Short term friends

Friends forever and ever.  As in, ever after. Or not.

Marami akong kaibigan, kahit na konti lang ‘yung nakakakwentuhan ko madalas ngayon, at karamihan sa kanila, naging official friend ko lang pagkatapos ng mahaba-habang warm-up at getting-to-know stage.

Iba-ibang klase ng tao ang nakakasalamuha natin araw-araw; pero hindi naman lahat nang ‘yun ay ipinain ng tadhana para kagatin natin at icategorize agad-agad as: (a) friend/BFF  (b) potential lovelife (c) others (kung anuman ang tawagan ng mga tao ngayon sa paghahave-fun without commitments).  Merong nakikilala lang natin kahit walang espesyal na rason, nagkataon lang na nandun siya sa parehong lugar sa mga oras na ‘yon katulad mo.  Kasing simple ng 1+1.

Kahit na palyado ako minsan sa pagmememorize ng mga acad-related stuff, kaya kong ipusta ang inosente pero maligalig na si Dora the Explorer kapag sinabi kong ‘di ako nakakalimot, hindi lang sa mga taong naging kaclose ko talaga, pero pati sa mga taong saglit ko lang naencounter (tunog panandaliang aliw pero peksman, wholesome post ito).

Si Ate Flo.  Nakilala namin ng mga kaibigan ko habang nakatambay kami sa stairs sa labas ng Kalai nung unang week ng freshie days namin.  Graduate na sya nun at tumatambay lang talaga siya paminsan-minsan sa campus.  Nakipagkwentuhan siya sa’min nang ilang oras na pati pangalan ng mga ate ko, nasabi ko sa kanya.  Second year na ako nung nakita at nakakwentuhan ko siya uli.  ‘Yun na din ang huli.

My first airport friend.  ‘Di ko na matandaan ang pangalan niya pero alam ko na nag-aaral siya ng college sa Mindanao pero nasa Canada ang buong pamilya niya.  Magbabakasyon siya sa Canada ‘nun dahil sembreak, ako naman hindi ko alam kung bakasyon ba ang pupuntahan ko sa Alabama at kung sakop pa din ba ako ng sembreak kahit na hindi naman ako nag-enrol nung nakaraang sem.  Natuwa ako sa kanya dahil ‘di nalalayo ang height namin sa isa’t isa at dahil mas may lakas ng loob siyang sundin ang trip niyang mag-aral sa Pinas kumpara kay, ahem, sa’kin.  Nagkahiwalay kami paglabas namin ng eroplano sa port of entry namin.  End of airport friendship.

Si Julie.  Isa sa mga naging kaibigan at karamay ko sa pagpapakafangirl sa Hale.  Nakilala ko siya sa Grand EB (yes, may Grand talaga) ng Halers, at dahil nga eyeball, first time namin siya makita nang kaibigan ko na kaibigan ko na talaga bago pa magkaroon ng Hale sa buhay groupie ko.  Walang naging awkward moments nun dahil busy kami masyado sa kilig at saya kahit na anino pa lang ni Champ at pati ng pinsan niya sa gilid ng stage ang nasisilayan namin.  At ‘yun ang naging simula ng ilang buwan ding pagaadik sa yahoo groups at text clans at ang bonus na virtual friendship.

 

Wala na akong balita sa kanila, at hindi naman kasama sa mga short term goals ko ang hanapin sila via Wish Ko Lang o Isumbong Mo Kay Tulfo feature.  Wala nga sigurong dahilan kung bakit ko sila nakilala o kung meron man,  sigurado ako na enough time na ‘yung binigay ni Papa God para maaccomplish ang dapat maaccomplish.  Kung hindi pa, malamang babalik sila sa kung anumang paraaang hindi ko alam.  Kaya kung may special mission pa pala ‘yung nag-abono ng pamasahe mo sa jeep dahil wala kang barya at walang panukli si manong o ‘yung nakatabi mo sa pila sa pagkuha ng NBI Clearance at nalabasan mo ng sama ng loob sa hirap ng pagpila, hindi pa tapos ang moment.  Baka magkasalubong kayo uli next month, bukas, o maya-maya.   (Kung hinaluan mo ng malisya ‘yung sinabi ko dahil type mo ‘yung taong pumasok sa isip mo bigla, ‘wag masyadong umasa, delikado ang over kilig, masisi mo pa ako).

Shampoo

Mag-aalas-nuwebe na ng gabi, hindi pa din ako naliligo.  Mamantika na ang buhok ko, para na namang nabanlawan ng expired na baby oil.  Teka, naeexpire ba ‘yon? Hay, tumatanga na ata talaga ako.  Nakakahiya sa Grade 2 teacher ko na halos ipusta ang buhay ng lahat ng classmates ko sa sobrang suporta sa talino at galing ko (daw) hanggang sa paggraduate ko sa elementary.  Patay na siya ngayon.  Sumalangit nawa.

Ang lamig ng tubig, nakakatamad tuloy maligo.  Ubos na pala ang shampoo na gusto ko, nakakatamad lalo maligo.  Sa totoo lang, lagi namang malamig ang tubig na lumalabas sa gripo namin at lagi ding walang laman ang plastic na lagayan ng paborito kong shampoo.  Hanggang ngayon, lagi ko pa ding nakakalimutang halos nasaid ko na nga pala ‘yung laman pero dahil wala namang sari-sari store sa bawat kanto dito sa Amerika kaya kailangan ko pa talagang pumunta sa grocery store, nirerefill-an ko na lang lagi ng tubig.  Nagbabaka-sakaling bumula pa din kahit sobrang diluted na nung “shampoo”.  Anak ng pating na lasing! nagamit ko sa isang sentence ang diluted.  Parang ang talino ko.  Pwede nang i-tweet at i-status sa facebook para ma-feel ng mga kakilala ko na nasa Amerika nga ako.   Sosyal-sosyalan kunwari.  Balik sa routine ko sa pagligo, ‘buti na lang swak na sa’kin ang kakarampot na “shampoo” kahit na halos umabot na sa beywang ko ang buhok ko sa haba.  Narinig ko noon sa tv na ‘yung buhok lang daw sa may anit ang dapat shinashampoo, tapos ‘yung icoconditioner lang ‘yung sa may bandang dulo.  ‘Yun daw ang susi sa mala-commercial model na buhok.  Syempre, sinunod ko naman.  Mapagpatol ako sa mga ganyang “sikreto” daw ng mga artista e.  “Sikreto” pero nirereveal naman nila on national television.  Ayun, sikreto na ng buong Pilipinas.  Hanep na ‘yan.

Hanggang ilan ba ang pwedeng maki-join sa isang “sikreto”? Dalawa: ikaw plus your bestest pal? Tatlo dahil ang bilang: ikaw, bff mo, tapos boyfriend mo kahit na ‘di naman  talaga siya nakinig nung kinuwento mo sa kanya? 1-to-sawa? Parang recruitment sa Katipunan, isang Katipunero magyayakag ng dalawang tropa, tapos ‘yung dalawang napa-oo nung unang Katipunero, tig-2 din sila dapat ng sesend-an ng friend request, tapos magtutuloy tuloy hanggang dumami? Shet.  Ang sarap sigurong maging loner.  ‘Yung alam mong wala kang utang na kwento sa kahit kanino kasi nga loner ka.

Sa totoo lang, wala akong reklamo dun sa mismong rate ng paglipad ng mga “sikreto” mula dun sa unang receiver.  E ikaw nga na nagmamay-ari nung mismong “sikreto”, ‘di mo kinayang itago lang dyan sa kaloob-looban mo, ‘yung pa kayang dinamay mo lang kahit na ‘di naman siya involved dun sa “sikretong” ‘yon? Tapos gegiyerahin mo ‘yung una mong sinabihan kapag kumalat na nga ‘yung “sikreto” mo? E kung nagwarning naman siya sa sinabihan niya ng “uy, sikreto lang natin ‘to ha”, may kasalanan pa din ba siya? Labas na dapat siya sa kaso na ‘to.  Dun ka sa next na sinabihan.  Or sa next.  Or sa next pa.  Kapag pagod ka na, subukang manalamin.  Kumindat sa sarili at tumango-tango.  Killer killer, who’s the killer.  Paborito kong laruin ‘yun nung bata ako.

Diyan dumadating ang self-assessment.  Ano bang uri ng mga kaibigan meron ka? Kapag sinabi kong kaibigan, hindi ‘yan ‘yung mga Facebook friends mo o ‘yung mga madalas mag-like sa profile picture mo nung nasaktuhan mo ang anggulo ng mukha mo at ang shade ng liwanag kaya nag-mukha kang artistahin.  ‘Yung tunay.  ‘Yung pwedeng interview-hin kapag namatay ka at magsasabi ng totoo, hindi ‘yung “mabait po siyang tao, sobrang caring, isang tawag or text lang, nandyan na kaagad”.  Well, may mga tao talagang ganyan, pero alam kong gets mo na ang point ko, ‘wag kang slow.  Kung ang tanging choice mo lang na masabihan ng problema at sikreto ay ‘yung mga tipong source ng lahat ng tsismosa sa barangay n’yo, panahon na para tingnan ang sarili at irecall ang mga ginawa mo o hindi ginawa sa buhay.  Birds of the same feather ang tawag diyan.  Kung ako sa’yo, magpapalagas ako ng balahibo at sasahimpapawid sa ibang ruta.

Hindi ko alam kung ano ang nagawa ko o kung naku-cute-tan sa’kin si Papa God pero nabiyayaan ako ng mga tunay na kaibigan.  ‘Yung alam kong makakapagpatunay (o pasisinungalingan) na mabuti akong tao kapag nanghingi na ‘yung simbahan ng mga pruweba kapag dumating na ‘yung punto na i-koconsider akong maging santo.  ‘Yung hindi ako itsitsismis sa ibang tao.  ‘Yung alam kung hanggang saan ang limit ng ka-share-share sa buhay ko.  ‘Yung alam kung kelan dapat gumamit ng metaphors, ng salitang “tanga” na hindi nakaka-offend, ng realization sa loob ng isang joke, at ng codenames.  ‘Yung babatok sa’kin kapag may gagawin akong katangahan.  ‘Yung magpapalakas ng loob ko kapag may gagawin ako na sa tingin ko ay katangahan pero hindi naman talaga.  ‘Yung magpapaalala sa’kin kung ano ang kaibahan nung dalawang sitwasyon na ‘yon. Ganun.

Hindi pa din ako naliligo.  Actually, tinatamad lang ako.  Ang lamig kasi saka walang shampoo.

 

Frenemy 101.1

‘Yung makakalaban mo, laging may dala-dalang reviewer…” .  E ano naman ngayon?

First quiz bee ko ‘yun na nakalaban ko ang bibo kids sa ibang schools sa lugar namin.  Grade 4 ako kaya idol ko pa nun si Jolens at laos pa ang suklay sakin.  ‘Yun ang first quiz bee ko at ang unang shot ko ng pagkatalo.  Isipin mo na lang kung gaano ka-traumatic ang araw na ‘yun sa tulad kong hobby ang magpakitang gilas at manalo.  At tulad ng tindi ng attachment at memory ko sa una kong crush na invisible ang 2 front teeth, sa classmate ko nung kinder na tumalisod sakin, at sa kapitbahay naming nanggulo ng childhood ko sa pang-aasar na may anak daw sa labas ang tatay ko, matindi ang pagkakapit sa utak ko ng pagkatalo kong ‘yun at ng taong naging dahilan ng pagkatalo ko.  ‘Yung laging may dala-dalang reviewer na palang ‘yun ang batang puputol sa paniniwala kong naabot ko na ang “the best” na level ng buhay ko. PFFFT Nasira ang Shaira Luna dream ko.

1st year highschool.  Keep your friends close and your enemies closer.  Naramdaman ko na parang ‘yan ang sinisiksik na motto ng tadhana sa akin imbes na Time is gold dahil sa dinami-dami ng school sa Cavite ay naging classmate ko ang naging malaking tinik sa dibdib ko nung elementary ako.  At bilang hindi naman tatay ko ang may-ari ng eskwelahan at hindi ako part ng F4 para mag-iwan ng red card  sa locker at magpatalsik ng estudyante na hindi ko trip, hindi na ako nagpakakontrabida sa paggawa ng eksena sa campus at naki-flow na lang sa agos ng high school life kasama niya.

Naging magclassmates kami hanggang 4th year.  Hindi nga lang seatmates dahil kadalasan alphabetical ang seating arrangement.  At kung sinuman ang nag-imbento nung unang quote na tinype ko pakigoogle na lang, gusto kong makipag-high five sa kanya dahil tama siya.

Lagi ko siyang nakakalaban sa quiz bee mula grade 4 hanggang grade 6 at ni minsan hindi kami nagkakwentuhan ng kahit 1 minute man lang.  Ni favorite prime number o pinaka-idol na Katipunero niya batang henyo pa kami nung elementary days ay ‘di ko naitanong dahil nga ‘di naman kami close at parang masama minsan ang tingin niya sakin.  Nang nagkasama kami nung high school, mas malalim pa sa mga tanong sa biodata at sa slumbook ang nalaman ko tungkol sa kanya.  Mas malalim sa favorite Katipunero, pramis.

Dalawa lang silang magkapatid, mas bata sa amin ‘yung kapatid niya na lagi niyang pinapaiyak at inaasar.  Seaman ang Papa niya kaya pareho kaming lumaki sa nanay.  Favorite ko nga ang mommy niya e dahil kahit mukhang mataray, lagi kaming binibilhan ng meryenda pag dumadalaw kami sa bahay nila kahit walang project na dapat gawin at saka dahil parang favorite niya din akong classmate ni Jellyn.  Batang Rosario din siya kaya araw-araw din siyang sumasakay ng baby bus papasok sa school, araw-araw naming instant blower ang hangin sa pagcocommute, araw-araw naming background music ang Love Radio and the like at ang mga panalong playlist nila habang nagrereview at nagdadasal na huwag masarhan ng gate ni Sir Manguera.  Ka-birthday niya ang nanay ko kaya imposibleng malimutan ko ang birthday niya dahil hindi ko nalilimutan ang birthday ng nanay ko dahil emotera minsan ang nanay ko pag malapit na ang birthday niya at syempre dahil nanay ko siya.  Si Jellyn din ang isa sa mga nanay-nanayan ko sa school, hindi dahil maalaga siya sakin pero dahil trip ko lang na isama siya sa mahabang listahan ko ng matatakbuhan ‘pag kapos na ako sa confidence, pangarap, at pera kaya isinuggest ko sa kanyang magturingan kaming mag-ina sa school.  Pumayag naman siya katulad ng iba kong classmates at kaibigan sa ibang batch.

Marunong at magaling siya sa chess.  Sobrang mahilig siya sa music at marami siyang paboritong banda like Cueshe LOL at isa sa mga TV series na una niyang sineryoso ang One Tree Hill.  Hindi siya kumakain ng gulay na pati yung parang maliliit na confetti na kulay green at red sa seasoning ng Pancit Canton ay napagdidiskitahan pa niyang ka-uri ng mga gulay.  Nagdodrawing din siya minsan kahit saang notebook o scratch paper pa ‘yan.  Isa siya sa pinaka-ayokong kausap tungkol sa Harry Potter dahil masyado siyang maraming alam pero sa tuwing nagkakaroon ng bagong HP sa sinehan, isa siya sa mga naalala ko at alam kong magyayakag manood.  Hindi ako San Miguel fan tulad niya, pero pareho kaming inis sa Ginebra, mas mataas lang ng konti ang inaabot ng blood pressure niya ‘pag nakakatagpo kami ng PBA fan na may dugong Ginebra.

Nakasama ko siya sa unang investigatory project namin na paggawa ng ink mula sa balat ng saging.  Pareho kaming nauta kakakain ng saging at pareho kaming tinamaan sa kuya ng groupmate namin.  Naging ka-club ko din siya sa Exponent, ang Math Club ng school namin, at naging kakuntsaba sa mga kapraningang Math Program (Math Day, Math chuva, di ko matandaan), tutorials, pag-cheer sa volleyball team namin sa Inter-org, at mais-con-yelo-halo-halo booth nung Intrams.  Sumayaw din kami sa United Nations program ‘nun at nagChinese-chinese-san alang alang sa image ng Exponent kapalit ng kahihiyan namin.  Naka-bonding ko din siya sa madaming-madaming concerts madami dahil hardcore rockers kami kaya magkasing-laki kami ng eyebags kakapuyat makapagconcert lang.  Umabsent pa kami noon para lang makanood ng Hale: ang araw na akala namin nasa langit na kami dahil sobrang abot kamay lang namin si Champ at si Chino bago magsimula ang concert at dahil akala namin makikidnap na kami habang nagmamakaawa sa kalangitan na may masakyan pa pauwi sa harapan ng CCP dahil halos ala una na ng madaling araw.  Naging lockermate ko din siya ng ilang buwan nung 4th yr kami pero dahil hindi nagtugma ang idea namin ng cleanliness at orderliness, nakipagtrade ako sa isa ko pang kaibigan na may ka-locker na ka-uri kong OC.

pruweba na cheatmates tayo (dear ma'am perez homework lang naman ito), may pacodename codename pa tayo, at higit sa lahat: magaling tayo sa Math.

Classmate. Seatmate sa baby bus. Groupmate sa pakikipagjack-en-poy kung anong baby bus ang sasakyan: papuntang Zapote o papuntang Tanza. Orgmate. Ka-table sa canteen. Cheatmate. Textmate. Nanay-nanayan. Groupmate sa pang-aasar. Kaagaw sa panghihiram ng ipod. Clanmate pffft sumali tayo sa text clan, omaygudnes. Ka-share sa napakadaming crush. Kaagaw sa napakadaming crush. Instant roommate kapag may concert at kailangang makitulog. Yahoogroupmate. Kahintayan sa kanto ng Noveleta kapag may okasyon sa school dahil gusto nating magkakasama tayo kung maggagrand entrance man tayo o kahit may simpleng tambay lang. Pinakamasarap na kahintayan dahil gaano pa ako ma-late ay hindi ako nakoconsider na pinaka-late dahil siya kadalasan ang winner sa lahat. Ka-pasahan ng note sa klase with matching codenames ayoko ng maalala kung anu-ano ‘yon, example: “syota ni atom”. Chikamate. Kasundo sa mga kabaliwan. Kakuntsaba sa pangiistalk. Ka-wavelength sa maraming bagay. Ka-wavelength sa idea ng fun at tamang paraan ng paghahave-fun. Kaibigan. Isang walang katulad at bonggang-bonggang kaibigan.

Keep your friends close and your enemies closer.  Kung sinuman ang nag-imbento ng quote na ‘yan, gusto kong makipag-high five sa kanya dahil tama siya.  Gusto ko siyang i-power-hug dahil kung hindi dahil sa kanya ay  hindi ko marerealize na mali pala ang perception ko ng salitang “enemy” at mali ang first impressions ko sa akala ko ay kontrabida sa mga pangarap ko.  Gusto ko siyang award-an dahil kung hindi dahil sa kanya, hanggang ngayon, kaaway ko pa din ‘yung laging may dala-dalang reviewer, at malamang bawas ng isa ang bilang ng mga itinuturing kong awesome-est friends ko.

At dahil hindi ko naman ginawa ang blogpost na ito dahil namimiss kita o napanaginipan kong ikinakasal ka na, dapat na siguro akong bumati ng HAPPY BIRTHDAY JELLYN!!!! Mag-ka-edad na tayo kaya LEGAL KA NA DIN! Libre kita Cali (cool yun nung elementary tayo).  Kulang pa lahat ng sinabi ko dito pero mabuti na ‘yung may sikreto ka pa sa pagkatao mo para mag-effort naman ang mga stalkers mo. Kung anuman ang short at long term goals mo sa buhay, sigurado ako na matutupad mo ‘yun dahil ganun tayo ka-awesome. Kung kailangan mo ng moral support, hug, advice, batok, joke, pera, chismis, lagi naman akong present sa world wide web.  Kita kits Inay. 🙂

P.S. Binasa ko uli ‘yung sulat mo sakin sa scrapbook ng PA.  Baka kasi may mapulot akong nakakaaliw na sinabi mo bago ako nangibang planeta kaso baka magkaiyakan pa tayo dito.  Nakakatouched ‘yung message mo dun.  Tutulo na sana ang luha ko kaso naasar ako dahil ‘di ko mabalik sa dating tupi. Badtrip.  Pauso ka e. FO na. LOL.

ang makapagbagbagdamdaming sulat ni Jellyn (swan dapat yung tupi pero dahil fail ang origami skills ko, di ko na maibalik sa dati)