..at kung bakit dapat iwasan ang A Crazy Little Thing Called Love ng mga taong cheesy

Kung susukatin ang ka-cheesyhan ko sa buhay ko, malamang malalaos ang Cheese Ring, Cheese Whiz, at ang extra cheesy mac and cheese recipe ng kungsinumang chef at kusinera at ng iyong suking karinderya .  Hindi ko alam kung namamana ba ‘yun o nakukuha sa hangin o sa ibang tao.  Sa mga kwento ng nanay at tatay ko nung magboyfriend-girlfriend pa lang sila, parang wala namang signs ng kung anumang kacheesyhang pampelikula na pwedeng naiagos nila sa blood vessels ko.  Kung nakukuha sa hangin, bakit pakiramdam ko mas mataas ang level nung akin kesa sa mga taong nasa paligid ko? Directly proportional ba ang kacheesyhan ng isang tao sa amount ng hanging naiinhale? May pahiwatig ba ‘yun sa size ng butas ng ilong ko o sadyang maiksi at kaunti ang buhok ko sa ilong kaya palpak ang pagfifilter ng hangin loaded with cheese at oxygen na nagaganap? Kung nagkakahawaan naman ang lahat ng tao, bakit may nasasabihan ng corny at cheesy? Sino sila at bakit immune sila sa kacheesyhan na meron ako?

Napagdaanan ko din noon ‘yung phase na hindi ako nagpapahuli sa mga Asianovelas at librong kilig to the bones.  Nirecord namin ang Meteor Garden.  Kinilig ako sa Sweet Valley Junior High.  Ilang beses kong pinanood ang Full House.  Hindi ko din tinatanggi na halos lahat ng paborito kong pelikula ay love story ang focus.  Umaasa akong ang the one ko ay si Landon Carter o si Noah Calhoun o magkakaroon ako ng sarili kong kwento ng 500 days of Summer.  Pero umabot din ako sa phase na ako na mismo ang nacornyhan sa sarili ko at naisip kong mabuhay sa totoong mundo na mas maraming Dao Ming Su at Justin nung hindi pa sila naiinlove kay Sanchai at kay Jessie o ang pinakamalapit ng taong pwedeng makipaglandian sa’tin ay si Summer na walang idea ng commitment at true love dahil tayo ang Tom ng buhay niya.

Pero totoo nga ata ang Aegis nang sabihin nilang tuloy tuloy ang pag-ikot ng gulong ng buhay dahil parang bumabalik uli ang phase ko ng kacheesyhan.  Hindi ‘yun dahil naka-100 ako sa videoke ng kantahin ko ang Luha, o dahil nagtagpo na kami sa may dalampasigan ng matagal ng nawawalang the one ko, pero dahil nagpapilit ako sa mga ate ko na panoorin ang A Crazy Little Thing Called Love.  Kung napanood mo na ‘yun, malamang nangiti ka kaagad at kinikilig ngayon.  Inhale, exhale, 1, 2, 3, tumingin sa salamin at i-assess ang sarili kung nasaang banda ka na bilang si Nam.  Kung blooming at kuminang ka sa salamin, ikaw na! malamang abot-kamay mo na si P’Shone.  Kung nadismaya ka sa nakita mo, ipasok ang dvd ng CLTCL o isearch sa youtube at panoorin buong maghapon hanggang sa mawala ka sa sarili at humaba ang buhok mo.

Kung hindi mo pa napapanood, ok lang ‘yan.  Nakakakilig at nakakaaliw man, hindi naman kawalan sa buhay ang pagpapalampas mo sa pelikulang ‘to.  Pero kung sadyang marupok ka at madaling mainggit sa kasiyahan ng ibang tao, gusto ko lang sabihin na iilan na lang ata kayo na hindi pa nakakapanood ‘nun LOLJK, gusto kong malaman mo kung bakit/saan ako o kami nakarelate.

1.  Stages ng pagkakaroon ng crush na pagdadaanan mo with your BFFs

Denial stage – ‘Yung tipong caught in the act ka na pero itatanggi mo pa din na crush mo si crush dahil nahihiya ka o ayaw mong kantyawan ka ng mga kaibigan mo.  Minsan, lalo na kapag ‘di kagwapuhan at hindi pwedeng ipagyabang si crush, magkukunwari ka pang nadidiri at naaasar.  At kung sobrang haba naman ng pila ng mga karibal mo kay crush, ipapangangalandakan mong “Yan?! Gwapo ba ‘yan? Hindi naman kaya!” at magfifeeling na hindi ka bibigay sa tawag ng mababaw na pag-ibig.

Ok-fine-crush-ko-siya-silence-na-may-kasamang-ngiting-pademure stage – Dadating ang araw na pipiliin mong magpakatotoo na at itigil na ang pagkukunwari dahil hindi fun ang kiliging mag-isa.  Masarap ang pakiramdam na nailabas mo na sa wakas ang matagal mong kinimkim na kilig at saya sa tuwing lolokohin ka nila kay crush, pero mag-ingat sa venue na pipiliin mo kung gagawin na ang moment na ‘to.  Siguraduhing wala sa 5-meter radius si crush dahil matagal-tagal at medyo magiging agaw-pansin ang magiging reaksyon ng mga kaibigan mo: “yihiiiiiiiiiiiiiiii <insert name of crush here>” (repeat 10x)

Kantyawan stage – Masaya ‘to sa mga unang araw dahil bulgaran na ang reaksyon ng mukha at puso mo sa tuwing abot tanaw si crush at pwede mo ng kurutin/hampasin/yugyugin ang kaibigan mo sa sobrang kilig.  Pero dadating ang araw na ikaw na mismo ang gustong magtago o magdistract sa circle of friends mo sa tuwing dadaan si crush para maiwasan ang paulit-ulit at traumatic na pangangantyaw nila sa pagkapula ng pisngi mo o kahit sa no-reaction-at-walang-malisya-kunwari-na-tingin-mo hanggang sa mapalingon si crush at maweirdohan sa tropa niyo.

That’s-what-friends-are-for stage – Para makabawi (o dahil sadyang pagod na silang mang-asar), tutulungan ka pa ng mga kaibigan mong mang-stalk at magplano para makidnap mapansin ka ni crush.  Nakadepende ang saya at pagkamemorable ng stage na ‘to sa level ng katinuan ng mga kaibigan mo.  At tandaan na wag makikipagkaibigan sa mas maganda sa’yo, dahil magiging mapanganib ang stage na ‘to kung kamukha ni Anne Curtis ang best friend mo.

2.  This must be a sign!

Nawawala ang depinisyon mo ng kababawan basta tungkol kay crush.  Ito lang ang mga bagay na nagreregister sa utak at puso mo:

  • Nalaman mong alam niya ang pangalan mo.
  • Binigyan ka niya ng mangga!!!!!!!
  • Nginitian ka niya. (kung kumindat pa sa’yo, e di ikaw na!!!)
  • Nambully siya ng nambully sa’yo at ibinili ka pa ng softdrinks.
  • Hinawakan niya ang kamay mo nang muntik ka ng mahulog sa stage.
  • Lumingon siya ng binulong mong “lumingon ka”.

Marami pa ‘yan at kung napanood mo na nga yung movie, may dagdag kilig lahat ng ‘yun.  At dahil napanood ko na nga, ayoko ng isulat lahat dahil baka mahimatay ako sa kilig o.a..

Pero kulang pa lahat ng pinakita ng bidang character kung ikukumpara sa mga nangyari sa’yo o sa ating lahat na feeling mo/natin noon ay pinadala ng tadhana para iparamdam sa’yo/sa’tin na natagpuan mo na si the one at oo, type ka din niya.  Walang limit ang kababawan.  Example 1: Tinext ka ni crush para magtanong kung nasa school ka na at kung may dala kang yellow paper.  Example 2: Kamay ni crush ang sumalo sa inaabot mong bayad sa jeep.  Matindi ang kapit ng mga ganitong pagkakataon sa memory mo at ang mga pelikulang tulad ng A Crazy Little Thing Called Love ang magpapadikit lalo sa pagkakapit ng mga ‘yan sa kasuluk-sulukan ng utak mo.  Good luck.

3.  Bibigay ka din!

Iba ibang paraan ang pwedeng ma-qualify sa goal na ‘to.  Dumadating ‘to kapag unti-unti ng nauubos ang signs sa paligid at hindi na kinakaya ng imagination mo ang pagpapakilig sa sarili mo.  Pwedeng sabay din ‘to nung planning stage na pamumunuan ng mga kaibigan mo, pero kadalasan kasi sandali lang ‘yun dahil unang-una mas matindi ang driving force mo kesa sa mga kaibigan mo na malamang ay may sariling crush din na gustong maabot.  Mas maraming individual activities ang stage na ‘to kesa sa joined forces na stalking nyo ng mga kaibigan mo: tipong pag-imbento ng kung anu-anong talent, hobbies, angking katalinuhan, at marami pang iba para lang umangat at mapansin ni crush.  Pwede ring daanin sa dasal, kulam, tingin, o nakamamatay na pabango sabay daan sa harap ni crush.  Pero kung maisasabuhay mo din ang pagiging swan mula sa pagiging ugly duckling, kering keri mo ang stage na ‘to Ikaw na!.

4.  Love is blind…

….kaya minsan pumapalya talaga ang panang para sana ay kay crush.  Parang teleserye ‘to pero nangyari ata ‘to sa halos lahat ng tao.  Ayaw man daw sa’yo ni crush, may idedeliver naman ang tadhana na kakagat sa pain mo.  Kung sadyang mahaba ang buhok mo, pwedeng ito din ang magiging sagot sa problema mo dahil baka marealize ni crush na gusto ka niya kapag naramdaman niyang may ka-sparring na siya para sa’yo Another ikaw na moment!.

5.  This is it!

Ito na ang climax ng kahit anong love story, kapag nagka-aminan na.  Dalawa lang ang pwedeng mangyari pagkatapos: (1) Mapahiya ka dahil nalaman mong wrong timing ka dahil may labidabs na siya at dahil isa lang ang puso niya hindi ka niya pwedeng sagutin ng “i love you too”, maiiyak ka pa sa sobrang tindi ng emotions, sabay mahuhulog ka pa sa swimming pool at magwawalk-out na basa at broken hearted; o (2) pareho lang nung (1) pero dahil sadyang pinagpala ka ay makakatanggap ka ng notebook/photo album kinagabihan at malalaman mong hindi one sided ang lahat at mabubuhay ka na sa kilig from the past.

Ang saya siguro kung pwedeng magkatotoo ‘yung kwento ni Nam at ni P’ Shone at kung magpaparaffle si God na ‘yun ang grand prize, malamang magkaroon ng maraming draw dates sa sobrang dami ng sasali.  Hindi ko alam kung ‘yung pagka-imposible nung kwento ang nakakakilig o sadyang ganun katindi ang pag-asa ng mga tao na magkakaroon din sila ng sarili nilang version ng ganun, na mabibiyaan din sila ng sarili nilang labidabs kahit consolation prize pa.  Siguro nga.  Kung hindi man mangyari ‘yun, ipasok ang dvd o itype sa youtube search box ang A Crazy Little Thing Called Love at panoorin buong maghapon hanggang sa mawala ka sa sarili at humaba ang buhok mo at dumating ang taong magpaparealize sa’yong laos ang pelikulang ‘yun dahil hindi niyo pa naman nasisimulan ang love story niyo, ang love story niyo ni <insert name ni the one>.

Para kay B (Ricky Lee)

Pagkatapos ng isa’t kalahating taon ng pangungulit sa mga ate ko, sa wakas napadalan na rin nila ako ng kopya ng Para kay B (o kung paano dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin) na isinulat ng nag-iisang Ricky Lee.  Nang malaman ko noon na irerelease na ang librong ito, na-feel ko agad na maaaliw ako dito at inassume ko na agad na magiging paborito ko ‘to kahit hindi ko alam kung tungkol saan, para kanino, o kung makakakonek ba ako sa utak at puso ni Ricky Lee.  Basta naramdaman ko lang, imaginary love at first sight.


Kagabi.  Natapos ko na siyang basahin.  Hindi ko alam kung ano ang mga tamang salita na dapat kong gamitin para i-describe ang mga nabasa ko.  Kakaiba.  Ni hindi ko nahulaan ang mga mangyayari sa bawat page na binuklat ko.  Tagos sa puso.  Hindi ko sigurado kung dahil emo lang ako o kung dahil wala akong puso kaya parang lumagpas sa magkabaling side ng ribs ko ang 5 love stories na nabasa ko.  Masterpiece.  Magkakaroon talaga ng himala at maghahalo ang langit at lupa kung kokontra ka pa.

Magpatuloy sa pagbasa

Open-minded but close-hearted.

Alam mo ‘yung feeling kapag may crush ka na super crush na crush mo tapos alam mo na may iba siyang type na sobrang love na love niya? Ang sakit di ba.  Ang mas masakit pa dun, kahit anong gawin mo, kahit anong side o anggulo mo tingnan, she’s just so damn perfect, ilang paligo ang lamang sa’yo.  Ang sakit-sakit.

‘Yan ang drama ko sa tuwing nakikita ko si Atom sa tv o nababasa ko ang blog ni Patty.  Perfect match sila, walang duda.  Brains, looks, personality, career, nabiyayaan sila.  No match ako dun.  Ilang beses kong sinabi sa ate ko na sana sa diliman din siya nag-aral dahil baka naging classmate niya si Atom sa Math17 o sa Chem16 o baka nakatabi niya pa ‘yun sa CS lib, e ‘di madali na para sakin ang gumawa ng connecting line sa kanya.  At sinabi ko din na kapag sumali ako sa big brother, si atom ang iwiwish kong papasukin sa bahay bilang surprise! sa akin.  Kung tutuusin,  hindi pa ako malala sa lagay na ‘yan kung ikukumpara nung practitioner pa ako at active member ng liga ng mga nababaliw at nahuhumaling sa idea ng crush nung estudyante pa ako.  Past time ko na lang si Atom.  Para lang hindi magasgas ng tuluyan ang talent ko sa larangang ito.


Aminado ako na mababaw lang ang pagtingin ko sa aspeto ng love.  Para sa akin, ultimate level na ang crush na crush.  ‘Yun ang borderline.  Sa edad kong ito, masasabi kong malayong-malayo pa ako sa pagiging mature kung ang criteria lang ba ay ang nalalaman sa pag-ibig.  Hindi normal but I’m proud of it.


Hindi ko alam kung bakit na-stuck na ako sa ganitong phase ng buhay habang ang ilang friends ko ay namangka na at pumalaot.  Pero kuntento na ako ngayon sa ganitong feeling.  Kuntento na akong makinig sa kwento ng mga kaibigan ko kung paano sila nagkatampuhan at nagkaayos ng mga labidabs nila at manood ng mga palabas na mushy at corny kahit si Bobby Andrews at Angelu de Leon pa ang bida.  Masaya na akong kiligin kapag nakikita ang crush ko o mapanaginapan na kunwari close daw kami.  Ok din ang ganito.  Walang emotional investment at responsibility, walang seryosong heartaches, madaling makapag-move on, at aware ka at tanggap mo na one sided lang ang lahat dahil from the start ikaw lang ang bida sa ilusyong binuo mo at wala ng iba pa.  Immature ang dating kung isisigaw ko yan sa mga lovers out there, pero para sa akin mas marami pang aspeto sa buhay ko na dapat ayusin at seryosohin kaysa magpakalunod at makipagsapalaran sa Ocean of Love.  Aminado naman ako na certified KJ ako sa lahat ng bagay pero sa tingin ko ang mundo ng pag-ibig ay hindi basta-basta.  Ganun ako kaseryoso kung seryosohang usupan sa topic na ‘yan.  Pero naniniwala akong hindi dapat kulong ang whole experience at paniniwala ninuman sa isang prinsipyo o konsepto tulad ng pag-ibig base sa kwento at aral mula sa iba at mga rules at advices sa anumang uri ng media o kaibigan dahil lahat ng iyon ay diretso at short cut sa happy ending.  Na-edit na ang lahat ng sakit at lungkot, makakaiwas ka sa manhole o humps o dead ends na haharang sa adventure mo, napalamutian at napakinis na, in short hindi na totoo, hindi na natural, hindi eksaktong magiging ganun ang love story na nakalaan para sa akin o para sa’yo.  Kaya alam kong kung sasabak ako sa debate ngayon tungkol sa pag-ibig, unang argument ko pa lang, talo na ko.  At kahit high school student kaya akong barahin at patahimikin.


Marami pa akong priorities sa buhay, sobrang dami na nasa hulihan pa ng pila ang pag-ibig.  Ayoko pang sumakay sa bangka at makipagsapalaran sa mundong ‘yon.  Alam kong makulay at exciting ang adventure na ‘yon sabi nila, sampung beses na mas nakakakilig sa feeling ng crush na crush, pero sa tingin ko kasi, hindi ‘yon ang kailangan ko sa buhay ko ngayon.  Hindi bukas o sa isang linggo.  Malayong-malayo pa.


Kaunti na lang siguro ang mga kauri ko ngayon.  Hindi naman ako nag-aapply na maging isang always the bridesmaid never the bride type, pero ang haba pa kasi ng plano ko sa personal kong buhay na ayokong may mangingialam at magpapabago ng schedule ng lahat ng gusto kong gawin at ma-achieve balang araw.  Gusto kong makakuha ng diploma, maging professional, magkabusiness, makabili ng sariling bahay, at magpakasarap sa buhay.  Lahat ng ‘yon, gusto kong desisyunan at paghirapan mag-isa kahit pa maabayan ko na at masaksihan ang kasal ng lahat ng mga kaibigan ko at masubsob na sila sa sari-sarili nilang pamilya pagdating ng panahong ‘yon.


Tunog man-hater ako.  Mula pa nung elementary na sabi ko sa nanay ko na hindi ako mag-aasawa hanggang ngayon na sabi ko sa ate ko na there’s no such thing as love.  Pero masaya ako na nasabi ko ang lahat ng ‘yon based sa kainosentehan at for the sake na maramdaman kong independent ako from anyone.  Kaya hindi dun nagtatapos ang lahat.  But as I said, kulang ako sa personal experience at close encounter kay kupido kaya tunog man-hater ako.  Ganunpaman, marunong din naman akong kiligin at ma-touched.  Marunong lalo akong maka-appreciate ng gwapo at potential crush na maaaring kabaliwan.  Wala rin akong balak tumandang mag-isa balang araw.  Marami din akong pinapangarap na pangalan sa mga magiging anak ko at pati mga school na eenroll-an nila, planado ko na.  At higit sa lahat naniniwala ako kay destiny.  Nakipagdeal nga lang ako sa kanya na saka na ako makikipagconnect sa kanya kapag fulfilled na ako personally at stable na ang lahat.  Maganda kasi na may fallback ka sa anumang desisyong gagawin mo, laging may option b and c, laging may detour kung sakaling pumalpak.

Hindi ko alam kung tunog man hater pa din ako, pero para sa akin, hindi marunong mapagod at mainip si destiny gaano pa katagal ang phase ng self-fulfillment at paghahanap ng success and stability sa buhay.  Laging may right time for the right thing to do.  Maaaring saliwa ako sa pangkalahatang konsepto ng pag-ibig, maaaring mapapasama ako sa mga kakantyawan ng “boo!!!” kapag nagspeech ang lahat ng tao sa topic na ito.  Nangongonsensya man ang dating ko, at feeling realistic at practical ang drama ko, alam kong kulang ng spice ang lahat ng point ko sa mga pinagsasasabi ko at baliko ang ilang pinaniniwalaan ko.  Aminado akong kabilang ako sa mga KJ na stay with the book at follow the rules na boses diyan sa tabi-tabi.  Tunog nagpapaka-ako-ang-tama at nagpapaka-judgmental-sa-lahat-ng-puro-fun-at-puso-lang-ang-pinapairal na katauhan.  Kahit na sa personal kong buhay ay sumasakto naman at tumatama ang pananaw at paninindigan kong ‘yon, hindi ako nagpapaka-role model sa lahat.

Iba-iba naman tayong lahat at lalong iba-iba ang love story na pagbibidahan natin.  Maaaring akala natin tayo na ang bida ngayon pero kapitbahay ka lang pala nung totoong bida o wala kang kaalam-alam na ang dinedirect mo palang perfect love story ay ikaw na ang bida at eventually dahil wala ng direktor, tatakbo na ng natural ang kwento, hindi man perfect pero totoo.  Kung malabo pa ang idea at wala talagang direksyon, malamang hindi pa ito ang tamang panahon o hindi pa siya ang the one.  Magtuloy-tuloy lang sa pagstep forward, ibukas ang mata at puso, mas bukas nga lang dapat ang mata dahil ‘yun naman talaga ang susi at pagsisimula ng lahat, ang puso slight lang muna ang pagbukas sa simula, sulyap lang, tapos dramatic na ang next scenes.  At syempre huwag naman i-o.p ang utak sa bawat takbo ng istorya, kahit na minsan parang kontrabida lang ang role niya.  At higit sa lahat, magpakatotoo, mahalin nang buong-buo ang sarili at huwag maexcite at mabaliw sa konsepto ng pag-ibig.  Huwag mapressure sa payo ng iba na gawin mo ito o ibukas mo ito o ifeel mo ito dahil iba sila sa iyo at iba ka sa akin,  Kung sakaling nais mo talaga akong sundin, these are my last words: hangga’t hindi pa nag-a-I-do sa harap ni Bro ang crush mo, ang pag-asa ay still in sight.  Go destiny.  HAPPY Valentines.