BABALA: Overrated ito. Lahat naman ng comedy na pelikulang Pinoy, may isang espesyal na drama scene. Tipong mag-iiyakan o magkokonsensyahan o magsusumbatan ang mga bida. Highlight ‘yan kadalasan bukod syempre sa bonggang-bonggang outing sa beach o sa park tapos may dance number o kaya kantahan with full choreo at props. Kaya kahit pilit na pilit akong magpakaclown sa blog na ito, dumadating talaga ang punto sa buhay ko na hindi ko mapigilan ang magdrama at magpaka-emo. Hindi ko mapigilan ang pagtulo. ng. luha. Kung talent manager ka, ayoko. Ayokong mag-artista. Pramis.
Gusto ko nang umuwi.
Kung makakapulot lamang ako ng pangbili ng ticket pauwi ngayon din, ok na sana ako. Kanina, nag-emote na naman ako nang halos ilang oras. Nang dahil sa isang simpleng dahilan, namaga ang mata ko ng buong araw pagkatapos ng todo-todong pagiyak sabay tulog upang makalimot at mahimasmasan.
Maaga akong gumising kanina. Wala akong trabaho at ganun din ang ate ko. Mamaya, mag-iinternet ako tapos mag-eexercise bago mag-lunch tapos manonood ng dvd tapos gagawa ako ng blog mamaya, tama kailangan ko nga palang magsulat ng bagong blog, tapos magvivideoke kami, siguro oldies but goodies na lang uli kakantahin namin ngayon, habang nagmimiryenda, ano nga kaya’ng meryenda namin?, tapos manonood ng tv tapos mag-iinternet uli baka may online mamaya tapos sisimulan ko ng basahin ‘yung bago kong libro. Ganyan kahalaga sa akin ang bawat off day ko. Kahit kadalasan 4 days lang naman ang pasok ko kada linggo, lagi pa din akong sabik makauwi sa bahay at makapagrelax at maging bum. Kahit papaano ay nadidistract ko ang sarili ko mula sa depression at pressure kapag off ako at nakakapagmoment sa bahay ng mag-isa. Habang nag-aagahan kami ng ate ko at nag-iimagine na ako ng gagawin ko para sa buong araw biglang nag-ring ang telepono. Pinapapasok kami sa trabaho ng boss namin dahil kaunti lang ang tao nila ngayon at kakailangan nila ng extrang tulong. Eeeenk. Parang naputol ang pantasya ko. Wala naman akong mahalagang gagawin. Kung tutuusin, mas ok siguro na kikita ako ng extra pay sa linggo na ito kesa magpakalusaw ako sa harap ng computer at tv. Pero mabilis ang sagot ng puso at isip ko, ayoko. Dug.dug.dug. Pressure. Nakakahiya sa boss ko at sa tatay ko. Parang ilang oras na trabaho at extrang pera, tinatanggihan ko pa. Pagkatapos ng 2 oras na pag-iisip ng dahilan, umiyak na lang ako. Umiyak ng umiyak. Kung tutuusin, madali lang naman ang trabaho ko at off din naman uli ako sa Martes at saka hindi ba’t masamang tanggihan ang grasya at malamang para sa karamihan grasya ang dumating sa akin sa puntong iyon. Pero ayoko talaga. Naisip ko, na sa kabila ng lahat ng positive thinking ko ng halos ilang buwan, hindi nga ata talaga ako masaya dito. Hindi.
Gusto ko nang umuwi.
Hindi ko alam kung bakit kahit ano’ng isipin kong future ko dito, naiiyak pa din ako sa tuwing naaalala ko ang buhay sa Pilipinas. Kahit na marami akong mga kaibigan na nagsasasabing ang swerte-swerte ko daw na andito ako samantalang sila nandun, mainit, magulo, mahirap ang buhay, hindi ko maramdaman at mapahalagahan kung nasaan man ako ngayon. Ganun nga ata talaga ng tao, gusto ang bagay na wala sa kanya. At kabilang ako sa mga taong ‘yun. Pero nung mga panahong wala naman sa mga kamay ko ang pagkakataong makarating dito, walang kahit anong maliit na hinala at pag-asang matutuloy pala ang petisyon ko para makapunta dito, at kahit na alam kong bihira ang mga taong nabibiyayaan ng visa at green card, hindi ako humiling na sana makuha ko ito, na sana mapunta ako dito, na sana maging ganito ako. Masaya na ako kung nasaan man ako dati. Masaya na akong mabuhay sa mundong nakasanayan ko at masaya ako. Kung hindi sana ako napunta dito, 4th yr na ako sa up. Mag-oojt na. Malapit nang magthesis. Marami na siguro akong natutunan sa classroom at sa org. Marami na siguro akong naging kaibigan at kakilala. Marami na siguro akong naexperience at na-accomplish. Mas ok na ako siguro ako ngayon. Hindi ganito. Halos malabo ang future. Hindi ko nga alam ang plano ko sa buhay ko. Nalimutan ko na nga ata kung paano maging ako, kung paano magpaka-independent at umarte nang tama sa edad ko, kung paano mag-isip at magdesisyon ng para sa sarili ko. Isa lang ang dapat isumbat sa akin, isa kang selfish b. Alam ko.
Ngayong araw na ito, isang taon na akong wala sa Pilipinas. Isang taon na. At hanggang ngayon hindi pa din ako ok.
Gusto ko pa ding umuwi.
Kung wala sana ako dito, hindi ganito ang title ng blogsite ko, ang malikot na mundo ng ilusyonadang starlet. Hindi sana kulong sa maliit at natigil kong mundo ang mga kwento at pagtingin ko sa buhay. Hindi sana ako ganito kagulo at kasabaw. Hindi ganito. Sa ngayon magpapakalulong muna siguro ako sa sarili ko, umaasang magiging ok din ako balang araw. Baka. Sana.