Never akong naging Daddy’s girl. At alam ng tatay ko ‘yun.
‘Di pa man ako pinapanganak, naexport na ang tatay ko sa ibang bansa para magtrabaho. Umuuwi lang siya every 1 or 2 years, kadalasan tuwing Pasko (kaya never kong pinagdudahan na siya ang tatay ko dahil September ako pinanganak *do the math guyzz*). Kaya bilang na bilang lang ang araw na nakabonding ko ang tatay ko. Kaya hindi talaga ako naging Daddy’s girl.
Siya ‘yung tipo ng tatay na magtetext ng “umuwi ka nang maaga, may padating na bagyo. ingat. love you.” kahit na wala pang dumadating na kahit ambon man lang, at ‘yung tipong hindi kakain kapag isang piraso ng tuyo lang ang ulam (ganung ka-drama, MMK level). Maraming-maraming reasons para masabing swerte ako na siya ang tatay ko. Malas lang niya na ako ang anak niya.
Pero alam ko na baligtad ang iniisip namin. Para sa kanya swerte siya na ako ang anak niya. Feeling ko nga ultimo pagpasa ko sa quiz sa Calculus o pagsakay ko ng eroplano mag-isa, pinagmamalaki niya nang bongga sa mga kakilala niya na parang nabigyan ako ng Nobel Peace Prize o napili ni Kuya Germs para maging co-host sa Walang Tulugan.
Pero para sa akin, feeling ko lagi lang siyang kontra sa gusto ko. Feeling ko para siya ‘yung total opposite ng fairy godmother sa buhay ko. Well, actually, siya ‘yung bida, tapos ako ‘yung evil stepmother.
Pero halos lahat naman ng kontrabida, sa kahit anong teleserye, binibigyan ng eksena at chance na lumambot at umiyak. Para mas touching, para mas maapektuhan ‘yung mga manonood.
Pangalawang araw ko nun sa unang part-time job ko. Cashier ako, at ate ko ang nagtetrain sa’kin. Akin ang cash register, siya ang taga-bag ng mga groceries. Ngingiti, babati ng “how are you?”, sasagot ng “I’m fine” dahil tatanungin ka din ng customer, magbibilang ng bayad at sukli, ngingiti, at magte-thank you. Akala ko wala nang mas hihirap pa sa mabilisang pagdidistinguish sa mga coins ng amerika at pag-aadd at pagma-minus para tamang sukli ang maibigay ko. Meron pa pala.
Lumapit ang isa sa mga empleyado din na kagagaling lang ata sa pagpapahinga sa labas ng tindahan. May sinabi sa ate ko sabay turo sa may intersection na malapit lang sa pinagtatrabahuhan namin. At umiyak na ang ate ko.
Naaksidente daw ang tatay ko.
Hindi ako nakaalis sa pwesto ko ‘nun dahil hindi pa tapos ang shift ko at mahaba ang pila ng mga customers. Mahirap pala ang mabilisang pagdidistinguish sa mga coins ng amerika at pag-aadd at pagmaminus habang umiiyak. At mas lalong mas mahirap palang sumagot ng “I’m fine” sa tanong na “How are you?” kung hindi ka naman talaga ok dahil hindi mo sigurado kung ok ba ang tatay mo.
Walang nangyaring masama sa tatay ko dahil sa bandang likod ng driver’s seat tumama ‘yung sasakyang bumangga sa kanya pero alam ko na isa ‘yun sa mga paramdam ni Papa God para magpakatino na ako at ire-align ang mga prinsipyo ko sa buhay. Alam ko na ‘yun na ‘yung chance ko.
Pero dahil matigas ang ulo ko, ayokong isipin na meron dapat na turning point ang buhay ko at ‘yun na ‘yon. Ayokong magchange character at costume dahil may nangyaring ganung ka-cinematic na malamang magiging climax ng kwento ng buhay ko sa MMK. Hindi ako nagbago dahil magiging hindi na ako ‘yun. Baka masuka hindi lang ako kundi pati na din ang tatay ko.
Alam ko na ok na siya na ganito ako, kahit na para akong may imaginary superpowers na nagrerepel lagi sa effort at pagke-care niya, parang keber naman siya. Pero sa tuwing sinasabi niya sa’kin na “ganyan na ganyan din ako sa mga magulang ko nung bata ako”, napapaisip ako na baka sa kahuli-hulihan, nasa kanya pa rin ang alas at ang huling halakhak, ala Donya Margaret.
Happy father’s day sa tatay ko at sa lahat ng tatay out there. Alam ko na para akong living kontrabida pero basta, ‘yon na ‘yon. Ayokong maging macheesy, nakakaumay ‘yon. Pero kahit ganito ako, alam ko naman nang maswerte ako na siya ang tatay ko. Sa tulad kong ‘to, matagal na dapat akong nasabon, napagalitan, napalo, nagrounded, at, higit sa lahat, sinukuan… (there goes my inner cheesyness). Happy father’s day!