Proud with a capital P

Ordinaryong araw lang sa akin ang biglang titigil sa ginagawa, matutulala, at biglang mamimiss ang Pilipinas.  Alam mo ‘yung pag gumigising ka, kadalasan Lunes ng madaling araw, at malilito ka kung anong araw at oras na, kung nasaang lugar ka, at kung ano ang ginagawa o gagawin mo? ‘Yung kapag pagkatapos nang ilang segundo nang pagtitig sa kisame, bigla mong marerealize na Lunes ng umaga pala at kailangan mo nang (in no particular order, at pwedeng gawin simultaneously): maligo, umupo sa trono, kumain, magtext ng “Good morning” sa labidabs mo, magtoothbrush, magbasa ng headlines sa twitter (ok, pwede din sa CNN), magkape, at tumingin sa salamin para sabihing “Limang araw na lang at weekend na, cheer up!!!”.  Ganyan ang nararamdaman ko araw araw, minsan kahit hindi bagong gising.

Lalo kong namiss ang Pinas ngayong Linggo.

Miss Universe 2011 nung Monday ng gabi dito.  Waging-wagi si Shamcey Supsup at ang buong Pilipinas.  Pinagpalit ko talagang hindi magreview sa exam ko kinabukasan, makanood lang at makigulo sa twitter bago, habang, at pagkatapos ng pageant.

Nung Lunes din nanumpa ang nanay ko para maging American citizen.  As of September 12 2011, hindi na Pilipino ang mga magulang ko.  At least, sa papel lang.  Sigurado ako dun dahil o.a. nga sila sa reaksyon dahil lang mas mataas ang fan votes ng Venezuela sa swimsuit at ng Angola sa evening gown kesa sa Philippines.  Kumalma sila ng konti ng iexplain nami ng ate ko na hindi ‘yun average score ng judges.

Hindi ko maimagine ang sarili ko na manunumpa din.  Hindi ako nakasama sa kanila nung araw na ‘yun kaya hindi ko nasaksihan kung anu-ano ang gagawin.  Basta sabi ng ate ko, iwawagayway daw ‘yung maliit na American flag na nasa stick.  Oh well, papel, hindi ko ata kaya ‘yun.  Baka mabangungot ako c/o Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Ninoy Aquino, at Mommy Dionisia.  As of today, Pilipino ako, sa puso, isip, diwa at papel.  I thank you.

Tapos nung Sabado, UAAP Cheerdance competition naman.  High school pa lang ako at kahit hindi pa ako masyadong fan ng basketball sa UAAP, hindi namin pinapalampas ‘yung cheerdance.  At hindi ‘yun dahil paborito ko noon ang Non-stop ice cream.  Noon pa lang, nakakamangha na ang UP Pep Squad.  At hanggang ngayon, andun pa din ang nag-uumapaw na talent at bonggang attitude plus the blonde hair.

Nakakaproud ang UP Pep.  Nakakagaan sila ng pakiramdam.  ‘Yung nagpeperform sila, hindi dahil kailangan nilang magperform at magcheer dahil trabaho nila ‘yun, pero dahil gusto nila at masaya sila.  Basta sa tuwing napapanood ko ang UP Pep, parang ang sarap maging taga-UP at maging Pilipino.  Naramdaman ko uli ‘yun nung mapanood ko sila nung sabado, kasama ng pakiramdam na parang ang sarap magpakulay ng buhok, seryoso.

Kung hindi mo pa napapanood ang performance ng UP Pep Squad, para sa’yo to.  Mas magandang anggulo ‘to kesa sa tv.  Salamat sa may-ari ng video.

Apat na beses ko ng pinapanood at papaulit-ulitin ko pa kahit magreklamo pa ang computer ko.  I LOVE YOU UP PEP SQUAD!!!!!! #UPPepSwag #UPFight (hindi ko na maiwasang magtype ng hashtag, sorry)