Mula sa Isang Hindi Daddy’s Girl

Never akong naging Daddy’s girl.  At alam ng tatay ko ‘yun.

‘Di pa man ako pinapanganak, naexport na ang tatay ko sa ibang bansa para magtrabaho.  Umuuwi lang siya every 1 or 2 years, kadalasan tuwing Pasko (kaya never kong pinagdudahan na siya ang tatay ko dahil September ako pinanganak *do the math guyzz*).  Kaya bilang na bilang lang ang araw na nakabonding ko ang tatay ko.  Kaya hindi talaga ako naging Daddy’s girl.

Siya ‘yung tipo ng tatay na magtetext ng “umuwi ka nang maaga, may padating na bagyo. ingat. love you.” kahit na wala pang dumadating na kahit ambon man lang, at ‘yung tipong hindi kakain kapag isang piraso ng tuyo lang ang ulam (ganung ka-drama, MMK level).  Maraming-maraming reasons para masabing swerte ako na siya ang tatay ko.  Malas lang niya na ako ang anak niya.

Pero alam ko na baligtad ang iniisip namin.  Para sa kanya swerte siya na ako ang anak niya.  Feeling ko nga ultimo pagpasa ko sa quiz sa Calculus o pagsakay ko ng eroplano mag-isa, pinagmamalaki niya nang bongga sa mga kakilala niya na parang nabigyan ako ng Nobel Peace Prize o napili ni Kuya Germs para maging co-host sa Walang Tulugan.

Pero para sa akin, feeling ko lagi lang siyang kontra sa gusto ko.  Feeling ko para siya ‘yung total opposite ng fairy godmother sa buhay ko.  Well, actually, siya ‘yung bida, tapos ako ‘yung evil stepmother.

Pero halos lahat naman ng kontrabida, sa kahit anong teleserye, binibigyan ng eksena at chance na lumambot at umiyak.  Para mas touching, para mas maapektuhan ‘yung mga manonood.

Pangalawang araw ko nun sa unang part-time job ko.  Cashier ako, at ate ko ang nagtetrain sa’kin.  Akin ang cash register, siya ang taga-bag ng mga groceries.  Ngingiti, babati ng “how are you?”, sasagot ng “I’m fine” dahil tatanungin ka din ng customer, magbibilang ng bayad at sukli, ngingiti, at magte-thank you.  Akala ko wala nang mas hihirap pa sa mabilisang pagdidistinguish sa mga coins ng amerika at pag-aadd at pagma-minus para tamang sukli ang maibigay ko.  Meron pa pala.

Lumapit ang isa sa mga empleyado din na kagagaling lang ata sa pagpapahinga sa labas ng tindahan.  May sinabi sa ate ko sabay turo sa may intersection na malapit lang sa pinagtatrabahuhan namin.  At umiyak na ang ate ko.

Naaksidente daw ang tatay ko.

Hindi ako nakaalis sa pwesto ko ‘nun dahil hindi pa tapos ang shift ko at mahaba ang pila ng mga customers.  Mahirap pala ang mabilisang pagdidistinguish sa mga coins ng amerika at pag-aadd at pagmaminus habang umiiyak.  At mas lalong mas mahirap palang sumagot ng “I’m fine” sa tanong na “How are you?” kung hindi ka naman talaga ok dahil hindi mo sigurado kung ok ba ang tatay mo.

Walang nangyaring masama sa tatay ko dahil sa bandang likod ng driver’s seat tumama ‘yung sasakyang bumangga sa kanya pero alam ko na isa ‘yun sa mga paramdam ni Papa God para magpakatino na ako at ire-align ang mga prinsipyo ko sa buhay.  Alam ko na ‘yun na ‘yung chance ko.

Pero dahil matigas ang ulo ko, ayokong isipin na meron dapat na turning point ang buhay ko at ‘yun na ‘yon.  Ayokong magchange character at costume dahil may nangyaring ganung ka-cinematic na malamang magiging climax ng kwento ng buhay ko sa MMK.  Hindi ako nagbago dahil magiging hindi na ako ‘yun.  Baka masuka hindi lang ako kundi pati na din ang tatay ko.

Alam ko na ok na siya na ganito ako, kahit na para akong may imaginary superpowers na nagrerepel lagi sa effort at pagke-care niya, parang keber naman siya.  Pero sa tuwing sinasabi niya sa’kin na “ganyan na ganyan din ako sa mga magulang ko nung bata ako”, napapaisip ako na baka sa kahuli-hulihan, nasa kanya pa rin ang alas at ang huling halakhak, ala Donya Margaret.

Happy father’s day sa tatay ko at sa lahat ng tatay out there.  Alam ko na para akong living kontrabida pero basta, ‘yon na ‘yon.  Ayokong maging macheesy, nakakaumay ‘yon.  Pero kahit ganito ako, alam ko naman nang maswerte ako na siya ang tatay ko.  Sa tulad kong ‘to, matagal na dapat akong nasabon, napagalitan, napalo, nagrounded, at, higit sa lahat, sinukuan… (there goes my inner cheesyness).  Happy father’s day!

Advertisements

The Org Applicant

Bigla kong namiss ang batchmates ko nung nagaapply ako sa isang acad org nung nasa Pinas pa ako at ‘yung mismong application process, ‘yung stress, buwis buhay na schedule, at mala-rollercoaster na pakikipagbuno sa iba-ibang emosyon ARAW- ARAW.  ARAW-GABI.  24/8.

Dalawang beses akong naging aplikante: unang sem ko bilang freshie (lakas lang ng loob ko, sign-up agad agad sa college orientation) at 2nd yr 1st sem.

Nung unang sabak ko bilang isang member-wannabe, below sea level ang kapal ng mukha ko nang magsimula na ang bilangan ng tambay hours.  At ilang linggo lang, sumuko na din ako katulad ng mga kablock kong nauna na din.  Pagkatapos kong mag-paalam sa buddy ko, pakiramdam ko nakapagpyansa ako bago pa man ako mahatulan ng death penalty.  Ganung kagaan sa pakiramdam.

Kung pahinga lang  at noynoying time ang paguusapan, saganang sagana ako nung freshie ako pagkatapos kong talikuran ang future-org-life.  Pati acads ko nakichill din sakin pero keber lang dahil ang sarap ng stress-free life ko nun: walang target GWA basta ba pumapasa, walang org, walang PE (oh yes ninamnam ko yan pagkatapos kong matrauma sa badminton prof ko), walang kung anumang extracurricular activity.  Whew!

Pero dumating ‘yung panahon na nagparamdam uli ang curious other self ko na gustong gustong maging member ng Chemsoc, 1st sem, 2nd yr.  At dahil nagkahamunan, nagsign-up uli kami ng mga kaibigan ko.  “Mem ka na din sana“, sabi sa’kin nung nagbabantay sa registration table ng org.  Sana nga.

At naging pinakamemorable na sem ko ang sem na ‘yun, malaking parte dahil sa buong application process.  Naging kaclose ko ang mga blockmates ko na di ko naman masyado ka-close, at nakakilala ng mga bagong kaibigan sa ibang block at ibang batch.  Ang sarap pala sa pakiramdam na alam mong may mga tao na pwede mong yayaing mag-lunch, magfoodtrip, o mag-“group study” anytime.  Madaming org requirements pero mas dumami ang memories at moments.

Nagenjoy ako nang sobra pero aminado ako na ilang beses kong naisip magquit.  Pero sadyang malakas ang hatak ng mga co-apps ko, kaya di ako sumuko.

Tumagal ako.  Pero hindi ako umattend ng final rites.  At pinagsisihan ko ‘yun.  Nang mahabang panahon.  Pero hindi ang buong adventure mula ng mag-sign-up ako hanggang magfinal interview.  No regrets sa mahabang oras ng pagtulog na pinagkait ko sa sarili ko nung sem na ‘yon, sa dagdag stress sa utak ko na haggard na nga ata ang naging default mode noon dahil sa Math series at Chem 17, never-ending na puyatan at brainstorming sessions, paglibot sa AS nang naka-Tiger costume, at kahit hindi pagligo at pagtulog ng almost 2 days (ay, wait, may regrets pala ako dahil na-unleash ata ang kaartehan at kaweirdohan ko dahil sa mga co-apps at mems….. chos!)

Kung pwede lang maging aplikante sa Chemsoc buong college life, gagawin ko (<— ang tapang!!).

Kahapon, official akong naging member ng Phi Kappa Phi sa bago kong school.  Wala man sa balak ko bago ako magcollege, sobrang honored ako na mapasali sa PKP.  Gagawin ko ang pinakasuperlative na best ko sa pagsaboy ng inspiration at academic superpowers ko (kung meron nga) saanmang lupalop ako mapapadpad.

Walang okasyon pero dahil naalala ko kayo kahapon habang iniinduct ako, shoutout sa co-apps, mems, at syempre sa buddy ko noon.  Wala sana akong balak maging member ng kung anumang org/society dahil tinaga ko sa bato na walang papalit sa Chemsoc sa puso ko pero aprub na aprub kasi ang PKP.  Marami namang compartments ang puso ko so may space para sa inyong dalawa (at ehem crush, may space allotted din para sayo). *Group hug*

At sa mga halos patapos na sa pag-aapply sa org of your dreams, advance congratulations!! Sa mga nagbabalak pa lang mag-apply next sem, go you!! kaya mo yan kahit na sa tingin mo hindi mo na kaya (dadating at dadating ang point na madedrain talaga ang GV mo), magpasampal sa co-app kapag nageemo na at gusto na magquit, baka naghahallucinate ka lang.  Ienjoy ang buhay app/mem, high five! 🙂

HS

Kanina, napagtripan na naman namin ng ate kong korean wannabe na magreminisce ng highschool life.  ‘Di ako mag-eemote ngayon dito kaya ‘wag mangambang paiiyakin kita pero dahil alam kong mas nakakaengganyo talagang magbasa ng kahit ano (e.g. nobela, tula, love letter ni manliligaw/ka-MU/cuddle partner, notes sa Biology, o manual ng nabili mong camera na nakakaganda raw) kapag may background music, nagpost na din ako ng Youtube video sa ibaba para makantahan ka ni Ate Shawie ng “Highschool Life” habang nagbabasa.  ‘Wag masyadong dibdibin ang lyrics (lalo na kung may bigla kang naalala) dahil baka hindi maka-get-over at masisi mo pa ako.

Mag-aanim na taon na simula nung grumaduate ako, pero hanggang ngayon nakakamiss pa rin ang highschool days.  Karamihan naman ata, hindi nakakamove-on sa buhay highschool nila.  Kung pa-highschool pa nga lang siguro ako ngayon, excited na siguro ako dun sa bagong pauso ng DepEd na K12 curriculum.  Mantakin mo, maeextend ng 2 years ang bonding moments n’yo ng mga kaibigan mong makakakuntsaba mo sa pageexperiment sa maraming bagay (e.g. hairstyle, bisyo, lovelife, extracurricular and other pa-epal activities, fashion style, music, at kung anu ano pang kaweirdohan at kabaliwan), makakagroup mo sa pagbuo ng pangarap (o ‘yung mandadamay sa course na kukunin para classmates pa din kayo hanggang college), at makakasama mo sa pagtransition mula sa pagiging batang uhugin at mukhang sabukot sa pagiging dalaga at binata na unti-unting magiging problema ang ayos ng buhok (at bangs), kung paano ang pinakamabisang paraan para mapansin ni crush o ng gustong ligawan, kung kanino kokopya  ng assignment (o exam), kung saan tatambay pagkatapos ng klase (o kung kelan aabsent para tumambay), o kung may tagos ba sa palda (at kung sino ang hihingi ng bulak na may hydrogen peroxide sa clinic at kung paano mo ieexplain sa nurse na hindi sapat ang isang bulak para makatanggal ng tagos nang hindi siya makukulitan at maiinis sa’yo).  ‘Yun nga lang extra gastos talaga ‘yang K12 na ‘yan sa mga nagpapa-aral at pinapaaral ang sarili kaya malalim na isyu ‘to na hindi ko kayang i-blog nang seryoso.  Masarap lang isipin na sana nga mas matagal ang highschool life namin noon.  Sana tinanggal na lang ‘yung kinder (tutal isa lang naman ang naging kaibigan ko ‘nun) o binawasan ng ilang taon ‘yung elementary (tutal dun ata lumapad ang paa ko kakatakbo nang nakapaa para ‘di mataya sa sikyo at kakatalon nang nakapaa para magwagi sa chinese garter, 10/20, at kung anu-ano pang larong goma na may dinedeklarang mother).  Sana hindi na lang pala kami nagbakasyon noon tuwing summer o kaya sana naka-dorm kaming lahat sa loob ng campus para nasulit ‘yung maraming pagkakataon at bonding moments.  Kapos kasi e, alam mo ‘yon?

Pero swerte ko kasi kahit na sa tingin ko na bitin ang highschool days na binigay sa’min, nakahanap pa rin ako ng mga tunay na kaibigan na hanggang ngayon ay mga taong pinakamalapit  pa rin sa akin.  At namiss ko sila ngayon (‘yung mga madalas mag-online, medyo na lang syempre).  Pero kahit miss ko na kayo, ayokong humingi ng reunion kasi si Tyron Perez, ‘yung namatay na artista na bunga nung talent search na Starstruck, hingi daw nang hingi ng reunion.  Ayan, dedbol na ngayon.  ‘Yang paghingi ata ng reunion ang modernong katapat ng pagkanta ng My Way.  Marami pa akong pangarap kaya kita kits na lang whenever, wherever.

dapat wacky na lang lagi ang class picture, mas makatotohanan kasi.. AT challenging!

Thank you

Medyo napupuno na ang homepage ko sa facebook ng mga nakakainggit na listahan ng mga special events/experiences sa 2011 ng mga kaibigan ko.  At dahil likas akong inggitera, gusto ko ding maki-join.

Ayoko nang isa-isahin kung anu-ano ang pinagdaanan ko nung sinagupa ko ang bawat araw ng 2011.  Hindi naman ako nanalo sa lotto, hindi ako nakakita ng artista (pero nakakita ako ng internet action star), hindi pa ako artista, hindi pa rin ako tumatangkad, at hindi pa rin ako nagagawaran ng diploma.  Pero kung susumahin, aprub na aprub sa’kin ang 2011 (kahit na hindi ko natupad ang dare ko na umamin sa crush ko bago magunaw ang mundo sa 2012, lels, neknek mo crush, you will never ever know, EVURR).

Para mas ma-emote, pagsasama-samahin ko na lang ang pasasalamat ko sa lahat nang naging parte ng 2011 ko kahit na alam kong ‘di naman nila mababasa ‘to (kayo na ang mga busy at hindi pakalat-kalat sa internet!!).  Here we go:

  • Salamat sa mga taong kahit ‘di ko kilala ay binack-up-an ako sa kauna-unahang “cyber away” ko. Virtual hug para sa inyo!!!
  • Salamat kay Phil Younghusband sa pagiinspire sa’kin na lumandi via twitter.  Kahit na inisnab ako ng ininvite ko nung Valentine’s, bumilib sa’kin ang mga dear friends ko at sumaya kaming lahat.  Kababawan at its finest!
  • Salamat sa panel nung kauna-unahan kong job interview sa hindi pagkain sa akin ng buhay.  Salamat din sa libreng mineral water.
  • Salamat sa English teacher ko na nagsaboy ng moral support.  I heart you mam!
  • Salamat sa Amerikanong nakatabi ko sa eroplano pauwing Manila sa pagvovolunteer na buhatin ang maleta ko sa masyadong unreachable na overhead bin.  Mabuhay ka! Salamat din sa pagbisita sa Pilipinas!
  • Salamat kay ate na nakakwentuhan ko sa airport sa Nagoya, Japan na tinuruan ako kung paano maging hindi aanga-anga sa pagpila sa Immigration at Customs sa NAIA 1.  Nakalabas ako ng airport in less than 1 hr.  Expert si ateng!
  • Salamat sa lahat ng kaibigan kong pinasingit ako sa schedule nila para makipagbonding sa’kin nung umuwi ako sa Pinas.  Kapos ang bakasyon ko pero worth it ang bawat segundo dahil sa inyong lahat ♥ (insert background music: ♬ keep smiling, keep shining, knowing you can always count on meeeeee ♬)
  • Salamat sa mga ate kong pinagligpit ako ng plato sa bawat gabi, nilibre ako sa kung saan-saan, at naging driver ko 24/7 nung nagbakasyon ako sa Pinas.
  • Salamat sa crush ko sa pag-accept sa friend request ko.  Sana hindi ka nag-assume na crush kita.  Pero salamat sa pagwawallpost (‘wag judgmental, mababaw lang talaga ako) dahil nalaman kong kilala mo pa ako kaya kinilig naman ako.  Again, ‘wag ka sanang mag-assume na crush kita, ‘wag ganun, ok? ♥
  • Salamat sa mga iilang bagong kakilala at kaibigan (note: choosy ako kaya chosen one kayo!!).
  • Salamat sa kumpanyang pinagtyagaan ako nung summer.  Busog na busog (literal) ako sa piling nyo.
  • Salamat sa ate ko na naging sugar mommy, personal chef, at stylist ko.  Dahil dyan gagawaran ka ng kalangitan ng isang gwapong the one.
  • Salamat sa mga nakagroup ko ngayong sem sa lahat ng projects, hindi nalagas ang bangs ko at sana hindi din nabawasan ang hibla ng sa inyo.  *Fist bump*
  • Salamat kay Ramon Bautista, Professional Heckler, Patty Laurel, Chico & Delamar, at kay @superstarmarian (sa twitter) sa pagpapasaya ng bawat araw ko.  Solved ang ka-emohan ko dahil sa inyo.
  • Salamat sa mga taong naniwala sa’kin na kaya ko, kahit na parang hindi naman.  Igugroup hug ko na lang kayo dahil awkward kung isa-isa pa.
  • Salamat sa lahat ng always willing na makinig at umintindi sa mga ka-emohan at  kaartehan ko via fb, twitter, wordpress, text, at bbm.  Kilala n’yo na kung sino kayo ♥
  • Salamat sa nanay kong pinagluluto ako ng pritong itlog tuwing umaga at sa pagpeprepare lagi ng chicken sandwich.  Lamang na lamang ako sa mga classmates ko dahil lagi akong busog sa 1st period tapos may ready pa akong chibog sa loob ng bag.
  • Salamat sa tatay ko sa hindi pagsuko sa lahat ng debate natin araw-araw.  ‘Yan ang tunay na katapangan (kahit takot ka sa multo), harapin ang “counterpart” ng iyong kabataan.  Mana lang ako sa’yo *wink*.
  • Salamat papa god sa patience at unlimited love, sa blessings, moral lessons, at realizations ng 2011.  High five from earth!

Kung may nakalimutan ako at feeling mo isa ka dun sa mga nakalimutan ko, mahinahong magreklamo sa comment box.  Basta salamat nang marami!! HAPPY NEW YEAR!

Balik-bayan

“Do you see anything yet?”

Sabi ng katabi kong kano nang tanungin ko siya kung gusto niyang itaas ko ang bintanang kalahating bukas.

Umiling ako.

Hindi ko kasi alam kung may  nakikita nga ba ako bukod sa kulay itim sa kabilang side ng bintana.  Hindi ko alam kung nasaang lupalop na kami.  Mukhang niloloko kami ng piloto.

Ilang minuto ko ding tinitigan ‘yung pagkaitim ng paligid.  Minsan kasi kapag ginagawa ko ‘yun sa salitang  pamilyar sa’kin o sa mukha ng taong malapit sa’kin, natatransform sila ng imagination ko na maging iba at weird.  Naisip ko na baka sakaling maging fuschia pink ‘yung itim o kaya may mag-anyong tao at magsabing siya ang konsensya ko.

Unti-unting lumitaw ang maliliit at bilugan na kulay dilaw.  Hindi ko alam kung gumana yung imagination ko o nagsasabi ng totoo ‘yung piloto.

Hanggang sa naging halos dikit-dikit ‘yung parang maliwanag na polka dots.

Hanggang sa unti-unting sumulpot ang mga bubungan na halos magkakaakbay na ang bawat dulo.  Hanggang sa nakita ko na ang parking lot.  Parking lot na naging highway.  Highway na naging parking lot.

Hanggang sumayad na ang gulong sa runway na halos ilang metro lang ang layo sa mga bahayan.  Nakauwi din.

*****

Araw-araw akong sumasakay ng baby bus papasok at pauwi nung high school ako.  Araw-araw kong nakikita ang dikit dikit na bahay sa Cavite na halos masaulo ko na kung aling bahay ang nadaanan ng bus kahit nakapikit ako sa buong biyahe.  Naisip ko minsan na ano nga kayang pakiramdam kung dadaanan ko ang mga bahay na ‘yun sa huling araw ko sa Pilipinas? Parang last chance ko sa memory game na kapag hindi ko namemorize ang pagkakasunud-sunod ay game over na ako.  Para kang tanga.  Sabi ko sa sarili ko.  Bakit naman ako aalis sa Pilipinas?  Hindi ka magegame-over, peksman, cross my heart.  Tinaga ko ‘yan sa buga namin.

*****

Bad news.  Tinext ako ng ate ko.  Game over.  Hindi yan ang text niya pero parang ‘yan ang nagregister sa utak ko.  Malapit na akong mag-debut ‘nun.  Debut ang tawag ng mga tao dun pero para sakin birthday ‘yun.

Marami akong kakilala na nagdebut talaga kasama na ang dalawa kong ate.  May 18 roses, 18 gifts, 18 candles.  Mukha namang masaya.  Maraming regalo, halos lahat ng kaibigan mo mula elementary hanggang college makikita mo sa magkakalapit na table, at may karapatan kang makipagsayaw sa crush mo ng walang malisya.  Naisip ko, mag-e-18 din ako balang araw.  Maisasayaw ko din ang crush ko.

Hindi ako nag-debut.  Bukod sa nacornyhan ako, dumating ang bad news.  Alam mo ‘yung parang naghalo ang inis, galit, lungkot, takot na parang gusto mong mahulog ka sa kama at marinig mong nagtatawanan ang dormmates mo dahil nananaginip ka pala at paiyak na sumisigaw? Dahil alam kong gising na gising ako nang magtext ang ate ko, umasa na lang ako na magreply siya na wrong send, sorry o kaya ng joke! hindi ka na mabiro, papasaload naman, tenks.  ‘Yun ang masakit kapag umaasa ka, madalas umaasa ka sa wala.  Walang ganung reply na dumating.  Pero nagreply pa din ang ate ko.  Sino’ng tanga ngayon? Sabi ko sa sarili ko.  Akala ko pampelikula lang ‘yung eksena na dadaan ka sa lagi mong dinadaanan sa huling pagkakataon habang tumutulo ang luha mo kasabay ng pagpatak ng ulan at paggalaw ng wiper sa windshield ng sinakyan mong last trip to jerusalem ang drama.  Madaya, hindi na nga ako magdedebut, hindi pa ako makakapagbirthday na masaya ako.  Naligo na lang ako dahil ayokong umiyak sa harap ng roommates ko.  Mas madaling umiyak kapag naulan o naliligo ka, hindi masyadong maalat ‘yung luha.

*****

Mabuhay.  Nakaapak uli ako sa NAIA.  Nung huli akong nandito, pakiramdam ko bibitayin na ako kinabukasan.  Hindi ko alam kung maiiyak ba ako sa tuwa o maiinitan.  Parang gusto kong kurutin ang lahat ng makakasalubong ko para lang makasiguro ako na wala ako sa panaginip o hindi kami dinala ng piloto sa Timbuktu.

*****

Happy birthday! Salamat manong guard.  18 na ako sa wakas.  Tama ako, magiging 18 din ako balang araw.  At ang balang araw na ‘yun ay ngayon.  Sabi na, pwedeng magkatotoo ang kahit anong sabihin mong magiging ikaw balang araw.  Umabsent ako sa school.  Sa totoo lang, madali akong yayaing umabsent sa school kahit manonood lang tayo ng concert pero wag na wag mo akong yayaing mag-cut sa mismong birthday ko kung ayaw mong mabigo at umabsent mag-isa.  Nung highschool ako, binabati pa ako ng mga COCC kapag birthday ko (salamat sa lahat ng naging kaibigan kong CAT officers).  Nung 1st yr college ako, wala mang bumating COCC sa akin, pero nakita ko ang crush ko nun, naka-pink ako dahil pwedeng mag-inarte kapag bday mo, at naglakas-loob na magdrop sa badminton class ko, unang sem pa lang, sinubukan ko ng magpakacool at magpakita ng sign na hindi ako gagraduate on time.  Kaya naniniwala ako na laging may espesyal na mangyayari, kahit hindi ko planuhin, kapag birthday ko.  Ngayon, wala pa ring COCCs pero nandito si manong guard.  Happy birthday to me.  Dun ko naisip na sana hindi na lang ako umabsent.

“She’s my grandmother”.  Pffft. Hindi mo lola ‘yun.  Gusto siguro akong hampasin ng nanay ko ‘nun.  Alam kong hindi ko lola ‘yung narinig kong pangalan pero parang nagsara ‘yung utak ko.  Yehey.  Hindi na ba ako mabibigyan ng visa? Akala ko nga ganun.  Akala ko iisipin nung consul na hindi ako tunay na anak ng tatay ko kaya invalid ang petisyon sakin at hinding-hindi na nila ako tatanggapin sa bansa nila.  Bukod sa umasa, masakit din ang mabuhay sa maling akala.  Siguro pareho lang ‘yun, ang umasa at mag-akala, siguro.  Magaling ‘yung consul.  Nakita niya sa likod ng mali kong sagot na anak ako ng tatay ko at para sakin talaga ang petisyon na ‘yun at alam ko na hindi ko lola ‘yung pangalang binanggit niya.  Magaling ‘yung consul.  Pero magaling lang siya sa pagbasa ng utak ko pero hindi ng puso ko.  Bagay sigurong maging consul ang mga naging crush ko.

*****

Ang haba ng pila.  Pero wala akong pakialam.  Naaamoy ko na ang amoy ng Pilipinas kaya kahit abutin pa ako ng 2 araw sa pilang ‘to, wala akong pakialam.  Ako ‘yun pero hindi ko alam kung ano ang nasa isip ng mga foreigners na mukhang aabutin ng Pasko bago makalagpas sa Immigration.  Totoo pala na kapag masaya ka, hindi mo mapapansin ang oras.  Kung makukulong ka man balang araw, sana maging masaya ka, para hindi ka mainip kakahintay sa araw na kakalampagin ng pulis ‘yung kulungan n’yo sabay sabing “Boy Siga, laya ka na”.  Kung nanliligaw ka din ng pahard-to-get at apo sa talampakan ni Maria Clara at natatagalan ka na sa kakaasang sasagutin ka niya, malamang hindi ka masaya kaya ‘wag nyo ng aksayahin ang oras ng isa’t isa.  Kaya kung pupunta kang Enchanted Kingdom, kukuha ng NBI Clearance, sasakay sa MRT Cubao Station, o manonood ng premiere ng huling Harry Potter, siguraduhin mong masaya ka para hindi ka maasar sa haba ng pila at magkalat ng bad vibes at init ng ulo.

Pagkatapos ng ilang masasayang minuto sampung nakakaimbyernang taon nakalagpas din ako sa Immigration at Customs at nakipagsagupaan na ako sa mga taong nakaharang sa labasan ng airport.

Nakauwi din.  Nakauwi din sa wakas.

Instant Oatmeal

Hay, sobra na naman sa  tubig ang oatmeal ko.  Para na namang binuhusan ng hugas bigas.

Sa mga panahong tulad nito, lalo kong nararamdaman ang hirap ng walang nanay.

Mag-aalas-dose na pala.  Hindi tulad ni Cinderella, hindi ko pansin ang takbo ng oras, ang galaw ng mga kamay ng orasan.  Natapos ko na naman ang isang araw.  Ginising ko ang ate kong nakatulog sa sofa dahil sa kahihintay sa akin.  Pinapatulog ko na siya dahil may pasok pa siya bukas.  Ayoko pang matulog.  Hindi pa ako dinadalaw ng antok.  Weird.  May l.q. ata kami ng katauhan kong antukin.  Magulo pa ang lamesa namin.  Kailangan ko muna atang maglinis.  Ano ang nakain mo? Tanong ‘yan ng ate ko at maaaring tanong ko din sa sarili ko.

Ano nga ba ang nakain ko? Hindi ko alam.  Mas madali sigurong sagutin ang tanong na ano ang hindi ko na nakakain.  Marami.  Hindi ko alam kung ano at ilan.  Basta ang alam ko, ang maraming ‘yon ay luto ng nanay ko.  Nakakamiss ang maraming ‘yon.  Iba ang lasa ‘nun.  Kakaiba.  Masarap.  Walang katulad.  Basta.

Ibang-iba na ngayon.  Nasa sariling bahay namin ako ngayon pero ang pakiramdam ko nasa boarding house ako.  Malaya.  Independent.  Tahimik.  Kanya-kanyang kilos.  Walang nanay.

Kapag nag-iisa ako, ramdam na ramdam ko kung paano nag-iba ang hangin sa bahay namin.  Magulo ang pagkakasalansan ng mga damit namin sa drawer.  Naaayos ko minsan tuwing umaga pero parang magulo pa din.  Iba pa rin ‘yung dati.  Bihira na din ang mga prutas na namamahinga sa ref namin.  Hindi na bongga ang tanghalian namin tuwing Linggo na dati rati ay animo’y laging may fiesta.  Wala ng nagluluto ng turon at bananacue kapag meryenda na.  Ang mga basong naiwang nakatunganga sa lamesa tuwing gabi ay nandun pa rin pagdating ng umaga, ni isang sentimetro ay hindi sila gumalaw.  Wala ng sumisigaw at nanenermon sa aming magkakapatid at sa aso namin.  Wala ang nanay naming kahit may baong megaphone 24/7 ay laging handang manlambing at maging isang cool na nanay.

Ano nga ba ang nakain ko? Weird.  Hindi ako ganitong ka-seryoso.  Ipinanganak na akong clown.  Tagapagpatawa sa mga ate ko at tagacontribute ng ingay at gulo sa bahay namin.  Masarap tumawa at ngumiti pero mas masarap magpatawa at magpangiti.  Mas madali.  Mas ok.  Ano ang nakain ko?  Hindi ko alam.  Nasobrahan na naman siguro sa tubig ang oatmeal ko.

– 12/05/07

nung panahong nanay-less ako at naging fulltime emo

Buod.

2011 na.  Kung tutuusin parang ang futuristic na ng tunog kapag may nagsabi sayo na pinanganak sila ng nung 2001 or mas late pa dun.  Nung bata ako parang nasa iisang equation lang ang mga robots at ‘yung year 2000.  Akala ko nga na-reincarnate na tayong lahat by this time.  Parang totoo nga ata ‘yung time flies.  Kung hobby mo ang tumulala, malamang lumipad na din ang napakaraming chances sa harap mo ng ‘di mo namamalayan.  At sana hindi ako ganyan.

Wala akong inofficial na new year’s resolutions ko para sa 2010.  Nakakapressure kasi ‘yun saka parang hindi naman magiging taos sa puso ko kung magbabagong buhay na ako, pero dahil sabi nga kasi ng karamihan, new year, new dapat ang lahat.  Never ko pang napapangatawanan ‘yan.  Kadalasan, kapag may plano akong gawin, hindi ‘yun natatapos dahil nakakaisip ako ng ibang mas masayang plano, on the spot.  At saka gusto ko kasi may kasabay na pagliliwanag ng kalangitan realization moment, ‘yung tipong feeling mo binatukan ka ng guardian angel mo, ang pag-shift gear ko sa buhay ko.

Dahil wala nga akong to-do list nung 2010, hindi ko mararank ang sarili ko kung naibalik ko naman ba sa mundo ang pakikiagaw ko ng space at oxygen sa ibang tao, o sadyang sagad na ang humankind contribution ko sa pagdagdag ko ng kalat sa world wide web.  Pero kung tutuusin, mas ok na din dahil wala akong pruweba para sabihing nabigo akong tuparin ang mga favor ko sa sarili ko.  Moral lesson: ‘wag ng makiuso, ‘wag mag-new year’s resolution kung alam mong ‘di mo naman gagawin, mahirap umasa, masakit paasahin ang sarili, nakamamatay.

Pero seryoso, pinakamasaya na, so far, ang 2010 simula ng magpaka-stateside na kami.  ‘Yun nga lang, kapag nagyabang ka kasi talaga ng “this is the happiest day of my life” o kaya “best year of my life“, depende pa din sa definition ng masaya bago tuluyang mainggit ng todo ‘yung yayabangan mo.  Kung hindi man pasok ‘yung 2010 mo sa pinakamababang estado ng kasiyahan, pwes, ibaba mo ang standards mo ng kasiyahan.  O kaya level-an mo na lang ang 2010 ko.

1st time kong…

  • pumasok sa klase ng walang kamalay-malay na may exam pala.  Mula bumbunan hanggang talampakan ko ay may bahid ng ka-GC-han (grade conscious), kaya imagine-nin mo na lang ang pagguho ng mundo ko ng marealize kong may exam pala 5 minutes bago dumating ang teacher ko.
  • mag-english dito sa wordpress blog ko. #majornosebleed ITO
  • manood ng isang football game sa TV, at tinapos ko ng hindi ako nakatulog o nagutom o naubusan ng dugo.  Bukod sa pageenglish, nakakanosebleed, sa tingin ko, ang kahit anong sport.
  • ubusin ang buong linggo ng bakasyon kakatutok sa football channel at hindi sa TFC (The Filipino Channel).  Dinudugo ako kapag hindi ako nakakanood ng TFC dahil vitamins ko ang makarinig ng ibang nagtatagalog bukod sa mga tao sa bahay namin.  Ngayon, nadagdagan na ang vitamins ko.  Kailangan may makita na akong sumisipa ng bola. at pareho ko pa silang pwedeng tawaging TFC
  • mag-take ng isang major subject (with lab pa) ng walang classmate.  Mega bonding with teachers. syempre, may blog post din ang experience na ito.
  • mag-dance revo (o kung anuman ang tawag nila dun) sa loob ng mall.  O yes, kung kelan hindi na ako teenager.
  • mag-park sa school ng walang parking permit. (at sadyang pinagpala talaga ang 2010 ko dahil hindi ako nahuli ng pulis, aleluya)

Hindi man first time, pero, after x years…

  • nakagamit uli ako ng microscope.  2nd yr hs pa ako nung huli akong nakahawak ng microscope, tapos old school pa, ‘yung kailangan mong maghanap ng sunlight na magrerefract  sa lens. FTW. (note: ‘yung featured image ng blogpost na ito ang unang pinicture-an namin sa optical microscope, double dead ipis)
  • mag-heels sa school, pero hindi para lumandi kundi para magpresent ng project.
  • magpaka-fan muli.  Kung nung bagets ako, may yahoogroups, ngayon may facebook fanpage na, pero di ako active member ng kahit anong grupo (as of now), ni-like ko pa lang.
  • magbasa ng tagalog na libro (Kapitan Sino, Para kay B), pasalubong mula sa heaven.
  • makakain ng Inipit at Lengua de Gato, isa pang pasalubong mula sa heaven.
  • makitang mabuhay ang mga elementary friends, sobrang nostalgic.  Para silang check-list ng buhay ko, success-o-meter ng mga pangarap ko nung bagets pa ako at classmate ko pa sila.

Marunong na akong…

  • maglaro ng blackjack!!!!
  • ———
  • ———

Ang sakit sa puso.  Wala akong ibang maisip na natutunan ko bukod sa maglaro ng blackjack.  Bilang hindi dapat counted ang academic learning sa gusto kong iparating na bago sa mga “alam ko” na sa buhay, wala na talaga akong pwedeng idagdag pa.  Sinubukan kong mag-aral ng Spanish, pero hindi ko natapos.  Ok din sana kung nag-aral ako ng kahit man lang luksong-baka para masabi ko lang na may bago akong alam na pwede kong ipagyabang.

Pero kahit palpak ako sa mga “bagong” alam kong gawin sa buhay ko, masaya pa din ako sa kinalabasan ng 2010 ko.  Andami ko pa ding narealize at dapat ipagpasalamat.

Thank you dahil…

  • nakilala ko ang Azkals (Philippine National Football Team) at naramdaman kong malaki pala ang kulang sa buhay ko dahil hindi ko naappreciate ang football noon, at mas malaki pa ang mawawala kung hindi ko susuportahan ang buong team NGAYON.
  • nakapasa ako sa lahat ng subjects ko, sariling sikap.  Dati, maski homework sa Math 17, kinokopya ko pa.  Sigurado ako na magiging proud sa’kin lahat ng kaibigan ko sa diliman na naging “mentor” ko at pati ‘yung mga naging “cheatmates” ko.
  • nalaman kong buong pusong gagawin ng 2 professor ko ang letter of recommendation ko.
  • hindi pa din nagsasawa ang mga kaibigan ko na makipagkwentuhan sa’kin online.
  • nakapagsulat ako ng BLOG na may nakarelate.  Ang sarap sa pakiramdam at sobrang nakakataba ng puso.
  • dahil hindi pa ako tuluyang nababaliw at nadidistract sa buhay.
  • dahil buhay pa ako at patuloy ang pagtupad sa pangarap kong maging isang engineer at isang writer.

Parang dumaan lang ang 2010.  Pero kahit dumaan lang siya, ramdam na ramdam ko ‘yung bawat moment na naging masaya ako.  At lahat ng moments na ‘yun, baon ko na sa 2011 at sa susunod pang mga taon.  Totoo nga na time flies.  Time lang ha, hindi ikaw.