HS

Kanina, napagtripan na naman namin ng ate kong korean wannabe na magreminisce ng highschool life.  ‘Di ako mag-eemote ngayon dito kaya ‘wag mangambang paiiyakin kita pero dahil alam kong mas nakakaengganyo talagang magbasa ng kahit ano (e.g. nobela, tula, love letter ni manliligaw/ka-MU/cuddle partner, notes sa Biology, o manual ng nabili mong camera na nakakaganda raw) kapag may background music, nagpost na din ako ng Youtube video sa ibaba para makantahan ka ni Ate Shawie ng “Highschool Life” habang nagbabasa.  ‘Wag masyadong dibdibin ang lyrics (lalo na kung may bigla kang naalala) dahil baka hindi maka-get-over at masisi mo pa ako.

Mag-aanim na taon na simula nung grumaduate ako, pero hanggang ngayon nakakamiss pa rin ang highschool days.  Karamihan naman ata, hindi nakakamove-on sa buhay highschool nila.  Kung pa-highschool pa nga lang siguro ako ngayon, excited na siguro ako dun sa bagong pauso ng DepEd na K12 curriculum.  Mantakin mo, maeextend ng 2 years ang bonding moments n’yo ng mga kaibigan mong makakakuntsaba mo sa pageexperiment sa maraming bagay (e.g. hairstyle, bisyo, lovelife, extracurricular and other pa-epal activities, fashion style, music, at kung anu ano pang kaweirdohan at kabaliwan), makakagroup mo sa pagbuo ng pangarap (o ‘yung mandadamay sa course na kukunin para classmates pa din kayo hanggang college), at makakasama mo sa pagtransition mula sa pagiging batang uhugin at mukhang sabukot sa pagiging dalaga at binata na unti-unting magiging problema ang ayos ng buhok (at bangs), kung paano ang pinakamabisang paraan para mapansin ni crush o ng gustong ligawan, kung kanino kokopya  ng assignment (o exam), kung saan tatambay pagkatapos ng klase (o kung kelan aabsent para tumambay), o kung may tagos ba sa palda (at kung sino ang hihingi ng bulak na may hydrogen peroxide sa clinic at kung paano mo ieexplain sa nurse na hindi sapat ang isang bulak para makatanggal ng tagos nang hindi siya makukulitan at maiinis sa’yo).  ‘Yun nga lang extra gastos talaga ‘yang K12 na ‘yan sa mga nagpapa-aral at pinapaaral ang sarili kaya malalim na isyu ‘to na hindi ko kayang i-blog nang seryoso.  Masarap lang isipin na sana nga mas matagal ang highschool life namin noon.  Sana tinanggal na lang ‘yung kinder (tutal isa lang naman ang naging kaibigan ko ‘nun) o binawasan ng ilang taon ‘yung elementary (tutal dun ata lumapad ang paa ko kakatakbo nang nakapaa para ‘di mataya sa sikyo at kakatalon nang nakapaa para magwagi sa chinese garter, 10/20, at kung anu-ano pang larong goma na may dinedeklarang mother).  Sana hindi na lang pala kami nagbakasyon noon tuwing summer o kaya sana naka-dorm kaming lahat sa loob ng campus para nasulit ‘yung maraming pagkakataon at bonding moments.  Kapos kasi e, alam mo ‘yon?

Pero swerte ko kasi kahit na sa tingin ko na bitin ang highschool days na binigay sa’min, nakahanap pa rin ako ng mga tunay na kaibigan na hanggang ngayon ay mga taong pinakamalapit  pa rin sa akin.  At namiss ko sila ngayon (‘yung mga madalas mag-online, medyo na lang syempre).  Pero kahit miss ko na kayo, ayokong humingi ng reunion kasi si Tyron Perez, ‘yung namatay na artista na bunga nung talent search na Starstruck, hingi daw nang hingi ng reunion.  Ayan, dedbol na ngayon.  ‘Yang paghingi ata ng reunion ang modernong katapat ng pagkanta ng My Way.  Marami pa akong pangarap kaya kita kits na lang whenever, wherever.

dapat wacky na lang lagi ang class picture, mas makatotohanan kasi.. AT challenging!

Advertisements

Frenemy 101.1

‘Yung makakalaban mo, laging may dala-dalang reviewer…” .  E ano naman ngayon?

First quiz bee ko ‘yun na nakalaban ko ang bibo kids sa ibang schools sa lugar namin.  Grade 4 ako kaya idol ko pa nun si Jolens at laos pa ang suklay sakin.  ‘Yun ang first quiz bee ko at ang unang shot ko ng pagkatalo.  Isipin mo na lang kung gaano ka-traumatic ang araw na ‘yun sa tulad kong hobby ang magpakitang gilas at manalo.  At tulad ng tindi ng attachment at memory ko sa una kong crush na invisible ang 2 front teeth, sa classmate ko nung kinder na tumalisod sakin, at sa kapitbahay naming nanggulo ng childhood ko sa pang-aasar na may anak daw sa labas ang tatay ko, matindi ang pagkakapit sa utak ko ng pagkatalo kong ‘yun at ng taong naging dahilan ng pagkatalo ko.  ‘Yung laging may dala-dalang reviewer na palang ‘yun ang batang puputol sa paniniwala kong naabot ko na ang “the best” na level ng buhay ko. PFFFT Nasira ang Shaira Luna dream ko.

1st year highschool.  Keep your friends close and your enemies closer.  Naramdaman ko na parang ‘yan ang sinisiksik na motto ng tadhana sa akin imbes na Time is gold dahil sa dinami-dami ng school sa Cavite ay naging classmate ko ang naging malaking tinik sa dibdib ko nung elementary ako.  At bilang hindi naman tatay ko ang may-ari ng eskwelahan at hindi ako part ng F4 para mag-iwan ng red card  sa locker at magpatalsik ng estudyante na hindi ko trip, hindi na ako nagpakakontrabida sa paggawa ng eksena sa campus at naki-flow na lang sa agos ng high school life kasama niya.

Naging magclassmates kami hanggang 4th year.  Hindi nga lang seatmates dahil kadalasan alphabetical ang seating arrangement.  At kung sinuman ang nag-imbento nung unang quote na tinype ko pakigoogle na lang, gusto kong makipag-high five sa kanya dahil tama siya.

Lagi ko siyang nakakalaban sa quiz bee mula grade 4 hanggang grade 6 at ni minsan hindi kami nagkakwentuhan ng kahit 1 minute man lang.  Ni favorite prime number o pinaka-idol na Katipunero niya batang henyo pa kami nung elementary days ay ‘di ko naitanong dahil nga ‘di naman kami close at parang masama minsan ang tingin niya sakin.  Nang nagkasama kami nung high school, mas malalim pa sa mga tanong sa biodata at sa slumbook ang nalaman ko tungkol sa kanya.  Mas malalim sa favorite Katipunero, pramis.

Dalawa lang silang magkapatid, mas bata sa amin ‘yung kapatid niya na lagi niyang pinapaiyak at inaasar.  Seaman ang Papa niya kaya pareho kaming lumaki sa nanay.  Favorite ko nga ang mommy niya e dahil kahit mukhang mataray, lagi kaming binibilhan ng meryenda pag dumadalaw kami sa bahay nila kahit walang project na dapat gawin at saka dahil parang favorite niya din akong classmate ni Jellyn.  Batang Rosario din siya kaya araw-araw din siyang sumasakay ng baby bus papasok sa school, araw-araw naming instant blower ang hangin sa pagcocommute, araw-araw naming background music ang Love Radio and the like at ang mga panalong playlist nila habang nagrereview at nagdadasal na huwag masarhan ng gate ni Sir Manguera.  Ka-birthday niya ang nanay ko kaya imposibleng malimutan ko ang birthday niya dahil hindi ko nalilimutan ang birthday ng nanay ko dahil emotera minsan ang nanay ko pag malapit na ang birthday niya at syempre dahil nanay ko siya.  Si Jellyn din ang isa sa mga nanay-nanayan ko sa school, hindi dahil maalaga siya sakin pero dahil trip ko lang na isama siya sa mahabang listahan ko ng matatakbuhan ‘pag kapos na ako sa confidence, pangarap, at pera kaya isinuggest ko sa kanyang magturingan kaming mag-ina sa school.  Pumayag naman siya katulad ng iba kong classmates at kaibigan sa ibang batch.

Marunong at magaling siya sa chess.  Sobrang mahilig siya sa music at marami siyang paboritong banda like Cueshe LOL at isa sa mga TV series na una niyang sineryoso ang One Tree Hill.  Hindi siya kumakain ng gulay na pati yung parang maliliit na confetti na kulay green at red sa seasoning ng Pancit Canton ay napagdidiskitahan pa niyang ka-uri ng mga gulay.  Nagdodrawing din siya minsan kahit saang notebook o scratch paper pa ‘yan.  Isa siya sa pinaka-ayokong kausap tungkol sa Harry Potter dahil masyado siyang maraming alam pero sa tuwing nagkakaroon ng bagong HP sa sinehan, isa siya sa mga naalala ko at alam kong magyayakag manood.  Hindi ako San Miguel fan tulad niya, pero pareho kaming inis sa Ginebra, mas mataas lang ng konti ang inaabot ng blood pressure niya ‘pag nakakatagpo kami ng PBA fan na may dugong Ginebra.

Nakasama ko siya sa unang investigatory project namin na paggawa ng ink mula sa balat ng saging.  Pareho kaming nauta kakakain ng saging at pareho kaming tinamaan sa kuya ng groupmate namin.  Naging ka-club ko din siya sa Exponent, ang Math Club ng school namin, at naging kakuntsaba sa mga kapraningang Math Program (Math Day, Math chuva, di ko matandaan), tutorials, pag-cheer sa volleyball team namin sa Inter-org, at mais-con-yelo-halo-halo booth nung Intrams.  Sumayaw din kami sa United Nations program ‘nun at nagChinese-chinese-san alang alang sa image ng Exponent kapalit ng kahihiyan namin.  Naka-bonding ko din siya sa madaming-madaming concerts madami dahil hardcore rockers kami kaya magkasing-laki kami ng eyebags kakapuyat makapagconcert lang.  Umabsent pa kami noon para lang makanood ng Hale: ang araw na akala namin nasa langit na kami dahil sobrang abot kamay lang namin si Champ at si Chino bago magsimula ang concert at dahil akala namin makikidnap na kami habang nagmamakaawa sa kalangitan na may masakyan pa pauwi sa harapan ng CCP dahil halos ala una na ng madaling araw.  Naging lockermate ko din siya ng ilang buwan nung 4th yr kami pero dahil hindi nagtugma ang idea namin ng cleanliness at orderliness, nakipagtrade ako sa isa ko pang kaibigan na may ka-locker na ka-uri kong OC.

pruweba na cheatmates tayo (dear ma'am perez homework lang naman ito), may pacodename codename pa tayo, at higit sa lahat: magaling tayo sa Math.

Classmate. Seatmate sa baby bus. Groupmate sa pakikipagjack-en-poy kung anong baby bus ang sasakyan: papuntang Zapote o papuntang Tanza. Orgmate. Ka-table sa canteen. Cheatmate. Textmate. Nanay-nanayan. Groupmate sa pang-aasar. Kaagaw sa panghihiram ng ipod. Clanmate pffft sumali tayo sa text clan, omaygudnes. Ka-share sa napakadaming crush. Kaagaw sa napakadaming crush. Instant roommate kapag may concert at kailangang makitulog. Yahoogroupmate. Kahintayan sa kanto ng Noveleta kapag may okasyon sa school dahil gusto nating magkakasama tayo kung maggagrand entrance man tayo o kahit may simpleng tambay lang. Pinakamasarap na kahintayan dahil gaano pa ako ma-late ay hindi ako nakoconsider na pinaka-late dahil siya kadalasan ang winner sa lahat. Ka-pasahan ng note sa klase with matching codenames ayoko ng maalala kung anu-ano ‘yon, example: “syota ni atom”. Chikamate. Kasundo sa mga kabaliwan. Kakuntsaba sa pangiistalk. Ka-wavelength sa maraming bagay. Ka-wavelength sa idea ng fun at tamang paraan ng paghahave-fun. Kaibigan. Isang walang katulad at bonggang-bonggang kaibigan.

Keep your friends close and your enemies closer.  Kung sinuman ang nag-imbento ng quote na ‘yan, gusto kong makipag-high five sa kanya dahil tama siya.  Gusto ko siyang i-power-hug dahil kung hindi dahil sa kanya ay  hindi ko marerealize na mali pala ang perception ko ng salitang “enemy” at mali ang first impressions ko sa akala ko ay kontrabida sa mga pangarap ko.  Gusto ko siyang award-an dahil kung hindi dahil sa kanya, hanggang ngayon, kaaway ko pa din ‘yung laging may dala-dalang reviewer, at malamang bawas ng isa ang bilang ng mga itinuturing kong awesome-est friends ko.

At dahil hindi ko naman ginawa ang blogpost na ito dahil namimiss kita o napanaginipan kong ikinakasal ka na, dapat na siguro akong bumati ng HAPPY BIRTHDAY JELLYN!!!! Mag-ka-edad na tayo kaya LEGAL KA NA DIN! Libre kita Cali (cool yun nung elementary tayo).  Kulang pa lahat ng sinabi ko dito pero mabuti na ‘yung may sikreto ka pa sa pagkatao mo para mag-effort naman ang mga stalkers mo. Kung anuman ang short at long term goals mo sa buhay, sigurado ako na matutupad mo ‘yun dahil ganun tayo ka-awesome. Kung kailangan mo ng moral support, hug, advice, batok, joke, pera, chismis, lagi naman akong present sa world wide web.  Kita kits Inay. 🙂

P.S. Binasa ko uli ‘yung sulat mo sakin sa scrapbook ng PA.  Baka kasi may mapulot akong nakakaaliw na sinabi mo bago ako nangibang planeta kaso baka magkaiyakan pa tayo dito.  Nakakatouched ‘yung message mo dun.  Tutulo na sana ang luha ko kaso naasar ako dahil ‘di ko mabalik sa dating tupi. Badtrip.  Pauso ka e. FO na. LOL.

ang makapagbagbagdamdaming sulat ni Jellyn (swan dapat yung tupi pero dahil fail ang origami skills ko, di ko na maibalik sa dati)

Prom date

JS Prom.  ‘Yan ‘yung moment na bumabaha ng kilig at ngiti, sumasabog sa sobrang pagtibok ang maraming puso.  ‘Yan ang isa sa iilang araw na one in a million lang ang probability na tanggihan ka ng crush mo.  Nakakalimutan mo ‘yung taste mo sa music na kahit Cueshe pa ‘yung kanta, wala kang pakialam dahil nung gabing ‘yun mo lang nalaman na alam pala niya na nageexist ka at sa dinami-dami ng nandun ikaw ang kasayaw niya.  Perfect moment para magtitigan at magpakacheesy dahil may background music, nakagown ka, naka-amerikana siya, instant music video dahil with disco lights pa.

Hindi highlight ng highschool ko ang prom ko.  Siguro dahil wala akong kacheesyhang ginawa o sadyang wala lang akong ka-loveteam noon.  Pero masaya naman ako ‘nun dahil nagbaon ako ng gameboy at naglaro buong gabi, at oo, gameboy lang ang alam kong laruin, psp and ipad your face dahil ang prom ay hindi lang pang-in-love-at-in-like.  Maswerte ako dahil hindi napagod ang mga kaibigan ko na isayaw kami kapag naunahan na sila sa mga gusto nilang isayaw, swerte ‘yun para sa akin, swerte na may kasamang pwersa.  Pero seryoso, masaya na walang ilangan dahil hindi lang ako nakipagsayaw, kundi nakipagkwentuhan, nakipagtawanan, nakipagtsismisan, nakipaglaitan, inenjoy ang mga iilang araw na hindi bawal ang kalimutan ang anumang may kinalaman sa acads kasama ang mga kaibigan, classmates, cheatmates habang umiindak sa “bakit ngayon ka lang.. bakit ngayon kung kailan ang puso’y mayron ng laman…”.

Hindi ako masyadong naghanda.  Ayoko kasi ng setting ng prom, nakaformal, naka-heels, nakakaumay ‘yung hangin.  Pero sa dalawang beses na nagprom ako, parang mas malala pa ako sa pinaka-makulay ang lovelife sa batch namin dahil parang andami kong signs of excitement.  Consistent ang tagihawat ko sa tuwing malapit na ang prom.  Hindi ko alam kung nang-aasar ba o sadyang nagkukunwari lang ako na hindi ako excited.  Nung 3rd yr ako, nilagyan ako nung bading ng swarovski-like crystal sa isang mata ko i’m sowsyal like that dahil naaliw siya sa almond shaped kong mata, kaya nag-agaw ng atensyon yung tagihawat ko sa ilong at yung kumikinang-kinang na kristal sa mata ko.  Sinabuhay ko ‘yun optical illusion sa mukha ko.  Nung 4th yr naman ako, ang naging ka-partner ng tagihawat ko sa ilong ay ang bandage sa kamay ko.  Nabuhusan ko ang sarili ko ng mainit na tubig nang kumuha ako sa water dispenser para sa instant noodles ko.  Kasama ng pula kong damit ang wire gauze sa kamay ko, na magmumukhang sign ng katangahan sa isang ordinaryong araw pero isang nakakaawang add-on kapag prom.  Siguro gutom na gutom lang ako nung araw na ‘yun kaya sumablay yung kumukulong tubig sa cup o may iniimagine akong fairy tale at tinulak ako ng evil sister ko para magising sa katotohanan.

Gustuhin ko man na maalala ‘yung mga kanta sa prom namin, hindi ko na talaga maalala.  Alam ko madaming sablay na kanta, na tipong hindi ko aamining nasa ipod ko o favorite kong kantahin sa videoke.  Pero sigurado akong wala ng mas lalala sa last song sa prom ng isa kong ate na “sinaktan mo ang puso ko” by michael v. at isang nakakalitong song choice sa prom ng isa ko pang ate na “beautiful” ni christina aguilera.  Siguro kaya hindi ko na din naitago ng maayos sa memory ko ‘yung mga nangyari nung mismong prom dahil naging busy na masyado ang utak ko pagkatapos na pagkatapos kong umalis sa napakabonggang venue naming quadrangle sa school.  Nung una kong prom, diretso overnight na kami sa bahay ng classmate ko hindi para kiligin magdamag kundi para tapusin ang  project naming dyaryo.  Diretso puyatan at diretso acad mode.  Ni hindi nga ata kami nakapagbaon ng extrang hangin mula sa love-is-in-the-air atmosphere para mainspire kami sa paggawa ng project, at kahit sa panaginip nung naidlip ako sandali, wala ng pahabol pang kilig moments.

Nung 4th yr na kami, wala ng project, dahil halos final exams na lang ang nasa schedule.  Libre na sana ang isip at puso ko para namnamin ang anumang saya at ka-cheesyhang nasagap ko pero dahil naiwala ko ang digicam ko,  hindi ako natahimik hanggang kinabukasan.  Umamin lang ako sa nanay ko na naiwala ko yung digicam dear younger people, dati cool ang may digicam, COOL!!! nung pumasok na ako sa school via text message.  At para hindi ako masabon sa bahay namin paguwi ko, inuna kong iannounce na pumasa ako sa UP at saka ko hinabol ang bad news na nawala ko ang digicam.  Epektib.

Hindi ko alam kung counted na bang tungkol sa prom ang mga sinabi ko pero gusto ko kasing maniwala na ang prom ay hindi lang tungkol sa crush mo at sa inyong prom theme song, hindi lang sa kung ikaw ang may pinakamataas na slit sa gown mong perfect example kung may scarcity ng tela, hindi lang sa kung ikaw ang pinakamataas na koronang suot, hindi lang sa kung pinagpawisan at napagod ka kakasayaw sa kanta ni david pomeranz.  Kaya kung kakatapos lang ng unang JS prom mo, ‘wag kang masyadong ma-stress kung hindi mo nabuhay ang mga dinrowing mo sa imagination mo o kung hindi ka isinayaw ni mr. campus crush.  ‘Wag mong burahin sa memory mo ang lahat ng nangyari dahil lang sa may isang parte ng buong experience ang hindi mo nagustuhan.  Imposible naman na walang nagpasaya sa’yo sa buong gabi mong ‘yun, kahit na ‘yung pork chop na kinain mo, ‘yung panalong pambobola ng kapitbahay niyo nung lumabas kang naka-make-up at nakagown pero pinili mo pa ding paniwalaan, o ‘yung pagpapahiram sa’yo ng suit ng classmate mo, ng walang malisya, dahil giniginaw ka na.  Kaya smile, at sabi nga ni ramon bautista maggenerate ng saya para sa sarili.  Ivisualize ang prom bilang simple at masaya at hindi isang tanging chance para humanap ng tunay na pag-ibig.  Tandaan na hindi ka pa graduate ng high school at madami sa mga kabatch mo ang hindi pa final ang itsura at character at hindi exempted ang crush mo dun. 🙂

JS Prom.  Hindi ko alam kung paano siya icacategorize sa buhay ko.  Twice in a lifetime experience kaya hindi ganung kaspecial pero hindi rin ganung ka-ordinaryo.  Sa unang beses, ‘yan ‘yung perfect moment para masaksihan ang first love.  At kapag fourth year ka na, ‘yan ‘yung perfect moment para sulitin ang second chance.

P.S.  At ang isa sa paborito kong kanta habang kinikilig, enjoy. 🙂