Sabi sa horoscope sa internet na nabasa ko kagabi (hanapin mo na lang sa yahoo), ang mga taong ipinanganak na Virgo ay may mga katangian na pwedeng maging isang technician, translator, statistician o writer. Ang huling salitang iyon ay parang nagtransform at nagpapansin, nagmistulang ALL CAPS, bold at tila kumikinang at kumikindat pa sa harap ng screen ng computer ko. Totoo nga siguro ang hinala ko sa aking kinabukasan. Suportado din naman ako ng ate ko at ng ilang maawaing kaibigan sa ilusyon kong magtagumpay sa mundo ng pagsusulat. Nabasa ko na din naman ang lahat ng naisulat ni Bob Ong, ang lider ng mga nagpipilit magpaka-unique, kumbaga mga Abu Sayyaf sa mainstream Pinoy publications. Madami na din akong binisita at hinangaang mga blogsite, di kukulangin sa tatlo, kung isasama ang sarili kong likha. At higit sa lahat, ang icing ng ilusyon pangarap ko, naranasan ko ang maging bahagi ng isa sa pinagpipitaganang institusyon sa Pinas. Mantakin mo, nadaanan, nasakyan at maaaring nahawakan ng ilan sa magagaling na manunulat ang mga hagdan, Ikot jeep at upuan na nakilala at nakabeso-beso ko nung nasa kalinga pa ako ng eskwelahang ‘yon. Sa kabila ng lahat ng pagpupursugi ko ngayon para matupad ang pangarap kong maging susunod na Bob Ong, kung pipindutin ko ang rewind sa remote control ng life story ko, masasaksihan kong hindi man lamang ako nagpamalas ng kahit kaunting hilig sa pagsusulat noon, nung inosente pa ako, nung uso pa ang cheribol at sikat pa si Jolens. Sa halip, ilang kakaibang pangarap ang pinraktis ko noon.
*****
Kung naglayas lang sana ang anino ng nanay ko noong bata pa ako, malamang ako ang papasa bilang substitute. Enjoy na enjoy ako sa pamamasyal sa palengke kasama ang nanay ko. Bukod sa may bonus akong candy o itlog pugo, nasasaksihan ko kasi ng up-close ang mga tindera ng isda. Mula pagbubugaw sa mga langaw, pagkaliskis sa mga isda, pagchochop-chop at pagsupot sa mga nahatulang isda pati sa mannerisms at kung anu-ano pang extra features ng mga best tindera sa palengke namin, minaster ko ata. At syempre para hindi naman ako mukhang tanga sa re-enactment ko, ang version ko ng mga sariwang isda ay ang mga kawawang plastic na ipit ng damit na ninanakaw ko sa sampayan namin.
*****
Bukod sa pagtadtad sa mga nagkukunwaring isda, mahilig din ako sa bahay-bahayan. At syempre kung may bahay, may mga gawaing bahay, na mas enjoy atang gawin lamang sa oras ng bahay-bahayan kaysa sa totoong buhay. At ang biktima sa sitwasyong ito: ang mga walang kamalay-malay na damit sa cabinet ko. Kinakalat at ginugulo ko sila sa kama, ang version ko ng paglalaba sa imaginary ilog (take note: old fashion, sa ilog ko trip maglaba). At hindi ko niloloko ang sarili ko, kinukusot ko sila at pinipiga ng buong galak. At dahil naglaba ako, syempre dapat may kapartner itong pamamalantsa.
*****
Hindi ko alam kung kasalanan man ito, pero isa sa pinakaweird na ginagawa namin ng abnormal ko ding ate ay ang magmisa. Oo, tama ang mga titik na natype ko, nagmimisa kami sa sarili naming bahay. Paano? Sinusuot ko ang sando ng tatay ko, kinukuha ang isang bell na give-away sa kasal ng hindi ko na matandaan kung sino at syempre ang sambuhay na inuuwi ng nanay ko pagkasimba. Paminsan-minsan ako ang sakristan at ang ate ko naman ang pari. Minsan nagpapalit kami ng katauhan. Kung sino man ang gaganap na sakristan, siya na din ang sasagot sa bawat sasabihin ng pari. At kung sino man ang sa amin ang pari, siya na din ang 1st at 2nd reader. Hanggang ngayon hindi ko mapagtanto kung sadyang palasimba kami ng ate ko o talagang kulang lang kami sa turnilyo. Sana ay napatawad na kami ni God sa mga kaabnormalang ‘yon. Amen.
*****
At syempre nag-acting madre din ako. Easy lang ito. Sinasabit ko lang ang isang malaking tshirt sa ulo ko, tenen!, instant madre. Minsan, kapag nagsawa na ako sa pagiging madre, iniimagine ko namang ang tshirt na ‘yon ay isang napakahabang buhok. Dun na dumadating ang suklayan session.
*****
Masasabi kong hindi ako naging malanding bata pero masasabi kong naadik ako sa pagkalikot sa buhok ko sa harap ng salamin. Kung anu-anong weirdong ayos ang ginawa ko noon. At hindi ako nakukuntento sa pakikipaglaro sa buhok ko, nahilig din ako sa make-up, ‘yun nga lang hindi sa sarili kong mukha. Nagpapadrawing ako sa classmate ko ng isang malaking mukha at ‘yun na ang make-up session namin ng crayola ko. Hindi talaga ako lumaking malandi.
*****
Total performer ako nung bata ako. Nagawa ko na ang magdoble kara sa harap nga lang ng salamin, with matching costumes, props at make-up at proud akong personal effort ang lahat ng ‘yon. Nagpagod na din kami ng mga kapitbahay naming bumuo ng isang dance number para sa New Year’s Eve noon. Wala namang program, gusto lang namin talagang magpakitang-gilas sa mga kapitbahay namin na syempre bilib na bilib sa amin (kapitbahay = pamilya ko, pamilya ng mga kalaro ko, kapitbahay na kamag-anak din namin). At ang music: ang bonggang bonggang Vengaboys. At dahil espesyal na bata talaga ako, may extra talent pa ako bukod sa pagkanta at pagsayaw. May video tape pa nga ako na pinagpaguran kong iimpersonate ang mga pulitiko, hosts at kung sino-sino pang extra sa campaign ads noong 2001 election. Kung nais mong umorder ng kopya, bigyan mo muna ako ng isang box ng tikoy at isang baso ng kape at isang picture ni atom araullo with signature and dedication.
*****
Nauso din sa amin nung grade 4 ako na magpayabangan ng pagdedesign ng dream bedroom namin. At dahil mayabang ako, hindi ako nagpahuli sa mga drawing kong parang sinabuyan ng mukha ni Hello Kitty. Mula kama, tuwalya, orasan, telepono at kahit lamp, hugis hello kitty. Parang isang epidemya ang tumama sa amin ng mga kaibigan ko noon.
*****
Isa sa matinding pruwebang baliw ako noon pa man ay ang paglalaro ko ng Barbie nang mag-isa with matching dialogue. At hindi basta basta simpleng usapan, with feelings at intonation pa. Naisip ko kasing ang boring kung huhubaran, dadamitan at susuklayan ko lang ang mga Barbie kong abnormal ang mga waistline.
Barbie1: Tok! Tok! Tok! Tao po?
Barbie2: Yes? How may I help you?
B1: Magpapanggap po sana akong katulong.
By that, ibig kong sabihin ay mag-apply at hindi magpanggap.
*****
Ang pinakaseryosong pangarap ko noong hindi pa nafoform ang utak ko ay ang maging pharmacist.
Nanay ko: Anak, ano ba ang gusto mo paglaki mo?
Ako: Uhm.. ah.. gusto ko pong.. (proud na proud) magtinda ng drugs!!!
Explanation ko: Saan ba bumibili ng gamot? SAGOT: drugstore; Translation: store of drugs; Conclusion: ang taong nagtatrabaho sa drugstore ay walang duda nagtitinda ng drugs. *_*
*****
Maging ano pa man ang ihip ng hangin sa aking paglalakbay, magchange costume man ako o mag-time first, masasabi ko sa sarili kong noon pa man ay hindi ako nagkulang sa originality at creativity sa pagdodrowing ng aking mga pangarap.