.
  • -Finally, tell the person who nominated you 7 things about yourself.

Unang una, thank you Billie!  I lab you (nang walang malisya)!

Dahil choosy talaga ako, ‘di ko kayang maka-15 sa ngayon.  Matagal ko nang balak na maglagalag paminsan-minsan sa internet para maghanap uli ng marami pang blogs na worth pagaksayahan ng oras at iistalk.  Pero for now, in all sincerity at walang halong pagbabanta mula sa kanila, ito ang mga blog na sa tingin ko ay deserve na deserve ang VBA.  (at oh yes, kalahati dito ay mataas na ang level hindi lang sa internets kundi pati sa real world, pero malay natin, biglang mapadpad sila sa blog ko *kiligs*)

  1. The Pinoy Babbler
  2. Professional Heckler
  3. Patty Laurel
  4. Funny Sexy
  5. Chico Garcia
  6. Reypinmoko
  7. What I learned from books and a hundred cups of coffee
  8. Bagotilyo
  9. Bianca Gonzalez
  10. Banaag
  11. special mention dahil parang ‘di dapat sya considered na blog pero walang pakialamanan: Tumblr ni Ramon Bautista at Formspring ni Ramon Bautista

Kahit na parang buong buhay ko na ang nakwento ko dito sa blog ko, susubukan kong mag-enumerate ng 7 unknown facts tungkol sa’kin na gugulantang kay Billie at pati sa iba na din na matagal na akong kilala:

1.  Takot ako sa ibon at sa kahit anong hayop na may tuka (kinikilabutan ako habang tinatype ko yan).

2.  Hindi ako naga-i-love-you sa parents ko at sa mga kapatid ko.  Wala lang, cheesy e.

3.  Hindi nakukumpleto ang araw ko nang hindi ako nakakainom ng kape.

4.  Pangarap kong maging cheerdancer.  ‘Yung sumasayaw talaga at hindi ‘yung hinahagis-hagis lang at pinapaakyat sa tuktok ng pyramid.

5.  Ayoko ng peanut butter pero paborito ko ang chocnut at kare-kare.

6.  Long-term ako kung magka-crush.  Clingy, in short.

7.  Kuripot ako kaya ‘wag nyo akong kuning ninang ng anak nyo. ktnxbi.

Ayan.  Kahit na parang ‘di naman ‘to mababasa nung ibang bloggers na pinili ko, keri na, advanced you’re welcome guys.  At least, may badge na ako sa blog ko, yehey!  Thanks again Billie! 😀

Advertisements

Request to Follow

Lampas 2 taon na akong nagbablog nang “matino” dito sa WordPress.  Pero kung isasama sa record ko ‘yung nung half-jejemon pa ako (‘wag manghusga, masama ‘yun) at nagbablog sa friendster at blogspot ng random na nangyari sa buhay ko nung highschool ako, matagal-tagal na din akong nagkakalat sa internets (word by  THE ramon bautista).

Masarap magkwento, masarap magsulat, masarap magblog.  Hindi ko alam kung sign na ba ‘to ng pagtanda na pakiramdam ko may dapat akong ikwento at dapat akong mag-de-stress.  Dine-drain ko ang stress sa pagbablog, at hindi sa pakikinig kay Justin Bieber o sa panonood ng Gossip Girl (meron pa ba nun? wth, i feel so old, hindi ko na alam).  Pero minsan, kahit na madaldal talaga ako hindi lang dito kundi pati sa totoong buhay (‘yun ay kung nagtatagalog ang kausap ko, yes, racist ang kadaldalan ko), dumadating talaga minsan ‘yung blangko ang utak ko.  ‘Yung narerealize ko na walang kasing pakla ang naging takbo ng araw ko.  Tagtuyot ang brain cells.  Katulad ngayon.

Kahit na maraming beses ko nang naranasang tumigil sa pag-iilusyong may sense pa ang blog ko, alive and kicking pa din ako hanggang ngayon sa world wide web pagkatapos ng ilang  taon na “pagsusulat”.  At ito na ang pinakamatagal na blogsite na hindi ko dineactivate.  *slow clap*

Bukod sa mga ate ko at iilang kaibigang nagpapauto pumapayag na basahin ang blog ko at sa matinding epekto ni Bob Ong sa’kin, may mga taong nag-iinspire sa akin nang hindi nila nalalaman na magblog nang magblog forever and ever.  At dahil hindi ata makakasurvive ang blog ko na ‘to kung wala ang source ko ng good vibes araw-araw at dahil gusto kong mas marami pang tao ang maaliw at mapasaya nila, ito ang blog entry ko para sa mga bloggers na sa tingin ko ay may karapatang “magkalat” sa internets.

Una kong nadiskubre ang Funnysexy dahil ginoogle ko ang “Para Kay B” ni Ricky Lee.  Nagkataon na gumawa siya ng blogpost tungkol sa libro at sa sobrang aliw ko sa entry niya, binasa ko pa ang ibang laman ng blogsite niya.  Madalas may kinalaman sa KPop ang posts/kwento niya pero sobrang nakakatuwa ng paraan niya ng pagkukwento, ‘yung parang nakipagkwentuhan ka lang sa sobrang cool mong tropa habang nag-iisaw kayo sa tabing-kalye, ganun.  Hindi lang puro tungkol sa Korean superstars ang blogsite na ‘to, sobrang random ng posts dito, random pero they will pwn your face, I swear.

Wala pang isang taon simula ng subaybayan ko ang Azkals at ang Philippine football.  Sobrang dami ng websites na pwede mong pagkuhanan ng updates at kung anu-ano pang chismis tungkol sa team at sa mundo ng football sa Pinas, pero isa sa pinaka-straight to the point at wala masyadong fangirl/fanboy issues na posts ang website na ‘to.  At hindi porke’t seryosong usapan ang football para sa isang football fanatic ay hindi na pwedeng gawing nakakaaliw at sa ibang kaso ay nakakatawa ang mga kwento sa loob at labas ng pitch.  Kung gusto mo ng unbiased at makatotohanang reaksyon sa mga isyu ng pinoy football minus the almost-showbiz lifestyle ng ibang players, ito ang magandang starting point.

Patty, Patty, Patty, my mortal enemy.  Oh well, ex-mortal enemy.  ‘Yun ay dahil sa isa sa mga feeling ko ay the one ko na si Atom na naging ex ni Patty.  Sa totoo lang, ‘yun nga ata ang dahilan kung bakit ko binisita ang blog ni Patty noon.  Sa kasamaang palad, masyadong funny at cool si Patty para kainisan habang buhay.  Dahil sa blog na ‘to, na-inspire akong mag-ipon para makapagtravel balang araw o makapagtravel ang mga future anak ko.  At na-inspire din akong ienjoy ang buhay lalo na ang masasarap kahit makasalanan at nakakatabang desserts!!

Kung hindi ka matawa o hindi mo magets ang mga jokes ni Heckler, malamang ikaw si PNoy, Binay (kahit sino basta Binay ang last name), Atty. Lacierda, GMA at ang buong Arroyo clan, Kris Aquino, Pacman, Mommy Dionisia, at tentenenen, ang bagong paborito nating lahat na si QC Rep. Winnie Castelo.  Simula nang subaybayan ko ang blog na ‘to, parang pakiramdam ko pwede ko nang palitan si Korina Sanchez sa TV Patrol sa pagkaupdated ko.  Pero seryoso, kung gusto mong maging aware sa news at social issues at wala kang mapili sa mga palabas sa tv dahil nadidistract ka sa mga side comments, boses, sa pagkatao, at sa accessories ng mga news anchor, si Heckler ang hinahanap mo.

Kung hindi mo kilala si Ramon Bautista, isang malaking HUWAATTTT??!!! Si Sir RB ay isang internet action superstar at sobrang sikat siya sa Formspring , seryoso.  Kung wala si Ramon sa formspring, isa na lang malaking kalokohan ang existence ng walang kakwenta-kwentang social networking site na ‘yun.  Bukod sa mala-Jake Gyllenhaal-Vic Sotto na dating, sobrang panalo ng mga advice at sagot niya sa problema ng mga taong sawi sa pag-ibig at sa kung anu-ano pang aspeto ng buhay.  Bukod sa formspring advice, sobrang winner din ang mga pictures ni RB na kung hindi may magandang view at tamang camera settings ay may kasama siyang celebrities na nagpapicture kasama siya.  Kung iisang lalaki na lang ang ititira ni Lord bukas, si Ramon ang pipiliin kong itira niya, keri? Keri!! Brrrr

Alam ko na maraming marami pang ibang bloggers na worth it pag-aksayahan ng panahon, pero hindi ko pa nga lang sila nadidiskubre.  Siguro balang araw kapag na-brain freeze uli ako at mangailangan ng extra load ng entertainment, mahanap ko din sila.  At sana dumating din ang araw na makapagpasaya din ako ng ibang internet tambays na naghahanap ng konting aliw sa magulong mundo ng internet.

dear diary

Hindi ako ang tipo ng taong mahilig magwrap-up ng everyday lives nila sa blog.  ‘Yung parang diary talaga na buhay na buhay sa mga kwentong fresh na fresh pa with matching full emotions at kung anu-ano pang kacacasual-an.  Siguro dahil pakiramdam ko talaga na may nakalaang slot para sa akin sa mundo ng pagsusulat kaya mataas ang pressure at expectation ko sa sarili ko.  Ayokong gumawa ng blog na basta-basta lang.  Ayokong mag-blog para lang ma-update at mapahaba ang listahan ng posts ko o para dumami ang miyembro ng fans club ko.  Gusto ko kasi makita at maramdaman ko ang masidhing passion at tapat na pagmamahal ko sa larangang ito sa pamamagitan ng bawat sandaling nagba-blog ako.  Ito ang stepping stone ko.  Ayoko namang humakbang at umapak sa malamyang bato o tumuntong sa hindi de-kalidad na simulain.  Kung naniniwala ka sa mga pinagsasasabi ko, sali na sa fans club ko.

Hindi ko itatangging bata pa lang ako ay mahilig na akong magsulat sa diary, ang tunay na ninuno ng mga naghahari-hariang blog ngayon.  Siguro dala na rin ng inggit sa mga ate ko na may mga sarili din nilang mga diary.  Wala nga lang binatbat ang bersyon ko kaysa sa diary nila.  Natatandaan ko, dahil ilang beses kong nahawakan sa drawer niya, ang itsura ng diary ng isa kong ate.  Parang kamukha nung nasa Mara Clara na siyang naging susi sa pagkahaba-habang kwento ng masalimuot nilang mga buhay.  Simple lang ang sa akin.  Matingkad na violet at may konting bahid ng pink tapos may umeeksenang picture ni Snoopy sa gitna na hindi ko naman naging favorite mula noon hanggang ngayon.  Kahit ganun, ninamnam ko ang bawat pahina ni diary.  Feel na feel ko ang  bawat kwentuhan namin.  Inilabas ko sa kanya ang lahat-lahat. Lahat.

Hindi kami araw-araw nagtatagpo ni diary.  Depende kapag nafi-feel ko talagang may juicy na akong ikukwento.  Kapag deadma kami sa isa’t-isa, nagtatago siya sa drawer ko, kabonding ang mga underwear ko.  ‘Yun lang kasi ang tanging bagay na hindi namin pwedeng hiramin sa isa’t isa ng mga kapatid ko.  ‘Di tulad ng sapatos, pantalon, tsinelas, hikaw, blouse, bag, lotion, panyo, pabango, ballpen, tuwalya at kung anu-ano pa, bukod tangi ang mga katropang ‘yon ni diary.  Sa buong existence niya, naging mga front runners at security guard ang mga ‘yon laban sa mga outside forces na maaaring maghalungkat sa mga sikreto ko.

Kahit na buo ang loob at tiwala ko sa mga tagapagbantay ko, ingat na ingat pa din ako sa pagbanggit ng mga personal na pangalan kay diary.  Mahilig akong gumamit ng initials lalo na kapag tungkol na sa mga crush ko ang kwento.  Parang sa part 2 ng pelikulang Dear Diary na ang pamagat ay Dear Killer.  Bida si Lea Salonga at Herbert Bautista saka si Lileth.  Paborito namin ‘yon bukod sa mga pelikula ni Alma Moreno na saka ko na lang ibibida dahil hindi naman tungkol sa kanya ang blog na ito, pero promise, madaming magandang pelikula si Ate Ness at ‘yung ibang kapanahunan niya.  Balik sa Dear Killer, si M.D ang killer ng karakter ni Lileth.  Umikot ang isang oras ng palabas kakaisip ni Lea Salonga at ni Herbert kung sino si M.D at kung bakit nawawala si Lileth.  Mantakin mo sa isang personal diary, gumamit siya ng initials ng lalaking nanliligaw sa kanya at posibleng kumidnap at pumatay sa kanya nung Valentines Day na ‘yun.  Kung binanggit na lang niya ang totoong pangalan o kahit first name imbes na M.D., malamang hindi napagbintangan na killer ang walang kamalay-malay na si Mr. Delgado.  Pero ‘di ba, exciting kapag initials, at tipid sa ink ng ballpen at effort ng pagsusulat.  May makalusot man o may pakialamerang Lea Salonga o Herbert sa buhay ko, ligtas pa din ang mga sikreto ko.  Apir tayo Lileth.

Halos kalahati ng diary kong ‘yon, umikot din sa panahong namatay si Rico Yan.  Kung alam mo lang kung gaano ka-affected ang buong pamilya namin nun.  Parang tumigil din ang mundo namin kasabay ng pagdadalamhati ni Claudine Barretto.  Habang nabaliw ang ate kong kakarecord ng mga pelikula ni Rico at Claudine at huling episodes ng Whattamen, tumodo ako sa pagbuhos ng lungkot kay diary.  Parang feeling ko iniwan din ako sa ere ni Rico.  Inaway away pa namin ng mga kaibigan ko ang teacher namin dahil isinabay pa ang graduation namin sa mismong libing niya.  Umaga ang pagbaon sa kanya sa kalupaan, umaga din ang pag-akyat namin sa entablado ng eskwelahan namin.  Habang minamake-up-an ako ng bading, nakatutok kaming lahat sa tv, isama mo pa ang bading.  Kung hindi lang ako kapatid ng mga ate ko, malamang mas pipiliin nilang panoorin at makiiyak sa pag-goodbye forevermore ni Rico sa tv kaysa saksihan ang nakakatamad naming program na wala masyadong effort.  Kung pwede lang na ipadeliver na lang namin sa bahay ang diploma at medal ko, hindi na ako umattend sa araw na ‘yon.  Pero dahil minsan lang ako gagraduate sa elementary kaya ibinuhos ko na lang ang lahat kay diary.  At dahil napilitan nga ang mga ate kong samahan ako ng araw na ‘yon para ako’y i-video at palakpakan sa aking pag-akyat sa entablado, ni-record na lang nila ang libing ni rico, mula simula hanggang sa huli.  Hanggang ngayon hindi namin pinanood kahit isang beses ang tape na ‘yon.  Hindi pa namin kaya.  Take note: Kumpleto ang ate ko ng lahat ng maaaring irecord sa career ni Rico Yan, mula sa Star Magic Presents hanggang sa The Buzz at MTB episodes na patay na siya.  Meron din kami nung tribute cd para sa kanya na “Forever Young”.  Oo, pwedeng rentahan o arborin ang kahit ano sa murang halaga.  Kapag miyembro ng fans club ko, libre na.

Nakaget-over din naman ako pagkatapos ‘nun.  Nang mag-high school ako, nakasummarize na lagi ang kwento ko sa tuwing nagkikita kami ni diary.  Malawak-lawak na din ang mga adventure ko ‘nun.  Natatandaan ko pa nung banggitin ko kay diary na ang saya saya ko dahil ang dami dami ko ng kaibigan kahit first year pa lang ako.  Inisa-isa ko silang lahat at halos banggitin ko na ang buong section namin.  Ang dami dami talaga.  Nandun pa din ang mga initials at mga kontrobersyal na isyu ko sa sarili ko.  Medyo mas ok ok na ang mga topic na naiisip ko nun.  Hindi na masyadong nakakahiyang basahin kumpara nung mga ikinwento ko nung bata bata pa ako.  ‘Yung iba hindi na din ako masyadong makarelate kung babasahin ko ngayon kahit ako naman ang nagsulat nun noon.

Hindi ko nasulatan ang lahat ng pahina ni diary.  Hindi na rin ako masyadong nakipagkwentuhan sa kanya simula ng mag-3rd yr hs ako.  Nakilala ko na kasi si friendster at ang mundo ng blog.  Pero paminsan-minsan kapag nasisilayan ko siya sa drawer ko, binubuklat ko si diary para aliwin ang sarili ko.  At never siyang pumalyang patawanin ako.  Ang dami dami kong kababawan noon na hindi kaaya-ayang ibahagi sa iba kahit pa sa sarili kong mga ate o dito sa blog.

Magiisang taon na kaming hindi nagkikita ni diary.  Hindi ko na rin sigurado kung safe pa ba siya sa lugar na pinagiwanan ko sa kanya.  Pero hindi na rin ako masyadong kinakabahan kung meron mang makabuklat o makabasa ng bawat pahina niya.  Masasabi kong medyo malayo na ako sa bersyon ko na naging kaibigan ni diary noon.  Masyado pa akong mababaw, fresh, hilaw, inosente, nakakatawa.  Iba pa ang sa tingin ko noon ay kwentong dapat ikwento o emosyong dapat -i-feel at gamitin sa bawat sitwasyon.  Madali nang i-deny at ilaglag ang katauhan kong ‘yon noon kung babasahin natin ng sabay sabay ng napakalakas ang diary ko na parang nung panahong mangmang pa tayo at tinuturuan tayo ng teacher magbasa habang tinuturo at iniistress ng magic stick niya ang bawat salita sa blackboard.  Ngayon, wala man akong diary na kasing kulay  ni Snoopy, maaaring wala pa rin ‘yun pinagkaiba sa blog na kinukwentuhan ko ngayon.  ‘Yun nga lang high-tech na ang ganitong bersyon at aprubado sa akin na may ibang mga taong makikisilip o makakarinig ng bawat kwentuhan namin.  Mas pormal na ngayon at maingat ako sa mga salita, may kasama ng palamuti at extra spice para mas maganda.  Parang mga sulat kay Ate Charo sa Maalala mo kaya na mas maganda nang pakinggan, mas madaling maintindihan at mas nakakaaliw subaybayan.  Ganun pa man, nakakamiss din ang magkaroon ng diary.  ‘Yung kahit ano pwede mong sabihin kahit na isang malaking I hate you —- ang isulat mo, ayos lang, ready makinig si diary at hinding hindi ka niya ilalaglag.  Kahit labo labo ang topic na gusto mo, kahit mali-mali ang grammar at spelling, safe ka sa anumang kahihiyan.  Iba pa din siguro ang kasiyahan at safistaction na naramdaman ko noon kay diary sa kakaibang ligaya na naibibigay ng pagboblog ko ngayon.  Maaaring ang iniingatang kong blog ngayon ay step 2 na pala at ang mumunting diary na ‘yon na pinagbibidahan ni Snoopy ang tunay at original kong stepping stone.  Baka nga.

Ayoko nang mag-english!

Hindi ko lang alam kung nabahiran ba ako ng dugo ni kumpareng Andres “Andy” Bonifacio, o dahil napadilat ng kultura ng diliman ang bulag kong kamalayan, o sadyang tagilid lang ako sa subject na English noon pa man, pero habang tumatagal at nalilipasan ako ng panahon, napapansin kong mas tumitindi at sumisidhi ang pagiging makabayan ko.

Baliw nga siguro ako kung tutuusin.  Mantakin mo nasa piling na ako ng mga stateside pero pilit pa rin akong lumilingon at nagpapahila sa anumang anyo ng force na magdadala sakin sa kulturang kinalakihan ko.  Sa halos napakadaming channel na pwede kong pagbabaran ng atensyon, hindi ako nagsasawa sa TFC, kahit Wowowee pa ang palabas o ang paborito kong conservative na si Eva Fonda.  Pinagtitiisan ko din ang bulok na mundo ng Friendster kaysa sa uso daw na Facebook.  Ayoko dun sa FB dahil maraming Kano dun at ayokong makihalubilo sa mundong dinodominate nila, ok na ako sa FS na pang-Pinoy.  Ironic dahil araw-araw nakikisalamuha ako sa mga English speaking na mga nilalang na ‘yon at nakikitira lang naman ako sa lupain nila.  At nang mahalungkat ko ang blogsite na ito, kung saan maisasakatuparan ko ang matagal ko nang inaasam at binabalak na 100% Tagalog na mga likha, naramdaman kong dito ako nabibilang.  Parang love at first sight.  Habang nahuhumaling ang ate ko kakanood sa mga Koreanovela sa internet, heto ako pinepressure ang sarili ko na panatilihing buhay ang dugong pinoy sa puso at diwa ko.

Elementary pa lang ako, naging maganda na ang mga grades ko (buhatan na ng bangko) pero napansin ko na kadalasan, sa isang subject ako hindi pumapalyang pumalya at ‘yun ay walang iba kundi ang subject na sabi ng tatay ko ay pinakamadali sa lahat, ang Filipino.  Kahit na lumaki ako sa piling ng Funny Komiks at sangkatutak na pocketbooks, ewan ko nga ba kung bakit never akong naengganyong mag-aral sa subject na ‘yon at hindi ko matandaang nabiyayaan ako ng gradong maganda sa paningin ko.  Kahit nung highschool ako, isa pa din ‘yon sa kinatamamaran kong pasukan at pag-alayan ng oras sa pagrereview.  Bukod sa mga kabastusan at lessons of love, wala na akong matandaang memorable na natutunan ko sa teacher ko noon.  Hindi din ako napabilang sa mga nasabitan ng medal na Best in Filipino.  Kasabay ng pangungulelat ko sa Filipino, masasabi kong hindi rin naman ako naging gaanong kaswerte sa agos ng English subject namin.  Bihira akong makakuha ng mataas na marka at positibong comment sa formal theme, siguro dahil isa ako sa mga teacher’s pet kaya ok-ok na rin ang grade na napapala ko.  Sa hindi ko na mabilang na essay writing contest na inepalan ko (puro English ang format ‘nun), isang beses lang ako nagwagi.  Ang organizer: Science Club; ang topic: malamang tungkol sa Science.  Hindi ko alam kung dapat ko bang ipagmalaki, pero dun lang ako pinalad na ipamalas ang nagkukunwari kong talent sa pagsusulat sa Ingles.

Hindi ko naman masasabing bitter ako sa Filipino noon pero nang mauso sa akin ang paggawa ng blog, mas naging patok sa akin ang paggamit ng English.  Para kasing hindi cool kung magtatagalog ako sa blog ko, walang dating.  Kahit nagkakilala na kami ni Bob Ong noon, hindi ko pa din nakaya ang pagsusulat ng gaya ng ginagawa niya.  Naka-ilang blog din ako noon hanggang sa magcollege na ako.  Unti-unting sumagi sa utak ko na may natatagong ganda ang mga likhang nasusulat sa Tagalog.  Siguro dahil mas lumawak ang mundo ko at mas naintindihan ko ang lipunang ginagalawan ko.  Bukod sa College Hymn na nasa wikang Filipino, nakakilala din ako ng mga simpleng tao na mas malalim ang pagpapahalaga sa Filipino na nagkataon ay wika ko din naman.  Nang balik-balikan ko ang mga likhang isinulat ko, nag-iba na ang tunog nila.  Unti-unti na din nagbabago ang paniniwala kong mas may dating kung iEnglish-in ang bawat kanto at sulok ng blog.  Nauwi ako sa paggawa ng mga kwentong Taglish.  Naenjoy ko at napansin kong mas madali, mas natural, mas magaang bumuo ng mga salita at ideya.

Makukumpleto na sana ang conversion ko noon kung hindi lang sa GE kong English1.  Naramdaman kong mahirap pala talagang magsulat sa wikang ‘yon.  Ang hirap maglapat ng emosyon at opinyon.  Ginawa ko na lang basic ang lahat, tutal basic college english naman ang course title ng subject kong ‘yon.  Sa bawat paghihikahos ko sa paglikha, tumatakbo sa isip ko na alang-alang sa kumikinang na grade, kaya ko ‘yon.  Nakapagpasa naman ako ng 2 essay at nakasurvive ako ng isang sem habang naghihingalo ang katauhan ko sa paghanga sa wikang banyaga.  Bilang ala-ala, isinama ko sa mga blog ko ang huling seryosong likha na ‘yon na nagpapaka-english.  ‘Yun man ang huli, nakapagbigay saya sakin ang farewell essay kong ‘yon kahit sa mababaw na paraan.  Nagkataong napadpad ang ex-crush ko sa mundo ng mga blog ko at nasabi niyang may galing naman daw ako sa pagsusulat sa english.  Nakakatawa na sa panahong isinuko ko na ang friendship namin ng wikang ‘yon, saka may ipinadalang messenger upang kahit papaano ay magdalawang isip man lang ako.  At sa anyo pa ng crush ko.  Ang mali nga lang sa setting, sinambit niya ‘yun habang nagrereklamo akong ‘di ko gagawin ang share ko sa project namin (na may kinalaman sa pagsusulat sa English).  Ngunit kahit alam kong binobola niya lang ako dahil tinatamad siyang ipasa ko sa kanya ang trabaho ko, naramdaman kong magandang farewell gift na ‘yun para sa akin.

Pagkatapos ‘nun, naging full-pledged Filipino blogger na ako.  Nagsimula na din ang panata ko sa idol kong si Bob Ong.  Hindi ko na tinantanan ang pagtangkilik sa wikang itinahi sa aking dila na hinding hindi ko ipapa-arbor o isasanla kahit pa buong araw akong pilitin ng ex-crush ko.