Mula sa Isang Hindi Daddy’s Girl

Never akong naging Daddy’s girl.  At alam ng tatay ko ‘yun.

‘Di pa man ako pinapanganak, naexport na ang tatay ko sa ibang bansa para magtrabaho.  Umuuwi lang siya every 1 or 2 years, kadalasan tuwing Pasko (kaya never kong pinagdudahan na siya ang tatay ko dahil September ako pinanganak *do the math guyzz*).  Kaya bilang na bilang lang ang araw na nakabonding ko ang tatay ko.  Kaya hindi talaga ako naging Daddy’s girl.

Siya ‘yung tipo ng tatay na magtetext ng “umuwi ka nang maaga, may padating na bagyo. ingat. love you.” kahit na wala pang dumadating na kahit ambon man lang, at ‘yung tipong hindi kakain kapag isang piraso ng tuyo lang ang ulam (ganung ka-drama, MMK level).  Maraming-maraming reasons para masabing swerte ako na siya ang tatay ko.  Malas lang niya na ako ang anak niya.

Pero alam ko na baligtad ang iniisip namin.  Para sa kanya swerte siya na ako ang anak niya.  Feeling ko nga ultimo pagpasa ko sa quiz sa Calculus o pagsakay ko ng eroplano mag-isa, pinagmamalaki niya nang bongga sa mga kakilala niya na parang nabigyan ako ng Nobel Peace Prize o napili ni Kuya Germs para maging co-host sa Walang Tulugan.

Pero para sa akin, feeling ko lagi lang siyang kontra sa gusto ko.  Feeling ko para siya ‘yung total opposite ng fairy godmother sa buhay ko.  Well, actually, siya ‘yung bida, tapos ako ‘yung evil stepmother.

Pero halos lahat naman ng kontrabida, sa kahit anong teleserye, binibigyan ng eksena at chance na lumambot at umiyak.  Para mas touching, para mas maapektuhan ‘yung mga manonood.

Pangalawang araw ko nun sa unang part-time job ko.  Cashier ako, at ate ko ang nagtetrain sa’kin.  Akin ang cash register, siya ang taga-bag ng mga groceries.  Ngingiti, babati ng “how are you?”, sasagot ng “I’m fine” dahil tatanungin ka din ng customer, magbibilang ng bayad at sukli, ngingiti, at magte-thank you.  Akala ko wala nang mas hihirap pa sa mabilisang pagdidistinguish sa mga coins ng amerika at pag-aadd at pagma-minus para tamang sukli ang maibigay ko.  Meron pa pala.

Lumapit ang isa sa mga empleyado din na kagagaling lang ata sa pagpapahinga sa labas ng tindahan.  May sinabi sa ate ko sabay turo sa may intersection na malapit lang sa pinagtatrabahuhan namin.  At umiyak na ang ate ko.

Naaksidente daw ang tatay ko.

Hindi ako nakaalis sa pwesto ko ‘nun dahil hindi pa tapos ang shift ko at mahaba ang pila ng mga customers.  Mahirap pala ang mabilisang pagdidistinguish sa mga coins ng amerika at pag-aadd at pagmaminus habang umiiyak.  At mas lalong mas mahirap palang sumagot ng “I’m fine” sa tanong na “How are you?” kung hindi ka naman talaga ok dahil hindi mo sigurado kung ok ba ang tatay mo.

Walang nangyaring masama sa tatay ko dahil sa bandang likod ng driver’s seat tumama ‘yung sasakyang bumangga sa kanya pero alam ko na isa ‘yun sa mga paramdam ni Papa God para magpakatino na ako at ire-align ang mga prinsipyo ko sa buhay.  Alam ko na ‘yun na ‘yung chance ko.

Pero dahil matigas ang ulo ko, ayokong isipin na meron dapat na turning point ang buhay ko at ‘yun na ‘yon.  Ayokong magchange character at costume dahil may nangyaring ganung ka-cinematic na malamang magiging climax ng kwento ng buhay ko sa MMK.  Hindi ako nagbago dahil magiging hindi na ako ‘yun.  Baka masuka hindi lang ako kundi pati na din ang tatay ko.

Alam ko na ok na siya na ganito ako, kahit na para akong may imaginary superpowers na nagrerepel lagi sa effort at pagke-care niya, parang keber naman siya.  Pero sa tuwing sinasabi niya sa’kin na “ganyan na ganyan din ako sa mga magulang ko nung bata ako”, napapaisip ako na baka sa kahuli-hulihan, nasa kanya pa rin ang alas at ang huling halakhak, ala Donya Margaret.

Happy father’s day sa tatay ko at sa lahat ng tatay out there.  Alam ko na para akong living kontrabida pero basta, ‘yon na ‘yon.  Ayokong maging macheesy, nakakaumay ‘yon.  Pero kahit ganito ako, alam ko naman nang maswerte ako na siya ang tatay ko.  Sa tulad kong ‘to, matagal na dapat akong nasabon, napagalitan, napalo, nagrounded, at, higit sa lahat, sinukuan… (there goes my inner cheesyness).  Happy father’s day!

Advertisements

HS

Kanina, napagtripan na naman namin ng ate kong korean wannabe na magreminisce ng highschool life.  ‘Di ako mag-eemote ngayon dito kaya ‘wag mangambang paiiyakin kita pero dahil alam kong mas nakakaengganyo talagang magbasa ng kahit ano (e.g. nobela, tula, love letter ni manliligaw/ka-MU/cuddle partner, notes sa Biology, o manual ng nabili mong camera na nakakaganda raw) kapag may background music, nagpost na din ako ng Youtube video sa ibaba para makantahan ka ni Ate Shawie ng “Highschool Life” habang nagbabasa.  ‘Wag masyadong dibdibin ang lyrics (lalo na kung may bigla kang naalala) dahil baka hindi maka-get-over at masisi mo pa ako.

Mag-aanim na taon na simula nung grumaduate ako, pero hanggang ngayon nakakamiss pa rin ang highschool days.  Karamihan naman ata, hindi nakakamove-on sa buhay highschool nila.  Kung pa-highschool pa nga lang siguro ako ngayon, excited na siguro ako dun sa bagong pauso ng DepEd na K12 curriculum.  Mantakin mo, maeextend ng 2 years ang bonding moments n’yo ng mga kaibigan mong makakakuntsaba mo sa pageexperiment sa maraming bagay (e.g. hairstyle, bisyo, lovelife, extracurricular and other pa-epal activities, fashion style, music, at kung anu ano pang kaweirdohan at kabaliwan), makakagroup mo sa pagbuo ng pangarap (o ‘yung mandadamay sa course na kukunin para classmates pa din kayo hanggang college), at makakasama mo sa pagtransition mula sa pagiging batang uhugin at mukhang sabukot sa pagiging dalaga at binata na unti-unting magiging problema ang ayos ng buhok (at bangs), kung paano ang pinakamabisang paraan para mapansin ni crush o ng gustong ligawan, kung kanino kokopya  ng assignment (o exam), kung saan tatambay pagkatapos ng klase (o kung kelan aabsent para tumambay), o kung may tagos ba sa palda (at kung sino ang hihingi ng bulak na may hydrogen peroxide sa clinic at kung paano mo ieexplain sa nurse na hindi sapat ang isang bulak para makatanggal ng tagos nang hindi siya makukulitan at maiinis sa’yo).  ‘Yun nga lang extra gastos talaga ‘yang K12 na ‘yan sa mga nagpapa-aral at pinapaaral ang sarili kaya malalim na isyu ‘to na hindi ko kayang i-blog nang seryoso.  Masarap lang isipin na sana nga mas matagal ang highschool life namin noon.  Sana tinanggal na lang ‘yung kinder (tutal isa lang naman ang naging kaibigan ko ‘nun) o binawasan ng ilang taon ‘yung elementary (tutal dun ata lumapad ang paa ko kakatakbo nang nakapaa para ‘di mataya sa sikyo at kakatalon nang nakapaa para magwagi sa chinese garter, 10/20, at kung anu-ano pang larong goma na may dinedeklarang mother).  Sana hindi na lang pala kami nagbakasyon noon tuwing summer o kaya sana naka-dorm kaming lahat sa loob ng campus para nasulit ‘yung maraming pagkakataon at bonding moments.  Kapos kasi e, alam mo ‘yon?

Pero swerte ko kasi kahit na sa tingin ko na bitin ang highschool days na binigay sa’min, nakahanap pa rin ako ng mga tunay na kaibigan na hanggang ngayon ay mga taong pinakamalapit  pa rin sa akin.  At namiss ko sila ngayon (‘yung mga madalas mag-online, medyo na lang syempre).  Pero kahit miss ko na kayo, ayokong humingi ng reunion kasi si Tyron Perez, ‘yung namatay na artista na bunga nung talent search na Starstruck, hingi daw nang hingi ng reunion.  Ayan, dedbol na ngayon.  ‘Yang paghingi ata ng reunion ang modernong katapat ng pagkanta ng My Way.  Marami pa akong pangarap kaya kita kits na lang whenever, wherever.

dapat wacky na lang lagi ang class picture, mas makatotohanan kasi.. AT challenging!

Thank you

Medyo napupuno na ang homepage ko sa facebook ng mga nakakainggit na listahan ng mga special events/experiences sa 2011 ng mga kaibigan ko.  At dahil likas akong inggitera, gusto ko ding maki-join.

Ayoko nang isa-isahin kung anu-ano ang pinagdaanan ko nung sinagupa ko ang bawat araw ng 2011.  Hindi naman ako nanalo sa lotto, hindi ako nakakita ng artista (pero nakakita ako ng internet action star), hindi pa ako artista, hindi pa rin ako tumatangkad, at hindi pa rin ako nagagawaran ng diploma.  Pero kung susumahin, aprub na aprub sa’kin ang 2011 (kahit na hindi ko natupad ang dare ko na umamin sa crush ko bago magunaw ang mundo sa 2012, lels, neknek mo crush, you will never ever know, EVURR).

Para mas ma-emote, pagsasama-samahin ko na lang ang pasasalamat ko sa lahat nang naging parte ng 2011 ko kahit na alam kong ‘di naman nila mababasa ‘to (kayo na ang mga busy at hindi pakalat-kalat sa internet!!).  Here we go:

  • Salamat sa mga taong kahit ‘di ko kilala ay binack-up-an ako sa kauna-unahang “cyber away” ko. Virtual hug para sa inyo!!!
  • Salamat kay Phil Younghusband sa pagiinspire sa’kin na lumandi via twitter.  Kahit na inisnab ako ng ininvite ko nung Valentine’s, bumilib sa’kin ang mga dear friends ko at sumaya kaming lahat.  Kababawan at its finest!
  • Salamat sa panel nung kauna-unahan kong job interview sa hindi pagkain sa akin ng buhay.  Salamat din sa libreng mineral water.
  • Salamat sa English teacher ko na nagsaboy ng moral support.  I heart you mam!
  • Salamat sa Amerikanong nakatabi ko sa eroplano pauwing Manila sa pagvovolunteer na buhatin ang maleta ko sa masyadong unreachable na overhead bin.  Mabuhay ka! Salamat din sa pagbisita sa Pilipinas!
  • Salamat kay ate na nakakwentuhan ko sa airport sa Nagoya, Japan na tinuruan ako kung paano maging hindi aanga-anga sa pagpila sa Immigration at Customs sa NAIA 1.  Nakalabas ako ng airport in less than 1 hr.  Expert si ateng!
  • Salamat sa lahat ng kaibigan kong pinasingit ako sa schedule nila para makipagbonding sa’kin nung umuwi ako sa Pinas.  Kapos ang bakasyon ko pero worth it ang bawat segundo dahil sa inyong lahat ♥ (insert background music: ♬ keep smiling, keep shining, knowing you can always count on meeeeee ♬)
  • Salamat sa mga ate kong pinagligpit ako ng plato sa bawat gabi, nilibre ako sa kung saan-saan, at naging driver ko 24/7 nung nagbakasyon ako sa Pinas.
  • Salamat sa crush ko sa pag-accept sa friend request ko.  Sana hindi ka nag-assume na crush kita.  Pero salamat sa pagwawallpost (‘wag judgmental, mababaw lang talaga ako) dahil nalaman kong kilala mo pa ako kaya kinilig naman ako.  Again, ‘wag ka sanang mag-assume na crush kita, ‘wag ganun, ok? ♥
  • Salamat sa mga iilang bagong kakilala at kaibigan (note: choosy ako kaya chosen one kayo!!).
  • Salamat sa kumpanyang pinagtyagaan ako nung summer.  Busog na busog (literal) ako sa piling nyo.
  • Salamat sa ate ko na naging sugar mommy, personal chef, at stylist ko.  Dahil dyan gagawaran ka ng kalangitan ng isang gwapong the one.
  • Salamat sa mga nakagroup ko ngayong sem sa lahat ng projects, hindi nalagas ang bangs ko at sana hindi din nabawasan ang hibla ng sa inyo.  *Fist bump*
  • Salamat kay Ramon Bautista, Professional Heckler, Patty Laurel, Chico & Delamar, at kay @superstarmarian (sa twitter) sa pagpapasaya ng bawat araw ko.  Solved ang ka-emohan ko dahil sa inyo.
  • Salamat sa mga taong naniwala sa’kin na kaya ko, kahit na parang hindi naman.  Igugroup hug ko na lang kayo dahil awkward kung isa-isa pa.
  • Salamat sa lahat ng always willing na makinig at umintindi sa mga ka-emohan at  kaartehan ko via fb, twitter, wordpress, text, at bbm.  Kilala n’yo na kung sino kayo ♥
  • Salamat sa nanay kong pinagluluto ako ng pritong itlog tuwing umaga at sa pagpeprepare lagi ng chicken sandwich.  Lamang na lamang ako sa mga classmates ko dahil lagi akong busog sa 1st period tapos may ready pa akong chibog sa loob ng bag.
  • Salamat sa tatay ko sa hindi pagsuko sa lahat ng debate natin araw-araw.  ‘Yan ang tunay na katapangan (kahit takot ka sa multo), harapin ang “counterpart” ng iyong kabataan.  Mana lang ako sa’yo *wink*.
  • Salamat papa god sa patience at unlimited love, sa blessings, moral lessons, at realizations ng 2011.  High five from earth!

Kung may nakalimutan ako at feeling mo isa ka dun sa mga nakalimutan ko, mahinahong magreklamo sa comment box.  Basta salamat nang marami!! HAPPY NEW YEAR!

I Do

Ayokong-ayokong umaattend ng mga kasal.  O siguro dahil boring ang halos lahat ng napuntahan ko nang kasalan.  ‘Yung iba pa dun nag-flower girl ako at nagsaboy ng flowers sa aisle habang sapilitang ngumingiti sa mga taong hindi ko naman masyadong kakilala.  Ang pinakamasayang memory ko na e ‘yung nakapagbaon ako ng mga kendi na tinago ko sa ilalim ng mga bulaklak kaya masaya akong ngumunguya habang nagsusumpaan ng panghabang buhay na pagmamahalan ‘yung kinakasal hindi ko na actually matandaan kung sino ang kinakasal.  At hindi ko rin naeenjoy ang reception.  Hindi pa ako nagiging abay pero kung pagbabasehan ang experience ng mga ate ko, alam ko na mas malala ang memories.  Bukod sa makikiupo ka sa mga kapwa mo abay na hulas na ang make-up, pipilitin ka pang makigulo at makiriot sa pagsalo ng bulaklak ng bride.  Hassle!

Ayokong ikasal.  Ayokong ikasal kung ganung ka-negative ang definition ng pagka-“memorable” ng isang mahalagang phase dapat ng buhay ko.  Kahit na hindi ko pa maimagine ang sarili kong kasal, at least alam ko kung ano ang mga dapat kong hindi gawin para hindi mabagot ang flower girl ko at magtanim ng galit sa idea ng pagpapakasal hanggang sa pagtanda niya.  Pero nasa dulo pa ng to-do list ko ang magsuot ng wedding gown at magpapalit ng apelyido.  Sigurado ako na marami pa tayong, lalo na ako na, kakaining bigas bago ko baguhin ang numbering sa listahan kong ‘yon at magpakalat ng wedding invitation at magsabit ng tarp sa bawat kanto para iannounce na ikakasal na ako.  Bigas muna ang trip ko ngayon dahil mas madali kasing iluwa ang bigas kaysa sa kanin.

Kahapon, dahil hindi naging masyadong maganda ang araw ko, nagliwaliw ako sa internet para maghanap ng magpapasaya sa’kin.  Mga bagay na pwedeng magpasabog ng saya sa buhay ko: (1) formspring ni Ramon Bautista ; (2) bagong balita sa Azkals; (3) random tweets o private messages ng mga kaibigan para lang sabihin na “i miss you” o “i have kwentooo”; o (4) makapagblog ako.  Ginawa ko lahat nang ‘yan pero hindi pa rin nataob ang pagka-fail ng araw ko dahil sa trabaho.  Lalalala, nang biglang napadpad ako sa blog ni Patty Laurel at nakita ko ‘to.

Hindi ko pa alam kung ano/paano/bakit/kanino/saan/true or false/fill-in-the-blanks/paano idedescribe ang dream wedding ko.  Pero isa lang ang sigurado ako.  Gusto ko hindi lang ako ang matotouch, mapapaiyak, kikiligin, at mapapa-“aaawww”.  Gusto kong maramdaman naming lahat, kahit na kami lang ng future labidabs ko ang mag-a-I-do, na totoo ang true love at marealize nila na masaya naman palang umattend ng kasal kahit na ninang pa sila, abay, flower girl, unofficial photographer, tagabigay ng give-aways, host sa reception, o tagabantay sa parking lot.  At dalawang paraan lang ang naiisip ko para magawa ang misyon kong ‘yan.  Magpakasal kaya ako next week?

Dahil wala pa akong pera at hindi pa nababagok ang the one ko kaya ‘di niya pa narerealize na naliligaw siya sa puntong ‘to ng buhay niya, hindi ko ‘yun pwedeng gawin.  May isa pa akong chance.  Hindi ko man kayang buuin at idesign ang love story ko na parang blog para maging ka-level ng kwento ni Carlo at Cat dun sa video, gusto kong tumulong para ikwento at i-share ang love story ng mga taong natagpuan na ang one true love nila.  Kahapon ko nafeel na gusto kong gawin ‘yan, na may isa pa pala akong calling sa buhay.  Totoo pala na lahat ng nangyayari sa buhay ay may dahilan.  Ngayon, kampante na ako dahil may purpose naman pala ang pagtitiis ko sa pagpaflower girl ko at hindi nasayang ang naputol na buhay ng mga bulaklak na ikinalat ko sa simbahan.

Wala pa akong bonggang videocam at program sa computer para mag-edit at pagandahin ka, pero sinisigurado ko sa’yo na kapag natupad ko na ang misyon kong ‘to, babaguhin ko ang definition mo ng pagka-“memorable” ng kasal.  Bigyan mo lang ako ng panahon para maging lisensyadong engineer muna at makapag-ipon bago makapagsideline at makapagsaboy ng love sa madla.  Kung drawing lang ang lahat ng naiisip ko ngayon, kudos na lang sa lahat ng taong tumupad at tutupad sa pangarap na tulad ng akin.  Balang araw, aarkilahin ko kayo.

Sa future victim pakakasalan ko 147 years from now, goodluck.  Ayokong umaattend ng kasal at reception, naggogown at naghiheels, naghahawak ng bulaklak, naglalakad habang pinagtitinginan ng ibang tao, at humahawak ng kalapati.  At sana mas matindi ang imagination mo sa’kin dahil kahit balak kong maging wedding planner/tagagawa ng wedding video sa ngayon, wala akong plano at wala akong balak planuhin ang sarili kong kasal.  Dahil nabubuhay ako sa mga sayings at advice ni ramon bautista sa formspring, ang dream wedding ko lang naman kasi ay”sa tabi mo” ano’ng cheesy ka dyan, bawal kumontra.

At sa lahat ng balak nang magpakasal, pag-isipang mabuti dahil mahal ang annulment at hindi pa tapos magsabunutan para sa Divorce Bill kaya walang cool off, cool off wag kang pauso at saka hindi ko pa kayo pwedeng gawan ng wedding video.  At saka sabi nga nila, hindi ‘yan parang kanin na pwedeng iluwa kapag panis na o kung hindi mo mahanap ang tinik ng isda na nasama sa pagsubo mo gamit lang ang dila mo.  Kadiri ang kanin na durug-durog na at mamasa-masa.

..at kung bakit dapat iwasan ang A Crazy Little Thing Called Love ng mga taong cheesy

Kung susukatin ang ka-cheesyhan ko sa buhay ko, malamang malalaos ang Cheese Ring, Cheese Whiz, at ang extra cheesy mac and cheese recipe ng kungsinumang chef at kusinera at ng iyong suking karinderya .  Hindi ko alam kung namamana ba ‘yun o nakukuha sa hangin o sa ibang tao.  Sa mga kwento ng nanay at tatay ko nung magboyfriend-girlfriend pa lang sila, parang wala namang signs ng kung anumang kacheesyhang pampelikula na pwedeng naiagos nila sa blood vessels ko.  Kung nakukuha sa hangin, bakit pakiramdam ko mas mataas ang level nung akin kesa sa mga taong nasa paligid ko? Directly proportional ba ang kacheesyhan ng isang tao sa amount ng hanging naiinhale? May pahiwatig ba ‘yun sa size ng butas ng ilong ko o sadyang maiksi at kaunti ang buhok ko sa ilong kaya palpak ang pagfifilter ng hangin loaded with cheese at oxygen na nagaganap? Kung nagkakahawaan naman ang lahat ng tao, bakit may nasasabihan ng corny at cheesy? Sino sila at bakit immune sila sa kacheesyhan na meron ako?

Napagdaanan ko din noon ‘yung phase na hindi ako nagpapahuli sa mga Asianovelas at librong kilig to the bones.  Nirecord namin ang Meteor Garden.  Kinilig ako sa Sweet Valley Junior High.  Ilang beses kong pinanood ang Full House.  Hindi ko din tinatanggi na halos lahat ng paborito kong pelikula ay love story ang focus.  Umaasa akong ang the one ko ay si Landon Carter o si Noah Calhoun o magkakaroon ako ng sarili kong kwento ng 500 days of Summer.  Pero umabot din ako sa phase na ako na mismo ang nacornyhan sa sarili ko at naisip kong mabuhay sa totoong mundo na mas maraming Dao Ming Su at Justin nung hindi pa sila naiinlove kay Sanchai at kay Jessie o ang pinakamalapit ng taong pwedeng makipaglandian sa’tin ay si Summer na walang idea ng commitment at true love dahil tayo ang Tom ng buhay niya.

Pero totoo nga ata ang Aegis nang sabihin nilang tuloy tuloy ang pag-ikot ng gulong ng buhay dahil parang bumabalik uli ang phase ko ng kacheesyhan.  Hindi ‘yun dahil naka-100 ako sa videoke ng kantahin ko ang Luha, o dahil nagtagpo na kami sa may dalampasigan ng matagal ng nawawalang the one ko, pero dahil nagpapilit ako sa mga ate ko na panoorin ang A Crazy Little Thing Called Love.  Kung napanood mo na ‘yun, malamang nangiti ka kaagad at kinikilig ngayon.  Inhale, exhale, 1, 2, 3, tumingin sa salamin at i-assess ang sarili kung nasaang banda ka na bilang si Nam.  Kung blooming at kuminang ka sa salamin, ikaw na! malamang abot-kamay mo na si P’Shone.  Kung nadismaya ka sa nakita mo, ipasok ang dvd ng CLTCL o isearch sa youtube at panoorin buong maghapon hanggang sa mawala ka sa sarili at humaba ang buhok mo.

Kung hindi mo pa napapanood, ok lang ‘yan.  Nakakakilig at nakakaaliw man, hindi naman kawalan sa buhay ang pagpapalampas mo sa pelikulang ‘to.  Pero kung sadyang marupok ka at madaling mainggit sa kasiyahan ng ibang tao, gusto ko lang sabihin na iilan na lang ata kayo na hindi pa nakakapanood ‘nun LOLJK, gusto kong malaman mo kung bakit/saan ako o kami nakarelate.

1.  Stages ng pagkakaroon ng crush na pagdadaanan mo with your BFFs

Denial stage – ‘Yung tipong caught in the act ka na pero itatanggi mo pa din na crush mo si crush dahil nahihiya ka o ayaw mong kantyawan ka ng mga kaibigan mo.  Minsan, lalo na kapag ‘di kagwapuhan at hindi pwedeng ipagyabang si crush, magkukunwari ka pang nadidiri at naaasar.  At kung sobrang haba naman ng pila ng mga karibal mo kay crush, ipapangangalandakan mong “Yan?! Gwapo ba ‘yan? Hindi naman kaya!” at magfifeeling na hindi ka bibigay sa tawag ng mababaw na pag-ibig.

Ok-fine-crush-ko-siya-silence-na-may-kasamang-ngiting-pademure stage – Dadating ang araw na pipiliin mong magpakatotoo na at itigil na ang pagkukunwari dahil hindi fun ang kiliging mag-isa.  Masarap ang pakiramdam na nailabas mo na sa wakas ang matagal mong kinimkim na kilig at saya sa tuwing lolokohin ka nila kay crush, pero mag-ingat sa venue na pipiliin mo kung gagawin na ang moment na ‘to.  Siguraduhing wala sa 5-meter radius si crush dahil matagal-tagal at medyo magiging agaw-pansin ang magiging reaksyon ng mga kaibigan mo: “yihiiiiiiiiiiiiiiii <insert name of crush here>” (repeat 10x)

Kantyawan stage – Masaya ‘to sa mga unang araw dahil bulgaran na ang reaksyon ng mukha at puso mo sa tuwing abot tanaw si crush at pwede mo ng kurutin/hampasin/yugyugin ang kaibigan mo sa sobrang kilig.  Pero dadating ang araw na ikaw na mismo ang gustong magtago o magdistract sa circle of friends mo sa tuwing dadaan si crush para maiwasan ang paulit-ulit at traumatic na pangangantyaw nila sa pagkapula ng pisngi mo o kahit sa no-reaction-at-walang-malisya-kunwari-na-tingin-mo hanggang sa mapalingon si crush at maweirdohan sa tropa niyo.

That’s-what-friends-are-for stage – Para makabawi (o dahil sadyang pagod na silang mang-asar), tutulungan ka pa ng mga kaibigan mong mang-stalk at magplano para makidnap mapansin ka ni crush.  Nakadepende ang saya at pagkamemorable ng stage na ‘to sa level ng katinuan ng mga kaibigan mo.  At tandaan na wag makikipagkaibigan sa mas maganda sa’yo, dahil magiging mapanganib ang stage na ‘to kung kamukha ni Anne Curtis ang best friend mo.

2.  This must be a sign!

Nawawala ang depinisyon mo ng kababawan basta tungkol kay crush.  Ito lang ang mga bagay na nagreregister sa utak at puso mo:

  • Nalaman mong alam niya ang pangalan mo.
  • Binigyan ka niya ng mangga!!!!!!!
  • Nginitian ka niya. (kung kumindat pa sa’yo, e di ikaw na!!!)
  • Nambully siya ng nambully sa’yo at ibinili ka pa ng softdrinks.
  • Hinawakan niya ang kamay mo nang muntik ka ng mahulog sa stage.
  • Lumingon siya ng binulong mong “lumingon ka”.

Marami pa ‘yan at kung napanood mo na nga yung movie, may dagdag kilig lahat ng ‘yun.  At dahil napanood ko na nga, ayoko ng isulat lahat dahil baka mahimatay ako sa kilig o.a..

Pero kulang pa lahat ng pinakita ng bidang character kung ikukumpara sa mga nangyari sa’yo o sa ating lahat na feeling mo/natin noon ay pinadala ng tadhana para iparamdam sa’yo/sa’tin na natagpuan mo na si the one at oo, type ka din niya.  Walang limit ang kababawan.  Example 1: Tinext ka ni crush para magtanong kung nasa school ka na at kung may dala kang yellow paper.  Example 2: Kamay ni crush ang sumalo sa inaabot mong bayad sa jeep.  Matindi ang kapit ng mga ganitong pagkakataon sa memory mo at ang mga pelikulang tulad ng A Crazy Little Thing Called Love ang magpapadikit lalo sa pagkakapit ng mga ‘yan sa kasuluk-sulukan ng utak mo.  Good luck.

3.  Bibigay ka din!

Iba ibang paraan ang pwedeng ma-qualify sa goal na ‘to.  Dumadating ‘to kapag unti-unti ng nauubos ang signs sa paligid at hindi na kinakaya ng imagination mo ang pagpapakilig sa sarili mo.  Pwedeng sabay din ‘to nung planning stage na pamumunuan ng mga kaibigan mo, pero kadalasan kasi sandali lang ‘yun dahil unang-una mas matindi ang driving force mo kesa sa mga kaibigan mo na malamang ay may sariling crush din na gustong maabot.  Mas maraming individual activities ang stage na ‘to kesa sa joined forces na stalking nyo ng mga kaibigan mo: tipong pag-imbento ng kung anu-anong talent, hobbies, angking katalinuhan, at marami pang iba para lang umangat at mapansin ni crush.  Pwede ring daanin sa dasal, kulam, tingin, o nakamamatay na pabango sabay daan sa harap ni crush.  Pero kung maisasabuhay mo din ang pagiging swan mula sa pagiging ugly duckling, kering keri mo ang stage na ‘to Ikaw na!.

4.  Love is blind…

….kaya minsan pumapalya talaga ang panang para sana ay kay crush.  Parang teleserye ‘to pero nangyari ata ‘to sa halos lahat ng tao.  Ayaw man daw sa’yo ni crush, may idedeliver naman ang tadhana na kakagat sa pain mo.  Kung sadyang mahaba ang buhok mo, pwedeng ito din ang magiging sagot sa problema mo dahil baka marealize ni crush na gusto ka niya kapag naramdaman niyang may ka-sparring na siya para sa’yo Another ikaw na moment!.

5.  This is it!

Ito na ang climax ng kahit anong love story, kapag nagka-aminan na.  Dalawa lang ang pwedeng mangyari pagkatapos: (1) Mapahiya ka dahil nalaman mong wrong timing ka dahil may labidabs na siya at dahil isa lang ang puso niya hindi ka niya pwedeng sagutin ng “i love you too”, maiiyak ka pa sa sobrang tindi ng emotions, sabay mahuhulog ka pa sa swimming pool at magwawalk-out na basa at broken hearted; o (2) pareho lang nung (1) pero dahil sadyang pinagpala ka ay makakatanggap ka ng notebook/photo album kinagabihan at malalaman mong hindi one sided ang lahat at mabubuhay ka na sa kilig from the past.

Ang saya siguro kung pwedeng magkatotoo ‘yung kwento ni Nam at ni P’ Shone at kung magpaparaffle si God na ‘yun ang grand prize, malamang magkaroon ng maraming draw dates sa sobrang dami ng sasali.  Hindi ko alam kung ‘yung pagka-imposible nung kwento ang nakakakilig o sadyang ganun katindi ang pag-asa ng mga tao na magkakaroon din sila ng sarili nilang version ng ganun, na mabibiyaan din sila ng sarili nilang labidabs kahit consolation prize pa.  Siguro nga.  Kung hindi man mangyari ‘yun, ipasok ang dvd o itype sa youtube search box ang A Crazy Little Thing Called Love at panoorin buong maghapon hanggang sa mawala ka sa sarili at humaba ang buhok mo at dumating ang taong magpaparealize sa’yong laos ang pelikulang ‘yun dahil hindi niyo pa naman nasisimulan ang love story niyo, ang love story niyo ni <insert name ni the one>.

Prom date

JS Prom.  ‘Yan ‘yung moment na bumabaha ng kilig at ngiti, sumasabog sa sobrang pagtibok ang maraming puso.  ‘Yan ang isa sa iilang araw na one in a million lang ang probability na tanggihan ka ng crush mo.  Nakakalimutan mo ‘yung taste mo sa music na kahit Cueshe pa ‘yung kanta, wala kang pakialam dahil nung gabing ‘yun mo lang nalaman na alam pala niya na nageexist ka at sa dinami-dami ng nandun ikaw ang kasayaw niya.  Perfect moment para magtitigan at magpakacheesy dahil may background music, nakagown ka, naka-amerikana siya, instant music video dahil with disco lights pa.

Hindi highlight ng highschool ko ang prom ko.  Siguro dahil wala akong kacheesyhang ginawa o sadyang wala lang akong ka-loveteam noon.  Pero masaya naman ako ‘nun dahil nagbaon ako ng gameboy at naglaro buong gabi, at oo, gameboy lang ang alam kong laruin, psp and ipad your face dahil ang prom ay hindi lang pang-in-love-at-in-like.  Maswerte ako dahil hindi napagod ang mga kaibigan ko na isayaw kami kapag naunahan na sila sa mga gusto nilang isayaw, swerte ‘yun para sa akin, swerte na may kasamang pwersa.  Pero seryoso, masaya na walang ilangan dahil hindi lang ako nakipagsayaw, kundi nakipagkwentuhan, nakipagtawanan, nakipagtsismisan, nakipaglaitan, inenjoy ang mga iilang araw na hindi bawal ang kalimutan ang anumang may kinalaman sa acads kasama ang mga kaibigan, classmates, cheatmates habang umiindak sa “bakit ngayon ka lang.. bakit ngayon kung kailan ang puso’y mayron ng laman…”.

Hindi ako masyadong naghanda.  Ayoko kasi ng setting ng prom, nakaformal, naka-heels, nakakaumay ‘yung hangin.  Pero sa dalawang beses na nagprom ako, parang mas malala pa ako sa pinaka-makulay ang lovelife sa batch namin dahil parang andami kong signs of excitement.  Consistent ang tagihawat ko sa tuwing malapit na ang prom.  Hindi ko alam kung nang-aasar ba o sadyang nagkukunwari lang ako na hindi ako excited.  Nung 3rd yr ako, nilagyan ako nung bading ng swarovski-like crystal sa isang mata ko i’m sowsyal like that dahil naaliw siya sa almond shaped kong mata, kaya nag-agaw ng atensyon yung tagihawat ko sa ilong at yung kumikinang-kinang na kristal sa mata ko.  Sinabuhay ko ‘yun optical illusion sa mukha ko.  Nung 4th yr naman ako, ang naging ka-partner ng tagihawat ko sa ilong ay ang bandage sa kamay ko.  Nabuhusan ko ang sarili ko ng mainit na tubig nang kumuha ako sa water dispenser para sa instant noodles ko.  Kasama ng pula kong damit ang wire gauze sa kamay ko, na magmumukhang sign ng katangahan sa isang ordinaryong araw pero isang nakakaawang add-on kapag prom.  Siguro gutom na gutom lang ako nung araw na ‘yun kaya sumablay yung kumukulong tubig sa cup o may iniimagine akong fairy tale at tinulak ako ng evil sister ko para magising sa katotohanan.

Gustuhin ko man na maalala ‘yung mga kanta sa prom namin, hindi ko na talaga maalala.  Alam ko madaming sablay na kanta, na tipong hindi ko aamining nasa ipod ko o favorite kong kantahin sa videoke.  Pero sigurado akong wala ng mas lalala sa last song sa prom ng isa kong ate na “sinaktan mo ang puso ko” by michael v. at isang nakakalitong song choice sa prom ng isa ko pang ate na “beautiful” ni christina aguilera.  Siguro kaya hindi ko na din naitago ng maayos sa memory ko ‘yung mga nangyari nung mismong prom dahil naging busy na masyado ang utak ko pagkatapos na pagkatapos kong umalis sa napakabonggang venue naming quadrangle sa school.  Nung una kong prom, diretso overnight na kami sa bahay ng classmate ko hindi para kiligin magdamag kundi para tapusin ang  project naming dyaryo.  Diretso puyatan at diretso acad mode.  Ni hindi nga ata kami nakapagbaon ng extrang hangin mula sa love-is-in-the-air atmosphere para mainspire kami sa paggawa ng project, at kahit sa panaginip nung naidlip ako sandali, wala ng pahabol pang kilig moments.

Nung 4th yr na kami, wala ng project, dahil halos final exams na lang ang nasa schedule.  Libre na sana ang isip at puso ko para namnamin ang anumang saya at ka-cheesyhang nasagap ko pero dahil naiwala ko ang digicam ko,  hindi ako natahimik hanggang kinabukasan.  Umamin lang ako sa nanay ko na naiwala ko yung digicam dear younger people, dati cool ang may digicam, COOL!!! nung pumasok na ako sa school via text message.  At para hindi ako masabon sa bahay namin paguwi ko, inuna kong iannounce na pumasa ako sa UP at saka ko hinabol ang bad news na nawala ko ang digicam.  Epektib.

Hindi ko alam kung counted na bang tungkol sa prom ang mga sinabi ko pero gusto ko kasing maniwala na ang prom ay hindi lang tungkol sa crush mo at sa inyong prom theme song, hindi lang sa kung ikaw ang may pinakamataas na slit sa gown mong perfect example kung may scarcity ng tela, hindi lang sa kung ikaw ang pinakamataas na koronang suot, hindi lang sa kung pinagpawisan at napagod ka kakasayaw sa kanta ni david pomeranz.  Kaya kung kakatapos lang ng unang JS prom mo, ‘wag kang masyadong ma-stress kung hindi mo nabuhay ang mga dinrowing mo sa imagination mo o kung hindi ka isinayaw ni mr. campus crush.  ‘Wag mong burahin sa memory mo ang lahat ng nangyari dahil lang sa may isang parte ng buong experience ang hindi mo nagustuhan.  Imposible naman na walang nagpasaya sa’yo sa buong gabi mong ‘yun, kahit na ‘yung pork chop na kinain mo, ‘yung panalong pambobola ng kapitbahay niyo nung lumabas kang naka-make-up at nakagown pero pinili mo pa ding paniwalaan, o ‘yung pagpapahiram sa’yo ng suit ng classmate mo, ng walang malisya, dahil giniginaw ka na.  Kaya smile, at sabi nga ni ramon bautista maggenerate ng saya para sa sarili.  Ivisualize ang prom bilang simple at masaya at hindi isang tanging chance para humanap ng tunay na pag-ibig.  Tandaan na hindi ka pa graduate ng high school at madami sa mga kabatch mo ang hindi pa final ang itsura at character at hindi exempted ang crush mo dun. 🙂

JS Prom.  Hindi ko alam kung paano siya icacategorize sa buhay ko.  Twice in a lifetime experience kaya hindi ganung kaspecial pero hindi rin ganung ka-ordinaryo.  Sa unang beses, ‘yan ‘yung perfect moment para masaksihan ang first love.  At kapag fourth year ka na, ‘yan ‘yung perfect moment para sulitin ang second chance.

P.S.  At ang isa sa paborito kong kanta habang kinikilig, enjoy. 🙂

Yellow Paper

Meron ka bang yellow paper?

Ilang araw pa lang tayo magkakilala nun.  Hindi ako mahilig magdala sa school ng isang pad ng yellow paper dahil nadala na ako nung high school na halos linggo linggo ako kung bumili ng iba’t ibang klase ng pad paper, 1/4, lengthwise, crosswise, yellow paper, pero lagi pa ding nauubos.  Nang itext mo ako nung umagang ‘yun para lang manghingi ng yellow paper, hindi ko alam kung alin ang nasayang, kung ‘yung pisong pinangtext mo o ‘yung iilang piraso ng papel na nakaipit sa notebook ko na nasa loob na ng bag ko.

Halos isang taon lang tayo naging magkaibigan.  Hindi ko lang alam kung naging magkaibigan nga ba tayo.  Parang masyadong malalim ‘yun dahil kung tutuusin hindi na ata tayo magkakilala ngayon, parang ganun.

Magpatuloy sa pagbasa