Azkals: Second half

Talo na nga si PacMan nung Sabado, talo pa ang Azkals kanina.  Mukhang mas durog pa sa pamintang durog ang puso ng mga Pinoy in less than a week.

Masakit matalo, lalo na kung ineexpect nating manalo.  Sinong mag-aakala na manaknock-out si Pacquiao? Akala ko si Chuck Norris lang makakapagpatumba sa kanya e.  Di ako fan ni PacMan pero, nung natumba siya, naramdaman ko yung sakit na shet, talo.

Triple pa nun ‘yung sakit kanina.  Kahit na alam kong second time lang ng Azkals sa AFF semis at makakalaban nila e 3-time champion na, nag-expect ako na mananalo sila.  As in hindi lang umaasa sa himala, alam kong mananalo sila dahil kaya nila.

Kung isasummarize ang mga nangyari simula 2010: Improved scoreline at performance sa mga laban, sandamakmak na friendlies, UFL, at padami nang padaming players na gustong makapaglaro para sa NT.  May mga games na parang gusto mong sumigaw sa tv na mag-sub na si coach Weiss dahil alam mong andami pang magagaling din sa bench.  (side note: actually naenjoy ko na hindi nagstart si Chieffy kanina, para lang masabi kong “ipasok na si Chieffy”.  Yan ang football version ko ng “ipasok na si Bal David” kapag 0.00002 seconds na lang tapos matatalo na ang Ginebra, sorry off-topic).

Kanina, ang lapit-lapit na natin sa finals at sa bagong entry sana sa history book, sayang.  Pero di ako naiinis na natalo sila.  Well, nanghihinayang, oo, pero hindi bitter.  Alam kong gusto nilang manalo at sumubok silang manalo.  Yun nga lang mas lamang lang talaga sa execution at uh, sa goal, yung Singapore nung first half.  Medyo bumawi tayo sa second half pero ‘di pa din nakagoal tapos wala namang extra points for effort.  Kaya… talo.

Pero cheer up, hindi pa end of the world (although malapit na ang Dec 21, 2012) dahil Azkals ‘yan.  Magaling silang bumawi.  ‘Yung madedepress ka muna, tapos saka ka babawian ng matinding counterattack na saya at panalo.  Insert: AFC Challenge Cup 2012 qualifying group stage at yung knock-out stage.  Saka yung mismong Group Stage ng Suzuki Cup this year.  Paunang talo sa Thailand pero bumawi sa Vietnam at Myanmar.  Medyo nakakafrustrate yung mga 1st half tapos binirahan ng goal/s sa second half.  Ganun din sila nung home game sa Manila last week, ‘di lang nakagoal pero nagimprove sila after ng halftime.

Sabi nga nung commentator kanina, 2nd half team daw ang Azkals.  Baka “1st half” lang ‘tong moment na ‘to.  Tapos magsisimula sa AFC Challenge Cup 2014 yung “2nd half”.  Hanggang sa maging both half na ang galing nila or hanggang mafulfill ang kung anumang inspirational analysis na pwede.  Basta makakabawi tayo.

Malayo pa siguro tayo ngayon dun sa ultimate goal, pero, at least, mas malapit na tayo dun kesa nung 2010.  Hindi ko alam kung anong half na ‘to ng laban, baka nga first 1/8 o 1/100 pa lang, pero ok lang.  We believe, kahit nadurog ang puso namin kanina, kering keri pa.  Manalo, matalo, go Azkals!

Advertisements

Go for the Gold!

Sabi nila, sa lahat ng bansang wala pang gold sa Olympics, tayo ang may pinakamaraming (silver at bronze) medals.  Astig na din ‘di ba? Kahit parang imposible pa sa ngayon, naniniwala ako na magkakagold din tayo someday.  Dadating din tayo ‘dun.

Habang busy pa ata ang gobyerno sa pagiisnub sa mga athletes na matagal nang nangangailangan ng pondo at suporta, magiimbento na muna ako ng pwedeng alternative games mala-olympics na sasalihan, actually sapilitang sasalihan, ng mga “qualified” sumali at irepresent ang Philippines!

Handa na ba kayo sa sandamakmak na gold na makukuha natin dito? Pwes, let the games begin!

1.  Bus/ Jeepney Racing sa EDSA

Walang magiging problema sa paghahanap ng representative, kahit sinong bus at jeepney drivers, halos lahat qualified.  Sa sobrang competitive ng labanan, magkakaroon pa ng olympic trials, parang sa US bago nabuo ‘yung fab 5 nila sa women’s gymnastics.  Syempre, magpapabless muna ang MMDA para siguradong hindi magpakab*tch ang mga concrete barrier at bigla na lang mag-magnetize ng mga magkakarerang buses/jeeps para lang magkaroon ng banggaan.   FYI, sa lahat ng aksidente sa EDSA, ‘yung mismong EDSA talaga ang may pananagutan e.  ‘Yung kalye ang may problema, ‘yung kalye, guys, ‘yung kalye.

2.  Swimming (individual medley)

…sa dagat ng basura.  Dear Michael Phelps, haaaave you met, Manny Villar?

3.  Poker

pero ang labanan talaga ay ang degree ng galing sa pagka-poker face.  Team captain: Jinkee Pacquaio (tapos sariling pondo na din nya yung lulustayin nya sa game *pwedeng ipusta ang Hermes collection*).  Teammates: Vicki Belo at ang too many to mention na mga artista na feeling bagets kaya halos minu-minuto ata nagpapa-botox.

4.  Speed texting/facebooking/tweeting/online-voting/temple-running/and-the-like

Mag-eexplain pa ba ako????

5.  “the-bible-says”

Kahit anong laro (e.g. basketball, bowling, piko, diving) pero bago makatira, kailangan munang masagot kung saang parte ng bible mahahanap ang sasabihin ng game master.  Wala nang duda na si PacMan ang ipanglalaban natin.  Very close second na gagawin nating sub ay si Sharon Cuneta.

6.  Instagram-that-pagkain

Pagkain plus picture-picture = Pinanganak tayong lahat para dito kaya pwede kahit sino ang sumali!!! Pero instant qualification para sa mga nagiinstagram ng inorder nila sa starbucks.  ‘Yun ang sukdulan sa pagkacool e.

7.   Pass the message!

Ang criteria ay ang taas ng creativity sa kwentong mabubuo mula sa original message.  Mas malabo at mas malayo sa kwentong ibinulong ng unang teammate, mas panalo.

8.  Gymnastics sa motor

Padamihan ng masasakay sa motor tapos magpapasingit singit sa matinding traffic.  Kailangan magaling ang reflex at sa pagbabalance dahil walang suot na helmet.  Ang mahulog, bagok ang ulo.

9.  Itutula ang Sariling National Anthem

Biglaan, walang praktis, mamimili lang ng mga kasali sa audience sa olympic venue.  Kung ikaw ang napili, mananalo ba tayo dito?

10.  Hawak-ko-ang-alas-kaya-manigas-ka

Random labanan basta ala game of thrones pero dapat may baong linyang pambato sa kadwelo.  Either you win or you die.  Inonominate ang mga pulitiko para irepresent tayo sa labanang ‘to.  Pinakamaraming HINDI natupad na pangako nung nangampanya sila, unang mamamatay isasalang sa laban.  Exempted ang mga may pinakamagandang record habang nasa posisyon.  Instant salaan na ‘to para sa mga nagbabalak tumakbo sa susunod na elesyon na wala namang gagawin kundi mangurakot.  Heto ang video para sa example, pero mas duguan dapat dyan, lintik lang ang walang ganti levels.

Pero seryoso mode: Sa lahat ng atletang pinadala natin sa London ngayon at sa lahat nang lumaban noon sa Olympics, saludo kami sa inyong lahat.  Kahit walang medal, ‘yung nirepresent n’yo lang ang buong Pilipinas, winner na kayo dahil dun.  Fist bump guys!

Metro ni Manong

Hindi ako madalas mag-taxi.  Masyado kasing mahal at feeling ko hindi rin ligtas.  Bukod sa wala akong kasing kuripot, masyado kasing magaslaw ang imagination ko sa tuwing nasa loob ako ng taxi na tipong maiisip kong may halong pampatulog ‘yung air freshener na masisinghot ko kaya mahihimatay ako sabay liliko si manong sa damuhan.  Mga ganyang eksena, pang-teleserye o kaya pang-TV Patrol.

High school pa lang ako, hindi na mapakali ang dalawa kong paa kapag nakasteady lang ako sa bahay.  Kahit na hindi kami masyadong sanay sa Manila, dumayo talaga kami ng kaibigan ko makapunta lang sa isang concert.  Sikreto kung kailan dahil takas lang kami sa school nun with the help of our beloved friends sa pagtakip sa amin kung bakit kami absent.  Madaling araw na natapos kaya medyo madalang na ang bumabyahe pauwi sa’min.  Halos pumuti ang buhok namin kakahintay sa bus, jeep, o kahit anong may gulong, na kahit kalesa papatulan namin.  Napagdesisyunan naming sumakay na lang ng taxi kahit takot kaming magising na lang na nasa ibang planeta na kami.  Pagsara pa lang ng pinto ng taxi, nagtalunan na ang lahat ng nilalaman ng katawan ko.  Ayoko naman atang maheadline kinabukasan.  Anong tadhana naman ‘yon, ang pangit ng ending.  Pero dahil nasusulat ko na ‘to ngayon, pinalad kaming makasakay sa isang taxi na matino ang driver.  Tinuruan niya pa kami kung saan kami sasakay pagkababa ng taxi.

Memorable din ang mga araw ko sa peyups bago magsimula ang unang sem ng college life.  Ilang araw bago ang enrollment, kailangan ng mga freshies na magpamedical sa Infirmatay (i.e. Infirmary).  Dahil na rin siguro sa pagod, kaba, at takot sa papalapit na kabanata ng buhay ko at dahil nahawaan ata ako ng “kabaitan” at pagka”approachable” ng ilang nag-aassist dun, na-drain ang kabaitan at pasensya ko.   Nagyaya ang nanay ko na mag-mall pagkatapos pero dahil hindi ako pamilyar sa lugar, hindi ko alam kung saan sasakay.  Dahil takot akong maligaw, tinatamad na kong magisip, at naiinitan ako, nagdemand akong magtaxi na lang kami.  Isang hindi praktikal na desisyon.  Swerte pa dahil isang matinding traffic ang nakaabang.  Hindi ko alam kung sadyang trapik talaga nung araw na ‘yun o nadenggoy kami ni manong dahil halatang bagong salta kami sa diliman.  Hindi ko na tinanong kung magkano ang binayad ng nanay ko, dahil busy ako masyado sa pagdedestress at sa pagpunas sa pawis at init ng ulo ko.

Forward sa 2nd yr ko, sumubok (uli) akong mag-apply sa org.  Huling gabi bago kami sumalang sa Talent Show namin, nagpraktis kami sa huling pagkakataon.  Dahil medyo madami-dami ang mga dala namin, tipong lipat bahay gang at hindi lang basta basta backpack at paper bags ang mga dala namin, kailangan naming magtaxi galing philcoa papuntang fairview.  Walo kami nun.  Gabing gabi na.  Nahirapan kami sa pagkuha ng taxi dahil nga gabi na at madami pa kami.  Pagkatapos ng pag-isnab sa amin ng ilang taxi, may isang hulog ng langit na pumayag na sumakay kaming walo.  Parang sardinas na hindi masarap ang itsura namin.  Medyo mahal ang binayad namin kapalit ng ilang minutong joyride with manong.  Pero ayos lang dahil siya lang ang nag-iisang taxi driver na naawa at naantig sa hulas na hulas na mga itsura namin nung gabing ‘yon.

Ilang araw bago ko lisanin ang Pilipinas kong mahal, papunta kami noon sa US Embassy, nang maencounter namin ang pinakanakakaaliw na taxi driver.  Natutuwa ako sa mga manong na mahilig makipagkwentuhan sa mga pasahero.  Mas sulit kasi ang bayad.  Medyo traffic kaya napahaba ang kwentuhan namin.  Isa siyang simpleng tao.  Simpleng tao na nangarap at nagsimula sa ilang pirasong damit nang mapadpad siya sa Maynila.  Ok naman ang naging buhay niya.  Nagkaroon pa nga siya ng negosyo at nahanap si the one.  Nagkaroon siya ng mga anak.  Nagkaroon siya ng taxi.  Ang taxi na dinadrive ni manong.   Ang taxi na sinakyan namin ni ate.  Simple lang ang buhay niya: gigising sa umaga, maliligo, kakain, magdadrive, uuwi, kakain, matutulog.  Paulit-ulit.  Hindi nga daw niya namalayan na matanda na siya at halos lahat ng ka-edad niya ay patay na.  Pero hindi ko malilimutan ang sinabi niya na may isang bagay na pinagpapasalamat niya: Masaya siya na buhay pa siya.  May mga tao palang hindi marunong magreklamo sa simpleng buhay na meron siya.  Naapprove ang visa ko nung araw na ‘yon pero pakiramdam ko mas masaya sa’kin si manong.

Hindi ko nilalahat ang mga taxi drivers.  Hindi porke’t na-enjoy ko kakwentuhan si manong driver #4 ay ginusto ko nang mag-taxi araw-araw.  Hindi rin dahil feeling ko idinaan kami ni manong #2 sa matrapik na lugar ay dapat ko nang ipa-phase out ang mga taxi sa lahat ng kalye.  Iba-iba talaga ang bawat byahe, gaya ng pagka-assorted ng experience sa pagsakay ko sa pedicab, tricycle, jeep, “baby” bus, bus, o MRT.  Kaya mag-taxi ka pa rin kung trip mo at kung afford mo.  Go lang! Basta siguraduhing gumagana nang matino ang metro, tandaan at itext/i-bbm/itweet ang plate number ng taxi sa nanay, bff, o syota just in case makidnap ka nga, at syempre huwag namang mag-1-2-3, magbayad ng tama.  Higit sa lahat, ‘wag ding masyadong mag-inarte at magdemand na i-overcome ni manong ang heavy traffic.  Hindi siya si Moses at hindi ka ganung ka-ispesyal.  Enjoy!

 

(Note: Nirecycle ko lang ang blogpost na ‘to galing sa multiply site ko.  Tinamaan ako ng ka-emohan at hinalungkat ang mga lumang blogs.  Wala lang, sharing.)

5 “Did he really say that” moments ni Bob Guerrero sa PHL-SGR International Friendly

Disclaimer: Hindi ako galit kay Bob Guerrero, sa totoo lang naeentertain niya ako paminsan-minsan.  At kung bibilangin kung ilang beses kong binabanggit at tinatype ang pangalan niya, trending topic na siya sa buhay ko (no, walang “something” sa amin, haha).  Pero hindi ako susuko sa pagiging commentator niya.  Alam ko balang araw, kahit na hindi na siya pumayat, masasaulo na niya ang pangalan ng mga Azkals (at makikilala sila kahit nakatalikod o bagong gupit) at ng kung sino man ang kalaban.

Non verbatim ‘to dahil may short term memory ako tapos choosy pa ang mga bagay at words na tinatanggap sa temporary memory space na ‘yun, ergo ‘di ko nase-“save” ang eksaktong sinasabi ng mga tao at hindi excluded si Bob Guerrero dun oyes Ok fine, medyo malayo ‘yung iba sa sinabi niya, pero alam ko, deep inside, ‘yan ang ibig niyang sabihin close kami wag ka nga.

    1. Anton is here!!!!! Anton is here!!!! Yeah, Dyan Castillejo, I got the scoop first!
    2. Dear Darren Hartmann, I hope you’re feeling better and will be back in time for Tuesday’s game against Nepal. Hugs, your buddy Bob Guerrero.  (looks at someone sitting right next to him) Oh hello there I am Bob Guerrero, and you are???? Oh right, you’re Chris Soler!
    3. We don’t have the starting line up list, so I’ll refer to the Azkal on the ground in excruciating pain as “the one who can’t be moved” to quote my favorite band on earth, The Script, teehee
    4. 1st Half recap: Philippines with 1 yellow card.  WTH was I? I was not informed!!! Wait, I’ll check my Twitter updates.  My god, Chris Soler, weren’t you paying attention?? Direk, can’t we just do this, whatever we’re doing, in Darren’s hospital room??
    5. Fun Fact: Do you know, of course you don’t, that Dennis Cagara has a brother who is an amazing magician??? He’s on youtube, and he once performed with Jason Mraz.  Hell yeah, I’m so cool, beat my fun fact Chris Soler, beat that! Yo Dennis Cagara, bro!
Abangan ang susunod na kabanata: sino ang iinterviewhin este makakasama ni Bob Guerrero na commentator sa Azkals-Nepal game? Whew, exciting!!! See you sa Tuesday!!!

Proud with a capital P

Ordinaryong araw lang sa akin ang biglang titigil sa ginagawa, matutulala, at biglang mamimiss ang Pilipinas.  Alam mo ‘yung pag gumigising ka, kadalasan Lunes ng madaling araw, at malilito ka kung anong araw at oras na, kung nasaang lugar ka, at kung ano ang ginagawa o gagawin mo? ‘Yung kapag pagkatapos nang ilang segundo nang pagtitig sa kisame, bigla mong marerealize na Lunes ng umaga pala at kailangan mo nang (in no particular order, at pwedeng gawin simultaneously): maligo, umupo sa trono, kumain, magtext ng “Good morning” sa labidabs mo, magtoothbrush, magbasa ng headlines sa twitter (ok, pwede din sa CNN), magkape, at tumingin sa salamin para sabihing “Limang araw na lang at weekend na, cheer up!!!”.  Ganyan ang nararamdaman ko araw araw, minsan kahit hindi bagong gising.

Lalo kong namiss ang Pinas ngayong Linggo.

Miss Universe 2011 nung Monday ng gabi dito.  Waging-wagi si Shamcey Supsup at ang buong Pilipinas.  Pinagpalit ko talagang hindi magreview sa exam ko kinabukasan, makanood lang at makigulo sa twitter bago, habang, at pagkatapos ng pageant.

Nung Lunes din nanumpa ang nanay ko para maging American citizen.  As of September 12 2011, hindi na Pilipino ang mga magulang ko.  At least, sa papel lang.  Sigurado ako dun dahil o.a. nga sila sa reaksyon dahil lang mas mataas ang fan votes ng Venezuela sa swimsuit at ng Angola sa evening gown kesa sa Philippines.  Kumalma sila ng konti ng iexplain nami ng ate ko na hindi ‘yun average score ng judges.

Hindi ko maimagine ang sarili ko na manunumpa din.  Hindi ako nakasama sa kanila nung araw na ‘yun kaya hindi ko nasaksihan kung anu-ano ang gagawin.  Basta sabi ng ate ko, iwawagayway daw ‘yung maliit na American flag na nasa stick.  Oh well, papel, hindi ko ata kaya ‘yun.  Baka mabangungot ako c/o Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Ninoy Aquino, at Mommy Dionisia.  As of today, Pilipino ako, sa puso, isip, diwa at papel.  I thank you.

Tapos nung Sabado, UAAP Cheerdance competition naman.  High school pa lang ako at kahit hindi pa ako masyadong fan ng basketball sa UAAP, hindi namin pinapalampas ‘yung cheerdance.  At hindi ‘yun dahil paborito ko noon ang Non-stop ice cream.  Noon pa lang, nakakamangha na ang UP Pep Squad.  At hanggang ngayon, andun pa din ang nag-uumapaw na talent at bonggang attitude plus the blonde hair.

Nakakaproud ang UP Pep.  Nakakagaan sila ng pakiramdam.  ‘Yung nagpeperform sila, hindi dahil kailangan nilang magperform at magcheer dahil trabaho nila ‘yun, pero dahil gusto nila at masaya sila.  Basta sa tuwing napapanood ko ang UP Pep, parang ang sarap maging taga-UP at maging Pilipino.  Naramdaman ko uli ‘yun nung mapanood ko sila nung sabado, kasama ng pakiramdam na parang ang sarap magpakulay ng buhok, seryoso.

Kung hindi mo pa napapanood ang performance ng UP Pep Squad, para sa’yo to.  Mas magandang anggulo ‘to kesa sa tv.  Salamat sa may-ari ng video.

Apat na beses ko ng pinapanood at papaulit-ulitin ko pa kahit magreklamo pa ang computer ko.  I LOVE YOU UP PEP SQUAD!!!!!! #UPPepSwag #UPFight (hindi ko na maiwasang magtype ng hashtag, sorry)

3 Linggong ♥

May 01, 2011.  Inannounce ni Obama na dedbol na si Bin Laden na sumakto din sa araw nang nalaman ng buong mundo nung 1945 na patay na si Hitler.  Beatification ni Pope John Paul II.  Labor day kaya holiday dapat kaso Linggo pero wala pa rin atang pasok kinabukasan para walang mag-amok at magreklamo hindi maabot ng braincells ko ang  holiday rules ni PNoy, dear Mr. President, sacred ang bawat holiday sa mga tulad ko kaya ‘wag kang k.j..  ‘Yan din ang araw na natapos na ang maliligayang araw ng mga kotseng nakalibre sa Cavitex dahil nagsulputan na ang mga tagasingil ng toll.  ‘Yan naman ang araw na nagsimula ang maliligayang araw ko.  Pinakamaliligayang araw.

Halos 3 linggo lang akong nagbakasyon sa Pinas.  Medyo kulang pero mas ok na ‘yun kesa sa hindi ako nakauwi.  Hindi naman ako masyadong nanibago.  Mainit at malagkit sa balat na pawis, ang walang kasing-consistent na traffic, at ang mga motor na lumilipad sa kahit saang side ng kalye ka mapatingin.  Long time no see!

Hindi nakakuha ng matagal na leave ang mga ate ko kaya naging official tambay ako sa mall.  Para akong bata na iniiwan ng mga ate ko tuwing umaga sa daycare at sinusundo kapag lumubog na ang araw.  First time kong magpalipas ng oras sa coffee shop ng walang iniisip na exam o lab report.  Lalong sumarap ang kape sa panlasa ko dahil dun.  Nang mga sumunod na araw at mamulubi na ako, naghihintay na lang ako ng opening ng mall sa parking lot habang naglalaro ng Fruit Ninja at Plants vs Zombies.  Hindi man ako nagtagumpay pigilan ang mga zombies, namaster ko ang paghiwa ng mga prutas kaya binabalaan na kita kung gusto mo mang patunayan na ikaw ang the best fruit ninja assassin.  Nakakapawis nga lang ang tumambay sa parking lot kasama si manong guard na minsan masama ang tingin sa’kin kapag lumalapit ako sa kotse ng ate ko.  Minsan binabagalan ko talaga ng pagbukas sa kotse para maisip niya na sinusundot ko lang ‘yung lock ng sasakyan.  Wala namang nangyaring habulan sa pagitan namin ni manong guard, isa siyang cool na security guard, swabe at hindi judgmental.  Dahil nga nakakapawis, madalas nasa labas na ako ng Landmark bago pa man mag-10am kaya isa ako sa mga unang nakakasaksi sa bonggang costume ng mga guards at saleslady nila.  At kahit na ako ang isa sa mga unang customers na nakapila sa entrance, wala pa ding sumasalubong sakin na good morning at smile at isang tusok lang ng magic wand nila ang natatanggap na pagbati ng bag ko.  Iniisip ko na lang na totoong magic wand ‘yung hawak nila at mag-aalarm ‘yun o magbabagong kulay o iilaw kapag may nadetect na bomba o baril at maililigtas nila ang buong mall mula sa isang pang-CNN na eksena.  Madalas nakiki-internet lang ako sa Burger King o nakikibasa sa Powerbooks pero kadalasan may dumadamay sa aking buhay bum via unlitxt/unlicall o totoong presence.  Hitting many birds with one stone.  Magpakabum sa mall sa Pilipinas (oh yes, mas naaaliw ako sa mall sa Pinas kesa dito) + unlitext + friends + friends + friends + friends = eternal happiness.

Hindi man sila mga bum na katulad ko, pinasingit pa din nila ako sa mga schedule nila at sinigurado nila sa'kin na hindi 'yun dahil sa chance na makalibre kundi dahil labs talaga nila ako. At dahil kaibigan ko sila, hindi ako naniwala. *char*

Madami-dami na din sa mga kaibigan ko ang nagtatrabaho na at nagkukunwaring seryoso na sa buhay pero masaya ako na nakasama ko uli sila pagkatapos ng 100 years.  May mga gusto kong makita pero hindi nagpakita, may hindi ko inaasahang makita pero nakita ko at masaya ako na nakita ko, may pwede kong makita pero hindi ako nagpakita, may mga gustong magpakita pero hindi sila libre (o baka ayaw nilang magpakita, ok fine).  Pero kahit na kadalasan mall lang ang venue namin, oks na oks ako dahil sila ang kasama ko.  Nun na lang uli hindi napanis ang laway ko kakakwento at kakatawa.

madaming wala sa picture na 'to.. sinadya ko talaga. Pinapunta ko sila sa shower room.

Natuloy din ang high school reunion namin kahit na halos kalahati lang kami at muntik na kaming ‘di makapasok sa resort dahil wala na daw table.  Halos lahat sa’min hindi nagswimming dahil mas naenjoy namin ang kwentuhan at bonding habang tuyo at fresh kami.  Hindi man namin nasulit ang bagong wave pool dun, priceless ang makasagap ng ex-highschool crush ng mga kaibigan, update sa buhay pag-ibig at iba pang seryosong bagay (e.g. trabaho… at lovelife uli), mga da moves na pumalpak at nag-work, at kung anu ano pang random na usapan.  Proud ako na madaling yugyugin ang mga kaibigan ko na magsabi ng totoo at maglabas ng sikreto kahit na hindi sila lasing.  Aprub!

Bukod sa makasama ang mga taong namiss ko, isa sa mga dahilan kung bakit ako umuwi ay para maningil ng libreng Yellow Cab.  Bihirang bihira akong makipagpustahan kahit sa UAAP pa man o American Idol kaya nang mapasubo ako sa isang pustahan kasama ang 2 sa pinakakaclose kong kaibigan, nun pa lang hinanda ko na ang wallet at kalooban ko sa pagkatalo ko.  Bukod sa kawalan ko ng experience sa pustahan, akala ko magtatagpo na kami ni the one kapag nagsimula na akong mag-aral sa Alabama at makakatikim nga ng libreng pizza ang mga kaibigan ko.  Pero pagkatapos ng 3 taon, sakin ang trophy.  Masaya ako na natupad ko ang misyon kong magpapakaseryoso lang ako sa acads dito at magiging loyal sa huling crush ko bago ako umalis sa Pinas.  Syempre mas masaya ako dahil masaya din ang mga kaibigan ko sa buhay nila kahit gumastos sila para sa kaligayahan ko.  Dear labidabs ng mga kaibigan ko, umayos kayo dahil higit pa sa pizza ang happiness na deserve ng aking dearest friends.  P.S.  Nangangagat ako kapag kinakailangan. rawr.

Dahil nga hindi pwedeng magbakasyon ng matagal ang mga workaholic kong ate, Subic ang naging destinasyon namin.  Nag-Zoobic Safari kami kahit na hindi naman ako mahilig sa animals at takot sa ibon.  Nakauwi naman ako ng buhay dahil inisnab ako ng ostrich at tumakas ako sa Bird Walk.  ‘Yun din ang araw na bumigay ang dila ko sa ice cream pagkatapos ng ilang buwan na loyalty sa yogurt at pagdyedieta.  Kinabukasan nag-tree top adventure naman kami at dahil abot langit ang katapangan naming magkakapatid, nag-canopy ride lang kami na kasing bilis ng mga kotse sa the fast and the furious kapag nasa parking lot sila at isa lang ang gulong na nakakabit.  Nakakaaliw ang staff nila dahil parang lahat ng sinasabi nila ay nakakatawa at parang isang malaking kasalanan dun ang hindi tumawa.  Kung mapapadpad ka sa Subic, ‘wag mong kakalimutang subukan ang tree top adventure.  Worth it ang bayad at pwedeng utusan ang staff nila na kunan ka ng picture habang ilang metro ang taas niyo mula sa lupa basta daw jumpshot.

Masarap makabonding uli ang mga taong matagal mong hindi nakasama.  Pero wala nang mas sasarap pa sa mga pagkaing matagal mo nang ‘di nakakain.  Longganisa sa Mcdo, puto bumbong, cream-o, tapsilog ng Hidden Tapsi, tomi, mango shake ng Lutong Bahay, Halo halo ng Razon’s, Lemon Square cheesecake, tapsilog ng Rodic’s, at marami pang iba.  Ang sarap tumira sa Pilipinas, kahit nakakataba.  Kaya kong isugal ang timbang ko alang alang sa kasiyahan.  O yes.

nandyan talaga kami sa isawan, pramis. Nahiya lang akong lumapit dahil andaming girlies ni idol ramon.

Tatlong beses akong dumalaw sa UP diliman.  Pero feeling ko kulang ang panahong ‘yun para magreminisce ako at mag-emote sa bawat haligi ng IC, sa Sunken, sa Teletubby land, sa KNL, o sa harap ng Chemsoc tambayan.  Maraming bagong building at one way na lang ang acad oval pero ‘yun pa din ang UP na minahal ko nang buong buo, ang one true love ko.  At sadyang mabait talaga si Lord dahil bukod sa sumaya ako nang sobra sa pag-apak ng paa ko sa diliman, nakatagpo ko pa ang idol kong si Ramon Bautista sa isawan.  Finormspring ko pa si Ramon ilang araw bago ako umuwi sa Pinas na sana magkita kami pag uwi ko para mahigitan ko ang starstruck moment ng ate ko nang makita niya si Anne Hathaway nang magbakasyon siya sa California.  Matagal ko na ding goal na magpapicture kay Ramon with his aprub pose para gawing profile picture panghabang buhay, ‘yun nga lang naka-off ata ang fangirl mode ko ng araw na ‘yan kaya nagpakastalker-ish na lang kami sa pagpicture sa kanya.  Ang saya talaga sa UP. ♥

Sa lahat ng nakakita sakin nung umuwi ako, pinaka-hindi ata naexcite ang aking pinakamamahal na aso na si kobie.  Naging mabait naman siya sakin sa mga piling araw na may masarap akong kinakain.  P.S.  past time namin ni kobie ang magpictorial at sa dinami dami ng pictures nya na kinunan ko, ito ang pinakafavorite ko.  Hindi namin ‘yan pinraktis.  Isa lang siyang natural  na mowdel at isa naman akong talented na photographer walang kokontra.

cute siya pero nagkukunwari lang 'yan.

Sa lahat ng nakipagbonding, nanlibre, nagpalibre, nakipagkwentuhan, nangamusta, nagregalo, naexcite, nakipagtext, at nagpasaya sakin, salamat.  Alam nyo na kung sinu-sino kayo.  At sa mga taong hindi ko nakita o hindi nagpakita, ‘di bale, marami pang next time (kung stalker mo ko, kabahan ka na LOLJK).  At sana kayo na ang manlibre sakin.  See you next year (sana)!

Pikon Talo

Loser with a capital L.  Hindi ko alam kung ano ang qualifications bago ko masulatan ang noo ko ng capital L with glitters pa at maging official loser.  Hindi ko alam kung sign ba na naisip ko yan sa linggong sunud-sunod ang laban ng Azkals at sa unang linggo ko sa school pagkatapos ng spring break.

March 20

Ngayon ang concert ng One Republic.  Sinakto na perfect ending sa spring break.  Meron na akong ticket.  Pero hindi ako nanood.

Dahil hindi ‘yun ang ending na hinahanap ko.  O dahil ayoko din na matapos ang break.  O dahil natanggap ko na nasa Alabama ako, at si Taylor Swift lang ang mapapadalas ang pagbisita dito. /wrist.

March 21

3 am.  Isang oras bago ang unang laban ng Azkals sa group stage ng AFC Challenge Cup 2012.  Kung Backstreet Boys ‘yung nagconcert at hindi One Republic, malamang tulala na ako nung mga oras na ‘yan at nakikipaglaro ng charades sa sarili.  Kung hindi laro ng Azkals ‘yun, malamang tulog pa ako at nakikipaghabulan pa sa panaginip ko with my imaginary playmates.  Pero hindi ‘yun BSB, at Azkals ‘yun.

Aminado naman ako na wala akong masyadong alam sa football.  Nung December ko lang nadiskubre ang Azkals at ang mundo ng football.  Pero sa loob naman ng ilang buwan, may mga natutunan na ako at hindi na “ayun shoot!!!” ang reaction ko sa bawat goal.  Kilala ko na si Lionel Messi.  At nabalitaan ko din ang pagretire ni Ronaldo nung February.  Hindi na F4 ang naaalala ko kapag naririnig ko ang red card, at hindi na si David Beckham ang navivisualize kong papatayuan ko ng rebulto kapag binigyan ako ng pagkakataon ng football gods.

Pero alam ko na hindi lang ‘yan ang basehan para sabihing nakita ko na ang makulay na mundo ng football.  Wala pa yan sa kalingkingan ng lolo ng mga die hard football fans.  Hindi ko alam kung nasaang banda na ba ako bago ko maabot ang kalingkingang ‘yan.  Pero tuloy lang.

3:30 am.  Wala na nga atang live coverage ang laro.  Gumising ako ng maaga sa unang araw ng klase tapos hindi ko pa mapapanood ang Azkals.  Muntik ko ng basagin ang wall clock at punitin ang kalendaryo dahil ayoko na.

Hindi ko binasag yung wall clock at hindi ko din pinunit yung kalendaryo.  At kahit binasted ng Myanmar ang panliligaw ng Pilipinas na ibroadcast ng live ang unang laban ng Azkals, hindi nagtagumpay ang Myanmar na tapusin ang 3-month relationship namin ng football.

Football via Twitter.  Sa isang baguhang tulad ko, lahat ata ng nangyayari sa isang game ay napapasali sa listahan ko ng firsts ko bilang isang football fan.  At sa pambihirang pagkakataon, salamat sa Myanmar, pwede akong maki-apir sa mga taong matagal ng solid ang pagmamahal sa sport at sa buong national team sabay sabing “first time mo?”.

Nakagoal si James Younghusband sa 2nd half ng laban nila ng Myanmar.  Kasabay ng pagdating ng tweet na “goal!!!!!!” ang “lumindol!!!” at hindi ko alam kung kasalanan ba kung magtweet ako ng “yahhhhhoooooo!!”.  Kinabahan ako para dun sa lindol, pero madali akong nakarecover.  At ganun din ata ang Myanmar.  Habang handa na ang pagsasaya ng mga Pilipino sa halos ilang taon ding pinaghirapan ng Azkals na pagkapanalo laban sa kanila, biglang nakagoal ang Myanmar, sabay pagpindot ng cancel sa tweet na Azkals 1-0 oh yeah! wooohooo.

Draw ang laban.

Kahit puyat, pumasok pa din ako sa school.  Wala ako sa mood para makinig sa teacher ko kaya nagpakabusy na lang ako kakacompute kung dapat bang manalo ang Azkals sa susunod nilang 2 laban.  Saka ko biglang narealize na ibabalik nga pala ang exam namin bago matapos ang klase.  Nagulo ang computation ko sa kapalaran ng Azkals dahil naalala kong pumalpak ako sa exam na ‘yun.  Sigurado pasang awa ang score ko.

Pagkakuha ko ng exam ko.  96.  Muntik na akong mapalakpak sa sobrang tuwa.  Ganito siguro ‘yung naramdaman nung Myanmar.  Bigla kong naalala na open book nga pala yung exam at hindi pa huli ang lahat para sa Azkals dahil may 2 pang game.

March 22

Malalaman ko din ang score ko sa isa pang exam.  Alam kong pumalpak din ako dun pero mas generous magbigay ng partial points ‘yung teacher ko sa subject na ‘yun kaya pumasok ako ng walang masyadong kaba.  Naisip ko, kahapon nga naka-96 ako e, ngayon pa kaya? Nung tingnan ko ang test paper ko, 78.  Ganito siguro ang naramdaman ng Myanmar nung nakagoal si James.

Bumaba ng bumaba ang energy ko buong araw.  Hindi ko na napanood ang unang laban ng Azkals, malabo ding mapanood ko pa ang 2 pang susunod na laban, tapos palpak pa ang exam  ko sa favorite kong subject na tinuturo ng favorite kong professor.  Hindi ko alam kung sino ang sisisihin ko: ‘yung seatmate kong matalino, ‘yung nakagoal sa Myanmar, si Schrodinger, si Coach Weiss, ‘yung teacher ko nung kinder na ginawa akong first honor at nagparamdam sakin na masarap maupo sa unang row sa graduation.  Hindi ko alam.  Hindi ako tumingin sa salamin dahil baka makita ko ang sagot sa tanong ko, baka makita ko ang capital L sa noo ko.

March 23

3:30am.  Bukas na ang twitter ko at umasang gagana ang link na magpapalabas DAW ng laban ng Azkals at Palestine.

4am.  Laos ‘yung link kaya nag-abang na lang uli ako sa twitter.

5am.  Nakatulog ako sa harap ng computer habang bumaha ang timeline ko.

5:30am.  Nang marealize kong nakatulog ako, natakot ako na baka nakagoal na pala ang Palestine habang natutulog ako.  Pag-refresh ko ng timeline ko, 0-0.  Gising na gising pa ang Azkals at nakabawi sila sa mahinang depensa nung bago ako nakaidlip.

6am.  Draw uli ang laban.  Nagcompute uli ako kung kailangan na bang manalo ng Azkals sa huli nilang laban.  At dahil mas magaling sa Math ang mga finafollow ko sa twitter, nauna ang tweet nilang kailangan nang manalo ng Pilipinas.  At kailangan ko na ding uminom ng energy drink para di na ako makatulog uli.

9:15 am.  Replay ng laban ng Azkals at Myanmar (expected time).  Itinago ko na ang libro ko kahit na may exam ako kinabukasan at hindi pa ako nagrereview.  Naisip ko, mas pipiliin kong magcram kesa palagpasin ang laban ng Azkals na 2 araw ko ding hinintay.

10:15am.  Replay ng laban ng Azkals at Myanmar (actual time).

Pinilit kong kalimutang may isa pang laban ang Azkals.  May exam kasi ako kinabukasan at kumikinang kinang pa sa memory ko ang 78 na napala ko sa huli kong exam bago magspring break.  Pasado pa ‘yun pero sa tulad kong grade conscious, nakakatrauma ang ganun.  Ang malinis na record kasi sa school ang gusto kong gawing excuse para pagbigyan ang sarili kong gumising ng maaga at umabsent para sa mga non-acad stuff.  Napaisip tuloy ako.  Ito na ba ang sign na may mali akong ginagawa? Ito na ba ‘yung pagbatok sakin ng guardian angel ko? Ito na ba ang divine intervention? Masyado na bang malala ang “Azkalitis” (ayon kay sir craig) ko?

Tapos bigla kong naisipang idownload ang Tweetdeck para mas mabilis ang dating ng Azkals tweets.

March 24

May exam ako.  Nag-aral naman ako kahit na mahirap hindi madistract sa updates sa huling training ng Azkals bago ang laban nila ng Bangladesh.  Tinatak ko sa isip ko ang 78 at ang reward na makapagtwitter uli kapag hindi ako pumalpak sa pagsagot ko sa exam.

2pm.  English class ko.  Medyo weird ang klaseng ‘yun dahil ang lakas mangtrip sa pangongonsensya ‘yung prof ko dun.  Sabi niya ang best namin kahapon ay hindi na good enough ngayon.  Siguro nga tama siya.  Siguro ‘yung best na ginawa ko dun sa exam kong sineventy-eight ko ay outdated na, kulang na, pang-last sem pa.  Ang masakit pa dun, hindi ko na mabubura sa record ‘yung 78 dahil tapos na ‘yun kagaya ng 1-1 at 0-0 ng Azkals.

Pero pwede ko pa palang mabura ‘yung akin.  Deadline ng dropping nung araw na ‘yun.  Matatanggal ang stress ko sa isang iglap, sa isang pindot sa computer ng “withdraw”.

Hindi ko na mabubura yung draw ng Azkals sa AFC Challenge Cup 2012.  Pero pwede kong burahin ang stress ng pagpupuyat at pag-asang mananalo pa ang Azkals kung kakalimutan ko na lang ang football at magsimulang magpaka-GC uli 24/7 para hindi na maulit ang 78 ko at maagapan ko na ang depression ng pagkatalo.  Hindi na mahahati ang oras ko sa pagbuklat ng libro at pagaabang sa facebook at twitter sa bagong balita tungkol sa Azkals.  Hindi ko na kailangang iconvince ang mga kaibigan kong nagsasabing, wala na ‘yang Azkals.  Piliin ko lang mag-move on, parang ‘yung pagmomove-on ko sa Hale, sa ex-crush ko, at sa ice cream.  Ayos!  Sino’ng nagsabi na life is unfair?

March 25

3am.  Laban ng Azkals at Bangladesh.  Hindi ako gumising.

Dahil hindi naman ako natulog.  Sinusubukan ko kasing tapusin ang lab report ko.

4am.  Hindi ko pa tapos ang report ko at meron na lang akong siyam na oras para tapusin at isubmit.  Pero may laban ang Azkals.  Do or die, kailangan nilang manalo ngayon.  Pero kailangan ko ding gawin ang lab report ko.

4:01 am.  Nagsimula na.

6am.  3-0.  Nanalo ang Azkals laban sa Bengal Tigers at sa lab report ko.  Si Ian Araneta ang unang nakagoal.  Sinundan ni Angel Aldeguer ng 2 pang goals.  Sinundan ng maraming tweets na #Azkals we believe.  At tumatak sa history book ang moment na ‘to.  At pwede ‘tong tanungin sa game show 20 yrs from now.

Natalo ang Azkals sa semifinals ng AFF Suzuki Cup nung December.  Ilang beses na silang natalo noon, maraming beses, nung wala pa akong kamalay malay na may national football team pala tayo, nung si Manny Pacquiao lang ang nakikita kong sama-samang chinicheer ng mga Pilipino.  Hindi na malinis ang record nila, katulad ko, katulad ng maraming tao.  Pero hindi sila sumuko, sinubukan nilang manalo, at susubukan pa ring manalo.  Hinigitan nila ‘yung best nila kahapon at nung isang araw at nung isang taon.  At hihigitan nila sa susunod na laban ‘yung best nila ng matalo nila ang Bangladesh ngayon.

Mas masarap manalo kapag naranasan mong pumalpak at matalo, mas masarap makapasa kung naranasan mong bumagsak, mas masarap maging football fan kung marunong kang bumangon at makarecover sa pagkatalo, sa draw, at sa balitang walang live tv coverage.  Hindi ako nagdrop sa klase ko at wala akong balak na ibaon sa limot ang 78 ko.  Lalong wala akong balak itapon ang tiwala at suporta ko sa Azkals, kahit maka-78 pa uli ako o magdraw pa uli sila o matalo.  Pero hindi ako makaka-78 uli, at hindi sila matatalo.  Pero kung alinman ang mangyari, wala akong pakialam at hindi ako magbaback-out sa misyon kong maupo sa unahang row sa graduation ko at sa goal na mas makita pa ang makulay na mundo ng football.  Loser your face.  Go “GC me”! Go Azkals!