HS

Kanina, napagtripan na naman namin ng ate kong korean wannabe na magreminisce ng highschool life.  ‘Di ako mag-eemote ngayon dito kaya ‘wag mangambang paiiyakin kita pero dahil alam kong mas nakakaengganyo talagang magbasa ng kahit ano (e.g. nobela, tula, love letter ni manliligaw/ka-MU/cuddle partner, notes sa Biology, o manual ng nabili mong camera na nakakaganda raw) kapag may background music, nagpost na din ako ng Youtube video sa ibaba para makantahan ka ni Ate Shawie ng “Highschool Life” habang nagbabasa.  ‘Wag masyadong dibdibin ang lyrics (lalo na kung may bigla kang naalala) dahil baka hindi maka-get-over at masisi mo pa ako.

Mag-aanim na taon na simula nung grumaduate ako, pero hanggang ngayon nakakamiss pa rin ang highschool days.  Karamihan naman ata, hindi nakakamove-on sa buhay highschool nila.  Kung pa-highschool pa nga lang siguro ako ngayon, excited na siguro ako dun sa bagong pauso ng DepEd na K12 curriculum.  Mantakin mo, maeextend ng 2 years ang bonding moments n’yo ng mga kaibigan mong makakakuntsaba mo sa pageexperiment sa maraming bagay (e.g. hairstyle, bisyo, lovelife, extracurricular and other pa-epal activities, fashion style, music, at kung anu ano pang kaweirdohan at kabaliwan), makakagroup mo sa pagbuo ng pangarap (o ‘yung mandadamay sa course na kukunin para classmates pa din kayo hanggang college), at makakasama mo sa pagtransition mula sa pagiging batang uhugin at mukhang sabukot sa pagiging dalaga at binata na unti-unting magiging problema ang ayos ng buhok (at bangs), kung paano ang pinakamabisang paraan para mapansin ni crush o ng gustong ligawan, kung kanino kokopya  ng assignment (o exam), kung saan tatambay pagkatapos ng klase (o kung kelan aabsent para tumambay), o kung may tagos ba sa palda (at kung sino ang hihingi ng bulak na may hydrogen peroxide sa clinic at kung paano mo ieexplain sa nurse na hindi sapat ang isang bulak para makatanggal ng tagos nang hindi siya makukulitan at maiinis sa’yo).  ‘Yun nga lang extra gastos talaga ‘yang K12 na ‘yan sa mga nagpapa-aral at pinapaaral ang sarili kaya malalim na isyu ‘to na hindi ko kayang i-blog nang seryoso.  Masarap lang isipin na sana nga mas matagal ang highschool life namin noon.  Sana tinanggal na lang ‘yung kinder (tutal isa lang naman ang naging kaibigan ko ‘nun) o binawasan ng ilang taon ‘yung elementary (tutal dun ata lumapad ang paa ko kakatakbo nang nakapaa para ‘di mataya sa sikyo at kakatalon nang nakapaa para magwagi sa chinese garter, 10/20, at kung anu-ano pang larong goma na may dinedeklarang mother).  Sana hindi na lang pala kami nagbakasyon noon tuwing summer o kaya sana naka-dorm kaming lahat sa loob ng campus para nasulit ‘yung maraming pagkakataon at bonding moments.  Kapos kasi e, alam mo ‘yon?

Pero swerte ko kasi kahit na sa tingin ko na bitin ang highschool days na binigay sa’min, nakahanap pa rin ako ng mga tunay na kaibigan na hanggang ngayon ay mga taong pinakamalapit  pa rin sa akin.  At namiss ko sila ngayon (‘yung mga madalas mag-online, medyo na lang syempre).  Pero kahit miss ko na kayo, ayokong humingi ng reunion kasi si Tyron Perez, ‘yung namatay na artista na bunga nung talent search na Starstruck, hingi daw nang hingi ng reunion.  Ayan, dedbol na ngayon.  ‘Yang paghingi ata ng reunion ang modernong katapat ng pagkanta ng My Way.  Marami pa akong pangarap kaya kita kits na lang whenever, wherever.

dapat wacky na lang lagi ang class picture, mas makatotohanan kasi.. AT challenging!

Shampoo

Mag-aalas-nuwebe na ng gabi, hindi pa din ako naliligo.  Mamantika na ang buhok ko, para na namang nabanlawan ng expired na baby oil.  Teka, naeexpire ba ‘yon? Hay, tumatanga na ata talaga ako.  Nakakahiya sa Grade 2 teacher ko na halos ipusta ang buhay ng lahat ng classmates ko sa sobrang suporta sa talino at galing ko (daw) hanggang sa paggraduate ko sa elementary.  Patay na siya ngayon.  Sumalangit nawa.

Ang lamig ng tubig, nakakatamad tuloy maligo.  Ubos na pala ang shampoo na gusto ko, nakakatamad lalo maligo.  Sa totoo lang, lagi namang malamig ang tubig na lumalabas sa gripo namin at lagi ding walang laman ang plastic na lagayan ng paborito kong shampoo.  Hanggang ngayon, lagi ko pa ding nakakalimutang halos nasaid ko na nga pala ‘yung laman pero dahil wala namang sari-sari store sa bawat kanto dito sa Amerika kaya kailangan ko pa talagang pumunta sa grocery store, nirerefill-an ko na lang lagi ng tubig.  Nagbabaka-sakaling bumula pa din kahit sobrang diluted na nung “shampoo”.  Anak ng pating na lasing! nagamit ko sa isang sentence ang diluted.  Parang ang talino ko.  Pwede nang i-tweet at i-status sa facebook para ma-feel ng mga kakilala ko na nasa Amerika nga ako.   Sosyal-sosyalan kunwari.  Balik sa routine ko sa pagligo, ‘buti na lang swak na sa’kin ang kakarampot na “shampoo” kahit na halos umabot na sa beywang ko ang buhok ko sa haba.  Narinig ko noon sa tv na ‘yung buhok lang daw sa may anit ang dapat shinashampoo, tapos ‘yung icoconditioner lang ‘yung sa may bandang dulo.  ‘Yun daw ang susi sa mala-commercial model na buhok.  Syempre, sinunod ko naman.  Mapagpatol ako sa mga ganyang “sikreto” daw ng mga artista e.  “Sikreto” pero nirereveal naman nila on national television.  Ayun, sikreto na ng buong Pilipinas.  Hanep na ‘yan.

Hanggang ilan ba ang pwedeng maki-join sa isang “sikreto”? Dalawa: ikaw plus your bestest pal? Tatlo dahil ang bilang: ikaw, bff mo, tapos boyfriend mo kahit na ‘di naman  talaga siya nakinig nung kinuwento mo sa kanya? 1-to-sawa? Parang recruitment sa Katipunan, isang Katipunero magyayakag ng dalawang tropa, tapos ‘yung dalawang napa-oo nung unang Katipunero, tig-2 din sila dapat ng sesend-an ng friend request, tapos magtutuloy tuloy hanggang dumami? Shet.  Ang sarap sigurong maging loner.  ‘Yung alam mong wala kang utang na kwento sa kahit kanino kasi nga loner ka.

Sa totoo lang, wala akong reklamo dun sa mismong rate ng paglipad ng mga “sikreto” mula dun sa unang receiver.  E ikaw nga na nagmamay-ari nung mismong “sikreto”, ‘di mo kinayang itago lang dyan sa kaloob-looban mo, ‘yung pa kayang dinamay mo lang kahit na ‘di naman siya involved dun sa “sikretong” ‘yon? Tapos gegiyerahin mo ‘yung una mong sinabihan kapag kumalat na nga ‘yung “sikreto” mo? E kung nagwarning naman siya sa sinabihan niya ng “uy, sikreto lang natin ‘to ha”, may kasalanan pa din ba siya? Labas na dapat siya sa kaso na ‘to.  Dun ka sa next na sinabihan.  Or sa next.  Or sa next pa.  Kapag pagod ka na, subukang manalamin.  Kumindat sa sarili at tumango-tango.  Killer killer, who’s the killer.  Paborito kong laruin ‘yun nung bata ako.

Diyan dumadating ang self-assessment.  Ano bang uri ng mga kaibigan meron ka? Kapag sinabi kong kaibigan, hindi ‘yan ‘yung mga Facebook friends mo o ‘yung mga madalas mag-like sa profile picture mo nung nasaktuhan mo ang anggulo ng mukha mo at ang shade ng liwanag kaya nag-mukha kang artistahin.  ‘Yung tunay.  ‘Yung pwedeng interview-hin kapag namatay ka at magsasabi ng totoo, hindi ‘yung “mabait po siyang tao, sobrang caring, isang tawag or text lang, nandyan na kaagad”.  Well, may mga tao talagang ganyan, pero alam kong gets mo na ang point ko, ‘wag kang slow.  Kung ang tanging choice mo lang na masabihan ng problema at sikreto ay ‘yung mga tipong source ng lahat ng tsismosa sa barangay n’yo, panahon na para tingnan ang sarili at irecall ang mga ginawa mo o hindi ginawa sa buhay.  Birds of the same feather ang tawag diyan.  Kung ako sa’yo, magpapalagas ako ng balahibo at sasahimpapawid sa ibang ruta.

Hindi ko alam kung ano ang nagawa ko o kung naku-cute-tan sa’kin si Papa God pero nabiyayaan ako ng mga tunay na kaibigan.  ‘Yung alam kong makakapagpatunay (o pasisinungalingan) na mabuti akong tao kapag nanghingi na ‘yung simbahan ng mga pruweba kapag dumating na ‘yung punto na i-koconsider akong maging santo.  ‘Yung hindi ako itsitsismis sa ibang tao.  ‘Yung alam kung hanggang saan ang limit ng ka-share-share sa buhay ko.  ‘Yung alam kung kelan dapat gumamit ng metaphors, ng salitang “tanga” na hindi nakaka-offend, ng realization sa loob ng isang joke, at ng codenames.  ‘Yung babatok sa’kin kapag may gagawin akong katangahan.  ‘Yung magpapalakas ng loob ko kapag may gagawin ako na sa tingin ko ay katangahan pero hindi naman talaga.  ‘Yung magpapaalala sa’kin kung ano ang kaibahan nung dalawang sitwasyon na ‘yon. Ganun.

Hindi pa din ako naliligo.  Actually, tinatamad lang ako.  Ang lamig kasi saka walang shampoo.

 

Remember Me?

Ngayon pa lang feeling ko kandidato na ako sa mga magkaka-Alzheimer’s 60 years mula ngayon.  Nalilito na ako sa mga birthdays at pangalan ng mga taong kakilala ko.  Hindi ko namamalayan na ang taong kinamusta ko limang minuto ang nakakaraan at ang taong sinabihan ko ng ang tagal na nating hindi nagkikita nang hindi pabiro ay iisa lang pala.   Nakakalimutan ko na ang subject ng kinukwento ng kausap ko pagkatapos niyang magre-enact at magemote emote ng halos 30 minutes.  Pati favorite kong color at kung ilang taon na ako ay nakakalimutan ko na din.  Kung kaibigan kita at nag-aalala ka na kung kilala pa kita, kung feeling mo kasali ka sa mga kakausapin ko dito, pwes, ika’y magalak, kilala pa kita at malamang espesyal ka dahil maliit lang ang memory space ko at isa ka sa mga nakapasa sa audition ng kung sino ang tunay na unforgettable.

Magpatuloy sa pagbasa

High School.

stolen shot. ang tunay na kami.

Rewind.  Next life.  Wildcard.  Second chance.  Kung mabibigyan man sana ako ng pagkakataon na ulitin ang lahat, bakit hindi?

Namimiss ko ang high school.  ‘Yung simpleng buhay estudyante.  ‘Yung pagsakay ko ng baby bus araw araw kasabay ng alingawngaw ng mga jologs na kanta.  May kasamang kaba pa na baka masarhan ka ng gate at makuha ni Sir Manguera ang i.d mo.  Namimiss ko na din ang flag ceremony, ‘Oh my Jesus, through the Immaculate Heart of Mary, we offer you our prayer…’ hanggang sa pagkanta ng College Hymn at sa ‘you may pass now..’ at kapag minalas malas naman, mapaulit ni Mam Norris na magflag ceremony habang pinapanood ng ibang section na nakasilip sa mga bintana ng classroom nila.  Nakakamiss ang pagtambay sa recess, minsan pressured sa pagrereview o paggawa ng assignment, minsan sa pagiging parasite sa pagkain ng iba o kadalasan sa pagmamatyag sa crush o sa mga posibleng tsismis, mas ok lalo kung wash day ng mga college students.  Nakakamiss din ang long table sa canteen at ang maling ng Twin Bee.  Ang stress at taranta sa paghagilap ng kokopyahan o pagpapraktis ng presentation na wala pang script at props o pagbili sa Fina’s ng mga nakalimutang materials na kailangang dalhin.  Nakakamiss ang meryendang dala ng seatmate mo sa mga subjects na nakakaantok pasukan o paggugroup message sa mga taong abot tanaw mo lang naman pero dahil matatapos na ang Unlitxt mo, kailangan mong sulitin kahit tanong lang kung meron silang kendi o kung ano ang assignment sa susunod na araw.  Nakakamiss ang tunog ng bell, na halos kada oras sumisingit sa daldalan o sa panghuhula mo sa exam.  Nakakamiss ang mga locker at ang pagtambay sa piling nila.  Ang tambakan ng mga kalat, kung anu-anong papel at props, iwanan ng PE uniform, tagabantay ng payong na pilit kong iniiwan dahil sagabal sa bag, taguan ng maraming sikreto, karanasan at ala-ala.

Magpatuloy sa pagbasa