Go for the Gold!

Sabi nila, sa lahat ng bansang wala pang gold sa Olympics, tayo ang may pinakamaraming (silver at bronze) medals.  Astig na din ‘di ba? Kahit parang imposible pa sa ngayon, naniniwala ako na magkakagold din tayo someday.  Dadating din tayo ‘dun.

Habang busy pa ata ang gobyerno sa pagiisnub sa mga athletes na matagal nang nangangailangan ng pondo at suporta, magiimbento na muna ako ng pwedeng alternative games mala-olympics na sasalihan, actually sapilitang sasalihan, ng mga “qualified” sumali at irepresent ang Philippines!

Handa na ba kayo sa sandamakmak na gold na makukuha natin dito? Pwes, let the games begin!

1.  Bus/ Jeepney Racing sa EDSA

Walang magiging problema sa paghahanap ng representative, kahit sinong bus at jeepney drivers, halos lahat qualified.  Sa sobrang competitive ng labanan, magkakaroon pa ng olympic trials, parang sa US bago nabuo ‘yung fab 5 nila sa women’s gymnastics.  Syempre, magpapabless muna ang MMDA para siguradong hindi magpakab*tch ang mga concrete barrier at bigla na lang mag-magnetize ng mga magkakarerang buses/jeeps para lang magkaroon ng banggaan.   FYI, sa lahat ng aksidente sa EDSA, ‘yung mismong EDSA talaga ang may pananagutan e.  ‘Yung kalye ang may problema, ‘yung kalye, guys, ‘yung kalye.

2.  Swimming (individual medley)

…sa dagat ng basura.  Dear Michael Phelps, haaaave you met, Manny Villar?

3.  Poker

pero ang labanan talaga ay ang degree ng galing sa pagka-poker face.  Team captain: Jinkee Pacquaio (tapos sariling pondo na din nya yung lulustayin nya sa game *pwedeng ipusta ang Hermes collection*).  Teammates: Vicki Belo at ang too many to mention na mga artista na feeling bagets kaya halos minu-minuto ata nagpapa-botox.

4.  Speed texting/facebooking/tweeting/online-voting/temple-running/and-the-like

Mag-eexplain pa ba ako????

5.  “the-bible-says”

Kahit anong laro (e.g. basketball, bowling, piko, diving) pero bago makatira, kailangan munang masagot kung saang parte ng bible mahahanap ang sasabihin ng game master.  Wala nang duda na si PacMan ang ipanglalaban natin.  Very close second na gagawin nating sub ay si Sharon Cuneta.

6.  Instagram-that-pagkain

Pagkain plus picture-picture = Pinanganak tayong lahat para dito kaya pwede kahit sino ang sumali!!! Pero instant qualification para sa mga nagiinstagram ng inorder nila sa starbucks.  ‘Yun ang sukdulan sa pagkacool e.

7.   Pass the message!

Ang criteria ay ang taas ng creativity sa kwentong mabubuo mula sa original message.  Mas malabo at mas malayo sa kwentong ibinulong ng unang teammate, mas panalo.

8.  Gymnastics sa motor

Padamihan ng masasakay sa motor tapos magpapasingit singit sa matinding traffic.  Kailangan magaling ang reflex at sa pagbabalance dahil walang suot na helmet.  Ang mahulog, bagok ang ulo.

9.  Itutula ang Sariling National Anthem

Biglaan, walang praktis, mamimili lang ng mga kasali sa audience sa olympic venue.  Kung ikaw ang napili, mananalo ba tayo dito?

10.  Hawak-ko-ang-alas-kaya-manigas-ka

Random labanan basta ala game of thrones pero dapat may baong linyang pambato sa kadwelo.  Either you win or you die.  Inonominate ang mga pulitiko para irepresent tayo sa labanang ‘to.  Pinakamaraming HINDI natupad na pangako nung nangampanya sila, unang mamamatay isasalang sa laban.  Exempted ang mga may pinakamagandang record habang nasa posisyon.  Instant salaan na ‘to para sa mga nagbabalak tumakbo sa susunod na elesyon na wala namang gagawin kundi mangurakot.  Heto ang video para sa example, pero mas duguan dapat dyan, lintik lang ang walang ganti levels.

Pero seryoso mode: Sa lahat ng atletang pinadala natin sa London ngayon at sa lahat nang lumaban noon sa Olympics, saludo kami sa inyong lahat.  Kahit walang medal, ‘yung nirepresent n’yo lang ang buong Pilipinas, winner na kayo dahil dun.  Fist bump guys!

Ang Bakasyong May Moral Lessons

Nagbakasyon uli ako sa Pinas, pero this time, kumpleto na kami ng pamilya ko.  Masaya dahil sa mga loved ones, sa pagkain, at sa maraming bagay na nahahawakan at hindi nahahawakan.  Sa halos tatlong linggo ko dun, marami-rami akong natutunan at narealize.  Kung nais malaman (at nais ma-enlighten by me), magsayang ng oras at basahin ang blogpost ko.

  • Iwasan ang stress at pagka-irita sa buhay.

Naiwanan kami ng flight namin papuntang Bohol (dahil sa Park ‘N Fly) at muntik nang mag-ala Claudine Barretto ang ate ko sa NAIA 3.  Hassle.  Sayang ‘yung pera, ‘yung isang araw na nawala sa bakasyon namin, at ‘yung pagod ng ate ko sa pagpaplano.  Plus, dagdag stress pa sa’min.  Nakakahinayang at nakakainis.  Pero naging ok din naman kami.  Nag-enjoy pa rin sa bakasyon na sinimulan na lang namin officially the next day.

May mga ganung araw talaga na nasisira ‘yung plano at expectations mo dahil sa joined forces ng takbo ng buhay/ ugali/plano ng ibang tao, ng weather, ng tadhana, at ng plano ni Papa God (pwede ka bang isama sa reasons Papa God? pls reply. hehe).  Pero ‘di na rin minsan makakatulong kung magsisisihan, maiinis, magmumukmok, at mabubuhay ka sa mga what if’s.  Mas ok kung mag-iisip na lang muna ng plan B at magmove-on.  Bumagsak sa exam? I-treat ang sarili ng kung anumang pinakapaborito mong gawin, ‘wag lang illegal.  At mag-aral na lang uli sa susunod na exam.  Sinabihan ka na tumaba ka? Ngumiti at saka siya daganan chos.  Nafriendzone? Maging mabuting kaibigan.

Alam ko na marami pang mas malalang scenario sa buhay.  ‘Di ko na alam kung anong solusyon kapag mas mabigat na problema na.  For more inquiry, talk to God. or to Manny Pacquiao.

  • Nakakaaliw ang “3 Idiots”.

Kung hindi mo pa napapanood ‘yun, pwes, gusto kong mafeel mo na wala kang kwenta… as in parang botang may butas sa taong ayaw mabasa ang paa laban sa susuunging baha, ganung level… hahaha chos lang! Pero seryoso, panoorin mo.  Nakakaaliw siya at higit sa lahat, nakakainspire.  Sana lahat tayo katulad ni Rancho, ‘yung bida sa pelikula, ‘yung alam kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay? saka ‘yung kayang mambara ng professor at epal na classmate? Walang kasing cool! Dear God, kung ‘di ako pwedeng maging katulad ni Rancho, balatuhan mo na lang ako ng isang kaibigang katulad niya, iaalay ko ang mga kaibigan ko, kahit silang lahat pa, medyo may depekto lang ‘yung iba pero madadaan naman siguro sa training at seminar para pumasa silang angels mo, ano? deal?

  • Walang kasing galing ang mga piloto ng PAL.

Bilang isang nilalang na may mga kapatid na malaki ang trauma sa pagsakay ng eroplano, maniwala ka sa’kin!

  • Matutong ngumuya.  huwag ipagkait sa ngipin ang kanyang essence of existence.

Masakit makalunok ng balat ng lumpiang shanghai.  Try at your own risk.

  • Tumae kung natatae.

Dahil nga nakalunok ako ng balat ng lumpiang shanghai, umalis ako ng bahay na saging at tubig lang ang nakain unggoy lang ang peg.  Pagpasok sa bowling center sa MOA, ramdam na ramdam ng katawan ko ang temperature gradient (gradient = mukha bang tanga kapag nagpapasok ng mga ganyang salita once in a while? wahahahaha).  Dahil ang luwang ng tshirt at shorts na suot ko nun, ang tindi ng himas ng lamig ng aircon sa tiyan ko.  At ‘yon na.  Totoo pala ‘yung sa mga commercials no? ‘Yung mapapatigil ka sa isang spot at ayaw mong gumalaw kasi isang galaw mo lang mapapahamak ka? Biglang nagflashback ang mga kilala kong napatae sa salawal nung kinder at elementary, “ngayon naiintindihan ko na kayo guys.. group hug”.  For the record, di naman ako napatae sa salawal (kung oo, aamin ba ako? lels).  Pero seryoso, hindi nga.  Pero wala na akong nagawa kundi jumebs sa public restroom kahit na taliwas ‘yon sa mga prinsipyo ko sa buhay.  Keri ko naman palang gawin ‘yon, at ‘di naman pala ganun kahirap.  Hindi kami natuloy magbowling ‘nun (kaya ‘wag kayong maka-eeww dyan, dahil ‘di ko hinawakan ang mga bowling balls sa MOA after jumebs) pero umuwi ako nun na magaan ang pakiramdam.  Lumiwanag ang kapaligiran, lumamig lalo ang dampi ng hangin, at lumuwang lalo ang suot kong shorts, parang na-redefine ang buhay ko dahil lang sa paglelet-go ng kahihiyan at tae.  Oh, the wonders of life.  Kaya, my dear friends, kung natatae, tumae.

  • Masarap ang isaw kahit basa.

Minsan lang ako makauwi sa Pinas kaya ninanamnam ko ang bawat pagkakataon kapag nakakauwi nga ako.  Kalimutan ko na ang mga kaibigan at ate ko (charot!!) pero hindi ang isaw sa diliman.  Pagkatapos ng maghapong paglalakad at pagmumuni-muni, wala pang alas tres, nakaabang na kami sa may UP Law, tinatanaw ang pagdating ng anino ng kahit na sino.  Dumating ang nagttinda ng fishballs, kwek-kwek, at ice cream kaya sign na ‘yon na nalalapit na si Mang Larry, ang nagtitinda ng pinakapanalong isaw.  Nang biglang bumuhos ang ulan.  Dumating na din si Mang Larry, topless pa.  Pati ang mga assistant nya, nagshow-off din ng abs.  Pero dahil medyo malayo-layo ang pwesto nila at ‘di na kami makagalaw sa kinauupuan namin dahil ang liit ng dala naming payong, sa mas malapit na stall na lang kami naka-order ng isaw (infairness, masarap!).  Kahit putikan na ang mga paa namin at medyo natutuluan na ng ulan ang baso ng suka namin, lasap na lasap ko pa din ang sarap ng tae sa bituka ng manok at ang overflowing abs sa natatanaw naming stall ni Mang Larry.  Isaw experience: fulfilled!

  • Isang busina ka lang!

Ipupusta ko ang buhay ni Justin Bieber, pinakamadiskarte sa lahat ng drivers sa buong mundo ang mga nasa Metro Manila.  Sa states, may red light, yield, stop, at konsepto ng right of way.  Simple, parang yes or no lang, walang partial points at gray area.  Mas nakakarelate ako sa ganun pero sa tingin ko ang cool ng takbo ng mga sasakyan sa Pilipinas.  Mantakin mo, parang may maze lagi tapos hindi ka pwedeng sumuko dahil wala ka namang magagawa dahil kahit saang kalsada ka pa dumaan, ganun din ang lagay.  Bawal ang weak dahil aabutin ka ng sampung taon bago ka makakarating sa pupuntahan mo (e kung date ‘yon, e di, dyahe di ba?).  Tapos unang magbusina, dibs! Walang kasing cool, parang game show ala quiz bee, unang magbuzzer ang syang pwedeng sumagot.  Kaya sa lahat ng Pinoy drivers out there, wala man sa traffic rules minsan ang ginagawa nyo, virtual high five tayo!  Sa susunod na may mag-cut sa’kin at mangbully na driver dito sa amerika, ipapatapon ko s’ya dyan sa Pilipinas, kayo na ang bahala sa kanya, ok?

  • BE REAL.

Ako na lang ang hindi malabo ang mata sa pamilya namin.  Well, ‘yun ang gusto kong isipin.  Natapos ko ang second to the last sem ko nung May nang nanghuhula sa nakasulat sa board o sa projector screen at nakapasa naman ako sa multiple choice-quizzes ko sa Socio (epekib at masaya pala ‘yung eenie-meenie miney moe).  Pero dahil na rin sa mga taong nagsasabi na kailangan ko na talagang magsalamin lalo na dun sa kumuha ng order ko sa Red Ribbon na after kong magtanong kung ano ‘yung nakasulat sa menu screen dahil masyadong malayo ay sinabihan ako at ini-stress maigi sa puso ko ang  “ay malabo na mata nyo mam?“, nagpasukat na ako ng salamin nung nasa Pinas ako.  Ang sarap pala ng feeling na nakakabasa ka na ng maliliit na letters kahit malayo at nakikita mo ang pimples ng mga tao sa paligid.  Tapos hindi na ako mukhang bastusin kasi mukha na akong attorney, ‘yun talaga ang target ko sa bawat araw na ginawa ng Diyos e.  Ok din ang salamin kapag inaantok na ako at biglang dumating ang boss ko, ‘di halatang kakahikab ko lang.  At higit sa lahat, naovercome at napatunayan kong ‘di pala totoo ang isa sa mga greatest fears ko sa buhay, na baka maging kamukha ako ni Charice kapag nakasalamin na ako.

  • Laos ang internetz kung masaya ka in real life.

Wala akong ibang ginagawa sa bahay kapag wala ako sa school o sa work kundi makipagbonding sa computer.  Twitter. Facebook, WordPress, Tumblr ni Ramon, blogs ng kung sino-sino, showbiz news portals, pati yahoo homepage.  Kaya updated ako sa mga bagay bagay, kahit mga nonsense lang.  Updated din ang internet sa buhay ko na kahit pagka-amaze ko sa outfit ni Kuya Germs sa Walang Tulugan ay tinutweet ko pa.  Pero nung umuwi ako sa Pinas nung May, hindi ako masyadong nakapaginternet kahit na may chance 24/7.  Hindi ko hinanap at hindi ko masyadong namiss.  Ganun pala talaga kapag ineenjoy mo ang buhay with friends and family.  Di mo na masyadong maiisip na magsayang ng oras online dahil nga hindi naman kailangan at saka less fun.

Pero para sa mga tulad ko na medyo locked up abroad at ang internet lang ang sagot sa pagkahomesick, ok lang magbabad maghapon at magdamag, go lang.  Sa mga nasa Pinas, wala namang masama kung lagi kang online, sayang naman talaga lalo na kung may free wifi.  Pero siguraduhin na kapag nabigyan ng chance na makasama ang mahahalagang tao sa buhay mo, namnamin ang presence niya/nila.  By namnamin, pwedeng figuratively o literally (‘wag nang magbigay ng example ng action words).

As always, na-enjoy ko ang bakasyon ko sa Pinas.  Kapos pero masaya.  Kaya thank you sa lahat! I miss you too (syempre inaassume ko na miss na miss nyo na ako).  ‘Til next time! ♥

kamusta naman ang pagkapantay ng kulay ng braso ko?

Metro ni Manong

Hindi ako madalas mag-taxi.  Masyado kasing mahal at feeling ko hindi rin ligtas.  Bukod sa wala akong kasing kuripot, masyado kasing magaslaw ang imagination ko sa tuwing nasa loob ako ng taxi na tipong maiisip kong may halong pampatulog ‘yung air freshener na masisinghot ko kaya mahihimatay ako sabay liliko si manong sa damuhan.  Mga ganyang eksena, pang-teleserye o kaya pang-TV Patrol.

High school pa lang ako, hindi na mapakali ang dalawa kong paa kapag nakasteady lang ako sa bahay.  Kahit na hindi kami masyadong sanay sa Manila, dumayo talaga kami ng kaibigan ko makapunta lang sa isang concert.  Sikreto kung kailan dahil takas lang kami sa school nun with the help of our beloved friends sa pagtakip sa amin kung bakit kami absent.  Madaling araw na natapos kaya medyo madalang na ang bumabyahe pauwi sa’min.  Halos pumuti ang buhok namin kakahintay sa bus, jeep, o kahit anong may gulong, na kahit kalesa papatulan namin.  Napagdesisyunan naming sumakay na lang ng taxi kahit takot kaming magising na lang na nasa ibang planeta na kami.  Pagsara pa lang ng pinto ng taxi, nagtalunan na ang lahat ng nilalaman ng katawan ko.  Ayoko naman atang maheadline kinabukasan.  Anong tadhana naman ‘yon, ang pangit ng ending.  Pero dahil nasusulat ko na ‘to ngayon, pinalad kaming makasakay sa isang taxi na matino ang driver.  Tinuruan niya pa kami kung saan kami sasakay pagkababa ng taxi.

Memorable din ang mga araw ko sa peyups bago magsimula ang unang sem ng college life.  Ilang araw bago ang enrollment, kailangan ng mga freshies na magpamedical sa Infirmatay (i.e. Infirmary).  Dahil na rin siguro sa pagod, kaba, at takot sa papalapit na kabanata ng buhay ko at dahil nahawaan ata ako ng “kabaitan” at pagka”approachable” ng ilang nag-aassist dun, na-drain ang kabaitan at pasensya ko.   Nagyaya ang nanay ko na mag-mall pagkatapos pero dahil hindi ako pamilyar sa lugar, hindi ko alam kung saan sasakay.  Dahil takot akong maligaw, tinatamad na kong magisip, at naiinitan ako, nagdemand akong magtaxi na lang kami.  Isang hindi praktikal na desisyon.  Swerte pa dahil isang matinding traffic ang nakaabang.  Hindi ko alam kung sadyang trapik talaga nung araw na ‘yun o nadenggoy kami ni manong dahil halatang bagong salta kami sa diliman.  Hindi ko na tinanong kung magkano ang binayad ng nanay ko, dahil busy ako masyado sa pagdedestress at sa pagpunas sa pawis at init ng ulo ko.

Forward sa 2nd yr ko, sumubok (uli) akong mag-apply sa org.  Huling gabi bago kami sumalang sa Talent Show namin, nagpraktis kami sa huling pagkakataon.  Dahil medyo madami-dami ang mga dala namin, tipong lipat bahay gang at hindi lang basta basta backpack at paper bags ang mga dala namin, kailangan naming magtaxi galing philcoa papuntang fairview.  Walo kami nun.  Gabing gabi na.  Nahirapan kami sa pagkuha ng taxi dahil nga gabi na at madami pa kami.  Pagkatapos ng pag-isnab sa amin ng ilang taxi, may isang hulog ng langit na pumayag na sumakay kaming walo.  Parang sardinas na hindi masarap ang itsura namin.  Medyo mahal ang binayad namin kapalit ng ilang minutong joyride with manong.  Pero ayos lang dahil siya lang ang nag-iisang taxi driver na naawa at naantig sa hulas na hulas na mga itsura namin nung gabing ‘yon.

Ilang araw bago ko lisanin ang Pilipinas kong mahal, papunta kami noon sa US Embassy, nang maencounter namin ang pinakanakakaaliw na taxi driver.  Natutuwa ako sa mga manong na mahilig makipagkwentuhan sa mga pasahero.  Mas sulit kasi ang bayad.  Medyo traffic kaya napahaba ang kwentuhan namin.  Isa siyang simpleng tao.  Simpleng tao na nangarap at nagsimula sa ilang pirasong damit nang mapadpad siya sa Maynila.  Ok naman ang naging buhay niya.  Nagkaroon pa nga siya ng negosyo at nahanap si the one.  Nagkaroon siya ng mga anak.  Nagkaroon siya ng taxi.  Ang taxi na dinadrive ni manong.   Ang taxi na sinakyan namin ni ate.  Simple lang ang buhay niya: gigising sa umaga, maliligo, kakain, magdadrive, uuwi, kakain, matutulog.  Paulit-ulit.  Hindi nga daw niya namalayan na matanda na siya at halos lahat ng ka-edad niya ay patay na.  Pero hindi ko malilimutan ang sinabi niya na may isang bagay na pinagpapasalamat niya: Masaya siya na buhay pa siya.  May mga tao palang hindi marunong magreklamo sa simpleng buhay na meron siya.  Naapprove ang visa ko nung araw na ‘yon pero pakiramdam ko mas masaya sa’kin si manong.

Hindi ko nilalahat ang mga taxi drivers.  Hindi porke’t na-enjoy ko kakwentuhan si manong driver #4 ay ginusto ko nang mag-taxi araw-araw.  Hindi rin dahil feeling ko idinaan kami ni manong #2 sa matrapik na lugar ay dapat ko nang ipa-phase out ang mga taxi sa lahat ng kalye.  Iba-iba talaga ang bawat byahe, gaya ng pagka-assorted ng experience sa pagsakay ko sa pedicab, tricycle, jeep, “baby” bus, bus, o MRT.  Kaya mag-taxi ka pa rin kung trip mo at kung afford mo.  Go lang! Basta siguraduhing gumagana nang matino ang metro, tandaan at itext/i-bbm/itweet ang plate number ng taxi sa nanay, bff, o syota just in case makidnap ka nga, at syempre huwag namang mag-1-2-3, magbayad ng tama.  Higit sa lahat, ‘wag ding masyadong mag-inarte at magdemand na i-overcome ni manong ang heavy traffic.  Hindi siya si Moses at hindi ka ganung ka-ispesyal.  Enjoy!

 

(Note: Nirecycle ko lang ang blogpost na ‘to galing sa multiply site ko.  Tinamaan ako ng ka-emohan at hinalungkat ang mga lumang blogs.  Wala lang, sharing.)

Simbang Gabi Buddy

Hindi pa ako nakakakumpleto ng simbang gabi, kahit na kasama sa tally ‘yung umattend ng misa pero nakatulog o ‘yung nagpaalam sa nanay na magsisimba pero tumambay lang sa labas ng simbahan kasama ang mga tropapips and/or labidabs, hindi pa talaga.  Pero nakapagsimbang gabi naman na ako, kaya kahit na hindi ako beterana at lifetime awardee pagdating sa pagkumpleto sa 9 na araw, naeexcite pa din ako kapag December 16 na.  Wala lang, naeexcite ako para sa mga nagpaplano na makakumpleto at makapagwish.

Dahil kahit tumambling pa ako mula sa bubong ng bahay namin o mangakong hindi na ako kakain ng chocolates forever and ever kapalit ng chance na makapagsimbang gabi ako ngayong taon, papaandarin ko na lang uli ang imagination ko para naman hindi mauwi sa wala ang excitement ko.

Simula ng dumating ako dito sa Sweet Home Alabama, pinakanakakabaliw na taon ko na ang  2011.  Madaming nangyari na wala sa plano ko pero masaya at fulfilling naman kung iaadd at isusubtract ang lahat ng dumating at nawala.  At malaki ang naging parte ng buhay internet ko para balansehin ang lapot ng stress at pressure sa school at sa trabaho, kaya buo pa din ako ngayon.  Sa tingin ko, ito ang taon na naging lagalag ako sa tunay na buhay at sa world wide web.

Tutal uso naman na ang 2-in-1, buy one get one, at back-2-back laglagan at intriga sa showbiz at sa gobyerno ngayon (hanapin ang konek, go!), pag-iisahin ko na ang pagrereminisce ko sa 2011 at sa pagiimagine na magsisimbang gabi ako.

 

At ang tanong lang ay: kung magsisimbang gabi ako, sino ang pipiliin kong maging simbang gabi buddy?

 

DAY 1: RAMON BAUTISTA

Matagal ko nang kilala ang nag-iisang internet action star na si Sir RB, pero ngayong 2011 lang ako naging clingy sa internet love triangle niya (i.e.  formspring, twitter, at tumblr).  Seryoso ako.  Kung papipiliin nga ako ni Papa God kung sino ang gusto kong maging BFF, si idol Ramon ang pipiliin ko.  At kung itotodo na ni Lord ang paggawad ng wish sakin, hihilingin ko din na kung magiging kasing smart at witty ako ng isang tao, gusto ko kawavelength ko sa spectrum si Sir RB.  Dahil wala nang tatalo sa pagkasuperb ni Ramon, magiging maganda ang simula ng misyon kong makumpleto ang simbang gabi kung sasamahan niya ako.  Sigurado ako na magsasaboy siya ng good vibes at moral support kaya gaganahan hindi lang ako kundi pati ang buong sambayanan.

 

DAY 2: MARIO MAURER

Ilang beses akong pinilit ng mga ate ko na panoorin ang Crazy Little Thing Called Love at ilang beses ko din silang dineadma.  Pero hindi ko alam kung ano/paano/kailan/bakit o bakit ako nagpapilit na panoorin ‘yun nung bakasyon.  Totoo ang sabi nila na kikiligin ka hanggang langit kapag pinanood mo pero walang nagsabi sa’kin na hindi na ako makakamove-on.

Pero dahil na rin sa tulong ni Idol Ramon Bautista, naapply ko na ang reverse bittering at lahat ng payong pag-ibig niya kaya ok-ok na ako.  Pero dahil nasa Pinas naman si Mario Maurer ngayon, bakit di ko na din siya yayain magsimbang gabi, di ba? Sayang ang chance, baka sakaling mainlove sa’kin kapag nilibre ko ng puto bumbong #dreambig #bibigaykarin

 

DAY 3: INGRID MICHAELSON

Ok fine, hindi siya Pinoy at malamang hindi niya alam kung ano ang simbang gabi kahit sabihin ko pang 9 Mornings pero dahil halos araw-araw ko din pinakinggan si Ingrid Michaelson ngayong 2011, isasama ko siya sa listahan ko.  Kahit na iilan lang sa mga kanta niya ang kanta-bol, madalas siya ang una kong sinesearch sa youtube o automatic na siya na ang station ko sa Pandora.  Dahil isa siya sa mga nagpasurvive sa akin sa mga hell weeks at emo moments ko, malaki ang utang ko sa kanya kaya magsisimbang gabi kami.  Tapos magsasample na din ako sa harap niya, baka sakaling makitaan niya ako ng potensyal sa pagkanta (bwahahahahahahahaha).

Kung hindi mo pa siya napapakinggan, ito ang isa sa mga paborito kong kanta niya.

 

DAY 4: SIR DAN PALAMI

Dahil baka matsismis pa ako kung isa sa mga Azkals ang pipiliin ko, si Sir Palami na lang ang isasama ko.  Pero sa totoo lang, siya naman ang puno’t dulo nang lahat.  Kung wala siya, malamang wala din ang Azkals at baka isang malaking question mark ang tumubo sa ulo mo kung babanggitin ko ang Phil Younghusband o Neil Etheridge sabay sabi na “never heard….”.  Hindi ako die hard football fan kaya hindi ko kayang ienumerate kung anu-ano ang mga pinagdaanan ng Philippine National Football team bago sila makarating kung nasan man sila ngayon.  May mga nagsasabi na overrated daw ang Azkals at lagi na lang natatalo at nauuwi sa pagsosorry sa mga fans nila via twitter ang ilang games.  Buti na lang hindi sila si Dan Palami.  Buti na lang may Dan Palami na walang kasing haba ang pasensya, tiyaga, at pagmamahal sa football at sa buong team.  At dahil gusto kong magpasalamat at icongratulate ang taong hindi sumuko sa mga panahong malamang ay sinukuan na ng mga tulad ko, magsisimbang gabi kami ni Sir Palami.  Puto bumbong and bibingka are on me!

 

DAY 5: MY FUTURE EX-CRUSH

Kahit na alam kong hindi niya mababasa ‘to, ayokong magname drop dahil baka may magtsismis sa kanya at magfeeling siya.  Pero hindi siya dapat magfeeling dahil alam ko na makakaget-over din ako sa kanya in the near future *kidlat*.  Nagkataon lang na gusto kong magsama ng taong kilala talaga ako sa listahan na ‘to para malito ako kung ano ang reality sa panaginip.  Bukod sa alam kong mas seryoso siyang tao kesa sa’kin pagdating sa pagsisimba, sa tingin ko maaaliw naman akong kasama siya.  Mukhang nakakatuwa naman siya tapos may bonus pa akong kilig to the bones na moment.  Sa records ko, siya na ang pinakamatagal kong naging crush, at matagal ko nang sinasabi sa sarili ko na kung nakilala ko lang siya nang mas malalim, sigurado ako, as in sigurado ako *kidlat* na hindi ko siya naging crush.  At perfect moment na magkakilanlan kami nang mabuti habang hindi pa sumisikat ang araw, sa harap ni Papa God, kasama ang aroma ng puto bumbong.  P.S. Kung mag-uuwi siya ng puto bumbong para sa mga kapatid niya, sigurado ako na matotouch ako at magiging fail ang plano kong magmove-on.  Please see Day 9 (alternative ending).

 

DAY 6: RAMONA BAUTISTA

‘Yun ay kung mahahanap ko siya.

 

DAY 7: ROOMMATES NI JESS SA “NEW GIRL”

Hindi pa ako gagraduate sa school year na ‘to pero graduating na ang standing ko sa school records ko.  Mahabang kwento pero dahil nga graduating ako, medyo nakakatrauma ang stress ng sem na ‘to.  Isang malaking sign ang hindi ko pagtambay sa library namin (library=ang lugar kung saan ako  natutulog at kumakain).  Hindi ako masyadong nakanood ng tv na kahit TFC shows ay hindi ko na nasubaybayan.  Pero totoo pala na kapag gusto ay may dahilan.  Pinanood namin ang pilot ep ng New Girl dahil bida si Zooey Deschanel (si Summer sa paborito kong 500 days of Summer).  At tadum!! Naaliw ako ng sobra sobra.  Simula nun, kahit na gaano ako kabusy, gumagawa ako ng paraan para lang makanood ng bagong episode.  Basta, aliw ‘to.  Simple lang ang story at natural lang ‘yung mga characters.  Parang ang saya maging si Jess, at dahil inggitera talaga ako, gusto ko ‘yun mafeel kaya magsisimba kami ng mga roommates niya.

At ito ang isa sa mga paborito kong scenes sa New Girl (note: ‘yung naka-red shirt, pinalitan na siya ng ibang character the next episode):

 

DAY 8: PATTY LAUREL

Rewind to 2006.  Isa ko pang malaking karibal si Patty Laurel kay Atom level lang.  Pero dahil wala siyang kasing cool, ang hirap mainis sa kanya.  Forward to 2011, nagbreak na sila.  Hindi ko alam kung parte ba ‘yun ng moving on phase ni Patty pero minake-over niya ang blog niya.  Hindi ko din alam kung bakit pero simula ‘nun lagi ko ng chinecheck kung may bago ba siyang blogpost.  Nakakaaliw na kahit hindi kami magkasing-sosyal, magkasing-kinis,at magkasing-cool, never akong na-o.p. sa mga posts niya.  Kung irereincarnate ako, gusto kong maging isang Patty Laurel.  Mahilig siya sa mga bata, at kailangang kailangan ko ng pasensyang meron siya para hindi ako maging isang bitter na matandang dalaga wag naman sana o super boring na nanay.  Ang tindi ng powers niya sa pagdadala ng damit na kahit nasa disyerto siya (true story!), mukha pa din siyang fresh na fresh at bagong ligo.  At ang maganda pa dun, ‘yung mga sinusuot niya, hindi tipong sa fashion shows mo lang makikita o ‘yung pang-prod number sa ASAP o sa Walang Tulugan.  At higit sa lahat, ang major reason kung bakit gusto kong maging isang Patty Laurel ay dahil andami-dami na niyang narating sa buong mundo at isa siyang mother packer (true story uli!).  Kaya magsisimbang gabi kami para makakuha ako ng tips sa maraming bagay dahil sigurado naman ako na hindi ako irereincarnate ni Papa God sa lalong madaling panahon kaya hindi matutupad ang wish kong maging isang Patty Laurel.

 

DAY 9: PROFESSIONAL HECKLER

Dahil masaya ang naging simula ko with Sir RB, mabuti pang tapusin ko ang simbang gabi mission ko with Heckler.  Ngayong 2011 ko lang siya nakilala, at nagsisisi ako kung bakit ngayon ko lang siya nakilala *insert ♬Bakit ngayon ka lang.. bakit ngayon kung kelan ang puso ko’y ♬..*  Pero seryoso ako, kung may twitter ka and/or mahilig magblog-hopping, ‘wag na ‘wag mong kakaligtaang bisitahin si Heckler.  Matatawa ka na, mauupdate ka pa sa news at current events, minsan pati showbiz intriga!  Bihira na niyang gawin, pero tuwing Sabado, meron din siyang interactive activity para sa followers niya, ang QUIZtion.  Kung katulad kita na hayok sa 3 second fame at may pagkacompetitive ang dugong dumadaloy sa’yo, maeenjoy mo ‘yun.  Take note: hindi siya pipitsuging labanan, dahil mga bigating tao ang makakalaban mo.  When I say bigatin, I mean mga taong nakikita sa tv! Sikreto kung sino.

 

DAY 9 (ALTERNATIVE ENDING): FUTURE EX-CRUSH (one more chance ang drama)

Ito ang alternative ending kung hindi ko maoovercome ang kilig nung Day 5. *since di ko din naman mahahanap si Ramona, iuusod ko ang schedule, matupad lang ‘to (wahahahaha)*

Kung tutuusin, ito ang magiging unang beses na makukumpleto ko ang simbang gabi.  Unang beses din na matutupad ang wish ko sa simbang gabi.

 

 

MERRY CHRISTMAS EBRIBADI!

 

Ang maging Congressman ay hindi biro

Nung nabasa ko kanina sa Facebook ang Anti-Angry Birds Bill at si QC Representative Winnie Castelo,  naisip ko kaagad na “What’s new?”.  Masyado kasing tumatak ang “creativity” niya sa’kin kaya nabuild up na sa utak ko kung paano tumakbo ang utak niya pagdating sa pag-iisip ng batas na itetrend.  Political satire ‘yung blogpost na nagpasimula ng Anti-Angry Birds Bill kaya ‘wag kayong masyadong gumaya sa’kin na naniwala at hinusgahan agad si Justin Bieber este si Winnie Castelo.  Give the man a break..

..or not.  Pero sa totoo lang nainspire ako dahil  kay Pareng Winnie na gumawa ng sarili kong propositions para makatulong sa ating mga dear congressmen.  Mukhang bored na ata sila sa kongreso dahil pati planking napapansin pa nila at mukhang may spare time din naman sila bilang nakakapagpractice pa ang iba para sa susunod nilang laban sa suntukan at para pagbutihan ang pagtatago para hindi mahuli ni misis na handang magpamudmod ng Hermes bag.

Actually, hindi ko talaga pinangarap at hindi ko aasamin na maging congressman dahil ‘di naman ako masipag, wala akong karanasan, hindi ako pamilyar sa Saligang Batas, medyo selfish ako pagdating sa maraming bagay, at madalas tinatamad akong gumawa ng kahit ano.  Kaya ayun.  Oh wait, mukhang ang mga tulad ko ata ang hinahanap nila sa kongreso.  Lels.

This is it, pansit.

  • Anti-“ikaw ang bunso kaya sundin mo ang utos ko” Bill

Ilang beses kong narinig sa mga ate ko na hindi ako pwedeng umangal sa kahit anong utos nila na minsan ay inutos sa kanila ng nanay ko dahil bunso ako.  Sinasabi nila na “graduate” na sila sa kahit anong household chore, panahon ko na daw para mag-shine.  At ngayong matanda na ako at narealize ko nang nadenggoy ako ng mga ate ko, ako ang magtatayo ng bandila ng mga bunso sa buong mundo, oye.

  • Para-sa-kapakanan-ng-mga-college-students Bill

Dahil hindi pa ako graduate, relate na relate pa ako sa hinaing ng mga kapwa ko college students sa tuwing masama ang panahon.  Hindi proportional ang resistensya, kapal ng balat, at kapangyarihan para sagupain ang malakas na hangin, ulan, at lumilipad na yero, sanga, at unknown objects sa edad, ok?

  • Anti Kris Aquino at Anti PNoy’s Lovelife Jokes Bill

Kailangan ko pa bang i-explain?

  • Checklist-ng-Plataporma-at-Pangako-nung-Eleksyon Bill

Ang wala ni isang makuhang “check” pagkatapos ng isang taon, paparusahan.  Gusto ko sanang tanggalin agad sa pwesto at hindi na papayagang tumakbo sa eleksyon kailanman, pero masyadong malupit ‘yun.  Siguro surprise na lang ‘yung parusa, pag-bobotohan ng mga Pilipino, para hindi alam ng pulitikong sasablay ang kapalaran niya.  Mahirap na baka makapagplano at makagawa ng paraan para makatakas.

  • Educational TV Bill

Bakit hindi ibalik ang Sineskwela, Math-Tinik, Epol Apple, Bayani, Hirayamanawari, Batibot, Pahina, ATBP, etc.? Sa umaga at hapon lang naman ipapalabas kaya ‘wag masyadong magreklamo ang mga sabik sa teleserye, Koreanovelas, at kung anu ano pang reality shows.  Ok my dear friends, all together now, ♬ Tayo na sa Sineskwela, tuklasin natin ang siyensya, buksan na ang pag-iisip, tayo’y likas na scientist ♬  Repeat 2x, now with feelings!

  • Philippine Sports Bill

Dagdagan ang pondo ng mga asosasyon ng lahat ng sports, kahit na hindi masyadong nananalo (sa ngayon).  Magbibigay ng suporta at tulong sa kahit anong paraan ang mga may kakayahang tumulong, syempre walang favoritism sa kahit anong sport.  Dadagdagan din ang tv coverage ng mga laban, local at international.  Ipapalabas ang coverage sa major TV stations, magpapaubaya ang mga teleserye.  Kahit maaaksidente o makikidnap ‘yung bida sa episode na ‘yun, papayag ang network na ipagpabukas ang airing alang alang sa ipapalabas na game.

  • Twitter-action Bill

Required ang lahat ng pulitiko na gumawa ng Twitter AT magtweet bago matapos ang bawat araw.  Itutweet ang ginawang makabuluhan sa araw na ‘yun, kapag weekends pwedeng magtweet ng “ang sarap matulog” at “chillin’ with my baby” nang walang matatanggap na violent reactions.  Ang hindi susunod dito, babawasan ng sweldo.  Ang manghahack ng account ng kalabang pulitiko, babawasan uli ang sweldo.  Walang bonus ang twitpic at ang pag-RT sa tweet ng presidente.

  • Pinoy Big Brother Politician Edition

Sa tuwing may eleksyong magaganap, ipapasok sa PBB house ang lahat ng kandidato.  Syempre, hiwa-hiwalay ng edition ang iba ibang posisyon.  Walang maeevict, dahil baka may paksyon at pagtutulungang maganap.  24/7 ang coverage at maaaccess ng lahat ng Pilipino kahit anong oras, kahit saan.  Bawal magpanggap na may sakit at magvoluntary exit.  Ang mapatunayang nagpapanggap na may sakit, disqualified!

  • Ipromote-ang-mga-indie-films-at-documentaries-at-bawasan-ang-mga-pelikula-ng-mga-pulitiko Bill

Nag-uumapaw sa talent ang mga Pilipino at hindi ‘yun masyadong halata sa pagpaprioritize ng mga malalaking movie producers at ng general public din sa mga pelikula at palabas na kahit walang kakwenta kwenta ang story ay tinatangkilik pa din dahil lang sa dahilan na gusto nila ang bidang artista kahit na hindi nag-iiba-iba ang emosyon sa pag-iyak, pagkagulat, at kapag nagagalit.  Hindi din hahayaan na sumabak sa nakakasira ng araw na palabas ang mga talunan, nadisqualify sa PBB Politician edition, at natanggal sa trabaho na mga pulitiko.  Dadagdagan din ang airtime ng mga documentaries at babawasan ang ka-KJ-han ng censorship.  Kung iisipin ang kapakanan ng mga batang makakanood sa mga sensitive na isyu, maaga na lang silang patulugin.  Pero sa tingin ko ang mga batang papalag at hindi matutulog para makinood, magiging bukas ang pag-iisip sa kalagayan ng lipunan sa murang edad.  Ang kumontra, KJ!

  • Anti-ka-KJ-han Bill

Sa panahon ngayon, hindi na uso ang maging KJ at close minded sa maraming bagay.  Walang mabuting maitutulong ang pagpigil sa mga “sensitive” at “unconventional” na impormasyon para hindi makapasok sa utak ng kabataan.  Gets nyo, MTRCB, CBCP, and friends?

  • Original Pinoy Music Bill

Ipopromote ng todo ang OPM songs at artists.  Isasabuhay ang salitang “original” kaya iiwasan ang paggawa ng revival.  Mas dadalasan ang pagpapatugtog sa mga radio stations, as in hindi lang sa mga maka-masang station, as in lahat.  Tutulungan ang mga indie at nagsisimula pa lang na artists.  Walang requirement sa paggawa ng kanta, kahit kakaiba ang tono at lyrics, at kahit English, pwede.  Higit sa lahat, ipagbabawal ang pagboto sa Korean songs sa MYX… joke.

Pasensya na kung hindi ko masyadong napag-isipan ang title ng bawat proposition.  At kung tagagawa ka ng batas at sasabihin mong ikaw ang naunang nakaisip neto, hindi na ako eepal at lalaban, go go, go for the gold.

Kulang pa ‘tong mga naisip ko.  Kapag nakapasok na ako sa kongreso, mas lalala mag-iimprove ang “creativity” ko, pangako ‘yan, kaya sa susunod na eleksyon, vote for me!

Proud with a capital P

Ordinaryong araw lang sa akin ang biglang titigil sa ginagawa, matutulala, at biglang mamimiss ang Pilipinas.  Alam mo ‘yung pag gumigising ka, kadalasan Lunes ng madaling araw, at malilito ka kung anong araw at oras na, kung nasaang lugar ka, at kung ano ang ginagawa o gagawin mo? ‘Yung kapag pagkatapos nang ilang segundo nang pagtitig sa kisame, bigla mong marerealize na Lunes ng umaga pala at kailangan mo nang (in no particular order, at pwedeng gawin simultaneously): maligo, umupo sa trono, kumain, magtext ng “Good morning” sa labidabs mo, magtoothbrush, magbasa ng headlines sa twitter (ok, pwede din sa CNN), magkape, at tumingin sa salamin para sabihing “Limang araw na lang at weekend na, cheer up!!!”.  Ganyan ang nararamdaman ko araw araw, minsan kahit hindi bagong gising.

Lalo kong namiss ang Pinas ngayong Linggo.

Miss Universe 2011 nung Monday ng gabi dito.  Waging-wagi si Shamcey Supsup at ang buong Pilipinas.  Pinagpalit ko talagang hindi magreview sa exam ko kinabukasan, makanood lang at makigulo sa twitter bago, habang, at pagkatapos ng pageant.

Nung Lunes din nanumpa ang nanay ko para maging American citizen.  As of September 12 2011, hindi na Pilipino ang mga magulang ko.  At least, sa papel lang.  Sigurado ako dun dahil o.a. nga sila sa reaksyon dahil lang mas mataas ang fan votes ng Venezuela sa swimsuit at ng Angola sa evening gown kesa sa Philippines.  Kumalma sila ng konti ng iexplain nami ng ate ko na hindi ‘yun average score ng judges.

Hindi ko maimagine ang sarili ko na manunumpa din.  Hindi ako nakasama sa kanila nung araw na ‘yun kaya hindi ko nasaksihan kung anu-ano ang gagawin.  Basta sabi ng ate ko, iwawagayway daw ‘yung maliit na American flag na nasa stick.  Oh well, papel, hindi ko ata kaya ‘yun.  Baka mabangungot ako c/o Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Ninoy Aquino, at Mommy Dionisia.  As of today, Pilipino ako, sa puso, isip, diwa at papel.  I thank you.

Tapos nung Sabado, UAAP Cheerdance competition naman.  High school pa lang ako at kahit hindi pa ako masyadong fan ng basketball sa UAAP, hindi namin pinapalampas ‘yung cheerdance.  At hindi ‘yun dahil paborito ko noon ang Non-stop ice cream.  Noon pa lang, nakakamangha na ang UP Pep Squad.  At hanggang ngayon, andun pa din ang nag-uumapaw na talent at bonggang attitude plus the blonde hair.

Nakakaproud ang UP Pep.  Nakakagaan sila ng pakiramdam.  ‘Yung nagpeperform sila, hindi dahil kailangan nilang magperform at magcheer dahil trabaho nila ‘yun, pero dahil gusto nila at masaya sila.  Basta sa tuwing napapanood ko ang UP Pep, parang ang sarap maging taga-UP at maging Pilipino.  Naramdaman ko uli ‘yun nung mapanood ko sila nung sabado, kasama ng pakiramdam na parang ang sarap magpakulay ng buhok, seryoso.

Kung hindi mo pa napapanood ang performance ng UP Pep Squad, para sa’yo to.  Mas magandang anggulo ‘to kesa sa tv.  Salamat sa may-ari ng video.

Apat na beses ko ng pinapanood at papaulit-ulitin ko pa kahit magreklamo pa ang computer ko.  I LOVE YOU UP PEP SQUAD!!!!!! #UPPepSwag #UPFight (hindi ko na maiwasang magtype ng hashtag, sorry)

Ms. U 2011

Bukod sa mabilis na reaction ko na kahawig ni Jimmy Bondoc nang makita ko noon sa news sa tv ang boyfriend ni Shamcey, pagkasabing pagkasabi pa lang ni Shamcey ng “Thank you” pagkatapos niyang sagutin ang tanong na “Would you change your religious beliefs to marry the person you love, why or why not?’’, alam ko nang winner na siya.

3rd runner up si Shamcey.  Panalo pa din!

Tanggap ko naman ang resulta pero sa tingin ko mas ok siguro kung iisang tanong na lang ang ginamit, para mas exciting ang laban.  ‘Yung nakaheadphones ‘yung mga contestant para kunwari ‘di marinig ang sagot ng nauna sa kanila? Ganun ang old school na beauty pageant, ‘di ba?

O hindi kaya, pantay pantay na lang lahat ng tanong, tipong matatackle ang social issues para mapaisip ng mabuti ang contestants, para mapatunayan talaga nilang hindi lang sila magiging ambassador ng kagandahan at kaseksihan.  Higit sa lahat, tanggalin na sana ‘yang “if”, para maging imperative ang laman ng tanong, para mapwersa ang sasagot na magpakatotoo at hindi maging tipikal na beauty queen.

1.   If you could trade lives with anyone in history, who whould it be and why? 

Trade lives with anyone in history, who would it be? What will you do to exceed his/her contributions to the world and why?

2.  Would you change your religious beliefs to marry the person you love? Why and why not?

You chose to change your religious beliefs to marry the person you love who after 2 years of marriage left you, how will you explain your decision to sacrifice your own faith to your daughter who wants to do the same thing at age 13?

3.  Nude beaches are common in some parts of the world. Is public nudity appropriate or inappropriate and why?

Nude beaches are common in some parts of the world. Is public nudity appropriate or inappropriate and why? If you think it is inappropriate, what can you say regarding the greater audience that  the uncensored information on the internet cater to? (Pag appropriate ang sagot, walang follow up)

4.  What would you do to avoid fighting a war that you did not agree with it?

You are fighting a war that you did not agree with, convince yourself that you have to go on.  What will you tell yourself?

5.   If you could change one of your physical characteristics, which one would it be and why?

Change the judging criteria to your advantage.  State the changes made.  (Kahit hindi na mag-explain) (Ok, fine, hindi ‘to question, pero basta ‘yan na ‘yun, lagyan na lang ng rising intonation ng magtatanong)

Dahil mabait ako, unlimited ang oras ng pagsagot.  Pwede ang interpreter, pero dalawa.  ‘Yung isa, dala nung mismong contestant at tatayo sa stage kasama niya at ng host.  ‘Yung isa, pinili ng mismong committee ng pageant, nasa ibang room siya at hindi maririnig ang sasabihin nung isang interpreter.  Mauunang magsalita ang interpreter na baon ng contestant, susunod ang in-house interpreter.  Maririnig ng lahat ang sasabihin ng parehong interpreter.  Saka papalakpak ang audience, at magsoscore ang judges.  Wala lang, para exciting at kontrobersyal.

Pero seryoso, nakakaproud si Shamcey Supsup.  At sigurado ako na proud na proud ang buong Pilipinas sa kanya.

Congratulations sa ating lahat.  Ang sarap maging Pilipino!

P.S.  Salamat sa twitter dahil mas sumaya ang bawat moment ng Miss U 2011 dahil sa mga tweets ng mga tao.  Buti na lang nakakatuwang magcomment ang mga Pilipino pagdating sa maraming bagay, lalo na kapag beauty pageants ang usapan.  Kung wala kang twitter, bakit??? ‘Yun lang.

P.P.S.  Salamat din sa boyfriend ni Shamcey.  Buti na lang dumating na siya sa buhay ni Shamcey, dahil kung hindi, baka maging “apple of the eye” si Shamcey ni Mr. President.