Ukol sa Nawawala.

Lahat ng nawawala ay hinahanap.  Lahat ng nawawala ay dapat ikabahala.  Lahat ng nawawala ay dapat bigyang pansin.  Lahat ng nawawala ay dapat namimiss.  Lahat ng nawawala ay dapat hanapin.  At kapag sinabing lahat, walang pwera-pwera.  Ballpen, barya, singsing, I.D., cellphone, tinapay, abrilata, pulang medyas, sandok, martilyo, huling piraso ng puzzle, karayom, polkadots na panty, charger, pusa, autographed picture ni Ate Shawie, sinturon ng  Barbie mo, scratch paper na sinulutan mo ng cellphone number ng crush mo, sintas, deep red na lipstick, diary o ang paboritong tupperware ng nanay mo.  May kwenta man o wala, mahal man o natawaran mo sa Divisoria, binili mo man o inarbor, maliit man o pangit, luma man o second-hand, ang nawala ay hindi dapat mawala.  Ang nawala ay dapat muling mahanap.


Marami-rami na din akong naiwala.  May ilang sinadya pero mas marami ang hindi ko inaakalang mawawala pala.  Nakawala ako ng payong ng ilang beses (sadya karamihan), kwintas, pera, pati palda kong pangpasok na iniwan ko ng hindi ko namamalayan sa c.r. ng school namin.  Kahit digicam na inutang lang ng kapatid ko sa credit card niya naiwala ko din noong nag-prom kami.  May nawalang mga kaibigan at ilang pilit kong iwinalang kaibigan sa isip ko.  May mga nawalang formula sa Math o sagot sa fill-in-the blanks sa exam sa memorya ko.  Naiwala ko din minsan ang tiwala ko sa sarili ko at tiwala sa ibang taong nakakasalamuha ko.  Nakawala na din ako ng crush sa imahinasyon ko at sa pagdaan ng panahon ay nadala na din sa pagihip ng hangin.  Nawala na din sa utak ko ang kaarawan ng ilang kaibigan, pangalan ng ilang nakilala, ang sikreto niya o ang sikreto ko, ang utos ng nanay ko, ang favor ng kapatid ko o ang halaga ng isang bagay, ng isang ala-ala o ng isang kaibigan.  Sa lahat ng iyon, sinadya man ng pagkakataon o hindi, may isang bahagi ng buhay ko (maiksi man) na inalay ko sa paghahanap sa mga nawalang ‘yon o kahit sa pag-aalala at pagkamiss lang sa kanila.  At kahit papaano, may ilan akong nahanap.  At may ilang hindi na at pilit ko na lamang kinalimutan.


Kanina, nakanood ako ng Story line.  Tungkol sa abduction cases na tila nakalimutan na at naibaon sa libo-libong kasong nahihimbing sa bangungot ng realidad.  Nakilala ko si Manuel.  Isang dating magsasaka at naging biktima ng hindi makatarungang pagbihag at pagpapasakit ng grupo ng mga militar at ni Army Maj. Gen. Jovito Palparan.  Detalyado ang bawat salitang binitawan niya.  Buhay na buhay ang takbo ng istoryang inilahad niya.  Matulis ang reaksyon ng damdamin ko at ng ate ko.  Awa, takot, poot at galit.  Dati rati nababasa ko lang ang pangalan ni Palparan sa mga vandals malapit sa FA (Fine Arts) at sa mga placards at sa katsa na bumabandera kapag may rally.  Naririnig ko lang ang mga kwentong ganito kapag nananawagan ang mga aktibista at pinapamukha sa bawat klasrum ang picture ni Karen Empeno at Sherlyn Cadapan (mga nawawalang UP students/activists) at kasabay ng hinaing nila ang mga pangalan ng mga dapat daw sisihin at parusahan.  Nakita ko lang ng malapitan ang lagim ng kalagayan ng mga nawala at hindi na muling nahanap pa sa bulag na hustisyang mayron tayo ngayon nang mapadpad kami sa isang exhibit tungkol at alay para sa kanila.  Nabasa, naintindihan at naisulat ko lang ang mumunting saloobin ko sa lahat ng ito nang minsang kailanganin namin para sa isang aralin.  Pero dun lang natapos ang lahat ng iyon.  At sa pakikinig ko kanina sa karanasan ni Manuel, ang nasaksihan niyang paglapastangan sa pagkababae ng ilan, pagbugbog, pag-aalipusta, unti-unting pagkitil sa pagkatao at buhay nila, hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ko. Kung ganun ang epekto sa tulad kong isang mangmang at walang kinalaman sa kanilang lahat, ano pa kaya ang emosyong namayani sa nanay, sa asawa o sa anak ng mga walang kaawa-awang nabihag at hanggang ngayon ay tila hindi na muling mahahanap pa sa kwento ni Manuel? Buhay pa ba sila at nakatakas katulad ni Manuel? Naghihingalo na ba sila at kasalukuyang nagkukubli sa kung saan mang lugar? Patay na ba sila at hindi na muling mabibigyang hustisya pa? May saysay pa ba ang laban nila o sadyang laro na lang ito sa mata ng ilan?



Hindi din lahat ng tao ay naniniwalang lahat ng nawawala ay dapat pang hanap-hanapin.  May ilang solb na sa alternatibo, halinhin sa nawala, proxy sa hindi makakarating, plan B o kahit ang long method kapag nawalan na ng pag-asa sa shorcut.  Malapit na ang Father’s Day at kahapon nakapili na agad ang tatay ko ng regalo namin para sa kanya.  Sa pagka-atat niya, na-order at nabayaran na din ang regalong iyon.  Isang pares ng sapatos.  Isa na namang pares ng sapatos.  Isa na namang itatambak sa cabinet niya ng magkakamukha namang sapatos.  Isang pares ng sapatos laban sa mga ngiping ilang buwan na ding absent sa loob ng bibig niya.  Mga ngiping mas may silbi sana sa buhay niya sa aspetong pangmatagalan at mas matimbang sa personal niyang pangangailangan.  Hindi lahat ng nawawala ay dapat ikabahala.  Hindi lahat ng nawawala ay dapat ma-miss.  Hindi lahat ng nawawala ay hindi pwedeng palitan.  Gayunpaman hindi din lahat ay may katumbas.


Kung nawawalan na ako ng ganang makinig sa walang saysay at mapagkunwaring pagsuyo ng mga trapo sa ngayon, magigising ba ang atensyon ko sa tunay nilang pagkatao at hangarin bukas o samakalawa ‘di kaya? Paano kung nawawala na ang tapat at malinis na pakikipaglaban sa lipunang ating ginagalawan, may makakahanap pa ba ng nararapat na solusyon para dito at mahahanap pa ba natin ang taong makakahanap ng solusyon na iyon? Kung nawawala na ang puso at utak ng ilan sa pag-intindi at pag-unawa sa kalagayan at kahihitnan ng pangkalahatan, paano nila malalamang may nawawala pala hindi sa iba kundi sa sarili nila? Paano kung mawala na ang pagkakataong mabago at maiayos natin ang nakaraang nadumihan at nabaluktot ng ilang walang malasakit sa mawawalan, ano pa ang kalalagpakan ng nawalan bukas?


Hindi lahat ng nawawala ay habang buhay nang mawawala.  Hindi rin lahat ng nawawala ay muli pang nakikita.  Hindi rin lahat ng nawawala ay hinahanap pa.  Hindi rin lahat ng nawawala ay napapansin nating nawawala pala. Paano kung mawala ako o ikaw bukas? Mahahanap mo ba ang daan pabalik? O maghihintay ka na lang at patuloy na aasang may isang magmamalasakit at puspusang maghahanap sa iyo? Hanggang saan kaya ang pag-asa mong muli ka pang matatagpuan? Hanggang kailan ka mawawala? Hanggang kailan ka hindi mawawala?

Advertisements

Tadhana nga naman.

***isa sa mga inaagiw nang FS blog ko, nung mga panahong baliw pa ako, pero may kaunting sense naman ako, or so I thought.

Feeling ko meant to be tayo. Naniniwala ka ba sa soulmates? Ako, minsan oo, minsan hindi. Depende sa mood ko. Wala naman kasing makakapagpatunay kung totoo nga ba na may nakatakdang tao para sa bawat nilalang ng Diyos. Maaaring kakailanganin ng matinding determinasyon at pagsasakripisyo upang bigyang linaw ang misteryo sa likod ng konseptong ito. Kaya nga sa realidad hindi na nag-aaksaya ng oras ang ilang tao upang manawagan sa publiko at suyurin sa bawat sulok ng mundo ang itinakdang kapareha niya. Soulmates. Isang mahiwagang salita na sumubok na sa maraming tao sa mundo. May nagtagumpay ngunit marami din ang nabigo.

Sino nga kaya ang nagsilang sa konseptong ito? Isa kaya siyang ermitanyong gusto lamang bulabugin ang tradisyon ng isang tribo, isang pilosopong nabaliw sa mga prinsipyong pinaniniwalaan niya o isang ministrong nais subukin ang tiwala at pananalig ng isang distrito? Kung totoo nga ang mga soulmates, bakit walang pagkakapantay ang bilang ng mga babae at lalaki sa mundo? Iyon nga kaya ang dahilan kung bakit may mga tumatandang dalaga at binata? Paano ang mga soulmates ng mga namamatay ng biglaan at ng mga pinipikot? Paano ang mga soulmates ng mga nagiging kabit at ng mga umaanib sa ikatlong pangkat ng lipunan? Kung hindi naman totoo ang soulmates, ano ang misteryo sa likod ng mga taong nagtagumpay sa paniniwala at pakikipaglaban sa konseptong ito? Kung nagkagayong totoo nga ang mga istorya nilang may happy ending, sino ang utak sa likod ng pagpapareha sa mga taong isinisilang sa mundo? At saan naman kaya matatagpuan ang opisyal na dokumentong naglalaman ng mga detalye ukol sa mga itinakdang magkapareha?

Maraming tanong na naiipon kapag nauungkat ang salitang ito. Mga tanong na itinakda na ring walang makakasagot at makakapagpatunay. Hindi ko alam kung alin sa mga bagay na ito ang bahagi ng aking imahinasyon o bahagi ng realidad. Hindi ko alam kung tama ba o mali

ang tangkilikin ang salitang ito. Hindi ko alam kung nag-aaksaya lamang ba ako ng oras kahit sa paglikha lamang ng maiksing artikulong ito o magdudulot ako ng realisasyon sa ibang tao na makakabasa nito. Hanggang sa puntong ito ay hindi ko maamin sa aking sarili kung saang panig ako maibibilang. Nakakakilig isipin ang mahiwagang pakiramdam na maaaring maidulot ng sandaling magkabanggaan kayo ng soulmate mo habang nagmamadali kang pumasok sa opisina o sa eskwelahan. Ngunit paano na ang mga standards at choice na nilikha mo mula ng ikaw ay magkamuwang sa paghahanap ng tunay na pag-ibig? Magical ang lahat ng ending sa mundong nananaig ang konsepto ng soulmates. Pero hindi abot ng tunay na estado ng ating buhay ang pagiging magical. Hindi kailangan ng magic upang magkaroon ng happy ending. Lahat tayo ay may nakatakdang happy ending ngunit hindi sa katauhan ng mga soulmates. Nilikha tayo ng Diyos na may free will. May kalayaang mag-isip at magdesisyon.

Hindi masama ang maniwala sa soulmates. Malawak ang salitang ito at malawak din ang kalayaang ipinagkatiwala sa ating lahat. Maaaring nilikha nga ang konseptong ito upang mahasa ang determinasyon at tiwala natin sa takbo ng ating buhay. Nilikha upang subukin ang pananalig natin sa Kanya na may nakalaan ngang happy ending sa ating lahat. Hindi na rin siguro mahalaga kung sino o saan ito nagsimula, kung ano ang tunay na katauhan ng ating mga soulmates o kung kailan natin sila matatagpuan, kung totoo nga bang nabubuhay tayong soulmates ng iba. Maaaring ang salitang ito ay hindi isang pangalang dapat nating ilaan at itawag sa isang tao. Ituring natin itong misteryosong paniniwala at magical na pakiramdam na uusbong sa atin tungo sa mabuting pakikitungo sa ating kapwa, ano mang kasarian o katauhan, ano mang bilang o edad, ano mang lahi o katayuan. Isa itong hiwagang makakapagpabuti at magbibigay ng positibong pagtingin sa ating mga sarili na maaaring magdulot ng matibay at subok na relasyon sa Diyos at sa lipunan.

Feeling ko soulmates tayo, ano sa tingin mo?