Ayoko nang mag-english!

Hindi ko lang alam kung nabahiran ba ako ng dugo ni kumpareng Andres “Andy” Bonifacio, o dahil napadilat ng kultura ng diliman ang bulag kong kamalayan, o sadyang tagilid lang ako sa subject na English noon pa man, pero habang tumatagal at nalilipasan ako ng panahon, napapansin kong mas tumitindi at sumisidhi ang pagiging makabayan ko.

Baliw nga siguro ako kung tutuusin.  Mantakin mo nasa piling na ako ng mga stateside pero pilit pa rin akong lumilingon at nagpapahila sa anumang anyo ng force na magdadala sakin sa kulturang kinalakihan ko.  Sa halos napakadaming channel na pwede kong pagbabaran ng atensyon, hindi ako nagsasawa sa TFC, kahit Wowowee pa ang palabas o ang paborito kong conservative na si Eva Fonda.  Pinagtitiisan ko din ang bulok na mundo ng Friendster kaysa sa uso daw na Facebook.  Ayoko dun sa FB dahil maraming Kano dun at ayokong makihalubilo sa mundong dinodominate nila, ok na ako sa FS na pang-Pinoy.  Ironic dahil araw-araw nakikisalamuha ako sa mga English speaking na mga nilalang na ‘yon at nakikitira lang naman ako sa lupain nila.  At nang mahalungkat ko ang blogsite na ito, kung saan maisasakatuparan ko ang matagal ko nang inaasam at binabalak na 100% Tagalog na mga likha, naramdaman kong dito ako nabibilang.  Parang love at first sight.  Habang nahuhumaling ang ate ko kakanood sa mga Koreanovela sa internet, heto ako pinepressure ang sarili ko na panatilihing buhay ang dugong pinoy sa puso at diwa ko.

Elementary pa lang ako, naging maganda na ang mga grades ko (buhatan na ng bangko) pero napansin ko na kadalasan, sa isang subject ako hindi pumapalyang pumalya at ‘yun ay walang iba kundi ang subject na sabi ng tatay ko ay pinakamadali sa lahat, ang Filipino.  Kahit na lumaki ako sa piling ng Funny Komiks at sangkatutak na pocketbooks, ewan ko nga ba kung bakit never akong naengganyong mag-aral sa subject na ‘yon at hindi ko matandaang nabiyayaan ako ng gradong maganda sa paningin ko.  Kahit nung highschool ako, isa pa din ‘yon sa kinatamamaran kong pasukan at pag-alayan ng oras sa pagrereview.  Bukod sa mga kabastusan at lessons of love, wala na akong matandaang memorable na natutunan ko sa teacher ko noon.  Hindi din ako napabilang sa mga nasabitan ng medal na Best in Filipino.  Kasabay ng pangungulelat ko sa Filipino, masasabi kong hindi rin naman ako naging gaanong kaswerte sa agos ng English subject namin.  Bihira akong makakuha ng mataas na marka at positibong comment sa formal theme, siguro dahil isa ako sa mga teacher’s pet kaya ok-ok na rin ang grade na napapala ko.  Sa hindi ko na mabilang na essay writing contest na inepalan ko (puro English ang format ‘nun), isang beses lang ako nagwagi.  Ang organizer: Science Club; ang topic: malamang tungkol sa Science.  Hindi ko alam kung dapat ko bang ipagmalaki, pero dun lang ako pinalad na ipamalas ang nagkukunwari kong talent sa pagsusulat sa Ingles.

Hindi ko naman masasabing bitter ako sa Filipino noon pero nang mauso sa akin ang paggawa ng blog, mas naging patok sa akin ang paggamit ng English.  Para kasing hindi cool kung magtatagalog ako sa blog ko, walang dating.  Kahit nagkakilala na kami ni Bob Ong noon, hindi ko pa din nakaya ang pagsusulat ng gaya ng ginagawa niya.  Naka-ilang blog din ako noon hanggang sa magcollege na ako.  Unti-unting sumagi sa utak ko na may natatagong ganda ang mga likhang nasusulat sa Tagalog.  Siguro dahil mas lumawak ang mundo ko at mas naintindihan ko ang lipunang ginagalawan ko.  Bukod sa College Hymn na nasa wikang Filipino, nakakilala din ako ng mga simpleng tao na mas malalim ang pagpapahalaga sa Filipino na nagkataon ay wika ko din naman.  Nang balik-balikan ko ang mga likhang isinulat ko, nag-iba na ang tunog nila.  Unti-unti na din nagbabago ang paniniwala kong mas may dating kung iEnglish-in ang bawat kanto at sulok ng blog.  Nauwi ako sa paggawa ng mga kwentong Taglish.  Naenjoy ko at napansin kong mas madali, mas natural, mas magaang bumuo ng mga salita at ideya.

Makukumpleto na sana ang conversion ko noon kung hindi lang sa GE kong English1.  Naramdaman kong mahirap pala talagang magsulat sa wikang ‘yon.  Ang hirap maglapat ng emosyon at opinyon.  Ginawa ko na lang basic ang lahat, tutal basic college english naman ang course title ng subject kong ‘yon.  Sa bawat paghihikahos ko sa paglikha, tumatakbo sa isip ko na alang-alang sa kumikinang na grade, kaya ko ‘yon.  Nakapagpasa naman ako ng 2 essay at nakasurvive ako ng isang sem habang naghihingalo ang katauhan ko sa paghanga sa wikang banyaga.  Bilang ala-ala, isinama ko sa mga blog ko ang huling seryosong likha na ‘yon na nagpapaka-english.  ‘Yun man ang huli, nakapagbigay saya sakin ang farewell essay kong ‘yon kahit sa mababaw na paraan.  Nagkataong napadpad ang ex-crush ko sa mundo ng mga blog ko at nasabi niyang may galing naman daw ako sa pagsusulat sa english.  Nakakatawa na sa panahong isinuko ko na ang friendship namin ng wikang ‘yon, saka may ipinadalang messenger upang kahit papaano ay magdalawang isip man lang ako.  At sa anyo pa ng crush ko.  Ang mali nga lang sa setting, sinambit niya ‘yun habang nagrereklamo akong ‘di ko gagawin ang share ko sa project namin (na may kinalaman sa pagsusulat sa English).  Ngunit kahit alam kong binobola niya lang ako dahil tinatamad siyang ipasa ko sa kanya ang trabaho ko, naramdaman kong magandang farewell gift na ‘yun para sa akin.

Pagkatapos ‘nun, naging full-pledged Filipino blogger na ako.  Nagsimula na din ang panata ko sa idol kong si Bob Ong.  Hindi ko na tinantanan ang pagtangkilik sa wikang itinahi sa aking dila na hinding hindi ko ipapa-arbor o isasanla kahit pa buong araw akong pilitin ng ex-crush ko.

Gusto kong magtinda ng drugs

Sabi sa horoscope sa internet na nabasa ko kagabi (hanapin mo na lang sa yahoo), ang mga taong ipinanganak na Virgo ay may mga katangian na pwedeng maging isang technician, translator, statistician o writer.  Ang huling salitang iyon ay parang nagtransform at nagpapansin, nagmistulang ALL CAPS, bold at tila kumikinang at kumikindat pa sa harap ng screen ng computer ko.  Totoo nga siguro ang hinala ko sa aking kinabukasan.  Suportado din naman ako ng ate ko at ng ilang maawaing kaibigan sa ilusyon kong magtagumpay sa mundo ng pagsusulat.  Nabasa ko na din naman ang lahat ng naisulat ni Bob Ong, ang lider ng mga nagpipilit magpaka-unique, kumbaga mga Abu Sayyaf sa mainstream Pinoy publications.   Madami na din akong binisita at hinangaang mga blogsite, di kukulangin sa tatlo, kung isasama ang sarili kong likha.  At higit sa lahat, ang icing ng ilusyon pangarap ko, naranasan ko ang maging bahagi ng isa sa pinagpipitaganang institusyon sa Pinas.  Mantakin mo, nadaanan, nasakyan at maaaring nahawakan ng ilan sa magagaling na manunulat ang mga hagdan, Ikot jeep at upuan na nakilala at nakabeso-beso ko nung nasa kalinga pa ako ng eskwelahang ‘yon.  Sa kabila ng lahat ng pagpupursugi ko ngayon para matupad ang pangarap kong maging susunod na Bob Ong, kung pipindutin ko ang rewind sa remote control ng life story ko, masasaksihan kong hindi man lamang ako nagpamalas ng kahit kaunting hilig sa pagsusulat noon, nung inosente pa ako, nung uso pa ang cheribol at sikat pa si Jolens.  Sa halip, ilang kakaibang pangarap ang pinraktis ko noon.

*****

Kung naglayas lang sana ang anino ng nanay ko noong bata pa ako, malamang ako ang papasa bilang substitute.  Enjoy na enjoy ako sa pamamasyal sa palengke kasama ang nanay ko.  Bukod sa may bonus akong candy o itlog pugo, nasasaksihan ko kasi ng up-close ang mga tindera ng isda.  Mula pagbubugaw sa mga langaw, pagkaliskis sa mga isda, pagchochop-chop at pagsupot sa mga nahatulang isda pati sa mannerisms at kung anu-ano pang extra features ng mga best tindera sa palengke namin, minaster ko ata.  At syempre para hindi naman ako mukhang tanga sa re-enactment ko, ang version ko ng mga sariwang isda ay ang mga kawawang plastic na ipit ng damit na ninanakaw ko sa sampayan namin.

*****

Bukod sa pagtadtad sa mga nagkukunwaring isda, mahilig din ako sa bahay-bahayan.  At syempre kung may bahay, may mga gawaing bahay, na mas enjoy atang gawin lamang sa oras ng bahay-bahayan kaysa sa totoong buhay.  At ang biktima sa sitwasyong ito: ang mga walang kamalay-malay na damit sa cabinet ko.  Kinakalat at ginugulo ko sila sa kama, ang version ko ng paglalaba sa imaginary ilog (take note: old fashion, sa ilog ko trip maglaba).  At hindi ko niloloko ang sarili ko, kinukusot ko sila at pinipiga ng buong galak.  At dahil naglaba ako, syempre dapat may kapartner itong pamamalantsa.

*****

Hindi ko alam kung kasalanan man ito, pero isa sa pinakaweird na ginagawa namin ng abnormal ko ding ate ay ang magmisa.  Oo, tama ang mga titik na natype ko, nagmimisa kami sa sarili naming bahay.  Paano? Sinusuot ko ang sando ng tatay ko, kinukuha ang isang bell na give-away sa kasal ng hindi ko na matandaan kung sino at syempre ang sambuhay na inuuwi ng nanay ko pagkasimba.  Paminsan-minsan ako ang sakristan at ang ate ko naman ang pari.  Minsan nagpapalit kami ng katauhan.  Kung sino man ang gaganap na sakristan, siya na din ang sasagot sa bawat sasabihin ng pari.  At kung sino man ang sa amin ang pari, siya na din ang 1st at 2nd reader.  Hanggang ngayon hindi ko mapagtanto kung sadyang palasimba kami ng ate ko o talagang kulang lang kami sa turnilyo.  Sana ay napatawad na kami ni God sa mga kaabnormalang ‘yon.  Amen.

*****

At syempre nag-acting madre din ako.  Easy lang ito.  Sinasabit ko lang ang isang malaking tshirt sa ulo ko, tenen!, instant madre.  Minsan, kapag nagsawa na ako sa pagiging madre, iniimagine ko namang ang tshirt na ‘yon ay isang napakahabang buhok.  Dun na dumadating ang suklayan session.

*****

Masasabi kong hindi ako naging malanding bata pero masasabi kong naadik ako sa pagkalikot sa buhok ko sa harap ng salamin.  Kung anu-anong weirdong ayos ang ginawa ko noon.  At hindi ako nakukuntento sa pakikipaglaro sa buhok ko, nahilig din ako sa make-up, ‘yun nga lang hindi sa sarili kong mukha.  Nagpapadrawing ako sa classmate ko ng isang malaking mukha at ‘yun na ang make-up session namin ng crayola ko.  Hindi talaga ako lumaking malandi.

*****

Total performer ako nung bata ako.  Nagawa ko na ang magdoble kara sa harap nga lang ng salamin, with matching costumes, props at make-up at proud akong personal effort ang lahat ng ‘yon.  Nagpagod na din kami ng mga kapitbahay naming bumuo ng isang dance number para sa New Year’s Eve noon.  Wala namang program, gusto lang namin talagang magpakitang-gilas sa mga kapitbahay namin na syempre bilib na bilib sa amin (kapitbahay = pamilya ko, pamilya ng mga kalaro ko, kapitbahay na kamag-anak din namin).  At ang music: ang bonggang bonggang Vengaboys.  At dahil espesyal na bata talaga ako, may extra talent pa ako bukod sa pagkanta at pagsayaw.  May video tape pa nga ako na pinagpaguran kong iimpersonate ang mga pulitiko, hosts at kung sino-sino pang extra sa campaign ads noong 2001 election.  Kung nais mong umorder ng kopya, bigyan mo muna ako ng isang box ng tikoy at isang baso ng kape at isang picture ni atom araullo with signature and dedication.

*****

Nauso din sa amin nung grade 4 ako na magpayabangan ng pagdedesign ng dream bedroom namin.  At dahil mayabang ako, hindi ako nagpahuli sa mga drawing kong parang sinabuyan ng mukha ni Hello Kitty.  Mula kama, tuwalya, orasan, telepono at kahit lamp, hugis hello kitty.  Parang isang epidemya ang tumama sa amin ng mga kaibigan ko noon.

*****

Isa sa matinding pruwebang baliw ako noon pa man ay ang paglalaro ko ng Barbie nang mag-isa with matching dialogue.  At hindi basta basta simpleng usapan, with feelings at intonation pa.  Naisip ko kasing ang boring kung huhubaran, dadamitan at susuklayan ko lang ang mga Barbie kong abnormal ang mga waistline.

Barbie1:  Tok! Tok! Tok! Tao po?

Barbie2:  Yes? How may I help you?

B1:  Magpapanggap po sana akong katulong.

By that, ibig kong sabihin ay mag-apply at hindi magpanggap.

*****

Ang pinakaseryosong pangarap ko noong hindi pa nafoform ang utak ko ay ang maging pharmacist.

Nanay ko:  Anak, ano ba ang gusto mo paglaki mo?

Ako:  Uhm.. ah.. gusto ko pong.. (proud na proud) magtinda ng drugs!!!

Explanation ko: Saan ba bumibili ng gamot? SAGOT: drugstore; Translation: store of drugs; Conclusion: ang taong nagtatrabaho sa drugstore ay walang duda nagtitinda ng drugs. *_*

*****

Maging ano pa man ang ihip ng hangin sa aking paglalakbay, magchange costume man ako o mag-time first, masasabi ko sa sarili kong noon pa man ay hindi ako nagkulang sa originality at creativity sa pagdodrowing ng aking mga pangarap.


isa.dalawa.tatlo

Sa dinadami dami, na hindi naman masyadong madami para sa iba pero sa akin oo, ng blogsites na sinubukan kong gawin at pagandahin, wala ni isa dun ang nakapagpasaya sa akin, walang pumasa sa sarili kong standards. Aminado naman ako na dahil din ‘yun sa akin at sa atrasado kong utak. Kulang ako sa mga malinamnam na salita, matulis na emosyon, nakakahangang talento sa pagsusulat. Gayunpaman, hindi pa din ako sumusuko na balang araw makakabuo din ako ng maraming maraming blog na gagawin kong libro kapag mayaman na ako at marami na akong kaibigang mayaman na magtityagang magdonate ng encouragement, panahon at pera. Balang araw na hindi ko na kailangang makinig sa ma-emote na music, magkulong sa kotse sa parking lot, o umiyak sa loob ng banyo para lamang makahugot ng bagong ideya para sa panibagong kwentong bubuuin ko. Balang araw, magiging parang kasing dalas na ng paghinga at pagkurap ko ang pagsusulat ng may saysay hindi lamang sa akin kundi para na din sa ibang makakabasa nito. Promise ko ‘yan sa sarili ko. Sabi nga sa nabasa ko isang magazine, hindi totoo ang “overnight success” na isinasaksak ng mga reality shows at kung anu ano pang anyo ng media sa lipunan ngayon. Ayon sa aking nabasa, kailangan ng 10,000 oras ng pagpapraktis o pagtityaga kung nais mong maging isang matagumpay na dancer, swimmer, musikero o writer. Kung susumahin ko ang oras na inalay ko sa pangarap kong ito, hindi ko na mabilang. Ayokong bilangin, ayokong orasan. Siguro gagawin ko ng panghabang buhay ang pagpapraktis kong ito kaya siguro naman malalampasan ko ang kota na ipinayo niya. Pero sa ngayon, magsisimula muna ako sa simpleng pakikipagkwentuhan sa sarili ko at sa bagong mundo na nilipatan ko para alayan ng mga salita at pangarap, magbabakasakali na makatalisod ako ng isang nakakaaliw na experience sa buhay ko, kahit nangyari na o hindi pa, o makapulot ng nakakamanghang kwento ng buhay ko o ng buhay ng iba na nasaksihan ko o masasaksihan pa lamang na magpapakulay sa pangarap kong maging isang napakagaling na manunulat balang araw. Inhale. Exhale. Ready get set go.