Proud with a capital P

Ordinaryong araw lang sa akin ang biglang titigil sa ginagawa, matutulala, at biglang mamimiss ang Pilipinas.  Alam mo ‘yung pag gumigising ka, kadalasan Lunes ng madaling araw, at malilito ka kung anong araw at oras na, kung nasaang lugar ka, at kung ano ang ginagawa o gagawin mo? ‘Yung kapag pagkatapos nang ilang segundo nang pagtitig sa kisame, bigla mong marerealize na Lunes ng umaga pala at kailangan mo nang (in no particular order, at pwedeng gawin simultaneously): maligo, umupo sa trono, kumain, magtext ng “Good morning” sa labidabs mo, magtoothbrush, magbasa ng headlines sa twitter (ok, pwede din sa CNN), magkape, at tumingin sa salamin para sabihing “Limang araw na lang at weekend na, cheer up!!!”.  Ganyan ang nararamdaman ko araw araw, minsan kahit hindi bagong gising.

Lalo kong namiss ang Pinas ngayong Linggo.

Miss Universe 2011 nung Monday ng gabi dito.  Waging-wagi si Shamcey Supsup at ang buong Pilipinas.  Pinagpalit ko talagang hindi magreview sa exam ko kinabukasan, makanood lang at makigulo sa twitter bago, habang, at pagkatapos ng pageant.

Nung Lunes din nanumpa ang nanay ko para maging American citizen.  As of September 12 2011, hindi na Pilipino ang mga magulang ko.  At least, sa papel lang.  Sigurado ako dun dahil o.a. nga sila sa reaksyon dahil lang mas mataas ang fan votes ng Venezuela sa swimsuit at ng Angola sa evening gown kesa sa Philippines.  Kumalma sila ng konti ng iexplain nami ng ate ko na hindi ‘yun average score ng judges.

Hindi ko maimagine ang sarili ko na manunumpa din.  Hindi ako nakasama sa kanila nung araw na ‘yun kaya hindi ko nasaksihan kung anu-ano ang gagawin.  Basta sabi ng ate ko, iwawagayway daw ‘yung maliit na American flag na nasa stick.  Oh well, papel, hindi ko ata kaya ‘yun.  Baka mabangungot ako c/o Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Ninoy Aquino, at Mommy Dionisia.  As of today, Pilipino ako, sa puso, isip, diwa at papel.  I thank you.

Tapos nung Sabado, UAAP Cheerdance competition naman.  High school pa lang ako at kahit hindi pa ako masyadong fan ng basketball sa UAAP, hindi namin pinapalampas ‘yung cheerdance.  At hindi ‘yun dahil paborito ko noon ang Non-stop ice cream.  Noon pa lang, nakakamangha na ang UP Pep Squad.  At hanggang ngayon, andun pa din ang nag-uumapaw na talent at bonggang attitude plus the blonde hair.

Nakakaproud ang UP Pep.  Nakakagaan sila ng pakiramdam.  ‘Yung nagpeperform sila, hindi dahil kailangan nilang magperform at magcheer dahil trabaho nila ‘yun, pero dahil gusto nila at masaya sila.  Basta sa tuwing napapanood ko ang UP Pep, parang ang sarap maging taga-UP at maging Pilipino.  Naramdaman ko uli ‘yun nung mapanood ko sila nung sabado, kasama ng pakiramdam na parang ang sarap magpakulay ng buhok, seryoso.

Kung hindi mo pa napapanood ang performance ng UP Pep Squad, para sa’yo to.  Mas magandang anggulo ‘to kesa sa tv.  Salamat sa may-ari ng video.

Apat na beses ko ng pinapanood at papaulit-ulitin ko pa kahit magreklamo pa ang computer ko.  I LOVE YOU UP PEP SQUAD!!!!!! #UPPepSwag #UPFight (hindi ko na maiwasang magtype ng hashtag, sorry)

Oblation run.

Sa loob ng halos tatlumpung taon na pagtakbo sa diliman ng mga adan na buo ang loob sa paglantad sa kanilang hubad na katawan, maraming kababaihan at kabaklaan ang tumili, kinilig, nasuka, natawa, humanga, natulala, napapikit, at nagising sa katotohanan.

Sa pakikipagsiksikan ko sa tyangge, sumagi sa isip ko ang isang pamilyar na tagpo.  Masikip, maingay, mainit, magulo.  Naisip ko na sa isang banda ay magkatulad ang eksena sa tyangge at kapag may oblation run.  Halos hindi mahulugan ng karayom sa dami ng tao.  Iba ibang uri ng tao.  May sosyal, may aktibista, may rakista, may nerd, may konyo, may tsismosa, may demanding, may kapos sa fashion sense, may loveless, may parang nakavalium, may kunwari blonde.  Lahat gustong masilayan at mahusgahan ang mga nakabilad na paninda at katawan.  Maaaring may matuwa, may mainis, may madismaya.

May mga taong tanggap man ang rebulto ni oble sa tapat ng quezon hall ay hindi pa din maintindihan ang tunay na layunin ng pagtakbo ng hubad.  Tila mga mamimiling walang kasing kulit at kunat sa pagtawad at paghalungkat sa mga nakatambak na paninda.  Parehong may nais makamtam at mabili.

May mga taong walang puknat ang pagtuligsa at paglait sa mga kalalakihang hubad at sa mga katabi nilang tuwang-tuwa at parang uod na inaasinan sa sobrang kilig.  Tila mga taong dumayo pa sa tyangge para lamang magpakachoosy sa mga paninda at magreklamo na mainit at masikip.  Nakakaduda ang mga taong naglaan ng oras para lamang inisin ang mga sarili.

May mga taong hindi dahil sa taglay nilang kabastusan pero dahil sa malawak na pag-iisip ay game na game.  Simula’t sapul ay alam na nila na ang tinungo nila ay tyangge: masikip, maraming tao, at hindi brand ng mga paninda ang dapat i-prioritize. Naging masaya sila anumang pagod at gulo ang naranasan nila.  Tila mga babaeng nabigyan ng pulang rosas ng mga tumatakbong hubad.  Parehong napangiti ng isang pulang rosas at ng isang damit na natawaran nila.  Kapwa naligayahan sa hindi malilimutang karanasan.

Hindi man maaaring ikumpara ang layunin ng oblation run at tyangge, pero pareho silang mabenta, inaabangan, pinagkakaguluhan, dinadayo, magandang bonding experience kasama ang mga kaibigan o ang sarili, at recommended na huwag masyadong magpakagutom (dahil baka himatayin) at huwag din masyadong magpakabusog (dahil baka masuka at himatayin).   Bigla ko lang naisip, ano kaya ang mas papatok, tyangge na may mga artistang tindera o oblation run na pamaskong handog ng mga varsity players?

 

December 2006

(inarbor ko sa Friendster blog ko, at dahil half-jejemon pa ata ako noon, inedit ko na din. Thank you me.)

UPCAT

August 7, 2005.  Linggo noon ng tanghali nung kumuha ako ng UPCAT. Last batch kumbaga, last batch ng mga 4th year high school students na magbabakasakaling matupad ang mga pangarap nila at mapabilang sa mundo ng mga Isko at Iska.  Medyo maulan pa ng araw na ‘yon, sinigang ang tanghalian na niluto talaga dahil paborito ko, pampaswerte daw.  Pero kahit paborito kong ulam ang kinakain ko at natutuwa ako kapag umuulan, iba nung araw na ‘yun.  Parang pakiramdam ko, sesentensyahan ako sa ilang sandali lang.  Parang hindi mga paru-paro ang lumilipad sa tiyan ko, sobrang nakakakaba.

Magpatuloy sa pagbasa