Magiging speaker din ako, I swear!

Boss ko:  Teka, may papakita nga pala ako sa’yo.  Saglit lang.

Ako:  (smile) …..Ano ‘yun?

B:  Asan na ba ‘yun? Alam ko nandito lang ‘yun e.

A:  (smile uli)….. ??….??..

B:  Eto!  hmm.  (may kinuha sa wallet)

A:  (todo smile).

B:  Bwi-sit.  P***-i**-mo?

A:  Nakakatawa ka.

**** itranslate mo na lang sa English ang lahat pwera sa pagmumura niya.

bruno's

bruno's sa lugar ng mga mayayaman, sa ibang branch ako ng bruno's, sa lugar ng mga simpleng tao pero 'yan lang ang nahanap ko sa internet. pwede na din

Sa dinami-dami ng pwede naming pag-usapan ng manager ko, at sa dinami-dami ng ginagawa namin, mas pinili niyang tumigil sa tabi ko at murahin ako.  At dahil dun napatawa niya ako.  Hindi naman siya palamura pero naaaliw siya sa pagmumura sa Tagalog.  Take note, isinulat niya pa talaga ang salitang “bwisit” at “p******mo” sa isang papel at itinatago niya sa wallet niya.  Kapag wala siyang magawa at nais niyang makipagkulitan, ilalabas niya lang ang papel na ‘yun at pag-aaralang sambitin ng tama ang first Filipino words na nalaman niya.  Naaaliw naman ako sa pagka-slang niya kaya naaaliw kaming dalawa.

Aminado ako na bata pa lang ako, may dugong gc (grade conscious) nang dumadaloy sa katawan ko.  Kahit anong magpapataas at magpapakulay ng acad status ko, game ako.  Sobrang taas ng expectations ko sa sarili ko at noon pa man ay pinepressure ko na ang sarili ko para magqualify na potential guest speaker sa career week program sa high school ko o graduation day sa elementary school na pinasukan ko.  Planado ko na nga ang opening lines ko, “dati, isa ako sa mga tulad ninyo.  Nakaupo at nakatunganga sa boring na speaker sa stage.  Hindi ko na-imagine na balang araw, makakarating ako dito sa kinatatayuan ko at sinasabi ang lahat ng ito sa harap ninyo”.  Pero sa lahat ng plano kong ‘yon, hindi ko akalaing mas una ko palang mahahawakan ang first paycheck ko kaysa sa ginintuang diploma na inaasam-asam ko.  Never kong inimagine na magtatrabaho pala ako ng seryoso sa age kong ito.  Sa totoo lang, iba-ibang emosyon ang nagtatalo lagi sa utak at puso ko simula ng matigil ako sa school at mapadpad sa kabilang panig ng mundo.  At ilang beses ko na ding kinwestiyon ang sarili ko, at lalong lalo na ang tadhana sa kinahantungan ko.

Masaya naman sa trabaho ko.  Mantakin mo, nagmumura ang Kano mong boss sa Tagalog tapos libre kang pagtawanan at asarin siya.  Kung tutuusin, madali lang naman ang trabaho ko at hindi masyadong nakakadugo ng utak.  Kailangan ko lang ng kaunting talino sa computer at galing sa pagbibilang ng pera.  Mabait din naman ang boss ko at marami-rami din akong nakikilala at naging kaibigan.  At ang pinakamasaya dun, sumusweldo ako ng mas malaki pa sa ilang professional sa Pinas kahit na minimum wage lang ako.  Ok, di ba?  Mantakin mo, nabili ko ang ilang mga bagay na iniimagine ko lang dati dahil alam kong malabong mapasaakin.  At kahit papaano, nakakatulong ako sa groceries at bills namin.  Malayong-malayo ang lahat nang iyon sa drawing na inimagine ko nung high school pa lang ako.  Super layo.

Alam kong may malaking part ang swerte sa buhay ko ngayon.  Kahit na wala akong job experience, isang buwan pa lang ako dito noon ay nakahanap na agad ako ng trabaho.  Swerte dahil dun din nagtatrabaho ang tatay ko at nagkataon na malaki ang tiwala nila sa kanya.  Swerte din ako na kahit ilang beses akong pumalpak nung mga unang araw ko sa cash register ay hindi nila ako sinibak.  Swerte din dahil sa economy crisis ngayon, hindi pa rin ako nawawalan ng trabaho.  At lalong swerte na hindi pa nalulugi at nagsasara ang pinagtatrabuhan ko.

Masasabi kong nung simula ay hindi talaga ako ready na magtrabaho.  Siguro dahil nasanay akong nakatutok lang ako sa pagbuklat ng mga libro at pag-asikaso ng requirements sa school.  At hanggang ngayon, aminado ako na hindi ko pa din naiintindihan ang gustong gawin sa akin ng tadhana at hindi pa rin nasesettle ng utak ko ang bitterness ko sa naudlot kong buhay sa peyups.  Pero masasabi ko din na ang mundo ko sa Bruno’s, ang tanging mundo na mayron ako ngayon bukod sa mundo ng internet na sa tingin ko ay bahagi lang naman ng ilusyon ko, ay nakatulong sa akin sa personal na paraan.  Kahit na alam kong half-hearted lang ako sa bahay-work-bahay lifestyle ko ngayon, mahalaga sa akin ang trabaho ko.  Hindi ko akalaing ang isang tulad ko ay mabobother sa maaaring maging epekto ng recession at current economic crisis ngayon.  Ganito pala ang pressure sa tunay na mundo.  Ang dami dami nang nababankrupt at nagsasarang business dito at marami na din ang nawawalan ng trabaho.  At lagi kong dinadasal na sana ay wag mapasama ang Bruno’s sa mga biktimang ‘yon.

Masayang magtrabaho at maging bahagi ng tunay na mundo.  Kumikita ka ng sarili mong pera at nasa iyong mga kamay kung paano mo gagastahin o iipunin ang sweldo mo.  Paminsan-minsan, katulad sa sitwasyon ko, parang naglalaro ka lang lalo na kapag masaya ka at nag-eenjoy sa ginagawa mo.  Walang nakakakabang exam o recitation o defense kinabukasan.  Walang class cards o final exam bluebooks na kumikinang ang red mark.  Walang terror teacher o nakakainis na epal na classmate.  Pero kahit gaano pa ako mabaliw sa buhay eskwelahan at mapagod sa acad life, hindi pa din ako susuko sa pagkulit sa tadhana kung dito ba talaga ang destinasyon ng adventure ko.  Cashier for life na ba ako?  ‘Wag sana.  Kahit na makabili pa ako sa sweldo ko ng sarili kong Mac notebook o maka-afford ng plane ticket ko pauwi ng Pinas, mas gugustuhin ko pa ding balikan at tapusin ang pag-aaral ko.  Nais ko pa ding ibalik ang katauhan kong super gc at nais ko pa ding isabuhay ang drawing ko ng future nung high school ako.  Hindi man siguro sa peyups, sana ay makagraduate ako at matanggap ang diplomang inaasam-asam ko at eventually ay maging guest speaker sa high school ko dala-dala ang boring na kwento kong ito.