Ang Mailap na Backstreet Boys

Bukod sa makatapos ng college at magkaroon ng wallet size graduation pictures na ipapamudmod  to friends and loved ones, ang sukatan ko ng pagka-successful ng pagpunta ko dito sa Amerika ay kung nakita at napanood ko na ba ang Backstreet Boys live in concert.  Hindi ako pwedeng umalis dito hangga’t di ko ‘yan natutupad (seryoso ako, peksman!).

Bata pa ako nung unang nagconcert sa Pinas ang Backstreet.  Get Down pa lang ata ang narerelease nila nun.  Medyo wala pa akong kamuwang-muwang at babae pa ata noon si Nick Carter lels.  Nung bumalik uli sila, graduating na ako sa highschool at medyo ngarag mode na sa projects at extracurricular sa school kaya hindi ko masyadong naisip na isingit pa sa schedule ko ang pagpapakafangirl sa kanila.  Hindi naman ako nagsisi dahil naisip ko marami pa namang next time, kahit nga laos na international artists nakakailang concert pa, Backstreet pa kaya? ang magsabi ng laos na ang BSB, masasaktan sa’kin!!

At dumating nga ang next time, February 2010, balik-Manila sila.  Sakto! Sakto, nasa Amerika naman ako!  At seryosong inisip ko na umuwi ako sa Pinas kahit 1 week makanood lang.  Pero syempre ‘di ko tinuloy, dahil sinabay talaga ng tadhana na may mga exams ako nung week na ‘yon.  At syempre, dahil wala akong pera.

Marami pang next time.

Kaya ‘di naman ako nawalan ng pag-asa.  Buong-buo pa naman sila at nagshoshow pa din all over the world.  Kaya tuloy ang positive thinking.

Uuwi ako sa Pinas sa May.  Nung nakapagbook na kami ng flight, nabalitaan ko na magkoconcert daw uli ang Backstreet sa Manila.  June 3 is the day! Sakto!! Sakto talaga.  June 2 naman ang alis ko sa Pilipinas.

Bakit ganun? Wala naman akong balat sa pwet at wala akong matandaang butiki na naputulan/pinutulan ko ng buntot pero bakit parang ang malas ko? Bakit ganun? Meron bang larong pambata na may dalang kamalasan sa future na malamang nalaro namin ng mga kapitbahay ko? ‘Yung langit-lupa? Dr. Kwak kwak? Aha, ‘yung mic-mac-bayolafe-ek-ek no???? TELL ME!!??

Oh well, papel, bilang pampakalma at para na din sa mga kapwa ko fangirls out there, i-quit playing games with my heart na lang natin ang kaartehan kong ‘to.  Ang music video na nagpapatunay daw na babae si Nick Carter dahil nakasara ang polo niya at ‘di nagpakita ng dibdib at abs. WAHAHAHAHAHA (for more trivia, PM me… chos!)

Ok, all together now: ♬ Quit playing games with my heart, with my heart, with my heart ♬

Advertisements

Shampoo

Mag-aalas-nuwebe na ng gabi, hindi pa din ako naliligo.  Mamantika na ang buhok ko, para na namang nabanlawan ng expired na baby oil.  Teka, naeexpire ba ‘yon? Hay, tumatanga na ata talaga ako.  Nakakahiya sa Grade 2 teacher ko na halos ipusta ang buhay ng lahat ng classmates ko sa sobrang suporta sa talino at galing ko (daw) hanggang sa paggraduate ko sa elementary.  Patay na siya ngayon.  Sumalangit nawa.

Ang lamig ng tubig, nakakatamad tuloy maligo.  Ubos na pala ang shampoo na gusto ko, nakakatamad lalo maligo.  Sa totoo lang, lagi namang malamig ang tubig na lumalabas sa gripo namin at lagi ding walang laman ang plastic na lagayan ng paborito kong shampoo.  Hanggang ngayon, lagi ko pa ding nakakalimutang halos nasaid ko na nga pala ‘yung laman pero dahil wala namang sari-sari store sa bawat kanto dito sa Amerika kaya kailangan ko pa talagang pumunta sa grocery store, nirerefill-an ko na lang lagi ng tubig.  Nagbabaka-sakaling bumula pa din kahit sobrang diluted na nung “shampoo”.  Anak ng pating na lasing! nagamit ko sa isang sentence ang diluted.  Parang ang talino ko.  Pwede nang i-tweet at i-status sa facebook para ma-feel ng mga kakilala ko na nasa Amerika nga ako.   Sosyal-sosyalan kunwari.  Balik sa routine ko sa pagligo, ‘buti na lang swak na sa’kin ang kakarampot na “shampoo” kahit na halos umabot na sa beywang ko ang buhok ko sa haba.  Narinig ko noon sa tv na ‘yung buhok lang daw sa may anit ang dapat shinashampoo, tapos ‘yung icoconditioner lang ‘yung sa may bandang dulo.  ‘Yun daw ang susi sa mala-commercial model na buhok.  Syempre, sinunod ko naman.  Mapagpatol ako sa mga ganyang “sikreto” daw ng mga artista e.  “Sikreto” pero nirereveal naman nila on national television.  Ayun, sikreto na ng buong Pilipinas.  Hanep na ‘yan.

Hanggang ilan ba ang pwedeng maki-join sa isang “sikreto”? Dalawa: ikaw plus your bestest pal? Tatlo dahil ang bilang: ikaw, bff mo, tapos boyfriend mo kahit na ‘di naman  talaga siya nakinig nung kinuwento mo sa kanya? 1-to-sawa? Parang recruitment sa Katipunan, isang Katipunero magyayakag ng dalawang tropa, tapos ‘yung dalawang napa-oo nung unang Katipunero, tig-2 din sila dapat ng sesend-an ng friend request, tapos magtutuloy tuloy hanggang dumami? Shet.  Ang sarap sigurong maging loner.  ‘Yung alam mong wala kang utang na kwento sa kahit kanino kasi nga loner ka.

Sa totoo lang, wala akong reklamo dun sa mismong rate ng paglipad ng mga “sikreto” mula dun sa unang receiver.  E ikaw nga na nagmamay-ari nung mismong “sikreto”, ‘di mo kinayang itago lang dyan sa kaloob-looban mo, ‘yung pa kayang dinamay mo lang kahit na ‘di naman siya involved dun sa “sikretong” ‘yon? Tapos gegiyerahin mo ‘yung una mong sinabihan kapag kumalat na nga ‘yung “sikreto” mo? E kung nagwarning naman siya sa sinabihan niya ng “uy, sikreto lang natin ‘to ha”, may kasalanan pa din ba siya? Labas na dapat siya sa kaso na ‘to.  Dun ka sa next na sinabihan.  Or sa next.  Or sa next pa.  Kapag pagod ka na, subukang manalamin.  Kumindat sa sarili at tumango-tango.  Killer killer, who’s the killer.  Paborito kong laruin ‘yun nung bata ako.

Diyan dumadating ang self-assessment.  Ano bang uri ng mga kaibigan meron ka? Kapag sinabi kong kaibigan, hindi ‘yan ‘yung mga Facebook friends mo o ‘yung mga madalas mag-like sa profile picture mo nung nasaktuhan mo ang anggulo ng mukha mo at ang shade ng liwanag kaya nag-mukha kang artistahin.  ‘Yung tunay.  ‘Yung pwedeng interview-hin kapag namatay ka at magsasabi ng totoo, hindi ‘yung “mabait po siyang tao, sobrang caring, isang tawag or text lang, nandyan na kaagad”.  Well, may mga tao talagang ganyan, pero alam kong gets mo na ang point ko, ‘wag kang slow.  Kung ang tanging choice mo lang na masabihan ng problema at sikreto ay ‘yung mga tipong source ng lahat ng tsismosa sa barangay n’yo, panahon na para tingnan ang sarili at irecall ang mga ginawa mo o hindi ginawa sa buhay.  Birds of the same feather ang tawag diyan.  Kung ako sa’yo, magpapalagas ako ng balahibo at sasahimpapawid sa ibang ruta.

Hindi ko alam kung ano ang nagawa ko o kung naku-cute-tan sa’kin si Papa God pero nabiyayaan ako ng mga tunay na kaibigan.  ‘Yung alam kong makakapagpatunay (o pasisinungalingan) na mabuti akong tao kapag nanghingi na ‘yung simbahan ng mga pruweba kapag dumating na ‘yung punto na i-koconsider akong maging santo.  ‘Yung hindi ako itsitsismis sa ibang tao.  ‘Yung alam kung hanggang saan ang limit ng ka-share-share sa buhay ko.  ‘Yung alam kung kelan dapat gumamit ng metaphors, ng salitang “tanga” na hindi nakaka-offend, ng realization sa loob ng isang joke, at ng codenames.  ‘Yung babatok sa’kin kapag may gagawin akong katangahan.  ‘Yung magpapalakas ng loob ko kapag may gagawin ako na sa tingin ko ay katangahan pero hindi naman talaga.  ‘Yung magpapaalala sa’kin kung ano ang kaibahan nung dalawang sitwasyon na ‘yon. Ganun.

Hindi pa din ako naliligo.  Actually, tinatamad lang ako.  Ang lamig kasi saka walang shampoo.

 

Paminsan-minsan (Kung friends tayo, this is for you)

Maraming may sabi noon na akala nila tahimik ako at walang ibang ginawa kundi pumuri at magpasalamat sa kabaitan at existence ng ibang tao na nakakasalubong ko.  Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o hindi sa tuwing nababagok na ang mga kaibigan ko at narerealize na nilang mali pala ang first impressions nila sa akin.  Pero dahil positive talaga akong tao at may selective kindness din naman ako, iisipin ko na lang na birds of the same feather flock together at honesty is the best policy.  Go figure.

Malapit na akong mag-tatlong taon dito sa sweet home Alabama, kaya naisipan kong i-enumerate ang mga nagbago sa buhay ko para siguraduhing nasa earth pa ako at hindi pa ako naiinception at ilista ang mga short term goals ko para i-update ang mga taong nakakakilala sa’kin na binabayaran ko para basahin ang blog ko.

1.  Nagpagupit ako.  Pixie cut.  Ayokong itwitpic, baka ikalat mo!

2.  Uuwi dapat ako sa Pinas sa May, kaso may 80% probability na maudlot dahil sa nagbabadyang bagong trabaho.

3.  Idedeactivate ko muna ang facebook at twitter ko next sem dahil full load ako at baka hindi kayanin ng utak at puso ko ang distraction.

4.  Kumakain na ako ng okra at peanut butter.

5.  Kung maging 100% probability ang #2, baka matagalan pa ang pagbabalik-pinas ko dahil baka magtrabaho muna ako para makabayad agad sa student loan.

6.  Nanood ako ng 3D movie ni Justin Bieber at ako’y nabieberized.

7.  Hindi na ako masyadong nanonood ng TFC, nakakaemo kasi lalo.

8.  Naimpluwensyahan na ako ng ate ko sa matinding devotion niya sa skirts, dresses, at heels.

9.  Nagpunta ako sa beach nung Spring break.  Note: beach. Spring break. beach. Spring break.

10.  May boyfriend na ako. ♥

11.  Mas macheesy pa ako sa cheez-whiz ngayon, promise.

12.  May bago na akong part-time na trabaho: taga-maintain ng isang ride sa isang amusement park.  Libre sakay na din.

13.  Gumawa ako ng sarili kong version ng “Friday” at inupload ko sa Youtube.

14.  Nag-audition ako sa talent show sa school namin nung isang taon.  Syempre, hindi ako nanalo.

15.  Dalawang buwan na akong hindi nainom ng kape.  At balak kong ituloy tuloy na ang rehab kong ‘to.  Masarap naman palang mabuhay ng walang kapeng dumadaloy sa katawan ko.

16.  Manonood ako ng laban ni Pacquaio at Mosley sa May.  Bati na kasi kami ni Manny.

17.  Malabo na ang mata ko kaya madalas na akong may suot na salamin.  Full time nerd na talaga ako.

18.  Bumagsak ako sa elective kong Algrebra.  Medyo hindi kasi nagtugma ang landas namin ni x,y, at z.

19.  Hiniling kong bday gift ang DVD ng Jersey shore season 4.

20.  Mas gusto ko ng tumira dito at magpakastateside hanggang sa pagtanda ko.

May mga blogpost na ang hirap gawan ng intro at ng ending.  Minsan parang wala ng sense at walang koneksyon ‘yung unang paragraph sa mismong laman nung blog at sa ending.  Minsan talaga mahirap isalin ‘yung bawat detalye at emosyon sa bawat salita, sa tamang salita, sa tamang panahon.  Parang we had the right love at the wrong time at How can something so wrong
Feel so right all along name that tune LOLJK.  ‘Yung parang walang nakakaintindi sa’yo at walang nakakagets ng punto mo?  Ganyan talaga minsan.  Minsan feeling mo malabo ka pa sa plastic labo.

 

 

Ang minsan kong ‘yon ay ngayon.

 

 

 

April 1.

 

 

 

Happy April Fools’ Day.

 

P.S. Totoo talaga ‘yung #6 e. Baby baby baby ooooh Baby baby baby nnnoooo, char. Happy April Fools’ uli.

5/4

Nung bata pa ako, napagbabaligtad ko ang evaporated milk at condensed milk.  Akala ko sa langit napupunta ang mga lobong nabibitawan ng mga batang mahina ang attachment sa pisi.  Akala ko bawal uminom ng tubig kapag kumain ka ng madaming manggang hilaw at bagoong.  Ngayon solved na ako sa mga maling akalang ‘yan.  Pero, nasobrahan ata ako.

Magpatuloy sa pagbasa

Ang dimple ko

Meron akong dimple sa kaliwang pisngi.  Meron akong dimple sa kaliwang pisngi na hindi marunong lumitaw kapag ngumingiti ako.  Kahit ilang beses kong praktisin sa harap ng salamin, ayaw niya pa din.  Kaya sa lahat ng pictures ko, hindi halatang biniyayaan ako nun.  Kaya kung nakita mo na ako sa personal, sa pictures sa mga illegal na sites o sa billboards malamang iniisip mo nang nagfifeeling lang ako at desperada lang magkaroon ng photogenic na ngiti.  Pero totoo, isasangla ko pa ang buhay ng mayor namin kahit pati ang wig niya (full set edition), may dimple talaga ako.


Labingsiyam na taon ko nang kinoconfront ang dimple ko.  Kung ayaw niya namang magpakita, bakit pa niya ako sinamahan sa buhay ko, di ba? Kung tutuusin, ang existence nila ay may kaakibat na purpose na magpacute sa mga pictures, para kahit may malaking taling siya sa ilong o pwede ng i-connect-the-dots ang mga pimples niya sa mukha, masasabi pa ding, ay ang lalim ng dimples ng batang ‘yan.  Pwede ko namang palabasin ang dimple na ‘yon paminsan-minsan sa mga ‘di inaasahang pagkakataon tulad ng: kapag nagtotoothbrush ako, nagsasalita o sumisigaw, nanguya o nasipsip ng candy, kapag (note: imagination start) nag-uhhmm ako sabay tago sa upper at lower lip o kapag kinagat o dinilaan ko ang labi ko (tapos na ang imagination time).  Hindi na rin masama, pero kapag picture-an na, nawawala na siyang parang bula pwera na lang siguro kung ang pose na gagawin ko sa picture ay may kinalaman sa mga nabanggit kong pagkakataon, solved na ang problema kong napakalalim.  Kaya naiisip ko na lang minsan na kabilang ang dimple ko sa mga nilalang na hindi pa matagpuan ang calling nila sa buhay o hindi pa nakakabili ng purpose driven life, gulong-gulo, nababaliw, naliligaw.  Pangpalubag loob na lang ‘yan sa sarili ko.



Hindi big deal para sa maraming tao ang ganitong problema.  Kaso nanghihinayang kasi ako na ako na nga lang ang nabiyayaan ng dimple sa aming 5 magkakapatid, mahiyain pa ang naampon ko.  Ito na sana ang bagay na maisasampal ko sa mga taong walang kasing kulit na nagsasabing nakakalito daw kung sino ang sino sa amin.  Ito na sana ang edge ko.  Madedescribe ko na  sana ang sarili ko, physically.  At siguro mas naging camera whore ako kaysa sa kakatihan kong maging cameraman sa lahat ng okasyon.  At baka humble ko pang maikukuwento sa iba na may dimple ako kaysa sa magtunog naghahallucinate at nakaka-whatever sa sinumang makukwentuhan ko.  Baka sakaling may iba akong comment na natanggap sa mga pictures ko bukod sa malaki ang mukha ko at matambok ang pisngi ko.


Maraming bagay sa buhay na hindi man natin nakikita, cool na tayo sa ganung setting.  Batok, bumbunan, leeg, tenga at kung anu-ano pa sa katawan natin.  Hindi man natin nakikita kahit ano’ng ikot at baluktot ng katawan natin, alam nating nandiyan sila sa bawat pagkapa at paghimas natin sa kanila.  Hangin, salubsob sa daliri, ingrown na kuko sa paa, multo, hindi man sila nakikita ng ating mga mata gaano pa ito kalinaw, sa bawat pagdating naman nila ay siguradong nagpaparamdam sila at nagpapaepal upang i-assure tayo na nandyan na sila.  Ang mga tunay na kaibigan at mahal sa buhay na kahit gaano man katoxic ang schedule o gaano kalayo ang lugar na ginagalawan  o gaano man kaiba ang direksyon ng buhay sa iyo o kung buhay pa o patay man  kahit na hindi  mabigyan ng pagkakataong mangamusta o dumalaw o magpakita ng mahabang panahon, sa kabila ng lahat, madadaig ng tibay ng samahan at pagmamahal para sa isa’t isa ang anumang hadlang, mararamdaman mong forever na silang nandyan para sa iyo anuman ang mangyari.  Si Bro, ang mga alaga niyang angels, at ang buong setting ng mundong ginagalawan nila, hindi na natin kailangang hingan ng pruweba at picture upang patunayang totoo sila at alam nating bahagi sila ng buhay natin na walang ending kahit pa minsan ay may ilang elementong nagpapaduda sa ilan sa atin.  Hindi lahat ng bagay sa buhay ay katulad ng isang dimple.  Hindi lahat ng misyon sa buhay ay kasing babaw ng halaga ng isang dimple.  Hindi lahat ng buhay ay kailangan ng isang dimple, hindi lahat ng buhay ay nadadaan sa isang dimple, hindi lahat ng ngiti ay nasusukat ng isang dimple, hindi lahat ng pictures ay kailangan ng isang dimple.  Muli akong nagliliwanag ngayon, pausoAte, kuhanin mo na ang martilyo at pako, simulan na nating palalimin ang pakipot na dimple na ito, dali. Ikaw gusto mo ba?

Saan: Super Oriental

Hindi tulad sa California at sa iba pang mataong state, kaunti lang ang mga tindahan at tambayan dito para sa mga Asian lalong-lalo na sa mga Pilipino.  Isa sa mga paborito ko ay ang SUPER ORIENTAL.  Sa sobrang pagkapaborito ko, 2 beses ko na siyang dinadalaw.  Pangatlo ngayon.


Drive.  Drive.  Drive ng halos 30 minuto mula sa bahay (malayo na ‘yun para sa travel time dito).  May napadpad pang lady bug sa loob ng sasakyan namin.  Aaaaahh ate!!!! picture-an mo, dali!!.  Kung kailan hindi ko dala ang camera ko ay saka pa may present at ready magpapicture na insekto sa paligid ko, at isang lady bug pa, e sa A Bug’s Life ko lang naka-close-up ang katulad niya.  Malas na nilalang ata talaga ako.

Pagliko sa parking lot, tenen, Super Oriental heto na ako! remember me??.    Super Oriental: Ha? Never heard.

Pumasok na kami.  Pull.  Yes, pamatay ang chimes ng pintuan nila.  Hindi isang simpleng TING! o CLING! o EENK!.  Instrumental, mellow, parang ‘yung mga naririnig mo sa mga Chinese resto, parang buong kanta na.  Pwede ng gawing soundtrack ng pelikula.

Tatay ko: (pagkakita sa isang walang kamalay-malay na mamang papasok sa tindahan) Aay, Pilipino din ‘yun.

Ate ko: (pagkakita sa isang Koreanese na naka-istambay sa may pintuan) Oooh, friend ko ‘yan.

Nanay ko: Asan na ba ang galunggong na ‘yun? Nandito lang ‘yun e.  Aaay ang laki ng tuyo oh.  Gusto n’yo ba ng tuyo? *pisil*

Oo, sabog lagi ang usapan namin basta nasasabik kami sa mga nakikita ng aming mga mata.


Nakakamiss ang mga pagkain sa Pinas.

Ate ko: Naku, Nagaraya! Kung may Nagaraya na sila ngayon, naku mayayapos ko talaga ‘yang tindera na ‘yan.

Ako: Wah, Pretzel.

Ate ko: WWWOOOOHHHHHH. Oh my, gusto ko ‘yan.

Tatay ko: (kasalukuyang namamakyaw ng Pancit Canton)

Ako: Tay, ang mahal naman netong kalamansi (juice).

Tatay ko: Ha? Magkano? (sumagot ako) Akin na, ibabalik ko.

Ako: Sinabi ko lang naman na mahal.  Ikaw na mismo ang nagsabi, kung gusto mo talaga, bilhin mo (parang pag-ibig lang *o*).  Kaya bilhin mo na.  Ikaw naman magbabayad di ba?

Ako: Wow! Ang laking Hello Panda.

Ate ko: Hay naku, wala talagang Nagaraya.

Ako: Ate, NOVA!

Ate ko: Nakita ko na ‘yan dati.  Eto Chippy, gusto mo ba?

Ako: Ayoko nga!! Chippy? E ‘di ba lasang *tut*tut* ‘yan?

Ate ko: Tange, Humpy Dumpy ‘yun.

Ako: Ay, oo nga pala.

Ako: Ate, tingnan mo. tenen!

Ate ko: C2!!! favorite ko ‘yan!!!!

Ako: Kaso lemon lang.

Ate ko: Nye.  Ayoko niyan.

Ako: Oo, masakit sa lalamunan.  Pang-may sakit.

Ako: Wow, puto seko.  Aah u-ra-ro oh. (stress on 2nd syllable)

Nanay: Uraro! (mas mabilis na pagbigkas, stress on the last)

Ako: Ah, ganun ba ‘yun.  ‘Di ko alam.  Ate, URARO oh.

Ate: Ano ‘yun?

Ako: ‘Yung hugis bulaklak.  Basta masarap.  Eto oh!!! May puto seko din.

Ate: PUTO SEKO!!! Asan? Gusto ko ‘yung gawang Quezon e.

Ako: (sabay basa sa packaging) Mey-ca-u-a-yan, Bu-la-can.  Eto Bulacan oh.

Ate: E ‘di hindi Quezon.

Ako: Hindi nga.

Ako: E gusto mo ba ng Peng Pai Pao?

Ate: Ha?

Ako: PENG PAI PAO. (Hindi ko din alam kung ano ang laman nun)

Ako: Aaay, ang cute nung drawing oh.  Aaay, eto, gusto mo? Ice-cream-ice-cream-an.  Parang nung bata tayo.  Mga kung anu-anong shape ng sugary thingy.  Aaay, eto mas may effort na ice-cream-ice-cream-an.

Ako: PENG PAI PAO!!!

Tatay ko: Tara na.

Ako: PEEENNNGG!

Ako: Oo nga, wala akong gana ngayon e.

Ako:  Tay, ikaw na magbayad sa cashier, lagi mainit ang ulo ng cashier dito e.

Ate ko: Ano ba ‘yan, nahiya pa si tatay sa mango juice.  Tinira pa ‘yung isa sa shelf.

Ako: Ate, hello kitty oh!

Ate: Ano ka, BATA!?!

(nagwalk-out na ang ate ko, at naiwan akong nag-iisa at nagayuma ng kinang at alindog ni hello kitty)

May ballpen, pambura, notebook na iba-ibang hugis, bag, wallet, tsinelas, unknown things, at kung anu-ano pang ka-ek-ekan na may drawing ng mukha niya.  Parang gusto kong bumili ng isa, tapos pipicture-an ko para sa blog ko.  Bwahahaha.  Alin kaya dito?? Hmm.  Naaaliw pa din ako ni Hello Kitty.  Aaah ang cute! Ay, ang galing. Wah, parang gusto ko neto.  Habang parang sinasapian na ako sa magic spell at charms ni Hello Kitty, naririnig ko ang tv na tunog Intsik.  Ni hao ding shao shi shi ting pao sio pao min me shao xu yi ye chuk chak chenes… muntik ko ng sabayan ang pagiintsik nung nasa tv dahil nawala na ako sa sarili dahil kay Hello Kitty.  Past time kasi namin ng mga kapatid ko ang panonood nung Chinese cook na nakaka-wow ang style of cooking, tipong nilublob na sa kung saan saan ang sandok, ‘yun pa din ang panghalo at walang aarte-arte dahil expert siya sa gulok.  Oo, paborito naming sabayan ang pagiintsik niya kasabay ng background music ng tilamsi ng kawali, Ni hao (ssssshhhh <—kawali yan) ding shao (sssshhhh) ting pao (ssssshhh)… kaya naging sakit na namin ‘yan.  Buti na lang naalala kong Intsik nga pala ang mga tao dun at baka mabatukan ako.  Hay, naku.  Pahamak kang hello Kitty ka!  Dahil diyan, hindi na kikita bibilhin.  Babu.

Ako: O, asan na ang pinamili natin?

(sabay kita sa mga binili namin sa isang maliit at gamit na kahon)

Ate ko: Yes, naman, parang lipat bahay lang.


Paalis na sana kami, nang biglang hindi talaga makapagpigil ang tatay ko sa mango juice na iniwan niyang nag-iisa sa shelf.  Seryoso talaga ang quote niya na kapag gusto mo talaga, bilhin mo, inaapply namin lagi ‘yun.  At bago kami nagpaalam ng tuluyan sa paningin ni Super Oriental, naiuwi ng tatay ko ang isa pang mango juice.

Homesick

BABALA:  Overrated ito.  Lahat  naman ng comedy na pelikulang Pinoy, may isang espesyal na drama scene.  Tipong mag-iiyakan o magkokonsensyahan o magsusumbatan ang mga bida.  Highlight ‘yan kadalasan bukod syempre sa bonggang-bonggang outing sa beach o sa park tapos may dance number o kaya kantahan with full choreo at props.  Kaya kahit pilit na pilit akong magpakaclown sa blog na ito, dumadating talaga ang punto sa buhay ko na hindi ko mapigilan ang magdrama at magpaka-emo.  Hindi ko mapigilan ang pagtulo. ng. luha.  Kung talent manager ka, ayoko.  Ayokong mag-artista.  Pramis.



Gusto ko nang umuwi.


Kung makakapulot lamang ako ng pangbili ng ticket pauwi ngayon din, ok na sana ako.  Kanina, nag-emote na naman ako nang halos ilang oras.  Nang dahil sa isang simpleng dahilan, namaga ang mata ko ng buong araw pagkatapos ng todo-todong pagiyak sabay tulog upang makalimot at mahimasmasan.


Maaga akong gumising kanina.  Wala akong trabaho at ganun din ang ate ko.  Mamaya, mag-iinternet ako tapos mag-eexercise bago mag-lunch tapos manonood ng dvd tapos gagawa ako ng blog mamaya, tama kailangan ko nga palang magsulat ng bagong blog, tapos magvivideoke kami, siguro oldies but goodies na lang uli kakantahin namin ngayon, habang nagmimiryenda, ano nga kaya’ng meryenda namin?, tapos manonood ng tv tapos mag-iinternet uli baka may online mamaya tapos sisimulan ko ng basahin ‘yung bago kong libro. Ganyan kahalaga sa akin ang bawat off day ko.  Kahit kadalasan 4 days lang naman ang pasok ko kada linggo, lagi pa din akong sabik makauwi sa bahay at makapagrelax at maging bum.  Kahit papaano ay nadidistract ko ang sarili ko mula sa depression at pressure kapag off ako at nakakapagmoment sa bahay ng mag-isa.  Habang nag-aagahan kami ng ate ko at nag-iimagine na ako ng gagawin ko para sa buong araw biglang nag-ring ang telepono.  Pinapapasok kami sa trabaho ng boss namin dahil kaunti lang ang tao nila ngayon at kakailangan nila ng extrang tulong.  Eeeenk.  Parang naputol ang pantasya ko.  Wala naman akong mahalagang gagawin.  Kung tutuusin, mas ok siguro na kikita ako ng extra pay sa linggo na ito kesa magpakalusaw ako sa harap ng computer at tv.  Pero mabilis ang sagot ng puso at isip ko, ayoko.  Dug.dug.dug.  Pressure.  Nakakahiya sa boss ko at sa tatay ko.  Parang ilang oras na trabaho at extrang pera, tinatanggihan ko pa.  Pagkatapos ng 2 oras na pag-iisip ng dahilan, umiyak na lang ako.  Umiyak ng umiyak.  Kung tutuusin, madali lang naman ang trabaho ko at off din naman uli ako sa Martes at saka hindi ba’t masamang tanggihan ang grasya at malamang para sa karamihan grasya ang dumating sa akin sa puntong iyon.  Pero ayoko talaga.  Naisip ko, na sa kabila ng lahat ng positive thinking ko ng halos ilang buwan, hindi nga ata talaga ako masaya dito.  Hindi.


Gusto ko nang umuwi.


Hindi ko alam kung bakit kahit ano’ng isipin kong future ko dito, naiiyak pa din ako sa tuwing naaalala ko ang buhay sa Pilipinas.  Kahit na marami akong mga kaibigan na nagsasasabing ang swerte-swerte ko daw na andito ako samantalang sila nandun, mainit, magulo, mahirap ang buhay, hindi ko maramdaman at mapahalagahan kung nasaan man ako ngayon.  Ganun nga ata talaga ng tao, gusto ang bagay na wala sa kanya.  At kabilang ako sa mga taong ‘yun.  Pero nung mga panahong wala naman sa mga kamay ko ang pagkakataong makarating dito, walang kahit anong maliit na hinala at pag-asang matutuloy pala ang petisyon ko para makapunta dito, at kahit na alam kong bihira ang mga taong nabibiyayaan ng visa at green card, hindi ako humiling na sana makuha ko ito, na sana mapunta ako dito, na sana maging ganito ako.  Masaya na ako kung nasaan man ako dati.  Masaya na akong mabuhay sa mundong nakasanayan ko at masaya ako.  Kung hindi sana ako napunta dito, 4th yr na ako sa up.  Mag-oojt na.  Malapit nang magthesis.  Marami na siguro akong natutunan sa classroom at sa org.  Marami na siguro akong naging kaibigan at kakilala.  Marami na siguro akong naexperience at na-accomplish.  Mas ok na ako siguro ako ngayon.  Hindi ganito.  Halos malabo ang future.  Hindi ko nga alam ang plano ko sa buhay ko.  Nalimutan ko na nga ata kung paano maging ako, kung paano magpaka-independent at umarte nang tama sa edad ko, kung paano mag-isip at magdesisyon ng para sa sarili ko.  Isa lang ang dapat isumbat sa akin,  isa kang selfish b.  Alam ko.


Ngayong araw na ito, isang taon na akong wala sa Pilipinas.  Isang taon na.  At hanggang ngayon hindi pa din ako ok.


Gusto ko pa ding umuwi.


Kung wala sana ako dito, hindi ganito ang title ng blogsite ko, ang malikot na mundo ng ilusyonadang starlet. Hindi sana kulong sa maliit at natigil kong mundo ang mga kwento at pagtingin ko sa buhay.  Hindi sana ako ganito kagulo at kasabaw.  Hindi ganito.  Sa ngayon magpapakalulong muna siguro ako sa sarili ko, umaasang magiging ok din ako balang araw.  Baka.  Sana.