..at kung bakit dapat iwasan ang A Crazy Little Thing Called Love ng mga taong cheesy

Kung susukatin ang ka-cheesyhan ko sa buhay ko, malamang malalaos ang Cheese Ring, Cheese Whiz, at ang extra cheesy mac and cheese recipe ng kungsinumang chef at kusinera at ng iyong suking karinderya .  Hindi ko alam kung namamana ba ‘yun o nakukuha sa hangin o sa ibang tao.  Sa mga kwento ng nanay at tatay ko nung magboyfriend-girlfriend pa lang sila, parang wala namang signs ng kung anumang kacheesyhang pampelikula na pwedeng naiagos nila sa blood vessels ko.  Kung nakukuha sa hangin, bakit pakiramdam ko mas mataas ang level nung akin kesa sa mga taong nasa paligid ko? Directly proportional ba ang kacheesyhan ng isang tao sa amount ng hanging naiinhale? May pahiwatig ba ‘yun sa size ng butas ng ilong ko o sadyang maiksi at kaunti ang buhok ko sa ilong kaya palpak ang pagfifilter ng hangin loaded with cheese at oxygen na nagaganap? Kung nagkakahawaan naman ang lahat ng tao, bakit may nasasabihan ng corny at cheesy? Sino sila at bakit immune sila sa kacheesyhan na meron ako?

Napagdaanan ko din noon ‘yung phase na hindi ako nagpapahuli sa mga Asianovelas at librong kilig to the bones.  Nirecord namin ang Meteor Garden.  Kinilig ako sa Sweet Valley Junior High.  Ilang beses kong pinanood ang Full House.  Hindi ko din tinatanggi na halos lahat ng paborito kong pelikula ay love story ang focus.  Umaasa akong ang the one ko ay si Landon Carter o si Noah Calhoun o magkakaroon ako ng sarili kong kwento ng 500 days of Summer.  Pero umabot din ako sa phase na ako na mismo ang nacornyhan sa sarili ko at naisip kong mabuhay sa totoong mundo na mas maraming Dao Ming Su at Justin nung hindi pa sila naiinlove kay Sanchai at kay Jessie o ang pinakamalapit ng taong pwedeng makipaglandian sa’tin ay si Summer na walang idea ng commitment at true love dahil tayo ang Tom ng buhay niya.

Pero totoo nga ata ang Aegis nang sabihin nilang tuloy tuloy ang pag-ikot ng gulong ng buhay dahil parang bumabalik uli ang phase ko ng kacheesyhan.  Hindi ‘yun dahil naka-100 ako sa videoke ng kantahin ko ang Luha, o dahil nagtagpo na kami sa may dalampasigan ng matagal ng nawawalang the one ko, pero dahil nagpapilit ako sa mga ate ko na panoorin ang A Crazy Little Thing Called Love.  Kung napanood mo na ‘yun, malamang nangiti ka kaagad at kinikilig ngayon.  Inhale, exhale, 1, 2, 3, tumingin sa salamin at i-assess ang sarili kung nasaang banda ka na bilang si Nam.  Kung blooming at kuminang ka sa salamin, ikaw na! malamang abot-kamay mo na si P’Shone.  Kung nadismaya ka sa nakita mo, ipasok ang dvd ng CLTCL o isearch sa youtube at panoorin buong maghapon hanggang sa mawala ka sa sarili at humaba ang buhok mo.

Kung hindi mo pa napapanood, ok lang ‘yan.  Nakakakilig at nakakaaliw man, hindi naman kawalan sa buhay ang pagpapalampas mo sa pelikulang ‘to.  Pero kung sadyang marupok ka at madaling mainggit sa kasiyahan ng ibang tao, gusto ko lang sabihin na iilan na lang ata kayo na hindi pa nakakapanood ‘nun LOLJK, gusto kong malaman mo kung bakit/saan ako o kami nakarelate.

1.  Stages ng pagkakaroon ng crush na pagdadaanan mo with your BFFs

Denial stage – ‘Yung tipong caught in the act ka na pero itatanggi mo pa din na crush mo si crush dahil nahihiya ka o ayaw mong kantyawan ka ng mga kaibigan mo.  Minsan, lalo na kapag ‘di kagwapuhan at hindi pwedeng ipagyabang si crush, magkukunwari ka pang nadidiri at naaasar.  At kung sobrang haba naman ng pila ng mga karibal mo kay crush, ipapangangalandakan mong “Yan?! Gwapo ba ‘yan? Hindi naman kaya!” at magfifeeling na hindi ka bibigay sa tawag ng mababaw na pag-ibig.

Ok-fine-crush-ko-siya-silence-na-may-kasamang-ngiting-pademure stage – Dadating ang araw na pipiliin mong magpakatotoo na at itigil na ang pagkukunwari dahil hindi fun ang kiliging mag-isa.  Masarap ang pakiramdam na nailabas mo na sa wakas ang matagal mong kinimkim na kilig at saya sa tuwing lolokohin ka nila kay crush, pero mag-ingat sa venue na pipiliin mo kung gagawin na ang moment na ‘to.  Siguraduhing wala sa 5-meter radius si crush dahil matagal-tagal at medyo magiging agaw-pansin ang magiging reaksyon ng mga kaibigan mo: “yihiiiiiiiiiiiiiiii <insert name of crush here>” (repeat 10x)

Kantyawan stage – Masaya ‘to sa mga unang araw dahil bulgaran na ang reaksyon ng mukha at puso mo sa tuwing abot tanaw si crush at pwede mo ng kurutin/hampasin/yugyugin ang kaibigan mo sa sobrang kilig.  Pero dadating ang araw na ikaw na mismo ang gustong magtago o magdistract sa circle of friends mo sa tuwing dadaan si crush para maiwasan ang paulit-ulit at traumatic na pangangantyaw nila sa pagkapula ng pisngi mo o kahit sa no-reaction-at-walang-malisya-kunwari-na-tingin-mo hanggang sa mapalingon si crush at maweirdohan sa tropa niyo.

That’s-what-friends-are-for stage – Para makabawi (o dahil sadyang pagod na silang mang-asar), tutulungan ka pa ng mga kaibigan mong mang-stalk at magplano para makidnap mapansin ka ni crush.  Nakadepende ang saya at pagkamemorable ng stage na ‘to sa level ng katinuan ng mga kaibigan mo.  At tandaan na wag makikipagkaibigan sa mas maganda sa’yo, dahil magiging mapanganib ang stage na ‘to kung kamukha ni Anne Curtis ang best friend mo.

2.  This must be a sign!

Nawawala ang depinisyon mo ng kababawan basta tungkol kay crush.  Ito lang ang mga bagay na nagreregister sa utak at puso mo:

  • Nalaman mong alam niya ang pangalan mo.
  • Binigyan ka niya ng mangga!!!!!!!
  • Nginitian ka niya. (kung kumindat pa sa’yo, e di ikaw na!!!)
  • Nambully siya ng nambully sa’yo at ibinili ka pa ng softdrinks.
  • Hinawakan niya ang kamay mo nang muntik ka ng mahulog sa stage.
  • Lumingon siya ng binulong mong “lumingon ka”.

Marami pa ‘yan at kung napanood mo na nga yung movie, may dagdag kilig lahat ng ‘yun.  At dahil napanood ko na nga, ayoko ng isulat lahat dahil baka mahimatay ako sa kilig o.a..

Pero kulang pa lahat ng pinakita ng bidang character kung ikukumpara sa mga nangyari sa’yo o sa ating lahat na feeling mo/natin noon ay pinadala ng tadhana para iparamdam sa’yo/sa’tin na natagpuan mo na si the one at oo, type ka din niya.  Walang limit ang kababawan.  Example 1: Tinext ka ni crush para magtanong kung nasa school ka na at kung may dala kang yellow paper.  Example 2: Kamay ni crush ang sumalo sa inaabot mong bayad sa jeep.  Matindi ang kapit ng mga ganitong pagkakataon sa memory mo at ang mga pelikulang tulad ng A Crazy Little Thing Called Love ang magpapadikit lalo sa pagkakapit ng mga ‘yan sa kasuluk-sulukan ng utak mo.  Good luck.

3.  Bibigay ka din!

Iba ibang paraan ang pwedeng ma-qualify sa goal na ‘to.  Dumadating ‘to kapag unti-unti ng nauubos ang signs sa paligid at hindi na kinakaya ng imagination mo ang pagpapakilig sa sarili mo.  Pwedeng sabay din ‘to nung planning stage na pamumunuan ng mga kaibigan mo, pero kadalasan kasi sandali lang ‘yun dahil unang-una mas matindi ang driving force mo kesa sa mga kaibigan mo na malamang ay may sariling crush din na gustong maabot.  Mas maraming individual activities ang stage na ‘to kesa sa joined forces na stalking nyo ng mga kaibigan mo: tipong pag-imbento ng kung anu-anong talent, hobbies, angking katalinuhan, at marami pang iba para lang umangat at mapansin ni crush.  Pwede ring daanin sa dasal, kulam, tingin, o nakamamatay na pabango sabay daan sa harap ni crush.  Pero kung maisasabuhay mo din ang pagiging swan mula sa pagiging ugly duckling, kering keri mo ang stage na ‘to Ikaw na!.

4.  Love is blind…

….kaya minsan pumapalya talaga ang panang para sana ay kay crush.  Parang teleserye ‘to pero nangyari ata ‘to sa halos lahat ng tao.  Ayaw man daw sa’yo ni crush, may idedeliver naman ang tadhana na kakagat sa pain mo.  Kung sadyang mahaba ang buhok mo, pwedeng ito din ang magiging sagot sa problema mo dahil baka marealize ni crush na gusto ka niya kapag naramdaman niyang may ka-sparring na siya para sa’yo Another ikaw na moment!.

5.  This is it!

Ito na ang climax ng kahit anong love story, kapag nagka-aminan na.  Dalawa lang ang pwedeng mangyari pagkatapos: (1) Mapahiya ka dahil nalaman mong wrong timing ka dahil may labidabs na siya at dahil isa lang ang puso niya hindi ka niya pwedeng sagutin ng “i love you too”, maiiyak ka pa sa sobrang tindi ng emotions, sabay mahuhulog ka pa sa swimming pool at magwawalk-out na basa at broken hearted; o (2) pareho lang nung (1) pero dahil sadyang pinagpala ka ay makakatanggap ka ng notebook/photo album kinagabihan at malalaman mong hindi one sided ang lahat at mabubuhay ka na sa kilig from the past.

Ang saya siguro kung pwedeng magkatotoo ‘yung kwento ni Nam at ni P’ Shone at kung magpaparaffle si God na ‘yun ang grand prize, malamang magkaroon ng maraming draw dates sa sobrang dami ng sasali.  Hindi ko alam kung ‘yung pagka-imposible nung kwento ang nakakakilig o sadyang ganun katindi ang pag-asa ng mga tao na magkakaroon din sila ng sarili nilang version ng ganun, na mabibiyaan din sila ng sarili nilang labidabs kahit consolation prize pa.  Siguro nga.  Kung hindi man mangyari ‘yun, ipasok ang dvd o itype sa youtube search box ang A Crazy Little Thing Called Love at panoorin buong maghapon hanggang sa mawala ka sa sarili at humaba ang buhok mo at dumating ang taong magpaparealize sa’yong laos ang pelikulang ‘yun dahil hindi niyo pa naman nasisimulan ang love story niyo, ang love story niyo ni <insert name ni the one>.

Advertisements

Prom date

JS Prom.  ‘Yan ‘yung moment na bumabaha ng kilig at ngiti, sumasabog sa sobrang pagtibok ang maraming puso.  ‘Yan ang isa sa iilang araw na one in a million lang ang probability na tanggihan ka ng crush mo.  Nakakalimutan mo ‘yung taste mo sa music na kahit Cueshe pa ‘yung kanta, wala kang pakialam dahil nung gabing ‘yun mo lang nalaman na alam pala niya na nageexist ka at sa dinami-dami ng nandun ikaw ang kasayaw niya.  Perfect moment para magtitigan at magpakacheesy dahil may background music, nakagown ka, naka-amerikana siya, instant music video dahil with disco lights pa.

Hindi highlight ng highschool ko ang prom ko.  Siguro dahil wala akong kacheesyhang ginawa o sadyang wala lang akong ka-loveteam noon.  Pero masaya naman ako ‘nun dahil nagbaon ako ng gameboy at naglaro buong gabi, at oo, gameboy lang ang alam kong laruin, psp and ipad your face dahil ang prom ay hindi lang pang-in-love-at-in-like.  Maswerte ako dahil hindi napagod ang mga kaibigan ko na isayaw kami kapag naunahan na sila sa mga gusto nilang isayaw, swerte ‘yun para sa akin, swerte na may kasamang pwersa.  Pero seryoso, masaya na walang ilangan dahil hindi lang ako nakipagsayaw, kundi nakipagkwentuhan, nakipagtawanan, nakipagtsismisan, nakipaglaitan, inenjoy ang mga iilang araw na hindi bawal ang kalimutan ang anumang may kinalaman sa acads kasama ang mga kaibigan, classmates, cheatmates habang umiindak sa “bakit ngayon ka lang.. bakit ngayon kung kailan ang puso’y mayron ng laman…”.

Hindi ako masyadong naghanda.  Ayoko kasi ng setting ng prom, nakaformal, naka-heels, nakakaumay ‘yung hangin.  Pero sa dalawang beses na nagprom ako, parang mas malala pa ako sa pinaka-makulay ang lovelife sa batch namin dahil parang andami kong signs of excitement.  Consistent ang tagihawat ko sa tuwing malapit na ang prom.  Hindi ko alam kung nang-aasar ba o sadyang nagkukunwari lang ako na hindi ako excited.  Nung 3rd yr ako, nilagyan ako nung bading ng swarovski-like crystal sa isang mata ko i’m sowsyal like that dahil naaliw siya sa almond shaped kong mata, kaya nag-agaw ng atensyon yung tagihawat ko sa ilong at yung kumikinang-kinang na kristal sa mata ko.  Sinabuhay ko ‘yun optical illusion sa mukha ko.  Nung 4th yr naman ako, ang naging ka-partner ng tagihawat ko sa ilong ay ang bandage sa kamay ko.  Nabuhusan ko ang sarili ko ng mainit na tubig nang kumuha ako sa water dispenser para sa instant noodles ko.  Kasama ng pula kong damit ang wire gauze sa kamay ko, na magmumukhang sign ng katangahan sa isang ordinaryong araw pero isang nakakaawang add-on kapag prom.  Siguro gutom na gutom lang ako nung araw na ‘yun kaya sumablay yung kumukulong tubig sa cup o may iniimagine akong fairy tale at tinulak ako ng evil sister ko para magising sa katotohanan.

Gustuhin ko man na maalala ‘yung mga kanta sa prom namin, hindi ko na talaga maalala.  Alam ko madaming sablay na kanta, na tipong hindi ko aamining nasa ipod ko o favorite kong kantahin sa videoke.  Pero sigurado akong wala ng mas lalala sa last song sa prom ng isa kong ate na “sinaktan mo ang puso ko” by michael v. at isang nakakalitong song choice sa prom ng isa ko pang ate na “beautiful” ni christina aguilera.  Siguro kaya hindi ko na din naitago ng maayos sa memory ko ‘yung mga nangyari nung mismong prom dahil naging busy na masyado ang utak ko pagkatapos na pagkatapos kong umalis sa napakabonggang venue naming quadrangle sa school.  Nung una kong prom, diretso overnight na kami sa bahay ng classmate ko hindi para kiligin magdamag kundi para tapusin ang  project naming dyaryo.  Diretso puyatan at diretso acad mode.  Ni hindi nga ata kami nakapagbaon ng extrang hangin mula sa love-is-in-the-air atmosphere para mainspire kami sa paggawa ng project, at kahit sa panaginip nung naidlip ako sandali, wala ng pahabol pang kilig moments.

Nung 4th yr na kami, wala ng project, dahil halos final exams na lang ang nasa schedule.  Libre na sana ang isip at puso ko para namnamin ang anumang saya at ka-cheesyhang nasagap ko pero dahil naiwala ko ang digicam ko,  hindi ako natahimik hanggang kinabukasan.  Umamin lang ako sa nanay ko na naiwala ko yung digicam dear younger people, dati cool ang may digicam, COOL!!! nung pumasok na ako sa school via text message.  At para hindi ako masabon sa bahay namin paguwi ko, inuna kong iannounce na pumasa ako sa UP at saka ko hinabol ang bad news na nawala ko ang digicam.  Epektib.

Hindi ko alam kung counted na bang tungkol sa prom ang mga sinabi ko pero gusto ko kasing maniwala na ang prom ay hindi lang tungkol sa crush mo at sa inyong prom theme song, hindi lang sa kung ikaw ang may pinakamataas na slit sa gown mong perfect example kung may scarcity ng tela, hindi lang sa kung ikaw ang pinakamataas na koronang suot, hindi lang sa kung pinagpawisan at napagod ka kakasayaw sa kanta ni david pomeranz.  Kaya kung kakatapos lang ng unang JS prom mo, ‘wag kang masyadong ma-stress kung hindi mo nabuhay ang mga dinrowing mo sa imagination mo o kung hindi ka isinayaw ni mr. campus crush.  ‘Wag mong burahin sa memory mo ang lahat ng nangyari dahil lang sa may isang parte ng buong experience ang hindi mo nagustuhan.  Imposible naman na walang nagpasaya sa’yo sa buong gabi mong ‘yun, kahit na ‘yung pork chop na kinain mo, ‘yung panalong pambobola ng kapitbahay niyo nung lumabas kang naka-make-up at nakagown pero pinili mo pa ding paniwalaan, o ‘yung pagpapahiram sa’yo ng suit ng classmate mo, ng walang malisya, dahil giniginaw ka na.  Kaya smile, at sabi nga ni ramon bautista maggenerate ng saya para sa sarili.  Ivisualize ang prom bilang simple at masaya at hindi isang tanging chance para humanap ng tunay na pag-ibig.  Tandaan na hindi ka pa graduate ng high school at madami sa mga kabatch mo ang hindi pa final ang itsura at character at hindi exempted ang crush mo dun. 🙂

JS Prom.  Hindi ko alam kung paano siya icacategorize sa buhay ko.  Twice in a lifetime experience kaya hindi ganung kaspecial pero hindi rin ganung ka-ordinaryo.  Sa unang beses, ‘yan ‘yung perfect moment para masaksihan ang first love.  At kapag fourth year ka na, ‘yan ‘yung perfect moment para sulitin ang second chance.

P.S.  At ang isa sa paborito kong kanta habang kinikilig, enjoy. 🙂

Yellow Paper

Meron ka bang yellow paper?

Ilang araw pa lang tayo magkakilala nun.  Hindi ako mahilig magdala sa school ng isang pad ng yellow paper dahil nadala na ako nung high school na halos linggo linggo ako kung bumili ng iba’t ibang klase ng pad paper, 1/4, lengthwise, crosswise, yellow paper, pero lagi pa ding nauubos.  Nang itext mo ako nung umagang ‘yun para lang manghingi ng yellow paper, hindi ko alam kung alin ang nasayang, kung ‘yung pisong pinangtext mo o ‘yung iilang piraso ng papel na nakaipit sa notebook ko na nasa loob na ng bag ko.

Halos isang taon lang tayo naging magkaibigan.  Hindi ko lang alam kung naging magkaibigan nga ba tayo.  Parang masyadong malalim ‘yun dahil kung tutuusin hindi na ata tayo magkakilala ngayon, parang ganun.

Magpatuloy sa pagbasa

Stalker ba ako?

Sa bawat araw na nakakasalamuha ko ang sarili ko, hindi ko na napapansin kung normal pa ba ako o sadyang tagilid lang ang pakikitungo ko sa salitang normal.  Kahapon, muli akong napaisip.  Dejavu.  Parang nag-reunion ang mga ala-ala mula noong buhay na buhay pa ang social life ko.  Sabi ng isa sa mga boss ko kahapon habang nakikipagtsismisan sa tatay ko, “Bogart (hindi tunay na pangalan ng tatay ko, naaaliw lang ako sa tunog niya, kung BOGART ang pangalan mo, i-friend mo ako dali!), I think you’re daughter is stalking me”.  O hindi.  Sino’ng stalker? Hindi ako stalker.  Hindi.



Pero dati oo.


Wala akong gang.  Wala akong mga “bata” o kahit isang alagad na nakaleather jacket na on-call sakaling may potential victim na ako.  Hindi ako big-time.  At lalong hindi ako pwedeng rentahan at arkilahin.  Underground lang ako noon.  Simpleng galaw.  Kaunting sulyap.  Para-paraan.  Dahan-dahan.  Para sa sariling kapakanan at kaaliwan.


Kung tutuusin, pihikan ako.  Kaunti lang ang mga nabiktima ko noon.  Long-term ang uso sa akin.  Sapat na ang mga daliri mo sa kaliwang kamay kung dodrawing-an mo ng mga mukha ang mga dulo nito sabay gawa ng pagsasadula ng mga kabaliwan ko noon.  May classmate, may kaibigan, may sikat, may kakilala ng kaibigan, may crush ng kakilala, may teacher, may di-gaanong stranger at syempre may hindi ko talaga kilala.  Kung 5 lang ang daliri mo sa kaliwa, drawing-an mo na din ang kanan.


Wala naman akong ginawang katakwil-takwil.  Baka nga katulad lang kita nang hindi mo nalalaman o baka ang ini-stalk ko pala noon ay mas malala pa sa akin.  Ang mahalaga lang sa akin noon ay ang pangalan, buong pangalan.  At dahil ang swerte ay pakalat-kalat lamang, madaming sumasambot sa tulad ko.  Ang pinakamamahal kong world wide web.  Konting click lang, may nakahain nang juicy para sa aking lalamunan; birthday, paboritong pelikula, hobbies, idol na artista, paboritong teleserye ni juday, paboritong kanta ni roselle nava, school, likes at dislikes.  Nalalaman ko din kung jologs ba siyang umasta o conyonistic kung magsalita o kung buhay na niya ang pagbaby-talk.  Nakikilala ko din ang mga tao sa buhay niya, kaibigan, kapatid, classmate, pinsan o kapitbahay na paminsan-minsan naman kapag natuwa sa akin ang swerte power sa paligid, makakatagpo ako ng connecting line, ng bridge sa buhay ko patungo sa mundo nila.  Nandyan din ang mga public photos, at ika nga ng isang kantang hindi ko naman paborito pero gusto kong isama ngayon if a picture paints a thousand words... na totoo namang nagdudulot ng walang hanggang kasiyahan at paminsan-minsan, naipagmamalaki pa sa iba na parang pusang nagyayabang sa dagang natalisod niya. Minsan may mga blogs at shout outs din na nakakatulong din sa pagiimagine at pagbuo ko ng over-all personality at character niya.  At syempre nasasagot ang tanong ko kung may syota-syotaan na ba siya o hanggang crush lang siya o sobrang lamya ng social life niya na nais niyang mag-isa panghabang buhay.  Madami talagang bonus dahil kay www at dahil dun madami talaga ang katulad ko ang nabibigyang buhay ang tendency na maging ahem stalker wanna-be.


May ilang bagay naman na dumadating lang sa akin nang hindi sinasadya.  Kusang lumalapit.  Minsan halos masaulo ko ang class schedule niya sa pagiging isang magaling na observant.  Lagi ko siyang nakakasalubong sa ganitong araw sa ganitong oras papunta sa ganitong building.  Halos nabubuo ko minsan ang puzzle kapag pursigido ako o kapag magaling ako sa research ko o kapag naging medyo closed na kami.  Common sense lang minsan ang lahat at syempre ang pagiging alert 24/8.


May iba na hindi nakukuntento sa imaginary world nila.  Nais nila ng execution.  Nais nila ng mabilisang happy ending.  Gumagawa ng shortcut papalapit sa target point.  Tatambay sa madalas niyang tambayan, gagawing hobby na din ang ganitong hobby upang may something common na sila, kukunin ang ganitong subject para siguradong kasama siya ng isang buong sem, kakaibiganin ang kaibigan niya para masaya, lilipat ng boarding house malapit sa kanya o sa mismong dorm na tinitirhan niya para ma-rape siya para maka-closed siya.  At taas-noo kong sasabihing wala akong ginawa dito.  Kaya kung sa tingin mo ay ini-stalk kita noon na sigurado ko naman na hindi, sana’y na-relieved ka sa iyong mga nabasa at nalaman.  Sana’y naisip mong sinungaling ang mga tulad ko.


Sariling effort, determinasyon at dedikasyon plus kaunting budbod ng swerte na may kasamang tsismis mula sa outside forces, ‘yan lang ang sa tingin ko ang nalaman ko mula sa aking mga karanasan.  Wala akong masyadong natutunan sa phase ng buhay kong ito.  Masaya naman ang ganitong hobby ngunit nakakatakot kung gagawing career panghabang-buhay.  Hindi ito ang tamang paraan upang mag-aksaya ng panahon dahil unang-una hindi ka dapat nagsasayang ng panahon at pangalawa hindi ito nakakatuwang paraan upang magpalawak ng mundo mo.  Kaya pakiusap, huwag kunsintihin ang iyong crazy self, hindi ‘yan healthy sa iyo at sa kinabukasan mo.


Stalker.  Tunog rebelde.  Parang ang cool-cool.  Mukhang mas exciting ito kaysa dumapa sa kama at umiyak nang dear god, crush niya ba ako? Bakit naman hindi? Bakit? Huhu.  Siguro nga paminsan-minsan ay hindi natin maiwasan na subukan ang mga ganitong bagay sa mahiyain nating buhay para lamang maiba, para mahawakan natin sa ating mga kamay ang sarili nating kasiyahan, ang sarili nating tadhana.  Sino’ng may ayaw ng ganun? Ako gusto ko nun.  Pero hindi ‘yun ang kailangan ko upang maging masaya.

At para sa boss ko, hindi talaga kita iniistalk.  Ang corny ko naman para gawin ‘yun. Peksman.

Open-minded but close-hearted.

Alam mo ‘yung feeling kapag may crush ka na super crush na crush mo tapos alam mo na may iba siyang type na sobrang love na love niya? Ang sakit di ba.  Ang mas masakit pa dun, kahit anong gawin mo, kahit anong side o anggulo mo tingnan, she’s just so damn perfect, ilang paligo ang lamang sa’yo.  Ang sakit-sakit.

‘Yan ang drama ko sa tuwing nakikita ko si Atom sa tv o nababasa ko ang blog ni Patty.  Perfect match sila, walang duda.  Brains, looks, personality, career, nabiyayaan sila.  No match ako dun.  Ilang beses kong sinabi sa ate ko na sana sa diliman din siya nag-aral dahil baka naging classmate niya si Atom sa Math17 o sa Chem16 o baka nakatabi niya pa ‘yun sa CS lib, e ‘di madali na para sakin ang gumawa ng connecting line sa kanya.  At sinabi ko din na kapag sumali ako sa big brother, si atom ang iwiwish kong papasukin sa bahay bilang surprise! sa akin.  Kung tutuusin,  hindi pa ako malala sa lagay na ‘yan kung ikukumpara nung practitioner pa ako at active member ng liga ng mga nababaliw at nahuhumaling sa idea ng crush nung estudyante pa ako.  Past time ko na lang si Atom.  Para lang hindi magasgas ng tuluyan ang talent ko sa larangang ito.


Aminado ako na mababaw lang ang pagtingin ko sa aspeto ng love.  Para sa akin, ultimate level na ang crush na crush.  ‘Yun ang borderline.  Sa edad kong ito, masasabi kong malayong-malayo pa ako sa pagiging mature kung ang criteria lang ba ay ang nalalaman sa pag-ibig.  Hindi normal but I’m proud of it.


Hindi ko alam kung bakit na-stuck na ako sa ganitong phase ng buhay habang ang ilang friends ko ay namangka na at pumalaot.  Pero kuntento na ako ngayon sa ganitong feeling.  Kuntento na akong makinig sa kwento ng mga kaibigan ko kung paano sila nagkatampuhan at nagkaayos ng mga labidabs nila at manood ng mga palabas na mushy at corny kahit si Bobby Andrews at Angelu de Leon pa ang bida.  Masaya na akong kiligin kapag nakikita ang crush ko o mapanaginapan na kunwari close daw kami.  Ok din ang ganito.  Walang emotional investment at responsibility, walang seryosong heartaches, madaling makapag-move on, at aware ka at tanggap mo na one sided lang ang lahat dahil from the start ikaw lang ang bida sa ilusyong binuo mo at wala ng iba pa.  Immature ang dating kung isisigaw ko yan sa mga lovers out there, pero para sa akin mas marami pang aspeto sa buhay ko na dapat ayusin at seryosohin kaysa magpakalunod at makipagsapalaran sa Ocean of Love.  Aminado naman ako na certified KJ ako sa lahat ng bagay pero sa tingin ko ang mundo ng pag-ibig ay hindi basta-basta.  Ganun ako kaseryoso kung seryosohang usupan sa topic na ‘yan.  Pero naniniwala akong hindi dapat kulong ang whole experience at paniniwala ninuman sa isang prinsipyo o konsepto tulad ng pag-ibig base sa kwento at aral mula sa iba at mga rules at advices sa anumang uri ng media o kaibigan dahil lahat ng iyon ay diretso at short cut sa happy ending.  Na-edit na ang lahat ng sakit at lungkot, makakaiwas ka sa manhole o humps o dead ends na haharang sa adventure mo, napalamutian at napakinis na, in short hindi na totoo, hindi na natural, hindi eksaktong magiging ganun ang love story na nakalaan para sa akin o para sa’yo.  Kaya alam kong kung sasabak ako sa debate ngayon tungkol sa pag-ibig, unang argument ko pa lang, talo na ko.  At kahit high school student kaya akong barahin at patahimikin.


Marami pa akong priorities sa buhay, sobrang dami na nasa hulihan pa ng pila ang pag-ibig.  Ayoko pang sumakay sa bangka at makipagsapalaran sa mundong ‘yon.  Alam kong makulay at exciting ang adventure na ‘yon sabi nila, sampung beses na mas nakakakilig sa feeling ng crush na crush, pero sa tingin ko kasi, hindi ‘yon ang kailangan ko sa buhay ko ngayon.  Hindi bukas o sa isang linggo.  Malayong-malayo pa.


Kaunti na lang siguro ang mga kauri ko ngayon.  Hindi naman ako nag-aapply na maging isang always the bridesmaid never the bride type, pero ang haba pa kasi ng plano ko sa personal kong buhay na ayokong may mangingialam at magpapabago ng schedule ng lahat ng gusto kong gawin at ma-achieve balang araw.  Gusto kong makakuha ng diploma, maging professional, magkabusiness, makabili ng sariling bahay, at magpakasarap sa buhay.  Lahat ng ‘yon, gusto kong desisyunan at paghirapan mag-isa kahit pa maabayan ko na at masaksihan ang kasal ng lahat ng mga kaibigan ko at masubsob na sila sa sari-sarili nilang pamilya pagdating ng panahong ‘yon.


Tunog man-hater ako.  Mula pa nung elementary na sabi ko sa nanay ko na hindi ako mag-aasawa hanggang ngayon na sabi ko sa ate ko na there’s no such thing as love.  Pero masaya ako na nasabi ko ang lahat ng ‘yon based sa kainosentehan at for the sake na maramdaman kong independent ako from anyone.  Kaya hindi dun nagtatapos ang lahat.  But as I said, kulang ako sa personal experience at close encounter kay kupido kaya tunog man-hater ako.  Ganunpaman, marunong din naman akong kiligin at ma-touched.  Marunong lalo akong maka-appreciate ng gwapo at potential crush na maaaring kabaliwan.  Wala rin akong balak tumandang mag-isa balang araw.  Marami din akong pinapangarap na pangalan sa mga magiging anak ko at pati mga school na eenroll-an nila, planado ko na.  At higit sa lahat naniniwala ako kay destiny.  Nakipagdeal nga lang ako sa kanya na saka na ako makikipagconnect sa kanya kapag fulfilled na ako personally at stable na ang lahat.  Maganda kasi na may fallback ka sa anumang desisyong gagawin mo, laging may option b and c, laging may detour kung sakaling pumalpak.

Hindi ko alam kung tunog man hater pa din ako, pero para sa akin, hindi marunong mapagod at mainip si destiny gaano pa katagal ang phase ng self-fulfillment at paghahanap ng success and stability sa buhay.  Laging may right time for the right thing to do.  Maaaring saliwa ako sa pangkalahatang konsepto ng pag-ibig, maaaring mapapasama ako sa mga kakantyawan ng “boo!!!” kapag nagspeech ang lahat ng tao sa topic na ito.  Nangongonsensya man ang dating ko, at feeling realistic at practical ang drama ko, alam kong kulang ng spice ang lahat ng point ko sa mga pinagsasasabi ko at baliko ang ilang pinaniniwalaan ko.  Aminado akong kabilang ako sa mga KJ na stay with the book at follow the rules na boses diyan sa tabi-tabi.  Tunog nagpapaka-ako-ang-tama at nagpapaka-judgmental-sa-lahat-ng-puro-fun-at-puso-lang-ang-pinapairal na katauhan.  Kahit na sa personal kong buhay ay sumasakto naman at tumatama ang pananaw at paninindigan kong ‘yon, hindi ako nagpapaka-role model sa lahat.

Iba-iba naman tayong lahat at lalong iba-iba ang love story na pagbibidahan natin.  Maaaring akala natin tayo na ang bida ngayon pero kapitbahay ka lang pala nung totoong bida o wala kang kaalam-alam na ang dinedirect mo palang perfect love story ay ikaw na ang bida at eventually dahil wala ng direktor, tatakbo na ng natural ang kwento, hindi man perfect pero totoo.  Kung malabo pa ang idea at wala talagang direksyon, malamang hindi pa ito ang tamang panahon o hindi pa siya ang the one.  Magtuloy-tuloy lang sa pagstep forward, ibukas ang mata at puso, mas bukas nga lang dapat ang mata dahil ‘yun naman talaga ang susi at pagsisimula ng lahat, ang puso slight lang muna ang pagbukas sa simula, sulyap lang, tapos dramatic na ang next scenes.  At syempre huwag naman i-o.p ang utak sa bawat takbo ng istorya, kahit na minsan parang kontrabida lang ang role niya.  At higit sa lahat, magpakatotoo, mahalin nang buong-buo ang sarili at huwag maexcite at mabaliw sa konsepto ng pag-ibig.  Huwag mapressure sa payo ng iba na gawin mo ito o ibukas mo ito o ifeel mo ito dahil iba sila sa iyo at iba ka sa akin,  Kung sakaling nais mo talaga akong sundin, these are my last words: hangga’t hindi pa nag-a-I-do sa harap ni Bro ang crush mo, ang pag-asa ay still in sight.  Go destiny.  HAPPY Valentines.

Crush ko si: Ebolusyon ng KALANDIAN

***** Kung pababawan lang ng mga bagay na nagjojogging at nagtutumbling sa loob ng utak ng isang tao, alam kong hindi ako mahuhuli sa ranking.  Dulot na rin siguro ito ng kakulangan ng social life ko ngayon at pagiging out-of-school youth ng mahabang panahon.  BABALA: font color pa lang, malandi na, at tumpak, oo napansin ko ngang masakit sa mata.  Galing ito sa multiply account ko, at naisip kong essential ang color scheme ko sa blog na ito. *wink*

******


<sing> “crush kita! wooh! 2x”, sa tuwing umaalingawngaw ang commercial na ‘yan, kumukulo ang dugo ko pero dahil wala na  akong maisip na intro, kahit papaano ay napatunayan kong may silbi pa pala kahit papaano ang kantang ‘yan sa buhay ko.

Kung may tanong ang slumbook na “what is LOVE?”, hindi rin sasablay ang tanong na “who is your CRUSH?” na kadalasan ay SECRET ang sagot ng karamihan.  Ano nga ba ang crush? May katuturan ba ang konseptong ito? Ito ba ay pakiramdam, emosyon o isang ideya lamang? May magic ba itong kapartner at may kilig factor nga ba itong souvenir? May age limit ba ito? Bawal bang magtwo time sa iyong official crush? Dapat nga ba itong isikreto o ipagsigawan kaya? Totoo bang ‘di daw normal ang taong walang crush? Isa ba itong mahalagang elemento ng lipunan o ito’y sadyang kalandian lamang?

Kung may evolution ang tao ayon kay Charles Darwin, mayroon din akong version ‘nun.  Hindi man based on scientific facts at lab experiments, mga tunay na pangyayari at obserbasyon ko ang aking naging puhunan.

  • Nung bata pa ako, usong-uso ang mga larong tulad ng 10-20, chinese garter, piko, patintero, at marami pang iba.  May isang laro akong natatandaan na ginagamitan ng jumping rope na may kinalaman sa aking teorya ng ebolusyon.  May dalawang taya na hawak ang jumping rope sa magkabilang dulo habang may isang tatalon sa gitna at iiwasang maapakan ang lubid.  Nalimutan ko ang tawag sa larong ito basta ang alam ko sa last part ng pagtalon, bibigkasin ng sabay sabay ang alphabet, “A! B! C! D! E!….”, isang ikot ng lubid 360 degrees at isang talon ng tumitira sa bawat titik.  Sa letter na matatapatan ng pagkataya o ‘yung moment na maapakan na ang lubid, ‘yun daw ang initials ng crush nung batang tumalon.  Syempre kahit mga musmos pa lang, may halong kalandian na ang larong ito.  Sa karanasan ko, sinasadya kong magpataya sa 1st letter ng pangalan ng crush ko.  Kunwari inosente, malay ba nila.
  • Ang walang kamatayan at favorite ng lahat, ang FLAMES.  Kung hindi ka pamilyar sa larong iyan, ako’y lubusang naaawa sa iyo.  Lahat na ata ng taong kageneration ko, ipinaubaya sa FLAMES ang destiny nila.  Kahit saang lugar, kahit kailan, kahit sa notebook pa sa Biology, may makikita kang ganito.  Maraming naniwala sa kapangyarihan na naidudulot nito, simpleng ngiti, simpleng kilig.  Nauso din ‘yung nacocompute mo ang percentage ng compatibility ninyo ng crush mo sa pamamagitan ng bilang ng letters ng full name ninyong dalawa.  Mas mahabang proseso ito kaysa sa FLAMES pero marami din ang pumatol dito (ahem..).
  • Nung bata pa ako, nauso na din ang mga computer games tulad na lamang ng Counter Strike.  Hindi man ako nakapaglaro ng mga ganyang games, alam kong kailangan ng username o player’s name o whatever na tawag dun.  Bumenta sa ilang kakilala ko ang paggamit ng pangalan ng crush nila bilang username nila.  Ang weird nito, hindi ko alam kung anong kasiyahan ang naidudulot nito.  Oh well, hayaan na natin sila.
  • Nang mauso ang cellphone at text messaging, naging normal na ang mga text galing sa mga number na hindi registered sa phonebook mo.  Ganito lang ang kadalasang laman ng text nila, “Hi (smiley)” o kaya “Hello (smiley smiley)” o kaya “Hi……………” at syempre ikaw naman na nag-aaksaya ng oras magrereply ng “Hu U?”.  Nandyan din ang mga text galing sa mga kilala mo naman na naglalaman ng mga out of nowhere na tanong na kunwari ay hindi nila alam ang sagot tulad ng “gud pm, anong page nga ba ‘yung assignment natin sa Math?” o kaya “huy, saan daw isusulat yung summary nung story? Sa yellow paper ba?”. Whatever.  Pero ang point ko nga pala, ‘yan ang tinatawag na pasimpleng crush.
  • Nung highschool namin may resident photographer ang school namin na madalas dumadalaw sa campus.  Siya ang may hawak ng lahat ng negative ng i.d pictures ng mga estudyante, as in lahat.  Hindi man niya kilalang kilala ang bawat estudyante ng personal at by names, aware siya sa mga uri ng estudyante na tanging picture na oorderin sa kanya ang sagot sa nag-aalab na pagsinta sa kanilang mga crush.  Sanay na siya sa ganitong style.  Paano umorder? Simple lang, alamin ang full name ng crush mo, mainam kung pati year & section.  Then, hintayin lamang si aling photographer, magprepare ng pera (30 pesos ata yun) at ‘yun na, order time.  Kadalasan, pasikreto ang kasunduang nagaganap, walang lalabas na detalye, at siguradong hinding hindi ka isusumbong ni ate sa iyong sinisinta.  Minsan naman, sa sobrang pagtitipid ng ilang estudyante, pinupuntirya na lang ang mga pictures na nakapost sa bulletin board sa loob ng class rooms at ‘yung board ng mga school organizations. Pag-ibig nga naman.
  • Ito ang style na walang kupas, ang mang-asar.  Mula pa noon hanggang ngayon, applicable pa rin ito.  Basta asahan mo nang ang taong kinaiinisan mo dahil lagi kang inaasar at pinapaiyak at laging sinusugod ng nanay mo after mong magsumbong, crush ka nun.  Believe me.  So kung trip mong ipangalandakan sa crush mo ang feelings mo, then what are you waiting for? Subukan na ang patience at boiling point niya.  Good luck.
  • Wala ring kupas ang vandalism sa arm chair, upuan sa bus, pader sa kanto at public restrooms.  Kadalasan katabi ito ng mga nakakaentertain na vandals ng mga hot na hot na tsismis at issue.  Mga tipong “I love you (insert name here)” o kaya “Marry me, (pangalan ni crush)” at kung anu ano pang proposals.  Minsan may mga reply at second the motion kang mawiwitness na siguradong nakakaaliw basahin.
  • Syempre nang sumiklab na ang mundo ng internet, nandyan na ang infamous FRIENDSTER at kung anu-ano pang online community.  Mas dumali na ang trabaho ng mga taong may matinding pagsinta at sumisiklab ang desire na makapaginvestigate, isang click lang sa friendster, TENEN!!!! full details plus pictures. ^o^ eternal happiness.

Maiksi lamang ang teorya kong ito.  Alam kong kulang pa ang mga pinagsasasabi ko para mabigyang kulay ang salitang CRUSH.  Bukod sa tinatamad na kong mag-isip at magtype, ayoko na ring bukuhin pa ang sarili ko sa mga nalalaman ko tungkol sa isyung ito. ^_^  Basta ang masasabi ko na lang, ano man ang tunay na magic sa likod ng salitang ito, huwag itong masyadong dibdibin at pagkatutukan ng panahon tulad ng paggawa ng blog na kakagawa ko lang.  Kung kunwari slumbook ito at may tanong na what is crush?, ang walang kakwenta kwenta kong sagot na huwag mo sanang i-apply sa iyong buhay dahil wala naman akong moral lesson na nais iparating (ito ay dahil wala na akong maisip na ending) ang CRUSH para ‘yang fireworks, makulay, nakaka-amaze, nakakawow, masarap tingalain, nakakagaan ng loob, nakakapagpasaya, espesyal.  Ngunit ganunpaman madali itong mawawala at maglalaho, ilang minutes lang makakaget-over ka kaagad, walang direksyon at patutunguhan, masyadong malayo, masyadong mataas, walang direkta at totoong impact sa realidad, pangpalipas oras lamang, parang sideline ng buhay at higit sa lahat kapag tinitigan at inalayan mo ng mahabang oras, nakakangalay.