Simbang Gabi Buddy

Hindi pa ako nakakakumpleto ng simbang gabi, kahit na kasama sa tally ‘yung umattend ng misa pero nakatulog o ‘yung nagpaalam sa nanay na magsisimba pero tumambay lang sa labas ng simbahan kasama ang mga tropapips and/or labidabs, hindi pa talaga.  Pero nakapagsimbang gabi naman na ako, kaya kahit na hindi ako beterana at lifetime awardee pagdating sa pagkumpleto sa 9 na araw, naeexcite pa din ako kapag December 16 na.  Wala lang, naeexcite ako para sa mga nagpaplano na makakumpleto at makapagwish.

Dahil kahit tumambling pa ako mula sa bubong ng bahay namin o mangakong hindi na ako kakain ng chocolates forever and ever kapalit ng chance na makapagsimbang gabi ako ngayong taon, papaandarin ko na lang uli ang imagination ko para naman hindi mauwi sa wala ang excitement ko.

Simula ng dumating ako dito sa Sweet Home Alabama, pinakanakakabaliw na taon ko na ang  2011.  Madaming nangyari na wala sa plano ko pero masaya at fulfilling naman kung iaadd at isusubtract ang lahat ng dumating at nawala.  At malaki ang naging parte ng buhay internet ko para balansehin ang lapot ng stress at pressure sa school at sa trabaho, kaya buo pa din ako ngayon.  Sa tingin ko, ito ang taon na naging lagalag ako sa tunay na buhay at sa world wide web.

Tutal uso naman na ang 2-in-1, buy one get one, at back-2-back laglagan at intriga sa showbiz at sa gobyerno ngayon (hanapin ang konek, go!), pag-iisahin ko na ang pagrereminisce ko sa 2011 at sa pagiimagine na magsisimbang gabi ako.

 

At ang tanong lang ay: kung magsisimbang gabi ako, sino ang pipiliin kong maging simbang gabi buddy?

 

DAY 1: RAMON BAUTISTA

Matagal ko nang kilala ang nag-iisang internet action star na si Sir RB, pero ngayong 2011 lang ako naging clingy sa internet love triangle niya (i.e.  formspring, twitter, at tumblr).  Seryoso ako.  Kung papipiliin nga ako ni Papa God kung sino ang gusto kong maging BFF, si idol Ramon ang pipiliin ko.  At kung itotodo na ni Lord ang paggawad ng wish sakin, hihilingin ko din na kung magiging kasing smart at witty ako ng isang tao, gusto ko kawavelength ko sa spectrum si Sir RB.  Dahil wala nang tatalo sa pagkasuperb ni Ramon, magiging maganda ang simula ng misyon kong makumpleto ang simbang gabi kung sasamahan niya ako.  Sigurado ako na magsasaboy siya ng good vibes at moral support kaya gaganahan hindi lang ako kundi pati ang buong sambayanan.

 

DAY 2: MARIO MAURER

Ilang beses akong pinilit ng mga ate ko na panoorin ang Crazy Little Thing Called Love at ilang beses ko din silang dineadma.  Pero hindi ko alam kung ano/paano/kailan/bakit o bakit ako nagpapilit na panoorin ‘yun nung bakasyon.  Totoo ang sabi nila na kikiligin ka hanggang langit kapag pinanood mo pero walang nagsabi sa’kin na hindi na ako makakamove-on.

Pero dahil na rin sa tulong ni Idol Ramon Bautista, naapply ko na ang reverse bittering at lahat ng payong pag-ibig niya kaya ok-ok na ako.  Pero dahil nasa Pinas naman si Mario Maurer ngayon, bakit di ko na din siya yayain magsimbang gabi, di ba? Sayang ang chance, baka sakaling mainlove sa’kin kapag nilibre ko ng puto bumbong #dreambig #bibigaykarin

 

DAY 3: INGRID MICHAELSON

Ok fine, hindi siya Pinoy at malamang hindi niya alam kung ano ang simbang gabi kahit sabihin ko pang 9 Mornings pero dahil halos araw-araw ko din pinakinggan si Ingrid Michaelson ngayong 2011, isasama ko siya sa listahan ko.  Kahit na iilan lang sa mga kanta niya ang kanta-bol, madalas siya ang una kong sinesearch sa youtube o automatic na siya na ang station ko sa Pandora.  Dahil isa siya sa mga nagpasurvive sa akin sa mga hell weeks at emo moments ko, malaki ang utang ko sa kanya kaya magsisimbang gabi kami.  Tapos magsasample na din ako sa harap niya, baka sakaling makitaan niya ako ng potensyal sa pagkanta (bwahahahahahahahaha).

Kung hindi mo pa siya napapakinggan, ito ang isa sa mga paborito kong kanta niya.

 

DAY 4: SIR DAN PALAMI

Dahil baka matsismis pa ako kung isa sa mga Azkals ang pipiliin ko, si Sir Palami na lang ang isasama ko.  Pero sa totoo lang, siya naman ang puno’t dulo nang lahat.  Kung wala siya, malamang wala din ang Azkals at baka isang malaking question mark ang tumubo sa ulo mo kung babanggitin ko ang Phil Younghusband o Neil Etheridge sabay sabi na “never heard….”.  Hindi ako die hard football fan kaya hindi ko kayang ienumerate kung anu-ano ang mga pinagdaanan ng Philippine National Football team bago sila makarating kung nasan man sila ngayon.  May mga nagsasabi na overrated daw ang Azkals at lagi na lang natatalo at nauuwi sa pagsosorry sa mga fans nila via twitter ang ilang games.  Buti na lang hindi sila si Dan Palami.  Buti na lang may Dan Palami na walang kasing haba ang pasensya, tiyaga, at pagmamahal sa football at sa buong team.  At dahil gusto kong magpasalamat at icongratulate ang taong hindi sumuko sa mga panahong malamang ay sinukuan na ng mga tulad ko, magsisimbang gabi kami ni Sir Palami.  Puto bumbong and bibingka are on me!

 

DAY 5: MY FUTURE EX-CRUSH

Kahit na alam kong hindi niya mababasa ‘to, ayokong magname drop dahil baka may magtsismis sa kanya at magfeeling siya.  Pero hindi siya dapat magfeeling dahil alam ko na makakaget-over din ako sa kanya in the near future *kidlat*.  Nagkataon lang na gusto kong magsama ng taong kilala talaga ako sa listahan na ‘to para malito ako kung ano ang reality sa panaginip.  Bukod sa alam kong mas seryoso siyang tao kesa sa’kin pagdating sa pagsisimba, sa tingin ko maaaliw naman akong kasama siya.  Mukhang nakakatuwa naman siya tapos may bonus pa akong kilig to the bones na moment.  Sa records ko, siya na ang pinakamatagal kong naging crush, at matagal ko nang sinasabi sa sarili ko na kung nakilala ko lang siya nang mas malalim, sigurado ako, as in sigurado ako *kidlat* na hindi ko siya naging crush.  At perfect moment na magkakilanlan kami nang mabuti habang hindi pa sumisikat ang araw, sa harap ni Papa God, kasama ang aroma ng puto bumbong.  P.S. Kung mag-uuwi siya ng puto bumbong para sa mga kapatid niya, sigurado ako na matotouch ako at magiging fail ang plano kong magmove-on.  Please see Day 9 (alternative ending).

 

DAY 6: RAMONA BAUTISTA

‘Yun ay kung mahahanap ko siya.

 

DAY 7: ROOMMATES NI JESS SA “NEW GIRL”

Hindi pa ako gagraduate sa school year na ‘to pero graduating na ang standing ko sa school records ko.  Mahabang kwento pero dahil nga graduating ako, medyo nakakatrauma ang stress ng sem na ‘to.  Isang malaking sign ang hindi ko pagtambay sa library namin (library=ang lugar kung saan ako  natutulog at kumakain).  Hindi ako masyadong nakanood ng tv na kahit TFC shows ay hindi ko na nasubaybayan.  Pero totoo pala na kapag gusto ay may dahilan.  Pinanood namin ang pilot ep ng New Girl dahil bida si Zooey Deschanel (si Summer sa paborito kong 500 days of Summer).  At tadum!! Naaliw ako ng sobra sobra.  Simula nun, kahit na gaano ako kabusy, gumagawa ako ng paraan para lang makanood ng bagong episode.  Basta, aliw ‘to.  Simple lang ang story at natural lang ‘yung mga characters.  Parang ang saya maging si Jess, at dahil inggitera talaga ako, gusto ko ‘yun mafeel kaya magsisimba kami ng mga roommates niya.

At ito ang isa sa mga paborito kong scenes sa New Girl (note: ‘yung naka-red shirt, pinalitan na siya ng ibang character the next episode):

 

DAY 8: PATTY LAUREL

Rewind to 2006.  Isa ko pang malaking karibal si Patty Laurel kay Atom level lang.  Pero dahil wala siyang kasing cool, ang hirap mainis sa kanya.  Forward to 2011, nagbreak na sila.  Hindi ko alam kung parte ba ‘yun ng moving on phase ni Patty pero minake-over niya ang blog niya.  Hindi ko din alam kung bakit pero simula ‘nun lagi ko ng chinecheck kung may bago ba siyang blogpost.  Nakakaaliw na kahit hindi kami magkasing-sosyal, magkasing-kinis,at magkasing-cool, never akong na-o.p. sa mga posts niya.  Kung irereincarnate ako, gusto kong maging isang Patty Laurel.  Mahilig siya sa mga bata, at kailangang kailangan ko ng pasensyang meron siya para hindi ako maging isang bitter na matandang dalaga wag naman sana o super boring na nanay.  Ang tindi ng powers niya sa pagdadala ng damit na kahit nasa disyerto siya (true story!), mukha pa din siyang fresh na fresh at bagong ligo.  At ang maganda pa dun, ‘yung mga sinusuot niya, hindi tipong sa fashion shows mo lang makikita o ‘yung pang-prod number sa ASAP o sa Walang Tulugan.  At higit sa lahat, ang major reason kung bakit gusto kong maging isang Patty Laurel ay dahil andami-dami na niyang narating sa buong mundo at isa siyang mother packer (true story uli!).  Kaya magsisimbang gabi kami para makakuha ako ng tips sa maraming bagay dahil sigurado naman ako na hindi ako irereincarnate ni Papa God sa lalong madaling panahon kaya hindi matutupad ang wish kong maging isang Patty Laurel.

 

DAY 9: PROFESSIONAL HECKLER

Dahil masaya ang naging simula ko with Sir RB, mabuti pang tapusin ko ang simbang gabi mission ko with Heckler.  Ngayong 2011 ko lang siya nakilala, at nagsisisi ako kung bakit ngayon ko lang siya nakilala *insert ♬Bakit ngayon ka lang.. bakit ngayon kung kelan ang puso ko’y ♬..*  Pero seryoso ako, kung may twitter ka and/or mahilig magblog-hopping, ‘wag na ‘wag mong kakaligtaang bisitahin si Heckler.  Matatawa ka na, mauupdate ka pa sa news at current events, minsan pati showbiz intriga!  Bihira na niyang gawin, pero tuwing Sabado, meron din siyang interactive activity para sa followers niya, ang QUIZtion.  Kung katulad kita na hayok sa 3 second fame at may pagkacompetitive ang dugong dumadaloy sa’yo, maeenjoy mo ‘yun.  Take note: hindi siya pipitsuging labanan, dahil mga bigating tao ang makakalaban mo.  When I say bigatin, I mean mga taong nakikita sa tv! Sikreto kung sino.

 

DAY 9 (ALTERNATIVE ENDING): FUTURE EX-CRUSH (one more chance ang drama)

Ito ang alternative ending kung hindi ko maoovercome ang kilig nung Day 5. *since di ko din naman mahahanap si Ramona, iuusod ko ang schedule, matupad lang ‘to (wahahahaha)*

Kung tutuusin, ito ang magiging unang beses na makukumpleto ko ang simbang gabi.  Unang beses din na matutupad ang wish ko sa simbang gabi.

 

 

MERRY CHRISTMAS EBRIBADI!

 

Advertisements

Dear Santa

Hindi ako magaling at lalong hindi ako mahilig magregalo kahit na sa pinakakaclose ko pang mga tao.  Para patas lang, hindi din ako mahilig humingi at magparinig ng gusto kong matanggap na nakabalot mula sa ilalim ng christmas tree mula kay Santa, sa mga magulang ko, sa mga imaginary kong ninang at ninong, o sa kapitbahay namin.

Pero para sa kapakanan ng mga taong sadyang naguumapaw ang kadakilaan at kabutihan at magkukusang-loob na isama ako sa listahan nila ngayong Pasko, eto ang partial wish list ko (in no particular order):

  1. “Si Amapola sa 65 na Kabanata” ni Ricky Lee

    image from the internets

  2. TOMS gutoms (ayan specific design pa yan, size 5 1/2)

  3. Isang bonggang bonggang coffee maker – gagawaran kita ng freedom of choice, kahit anong brand, color, at special features, basta makakasalok ako ng isang baso ng kape anytime, oks na!
  4. “The Best of Chico and Delamar’s The Morning Rush Top 10”

    image from the internets

  5. Kahit anong album ng Eraserheads
  6. Azkals jersey (kahit anong number at last name ang nakasulat, gusto ko surprise!! #artelang)
  7. THE “girlfriend ako ni Ramon Bautista” shirt

  8. Got 2 Believe DVD – ‘wag kang masyadong manghusga, pero kung 1 gazillion times mo nang pinanood ang “Harry Potter” o “Twilight” kaya achieved mo nang irecite kahit natutulog ang mga linya ni Harry the Potter at ni shining shimmering splendid Edward, ito ang  sarili kong movie of all time na saulado ko ang mga dialogue.
  9. Antivirus package para sa 3 computers
  10. Kahit anong nakakatouch o nakaka-emo na kaartehan (e.g. slideshow ng mga pictures with madramang background music)

P.S. Nakakaaliw palang maglista ng mga gusto kong matanggap na regalo.  Kahit na parang lokohan lang, parang napa-excite ko ang sarili ko. Try mo! Advanced cyber high five!

P.P.S. Alam ko at nating lahat na hindi totoo si Santa, kaya kapag sinabing Dear Santa, codename lang yung Santa para hindi masyadong paobvious kung sino ang pinapatamaan.  ‘Wag maging insensitive, give love on Christmas day ( just remember, it’s better to give than to receive.)

P.P.P.S. Hindi talaga ako mahilig manghingi ng regalo.  Ang blogpost na ‘to ay parte lang ng peer pressure at trip na makiuso.  Walang basagan ng trip! Advanced Merry Christmas!!!!

Paki-translate ang Pasko.

Tuwing Pasko, bago namin dalawin ang mga nahihimlay na naming lolo at lola at nabubuhay pa naming tito at tita at bago kami magtago sa taun-taong lumalawak na network ng mga kamag-anak daw namin, sumisimba muna kami at bumabati ng happy birthday kay Jesus.

Ngayong Pasko, feeling ko hindi ako nakasimba.

Feliz Navidad.  ‘Yan lang ang iilang Spanish words na alam ko kabilang na ang uno, dos, tres, at delicioso (credits to dora).  Ilang beses ko ng sinubukang mag-aral ng Spanish, pero hindi ko lagi tinatapos dahil tamad talaga ako dahil hindi kasing fun ng Dora the Explorer ang mga free online tutorial lessons.  Alam kong kakailanganin ko din ang kakayahang mag-Spanish balang araw lalo pa’t second language ‘yun dito sa Alabama at sa iba pang panig ng Amerika.

Hindi ko akalain na yung balang araw na ‘yun ay nung Pasko pala.  Alam mo ‘yung mga tanong mo sa sarili mo na “paano kaya kung niligawan/sinagot ko siya?“, “e kung i-drop ko na lang kaya ‘tong Math na ‘to at mag-artista na lang ako?“, “what if umuwi na lang muna ako sa Pilipinas kahit wala pa akong diploma at magpakabum na lang dun muna?“?  Pwes, hindi kasama sa mga ganyang tanong ko sa sarili ang “paano kung magkausap kami ni Jesus pero in Spanish?”

Nung Pasko, nagkamali kami ng tingin sa oras ng misa at dumating kami sa simbahan sa misang hindi naman ata kami invited.  Kaya pala parang takang-taka ‘yung pari ng makasalubong namin siya at buong saya pa namin siyang binati ng “Merry Christmas!”.  Nang humahanap na kami ng upuan, “uno.. dos.. tres.. (hindi ko na naintindihan yung sumunod na salita)” mic check pa lang, obvious ng nasa maling Christmas setting na kami di bale sana kung kumanta siya nung kanta ni Ricky Martin na Maria (un, dos, tres), nakasabay sana ako.  Hindi na din kami nag-back-out bilang ‘yun na ang huling misa na pwede naming maattend-an.

Wala akong naintindihan sa buong misa bukod sa Amen at Santo, Santo.  Pero sinubukan ko talagang magconcentrate habang tinitingnan ang paligid.  Akalain mong nagmisa kami kasama ang mga taong kalahi ng mga kasuntukan ni Pacquiao sa ring.  Kung may laban sa boxing siguro kinabukasan, malamang mahahalata ng langit na saling pusa lang kami dahil ibang iba ang idadasal namin sa joined forces nilang “sana po ma-KO na namin si Manny Pacquaio si Mommy Dionesia“.  Malamang nakuyog na kami.

Sabi nung Religion teacher ko nung high school na naabutan at na-absorb mo dapat ‘yung homily sa isang misa, hindi ‘yung basta basta ka na lang dumating sa simbahan at nakitayo, nakiupo, at naki-peace be with you.  Kung ipa-flashback ko ang eksena nung Pasko, parang ganyang ganyan ang naging role ko.  Counted pa rin kaya ang mga dinasal ko nun?

Naniniwala ako na lahat ng nangyayari sa buhay ay may dahilan at lahat ng pagkakamali, kahit mahulog pa ako sa kanal, ay may ka-partner na karanasan at moral lesson.  Hindi ako die-hard fan ni Pacquiao kaya hindi naman siguro nangyari ‘yun para bigyan ako ng pagkakataong mag-sorry o i-uplift ang mga Mexicanong nandun (pero nakakamangha ang sincere nilang peace be with you dahil umaalis sila sa upuan nila para lang makipagkamay sa mga nakaupo sa malayo sa kanila, nakakatunaw ng puso at konsensya).  Wala din naman siguro dun ang the one ko kung nandun man, eto na ang biggest mistake ko in a major major way LOLJK.  Pero sa totoo lang, napaisip talaga ako kung naririnig ba talaga ako ng langit nung araw na ‘yun, baka kasi hindi nila natatransmit ang mga dasal sa ibang lenggwahe dahil wala sa schedule.  Ni hindi man lang ako nakabati ng Happy Birthday dahil hindi ko alam kung paano.

Siguro test of faith.  Nakakaloko pala kapag hindi mo alam kung naintindihan ka ng kausap mo at hindi mo rin maiintindihan kung sasagot man siya.  May nakikinig ba talaga sakin kahit na parang wala namang nagreply?  Paano kung ‘yung messenger na ipinadala ng langit ay hindi ko rin maintindihan? Ni hindi ko nga alam kung sinabihan na pala ako ng pari na magbagong buhay at ideactivate ang Facebook account ko bilang new year’s resolution.  Paano kung hindi lang pala sa misang ‘yon walang nakinig sa mga dinasal ko? Ang daya.

Normal lang naman siguro na magduda, ‘di ba? Hindi ko alam kung eto ba ‘yung divine intervention, pero naramdaman ko nung Pasko, actually ngayong 2010 na may nakikinig sakin.  Kung trip mong wasakin ang trip ko, oks lang, pero naniniwala akong online 24/7 ang kausap ko, kahit in Spanish pa, o kahit in Jejemon, kahit Bekimon pwede, at kahit ano pang emosyon pwedeng pwede.  May pruweba ba ako? Wala. Dahil wala akong winish na bagay ngayong taon na pwede mong makita at mahawakan, at siguro kung meron man hindi ko din matatanggap dahil malamang hindi ko naman ‘yun kailangan talaga sa buhay.  Sabi nga ni Mitch Albom, “It is far more comforting to think God listened and said no, than to think that nobody’s out there.” Pero kung anuman ang paniniwala mo, o kahit hindi mo man maintindihan (o ayaw mong intindihin) ang pinagsasasabi ko, ayos lang, maki-tayo, maki-upo, at maki-peace be with you ka na lang sakin.