Instant Oatmeal

Hay, sobra na naman sa  tubig ang oatmeal ko.  Para na namang binuhusan ng hugas bigas.

Sa mga panahong tulad nito, lalo kong nararamdaman ang hirap ng walang nanay.

Mag-aalas-dose na pala.  Hindi tulad ni Cinderella, hindi ko pansin ang takbo ng oras, ang galaw ng mga kamay ng orasan.  Natapos ko na naman ang isang araw.  Ginising ko ang ate kong nakatulog sa sofa dahil sa kahihintay sa akin.  Pinapatulog ko na siya dahil may pasok pa siya bukas.  Ayoko pang matulog.  Hindi pa ako dinadalaw ng antok.  Weird.  May l.q. ata kami ng katauhan kong antukin.  Magulo pa ang lamesa namin.  Kailangan ko muna atang maglinis.  Ano ang nakain mo? Tanong ‘yan ng ate ko at maaaring tanong ko din sa sarili ko.

Ano nga ba ang nakain ko? Hindi ko alam.  Mas madali sigurong sagutin ang tanong na ano ang hindi ko na nakakain.  Marami.  Hindi ko alam kung ano at ilan.  Basta ang alam ko, ang maraming ‘yon ay luto ng nanay ko.  Nakakamiss ang maraming ‘yon.  Iba ang lasa ‘nun.  Kakaiba.  Masarap.  Walang katulad.  Basta.

Ibang-iba na ngayon.  Nasa sariling bahay namin ako ngayon pero ang pakiramdam ko nasa boarding house ako.  Malaya.  Independent.  Tahimik.  Kanya-kanyang kilos.  Walang nanay.

Kapag nag-iisa ako, ramdam na ramdam ko kung paano nag-iba ang hangin sa bahay namin.  Magulo ang pagkakasalansan ng mga damit namin sa drawer.  Naaayos ko minsan tuwing umaga pero parang magulo pa din.  Iba pa rin ‘yung dati.  Bihira na din ang mga prutas na namamahinga sa ref namin.  Hindi na bongga ang tanghalian namin tuwing Linggo na dati rati ay animo’y laging may fiesta.  Wala ng nagluluto ng turon at bananacue kapag meryenda na.  Ang mga basong naiwang nakatunganga sa lamesa tuwing gabi ay nandun pa rin pagdating ng umaga, ni isang sentimetro ay hindi sila gumalaw.  Wala ng sumisigaw at nanenermon sa aming magkakapatid at sa aso namin.  Wala ang nanay naming kahit may baong megaphone 24/7 ay laging handang manlambing at maging isang cool na nanay.

Ano nga ba ang nakain ko? Weird.  Hindi ako ganitong ka-seryoso.  Ipinanganak na akong clown.  Tagapagpatawa sa mga ate ko at tagacontribute ng ingay at gulo sa bahay namin.  Masarap tumawa at ngumiti pero mas masarap magpatawa at magpangiti.  Mas madali.  Mas ok.  Ano ang nakain ko?  Hindi ko alam.  Nasobrahan na naman siguro sa tubig ang oatmeal ko.

– 12/05/07

nung panahong nanay-less ako at naging fulltime emo

Advertisements

Oi Nay, ano’ng araw ngayon?

***

Ako: O nay, san mo binili ‘yang meryenda namin?

Nanay: E di sa tindahan.  San pa ba?

Kaibigan ko: nyahaha, nabara ka ng nanay mo.  Manang-mana.

***

Nanay: Halika nga, teka!!! may dumi yang mukha mo.  Ay naku. (sabay laway sa hinlalaki niya at pahid sa “madumi” daw na spot)

Ako: (no comment; deep inside: dyahe inay, ang laway ay hindi pang-alis ng dumi sa mukha. ew.)

***

Ganito magpatulog ng baby.

Nanay: (may tono ito) Jin, jin, jin, jin, jininin.  Repeat from the start. Jenenenen nenen.  Dadadananandanan.  (kahit anong letter ng alphabet pwede pala, infairness.)

Kung mag-aanak ka na, papatutor-an kita sa nanay ko ng tamang tono, sabihan mo lang ako.  Tatawagin niya nga lang ang anak mo na Totoy at Nene.

Ako: Hay naku, nay, huwag na huwag niyong tatawaging ganyan ang anak ko.  Kadiri.

***

Madami ding unforgettable moments ang nanay ko.

Nanay:(nahulog ang wallet habang nakasakay sa saulog) AY B*Y*G!

Kapag nagugulat talaga siya, kung anu-anong expression ang maaari niyang sabihin, may pang-babae, pang lalaki, pangbading, pang-animal and for everyone else.

Nanay: (bumibili sa Mcdo) Miss..

Ate ko: (nangungulit) NAY, GUSTO KO DUN!! dun!! sa JOLIBEE!!!

Nanay: Miss.. ahmm, pabili nga ng isang JOLIBEE.

***

Kapag nagsesermon ang nanay ko tungkol sa swerte namin ng mga kapatid ko sa dali at sarap ng buhay namin bilang mga anak niya.

Nanay: Hay nako, buti pa nga kayo, paganyan-ganyan lang.  E ako nga nung bata ako, araw-araw, ang layo layo ng nilalakad ko para lang makapasok sa skul.  Ako ang tagasaing, tagaluto, tapos nagiigib ako ng napakalayo mula..

Ako: (saulado ko na by heart) oo nay, mula dito sa bahay natin hanggang dun sa pwesto ni doktor spongklong.  Nay paulit ulit ka na *o*

Eto pa ang lagi niyang drama lalo na kapag feeling na humulas ang dala niyang pera sa mall o kapag nasasaid ang pera niya sa wallet.

Nanay: Hay naku, kawawa naman ako.  Ni PANTY hindi man lang ako nakabili.

***

Kung magaling magpatulog ng baby ang nanay ko, magaling din siyang magpaligo ng mga bata.  Sa sobrang galing, halos mabutas ang mga balat naming magkakapatid sa paghilod ng nanay ko.  Kaya din siguro lumaking maputi ang mga ate ko kahit napagkaitan ng kapusyawan ang tatay ko dahil sa kinalakihan naming pagligo.  At kung tatanungin mo na kung sa tuwing pagkuskos ng bimpo ng nanay ko sa aming mga balat ay iwiniwish namin na matapos na  lang ‘yun at banlawan na lang kami, nagkakamali ka.  Buti na lang magaling kaming humingang magkakapatid dahil siguro hindi kami nakasurvive sa bawat araw na pinaliguan kami ng nanay namin.  Ang natutunan namin: Mag-inhale ka ng maximum amount na kaya ng baga mo, as in itodo mo na sa isang hingahan dahil ‘yun ang sasalba sa’yo sa biglaang buhos ng tubig mula sa tabo, BIGLAAN AT SUNUD-SUNOD NA PARANG WALANG KATAPUSAN, seryoso ako.  Kaya nung bata ako parang nakakapagod maligo, parang kailangan prepared ako sa maaaring mangyari.  Pero hindi naman harsh ang nanay ko sa totoong buhay.  Medyo kulang lang sa kagaangan ang kamay niya sa mga sensitibong activity tulad ng pagligo.  Never niya akong napalo (pero hindi pinalad ang mga ate ko) pwera na lang nung batuhin at i-spin-nin kami ng plato ng nanay ko dahil ayaw namin ng ate ko sa ulam at ayaw naming kumain.


Hindi rin ako masyadong nakatanggap ng sermon sa nanay ko.   Bukod sa paborito ako, hindi ko kasi madistinguish ang kaibahan ng tono ng normal niyang boses o kapag galit na siya.  Minsan kasi parang may kagalit pero ‘yun pala may kausap lang sa telepono.  Minsan ang sign na lang na galit na siya ay kapag binuo na niya ang pangalan namin.  Pinakamadalas na ‘yung Hay naku Maria Delza, ratatatatatatatatatatat, once in a blue moon lang na nagagalit siya sa akin dahil ang corny kapag binuo ng nanay ko ang pangalan ko, baka matawa pa ako.


Wala din siyang masyadong hilig bukod sa maglinis ng bahay at magikot-ikot ng kung anu-ano.  Mahilig din siyang mag-bingo at manahi ng kurtina.  Paborito niyang isuot ang mga mala-boldstar na outfit kapag matutulog na siya (with matching butas effects at off shoulders).  Mahilig din siyang magluto at magimbento ng kung anu-anong nakikita niya sa tv na recipe.  Delikado din siyang kasama sa grocery store dahil kung anu-ano ang napupulot ng kanyang mga daliri.  Mahilig din siya sa pinipig crunch and the like kaya kailangan lagi siyang may supply nun sa bahay.  Paboritong color niya ang violet at paborito niyang singer si Martin Nievera at idol niya si Nora Aunor na sobrang hate ko naman.  Paborito niyang ulam ang dilis dahil lumaki daw sila sa piling ng mga dilis.  Mahilig din siyang ngumuya ng candy o kung ano mang kutkutin kaya magastos siya kasama sa sinehan.

Nanay: Ano na naman ‘yang papanoorin n’yo.  Puro bakbakan.  Makakatulog na naman ako niyan.  Mabuti pa ibili nyo na lang ako ng popcorn.

Ako: Gutom ka na naman?

Bukod sa pangtulog na pangboldstar, hindi makukumpleto ang get up kung wala ang tententenen, ang black stockings.  Kapag inaatake siya ng rayuma, pagkatapos magpahid ng herbal oil at kung anu ano pang pang-albularyo na pamahid, isinusuot niya ang black stockings niya.

Ate ko: (pagkauwi galing office) Yes naman, andito na naman si office girl.

Mukha mang nangangagat ang nanay ko pero sobrang luwag ng bonding namin ng mga ate ko sa kanya.  Gala dito, gala diyan.  Laging may meryenda na camote cue, turon, fishball o goto.  Naiwala ko ang digicam namin, ok lang digicam lang ‘yon.  Umabsent ako sa skul para sa concert, buong saya niya pa akong sinundo sa kanto kinaumagahan.  Naiwala namin ang kwintas, singsing, hikaw, naisnatch ang cellphone, naiwanan sa bus ang payong, nagpaulan, ginabi ng uwi, bumaba ang grades, naiwanan uli sa bus ang payong, nahawaan ng ibang kulay ang damit, nalimutang ilagay ang ulam sa ref, nasira ang sapatos, kailangan ng pera, kailangan ng gumamela sa skul, nawawala ang paboritong tshirt ko, kailangan ng load, masakit ang ngipin, nadapa, sinuntok ang classmate, nawala ang contact lens, nawala ang wallet, kailangan ng tae ng baka, nangangalay ang binti, masakit ang ingrown, hindi plantsado ang uniform, kailangan ng sliding folder, naiwanan uli ang payong sa bus, masakit ang tiyan, may tagihawat sa ilong, natanggal ang butones sa blouse, nabasag ang baso, walang tubig sa banyo, walang *pamutat* (dessert) kaya bili ng coke, walang payong na dala, hindi makababa ng tricycle dahil lulubog ang sapatos sa baha, walang baterya ang remote control, ayoko ng ulam, at sobrang haba pa ng listahan ko kung itutuloy ko pa.


Kaya bago pa dumating ang nanay ko na hindi pa ako nakakapag-init ng ulam at nakakapaghain sa lamesa at baka masigawan ako kapag nagkataon, babati na lang ako ng HAPPY MOTHER’S DAY sa nanay kong wild at dramatic at laging may baong megaphone sa lalamunan niya.  Saka na ang regalo kapag mayaman na ako.  Ibibili na lang muna kita ng isang set ng panty bukas.

ang nanay kong hindi ko kamukha.  hindi ka mukhang picture addict dito inay.

ang nanay kong hindi ko kamukha. hindi ka mukhang picture addict dito inay.