Pressure, layuan mo ako!

Isang oras na lang mananakawan na ako ng isang oras sa 2009 life ko.  Hindi ko alam kung iyon ba ang dahilan kung bakit nilalamon at hinihigop ako ng nangmamatang PRESSURE ngayon.  Kung usapang literal at pilosopohan ang gagawin ko, dapat magkasing-payat na kami ni Kim Chiu sa ‘di matapos-tapos na pressure at force na pumupush at nangungurot sa mundo ko.


Kahapon, nagpakalasing kami ng ate ko sa kapeng siya mismo ang nagtimpla na talagang nagpasuko at nanghiya sa bagong creamer namin.  Habang nanggagalaiti ang caffeine sa lalamunan ko at naguumapaw ang nota sa pagvivideoke namin, naghihinagpis ang puso ko dahil nabigo akong masaksihan ang reunion concert ng eraserheads.  Hindi naman ako naglupasay at humagulgol buong gabi, nanghinayang lang ako sa pagkakataong marinig at mapanood silang muli bilang eraserheads.  At dahil dun, nagpakalulong ako sa kape at sa videoke, cheers.


Kanina, dahil tila nagsawa ata ang world wide web sa akin na halos wala akong makitang bago para sa akin, nauwi muli ako sa blog world ko at muli nafrusrate ako na wala akong bagong kwentong maaaring ialay.  Feeling ko tinatraydor ko ang deadline na binibigay ko sa sarili ko.  Kung tatanungin ako kung bakit nagpapahumaling ako sa blog, hindi ko din alam ang sagot at lalong hindi ko kayang ipadama kaninuman ang sayang naireregalo nito sa kalooban ko.  Sabi ko sa nanay ko malapit na akong mabaliw at ready na naman daw ang ate ko sa pondong ipangmemental asylum niya sa akin.  Nakakabaliw palang maghalungkat ng mga personal na kwento at prinsipyo at magic-in ito sa isang makabuluhan at nakakaaliw na anyo.  Ang dami ko nang listahan ng topics na pwede kong ibahagi, pero nauudlot ako palagi, laging may blank mode.  Dead air.  ——————————- Gayunpaman, hindi pa din ako sumusuko sa mapagkunwaring ako, makakasulat pang muli ako at makakapagkalat ng maraming-maraming tsismis salita na sisiguraduhin kong kasing inspirational ng mga awitin ni Jamie Rivera, peksman.


Nang mabakante ang energy capsule ko para sa aking blog, naalala kong malapit na ang Toefl exam (Test of English as a foreign Language) ko.  Aminado akong minaliit ko ‘yun nang una kong malamang kasama iyon sa admission requirements ko.  At take note: sa sobrang tiwala ko sa sarili ko na hindi ko na kailangan ang approval ng exam na ‘yun para mapatunayang karapat-dapat akong matanggap sa eskwelahan nila, inemail ko ang admin office at nakipag-deal at nagmakaawang i-consider na nila ako kahit hindi ko ma-experience ang Toefl.  At isang matigas ngunit mahinahong hindi ang natanggap ko.  At ngayon, kinakain na ako ng pressure ng Toefl.  Hindi ako magaling sa ingles.  Lalong hindi ako effective sa presence ng time limit.  At kapag pinagsama sila, naiimagine ko na ang pagtawa sa akin ng pressure sabay apir kay Toefl.  Kung maubusan ako ng dugo bago ang exam ko, welcome ang blood donors.  Kung takot ka sa dugo, ipagdasal mo na lang na makapasa ako.  Idasal mo na ding makaligtas ako sa bangin ng pagkabaliw.


Bakit ang dami-daming anyo ng pressure sa buhay ko? Ngayon nais kong madaliin ang sarili ko na ayusin na ang future ko.  Kailangan makagraduate naman ako.  Kailangan umangat naman ng kahit isang level man lang ang passion ko sa pagsusulat at pagiilusyon pangangarap.  At ngayon halata na namang nonsense ang iniisip ko.  Bakit lagi na lang naniniksik at nakikiepal si Pressure, at pilit ino-o.p. ang kakaunti at mahiyaing mga positive brain cells ko? Pero kaya ko ito, mas powerful naman siguro ako kay pressure dahil siya ay imaginary lamang, konting pitik lang, makikick-out ko din siya sa buhay ko.  At sigurado ako na kung kaya kong gawin, kaya mo din.

*** nanakaw na ang isang oras ko.  Bakit ganyan ka daylight savings time?

Advertisements

Open-minded but close-hearted.

Alam mo ‘yung feeling kapag may crush ka na super crush na crush mo tapos alam mo na may iba siyang type na sobrang love na love niya? Ang sakit di ba.  Ang mas masakit pa dun, kahit anong gawin mo, kahit anong side o anggulo mo tingnan, she’s just so damn perfect, ilang paligo ang lamang sa’yo.  Ang sakit-sakit.

‘Yan ang drama ko sa tuwing nakikita ko si Atom sa tv o nababasa ko ang blog ni Patty.  Perfect match sila, walang duda.  Brains, looks, personality, career, nabiyayaan sila.  No match ako dun.  Ilang beses kong sinabi sa ate ko na sana sa diliman din siya nag-aral dahil baka naging classmate niya si Atom sa Math17 o sa Chem16 o baka nakatabi niya pa ‘yun sa CS lib, e ‘di madali na para sakin ang gumawa ng connecting line sa kanya.  At sinabi ko din na kapag sumali ako sa big brother, si atom ang iwiwish kong papasukin sa bahay bilang surprise! sa akin.  Kung tutuusin,  hindi pa ako malala sa lagay na ‘yan kung ikukumpara nung practitioner pa ako at active member ng liga ng mga nababaliw at nahuhumaling sa idea ng crush nung estudyante pa ako.  Past time ko na lang si Atom.  Para lang hindi magasgas ng tuluyan ang talent ko sa larangang ito.


Aminado ako na mababaw lang ang pagtingin ko sa aspeto ng love.  Para sa akin, ultimate level na ang crush na crush.  ‘Yun ang borderline.  Sa edad kong ito, masasabi kong malayong-malayo pa ako sa pagiging mature kung ang criteria lang ba ay ang nalalaman sa pag-ibig.  Hindi normal but I’m proud of it.


Hindi ko alam kung bakit na-stuck na ako sa ganitong phase ng buhay habang ang ilang friends ko ay namangka na at pumalaot.  Pero kuntento na ako ngayon sa ganitong feeling.  Kuntento na akong makinig sa kwento ng mga kaibigan ko kung paano sila nagkatampuhan at nagkaayos ng mga labidabs nila at manood ng mga palabas na mushy at corny kahit si Bobby Andrews at Angelu de Leon pa ang bida.  Masaya na akong kiligin kapag nakikita ang crush ko o mapanaginapan na kunwari close daw kami.  Ok din ang ganito.  Walang emotional investment at responsibility, walang seryosong heartaches, madaling makapag-move on, at aware ka at tanggap mo na one sided lang ang lahat dahil from the start ikaw lang ang bida sa ilusyong binuo mo at wala ng iba pa.  Immature ang dating kung isisigaw ko yan sa mga lovers out there, pero para sa akin mas marami pang aspeto sa buhay ko na dapat ayusin at seryosohin kaysa magpakalunod at makipagsapalaran sa Ocean of Love.  Aminado naman ako na certified KJ ako sa lahat ng bagay pero sa tingin ko ang mundo ng pag-ibig ay hindi basta-basta.  Ganun ako kaseryoso kung seryosohang usupan sa topic na ‘yan.  Pero naniniwala akong hindi dapat kulong ang whole experience at paniniwala ninuman sa isang prinsipyo o konsepto tulad ng pag-ibig base sa kwento at aral mula sa iba at mga rules at advices sa anumang uri ng media o kaibigan dahil lahat ng iyon ay diretso at short cut sa happy ending.  Na-edit na ang lahat ng sakit at lungkot, makakaiwas ka sa manhole o humps o dead ends na haharang sa adventure mo, napalamutian at napakinis na, in short hindi na totoo, hindi na natural, hindi eksaktong magiging ganun ang love story na nakalaan para sa akin o para sa’yo.  Kaya alam kong kung sasabak ako sa debate ngayon tungkol sa pag-ibig, unang argument ko pa lang, talo na ko.  At kahit high school student kaya akong barahin at patahimikin.


Marami pa akong priorities sa buhay, sobrang dami na nasa hulihan pa ng pila ang pag-ibig.  Ayoko pang sumakay sa bangka at makipagsapalaran sa mundong ‘yon.  Alam kong makulay at exciting ang adventure na ‘yon sabi nila, sampung beses na mas nakakakilig sa feeling ng crush na crush, pero sa tingin ko kasi, hindi ‘yon ang kailangan ko sa buhay ko ngayon.  Hindi bukas o sa isang linggo.  Malayong-malayo pa.


Kaunti na lang siguro ang mga kauri ko ngayon.  Hindi naman ako nag-aapply na maging isang always the bridesmaid never the bride type, pero ang haba pa kasi ng plano ko sa personal kong buhay na ayokong may mangingialam at magpapabago ng schedule ng lahat ng gusto kong gawin at ma-achieve balang araw.  Gusto kong makakuha ng diploma, maging professional, magkabusiness, makabili ng sariling bahay, at magpakasarap sa buhay.  Lahat ng ‘yon, gusto kong desisyunan at paghirapan mag-isa kahit pa maabayan ko na at masaksihan ang kasal ng lahat ng mga kaibigan ko at masubsob na sila sa sari-sarili nilang pamilya pagdating ng panahong ‘yon.


Tunog man-hater ako.  Mula pa nung elementary na sabi ko sa nanay ko na hindi ako mag-aasawa hanggang ngayon na sabi ko sa ate ko na there’s no such thing as love.  Pero masaya ako na nasabi ko ang lahat ng ‘yon based sa kainosentehan at for the sake na maramdaman kong independent ako from anyone.  Kaya hindi dun nagtatapos ang lahat.  But as I said, kulang ako sa personal experience at close encounter kay kupido kaya tunog man-hater ako.  Ganunpaman, marunong din naman akong kiligin at ma-touched.  Marunong lalo akong maka-appreciate ng gwapo at potential crush na maaaring kabaliwan.  Wala rin akong balak tumandang mag-isa balang araw.  Marami din akong pinapangarap na pangalan sa mga magiging anak ko at pati mga school na eenroll-an nila, planado ko na.  At higit sa lahat naniniwala ako kay destiny.  Nakipagdeal nga lang ako sa kanya na saka na ako makikipagconnect sa kanya kapag fulfilled na ako personally at stable na ang lahat.  Maganda kasi na may fallback ka sa anumang desisyong gagawin mo, laging may option b and c, laging may detour kung sakaling pumalpak.

Hindi ko alam kung tunog man hater pa din ako, pero para sa akin, hindi marunong mapagod at mainip si destiny gaano pa katagal ang phase ng self-fulfillment at paghahanap ng success and stability sa buhay.  Laging may right time for the right thing to do.  Maaaring saliwa ako sa pangkalahatang konsepto ng pag-ibig, maaaring mapapasama ako sa mga kakantyawan ng “boo!!!” kapag nagspeech ang lahat ng tao sa topic na ito.  Nangongonsensya man ang dating ko, at feeling realistic at practical ang drama ko, alam kong kulang ng spice ang lahat ng point ko sa mga pinagsasasabi ko at baliko ang ilang pinaniniwalaan ko.  Aminado akong kabilang ako sa mga KJ na stay with the book at follow the rules na boses diyan sa tabi-tabi.  Tunog nagpapaka-ako-ang-tama at nagpapaka-judgmental-sa-lahat-ng-puro-fun-at-puso-lang-ang-pinapairal na katauhan.  Kahit na sa personal kong buhay ay sumasakto naman at tumatama ang pananaw at paninindigan kong ‘yon, hindi ako nagpapaka-role model sa lahat.

Iba-iba naman tayong lahat at lalong iba-iba ang love story na pagbibidahan natin.  Maaaring akala natin tayo na ang bida ngayon pero kapitbahay ka lang pala nung totoong bida o wala kang kaalam-alam na ang dinedirect mo palang perfect love story ay ikaw na ang bida at eventually dahil wala ng direktor, tatakbo na ng natural ang kwento, hindi man perfect pero totoo.  Kung malabo pa ang idea at wala talagang direksyon, malamang hindi pa ito ang tamang panahon o hindi pa siya ang the one.  Magtuloy-tuloy lang sa pagstep forward, ibukas ang mata at puso, mas bukas nga lang dapat ang mata dahil ‘yun naman talaga ang susi at pagsisimula ng lahat, ang puso slight lang muna ang pagbukas sa simula, sulyap lang, tapos dramatic na ang next scenes.  At syempre huwag naman i-o.p ang utak sa bawat takbo ng istorya, kahit na minsan parang kontrabida lang ang role niya.  At higit sa lahat, magpakatotoo, mahalin nang buong-buo ang sarili at huwag maexcite at mabaliw sa konsepto ng pag-ibig.  Huwag mapressure sa payo ng iba na gawin mo ito o ibukas mo ito o ifeel mo ito dahil iba sila sa iyo at iba ka sa akin,  Kung sakaling nais mo talaga akong sundin, these are my last words: hangga’t hindi pa nag-a-I-do sa harap ni Bro ang crush mo, ang pag-asa ay still in sight.  Go destiny.  HAPPY Valentines.