Ang Bakasyong May Moral Lessons

Nagbakasyon uli ako sa Pinas, pero this time, kumpleto na kami ng pamilya ko.  Masaya dahil sa mga loved ones, sa pagkain, at sa maraming bagay na nahahawakan at hindi nahahawakan.  Sa halos tatlong linggo ko dun, marami-rami akong natutunan at narealize.  Kung nais malaman (at nais ma-enlighten by me), magsayang ng oras at basahin ang blogpost ko.

  • Iwasan ang stress at pagka-irita sa buhay.

Naiwanan kami ng flight namin papuntang Bohol (dahil sa Park ‘N Fly) at muntik nang mag-ala Claudine Barretto ang ate ko sa NAIA 3.  Hassle.  Sayang ‘yung pera, ‘yung isang araw na nawala sa bakasyon namin, at ‘yung pagod ng ate ko sa pagpaplano.  Plus, dagdag stress pa sa’min.  Nakakahinayang at nakakainis.  Pero naging ok din naman kami.  Nag-enjoy pa rin sa bakasyon na sinimulan na lang namin officially the next day.

May mga ganung araw talaga na nasisira ‘yung plano at expectations mo dahil sa joined forces ng takbo ng buhay/ ugali/plano ng ibang tao, ng weather, ng tadhana, at ng plano ni Papa God (pwede ka bang isama sa reasons Papa God? pls reply. hehe).  Pero ‘di na rin minsan makakatulong kung magsisisihan, maiinis, magmumukmok, at mabubuhay ka sa mga what if’s.  Mas ok kung mag-iisip na lang muna ng plan B at magmove-on.  Bumagsak sa exam? I-treat ang sarili ng kung anumang pinakapaborito mong gawin, ‘wag lang illegal.  At mag-aral na lang uli sa susunod na exam.  Sinabihan ka na tumaba ka? Ngumiti at saka siya daganan chos.  Nafriendzone? Maging mabuting kaibigan.

Alam ko na marami pang mas malalang scenario sa buhay.  ‘Di ko na alam kung anong solusyon kapag mas mabigat na problema na.  For more inquiry, talk to God. or to Manny Pacquiao.

  • Nakakaaliw ang “3 Idiots”.

Kung hindi mo pa napapanood ‘yun, pwes, gusto kong mafeel mo na wala kang kwenta… as in parang botang may butas sa taong ayaw mabasa ang paa laban sa susuunging baha, ganung level… hahaha chos lang! Pero seryoso, panoorin mo.  Nakakaaliw siya at higit sa lahat, nakakainspire.  Sana lahat tayo katulad ni Rancho, ‘yung bida sa pelikula, ‘yung alam kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay? saka ‘yung kayang mambara ng professor at epal na classmate? Walang kasing cool! Dear God, kung ‘di ako pwedeng maging katulad ni Rancho, balatuhan mo na lang ako ng isang kaibigang katulad niya, iaalay ko ang mga kaibigan ko, kahit silang lahat pa, medyo may depekto lang ‘yung iba pero madadaan naman siguro sa training at seminar para pumasa silang angels mo, ano? deal?

  • Walang kasing galing ang mga piloto ng PAL.

Bilang isang nilalang na may mga kapatid na malaki ang trauma sa pagsakay ng eroplano, maniwala ka sa’kin!

  • Matutong ngumuya.  huwag ipagkait sa ngipin ang kanyang essence of existence.

Masakit makalunok ng balat ng lumpiang shanghai.  Try at your own risk.

  • Tumae kung natatae.

Dahil nga nakalunok ako ng balat ng lumpiang shanghai, umalis ako ng bahay na saging at tubig lang ang nakain unggoy lang ang peg.  Pagpasok sa bowling center sa MOA, ramdam na ramdam ng katawan ko ang temperature gradient (gradient = mukha bang tanga kapag nagpapasok ng mga ganyang salita once in a while? wahahahaha).  Dahil ang luwang ng tshirt at shorts na suot ko nun, ang tindi ng himas ng lamig ng aircon sa tiyan ko.  At ‘yon na.  Totoo pala ‘yung sa mga commercials no? ‘Yung mapapatigil ka sa isang spot at ayaw mong gumalaw kasi isang galaw mo lang mapapahamak ka? Biglang nagflashback ang mga kilala kong napatae sa salawal nung kinder at elementary, “ngayon naiintindihan ko na kayo guys.. group hug”.  For the record, di naman ako napatae sa salawal (kung oo, aamin ba ako? lels).  Pero seryoso, hindi nga.  Pero wala na akong nagawa kundi jumebs sa public restroom kahit na taliwas ‘yon sa mga prinsipyo ko sa buhay.  Keri ko naman palang gawin ‘yon, at ‘di naman pala ganun kahirap.  Hindi kami natuloy magbowling ‘nun (kaya ‘wag kayong maka-eeww dyan, dahil ‘di ko hinawakan ang mga bowling balls sa MOA after jumebs) pero umuwi ako nun na magaan ang pakiramdam.  Lumiwanag ang kapaligiran, lumamig lalo ang dampi ng hangin, at lumuwang lalo ang suot kong shorts, parang na-redefine ang buhay ko dahil lang sa paglelet-go ng kahihiyan at tae.  Oh, the wonders of life.  Kaya, my dear friends, kung natatae, tumae.

  • Masarap ang isaw kahit basa.

Minsan lang ako makauwi sa Pinas kaya ninanamnam ko ang bawat pagkakataon kapag nakakauwi nga ako.  Kalimutan ko na ang mga kaibigan at ate ko (charot!!) pero hindi ang isaw sa diliman.  Pagkatapos ng maghapong paglalakad at pagmumuni-muni, wala pang alas tres, nakaabang na kami sa may UP Law, tinatanaw ang pagdating ng anino ng kahit na sino.  Dumating ang nagttinda ng fishballs, kwek-kwek, at ice cream kaya sign na ‘yon na nalalapit na si Mang Larry, ang nagtitinda ng pinakapanalong isaw.  Nang biglang bumuhos ang ulan.  Dumating na din si Mang Larry, topless pa.  Pati ang mga assistant nya, nagshow-off din ng abs.  Pero dahil medyo malayo-layo ang pwesto nila at ‘di na kami makagalaw sa kinauupuan namin dahil ang liit ng dala naming payong, sa mas malapit na stall na lang kami naka-order ng isaw (infairness, masarap!).  Kahit putikan na ang mga paa namin at medyo natutuluan na ng ulan ang baso ng suka namin, lasap na lasap ko pa din ang sarap ng tae sa bituka ng manok at ang overflowing abs sa natatanaw naming stall ni Mang Larry.  Isaw experience: fulfilled!

  • Isang busina ka lang!

Ipupusta ko ang buhay ni Justin Bieber, pinakamadiskarte sa lahat ng drivers sa buong mundo ang mga nasa Metro Manila.  Sa states, may red light, yield, stop, at konsepto ng right of way.  Simple, parang yes or no lang, walang partial points at gray area.  Mas nakakarelate ako sa ganun pero sa tingin ko ang cool ng takbo ng mga sasakyan sa Pilipinas.  Mantakin mo, parang may maze lagi tapos hindi ka pwedeng sumuko dahil wala ka namang magagawa dahil kahit saang kalsada ka pa dumaan, ganun din ang lagay.  Bawal ang weak dahil aabutin ka ng sampung taon bago ka makakarating sa pupuntahan mo (e kung date ‘yon, e di, dyahe di ba?).  Tapos unang magbusina, dibs! Walang kasing cool, parang game show ala quiz bee, unang magbuzzer ang syang pwedeng sumagot.  Kaya sa lahat ng Pinoy drivers out there, wala man sa traffic rules minsan ang ginagawa nyo, virtual high five tayo!  Sa susunod na may mag-cut sa’kin at mangbully na driver dito sa amerika, ipapatapon ko s’ya dyan sa Pilipinas, kayo na ang bahala sa kanya, ok?

  • BE REAL.

Ako na lang ang hindi malabo ang mata sa pamilya namin.  Well, ‘yun ang gusto kong isipin.  Natapos ko ang second to the last sem ko nung May nang nanghuhula sa nakasulat sa board o sa projector screen at nakapasa naman ako sa multiple choice-quizzes ko sa Socio (epekib at masaya pala ‘yung eenie-meenie miney moe).  Pero dahil na rin sa mga taong nagsasabi na kailangan ko na talagang magsalamin lalo na dun sa kumuha ng order ko sa Red Ribbon na after kong magtanong kung ano ‘yung nakasulat sa menu screen dahil masyadong malayo ay sinabihan ako at ini-stress maigi sa puso ko ang  “ay malabo na mata nyo mam?“, nagpasukat na ako ng salamin nung nasa Pinas ako.  Ang sarap pala ng feeling na nakakabasa ka na ng maliliit na letters kahit malayo at nakikita mo ang pimples ng mga tao sa paligid.  Tapos hindi na ako mukhang bastusin kasi mukha na akong attorney, ‘yun talaga ang target ko sa bawat araw na ginawa ng Diyos e.  Ok din ang salamin kapag inaantok na ako at biglang dumating ang boss ko, ‘di halatang kakahikab ko lang.  At higit sa lahat, naovercome at napatunayan kong ‘di pala totoo ang isa sa mga greatest fears ko sa buhay, na baka maging kamukha ako ni Charice kapag nakasalamin na ako.

  • Laos ang internetz kung masaya ka in real life.

Wala akong ibang ginagawa sa bahay kapag wala ako sa school o sa work kundi makipagbonding sa computer.  Twitter. Facebook, WordPress, Tumblr ni Ramon, blogs ng kung sino-sino, showbiz news portals, pati yahoo homepage.  Kaya updated ako sa mga bagay bagay, kahit mga nonsense lang.  Updated din ang internet sa buhay ko na kahit pagka-amaze ko sa outfit ni Kuya Germs sa Walang Tulugan ay tinutweet ko pa.  Pero nung umuwi ako sa Pinas nung May, hindi ako masyadong nakapaginternet kahit na may chance 24/7.  Hindi ko hinanap at hindi ko masyadong namiss.  Ganun pala talaga kapag ineenjoy mo ang buhay with friends and family.  Di mo na masyadong maiisip na magsayang ng oras online dahil nga hindi naman kailangan at saka less fun.

Pero para sa mga tulad ko na medyo locked up abroad at ang internet lang ang sagot sa pagkahomesick, ok lang magbabad maghapon at magdamag, go lang.  Sa mga nasa Pinas, wala namang masama kung lagi kang online, sayang naman talaga lalo na kung may free wifi.  Pero siguraduhin na kapag nabigyan ng chance na makasama ang mahahalagang tao sa buhay mo, namnamin ang presence niya/nila.  By namnamin, pwedeng figuratively o literally (‘wag nang magbigay ng example ng action words).

As always, na-enjoy ko ang bakasyon ko sa Pinas.  Kapos pero masaya.  Kaya thank you sa lahat! I miss you too (syempre inaassume ko na miss na miss nyo na ako).  ‘Til next time! ♥

kamusta naman ang pagkapantay ng kulay ng braso ko?

Short term friends

Friends forever and ever.  As in, ever after. Or not.

Marami akong kaibigan, kahit na konti lang ‘yung nakakakwentuhan ko madalas ngayon, at karamihan sa kanila, naging official friend ko lang pagkatapos ng mahaba-habang warm-up at getting-to-know stage.

Iba-ibang klase ng tao ang nakakasalamuha natin araw-araw; pero hindi naman lahat nang ‘yun ay ipinain ng tadhana para kagatin natin at icategorize agad-agad as: (a) friend/BFF  (b) potential lovelife (c) others (kung anuman ang tawagan ng mga tao ngayon sa paghahave-fun without commitments).  Merong nakikilala lang natin kahit walang espesyal na rason, nagkataon lang na nandun siya sa parehong lugar sa mga oras na ‘yon katulad mo.  Kasing simple ng 1+1.

Kahit na palyado ako minsan sa pagmememorize ng mga acad-related stuff, kaya kong ipusta ang inosente pero maligalig na si Dora the Explorer kapag sinabi kong ‘di ako nakakalimot, hindi lang sa mga taong naging kaclose ko talaga, pero pati sa mga taong saglit ko lang naencounter (tunog panandaliang aliw pero peksman, wholesome post ito).

Si Ate Flo.  Nakilala namin ng mga kaibigan ko habang nakatambay kami sa stairs sa labas ng Kalai nung unang week ng freshie days namin.  Graduate na sya nun at tumatambay lang talaga siya paminsan-minsan sa campus.  Nakipagkwentuhan siya sa’min nang ilang oras na pati pangalan ng mga ate ko, nasabi ko sa kanya.  Second year na ako nung nakita at nakakwentuhan ko siya uli.  ‘Yun na din ang huli.

My first airport friend.  ‘Di ko na matandaan ang pangalan niya pero alam ko na nag-aaral siya ng college sa Mindanao pero nasa Canada ang buong pamilya niya.  Magbabakasyon siya sa Canada ‘nun dahil sembreak, ako naman hindi ko alam kung bakasyon ba ang pupuntahan ko sa Alabama at kung sakop pa din ba ako ng sembreak kahit na hindi naman ako nag-enrol nung nakaraang sem.  Natuwa ako sa kanya dahil ‘di nalalayo ang height namin sa isa’t isa at dahil mas may lakas ng loob siyang sundin ang trip niyang mag-aral sa Pinas kumpara kay, ahem, sa’kin.  Nagkahiwalay kami paglabas namin ng eroplano sa port of entry namin.  End of airport friendship.

Si Julie.  Isa sa mga naging kaibigan at karamay ko sa pagpapakafangirl sa Hale.  Nakilala ko siya sa Grand EB (yes, may Grand talaga) ng Halers, at dahil nga eyeball, first time namin siya makita nang kaibigan ko na kaibigan ko na talaga bago pa magkaroon ng Hale sa buhay groupie ko.  Walang naging awkward moments nun dahil busy kami masyado sa kilig at saya kahit na anino pa lang ni Champ at pati ng pinsan niya sa gilid ng stage ang nasisilayan namin.  At ‘yun ang naging simula ng ilang buwan ding pagaadik sa yahoo groups at text clans at ang bonus na virtual friendship.

 

Wala na akong balita sa kanila, at hindi naman kasama sa mga short term goals ko ang hanapin sila via Wish Ko Lang o Isumbong Mo Kay Tulfo feature.  Wala nga sigurong dahilan kung bakit ko sila nakilala o kung meron man,  sigurado ako na enough time na ‘yung binigay ni Papa God para maaccomplish ang dapat maaccomplish.  Kung hindi pa, malamang babalik sila sa kung anumang paraaang hindi ko alam.  Kaya kung may special mission pa pala ‘yung nag-abono ng pamasahe mo sa jeep dahil wala kang barya at walang panukli si manong o ‘yung nakatabi mo sa pila sa pagkuha ng NBI Clearance at nalabasan mo ng sama ng loob sa hirap ng pagpila, hindi pa tapos ang moment.  Baka magkasalubong kayo uli next month, bukas, o maya-maya.   (Kung hinaluan mo ng malisya ‘yung sinabi ko dahil type mo ‘yung taong pumasok sa isip mo bigla, ‘wag masyadong umasa, delikado ang over kilig, masisi mo pa ako).

The Org Applicant

Bigla kong namiss ang batchmates ko nung nagaapply ako sa isang acad org nung nasa Pinas pa ako at ‘yung mismong application process, ‘yung stress, buwis buhay na schedule, at mala-rollercoaster na pakikipagbuno sa iba-ibang emosyon ARAW- ARAW.  ARAW-GABI.  24/8.

Dalawang beses akong naging aplikante: unang sem ko bilang freshie (lakas lang ng loob ko, sign-up agad agad sa college orientation) at 2nd yr 1st sem.

Nung unang sabak ko bilang isang member-wannabe, below sea level ang kapal ng mukha ko nang magsimula na ang bilangan ng tambay hours.  At ilang linggo lang, sumuko na din ako katulad ng mga kablock kong nauna na din.  Pagkatapos kong mag-paalam sa buddy ko, pakiramdam ko nakapagpyansa ako bago pa man ako mahatulan ng death penalty.  Ganung kagaan sa pakiramdam.

Kung pahinga lang  at noynoying time ang paguusapan, saganang sagana ako nung freshie ako pagkatapos kong talikuran ang future-org-life.  Pati acads ko nakichill din sakin pero keber lang dahil ang sarap ng stress-free life ko nun: walang target GWA basta ba pumapasa, walang org, walang PE (oh yes ninamnam ko yan pagkatapos kong matrauma sa badminton prof ko), walang kung anumang extracurricular activity.  Whew!

Pero dumating ‘yung panahon na nagparamdam uli ang curious other self ko na gustong gustong maging member ng Chemsoc, 1st sem, 2nd yr.  At dahil nagkahamunan, nagsign-up uli kami ng mga kaibigan ko.  “Mem ka na din sana“, sabi sa’kin nung nagbabantay sa registration table ng org.  Sana nga.

At naging pinakamemorable na sem ko ang sem na ‘yun, malaking parte dahil sa buong application process.  Naging kaclose ko ang mga blockmates ko na di ko naman masyado ka-close, at nakakilala ng mga bagong kaibigan sa ibang block at ibang batch.  Ang sarap pala sa pakiramdam na alam mong may mga tao na pwede mong yayaing mag-lunch, magfoodtrip, o mag-“group study” anytime.  Madaming org requirements pero mas dumami ang memories at moments.

Nagenjoy ako nang sobra pero aminado ako na ilang beses kong naisip magquit.  Pero sadyang malakas ang hatak ng mga co-apps ko, kaya di ako sumuko.

Tumagal ako.  Pero hindi ako umattend ng final rites.  At pinagsisihan ko ‘yun.  Nang mahabang panahon.  Pero hindi ang buong adventure mula ng mag-sign-up ako hanggang magfinal interview.  No regrets sa mahabang oras ng pagtulog na pinagkait ko sa sarili ko nung sem na ‘yon, sa dagdag stress sa utak ko na haggard na nga ata ang naging default mode noon dahil sa Math series at Chem 17, never-ending na puyatan at brainstorming sessions, paglibot sa AS nang naka-Tiger costume, at kahit hindi pagligo at pagtulog ng almost 2 days (ay, wait, may regrets pala ako dahil na-unleash ata ang kaartehan at kaweirdohan ko dahil sa mga co-apps at mems….. chos!)

Kung pwede lang maging aplikante sa Chemsoc buong college life, gagawin ko (<— ang tapang!!).

Kahapon, official akong naging member ng Phi Kappa Phi sa bago kong school.  Wala man sa balak ko bago ako magcollege, sobrang honored ako na mapasali sa PKP.  Gagawin ko ang pinakasuperlative na best ko sa pagsaboy ng inspiration at academic superpowers ko (kung meron nga) saanmang lupalop ako mapapadpad.

Walang okasyon pero dahil naalala ko kayo kahapon habang iniinduct ako, shoutout sa co-apps, mems, at syempre sa buddy ko noon.  Wala sana akong balak maging member ng kung anumang org/society dahil tinaga ko sa bato na walang papalit sa Chemsoc sa puso ko pero aprub na aprub kasi ang PKP.  Marami namang compartments ang puso ko so may space para sa inyong dalawa (at ehem crush, may space allotted din para sayo). *Group hug*

At sa mga halos patapos na sa pag-aapply sa org of your dreams, advance congratulations!! Sa mga nagbabalak pa lang mag-apply next sem, go you!! kaya mo yan kahit na sa tingin mo hindi mo na kaya (dadating at dadating ang point na madedrain talaga ang GV mo), magpasampal sa co-app kapag nageemo na at gusto na magquit, baka naghahallucinate ka lang.  Ienjoy ang buhay app/mem, high five! 🙂

Boybands

Nagconcert pala kagabi sa Pinas ang A1, Blue, at isang member ng 98˚.  Sa kasamaang palad, di na sila kilala ng mga bagets ngayon dahil puro Justin Bieber-like at KPop na ang uso.  Buti na lang talaga, napili agad ako ni Papa God noon nung nagpaaudition siya ng mga batang ipapanganak nung late late 80’s/early 90’s, thanks to my biboness bilang egg cell.  At dahil nostalgic ang pagpaparamdam ng mga boybands lately, magrereminisce ako ng mga kinahumalingan kong pop group noon.  Dear kids, eto ang mga boybands na namiss nyo.  Sikat na sikat sila noon kahit walang Youtube, Itunes, Facebook, at Twitterrrr. Imagine-nin kung gaano kachallenging maging fangirl noon.

NSNYC

Favorite member: JC Chasez

Least favorite member: Lance Bass

Muntik nang naging least favorite member: Justin Timberlake (dahil sinolo nya halos lahat ng kanta nila sa 3rd album kahit na parang inipit ng pinto ang boses at mga ungol niya)

Most gasgas song everr: This I Promise You

Pinakapanalong music video: Bye, Bye, Bye

Most favorite song: I Drive Myself Crazy

Trivia: May double si Joey Fatone sa buong music video ng Pop (di ko yan ginoogle ha! napanood ko yan noon sa Making the Video sa MTV <– whutever happened sa show na yan, sayang)

Hindi ka fan kung hindi mo alam: ang meaning ng “NSYNC”

98˚

Favorite member: Jeff Timmons

Least favorite member: Jessica Simpson este Nick Lachey

Masarap kantahin sa karaoke: wala masyado.. pero pwede na ang The Hardest Thing

Most gasgas themesong everr: I Do Cherish You

Most favorite song: Still

Pwedeng sayawin sa school program: Because of You (true story ito, 2 beses pa to nangyari nung elementary ako)

Hindi ka fan kung hindi mo alam: kung meron bang magkapatid sa kanila at kung sino yun sa kanila

Trivia (sakin walang kokontra): 98˚ and Rising <– unang album na pinagtyagaan kong pakinggan ng paulit ulit hanggang maisulat ko ang lahat ng lyrics.  Ganun ako kakuripot, maski songhits namamahalan ako.

O-Town

Most favorite member na handa kong pakasalan noon: Jacob Underwood

Least favorite member/s: the rest

Most gasgas song everr: All or Nothing

Most favorite song: The Painter

Trivia: May “comeback” album silang ginagawa since January 2011 pero 4 na lang sila, minus Ashley Parker Angel (trivia donated by google)

Hindi ka fan kung hindi mo alam: kung sino sa kanila ang hindi “original” member  at ‘di parte ng grupo pagkatapos ng mahabang pilian sa “Making the Band”

Backstreet Boys

Most favorite member: Brian Littrell

Next favorite member/s (close 2nd): the rest

Tsismis na muntik ko nang paniwalaan: babae si Nick Carter

Masarap kantahin sa videoke (solo): I’ll Never Break Your Heart

Masarap kantahin sa videoke (group): Quit Playing Games with My Heart

Most favorite music video: All I Have to Give

Most kilig part ng isang music video: patagilid na ngumiti ni Nick sa I Want It that Way (wag manghusga, bata pa ako kaya mababa pa ang kilig standards ko noon)

Most favorite song: Like A Child

Most gasgas song everr: Wala!!!!!! (<– walang bias yan)

Hindi ka fan kung hindi mo alam: kung sino ang magpinsan sa kanila

Trivia: Sa music video ng As Long as You Love Me nakilala ni Brian ang asawa niya (ang chismosa ko lang)

Special Mention: F4

Favorite member: Vic Zhou a.k.a Wat si Lei (walang pakialamanan sa spelling!!!)

Most gasgas song ever: LAHAT!! (oha bongga!!).  I-invade ba naman ang MYX 24/7.

Hindi ka fan kung hindi mo alam: ang mga pangalan nila sa Meteor Garden (tatalupan ng balat ang ‘di makasagot)

P.S. Kulang na kulang pa yan.  Meron pang: New Kids on the Block, Boyzone, Westlife, A1, Blue, LFO, Hanson, Five, at marami pang iba.  ‘Di lang ako masyadong fan.  Pero deym, andami palang choices noon.  Ngayon, ang limited ng choices ng mga bagets, poor kids!!

P.P.S. Sa tingin ko hindi boyband ang Boyz II Men kaya di ko sila sinama.  Masyado silang winner para ibilang na boyband.

HS

Kanina, napagtripan na naman namin ng ate kong korean wannabe na magreminisce ng highschool life.  ‘Di ako mag-eemote ngayon dito kaya ‘wag mangambang paiiyakin kita pero dahil alam kong mas nakakaengganyo talagang magbasa ng kahit ano (e.g. nobela, tula, love letter ni manliligaw/ka-MU/cuddle partner, notes sa Biology, o manual ng nabili mong camera na nakakaganda raw) kapag may background music, nagpost na din ako ng Youtube video sa ibaba para makantahan ka ni Ate Shawie ng “Highschool Life” habang nagbabasa.  ‘Wag masyadong dibdibin ang lyrics (lalo na kung may bigla kang naalala) dahil baka hindi maka-get-over at masisi mo pa ako.

Mag-aanim na taon na simula nung grumaduate ako, pero hanggang ngayon nakakamiss pa rin ang highschool days.  Karamihan naman ata, hindi nakakamove-on sa buhay highschool nila.  Kung pa-highschool pa nga lang siguro ako ngayon, excited na siguro ako dun sa bagong pauso ng DepEd na K12 curriculum.  Mantakin mo, maeextend ng 2 years ang bonding moments n’yo ng mga kaibigan mong makakakuntsaba mo sa pageexperiment sa maraming bagay (e.g. hairstyle, bisyo, lovelife, extracurricular and other pa-epal activities, fashion style, music, at kung anu ano pang kaweirdohan at kabaliwan), makakagroup mo sa pagbuo ng pangarap (o ‘yung mandadamay sa course na kukunin para classmates pa din kayo hanggang college), at makakasama mo sa pagtransition mula sa pagiging batang uhugin at mukhang sabukot sa pagiging dalaga at binata na unti-unting magiging problema ang ayos ng buhok (at bangs), kung paano ang pinakamabisang paraan para mapansin ni crush o ng gustong ligawan, kung kanino kokopya  ng assignment (o exam), kung saan tatambay pagkatapos ng klase (o kung kelan aabsent para tumambay), o kung may tagos ba sa palda (at kung sino ang hihingi ng bulak na may hydrogen peroxide sa clinic at kung paano mo ieexplain sa nurse na hindi sapat ang isang bulak para makatanggal ng tagos nang hindi siya makukulitan at maiinis sa’yo).  ‘Yun nga lang extra gastos talaga ‘yang K12 na ‘yan sa mga nagpapa-aral at pinapaaral ang sarili kaya malalim na isyu ‘to na hindi ko kayang i-blog nang seryoso.  Masarap lang isipin na sana nga mas matagal ang highschool life namin noon.  Sana tinanggal na lang ‘yung kinder (tutal isa lang naman ang naging kaibigan ko ‘nun) o binawasan ng ilang taon ‘yung elementary (tutal dun ata lumapad ang paa ko kakatakbo nang nakapaa para ‘di mataya sa sikyo at kakatalon nang nakapaa para magwagi sa chinese garter, 10/20, at kung anu-ano pang larong goma na may dinedeklarang mother).  Sana hindi na lang pala kami nagbakasyon noon tuwing summer o kaya sana naka-dorm kaming lahat sa loob ng campus para nasulit ‘yung maraming pagkakataon at bonding moments.  Kapos kasi e, alam mo ‘yon?

Pero swerte ko kasi kahit na sa tingin ko na bitin ang highschool days na binigay sa’min, nakahanap pa rin ako ng mga tunay na kaibigan na hanggang ngayon ay mga taong pinakamalapit  pa rin sa akin.  At namiss ko sila ngayon (‘yung mga madalas mag-online, medyo na lang syempre).  Pero kahit miss ko na kayo, ayokong humingi ng reunion kasi si Tyron Perez, ‘yung namatay na artista na bunga nung talent search na Starstruck, hingi daw nang hingi ng reunion.  Ayan, dedbol na ngayon.  ‘Yang paghingi ata ng reunion ang modernong katapat ng pagkanta ng My Way.  Marami pa akong pangarap kaya kita kits na lang whenever, wherever.

dapat wacky na lang lagi ang class picture, mas makatotohanan kasi.. AT challenging!

Thank you

Medyo napupuno na ang homepage ko sa facebook ng mga nakakainggit na listahan ng mga special events/experiences sa 2011 ng mga kaibigan ko.  At dahil likas akong inggitera, gusto ko ding maki-join.

Ayoko nang isa-isahin kung anu-ano ang pinagdaanan ko nung sinagupa ko ang bawat araw ng 2011.  Hindi naman ako nanalo sa lotto, hindi ako nakakita ng artista (pero nakakita ako ng internet action star), hindi pa ako artista, hindi pa rin ako tumatangkad, at hindi pa rin ako nagagawaran ng diploma.  Pero kung susumahin, aprub na aprub sa’kin ang 2011 (kahit na hindi ko natupad ang dare ko na umamin sa crush ko bago magunaw ang mundo sa 2012, lels, neknek mo crush, you will never ever know, EVURR).

Para mas ma-emote, pagsasama-samahin ko na lang ang pasasalamat ko sa lahat nang naging parte ng 2011 ko kahit na alam kong ‘di naman nila mababasa ‘to (kayo na ang mga busy at hindi pakalat-kalat sa internet!!).  Here we go:

  • Salamat sa mga taong kahit ‘di ko kilala ay binack-up-an ako sa kauna-unahang “cyber away” ko. Virtual hug para sa inyo!!!
  • Salamat kay Phil Younghusband sa pagiinspire sa’kin na lumandi via twitter.  Kahit na inisnab ako ng ininvite ko nung Valentine’s, bumilib sa’kin ang mga dear friends ko at sumaya kaming lahat.  Kababawan at its finest!
  • Salamat sa panel nung kauna-unahan kong job interview sa hindi pagkain sa akin ng buhay.  Salamat din sa libreng mineral water.
  • Salamat sa English teacher ko na nagsaboy ng moral support.  I heart you mam!
  • Salamat sa Amerikanong nakatabi ko sa eroplano pauwing Manila sa pagvovolunteer na buhatin ang maleta ko sa masyadong unreachable na overhead bin.  Mabuhay ka! Salamat din sa pagbisita sa Pilipinas!
  • Salamat kay ate na nakakwentuhan ko sa airport sa Nagoya, Japan na tinuruan ako kung paano maging hindi aanga-anga sa pagpila sa Immigration at Customs sa NAIA 1.  Nakalabas ako ng airport in less than 1 hr.  Expert si ateng!
  • Salamat sa lahat ng kaibigan kong pinasingit ako sa schedule nila para makipagbonding sa’kin nung umuwi ako sa Pinas.  Kapos ang bakasyon ko pero worth it ang bawat segundo dahil sa inyong lahat ♥ (insert background music: ♬ keep smiling, keep shining, knowing you can always count on meeeeee ♬)
  • Salamat sa mga ate kong pinagligpit ako ng plato sa bawat gabi, nilibre ako sa kung saan-saan, at naging driver ko 24/7 nung nagbakasyon ako sa Pinas.
  • Salamat sa crush ko sa pag-accept sa friend request ko.  Sana hindi ka nag-assume na crush kita.  Pero salamat sa pagwawallpost (‘wag judgmental, mababaw lang talaga ako) dahil nalaman kong kilala mo pa ako kaya kinilig naman ako.  Again, ‘wag ka sanang mag-assume na crush kita, ‘wag ganun, ok? ♥
  • Salamat sa mga iilang bagong kakilala at kaibigan (note: choosy ako kaya chosen one kayo!!).
  • Salamat sa kumpanyang pinagtyagaan ako nung summer.  Busog na busog (literal) ako sa piling nyo.
  • Salamat sa ate ko na naging sugar mommy, personal chef, at stylist ko.  Dahil dyan gagawaran ka ng kalangitan ng isang gwapong the one.
  • Salamat sa mga nakagroup ko ngayong sem sa lahat ng projects, hindi nalagas ang bangs ko at sana hindi din nabawasan ang hibla ng sa inyo.  *Fist bump*
  • Salamat kay Ramon Bautista, Professional Heckler, Patty Laurel, Chico & Delamar, at kay @superstarmarian (sa twitter) sa pagpapasaya ng bawat araw ko.  Solved ang ka-emohan ko dahil sa inyo.
  • Salamat sa mga taong naniwala sa’kin na kaya ko, kahit na parang hindi naman.  Igugroup hug ko na lang kayo dahil awkward kung isa-isa pa.
  • Salamat sa lahat ng always willing na makinig at umintindi sa mga ka-emohan at  kaartehan ko via fb, twitter, wordpress, text, at bbm.  Kilala n’yo na kung sino kayo ♥
  • Salamat sa nanay kong pinagluluto ako ng pritong itlog tuwing umaga at sa pagpeprepare lagi ng chicken sandwich.  Lamang na lamang ako sa mga classmates ko dahil lagi akong busog sa 1st period tapos may ready pa akong chibog sa loob ng bag.
  • Salamat sa tatay ko sa hindi pagsuko sa lahat ng debate natin araw-araw.  ‘Yan ang tunay na katapangan (kahit takot ka sa multo), harapin ang “counterpart” ng iyong kabataan.  Mana lang ako sa’yo *wink*.
  • Salamat papa god sa patience at unlimited love, sa blessings, moral lessons, at realizations ng 2011.  High five from earth!

Kung may nakalimutan ako at feeling mo isa ka dun sa mga nakalimutan ko, mahinahong magreklamo sa comment box.  Basta salamat nang marami!! HAPPY NEW YEAR!

Metro ni Manong

Hindi ako madalas mag-taxi.  Masyado kasing mahal at feeling ko hindi rin ligtas.  Bukod sa wala akong kasing kuripot, masyado kasing magaslaw ang imagination ko sa tuwing nasa loob ako ng taxi na tipong maiisip kong may halong pampatulog ‘yung air freshener na masisinghot ko kaya mahihimatay ako sabay liliko si manong sa damuhan.  Mga ganyang eksena, pang-teleserye o kaya pang-TV Patrol.

High school pa lang ako, hindi na mapakali ang dalawa kong paa kapag nakasteady lang ako sa bahay.  Kahit na hindi kami masyadong sanay sa Manila, dumayo talaga kami ng kaibigan ko makapunta lang sa isang concert.  Sikreto kung kailan dahil takas lang kami sa school nun with the help of our beloved friends sa pagtakip sa amin kung bakit kami absent.  Madaling araw na natapos kaya medyo madalang na ang bumabyahe pauwi sa’min.  Halos pumuti ang buhok namin kakahintay sa bus, jeep, o kahit anong may gulong, na kahit kalesa papatulan namin.  Napagdesisyunan naming sumakay na lang ng taxi kahit takot kaming magising na lang na nasa ibang planeta na kami.  Pagsara pa lang ng pinto ng taxi, nagtalunan na ang lahat ng nilalaman ng katawan ko.  Ayoko naman atang maheadline kinabukasan.  Anong tadhana naman ‘yon, ang pangit ng ending.  Pero dahil nasusulat ko na ‘to ngayon, pinalad kaming makasakay sa isang taxi na matino ang driver.  Tinuruan niya pa kami kung saan kami sasakay pagkababa ng taxi.

Memorable din ang mga araw ko sa peyups bago magsimula ang unang sem ng college life.  Ilang araw bago ang enrollment, kailangan ng mga freshies na magpamedical sa Infirmatay (i.e. Infirmary).  Dahil na rin siguro sa pagod, kaba, at takot sa papalapit na kabanata ng buhay ko at dahil nahawaan ata ako ng “kabaitan” at pagka”approachable” ng ilang nag-aassist dun, na-drain ang kabaitan at pasensya ko.   Nagyaya ang nanay ko na mag-mall pagkatapos pero dahil hindi ako pamilyar sa lugar, hindi ko alam kung saan sasakay.  Dahil takot akong maligaw, tinatamad na kong magisip, at naiinitan ako, nagdemand akong magtaxi na lang kami.  Isang hindi praktikal na desisyon.  Swerte pa dahil isang matinding traffic ang nakaabang.  Hindi ko alam kung sadyang trapik talaga nung araw na ‘yun o nadenggoy kami ni manong dahil halatang bagong salta kami sa diliman.  Hindi ko na tinanong kung magkano ang binayad ng nanay ko, dahil busy ako masyado sa pagdedestress at sa pagpunas sa pawis at init ng ulo ko.

Forward sa 2nd yr ko, sumubok (uli) akong mag-apply sa org.  Huling gabi bago kami sumalang sa Talent Show namin, nagpraktis kami sa huling pagkakataon.  Dahil medyo madami-dami ang mga dala namin, tipong lipat bahay gang at hindi lang basta basta backpack at paper bags ang mga dala namin, kailangan naming magtaxi galing philcoa papuntang fairview.  Walo kami nun.  Gabing gabi na.  Nahirapan kami sa pagkuha ng taxi dahil nga gabi na at madami pa kami.  Pagkatapos ng pag-isnab sa amin ng ilang taxi, may isang hulog ng langit na pumayag na sumakay kaming walo.  Parang sardinas na hindi masarap ang itsura namin.  Medyo mahal ang binayad namin kapalit ng ilang minutong joyride with manong.  Pero ayos lang dahil siya lang ang nag-iisang taxi driver na naawa at naantig sa hulas na hulas na mga itsura namin nung gabing ‘yon.

Ilang araw bago ko lisanin ang Pilipinas kong mahal, papunta kami noon sa US Embassy, nang maencounter namin ang pinakanakakaaliw na taxi driver.  Natutuwa ako sa mga manong na mahilig makipagkwentuhan sa mga pasahero.  Mas sulit kasi ang bayad.  Medyo traffic kaya napahaba ang kwentuhan namin.  Isa siyang simpleng tao.  Simpleng tao na nangarap at nagsimula sa ilang pirasong damit nang mapadpad siya sa Maynila.  Ok naman ang naging buhay niya.  Nagkaroon pa nga siya ng negosyo at nahanap si the one.  Nagkaroon siya ng mga anak.  Nagkaroon siya ng taxi.  Ang taxi na dinadrive ni manong.   Ang taxi na sinakyan namin ni ate.  Simple lang ang buhay niya: gigising sa umaga, maliligo, kakain, magdadrive, uuwi, kakain, matutulog.  Paulit-ulit.  Hindi nga daw niya namalayan na matanda na siya at halos lahat ng ka-edad niya ay patay na.  Pero hindi ko malilimutan ang sinabi niya na may isang bagay na pinagpapasalamat niya: Masaya siya na buhay pa siya.  May mga tao palang hindi marunong magreklamo sa simpleng buhay na meron siya.  Naapprove ang visa ko nung araw na ‘yon pero pakiramdam ko mas masaya sa’kin si manong.

Hindi ko nilalahat ang mga taxi drivers.  Hindi porke’t na-enjoy ko kakwentuhan si manong driver #4 ay ginusto ko nang mag-taxi araw-araw.  Hindi rin dahil feeling ko idinaan kami ni manong #2 sa matrapik na lugar ay dapat ko nang ipa-phase out ang mga taxi sa lahat ng kalye.  Iba-iba talaga ang bawat byahe, gaya ng pagka-assorted ng experience sa pagsakay ko sa pedicab, tricycle, jeep, “baby” bus, bus, o MRT.  Kaya mag-taxi ka pa rin kung trip mo at kung afford mo.  Go lang! Basta siguraduhing gumagana nang matino ang metro, tandaan at itext/i-bbm/itweet ang plate number ng taxi sa nanay, bff, o syota just in case makidnap ka nga, at syempre huwag namang mag-1-2-3, magbayad ng tama.  Higit sa lahat, ‘wag ding masyadong mag-inarte at magdemand na i-overcome ni manong ang heavy traffic.  Hindi siya si Moses at hindi ka ganung ka-ispesyal.  Enjoy!

 

(Note: Nirecycle ko lang ang blogpost na ‘to galing sa multiply site ko.  Tinamaan ako ng ka-emohan at hinalungkat ang mga lumang blogs.  Wala lang, sharing.)