Thank you

Medyo napupuno na ang homepage ko sa facebook ng mga nakakainggit na listahan ng mga special events/experiences sa 2011 ng mga kaibigan ko.  At dahil likas akong inggitera, gusto ko ding maki-join.

Ayoko nang isa-isahin kung anu-ano ang pinagdaanan ko nung sinagupa ko ang bawat araw ng 2011.  Hindi naman ako nanalo sa lotto, hindi ako nakakita ng artista (pero nakakita ako ng internet action star), hindi pa ako artista, hindi pa rin ako tumatangkad, at hindi pa rin ako nagagawaran ng diploma.  Pero kung susumahin, aprub na aprub sa’kin ang 2011 (kahit na hindi ko natupad ang dare ko na umamin sa crush ko bago magunaw ang mundo sa 2012, lels, neknek mo crush, you will never ever know, EVURR).

Para mas ma-emote, pagsasama-samahin ko na lang ang pasasalamat ko sa lahat nang naging parte ng 2011 ko kahit na alam kong ‘di naman nila mababasa ‘to (kayo na ang mga busy at hindi pakalat-kalat sa internet!!).  Here we go:

  • Salamat sa mga taong kahit ‘di ko kilala ay binack-up-an ako sa kauna-unahang “cyber away” ko. Virtual hug para sa inyo!!!
  • Salamat kay Phil Younghusband sa pagiinspire sa’kin na lumandi via twitter.  Kahit na inisnab ako ng ininvite ko nung Valentine’s, bumilib sa’kin ang mga dear friends ko at sumaya kaming lahat.  Kababawan at its finest!
  • Salamat sa panel nung kauna-unahan kong job interview sa hindi pagkain sa akin ng buhay.  Salamat din sa libreng mineral water.
  • Salamat sa English teacher ko na nagsaboy ng moral support.  I heart you mam!
  • Salamat sa Amerikanong nakatabi ko sa eroplano pauwing Manila sa pagvovolunteer na buhatin ang maleta ko sa masyadong unreachable na overhead bin.  Mabuhay ka! Salamat din sa pagbisita sa Pilipinas!
  • Salamat kay ate na nakakwentuhan ko sa airport sa Nagoya, Japan na tinuruan ako kung paano maging hindi aanga-anga sa pagpila sa Immigration at Customs sa NAIA 1.  Nakalabas ako ng airport in less than 1 hr.  Expert si ateng!
  • Salamat sa lahat ng kaibigan kong pinasingit ako sa schedule nila para makipagbonding sa’kin nung umuwi ako sa Pinas.  Kapos ang bakasyon ko pero worth it ang bawat segundo dahil sa inyong lahat ♥ (insert background music: ♬ keep smiling, keep shining, knowing you can always count on meeeeee ♬)
  • Salamat sa mga ate kong pinagligpit ako ng plato sa bawat gabi, nilibre ako sa kung saan-saan, at naging driver ko 24/7 nung nagbakasyon ako sa Pinas.
  • Salamat sa crush ko sa pag-accept sa friend request ko.  Sana hindi ka nag-assume na crush kita.  Pero salamat sa pagwawallpost (‘wag judgmental, mababaw lang talaga ako) dahil nalaman kong kilala mo pa ako kaya kinilig naman ako.  Again, ‘wag ka sanang mag-assume na crush kita, ‘wag ganun, ok? ♥
  • Salamat sa mga iilang bagong kakilala at kaibigan (note: choosy ako kaya chosen one kayo!!).
  • Salamat sa kumpanyang pinagtyagaan ako nung summer.  Busog na busog (literal) ako sa piling nyo.
  • Salamat sa ate ko na naging sugar mommy, personal chef, at stylist ko.  Dahil dyan gagawaran ka ng kalangitan ng isang gwapong the one.
  • Salamat sa mga nakagroup ko ngayong sem sa lahat ng projects, hindi nalagas ang bangs ko at sana hindi din nabawasan ang hibla ng sa inyo.  *Fist bump*
  • Salamat kay Ramon Bautista, Professional Heckler, Patty Laurel, Chico & Delamar, at kay @superstarmarian (sa twitter) sa pagpapasaya ng bawat araw ko.  Solved ang ka-emohan ko dahil sa inyo.
  • Salamat sa mga taong naniwala sa’kin na kaya ko, kahit na parang hindi naman.  Igugroup hug ko na lang kayo dahil awkward kung isa-isa pa.
  • Salamat sa lahat ng always willing na makinig at umintindi sa mga ka-emohan at  kaartehan ko via fb, twitter, wordpress, text, at bbm.  Kilala n’yo na kung sino kayo ♥
  • Salamat sa nanay kong pinagluluto ako ng pritong itlog tuwing umaga at sa pagpeprepare lagi ng chicken sandwich.  Lamang na lamang ako sa mga classmates ko dahil lagi akong busog sa 1st period tapos may ready pa akong chibog sa loob ng bag.
  • Salamat sa tatay ko sa hindi pagsuko sa lahat ng debate natin araw-araw.  ‘Yan ang tunay na katapangan (kahit takot ka sa multo), harapin ang “counterpart” ng iyong kabataan.  Mana lang ako sa’yo *wink*.
  • Salamat papa god sa patience at unlimited love, sa blessings, moral lessons, at realizations ng 2011.  High five from earth!

Kung may nakalimutan ako at feeling mo isa ka dun sa mga nakalimutan ko, mahinahong magreklamo sa comment box.  Basta salamat nang marami!! HAPPY NEW YEAR!

Advertisements

3 Linggong ♥

May 01, 2011.  Inannounce ni Obama na dedbol na si Bin Laden na sumakto din sa araw nang nalaman ng buong mundo nung 1945 na patay na si Hitler.  Beatification ni Pope John Paul II.  Labor day kaya holiday dapat kaso Linggo pero wala pa rin atang pasok kinabukasan para walang mag-amok at magreklamo hindi maabot ng braincells ko ang  holiday rules ni PNoy, dear Mr. President, sacred ang bawat holiday sa mga tulad ko kaya ‘wag kang k.j..  ‘Yan din ang araw na natapos na ang maliligayang araw ng mga kotseng nakalibre sa Cavitex dahil nagsulputan na ang mga tagasingil ng toll.  ‘Yan naman ang araw na nagsimula ang maliligayang araw ko.  Pinakamaliligayang araw.

Halos 3 linggo lang akong nagbakasyon sa Pinas.  Medyo kulang pero mas ok na ‘yun kesa sa hindi ako nakauwi.  Hindi naman ako masyadong nanibago.  Mainit at malagkit sa balat na pawis, ang walang kasing-consistent na traffic, at ang mga motor na lumilipad sa kahit saang side ng kalye ka mapatingin.  Long time no see!

Hindi nakakuha ng matagal na leave ang mga ate ko kaya naging official tambay ako sa mall.  Para akong bata na iniiwan ng mga ate ko tuwing umaga sa daycare at sinusundo kapag lumubog na ang araw.  First time kong magpalipas ng oras sa coffee shop ng walang iniisip na exam o lab report.  Lalong sumarap ang kape sa panlasa ko dahil dun.  Nang mga sumunod na araw at mamulubi na ako, naghihintay na lang ako ng opening ng mall sa parking lot habang naglalaro ng Fruit Ninja at Plants vs Zombies.  Hindi man ako nagtagumpay pigilan ang mga zombies, namaster ko ang paghiwa ng mga prutas kaya binabalaan na kita kung gusto mo mang patunayan na ikaw ang the best fruit ninja assassin.  Nakakapawis nga lang ang tumambay sa parking lot kasama si manong guard na minsan masama ang tingin sa’kin kapag lumalapit ako sa kotse ng ate ko.  Minsan binabagalan ko talaga ng pagbukas sa kotse para maisip niya na sinusundot ko lang ‘yung lock ng sasakyan.  Wala namang nangyaring habulan sa pagitan namin ni manong guard, isa siyang cool na security guard, swabe at hindi judgmental.  Dahil nga nakakapawis, madalas nasa labas na ako ng Landmark bago pa man mag-10am kaya isa ako sa mga unang nakakasaksi sa bonggang costume ng mga guards at saleslady nila.  At kahit na ako ang isa sa mga unang customers na nakapila sa entrance, wala pa ding sumasalubong sakin na good morning at smile at isang tusok lang ng magic wand nila ang natatanggap na pagbati ng bag ko.  Iniisip ko na lang na totoong magic wand ‘yung hawak nila at mag-aalarm ‘yun o magbabagong kulay o iilaw kapag may nadetect na bomba o baril at maililigtas nila ang buong mall mula sa isang pang-CNN na eksena.  Madalas nakiki-internet lang ako sa Burger King o nakikibasa sa Powerbooks pero kadalasan may dumadamay sa aking buhay bum via unlitxt/unlicall o totoong presence.  Hitting many birds with one stone.  Magpakabum sa mall sa Pilipinas (oh yes, mas naaaliw ako sa mall sa Pinas kesa dito) + unlitext + friends + friends + friends + friends = eternal happiness.

Hindi man sila mga bum na katulad ko, pinasingit pa din nila ako sa mga schedule nila at sinigurado nila sa'kin na hindi 'yun dahil sa chance na makalibre kundi dahil labs talaga nila ako. At dahil kaibigan ko sila, hindi ako naniwala. *char*

Madami-dami na din sa mga kaibigan ko ang nagtatrabaho na at nagkukunwaring seryoso na sa buhay pero masaya ako na nakasama ko uli sila pagkatapos ng 100 years.  May mga gusto kong makita pero hindi nagpakita, may hindi ko inaasahang makita pero nakita ko at masaya ako na nakita ko, may pwede kong makita pero hindi ako nagpakita, may mga gustong magpakita pero hindi sila libre (o baka ayaw nilang magpakita, ok fine).  Pero kahit na kadalasan mall lang ang venue namin, oks na oks ako dahil sila ang kasama ko.  Nun na lang uli hindi napanis ang laway ko kakakwento at kakatawa.

madaming wala sa picture na 'to.. sinadya ko talaga. Pinapunta ko sila sa shower room.

Natuloy din ang high school reunion namin kahit na halos kalahati lang kami at muntik na kaming ‘di makapasok sa resort dahil wala na daw table.  Halos lahat sa’min hindi nagswimming dahil mas naenjoy namin ang kwentuhan at bonding habang tuyo at fresh kami.  Hindi man namin nasulit ang bagong wave pool dun, priceless ang makasagap ng ex-highschool crush ng mga kaibigan, update sa buhay pag-ibig at iba pang seryosong bagay (e.g. trabaho… at lovelife uli), mga da moves na pumalpak at nag-work, at kung anu ano pang random na usapan.  Proud ako na madaling yugyugin ang mga kaibigan ko na magsabi ng totoo at maglabas ng sikreto kahit na hindi sila lasing.  Aprub!

Bukod sa makasama ang mga taong namiss ko, isa sa mga dahilan kung bakit ako umuwi ay para maningil ng libreng Yellow Cab.  Bihirang bihira akong makipagpustahan kahit sa UAAP pa man o American Idol kaya nang mapasubo ako sa isang pustahan kasama ang 2 sa pinakakaclose kong kaibigan, nun pa lang hinanda ko na ang wallet at kalooban ko sa pagkatalo ko.  Bukod sa kawalan ko ng experience sa pustahan, akala ko magtatagpo na kami ni the one kapag nagsimula na akong mag-aral sa Alabama at makakatikim nga ng libreng pizza ang mga kaibigan ko.  Pero pagkatapos ng 3 taon, sakin ang trophy.  Masaya ako na natupad ko ang misyon kong magpapakaseryoso lang ako sa acads dito at magiging loyal sa huling crush ko bago ako umalis sa Pinas.  Syempre mas masaya ako dahil masaya din ang mga kaibigan ko sa buhay nila kahit gumastos sila para sa kaligayahan ko.  Dear labidabs ng mga kaibigan ko, umayos kayo dahil higit pa sa pizza ang happiness na deserve ng aking dearest friends.  P.S.  Nangangagat ako kapag kinakailangan. rawr.

Dahil nga hindi pwedeng magbakasyon ng matagal ang mga workaholic kong ate, Subic ang naging destinasyon namin.  Nag-Zoobic Safari kami kahit na hindi naman ako mahilig sa animals at takot sa ibon.  Nakauwi naman ako ng buhay dahil inisnab ako ng ostrich at tumakas ako sa Bird Walk.  ‘Yun din ang araw na bumigay ang dila ko sa ice cream pagkatapos ng ilang buwan na loyalty sa yogurt at pagdyedieta.  Kinabukasan nag-tree top adventure naman kami at dahil abot langit ang katapangan naming magkakapatid, nag-canopy ride lang kami na kasing bilis ng mga kotse sa the fast and the furious kapag nasa parking lot sila at isa lang ang gulong na nakakabit.  Nakakaaliw ang staff nila dahil parang lahat ng sinasabi nila ay nakakatawa at parang isang malaking kasalanan dun ang hindi tumawa.  Kung mapapadpad ka sa Subic, ‘wag mong kakalimutang subukan ang tree top adventure.  Worth it ang bayad at pwedeng utusan ang staff nila na kunan ka ng picture habang ilang metro ang taas niyo mula sa lupa basta daw jumpshot.

Masarap makabonding uli ang mga taong matagal mong hindi nakasama.  Pero wala nang mas sasarap pa sa mga pagkaing matagal mo nang ‘di nakakain.  Longganisa sa Mcdo, puto bumbong, cream-o, tapsilog ng Hidden Tapsi, tomi, mango shake ng Lutong Bahay, Halo halo ng Razon’s, Lemon Square cheesecake, tapsilog ng Rodic’s, at marami pang iba.  Ang sarap tumira sa Pilipinas, kahit nakakataba.  Kaya kong isugal ang timbang ko alang alang sa kasiyahan.  O yes.

nandyan talaga kami sa isawan, pramis. Nahiya lang akong lumapit dahil andaming girlies ni idol ramon.

Tatlong beses akong dumalaw sa UP diliman.  Pero feeling ko kulang ang panahong ‘yun para magreminisce ako at mag-emote sa bawat haligi ng IC, sa Sunken, sa Teletubby land, sa KNL, o sa harap ng Chemsoc tambayan.  Maraming bagong building at one way na lang ang acad oval pero ‘yun pa din ang UP na minahal ko nang buong buo, ang one true love ko.  At sadyang mabait talaga si Lord dahil bukod sa sumaya ako nang sobra sa pag-apak ng paa ko sa diliman, nakatagpo ko pa ang idol kong si Ramon Bautista sa isawan.  Finormspring ko pa si Ramon ilang araw bago ako umuwi sa Pinas na sana magkita kami pag uwi ko para mahigitan ko ang starstruck moment ng ate ko nang makita niya si Anne Hathaway nang magbakasyon siya sa California.  Matagal ko na ding goal na magpapicture kay Ramon with his aprub pose para gawing profile picture panghabang buhay, ‘yun nga lang naka-off ata ang fangirl mode ko ng araw na ‘yan kaya nagpakastalker-ish na lang kami sa pagpicture sa kanya.  Ang saya talaga sa UP. ♥

Sa lahat ng nakakita sakin nung umuwi ako, pinaka-hindi ata naexcite ang aking pinakamamahal na aso na si kobie.  Naging mabait naman siya sakin sa mga piling araw na may masarap akong kinakain.  P.S.  past time namin ni kobie ang magpictorial at sa dinami dami ng pictures nya na kinunan ko, ito ang pinakafavorite ko.  Hindi namin ‘yan pinraktis.  Isa lang siyang natural  na mowdel at isa naman akong talented na photographer walang kokontra.

cute siya pero nagkukunwari lang 'yan.

Sa lahat ng nakipagbonding, nanlibre, nagpalibre, nakipagkwentuhan, nangamusta, nagregalo, naexcite, nakipagtext, at nagpasaya sakin, salamat.  Alam nyo na kung sinu-sino kayo.  At sa mga taong hindi ko nakita o hindi nagpakita, ‘di bale, marami pang next time (kung stalker mo ko, kabahan ka na LOLJK).  At sana kayo na ang manlibre sakin.  See you next year (sana)!

Buod.

2011 na.  Kung tutuusin parang ang futuristic na ng tunog kapag may nagsabi sayo na pinanganak sila ng nung 2001 or mas late pa dun.  Nung bata ako parang nasa iisang equation lang ang mga robots at ‘yung year 2000.  Akala ko nga na-reincarnate na tayong lahat by this time.  Parang totoo nga ata ‘yung time flies.  Kung hobby mo ang tumulala, malamang lumipad na din ang napakaraming chances sa harap mo ng ‘di mo namamalayan.  At sana hindi ako ganyan.

Wala akong inofficial na new year’s resolutions ko para sa 2010.  Nakakapressure kasi ‘yun saka parang hindi naman magiging taos sa puso ko kung magbabagong buhay na ako, pero dahil sabi nga kasi ng karamihan, new year, new dapat ang lahat.  Never ko pang napapangatawanan ‘yan.  Kadalasan, kapag may plano akong gawin, hindi ‘yun natatapos dahil nakakaisip ako ng ibang mas masayang plano, on the spot.  At saka gusto ko kasi may kasabay na pagliliwanag ng kalangitan realization moment, ‘yung tipong feeling mo binatukan ka ng guardian angel mo, ang pag-shift gear ko sa buhay ko.

Dahil wala nga akong to-do list nung 2010, hindi ko mararank ang sarili ko kung naibalik ko naman ba sa mundo ang pakikiagaw ko ng space at oxygen sa ibang tao, o sadyang sagad na ang humankind contribution ko sa pagdagdag ko ng kalat sa world wide web.  Pero kung tutuusin, mas ok na din dahil wala akong pruweba para sabihing nabigo akong tuparin ang mga favor ko sa sarili ko.  Moral lesson: ‘wag ng makiuso, ‘wag mag-new year’s resolution kung alam mong ‘di mo naman gagawin, mahirap umasa, masakit paasahin ang sarili, nakamamatay.

Pero seryoso, pinakamasaya na, so far, ang 2010 simula ng magpaka-stateside na kami.  ‘Yun nga lang, kapag nagyabang ka kasi talaga ng “this is the happiest day of my life” o kaya “best year of my life“, depende pa din sa definition ng masaya bago tuluyang mainggit ng todo ‘yung yayabangan mo.  Kung hindi man pasok ‘yung 2010 mo sa pinakamababang estado ng kasiyahan, pwes, ibaba mo ang standards mo ng kasiyahan.  O kaya level-an mo na lang ang 2010 ko.

1st time kong…

  • pumasok sa klase ng walang kamalay-malay na may exam pala.  Mula bumbunan hanggang talampakan ko ay may bahid ng ka-GC-han (grade conscious), kaya imagine-nin mo na lang ang pagguho ng mundo ko ng marealize kong may exam pala 5 minutes bago dumating ang teacher ko.
  • mag-english dito sa wordpress blog ko. #majornosebleed ITO
  • manood ng isang football game sa TV, at tinapos ko ng hindi ako nakatulog o nagutom o naubusan ng dugo.  Bukod sa pageenglish, nakakanosebleed, sa tingin ko, ang kahit anong sport.
  • ubusin ang buong linggo ng bakasyon kakatutok sa football channel at hindi sa TFC (The Filipino Channel).  Dinudugo ako kapag hindi ako nakakanood ng TFC dahil vitamins ko ang makarinig ng ibang nagtatagalog bukod sa mga tao sa bahay namin.  Ngayon, nadagdagan na ang vitamins ko.  Kailangan may makita na akong sumisipa ng bola. at pareho ko pa silang pwedeng tawaging TFC
  • mag-take ng isang major subject (with lab pa) ng walang classmate.  Mega bonding with teachers. syempre, may blog post din ang experience na ito.
  • mag-dance revo (o kung anuman ang tawag nila dun) sa loob ng mall.  O yes, kung kelan hindi na ako teenager.
  • mag-park sa school ng walang parking permit. (at sadyang pinagpala talaga ang 2010 ko dahil hindi ako nahuli ng pulis, aleluya)

Hindi man first time, pero, after x years…

  • nakagamit uli ako ng microscope.  2nd yr hs pa ako nung huli akong nakahawak ng microscope, tapos old school pa, ‘yung kailangan mong maghanap ng sunlight na magrerefract  sa lens. FTW. (note: ‘yung featured image ng blogpost na ito ang unang pinicture-an namin sa optical microscope, double dead ipis)
  • mag-heels sa school, pero hindi para lumandi kundi para magpresent ng project.
  • magpaka-fan muli.  Kung nung bagets ako, may yahoogroups, ngayon may facebook fanpage na, pero di ako active member ng kahit anong grupo (as of now), ni-like ko pa lang.
  • magbasa ng tagalog na libro (Kapitan Sino, Para kay B), pasalubong mula sa heaven.
  • makakain ng Inipit at Lengua de Gato, isa pang pasalubong mula sa heaven.
  • makitang mabuhay ang mga elementary friends, sobrang nostalgic.  Para silang check-list ng buhay ko, success-o-meter ng mga pangarap ko nung bagets pa ako at classmate ko pa sila.

Marunong na akong…

  • maglaro ng blackjack!!!!
  • ———
  • ———

Ang sakit sa puso.  Wala akong ibang maisip na natutunan ko bukod sa maglaro ng blackjack.  Bilang hindi dapat counted ang academic learning sa gusto kong iparating na bago sa mga “alam ko” na sa buhay, wala na talaga akong pwedeng idagdag pa.  Sinubukan kong mag-aral ng Spanish, pero hindi ko natapos.  Ok din sana kung nag-aral ako ng kahit man lang luksong-baka para masabi ko lang na may bago akong alam na pwede kong ipagyabang.

Pero kahit palpak ako sa mga “bagong” alam kong gawin sa buhay ko, masaya pa din ako sa kinalabasan ng 2010 ko.  Andami ko pa ding narealize at dapat ipagpasalamat.

Thank you dahil…

  • nakilala ko ang Azkals (Philippine National Football Team) at naramdaman kong malaki pala ang kulang sa buhay ko dahil hindi ko naappreciate ang football noon, at mas malaki pa ang mawawala kung hindi ko susuportahan ang buong team NGAYON.
  • nakapasa ako sa lahat ng subjects ko, sariling sikap.  Dati, maski homework sa Math 17, kinokopya ko pa.  Sigurado ako na magiging proud sa’kin lahat ng kaibigan ko sa diliman na naging “mentor” ko at pati ‘yung mga naging “cheatmates” ko.
  • nalaman kong buong pusong gagawin ng 2 professor ko ang letter of recommendation ko.
  • hindi pa din nagsasawa ang mga kaibigan ko na makipagkwentuhan sa’kin online.
  • nakapagsulat ako ng BLOG na may nakarelate.  Ang sarap sa pakiramdam at sobrang nakakataba ng puso.
  • dahil hindi pa ako tuluyang nababaliw at nadidistract sa buhay.
  • dahil buhay pa ako at patuloy ang pagtupad sa pangarap kong maging isang engineer at isang writer.

Parang dumaan lang ang 2010.  Pero kahit dumaan lang siya, ramdam na ramdam ko ‘yung bawat moment na naging masaya ako.  At lahat ng moments na ‘yun, baon ko na sa 2011 at sa susunod pang mga taon.  Totoo nga na time flies.  Time lang ha, hindi ikaw.