(xx) days of summer

First time kong mag-enrol para mag-summer.  Dalawa lang naman ang ibig sabihin kapag nagsusummer ang isang estudyante: (a) bumagsak siya sa isang subject na prereq sa isa pa niyang major subject o kahit minor lang pero magdedelay sa kanya, o (b) sadyang sabik siyang maungusan at makagraduate ng mas maaga kaysa sa plano ng curriculum ng course niya.  Sa kaso ko, applicable ang letter (a) at (b), tig-kalahati sila.

Magpatuloy sa pagbasa

5/4

Nung bata pa ako, napagbabaligtad ko ang evaporated milk at condensed milk.  Akala ko sa langit napupunta ang mga lobong nabibitawan ng mga batang mahina ang attachment sa pisi.  Akala ko bawal uminom ng tubig kapag kumain ka ng madaming manggang hilaw at bagoong.  Ngayon solved na ako sa mga maling akalang ‘yan.  Pero, nasobrahan ata ako.

Magpatuloy sa pagbasa

Saan: Super Oriental

Hindi tulad sa California at sa iba pang mataong state, kaunti lang ang mga tindahan at tambayan dito para sa mga Asian lalong-lalo na sa mga Pilipino.  Isa sa mga paborito ko ay ang SUPER ORIENTAL.  Sa sobrang pagkapaborito ko, 2 beses ko na siyang dinadalaw.  Pangatlo ngayon.


Drive.  Drive.  Drive ng halos 30 minuto mula sa bahay (malayo na ‘yun para sa travel time dito).  May napadpad pang lady bug sa loob ng sasakyan namin.  Aaaaahh ate!!!! picture-an mo, dali!!.  Kung kailan hindi ko dala ang camera ko ay saka pa may present at ready magpapicture na insekto sa paligid ko, at isang lady bug pa, e sa A Bug’s Life ko lang naka-close-up ang katulad niya.  Malas na nilalang ata talaga ako.

Pagliko sa parking lot, tenen, Super Oriental heto na ako! remember me??.    Super Oriental: Ha? Never heard.

Pumasok na kami.  Pull.  Yes, pamatay ang chimes ng pintuan nila.  Hindi isang simpleng TING! o CLING! o EENK!.  Instrumental, mellow, parang ‘yung mga naririnig mo sa mga Chinese resto, parang buong kanta na.  Pwede ng gawing soundtrack ng pelikula.

Tatay ko: (pagkakita sa isang walang kamalay-malay na mamang papasok sa tindahan) Aay, Pilipino din ‘yun.

Ate ko: (pagkakita sa isang Koreanese na naka-istambay sa may pintuan) Oooh, friend ko ‘yan.

Nanay ko: Asan na ba ang galunggong na ‘yun? Nandito lang ‘yun e.  Aaay ang laki ng tuyo oh.  Gusto n’yo ba ng tuyo? *pisil*

Oo, sabog lagi ang usapan namin basta nasasabik kami sa mga nakikita ng aming mga mata.


Nakakamiss ang mga pagkain sa Pinas.

Ate ko: Naku, Nagaraya! Kung may Nagaraya na sila ngayon, naku mayayapos ko talaga ‘yang tindera na ‘yan.

Ako: Wah, Pretzel.

Ate ko: WWWOOOOHHHHHH. Oh my, gusto ko ‘yan.

Tatay ko: (kasalukuyang namamakyaw ng Pancit Canton)

Ako: Tay, ang mahal naman netong kalamansi (juice).

Tatay ko: Ha? Magkano? (sumagot ako) Akin na, ibabalik ko.

Ako: Sinabi ko lang naman na mahal.  Ikaw na mismo ang nagsabi, kung gusto mo talaga, bilhin mo (parang pag-ibig lang *o*).  Kaya bilhin mo na.  Ikaw naman magbabayad di ba?

Ako: Wow! Ang laking Hello Panda.

Ate ko: Hay naku, wala talagang Nagaraya.

Ako: Ate, NOVA!

Ate ko: Nakita ko na ‘yan dati.  Eto Chippy, gusto mo ba?

Ako: Ayoko nga!! Chippy? E ‘di ba lasang *tut*tut* ‘yan?

Ate ko: Tange, Humpy Dumpy ‘yun.

Ako: Ay, oo nga pala.

Ako: Ate, tingnan mo. tenen!

Ate ko: C2!!! favorite ko ‘yan!!!!

Ako: Kaso lemon lang.

Ate ko: Nye.  Ayoko niyan.

Ako: Oo, masakit sa lalamunan.  Pang-may sakit.

Ako: Wow, puto seko.  Aah u-ra-ro oh. (stress on 2nd syllable)

Nanay: Uraro! (mas mabilis na pagbigkas, stress on the last)

Ako: Ah, ganun ba ‘yun.  ‘Di ko alam.  Ate, URARO oh.

Ate: Ano ‘yun?

Ako: ‘Yung hugis bulaklak.  Basta masarap.  Eto oh!!! May puto seko din.

Ate: PUTO SEKO!!! Asan? Gusto ko ‘yung gawang Quezon e.

Ako: (sabay basa sa packaging) Mey-ca-u-a-yan, Bu-la-can.  Eto Bulacan oh.

Ate: E ‘di hindi Quezon.

Ako: Hindi nga.

Ako: E gusto mo ba ng Peng Pai Pao?

Ate: Ha?

Ako: PENG PAI PAO. (Hindi ko din alam kung ano ang laman nun)

Ako: Aaay, ang cute nung drawing oh.  Aaay, eto, gusto mo? Ice-cream-ice-cream-an.  Parang nung bata tayo.  Mga kung anu-anong shape ng sugary thingy.  Aaay, eto mas may effort na ice-cream-ice-cream-an.

Ako: PENG PAI PAO!!!

Tatay ko: Tara na.

Ako: PEEENNNGG!

Ako: Oo nga, wala akong gana ngayon e.

Ako:  Tay, ikaw na magbayad sa cashier, lagi mainit ang ulo ng cashier dito e.

Ate ko: Ano ba ‘yan, nahiya pa si tatay sa mango juice.  Tinira pa ‘yung isa sa shelf.

Ako: Ate, hello kitty oh!

Ate: Ano ka, BATA!?!

(nagwalk-out na ang ate ko, at naiwan akong nag-iisa at nagayuma ng kinang at alindog ni hello kitty)

May ballpen, pambura, notebook na iba-ibang hugis, bag, wallet, tsinelas, unknown things, at kung anu-ano pang ka-ek-ekan na may drawing ng mukha niya.  Parang gusto kong bumili ng isa, tapos pipicture-an ko para sa blog ko.  Bwahahaha.  Alin kaya dito?? Hmm.  Naaaliw pa din ako ni Hello Kitty.  Aaah ang cute! Ay, ang galing. Wah, parang gusto ko neto.  Habang parang sinasapian na ako sa magic spell at charms ni Hello Kitty, naririnig ko ang tv na tunog Intsik.  Ni hao ding shao shi shi ting pao sio pao min me shao xu yi ye chuk chak chenes… muntik ko ng sabayan ang pagiintsik nung nasa tv dahil nawala na ako sa sarili dahil kay Hello Kitty.  Past time kasi namin ng mga kapatid ko ang panonood nung Chinese cook na nakaka-wow ang style of cooking, tipong nilublob na sa kung saan saan ang sandok, ‘yun pa din ang panghalo at walang aarte-arte dahil expert siya sa gulok.  Oo, paborito naming sabayan ang pagiintsik niya kasabay ng background music ng tilamsi ng kawali, Ni hao (ssssshhhh <—kawali yan) ding shao (sssshhhh) ting pao (ssssshhh)… kaya naging sakit na namin ‘yan.  Buti na lang naalala kong Intsik nga pala ang mga tao dun at baka mabatukan ako.  Hay, naku.  Pahamak kang hello Kitty ka!  Dahil diyan, hindi na kikita bibilhin.  Babu.

Ako: O, asan na ang pinamili natin?

(sabay kita sa mga binili namin sa isang maliit at gamit na kahon)

Ate ko: Yes, naman, parang lipat bahay lang.


Paalis na sana kami, nang biglang hindi talaga makapagpigil ang tatay ko sa mango juice na iniwan niyang nag-iisa sa shelf.  Seryoso talaga ang quote niya na kapag gusto mo talaga, bilhin mo, inaapply namin lagi ‘yun.  At bago kami nagpaalam ng tuluyan sa paningin ni Super Oriental, naiuwi ng tatay ko ang isa pang mango juice.

Homesick

BABALA:  Overrated ito.  Lahat  naman ng comedy na pelikulang Pinoy, may isang espesyal na drama scene.  Tipong mag-iiyakan o magkokonsensyahan o magsusumbatan ang mga bida.  Highlight ‘yan kadalasan bukod syempre sa bonggang-bonggang outing sa beach o sa park tapos may dance number o kaya kantahan with full choreo at props.  Kaya kahit pilit na pilit akong magpakaclown sa blog na ito, dumadating talaga ang punto sa buhay ko na hindi ko mapigilan ang magdrama at magpaka-emo.  Hindi ko mapigilan ang pagtulo. ng. luha.  Kung talent manager ka, ayoko.  Ayokong mag-artista.  Pramis.



Gusto ko nang umuwi.


Kung makakapulot lamang ako ng pangbili ng ticket pauwi ngayon din, ok na sana ako.  Kanina, nag-emote na naman ako nang halos ilang oras.  Nang dahil sa isang simpleng dahilan, namaga ang mata ko ng buong araw pagkatapos ng todo-todong pagiyak sabay tulog upang makalimot at mahimasmasan.


Maaga akong gumising kanina.  Wala akong trabaho at ganun din ang ate ko.  Mamaya, mag-iinternet ako tapos mag-eexercise bago mag-lunch tapos manonood ng dvd tapos gagawa ako ng blog mamaya, tama kailangan ko nga palang magsulat ng bagong blog, tapos magvivideoke kami, siguro oldies but goodies na lang uli kakantahin namin ngayon, habang nagmimiryenda, ano nga kaya’ng meryenda namin?, tapos manonood ng tv tapos mag-iinternet uli baka may online mamaya tapos sisimulan ko ng basahin ‘yung bago kong libro. Ganyan kahalaga sa akin ang bawat off day ko.  Kahit kadalasan 4 days lang naman ang pasok ko kada linggo, lagi pa din akong sabik makauwi sa bahay at makapagrelax at maging bum.  Kahit papaano ay nadidistract ko ang sarili ko mula sa depression at pressure kapag off ako at nakakapagmoment sa bahay ng mag-isa.  Habang nag-aagahan kami ng ate ko at nag-iimagine na ako ng gagawin ko para sa buong araw biglang nag-ring ang telepono.  Pinapapasok kami sa trabaho ng boss namin dahil kaunti lang ang tao nila ngayon at kakailangan nila ng extrang tulong.  Eeeenk.  Parang naputol ang pantasya ko.  Wala naman akong mahalagang gagawin.  Kung tutuusin, mas ok siguro na kikita ako ng extra pay sa linggo na ito kesa magpakalusaw ako sa harap ng computer at tv.  Pero mabilis ang sagot ng puso at isip ko, ayoko.  Dug.dug.dug.  Pressure.  Nakakahiya sa boss ko at sa tatay ko.  Parang ilang oras na trabaho at extrang pera, tinatanggihan ko pa.  Pagkatapos ng 2 oras na pag-iisip ng dahilan, umiyak na lang ako.  Umiyak ng umiyak.  Kung tutuusin, madali lang naman ang trabaho ko at off din naman uli ako sa Martes at saka hindi ba’t masamang tanggihan ang grasya at malamang para sa karamihan grasya ang dumating sa akin sa puntong iyon.  Pero ayoko talaga.  Naisip ko, na sa kabila ng lahat ng positive thinking ko ng halos ilang buwan, hindi nga ata talaga ako masaya dito.  Hindi.


Gusto ko nang umuwi.


Hindi ko alam kung bakit kahit ano’ng isipin kong future ko dito, naiiyak pa din ako sa tuwing naaalala ko ang buhay sa Pilipinas.  Kahit na marami akong mga kaibigan na nagsasasabing ang swerte-swerte ko daw na andito ako samantalang sila nandun, mainit, magulo, mahirap ang buhay, hindi ko maramdaman at mapahalagahan kung nasaan man ako ngayon.  Ganun nga ata talaga ng tao, gusto ang bagay na wala sa kanya.  At kabilang ako sa mga taong ‘yun.  Pero nung mga panahong wala naman sa mga kamay ko ang pagkakataong makarating dito, walang kahit anong maliit na hinala at pag-asang matutuloy pala ang petisyon ko para makapunta dito, at kahit na alam kong bihira ang mga taong nabibiyayaan ng visa at green card, hindi ako humiling na sana makuha ko ito, na sana mapunta ako dito, na sana maging ganito ako.  Masaya na ako kung nasaan man ako dati.  Masaya na akong mabuhay sa mundong nakasanayan ko at masaya ako.  Kung hindi sana ako napunta dito, 4th yr na ako sa up.  Mag-oojt na.  Malapit nang magthesis.  Marami na siguro akong natutunan sa classroom at sa org.  Marami na siguro akong naging kaibigan at kakilala.  Marami na siguro akong naexperience at na-accomplish.  Mas ok na ako siguro ako ngayon.  Hindi ganito.  Halos malabo ang future.  Hindi ko nga alam ang plano ko sa buhay ko.  Nalimutan ko na nga ata kung paano maging ako, kung paano magpaka-independent at umarte nang tama sa edad ko, kung paano mag-isip at magdesisyon ng para sa sarili ko.  Isa lang ang dapat isumbat sa akin,  isa kang selfish b.  Alam ko.


Ngayong araw na ito, isang taon na akong wala sa Pilipinas.  Isang taon na.  At hanggang ngayon hindi pa din ako ok.


Gusto ko pa ding umuwi.


Kung wala sana ako dito, hindi ganito ang title ng blogsite ko, ang malikot na mundo ng ilusyonadang starlet. Hindi sana kulong sa maliit at natigil kong mundo ang mga kwento at pagtingin ko sa buhay.  Hindi sana ako ganito kagulo at kasabaw.  Hindi ganito.  Sa ngayon magpapakalulong muna siguro ako sa sarili ko, umaasang magiging ok din ako balang araw.  Baka.  Sana.

Stalker ba ako?

Sa bawat araw na nakakasalamuha ko ang sarili ko, hindi ko na napapansin kung normal pa ba ako o sadyang tagilid lang ang pakikitungo ko sa salitang normal.  Kahapon, muli akong napaisip.  Dejavu.  Parang nag-reunion ang mga ala-ala mula noong buhay na buhay pa ang social life ko.  Sabi ng isa sa mga boss ko kahapon habang nakikipagtsismisan sa tatay ko, “Bogart (hindi tunay na pangalan ng tatay ko, naaaliw lang ako sa tunog niya, kung BOGART ang pangalan mo, i-friend mo ako dali!), I think you’re daughter is stalking me”.  O hindi.  Sino’ng stalker? Hindi ako stalker.  Hindi.



Pero dati oo.


Wala akong gang.  Wala akong mga “bata” o kahit isang alagad na nakaleather jacket na on-call sakaling may potential victim na ako.  Hindi ako big-time.  At lalong hindi ako pwedeng rentahan at arkilahin.  Underground lang ako noon.  Simpleng galaw.  Kaunting sulyap.  Para-paraan.  Dahan-dahan.  Para sa sariling kapakanan at kaaliwan.


Kung tutuusin, pihikan ako.  Kaunti lang ang mga nabiktima ko noon.  Long-term ang uso sa akin.  Sapat na ang mga daliri mo sa kaliwang kamay kung dodrawing-an mo ng mga mukha ang mga dulo nito sabay gawa ng pagsasadula ng mga kabaliwan ko noon.  May classmate, may kaibigan, may sikat, may kakilala ng kaibigan, may crush ng kakilala, may teacher, may di-gaanong stranger at syempre may hindi ko talaga kilala.  Kung 5 lang ang daliri mo sa kaliwa, drawing-an mo na din ang kanan.


Wala naman akong ginawang katakwil-takwil.  Baka nga katulad lang kita nang hindi mo nalalaman o baka ang ini-stalk ko pala noon ay mas malala pa sa akin.  Ang mahalaga lang sa akin noon ay ang pangalan, buong pangalan.  At dahil ang swerte ay pakalat-kalat lamang, madaming sumasambot sa tulad ko.  Ang pinakamamahal kong world wide web.  Konting click lang, may nakahain nang juicy para sa aking lalamunan; birthday, paboritong pelikula, hobbies, idol na artista, paboritong teleserye ni juday, paboritong kanta ni roselle nava, school, likes at dislikes.  Nalalaman ko din kung jologs ba siyang umasta o conyonistic kung magsalita o kung buhay na niya ang pagbaby-talk.  Nakikilala ko din ang mga tao sa buhay niya, kaibigan, kapatid, classmate, pinsan o kapitbahay na paminsan-minsan naman kapag natuwa sa akin ang swerte power sa paligid, makakatagpo ako ng connecting line, ng bridge sa buhay ko patungo sa mundo nila.  Nandyan din ang mga public photos, at ika nga ng isang kantang hindi ko naman paborito pero gusto kong isama ngayon if a picture paints a thousand words... na totoo namang nagdudulot ng walang hanggang kasiyahan at paminsan-minsan, naipagmamalaki pa sa iba na parang pusang nagyayabang sa dagang natalisod niya. Minsan may mga blogs at shout outs din na nakakatulong din sa pagiimagine at pagbuo ko ng over-all personality at character niya.  At syempre nasasagot ang tanong ko kung may syota-syotaan na ba siya o hanggang crush lang siya o sobrang lamya ng social life niya na nais niyang mag-isa panghabang buhay.  Madami talagang bonus dahil kay www at dahil dun madami talaga ang katulad ko ang nabibigyang buhay ang tendency na maging ahem stalker wanna-be.


May ilang bagay naman na dumadating lang sa akin nang hindi sinasadya.  Kusang lumalapit.  Minsan halos masaulo ko ang class schedule niya sa pagiging isang magaling na observant.  Lagi ko siyang nakakasalubong sa ganitong araw sa ganitong oras papunta sa ganitong building.  Halos nabubuo ko minsan ang puzzle kapag pursigido ako o kapag magaling ako sa research ko o kapag naging medyo closed na kami.  Common sense lang minsan ang lahat at syempre ang pagiging alert 24/8.


May iba na hindi nakukuntento sa imaginary world nila.  Nais nila ng execution.  Nais nila ng mabilisang happy ending.  Gumagawa ng shortcut papalapit sa target point.  Tatambay sa madalas niyang tambayan, gagawing hobby na din ang ganitong hobby upang may something common na sila, kukunin ang ganitong subject para siguradong kasama siya ng isang buong sem, kakaibiganin ang kaibigan niya para masaya, lilipat ng boarding house malapit sa kanya o sa mismong dorm na tinitirhan niya para ma-rape siya para maka-closed siya.  At taas-noo kong sasabihing wala akong ginawa dito.  Kaya kung sa tingin mo ay ini-stalk kita noon na sigurado ko naman na hindi, sana’y na-relieved ka sa iyong mga nabasa at nalaman.  Sana’y naisip mong sinungaling ang mga tulad ko.


Sariling effort, determinasyon at dedikasyon plus kaunting budbod ng swerte na may kasamang tsismis mula sa outside forces, ‘yan lang ang sa tingin ko ang nalaman ko mula sa aking mga karanasan.  Wala akong masyadong natutunan sa phase ng buhay kong ito.  Masaya naman ang ganitong hobby ngunit nakakatakot kung gagawing career panghabang-buhay.  Hindi ito ang tamang paraan upang mag-aksaya ng panahon dahil unang-una hindi ka dapat nagsasayang ng panahon at pangalawa hindi ito nakakatuwang paraan upang magpalawak ng mundo mo.  Kaya pakiusap, huwag kunsintihin ang iyong crazy self, hindi ‘yan healthy sa iyo at sa kinabukasan mo.


Stalker.  Tunog rebelde.  Parang ang cool-cool.  Mukhang mas exciting ito kaysa dumapa sa kama at umiyak nang dear god, crush niya ba ako? Bakit naman hindi? Bakit? Huhu.  Siguro nga paminsan-minsan ay hindi natin maiwasan na subukan ang mga ganitong bagay sa mahiyain nating buhay para lamang maiba, para mahawakan natin sa ating mga kamay ang sarili nating kasiyahan, ang sarili nating tadhana.  Sino’ng may ayaw ng ganun? Ako gusto ko nun.  Pero hindi ‘yun ang kailangan ko upang maging masaya.

At para sa boss ko, hindi talaga kita iniistalk.  Ang corny ko naman para gawin ‘yun. Peksman.

SUPER b

Mahilig akong ngumiti.  Marami ang nag-iisip na mabait daw ako.  May iba ding nagtataka kung marunong ba daw akong magalit.  May iba din sigurong nag-akala na isa akong anghel na hulog ng kalangitan sa napakaswerte kong nanay at tatay.  Pwes, akala lang nila ang lahat ng iyon.  Paminsan-minsan man ay harmless ako pero sa pangkalahatan at sa pagkakakilala ko sa sarili ko, may mga taglay din akong kamalditahan.  I hate me.  E ikaw? Mayron ka lang 5 seconds para sumagot. —– ?


  • Sa bawat paggising ko sa umaga nung bata pa ako, automatic na ang pagpadyak ng mga paa ko sa kama nang walang katapusan with full force.  ‘Yun ang signal sa nanay ko na gising na ang prinsesa (ahem) at kailangan na niyang umakyat sa kwarto at buhatin ang lumpong anak niya.  Oo, ayokong bumabangon sa kama at bumababa sa hagdan ng MAG-ISA.

  • Obviously, ako ang baby ng nanay ko kaya lahat ng bagay at sitwasyon, in favor sa akin.  Kapag may giyera at dramatic moments kami ng ate ko, ako lagi ang lumalabas na kaawa-awang biktima.  At kahit may gawin akong kasalanan katangahan (tulad ng: nakabasag ng flower vase dahil sa napakagaling kong pagjujumping rope sa loob ng masikip naming bahay sa pag-aakalang ang pagtalon sa jumping rope ay  isang indoor game, hindi ba?), basta’t umiiyak ako kaagad, ako pa din ang susuyuin at lalambingin ng nanay ko.  Kapag naglalaro naman kami ng ate ko ng lego, bahay-bahayan, lutu-lutuan, at kung anu-ano pang unknown na larong naiimbento namin, nagwawalk-out na ako kapag time na ng paglilikom at paglilinis ng kalat.  At naiiwan ang ate kong walang kalaban-laban dahil kailangan daw akong pagbigyan dahil bata pa ako.  At dahil dun at sa sobrang pagka-iyakin at pagkamalamya kong bata, never akong pinipili ng ate ko kapag partner-partner ang laban namin kasama ang iba pa naming kapitbahay.  Kapag pilian na, idadahilan niyang laos na ang rules na magkapatid sa magkapatid sabay sabing Kapatid ko na nga yan e, lagi na lang kami at para maiba naman, labo-labo daw dapat ang partner para hindi nakakasawa.  Paniniwala din ng ate ko na kapag ka-team niya ako, SURE WIN na ang kalaban.  (Ako nga ata talaga ang biktima dito, eh? Pero napansin ko kung kanino ako nagmana *o*)

  • Warfreak ako nung bata ako.  Favorite past time ko ang panggigiyera sa kapitbahay namin, si Ben, ang childhood bestfriend ko.  At hindi siya isang batang musmos na binubully ko.  No.  Halos kasing generation na niya ang nanay ko at minsan pa nga siyang naging tutor ko noon sa music oo, isa talaga akong singer, low profile nga lang para iwas gulo.  Lagi niya kasi akong inaasar at pinapaiyak sa tuwing dadaan siya sa bahay namin.  May iba daw anak ang tatay ko na nakatira sa Zambales.  Siya pa nga daw ang tagadeliver ng mga pasalubong at ng manika galing sa tatay ko dun sa kapatid ek ek ko.  At kahit tumatawa ang lahat sa joke niya, ibahin niya ako.  Hindi ako masikretong bata pagdating sa inis at galit.  Talagang hahabulin ko siya papunta sa bahay nila sabay hagis ng tsinelas and the like sa pintuan ng bahay nila.  Sisigaw ako at magwawala nang parang walang bukas.  Hoy Ally (labidabs ni Ben) ilabas mo ‘yang asawa mo, sasampalin ko yan, tatadyakan ko yan, papatayin ko yan, lahat ng morbid na verb na maaari mong isipin part ng dialogue ko ‘yun.  Full of emotions ang drama ko nun, hanggang sa mapaos ako at humagulgol.  Normal scene na yan sa neighborhood namin sa tuwing nandun ako at si Ben.  Para ngang libreng entertainment ako noon.  Pero ngayon mahinhin na ako, kalimutan na ang nakaraan. *-*
  • Grade 1 pa lang ako, uso na ang mga clique sa school namin.  Sila ang mga popular kids na nag-aral ng kinder at nursery sa private school sa center ng lugar namin samantalang kaming mga others ay galing sa mga barangay school, mga nameless na mga bata.  Natapos ko ang grade 1 .  Natapos ko ang grade 2.  Kahit papaano ay naiangat ko naman ng kaunti ang pangalan ko.  Sa bawat klaseng napupuntahan ko, isa ako sa mga angat sa others sinong mayabang?.  Pero hindi ko pa din nakakahalubilo ang mga mas sikat na batang ‘yon.  Lagi silang nasa ibang section.  Swerte ko dahil alam kong wala akong binatbat sa kanila kaya masaya na akong maging queen bee sa maliit kong mundo.  Nang biglang isang araw, grade 3 ako, napagdesisyunan ng principal na ang adviser namin ay ililipat sa grade 5 (sa kalagitnaan ng school year, baliw ata talaga ang nag-isip nun).  Gumuho ang mundo ko.  Isa lang ang ibig sabihin nun.  Lilipat kami sa ibang section.  Mali pala, hahati-hatiin kami at ipapamigay sa ibang section.  Lalo akong mawawalan ng mga kaibigan, oh no.  Habang hindi pa naaayos kung paano nga ba kami hahati-hatiin o pagsasama-samahin, pansamantala akong isinama sa isang section.  May ilang mababait na batang kinakausap at nilalapitan ako, pero dahil nabigla pa ako sa mga pangyayari at gusto kong maibalik ang section namin, nagpaka-rebelde ako.  Mababang klase ng rebelde.  Gumawa ako ng paraan para maka-absent.  Araw-araw akong nagkunwari sa nanay ko na masama ang pakiramdam ko.  Masakit ang tiyan, ulo, ngipin, at kung anu ano pa.  Tiniis ko ang ilang gamot sa tulong ng tubig.  Nang lumaon, nakaramdam din ang nanay ko na isa akong pekeng may sakit hanggang sa wala na akong nagawa kundi pumasok na halos iyakan ko pa sa sobrang pagkainis ko.  Ilang buwan ang nakalipas hanggang sa makagraduate ako ng grade 6, naging mga kaibigan ko ang mga sikat na batang sinasabi ko.
  • Grade 4.  Nakabilang na ako sa circle ng mga privileged na bata (kasama ang mga popular kids).  Nagsimula ang 1st section rule sa school namin.  Lalong na-stressed na kami ang bagong clique sa batch namin.  Mapa-acads o extra-curricular, teacher’s pet, queen bee, ms friendship, kami ang bida.  Pinakapaborito namin ang sumayaw.  Ilang linggo bago ang recognition day, pinili kami ng MSEP (Musika, Sining at Edukasyong Pangpalakasan, tama ba? basta PE) teacher namin na magperform ng isang folk dance.  Madali naming na-gets at namemorize ang sayaw.  At dahil saulado na namin ang buong sayaw at dahil gusto naming masynchronize ang bawat galaw nagpapraktis kami sa auditorium ng halos araw-araw.  Magkakasundo kaming lahat pwera sa isang transferee.  Classmate namin siya, mabait, maganda, matalino, kaya madali din siyang nakasabay sa batch namin.  Pero hindi siya kagalingan sa pagsasayaw.  Hindi ko siya ka-close, pero sabi ng mga nanay/guardian namin (common denominator naming magkakaibigan: tambay sa school ang mga nanay namin) dapat maging mabait kami sa kanya kahit maraming negative chismis tungkol sa kanya.  Pero dahil seryoso kami sa sayaw na ‘yon, lahat ng magpapapangit sa performance namin, kailangang solusyunan.  Dahil siya lang halos ang hindi makasabay sa amin sa sayaw, pinag-solo performance namin siya para mapansin namin kung ano ang mali niyang ginagawa.  Bumaba kami lahat ng stage.  May isang nag-suggest sa amin, Gamitin natin ‘tong styro na letterings ni Sir Legaspi.  Spell natin ang YES kapag tama ang steps niya, NO kapag palpak.  Mukhang ok ang ganung idea.  Hinalungkat namin ang mga nakatambak na styro sa gilid ng auditorium.  Sabay sigaw ng isa, Wag niyo nang hanapin ang letters para sa YES.  E sigurado namang hindi ‘yan tatama e.  Sabay tawa.  At kasama ako sa mga tumawang ‘yon.
  • 1st yr hs.  May isa kaming kaibigan na sobrang patay na patay sa isang college student na babansagan nating Pink, (hindi ko alam kung bakit pink, ang pagkakatanda ko lang lumelevel siya kay Snow white sa kaputian).  Lagi siyang kinikilig sa tuwing nakikita niya ‘yun sa canteen o dumadaan sa lobby.  Valentine’s Day.  Uso sa school namin ang umorder ng chocolates at flowers with free delivery sa mismong classroom ng crush o syota mo.  At dahil playful kami nadamay lang ako dito, inosente pa ako nun, nagcontribute kaming magkakaibigan para makaorder ng isang box ng chocolates para sa aming friend.  Pinalabas namin na galing ‘yun kay Pink kaya imagine-in mo na lang ang kilig at saya ng friend namin ng maputol ang discussion sa classroom sa pagdating ni Ate *someone* dala-dala ang delivery!!! Hanggang ngayon wala pa siyang kaalam-alam sa nangyari.  At wag sana niyang mabasa ito.
  • Nung 4th yr high school ako, sobrang naadik ako sa mga banda.  Aware na aware ang buong bahay namin sa kaadikan ko.  Hanggang sa maging groupie ako.  Nang minsang magkaEB ang yahoogroups ng Hale at nagkataong kakatapos lang ng periodical exam namin at papalapit na ang Intrams, naisip namin ng kaibigan ko na perfect timing ‘yun para umabsent sa school at piliin ang nag-aalab naming pagsinta sa Hale.  Ilang linggo bago ang araw na ‘yun, may usapan na kami ng kaibigan ko na pupunta kami dun ano pa man ang mangyari.  Habang papalapit ang araw na ‘yun, hindi ako nagpaalam sa nanay ko.  Hanggang sa dumating ang araw na pinakahihintay namin.  Pumasok kami sa school nang umaga at hindi pa din ako nagpapaalam sa nanay ko.  Habang papauwi ako, nagtext na ako sa nanay ko.  At pag-uwi ko, Nay, manonood ako ng concert ha, wala naman kaming gagawin sa school e. Konting explain lang kung saan at kung sino ang kasama ko, *ting* nakuha ko agad ang blessing ng nanay ko.  Ganun lang ‘yun.  Nakauwi na ako ng 5am at sinundo pa ako ng nanay ko sa kanto namin ng walang sermon o galit o kung anu mang makakasira ng happiness ko.  Cool, noh?
  • Isa sa pinakamalalang ka-bi-atch-an ko ay nang magsimula ang proseso ng visa application ko.  Unang-una, nabigla ako na may ganun palang desisyon ang pamilya ko na ako ang mauunang iexport sa amerika.  Pangalawa, nasestressed ako sa acads plus org application ko nang mga panahong iyon.  Pangatlo, masyado akong nag-eenjoy sa buhay ko sa school para ibaling ang happiness ko sa isang bagay na alam kong puputol sa present life ko.  Mula simula hanggang sa final interview ko sa embassy, wala akong kasing maldita. Isa sa mga memorable dialogues sa buhay ko ang ginawa ko noon, isang tanghalian, habang kumakain ng sinigang at gulung gulo ang isip at pakiramdam, nagdrama ako, sinira nyo na ang buhay ko.  Napatingin ang mga ate ko, sabay sabi ng ano daw?  At mahaba-habang iyakan ang ginawa ko noon habang pinagtatawanan ako ng mga kapatid ko.  Sobrang wala ang puso ko sa phase ng buhay kong iyon. Sikreto ko na kung anu-ano pa ang ginawa ko dahil mahirap ikwento at gawing katawa-tawa dahil masyado pang fresh ang ilan at hanggang ngayon ay bitter pa din ako pagdating sa topic na ito.   Pero hinding hindi ko makakalimutan ang final interview ko noon dahil nagkataong 18th birthday ko nun.  Wala na atang tatalo sa pagka-unique ng debut ko.  Nabati pa ako ng guard ng happy birthday nang iinspect niya ang i.d. ko.  ‘Yun na din ang huling birthday ko sa Pilipinas.  Sa lupain pa ng US embassy.


Marami ang hindi maniniwalang bi-atch ako.  Ako din minsan hindi naniniwala.  Pero di ba mas exciting kapag may konting spice ang ugali ng isang tao? Hindi ba sumisikat din naman ang mga kontrabida?  Mas tumatatak pa nga ang dialogue nila kesa sa mga tatanga-tangang bida e.  Minsan nga mas nakaka-ilang at mahirap kapain ang ugali ng isang super bait na parang living angel na.  Minsan, corny na ang mga taong puro good deed lang ang alam gawin.  Kadalasan, kaunti lang ang mga taong ganun, mababait at kahanga-hanga at ka-idol-idol, kung hindi nabaliw, nagkulong sa kumbento, kinuha na ni Lord, ay nalamon na ng makamundong lipunang mayron tayo.  Lahat naman tayo ay may ginawa o ginagawang no-no kay Bro.  Maaaring napagsisihan na natin ang ilan, naihingi ng tawad, at naibaon na sa limot o ala-ala.  Maaaring may ilang hindi natin alam na nakasakit pala o ka-bi-atch bi-atch at dapat iconfess at pagsisihan.  Human nature nga siguro ang ganun.  Hindi natin maiwasan at hinding  hindi natin maeeliminate sa system natin.  Maraming tukso sa tabi-tabi.  Kusang lumalapit ang mga b.i. (bad influence) sa atin.  Parang malaking magnet ang lahat ng masasamang elemento espiritu sa paligid-ligid at nagkataong may tendency tayong mamagnetized.  Mahirap nga sigurong magpakabuti at magpakabait.  Wala akong masyadong nakakaantig na payo o golden rule na nahalungkat para makapag-enlighten ngayon.  Hindi ko din ipinapamukhang cool ang ipagyabang na mas bi-atch ka sa others o ipagmalaking mas maldita ka pa kay Lavinia at kaya mong lampasuhin ang kahit sinong mag-astang Princess Sarah sa paningin mo.  Ang sa akin lang ang lahat ay nagsisimula sa pag-amin at pagkilala sa kabaluktutan at kamalditahan mo noon.  Kasunod na ang pagsisisi at paghingi ng tawad sa kung sino man ang binully mo, sa sarili mo at kay Bro.  At syempre next na ang pagbabago at pagpapabuti ng sarili.  *Tenen* So much improved you sa lahat ng aspeto, lamang ka pa kay Princess Sarah pagdating sa kainosentehan.  At kung nasaang phase man ako ngayon ay sikreto na lang.  Sa ngayon, hindi pa ako 100% user-friendly at harmless.  On the way pa lang to stardom to goodness.

Pressure, layuan mo ako!

Isang oras na lang mananakawan na ako ng isang oras sa 2009 life ko.  Hindi ko alam kung iyon ba ang dahilan kung bakit nilalamon at hinihigop ako ng nangmamatang PRESSURE ngayon.  Kung usapang literal at pilosopohan ang gagawin ko, dapat magkasing-payat na kami ni Kim Chiu sa ‘di matapos-tapos na pressure at force na pumupush at nangungurot sa mundo ko.


Kahapon, nagpakalasing kami ng ate ko sa kapeng siya mismo ang nagtimpla na talagang nagpasuko at nanghiya sa bagong creamer namin.  Habang nanggagalaiti ang caffeine sa lalamunan ko at naguumapaw ang nota sa pagvivideoke namin, naghihinagpis ang puso ko dahil nabigo akong masaksihan ang reunion concert ng eraserheads.  Hindi naman ako naglupasay at humagulgol buong gabi, nanghinayang lang ako sa pagkakataong marinig at mapanood silang muli bilang eraserheads.  At dahil dun, nagpakalulong ako sa kape at sa videoke, cheers.


Kanina, dahil tila nagsawa ata ang world wide web sa akin na halos wala akong makitang bago para sa akin, nauwi muli ako sa blog world ko at muli nafrusrate ako na wala akong bagong kwentong maaaring ialay.  Feeling ko tinatraydor ko ang deadline na binibigay ko sa sarili ko.  Kung tatanungin ako kung bakit nagpapahumaling ako sa blog, hindi ko din alam ang sagot at lalong hindi ko kayang ipadama kaninuman ang sayang naireregalo nito sa kalooban ko.  Sabi ko sa nanay ko malapit na akong mabaliw at ready na naman daw ang ate ko sa pondong ipangmemental asylum niya sa akin.  Nakakabaliw palang maghalungkat ng mga personal na kwento at prinsipyo at magic-in ito sa isang makabuluhan at nakakaaliw na anyo.  Ang dami ko nang listahan ng topics na pwede kong ibahagi, pero nauudlot ako palagi, laging may blank mode.  Dead air.  ——————————- Gayunpaman, hindi pa din ako sumusuko sa mapagkunwaring ako, makakasulat pang muli ako at makakapagkalat ng maraming-maraming tsismis salita na sisiguraduhin kong kasing inspirational ng mga awitin ni Jamie Rivera, peksman.


Nang mabakante ang energy capsule ko para sa aking blog, naalala kong malapit na ang Toefl exam (Test of English as a foreign Language) ko.  Aminado akong minaliit ko ‘yun nang una kong malamang kasama iyon sa admission requirements ko.  At take note: sa sobrang tiwala ko sa sarili ko na hindi ko na kailangan ang approval ng exam na ‘yun para mapatunayang karapat-dapat akong matanggap sa eskwelahan nila, inemail ko ang admin office at nakipag-deal at nagmakaawang i-consider na nila ako kahit hindi ko ma-experience ang Toefl.  At isang matigas ngunit mahinahong hindi ang natanggap ko.  At ngayon, kinakain na ako ng pressure ng Toefl.  Hindi ako magaling sa ingles.  Lalong hindi ako effective sa presence ng time limit.  At kapag pinagsama sila, naiimagine ko na ang pagtawa sa akin ng pressure sabay apir kay Toefl.  Kung maubusan ako ng dugo bago ang exam ko, welcome ang blood donors.  Kung takot ka sa dugo, ipagdasal mo na lang na makapasa ako.  Idasal mo na ding makaligtas ako sa bangin ng pagkabaliw.


Bakit ang dami-daming anyo ng pressure sa buhay ko? Ngayon nais kong madaliin ang sarili ko na ayusin na ang future ko.  Kailangan makagraduate naman ako.  Kailangan umangat naman ng kahit isang level man lang ang passion ko sa pagsusulat at pagiilusyon pangangarap.  At ngayon halata na namang nonsense ang iniisip ko.  Bakit lagi na lang naniniksik at nakikiepal si Pressure, at pilit ino-o.p. ang kakaunti at mahiyaing mga positive brain cells ko? Pero kaya ko ito, mas powerful naman siguro ako kay pressure dahil siya ay imaginary lamang, konting pitik lang, makikick-out ko din siya sa buhay ko.  At sigurado ako na kung kaya kong gawin, kaya mo din.

*** nanakaw na ang isang oras ko.  Bakit ganyan ka daylight savings time?

Gaano ka ka-high?

Marami tayong kwento sa ating mga buhay.  Kwentong nakakaantig, nakakatawa, nakakaiyak, nakakainis, nakakagulat, nakakakilig, nakakatakot, nakakadiri.  Lahat tayo kanya-kanyang originality sa istorya.  Mantakin mo, hindi nauubusan ng letter sender ang Maalala mo Kaya sa halos ilang taon nila sa tv.  At kung ang sulat ko ang papanoorin mo ngayon, siguradong mahihirapan kang i-categorized ang kwento ko.  Kung ako ang tatanungin, sasabihin kong ang lahat ng bahagi ng kwento kong ito ay walang dudang fiction at produkto lang ng aking imahinasyon.  Kung ako, itinatanggi ko nang kakilala ko ang sarili ko, ikaw pa kaya?  Subukan mo.  At oo, mahaba uli ito.  Kasing haba ng pasensya ko sa sarili ko, bakit ako nagkaganito?  Bakit?

BACKSTREET BOYS

Tandang-tanda ko pa kung ano ang kauna-unahang kantang English ang isinapuso at isinadiwa ko, ang 2 Become 1.  Pero hindi ako naging avid fan ng Spice Girls kahit na naging paborito ko rin ang  hand gestures ng Stop.  Pwede tayong magdance showdown ngayon.  Tandang-tanda ko din ang kauna-unahang album na kinabaliwan at dinibdib ko, ang 1st album ng 98 degrees.  Araw-araw pinakikinggan at sinasabayan ko ang buong album nila, side A at side B.  At dahil pursigido ako, na-memorize ko ‘yun.  Nang bigla kong makilala ang NSYNC.  Mas ok ‘to ah.  Mas mukhang bagets ang mga itsura at mas upbeat ang music, mas nakakaindak.  Kahit sinayaw pa namin sa school noon ang Because of You ng 98 degrees, nadaig ‘yun ng It’s Tearin’ Up my Heart at I Want You Back.  Nang dahil dun nabaling ang atensyon ko sa kanila.  May version pa kami ng mga kapatid ko ng God Must Have Spent A Little More Time on You with matching 2nd voice, kulot effect at lahat ng ungol na may full emotions at feelings.  Mayron pa akong video na hinding-hindi ko isheshare unless gagayumahin mo ang crush ko para sa akin, deal?  Unti-unti silang sumikat lalo na nang i-release nila ang Bye, bye, bye.  Nang mga panahong ‘yun, natuklasan naman namin ang reality show na naging simula ng O-Town.  Mula audition hanggang sa maging lima na lang sila.  Muling nahati ang atensyon ko.  Ilang buwan, sumikat din sila at totoong narindi ako sa All or Nothing, akalain mong nagka-isyu pa ang mga classmate ko kung sino ang nasa tamang tono sa pagkanta ‘nun, naki-oo na lang ako sa ilan sa kanila.  Habang nasa stage ako ng pagkaadik sa tatlong boyband na ‘yun, kilalang-kilala ko na noon ang Backstreet Boys.  Bata pa lang ako, adik na adik na ang mga ate ko sa kanila.  At dahil gaya-gaya ako, kinilala ko din sila.  Nang dumating ang panahon na nakaget-over na ako sa 98 degrees at inis na inis ako sa NSYNC dahil puro si Justin na ang bida sa Celebrity album nila at naconvince ako ng mga ate ko na jologs pala silang pumorma habang nababaliw ang mga kaibigan ko sa All or Nothing at The Painter, napagtuunan ko ng pansin ang Backstreet Boys.  ‘Yun na ang simula ng lahat.  Millenium ang kauna-unahang tape na nagkaroon kami.  Sa sobrang pagka-fan ko, nagtiyaga akong pakinggan at paulit-ulitin ang buong album na ‘yon para lang maisulat ang lyrics ng lahat ng kanta nila sa album na iyon.  Rewind, pause, play, pause, rewind, play. hanggang sa makumpleto ko na ang lahat ng kanta.  Kinanta ko pa sa classroom namin ang The One at hindi man lang sumagi sa isip ko na baka mali-mali o saliwa ang mga salitang nabuo ko.  Kanta lang ako.  At kung may classmate man akong makakaalala ng araw na ‘yun, babatukan ko siya ngayon din hanggang sa malimutan na niya ang lahat.  Pagkatapos nun bumili na din kami ng Black and Blue at pati ng Backstreet Boys at Backstreet Back na hinalungkat pa ata ng mga sales lady para sa amin.  Hindi na ako nakaget-over mula ng maadik ako sa kanila.  Hindi tulad ng ibang boyband na may paborito lang akong member, tulad ni Jeff sa 98 degrees, ni JC sa NSYNC at ang minahal ko talagang si Jacob sa O-Town.  Isang matinding palaisipan sa akin, pati sa aking mga kapatid, ang tanong na kung may isang itatapon at ivovote-out sa BSB, sino ang chosen one? at never kaming nakapagdesisyon kung sino nga ba, as in wala talaga.  Lahat sila ok na ok, walang patapon, may kanya-kanyang galing at packaging.  Ganun katindi ang pagmamahal ko sa BSB.  May ilan din kaming VHS tapes ng concert, interviews, TRL guestings at kung anu ano pa.  Binigyan din ang tatay namin ng katrabaho niya ng vcd na may trivia at fan quiz kung saan malalaman mo kung sino ang compatible member para sa iyo.  At ang most prized possession ko ay ang libro ko ng BSB na isang kahilingang natupad nang magbirthday ako noon.  Isa din sa mga paborito kong panoorin lalo na kapag hindi pa ako inaantok at gusto kong magpuyat, ay ang VHS ng The Greatest Hits nila dahil nakakasabay na ko sa lyrics napapanood ko pa ang music videos nila.  Meron din kaming pirated karaoke cd ng mga kanta nila, paborito ko din ‘yun kahit pirated.  Hanggang ngayon umaasa pa din akong balang araw mapapanood ko na din sila ng live.

Dramatic moment:  Ingat na ingat kami sa lahat ng VHS namin ng BSB.  May kanya-kanyang label.  Ang pinakapaborito sa lahat ng paborito namin ay ang concert nila nang umuwi sila sa Orlando, ang hometown nila.  Sobrang bongga ‘nun at sinuwerte kami na nasaktuhan namin sa HBO ‘yun.  Hindi tulad ng concert ni Britney Spears, never ng inulit ng HBO ang concert na ‘yun kaya kapag napagtitripan namin ng mga ate ko, lagi naming pinapanood ang kopya namin ‘nun.  At hindi kami nagsawa, laging nandun ang kilig factor at kasiyahang dulot nila.  Nang biglang dumating ang araw na iyon.  Grade 6 pa lang ako ‘nun.  Friday, syempre pagod at inaantok na ako pagkatapos ng isang linggong pagpasok sa school.  Nagkataong maganda ang Maalala Mo Kaya episode ‘nun.  Si Paolo Contis ang bida bilang isang bading.  At dahil naintriga ang mga ate ko sa palabas at wala sila sa bahay nang gabing ‘yon, naghabilin sila sa nanay ko na i-record na lang para mapanood nila sa susunod na araw.  At dahil wala ako sa sarili, hindi ko nafeel na ginising pala ako ng nanay ko para asikasuhin ko ang VHS player namin dahil hindi siya masyadong marunong.  Pero dahil inaantok ako, tumango lang ako.  Lumipas ang gabi.  Kinabukasan, papanoorin na ng mga ate ko ang pinarecord nila.  Nay, asan na po ‘yung tape? Nang iabot ng nanay ko, gumimbal sa ate ko ang label ng VHS tape,  walang iba kundi ang *tenen* Homecoming concert ng Backstreet Boys sa Orlando.  Parang gumuho ang lahat ng maaaring gumuho.  Syempre dahil bata pa lang ako at halatang nasa addicted state ako, umiyak kaagad ako habang nakadapa sa sofa.  Hanggang sa magsermon na ang nanay ko na, e sa wala naman siyang kaalam-alam sa mga tapes na meron kami.  At sa loob-loob ko, kasalanan ko ang lahat.  Umiyak ako ng todo todo.  Nahimasmasan kaagad ang mga ate ko.  Ok lang daw, at least baka sakaling maganda ang MMK episode na meron kami.  Play.  Walang picture na lumabas sa screen, puro gray, at may kaunting garalgal na ingay.  Lalo akong humagulgol nang parang walang katapusan.  Ilang buwan ang nakalipas, ni-replay ang MMK episode na iyon.  Nakakatuwa.


F4

Sino nga ba ang babaeng hindi naadik sa Meteor Garden at sa F4?  Meron nga ba?  At aminado ako na sobrang tinamaan ako ng halimuyak at gayumang dala nila.  Pero ang pinakapaborito ko sa kanilang apat ay si Wat si Lei (huwag intindihin ang spelling, basta katunog, solved na).  Kasi masyadong macho si Dao Ming Si, super mayabang at masyadong masculine.  Mas pasado sa akin ‘yung tipong sobrang bait, tahimik at bestfriend type.  At feeling ko noon ang gwapo gwapo ni Lei.  At sobrang affected ako dahil kahit ilang beses ko isearch sa internet, si Dao Ming Si ang bida sa Meteor Garden at siya ang kalove team ni Sanchai.  Sobrang adik na adik ako ‘nun.  Kung cocompute-in ang mga nagastos ng nanay ko sa internet card na halos araw araw niyang bilhin noon para sa mga abnormal niyang mga anak, pwede ko na sigurong gawin tsinelas pang-banyo ang isang pares ng hav.  Halos mapuno ang memory ng computer namin sa pictures nila.  Hindi ko matanto kung bakit ako natuwa sa pagcopy at pagsave ng mga pictures na ‘yon.  Nagprint pa ako ng ilan sa mga paborito ko tapos dinikit ko sa aparador namin katabi ang pictures ni Rico Yan at Ryan Agoncillo.  Ngayon pa lang, pag-isipan mo na kung bakit mo ako naging kaibigan o kung nais mo pa akong maging kaibigan.  At nasabi ko na bang namemorize ko din ang ilan sa mga kanta nila dahil nagpabili din ako ng album nila? at ‘yung special package pa ang pinabili ko para may kasamang vcd ng mga music videos nila

Dramatic moment:  Mula simula hanggang sa dulo, si Lei ang isinisigaw ng puso ko para kay Sanchai.  At dahil paborito akong asarin ng mga ate ko, hindi nila pinalampas ang pagkakataong gamitin si Lei para ako’y asarin at paiyakin.  At hindi sila nabigo.  Isang gabi, habang nagkukwentuhan kami tungkol sa Meteor Garden, pinagtripan nila si Lei.  Sobrang payat daw, parang butiki.  Tapos wala pang emosyon, ang tamlay tamlay.  At dahil dun umiyak ako buong gabi.


Christian Bautista

Ayoko mang aminin, pero dumaan nga ako sa phase ng buhay ko na naadik ako kay Christian Bautista.  Sinabi ko pa noon sa tatay ko nang mapanood niya ang music video ng The Way You Look at Me na siya na ang lalaking pakakasalan ko.  Inaabangan ko din siya sa ASAP at dun ako namulat sa mundo ng yahoo groups.  Isinapuso ko din ang 1st album niya.  Natuwa pa nga ako ng sabihin ng ate ko na dati daw ‘yun kapitbahay ng officemate niya  kaya malamang kayang kaya ng ate kong dalhin ako sa bahay ng kinaaadikan ko.  Buti na lang naka-move on kaagad ako sa phase na ito.  Nabagok o  nagpakabagok, ayoko nang alalahanin pa.

Dramatic moment:  May 23 nun.  Fiesta sa amin.  Nagkataon na may show siya sa SM na malapit sa amin.  Ilang araw bago ‘nun, niyaya ko na ang nanay ko na samahan niya ako para hindi naman nakakahiya.  Excited na excited ako nun.  Isang araw bago ang araw na iyon, nagdesisyon ako.  Palalagpasin ko ba ang fiesta? Isa sa mga paborito kong araw bukod sa Pasko dahil may pagkain sa bahay at may bisita at kumpleto kaming magkakapatid? Hindi ako pumunta sa SM ‘nun.  Nung simula, kampante ako sa desisyon ko hanggang sa dumating ang tanghali at mapanood ko ang ASAP at ang Fanatic.  Perfect time din ‘yun para asarin ako ng mga kapatid ko.  Hanggang sa mag-sink in ang desisyong ginawa ko, nagkulong ako sa kwarto at umiyak habang nagsisisi.  Tandang tanda ko pa na nagsulat ako sa diary ko ng gabing ‘yon sa sobrang sama ng loob sa sarili ko.


BLUE EAGLES

2nd year ako ng tamaan ako ng epidemya.  At si Wesley Gonzales ang isa sa mga dahilan.  Halos lahat ng games nila sinubaybayan ko sa tv at sobrang naging affected ako sa bawat pagkatalo o pagkapanalo nila.  Kahit na hindi naman ako taga-ateneo, feeling ko part ako ng team na ‘yon.  Sumali din ako sa kung anu anong forum at yahoogroups, nakinig ng HalikiNU, bumili ng Chalk mag at talagang nakipagdebate sa mga kaibigang green blooded.  Mula ng naging fanatic ako, hindi sila nagchampion sa UAAP hanggang sa makapasok ako sa peyups at narealize ko ang kabaliwang ginawa ko sa pagpapakabaliw sa team at mundo nila.  Nagsawa na ako sa kanila at naging bitter.  Last season ang pinakahindi ko sinubaybayan at isinuko ko na ng buong buo ang suporta ko sa kanila, at sa wakas nagchampion sila.  Malas ako o swerte sila?

Dramatic moment:  Sa lahat ng games ng Ateneo na natalo sila, may isang game na natalo sila ng La Salle ang iniyakan ko.  Hindi ko na matandaan kung bakit pero ang pagkakaalala ko, ilang segundo na lang nun at talagang nilipat ko sa ibang channel ang palabas sa sobrang inis at dumapa na lang sa kama at umiyak.  Nag-drama pa ako sa text sa ilang baliw din na kaibigan.


HALE and the like

Hale ang kauna-unahang bandang kinabaliwan ko.  Hindi pa man sila masyadong sikat, na-mesmerize ako kay Champ at sa ka-sentihan ng music genre nila.  At ‘nun ako naging full pledged member ng isang yahoo group.  Nakatagpo ng ilang kaibigan na naging malapit din sa akin.  Medyo kaunti pa lang kami ‘nun at in some way, civilized pa ang kabaliwan namin.  Nakilala ko ang z gurls at inampon nila ako kasama ang dalawa pang fetus na katulad ko kahit na hindi nagtatapos sa z ang nickname namin at mas bata kami kumpara sa kanila.  Naging isa ako sa active na nagpopost sa yg.  At may ilang dinayong gig.  Dun ako nabansagang groupie ng mga kapatid ko.  Nang maging seryoso na ang acad life ko dahil graduating na ako, medyo humina ang addiction ko.  Naging inactive na din ang ilan sa mga kaibigan ko at namayani na ang others sa yg na ‘yun.  Hindi ko alam kung bakit kinonsider namin na iba kami sa others na ‘yun.  Pagkatapos ‘nun, sumali ako sa isang text clan nang dahil sa promotion at recruitment ng ilang kaibigan.  Hindi ako naging active at ilang buwan lang, nagpakalayo layo na ako.  Nagparehab at nagmove on.  Nang magcollege ako, nagkataong ang naging roommate ko sa boarding house na naupahan ko, ay isang ex-member din ng clan na ‘yun.  Pareho na kami nung magaling at safe kaibiganin.

Dramatic moment:  Nang magconcert ang Hale sa isa sa mga resort malapit sa amin, at dahil manager ang mommy ng kaibigan ko, isa ako sa mga tumulong na magpromote at magbenta ng ticket.  Nakabenta at nakaloko.  Ate ko at ang bestfriend niya.  Dumating ang event date.  Nasa venue na ang lahat ng kaibigan ko pwera sa akin.  Habang hinihintay namin ang bestfriend ng ate ko sa bahay namin, umuwi ang nanay ko galing sa plaza dala dala ang balitang may commotion daw sa  bayan.  Naguluhan ako kung may barilan ba o holdapan o sunog o kung anu mang krimen.  Basta mahabang diskusyon ang inabot namin nun dahil ayaw na kaming paalisin ng nanay ko.  Hanggang sa mag-emote na ako at magmatigas ang ate ko.  Umiyak ako buong gabi habang nagwalkout ang ate ko kasama ang kaibigan niya.  Hindi sila nanood, lalong lalo hindi ako nakanood ng concert na ‘yun.  Nang mahimasmasan ako, nagdrama ako ng todo todo sa text sa mga kaibigan kong nag-eenjoy sa concert.  At kung naisave ko sana ang nobelang txt kong iyon, malamang makukumpleto ko na ang collection ko ng unquotable quotes ko sa buhay ko.

Naadik din ako sa Callalily pagkatapos kong gumaling.  Wala na akong masyadong kabaliwang ginawa dahil medyo may muwang at kahihiyan na ako ng mga panahong iyon.

Sa tingin mo, magaling na ba akong mag-imbento ng kwento? O naniniwala kang alumnae ako ng rehab? O nagka-amnesia ako at naguguluhan lang ako sa past life ko? O sadyang malamya lang ang buhay ko na kailangan kong pagalawin at paglaruan ang karanasan ko sa buhay? O nais ko lang patunayan na hindi ako kasing-corny katulad ng iniisip mo ngayon at hindi ako isang boring na creature na walang ginawa kundi magbilang ng guhit sa palad at talampakan ng nanay ko? O isa lang akong nanglolokong letter sender ni Ate Charo na nais magkaroon ng exposure at fans?

dear diary

Hindi ako ang tipo ng taong mahilig magwrap-up ng everyday lives nila sa blog.  ‘Yung parang diary talaga na buhay na buhay sa mga kwentong fresh na fresh pa with matching full emotions at kung anu-ano pang kacacasual-an.  Siguro dahil pakiramdam ko talaga na may nakalaang slot para sa akin sa mundo ng pagsusulat kaya mataas ang pressure at expectation ko sa sarili ko.  Ayokong gumawa ng blog na basta-basta lang.  Ayokong mag-blog para lang ma-update at mapahaba ang listahan ng posts ko o para dumami ang miyembro ng fans club ko.  Gusto ko kasi makita at maramdaman ko ang masidhing passion at tapat na pagmamahal ko sa larangang ito sa pamamagitan ng bawat sandaling nagba-blog ako.  Ito ang stepping stone ko.  Ayoko namang humakbang at umapak sa malamyang bato o tumuntong sa hindi de-kalidad na simulain.  Kung naniniwala ka sa mga pinagsasasabi ko, sali na sa fans club ko.

Hindi ko itatangging bata pa lang ako ay mahilig na akong magsulat sa diary, ang tunay na ninuno ng mga naghahari-hariang blog ngayon.  Siguro dala na rin ng inggit sa mga ate ko na may mga sarili din nilang mga diary.  Wala nga lang binatbat ang bersyon ko kaysa sa diary nila.  Natatandaan ko, dahil ilang beses kong nahawakan sa drawer niya, ang itsura ng diary ng isa kong ate.  Parang kamukha nung nasa Mara Clara na siyang naging susi sa pagkahaba-habang kwento ng masalimuot nilang mga buhay.  Simple lang ang sa akin.  Matingkad na violet at may konting bahid ng pink tapos may umeeksenang picture ni Snoopy sa gitna na hindi ko naman naging favorite mula noon hanggang ngayon.  Kahit ganun, ninamnam ko ang bawat pahina ni diary.  Feel na feel ko ang  bawat kwentuhan namin.  Inilabas ko sa kanya ang lahat-lahat. Lahat.

Hindi kami araw-araw nagtatagpo ni diary.  Depende kapag nafi-feel ko talagang may juicy na akong ikukwento.  Kapag deadma kami sa isa’t-isa, nagtatago siya sa drawer ko, kabonding ang mga underwear ko.  ‘Yun lang kasi ang tanging bagay na hindi namin pwedeng hiramin sa isa’t isa ng mga kapatid ko.  ‘Di tulad ng sapatos, pantalon, tsinelas, hikaw, blouse, bag, lotion, panyo, pabango, ballpen, tuwalya at kung anu-ano pa, bukod tangi ang mga katropang ‘yon ni diary.  Sa buong existence niya, naging mga front runners at security guard ang mga ‘yon laban sa mga outside forces na maaaring maghalungkat sa mga sikreto ko.

Kahit na buo ang loob at tiwala ko sa mga tagapagbantay ko, ingat na ingat pa din ako sa pagbanggit ng mga personal na pangalan kay diary.  Mahilig akong gumamit ng initials lalo na kapag tungkol na sa mga crush ko ang kwento.  Parang sa part 2 ng pelikulang Dear Diary na ang pamagat ay Dear Killer.  Bida si Lea Salonga at Herbert Bautista saka si Lileth.  Paborito namin ‘yon bukod sa mga pelikula ni Alma Moreno na saka ko na lang ibibida dahil hindi naman tungkol sa kanya ang blog na ito, pero promise, madaming magandang pelikula si Ate Ness at ‘yung ibang kapanahunan niya.  Balik sa Dear Killer, si M.D ang killer ng karakter ni Lileth.  Umikot ang isang oras ng palabas kakaisip ni Lea Salonga at ni Herbert kung sino si M.D at kung bakit nawawala si Lileth.  Mantakin mo sa isang personal diary, gumamit siya ng initials ng lalaking nanliligaw sa kanya at posibleng kumidnap at pumatay sa kanya nung Valentines Day na ‘yun.  Kung binanggit na lang niya ang totoong pangalan o kahit first name imbes na M.D., malamang hindi napagbintangan na killer ang walang kamalay-malay na si Mr. Delgado.  Pero ‘di ba, exciting kapag initials, at tipid sa ink ng ballpen at effort ng pagsusulat.  May makalusot man o may pakialamerang Lea Salonga o Herbert sa buhay ko, ligtas pa din ang mga sikreto ko.  Apir tayo Lileth.

Halos kalahati ng diary kong ‘yon, umikot din sa panahong namatay si Rico Yan.  Kung alam mo lang kung gaano ka-affected ang buong pamilya namin nun.  Parang tumigil din ang mundo namin kasabay ng pagdadalamhati ni Claudine Barretto.  Habang nabaliw ang ate kong kakarecord ng mga pelikula ni Rico at Claudine at huling episodes ng Whattamen, tumodo ako sa pagbuhos ng lungkot kay diary.  Parang feeling ko iniwan din ako sa ere ni Rico.  Inaway away pa namin ng mga kaibigan ko ang teacher namin dahil isinabay pa ang graduation namin sa mismong libing niya.  Umaga ang pagbaon sa kanya sa kalupaan, umaga din ang pag-akyat namin sa entablado ng eskwelahan namin.  Habang minamake-up-an ako ng bading, nakatutok kaming lahat sa tv, isama mo pa ang bading.  Kung hindi lang ako kapatid ng mga ate ko, malamang mas pipiliin nilang panoorin at makiiyak sa pag-goodbye forevermore ni Rico sa tv kaysa saksihan ang nakakatamad naming program na wala masyadong effort.  Kung pwede lang na ipadeliver na lang namin sa bahay ang diploma at medal ko, hindi na ako umattend sa araw na ‘yon.  Pero dahil minsan lang ako gagraduate sa elementary kaya ibinuhos ko na lang ang lahat kay diary.  At dahil napilitan nga ang mga ate kong samahan ako ng araw na ‘yon para ako’y i-video at palakpakan sa aking pag-akyat sa entablado, ni-record na lang nila ang libing ni rico, mula simula hanggang sa huli.  Hanggang ngayon hindi namin pinanood kahit isang beses ang tape na ‘yon.  Hindi pa namin kaya.  Take note: Kumpleto ang ate ko ng lahat ng maaaring irecord sa career ni Rico Yan, mula sa Star Magic Presents hanggang sa The Buzz at MTB episodes na patay na siya.  Meron din kami nung tribute cd para sa kanya na “Forever Young”.  Oo, pwedeng rentahan o arborin ang kahit ano sa murang halaga.  Kapag miyembro ng fans club ko, libre na.

Nakaget-over din naman ako pagkatapos ‘nun.  Nang mag-high school ako, nakasummarize na lagi ang kwento ko sa tuwing nagkikita kami ni diary.  Malawak-lawak na din ang mga adventure ko ‘nun.  Natatandaan ko pa nung banggitin ko kay diary na ang saya saya ko dahil ang dami dami ko ng kaibigan kahit first year pa lang ako.  Inisa-isa ko silang lahat at halos banggitin ko na ang buong section namin.  Ang dami dami talaga.  Nandun pa din ang mga initials at mga kontrobersyal na isyu ko sa sarili ko.  Medyo mas ok ok na ang mga topic na naiisip ko nun.  Hindi na masyadong nakakahiyang basahin kumpara nung mga ikinwento ko nung bata bata pa ako.  ‘Yung iba hindi na din ako masyadong makarelate kung babasahin ko ngayon kahit ako naman ang nagsulat nun noon.

Hindi ko nasulatan ang lahat ng pahina ni diary.  Hindi na rin ako masyadong nakipagkwentuhan sa kanya simula ng mag-3rd yr hs ako.  Nakilala ko na kasi si friendster at ang mundo ng blog.  Pero paminsan-minsan kapag nasisilayan ko siya sa drawer ko, binubuklat ko si diary para aliwin ang sarili ko.  At never siyang pumalyang patawanin ako.  Ang dami dami kong kababawan noon na hindi kaaya-ayang ibahagi sa iba kahit pa sa sarili kong mga ate o dito sa blog.

Magiisang taon na kaming hindi nagkikita ni diary.  Hindi ko na rin sigurado kung safe pa ba siya sa lugar na pinagiwanan ko sa kanya.  Pero hindi na rin ako masyadong kinakabahan kung meron mang makabuklat o makabasa ng bawat pahina niya.  Masasabi kong medyo malayo na ako sa bersyon ko na naging kaibigan ni diary noon.  Masyado pa akong mababaw, fresh, hilaw, inosente, nakakatawa.  Iba pa ang sa tingin ko noon ay kwentong dapat ikwento o emosyong dapat -i-feel at gamitin sa bawat sitwasyon.  Madali nang i-deny at ilaglag ang katauhan kong ‘yon noon kung babasahin natin ng sabay sabay ng napakalakas ang diary ko na parang nung panahong mangmang pa tayo at tinuturuan tayo ng teacher magbasa habang tinuturo at iniistress ng magic stick niya ang bawat salita sa blackboard.  Ngayon, wala man akong diary na kasing kulay  ni Snoopy, maaaring wala pa rin ‘yun pinagkaiba sa blog na kinukwentuhan ko ngayon.  ‘Yun nga lang high-tech na ang ganitong bersyon at aprubado sa akin na may ibang mga taong makikisilip o makakarinig ng bawat kwentuhan namin.  Mas pormal na ngayon at maingat ako sa mga salita, may kasama ng palamuti at extra spice para mas maganda.  Parang mga sulat kay Ate Charo sa Maalala mo kaya na mas maganda nang pakinggan, mas madaling maintindihan at mas nakakaaliw subaybayan.  Ganun pa man, nakakamiss din ang magkaroon ng diary.  ‘Yung kahit ano pwede mong sabihin kahit na isang malaking I hate you —- ang isulat mo, ayos lang, ready makinig si diary at hinding hindi ka niya ilalaglag.  Kahit labo labo ang topic na gusto mo, kahit mali-mali ang grammar at spelling, safe ka sa anumang kahihiyan.  Iba pa din siguro ang kasiyahan at safistaction na naramdaman ko noon kay diary sa kakaibang ligaya na naibibigay ng pagboblog ko ngayon.  Maaaring ang iniingatang kong blog ngayon ay step 2 na pala at ang mumunting diary na ‘yon na pinagbibidahan ni Snoopy ang tunay at original kong stepping stone.  Baka nga.