Instant Oatmeal

Hay, sobra na naman sa  tubig ang oatmeal ko.  Para na namang binuhusan ng hugas bigas.

Sa mga panahong tulad nito, lalo kong nararamdaman ang hirap ng walang nanay.

Mag-aalas-dose na pala.  Hindi tulad ni Cinderella, hindi ko pansin ang takbo ng oras, ang galaw ng mga kamay ng orasan.  Natapos ko na naman ang isang araw.  Ginising ko ang ate kong nakatulog sa sofa dahil sa kahihintay sa akin.  Pinapatulog ko na siya dahil may pasok pa siya bukas.  Ayoko pang matulog.  Hindi pa ako dinadalaw ng antok.  Weird.  May l.q. ata kami ng katauhan kong antukin.  Magulo pa ang lamesa namin.  Kailangan ko muna atang maglinis.  Ano ang nakain mo? Tanong ‘yan ng ate ko at maaaring tanong ko din sa sarili ko.

Ano nga ba ang nakain ko? Hindi ko alam.  Mas madali sigurong sagutin ang tanong na ano ang hindi ko na nakakain.  Marami.  Hindi ko alam kung ano at ilan.  Basta ang alam ko, ang maraming ‘yon ay luto ng nanay ko.  Nakakamiss ang maraming ‘yon.  Iba ang lasa ‘nun.  Kakaiba.  Masarap.  Walang katulad.  Basta.

Ibang-iba na ngayon.  Nasa sariling bahay namin ako ngayon pero ang pakiramdam ko nasa boarding house ako.  Malaya.  Independent.  Tahimik.  Kanya-kanyang kilos.  Walang nanay.

Kapag nag-iisa ako, ramdam na ramdam ko kung paano nag-iba ang hangin sa bahay namin.  Magulo ang pagkakasalansan ng mga damit namin sa drawer.  Naaayos ko minsan tuwing umaga pero parang magulo pa din.  Iba pa rin ‘yung dati.  Bihira na din ang mga prutas na namamahinga sa ref namin.  Hindi na bongga ang tanghalian namin tuwing Linggo na dati rati ay animo’y laging may fiesta.  Wala ng nagluluto ng turon at bananacue kapag meryenda na.  Ang mga basong naiwang nakatunganga sa lamesa tuwing gabi ay nandun pa rin pagdating ng umaga, ni isang sentimetro ay hindi sila gumalaw.  Wala ng sumisigaw at nanenermon sa aming magkakapatid at sa aso namin.  Wala ang nanay naming kahit may baong megaphone 24/7 ay laging handang manlambing at maging isang cool na nanay.

Ano nga ba ang nakain ko? Weird.  Hindi ako ganitong ka-seryoso.  Ipinanganak na akong clown.  Tagapagpatawa sa mga ate ko at tagacontribute ng ingay at gulo sa bahay namin.  Masarap tumawa at ngumiti pero mas masarap magpatawa at magpangiti.  Mas madali.  Mas ok.  Ano ang nakain ko?  Hindi ko alam.  Nasobrahan na naman siguro sa tubig ang oatmeal ko.

– 12/05/07

nung panahong nanay-less ako at naging fulltime emo

Advertisements

5/4

Nung bata pa ako, napagbabaligtad ko ang evaporated milk at condensed milk.  Akala ko sa langit napupunta ang mga lobong nabibitawan ng mga batang mahina ang attachment sa pisi.  Akala ko bawal uminom ng tubig kapag kumain ka ng madaming manggang hilaw at bagoong.  Ngayon solved na ako sa mga maling akalang ‘yan.  Pero, nasobrahan ata ako.

Magpatuloy sa pagbasa

High School.

stolen shot. ang tunay na kami.

Rewind.  Next life.  Wildcard.  Second chance.  Kung mabibigyan man sana ako ng pagkakataon na ulitin ang lahat, bakit hindi?

Namimiss ko ang high school.  ‘Yung simpleng buhay estudyante.  ‘Yung pagsakay ko ng baby bus araw araw kasabay ng alingawngaw ng mga jologs na kanta.  May kasamang kaba pa na baka masarhan ka ng gate at makuha ni Sir Manguera ang i.d mo.  Namimiss ko na din ang flag ceremony, ‘Oh my Jesus, through the Immaculate Heart of Mary, we offer you our prayer…’ hanggang sa pagkanta ng College Hymn at sa ‘you may pass now..’ at kapag minalas malas naman, mapaulit ni Mam Norris na magflag ceremony habang pinapanood ng ibang section na nakasilip sa mga bintana ng classroom nila.  Nakakamiss ang pagtambay sa recess, minsan pressured sa pagrereview o paggawa ng assignment, minsan sa pagiging parasite sa pagkain ng iba o kadalasan sa pagmamatyag sa crush o sa mga posibleng tsismis, mas ok lalo kung wash day ng mga college students.  Nakakamiss din ang long table sa canteen at ang maling ng Twin Bee.  Ang stress at taranta sa paghagilap ng kokopyahan o pagpapraktis ng presentation na wala pang script at props o pagbili sa Fina’s ng mga nakalimutang materials na kailangang dalhin.  Nakakamiss ang meryendang dala ng seatmate mo sa mga subjects na nakakaantok pasukan o paggugroup message sa mga taong abot tanaw mo lang naman pero dahil matatapos na ang Unlitxt mo, kailangan mong sulitin kahit tanong lang kung meron silang kendi o kung ano ang assignment sa susunod na araw.  Nakakamiss ang tunog ng bell, na halos kada oras sumisingit sa daldalan o sa panghuhula mo sa exam.  Nakakamiss ang mga locker at ang pagtambay sa piling nila.  Ang tambakan ng mga kalat, kung anu-anong papel at props, iwanan ng PE uniform, tagabantay ng payong na pilit kong iniiwan dahil sagabal sa bag, taguan ng maraming sikreto, karanasan at ala-ala.

Magpatuloy sa pagbasa

Homesick

BABALA:  Overrated ito.  Lahat  naman ng comedy na pelikulang Pinoy, may isang espesyal na drama scene.  Tipong mag-iiyakan o magkokonsensyahan o magsusumbatan ang mga bida.  Highlight ‘yan kadalasan bukod syempre sa bonggang-bonggang outing sa beach o sa park tapos may dance number o kaya kantahan with full choreo at props.  Kaya kahit pilit na pilit akong magpakaclown sa blog na ito, dumadating talaga ang punto sa buhay ko na hindi ko mapigilan ang magdrama at magpaka-emo.  Hindi ko mapigilan ang pagtulo. ng. luha.  Kung talent manager ka, ayoko.  Ayokong mag-artista.  Pramis.



Gusto ko nang umuwi.


Kung makakapulot lamang ako ng pangbili ng ticket pauwi ngayon din, ok na sana ako.  Kanina, nag-emote na naman ako nang halos ilang oras.  Nang dahil sa isang simpleng dahilan, namaga ang mata ko ng buong araw pagkatapos ng todo-todong pagiyak sabay tulog upang makalimot at mahimasmasan.


Maaga akong gumising kanina.  Wala akong trabaho at ganun din ang ate ko.  Mamaya, mag-iinternet ako tapos mag-eexercise bago mag-lunch tapos manonood ng dvd tapos gagawa ako ng blog mamaya, tama kailangan ko nga palang magsulat ng bagong blog, tapos magvivideoke kami, siguro oldies but goodies na lang uli kakantahin namin ngayon, habang nagmimiryenda, ano nga kaya’ng meryenda namin?, tapos manonood ng tv tapos mag-iinternet uli baka may online mamaya tapos sisimulan ko ng basahin ‘yung bago kong libro. Ganyan kahalaga sa akin ang bawat off day ko.  Kahit kadalasan 4 days lang naman ang pasok ko kada linggo, lagi pa din akong sabik makauwi sa bahay at makapagrelax at maging bum.  Kahit papaano ay nadidistract ko ang sarili ko mula sa depression at pressure kapag off ako at nakakapagmoment sa bahay ng mag-isa.  Habang nag-aagahan kami ng ate ko at nag-iimagine na ako ng gagawin ko para sa buong araw biglang nag-ring ang telepono.  Pinapapasok kami sa trabaho ng boss namin dahil kaunti lang ang tao nila ngayon at kakailangan nila ng extrang tulong.  Eeeenk.  Parang naputol ang pantasya ko.  Wala naman akong mahalagang gagawin.  Kung tutuusin, mas ok siguro na kikita ako ng extra pay sa linggo na ito kesa magpakalusaw ako sa harap ng computer at tv.  Pero mabilis ang sagot ng puso at isip ko, ayoko.  Dug.dug.dug.  Pressure.  Nakakahiya sa boss ko at sa tatay ko.  Parang ilang oras na trabaho at extrang pera, tinatanggihan ko pa.  Pagkatapos ng 2 oras na pag-iisip ng dahilan, umiyak na lang ako.  Umiyak ng umiyak.  Kung tutuusin, madali lang naman ang trabaho ko at off din naman uli ako sa Martes at saka hindi ba’t masamang tanggihan ang grasya at malamang para sa karamihan grasya ang dumating sa akin sa puntong iyon.  Pero ayoko talaga.  Naisip ko, na sa kabila ng lahat ng positive thinking ko ng halos ilang buwan, hindi nga ata talaga ako masaya dito.  Hindi.


Gusto ko nang umuwi.


Hindi ko alam kung bakit kahit ano’ng isipin kong future ko dito, naiiyak pa din ako sa tuwing naaalala ko ang buhay sa Pilipinas.  Kahit na marami akong mga kaibigan na nagsasasabing ang swerte-swerte ko daw na andito ako samantalang sila nandun, mainit, magulo, mahirap ang buhay, hindi ko maramdaman at mapahalagahan kung nasaan man ako ngayon.  Ganun nga ata talaga ng tao, gusto ang bagay na wala sa kanya.  At kabilang ako sa mga taong ‘yun.  Pero nung mga panahong wala naman sa mga kamay ko ang pagkakataong makarating dito, walang kahit anong maliit na hinala at pag-asang matutuloy pala ang petisyon ko para makapunta dito, at kahit na alam kong bihira ang mga taong nabibiyayaan ng visa at green card, hindi ako humiling na sana makuha ko ito, na sana mapunta ako dito, na sana maging ganito ako.  Masaya na ako kung nasaan man ako dati.  Masaya na akong mabuhay sa mundong nakasanayan ko at masaya ako.  Kung hindi sana ako napunta dito, 4th yr na ako sa up.  Mag-oojt na.  Malapit nang magthesis.  Marami na siguro akong natutunan sa classroom at sa org.  Marami na siguro akong naging kaibigan at kakilala.  Marami na siguro akong naexperience at na-accomplish.  Mas ok na ako siguro ako ngayon.  Hindi ganito.  Halos malabo ang future.  Hindi ko nga alam ang plano ko sa buhay ko.  Nalimutan ko na nga ata kung paano maging ako, kung paano magpaka-independent at umarte nang tama sa edad ko, kung paano mag-isip at magdesisyon ng para sa sarili ko.  Isa lang ang dapat isumbat sa akin,  isa kang selfish b.  Alam ko.


Ngayong araw na ito, isang taon na akong wala sa Pilipinas.  Isang taon na.  At hanggang ngayon hindi pa din ako ok.


Gusto ko pa ding umuwi.


Kung wala sana ako dito, hindi ganito ang title ng blogsite ko, ang malikot na mundo ng ilusyonadang starlet. Hindi sana kulong sa maliit at natigil kong mundo ang mga kwento at pagtingin ko sa buhay.  Hindi sana ako ganito kagulo at kasabaw.  Hindi ganito.  Sa ngayon magpapakalulong muna siguro ako sa sarili ko, umaasang magiging ok din ako balang araw.  Baka.  Sana.