Sino talaga ako?

Ayokong sabihin ang pangalan ko kasi medyo nalalandian ako sa pangalan ko.  May nickname ako pero medyo special ang turing ko dun (kahit na ‘yun ang tawag sa’kin ng lahat ng nakatira sa eskinita namin at lahat ng kakilala ng mga magulang ko sa barangay namin).  Kapag nakilala kita at after 147 years ay sinabihan kita na “____ na lang ang itawag mo sa’kin”, ibig sabihin winner ka dahil close na tayo.  Kung kaibigan kita at ‘di mo maalalang sinabihan kita nang ganyan, malamang sa hindi, nag-assume ka lang na close na tayo (hahaha joks lang).

Masyado akong madaldal, ‘yun ay kung in Filipino ang usapan.  Kapag nagkukwento ako, madalas madaming segue at kung anu-anong walang kinalaman sa topic kaya bihira ako manalo sa mga essay writing contest at kaya iniiwasan ng mga ate ko na magpakwento ng kahit ano sa akin.  ‘Yun din ang dahilan kung bakit feeling ko hindi ako pwedeng maging teacher kung 50 minutes lang per meeting, maging sub ni father sa paghohomily, o sumali at magtagumpay sa speed dating.  Mahilig din akong tumawa, online at sa personal.  Hindi ko kayang magcomment o magreply sa tweet ng walang HAHAHAHA, BWAHAHAHAHA, NYAHAHAHAHA o WAHAHAHAHAHA.  Ganyan din ang kaso sa totoong buhay, mas madami nga lang variations kaya mas nakakaaliw ako sa personal.

Mahilig ako magbasa, pero dinadatnan lang ako ng pagkahilig.  Depende kung may oras at kung wala talaga akong magawa.  Dati full-time bookworm ako, ‘yun ay nung wala pa akong kamuwang-muwang sa internet na simpleng paggoogle ng assignment tungkol sa  buhay ni chukchakchenes o ng kungsinumang cheverlu at mga makabuluhang define ganyan at ganito para sa reporting sa klase ay inuutos ko pa sa mga ate ko na icocopy-paste lang naman ang unang lalabas na entry.  Ngayon, mga 1 or 2 libro lang ang natatapos ko kada taon.  Kadalasan mga libro na isinulat ng mga Filipino.  Mas madali kasi makarelate saka medyo engot ako sa English.

Magaling ako sa Math.  ‘Yun ang sabi ng mga teachers ko nung elementary at high school.  Sa kasamaang palad, ‘di naabisuhan ang mga naging prof ko sa diliman tungkol ‘don.  Paborito ko ang trigo at calculus nung highschool ako.  Nung nagcollege ako, naging paborito ko ang turon habang nagmamadaling maglakad papuntang MB (Math Building).  Naipasa ko ang Math 17, 53, at 54 pero aminado ako na naubusan ako ng dugo at nalusaw ang pagtingin ko sa mga numero dahil sa kanila.  Pasang-awa pero pasado pa rin ‘yun.  Medyo engot ako sa English, pasintabi sa mga naging prof at classmates ko nung college, kaya kailangan ko talaga ng excuse para isalba ang sarili ko: gusto ko pa ring ideklara na magaling ako sa Math, kahit man lang sa Math sa labas ng mundo ng diliman.  Pagbigyan n’yo na ako.

Dati akong Chemistry major sa diliman pero dahil gusto ni ermat at erpat, nangibang-bansa pagkatapos ng 3 sem na pakikipagbuno at pakikipagbonding sa mga taong nakaka-uno kahit hindi napasok o nagnonotes, taong mukhang hindi nagsusuklay pero walang kasing cool at kasing saya kasama, at mga hs valedictorian at ipinagtatayo ng rebulto sa probinsya nila pero naghihikahos para maka-tres man lang o makaget-over sa malupet na kapalarang singko.  Ngayon ay nagbabakasakali naman akong maging isang engineer balang araw.  Pero mahal na mahal ko pa rin ang Chem at ang IC (Institute of Chemistry) with all my heart.

Mahilig akong uminom ng kape, kahit saan galing, kahit matabang, basta kape.  Paborito ko ang adobo at sinigang.  Hindi ako kumakain ng peanut butter at okra, kahit isawsaw ko pa ‘yung pangalawa sa una.  Mahilig ako kumanta pero hindi ako magiging singer kasi hindi ako kasing ganda ni Anne Curtis.  Ayokong may umiinom sa baso ko, kung hindi ako nakatingin, pwede na din.  Kaya kong mabuhay sa itlog at cup noodles.  Paborito ko ‘yung pinakasimpleng burger sa McDo.  Nakakainis kasi wala ‘yun sa menu ng McDo dito.  Paborito ko din ‘yung McFlurry Oreo kahit na alam kong dinurog na Hi-Ro lang ‘yun minsan.  Gusto kong sumayaw, wala nga lang chance.  Hindi ako naniniwala sa I love you at tawagang baby at mahal ko.  Naniniwala ako sa destiny at sa mga signs, lalo na kapag gusto ko talagang mangyari ang isang bagay.  Mahilig akong manood ng proposal at wedding videos.  Tinetesting ko ang kacheesyhan at ka-emohan ko hindi para sa sarili ko pero para sa kasal ng mga ate at kaibigan ko in the future, goal ko ang hindi maiyak kapag wedding vows na o pigilan ang emosyon ko kapag nachakahan ako sa damit ng mga abay.  Ayokong maniwala sa first love never dies at sa mga sinasabing pangako ng kung sinumang pulitiko, actually kahit anong pangako ng kahit na sino, kahit na ikaw pa ang ultimate crush ko.  Gusto ko ng Cadbury Fruit & Nut, dulce de leche caramel cheesecake, at ng coffee crumble ice cream.  Ayoko sa mga lumilipad na ipis at sa mga masyadong nagmamagaling.  Gusto kong magkaroon ng bonggang coffee maker.  Gusto kong tumira sa Pilipinas.  Gusto kong magsulat habang buhay at gusto kong makatuluyan si the one.

*****

For comments, suggestions, love problems, tsismis, o anumang nais sabihin sa’kin: email me at ilusyonadangstarlet@gmail.com

Araw-araw akong nagchecheck ng email kaya pwede akong i-consider kung busy ang 911 o Bantay Bata 163 (‘wag naman sana).  Salamat sa pagdalaw sa blog ko, apir!!!

11 thoughts on “Sino talaga ako?

  1. HI… nakakatuwa naman ang about page mo…. nakakaaliw ….

    like ko ung…. “Ayokong sabihin ang pangalan ko kasi medyo nalalandian ako sa pangalan ko.” … napaisip tuloy ako… paano na kaya ang pangalan ko? 🙂

    Nakiraan at nakibasa na rin 🙂

Mag-iwan ng puna