College life sa labas ng Pinas

Nung umuwi ako sa Pinas nung isang taon, bukod sa tanong na “marami bang gwapo dun?” at “magkano iphone dun?”, karamihan sa tanong ng mga kaibigan ko ay kung paano daw ba ang buhay estudyante sa Sweet Home Alabama, specifically sa school ko ngayon, sa University of Alabama at Birmingham (UAB).

Hmmm. Sakto lang.  Hindi nakakabigla at nakakatunaw ng internal organs, pero hindi din naman buhay petix hanggang grumaduate.  Sakto lang.

‘Di gaanong kalakihan ang school namin.  Imagine: DLSU-Taft.  Hindi kami ‘yun.  Now, imagine: DLSU-D (kung hindi alam kung ano/saan ‘yan, I-GOOGLE!).  ‘Yan kami.  Magaling daw ang school namin sa medical courses.  Feeling ko naman totoo ‘yun.  Maraming buildings pero hindi masyadong challenging ang layo sa isa’t isa (depende kung laking aircon ka at hindi marunong maglakad ‘pag more than 20 steps).  Walang gate at bakod sa buong school, diretso mga bahayan na at mga pinaglumaang building at bodega kaya bawal mag-angas-angasan.  May mga puno at damuhan, pero walang Sunken Garden (oo, ‘yun ang habol ko talaga e).  Kung ire-rate, 3 out of 5 ang ganda ng school namin.  Sakto na din.

mukhang ang ganda ng school namin. tandaan, madali lang magphotoshop (char) (picture from the internet)

Sa building namin, walang bell kaya depende sa konsensya ng teacher kung 1-to-sawa ang lecture-ran.  Pero syempre, on time sila magpalabas, kung kailangan talagang mag-extend, halos makiusap pa ‘yung ibang prof.  Puro bintana ang classroom kaya minsan ang hirap iwasang ‘di mapatitig sa may bintana para mag-abang nang mahuhulog mula sa kalangitan.  Pinakapaborito kong spots ay ang computer lab at ang banyo: parehong pwedeng kainan sa sobrang linis pero mas exciting sa complab dahil dun bawal ang kumain.  Ok din ang lobby dahil malambot ang mga upuan at pwedeng magcharge ng laptop, cellphone, at ng utak.  Four out of 5 ang building namin.

Konti lang ang kumukuha ng course ko (Materials Science Eng’g as in eng-eng joks).  Mula 2nd yr hanggang x years bago grumaduate, kadalasan sila-sila din ang magiging classmates mo kaya mahirap i-syota ang isa or kahit more tapos ibe-break mo after 1 week.  Mababait naman ang magiging classmates mo, ngingiti sila kung ngingitian mo sila.  Hindi masyadong uso ang kopyahan at team work sa assignments at take home exams, kadalasan ‘yung kaclose mo lang ang kabonding mo.  Pero kung mabait ka, kadasalan gumaganti ‘yung biniyayaan mo ng kabaitan: instant OT (old testaments).  Sa usapang fashion, as usual, may angat sa iba (dahil parang mowdel o kaya dahil overdressed), maraming simpleng tshirt at pantalon lang buong sem, at syempre merong halatang lutang, example: nakaboots dahil winter pero nakashort shorts.  Extremes ang mga tao, kapag matalino, sobrang talino, kapag tamad, sobrang tamad, kapag gwapo, sobrang gwapo (‘yun nga lang taken na, mas masaklap dahil normal ang engaged).  Gets mo na ‘yung kabilang end ng spectrum.  Sa kabuuan, 3.5 out of 5 ang mga tao sa paligid.

Karamihan sa mga subjects ay 2 beses kada linggo, ‘pag minor, minsan 3 araw.  Madalas may homeworks lalo na kung may kinalaman sa numbers ‘yung klase.  May website na pasahan ng assignments, minsan isusulat dapat sa papel at ipapasa in class, pero minsan kapag malakas ang trip ng prof, ipapatype ‘yung homework tapos ii-email sa kanya.  Sanay na ako dun sa panghuli, dalihan ba naman kami ng ganun ng isang prof na ang tanong lagi sa hw ay puro nakakatraumang formula at ke-habang  calculations ang involved (sukdulan!!).  Two to 3 ang exams tapos may finals pa.  Minsan, may written report and/or presentation kapalit ng finals.  Kapag mapagbigay ang teacher (madalas ‘to sa Calculus), tapos medyo bagsak ka sa exams, pwedeng sagutin at isubmit ang bagong sagot with solution para makakuha ng 1/2 ng kung ilang points ang halaga ng question na ‘yon.  Pwede ding gawin ‘yan minsan sa mga formal reports.  Hindi graded ang recitation lalo na pag major subjects.  Walang board work at ‘di masyadong uso ang class activities, paborito ko pa naman noon sa diliman ‘pag may buwis-buhay na pacontest sa classroom kapalit ng bonus points.  May attendance at kadalasan 6 absences ang limit bago bumagsak.  Bihirang macancel ang klase nang biglaan kahit magpanobena pa ang kahit sino.  Hindi ko ma-rate ang hirap ng acad load, depende pa din kasi sa subject at sa estudyante.

Generally, madaling makapasa sa bawat klase.  Lalo na kung may effort talaga (may pa-epal din naman na subjects syempre).  Sobrang approachable ng mga prof at karamihan sa kanila, laging available kung gusto mo ng madibdibang pag-uusap sa office nila o kahit gusto mo lang ng mapaghihingahan ng sama ng loob.  Marami ang willing magbigay ng study guide at kopya ng lumang exams.  Kadalasan sila na din ang magpiprint ng handouts (kung konti lang ang estudyante) at kung sadyang nakasakto ka talaga sa galanteng teacher, bibigyan ka pa ng binder.  Ok lang din sa kanila ang mag-usod ng deadline (‘yun ay kung lahat kayo ay magmamakaawa).  Meron pa akong naging teacher noon na pumayag sa wish ng classmate ko na sa ibang araw na lang siya mageexam dahil may isa pa syang exam sa parehong araw ng scheduled exam date sa klaseng ‘yun.  Ok din ang ganitong setting sa isang banda, pero alam kong iba pa din ang challenge kapag walang masyadong spoonfeeding, tipong matutuyuan ka talaga ng dugo at pawis makagraduate lang.  Pero kahit feeling ko medyo O.A. minsan ang kabaitan nyo, 4 out of 5 pa din kayo mam and sir.

Wala akong masyadong alam sa extracurricular activities at social life sa school namin.  Sa sagot lang na library sa tanong na saan ang paborito kong tambayan, ‘di ko na kailangang magexplain.  May mga orgs at frats pero hindi masyadong big deal.  May concerts at shows pero hindi rin masyadong big deal.  Walang malakihang events sa school na mapipilitan kang maki-join dahil mukhang masaya or dahil alam mong masaya talaga.  At ang pinakaayoko sa lahat ay walang party/celebration, kahit man lang sa loob lang ng classroom, sa last day ng klase: pizza? games?nakakaiyak na message para kay mam o kay sir? GROUP PICTURE?? O c’mon!!! WALAAA??? One out of 5.

Syempre, lahat ng sinabi ko ay base lang sa course ko at, um, siguro sa takbo ng utak ko.  Matitino naman ang mga graduates ng school namin at feeling ko naman matino ako (kaya gagraduate na ata ako, sa wakas!).  All in all, ok din na experience ang mag-aral dito o sa kung alin man sigurong school sa labas ng Pinas kaya thankful pa din ako na nandito ako.  Wala namang pangbubully na naganap o malawakang adjustment sa lifestyle at prinsipyo sa buhay, ‘yun nga lang napapasabak talaga ako sa inglisan.  Pero syempre kung papipiliin pa din ako, mas gusto ko pa ding mag-aral sa Pinas (College #ItsMoreFunInThePhilippines).

P.S. may kamalasan ata akong taglay dahil kung nung nasa Pinas ako, kulelat sa basketball sa UAAP ang school ko, ngayon talunan uli ang school ko pagdating naman sa kinamamatayan nilang American football.  But take note, dragon ang mascot namin, fierce! Medyo palangiti nga lang siya ng konti.  So semi-fierce.

Advertisements

Oblation run.

Sa loob ng halos tatlumpung taon na pagtakbo sa diliman ng mga adan na buo ang loob sa paglantad sa kanilang hubad na katawan, maraming kababaihan at kabaklaan ang tumili, kinilig, nasuka, natawa, humanga, natulala, napapikit, at nagising sa katotohanan.

Sa pakikipagsiksikan ko sa tyangge, sumagi sa isip ko ang isang pamilyar na tagpo.  Masikip, maingay, mainit, magulo.  Naisip ko na sa isang banda ay magkatulad ang eksena sa tyangge at kapag may oblation run.  Halos hindi mahulugan ng karayom sa dami ng tao.  Iba ibang uri ng tao.  May sosyal, may aktibista, may rakista, may nerd, may konyo, may tsismosa, may demanding, may kapos sa fashion sense, may loveless, may parang nakavalium, may kunwari blonde.  Lahat gustong masilayan at mahusgahan ang mga nakabilad na paninda at katawan.  Maaaring may matuwa, may mainis, may madismaya.

May mga taong tanggap man ang rebulto ni oble sa tapat ng quezon hall ay hindi pa din maintindihan ang tunay na layunin ng pagtakbo ng hubad.  Tila mga mamimiling walang kasing kulit at kunat sa pagtawad at paghalungkat sa mga nakatambak na paninda.  Parehong may nais makamtam at mabili.

May mga taong walang puknat ang pagtuligsa at paglait sa mga kalalakihang hubad at sa mga katabi nilang tuwang-tuwa at parang uod na inaasinan sa sobrang kilig.  Tila mga taong dumayo pa sa tyangge para lamang magpakachoosy sa mga paninda at magreklamo na mainit at masikip.  Nakakaduda ang mga taong naglaan ng oras para lamang inisin ang mga sarili.

May mga taong hindi dahil sa taglay nilang kabastusan pero dahil sa malawak na pag-iisip ay game na game.  Simula’t sapul ay alam na nila na ang tinungo nila ay tyangge: masikip, maraming tao, at hindi brand ng mga paninda ang dapat i-prioritize. Naging masaya sila anumang pagod at gulo ang naranasan nila.  Tila mga babaeng nabigyan ng pulang rosas ng mga tumatakbong hubad.  Parehong napangiti ng isang pulang rosas at ng isang damit na natawaran nila.  Kapwa naligayahan sa hindi malilimutang karanasan.

Hindi man maaaring ikumpara ang layunin ng oblation run at tyangge, pero pareho silang mabenta, inaabangan, pinagkakaguluhan, dinadayo, magandang bonding experience kasama ang mga kaibigan o ang sarili, at recommended na huwag masyadong magpakagutom (dahil baka himatayin) at huwag din masyadong magpakabusog (dahil baka masuka at himatayin).   Bigla ko lang naisip, ano kaya ang mas papatok, tyangge na may mga artistang tindera o oblation run na pamaskong handog ng mga varsity players?

 

December 2006

(inarbor ko sa Friendster blog ko, at dahil half-jejemon pa ata ako noon, inedit ko na din. Thank you me.)

(xx) days of summer

First time kong mag-enrol para mag-summer.  Dalawa lang naman ang ibig sabihin kapag nagsusummer ang isang estudyante: (a) bumagsak siya sa isang subject na prereq sa isa pa niyang major subject o kahit minor lang pero magdedelay sa kanya, o (b) sadyang sabik siyang maungusan at makagraduate ng mas maaga kaysa sa plano ng curriculum ng course niya.  Sa kaso ko, applicable ang letter (a) at (b), tig-kalahati sila.

Magpatuloy sa pagbasa