Ako vs Me

Nobyembre 14, 2009 Starlet 1 puna

Malapit ng matapos ang unang sem ko sa bago kong school.  Ang bilis ng panahon.  O sadyang mabagal lang ata talaga ako.  Dahil sa in-class essay writing midterms ko sa English na kinukuha ko ngayon, na-inspire akong gawin ang blog na ito.  Sa totoo lang, kung icocopy paste ko lang ang mismong essay na sinulat ko ‘nun, baka tuluyan na akong itakwil ng mga kakilala ko sa kababawan ng laman at pagkukwento ko doon.  Pero dahil paborito ako ng teacher ko dahil may sense naman daw ang gusto kong iparating, nakakatuwa ang nakuha kong grade.  At ngayong nakapagmuni-muni na ako at napagtanto kong may patutunguhan naman kahit papaano ang mga ideyang nabuo ko doon kung itutuloy ko ngayon, naisip kong magsayang muli ng oras at makipagbonding sa keyboard ko at para maisip ng nanay ko na busy-ing-busy ako sa mga assignments ko at mailigtas ko ang sarili ko sa pagliligpit ng mga plato, ikukuwento kong muli ang mababaw na kwentong nabasa ng teacher ko noon.  Mas ok ngayon, walang time limit, walang magchecheck bawal magcomment sa maling sentence structure o sa maling posisyon ng kuwit  ,,,,,,,,,, at higit sa lahat, in Tagalog. whew.


Tandang tanda ko pa kung kailan ko nalamang nakalusot ako sa pangarap kong school.  At lalong tandang tanda ko pa kung paano ko ibinalita sa bahay namin ang magandang balita.  Ilang araw bago ‘yun, naiwala ko ang digicam ng ate ko pagkatapos ng JS prom namin.  At hindi ko ipinaalam agad sa nanay at ate ko ang kasalanang nagawa ko.  Nag-ipon muna ako ng lakas ng loob.  At dahil pinagpala ata talaga ako, dumating ang magandang balita.  Perfect timing.  Pagkauwi sa bahay, Ate…… ah, …… naiwala ko ‘yung digicam. “HHHAA?!!!!!!” Pero nakapasa akong UP!! At wala ng nasabi pa ang ate ko.  Nakaligtas ako.  Amen.  Pero hindi lang dahil dun kaya ako naging masaya, sobrang saya ko ng araw na ‘yon.  Parang nagliwanag ang kalangitan sa panahon ng kadiliman.  Kasing saya ng kapag absent ang teacher mo sa Biology sa araw na nakalimutan mong may exam kayo sa scientific names, kasing saya kapag nakasanggian mo ng siko ang crush mo sa canteen, kasing saya ng panonood ng Teletubbies o Shaider at ang pagpapakita ng panty ni Annie.  O baka mas higit pa ‘dun.  Sobrang saya.  Peksman.  Kahit magka-album pa si Mommy Dionisia bukas na bukas din. *Knock on wood*


Naaalala ko din kahit papaano nung araw na nalaman kong natanggap ako sa school na pinapasukan ko ngayon.  Naaalala ko din kung gaanong kadaming papel at emails ang naipadala ko bago ko nakumpleto ang lahat ng requirements.  Naaalala ko din ang kaba at pressure na baka abutin na ako ng literal na ten years bago makagraduate.  Naaalala ko kung gaano ako kasaya ng malaman kong tanggap na ako.  Masaya.  Pero kung magsasparring sila ng depinisyon ko ng “Masaya” nung araw na nakapasa ako sa UP, obvious kung sino ang knock out sa round 1.  Mas cool pa din ang nawalang digicam.


Buhay ko noon vs ngayon?  Dati araw araw kong naramdaman ang independence na inaasam asam ko.  Boarding house — walang tagaluto ng pagkain, walang manggigising sa umaga, walang maglalaba at mamamalantsa, walang instant groceries, at walang tagahatid sundo — iniyakan ko ang imagination ng lahat ng iyan ng unang gabi ko sa boarding house, parang nightmare na gusto kong takasan, pero pagkatapos ‘nun, matinding karanasan para sa akin na hinding hindi ko makakalimutan kahit dumating ang araw na malito na ako kung nasaan ang kanan at kaliwa.  Dati parang ayokong mag-isa, ayokong mag-solo flight, ayokong maging the grinch.  Sinubukan ko pang sumali sa org.  Ang dami kong nakilala at natutunan.  At dahil dun dumami din ang friends ko sa physical world at sa friendster *flash back: friendster = (facebook-multiply+twitter-myspace-others), kung di mo na talaga maalala, visit www.friendster.com for more information*.  Dati kinalimutan kong GC ako nung high school, na posibleng maging highest ako sa exams, na kaya kong magsipag at magpakalunod sa libro ng buong magdamag, nakuntento ako na maging ordinaryong estudyante — hangga’t pumapasa, walang problema.  Hindi ko man lang naranasang mabiyayaan ng uno at baka nga wala akong naging teacher na natandaan ang pangalan ko (bukod sa Chemistry lab teacher ko na board mate ko ^o^  *.  Kung susumahin, enjoy  ang buhay UP ko at hinding hindi ako magsasawang ulit-ulitin ang mga araw na ‘yon kung mabibigyan ng tatlong wish ng isang genie.


Ngayon nagbago ata ako.  Baliktarin mo lang kung sino ako noon at maiimagine mo na kung sino ako ngayon.  Hindi ko alam kung naging mas ok o naging hindi mas okay bilang isang estudyante.  Hindi ko tuloy alam kung pupurihin ko ba o itetreat ng ice cream ang sarili ko o dodrawing-an ng malaking star ang noo ko o kakantyawan at didikitan ng note na LOSER ang likuran ko.  Ewan ko nga ba kung bakit ‘di ko nagawang i-revive ang positive na bahagi ng katauhan ko noon at idinagdag sa positive na bahagi ng katauhan ko ngayon.  Epekto ata talaga ng pagtagilid ng utak ko o totoo nga ata talaga ang sabi nila na hinding hindi pwedeng isabuhay ang salitang perfection sa lahat ng aspeto.  Kung ‘di ka sang-ayon, ililibre kita ng front seat ticket sa kauna-unahang concert ni Mommy Dionisia. *knock on wood 10 to the n power times)

Masaya na uli ako ngayon.  Hindi man kasing saya noon, pwede na din, ok na din.  Lalo akong nagiging masaya kapag nabibigyan ko ng pagkakataon ang sarili kong mag-reminisce tulad ng ginagawa ko ngayon, ang dami kong naaalala, ang dami kong narerealize.  At dahil sa essay ko, sa blog na ito at sa “saya” na naibigay ng bago kong buhay estudyante ngayon, lalo kong naramdaman kung gaano ako naging kasaya noon at napaalala ko sa sarili ko kung gaano dapat ako maging kasing saya sa N years from now.

Categories: Uncategorized

Mabuhay. Balik-blog. with pasalubong.

Oktubre 28, 2009 Starlet 4 mga puna

Sabi nila, kung sinuman sila, nakakapagod magsulat, nakakastress, nakakabaliw, nakakatamad, nakakaubos ng oras, tinta ng bolpen, yellow paper, o ng battery ng laptop.  Lalo na kapag wala namang katuturan at patutunguhan ang lahat ng nais mong isulat.  Dahil sa huling tuldok ng huling sentence sa huling paragraph, wala namang nangyari, walang nagbago.  Nagsulat ka lang.


Ang dami ng nangyari mula ng nag-emo ako sa akala kong mabubuhay kong blog ito.  Namatay na si Michael Jackson at si Cory, kasal na si Mar Roxas at Korina, buntis na naman si Angelina Jolie at malapit na uling maging presidente si Erap.  Ang dami ko na sanang nasulat kung hindi lang ako napagod, kung hindi lang ako tinamad.  Baka hindi sana ako naghihingalo ngayon sa paggawa ng essays sa English writing class ko.  Baka hindi ko napagbuntunan ng atensyon ang nuggets ng Mcdo at donuts ng Krispy Kreme.  Baka hindi nagmukhang bilaran ng araw-araw na pangyayari sa buhay ko ang Twitter ko.  Baka hindi ko ginagawa ang post na ito.  At baka sikat na ako.


Madami na akong in-official na bagong simula sa buhay ko. Bagong simula sa buhay estudyante: ang bagong trip na inangkasan ko ngayon.  Kasabay ‘nun, ang hamon ko sa sarili kong magising sa binuo kong ilusyon kasabwat ang blog na ito, gaya ng realization ko na walang mabuting maidudulot sa mga pangarap ko sa buhay ang paglalaro ng cafe world.


Pero namiss ko ang magsulat. Mali pala sila, kung sinuman sila, hindi nakakapagod ang magsulat, hindi nakakatamad, hindi nakakaubos ng kung anuman.  Para sa akin.  At ngayon, gaya ng mga nagsa-Saudi, pinakawalang kalapati, iwinalang pusa, damong binubunot, mga dating manliligaw na nabasted ng huli nilang niligawan, kulot na buhok na pilit pinapastraight, mga tabang natunaw pagkatapos i-lipo o mga inosenteng batang nagtatanan, muli akong nagbabalik-loob, muli akong nagpaparamdam at muling magiingay.  Hindi man ako nangangakong hindi ko na maiisipang maglayas, susubukan kong magsulat ng magsulat hangga’t may inspirasyon pa ako, may tinta ang bolpen ko, o hanggang masaid ang battery ng laptop ko.  Welcome back me.

Categories: Uncategorized

Para sa Iyo

Hulyo 14, 2009 Starlet 6 mga puna

Disclaimer: MAAARING isa ito sa mga likha kong nabahiran ng imahinasyon at nabudburan ng komplikado kong emosyon.  At upang mabawasan ng kahit papaano ang agiw dito, nagbuo ako ng mala-abstract na paglalahad ng conflict ko sa sarili ko noon at ngayon.

Ikaw.  Ikaw  na naman.  Ikaw naman palagi.  Sa bawat araw at gabing ginawa ng Diyos, isinasabuhay at pinaiigting mo ang mga dahilan ko sa pagtatangi sa iyo.  Ibang-iba ka.  At alam kong alam mo ‘yun.


Bata pa lang ako, hindi napasok sa isip at konsensya ko ang magpaubaya sa iba kahit pa sa mga kapatid ko.  Ako lagi ang dapat pagbigyan, ang dapat pagpasensyahan.  Nang nagkamalay at nagkaisip ako nakamit ko din ang respeto at papuri mula sa ibang tao hindi dahil sa pinagbibigyan lamang nila ako kundi dahil nagsikap ako at nagpakabuti.  Nagkaroon ng sariling mga kaibigan, bumuo ng sariling mundo at nabiyayaan ng akmang bahagi at karapat-dapat na pagkilala sa loob ng makulay na samahang iyon.  At pinagpaguran ko ang lahat ng iyon.  Hindi mo lang alam.


Ang tagal ko na ding nakiki-angkas sa mahabang biyaheng ito ng paghahanap ng misyon sa buhay, ng tunay na halaga ko sa buhay ng aking pamilya, kaibigan at kaaway, ng nakatadhanang “spot” sa mundong ito na para sa akin.  Araw-araw, kasali ako sa hamon ng hinahanarap, katunggali ang aking sarili, kalaban ang sarili kong nakaraan.  Naging paghinga ko na ang hangaring manalo.  Naging paglanghap ko ang papuri ng ibang tao.  Naging adiksyon ko ang paglampas sa tuktok ng tagumpay at ang paghahagilap sa 101% sa lahat ng gawin ko.  Nalamon ako sa sistema ng kompetisyong binuo ko sa hangaring maging pinaka sa lahat ng pinaka.  At kung hindi mo pa alam, nagtagumpay ako sa maraming pagkakataon.


Sa lahat ng iyon, natutunan ko din ang pag-iwas sa bangin ng pagyayabang.  Naunawaan ko ang kahalagahan ng kababaang loob at pakikisama sa ibang tao anupaman ang sitwasyon.  Naramdaman ko din na ang tunay na respeto at bukal sa loob na papuri mula sa kapwa ay nakakamit lamang sa kung paano ko panghahawakan ang kinang at alindog ng tagumpay at ang lahat ng aspeto ng buhay na kadikit nito.  At sigurado akong hindi mo pa alam ‘yon.


Nang dumating ka sa buhay ko, pinilit kong maging maunawain.  Mas bata ka, salat sa karamay at kaibigan, uhaw sa pansin at sa pagmamahal.  Hindi man ako sanay na magpaubaya sa mga tulad mo, alang-alang sa misyon kong mabuting pakikisama sa kapwa ay sinubukan ko pa din.  Pilit kong inintindi ang kamusmusan ng kaalaman mo sa realidad ng buhay, sa tunay na mundo.  Pinaalalahanan ko ang bawat bahagi ng pagkatao ko na kailangan mo lang ng tulong, pang-unawa at atensyon mula sa tulad ko.  At sa bawat pagkakataong nasisilayan kong baka hindi ka nga karapat dapat sa bawat sakripisyo ko sa sarili ko, ilang beses akong nagtimpi at sumuko.


Ayokong sumusuko.  Ilang beses na akong nabigo nang dahil sa pagsuko ko sa larong hindi ko pa naman natatapos.  Ngunit sa puntong ito, iwinawaygayway ko na ang puting bandera.  Sumusuko na ako.  Ititigil ko na ang lahat ng  ito.  Ang ganitong uri ng laban at kabiguan ay wala rin namang patutunguhan.


‘Wag na ‘wag mong isasaisip na dahil nagkakasama at nagkakausap tayo ng madalas ay panatag na ang loob ko sa iyo, na inilagak ko na ang tiwala ko, na may koneksyon na tayo.  Wala pa.  At malabong magkaroon pa.  Hindi ko maipapaunawa sa’yo ang lahat ng napagdaanan at naranasan ko noon bago mo pa ako husgahan ngayon dahil hindi na mahalagang maunawaan mo pa at imposibleng intindihin mo pa.  Kung sakaling hindi mo pa alam, masyadong maliwanag ang ilaw na inaalay mo para sarili mong mga mata, masyadong makinang ang koronang ipinutong at ipinagkatiwala mo sa sarili mong mga kamay, masyadong mataas ang batong pinagpatungan mo ng rebultong inukit mo para sa sarili mo upang maghapong sambahin.  Huwag kang masyadong magpakalunod sa tiwala at bilib sa sarili.  Matutunan mo sanang magbigay at humingi ng respeto sa lahat ng tao.  Malaman mo sanang may limitasyon ang lahat ng bagay at hindi ka gaanong ka-espesyal upang tumigil ang mundo at sabayan ang pag-ikot mo sa makasarili mong buhay.  Magising ka sana sa ilusyon mong ikaw ang pinaka sa lahat ng pinaka.  Maisip mo rin sana na ang pagmamahal ay hindi nasusukat at hindi lahat ng tao ay kaya kang tanggapin at mahalin sa paraang gusto mo kung sa sarili mo pa lang ay hindi mo na mapagtanto kung paano ang magmahal ng tunay at magbigay ng halaga sa iba.  Mahirap mag-isa.

Sa lahat ng kabiguan ko, isa ito sa pinakamapait.  Ayokong sumuko.  Ayoko lalong sumuko nang dahil sa isang katulad mo.  Hindi ka kasing yabong ng iniisip mo.  Hinding hindi mo mapapatunayan sa harap ko kung bakit dapat akong lumuhod at yumuko sa paanan mo.  At lalong hindi makukulayan ng bawat salitang ibinabato at ipinagmamalaki mo sa akin ang layo ng buhay natin sa isa’t isa.  Malabo.


Ito ang kauna-unahan at sisiguraduhin kong kahuli-hulihang pagkakataong pinatos ko ang ugali ng isang tulad mo.  Nakakakonsensya pero sinagad mo ako, itinulak mo ako at asahan mong hinding hindi na ito mauulit pa.  Hinding hindi na.  Oo siguro, naging patas tayo sa puntong ito, dahil sa lahat ng salitang binitawan ko sa litanyang ito, binigyang buhay ko din ang lahat ng dahilan ko sa pagtatangi sa iyo.  At sa ngayon, wala na akong pakialam kung sino ang maging pinaka sa lahat ng pinaka dahil pinatunayan mong hindi iyon ang uri ng tagumpay na magpapaikot at manglalason sa aking patutunguhan.  Hindi na ngayon.


At kung sakaling hindi mo pa alam at hindi mo pa ramdam, ayoko sa iyo.

Categories: On-going, STAR ako Mga Marka:

Ukol sa Nawawala.

Hunyo 6, 2009 Starlet 5 mga puna

Lahat ng nawawala ay hinahanap.  Lahat ng nawawala ay dapat ikabahala.  Lahat ng nawawala ay dapat bigyang pansin.  Lahat ng nawawala ay dapat namimiss.  Lahat ng nawawala ay dapat hanapin.  At kapag sinabing lahat, walang pwera-pwera.  Ballpen, barya, singsing, I.D., cellphone, tinapay, abrilata, pulang medyas, sandok, martilyo, huling piraso ng puzzle, karayom, polkadots na panty, charger, pusa, autographed picture ni Ate Shawie, sinturon ng  Barbie mo, scratch paper na sinulutan mo ng cellphone number ng crush mo, sintas, deep red na lipstick, diary o ang paboritong tupperware ng nanay mo.  May kwenta man o wala, mahal man o natawaran mo sa Divisoria, binili mo man o inarbor, maliit man o pangit, luma man o second-hand, ang nawala ay hindi dapat mawala.  Ang nawala ay dapat muling mahanap.


Marami-rami na din akong naiwala.  May ilang sinadya pero mas marami ang hindi ko inaakalang mawawala pala.  Nakawala ako ng payong ng ilang beses (sadya karamihan), kwintas, pera, pati palda kong pangpasok na iniwan ko ng hindi ko namamalayan sa c.r. ng school namin.  Kahit digicam na inutang lang ng kapatid ko sa credit card niya naiwala ko din noong nag-prom kami.  May nawalang mga kaibigan at ilang pilit kong iwinalang kaibigan sa isip ko.  May mga nawalang formula sa Math o sagot sa fill-in-the blanks sa exam sa memorya ko.  Naiwala ko din minsan ang tiwala ko sa sarili ko at tiwala sa ibang taong nakakasalamuha ko.  Nakawala na din ako ng crush sa imahinasyon ko at sa pagdaan ng panahon ay nadala na din sa pagihip ng hangin.  Nawala na din sa utak ko ang kaarawan ng ilang kaibigan, pangalan ng ilang nakilala, ang sikreto niya o ang sikreto ko, ang utos ng nanay ko, ang favor ng kapatid ko o ang halaga ng isang bagay, ng isang ala-ala o ng isang kaibigan.  Sa lahat ng iyon, sinadya man ng pagkakataon o hindi, may isang bahagi ng buhay ko (maiksi man) na inalay ko sa paghahanap sa mga nawalang ‘yon o kahit sa pag-aalala at pagkamiss lang sa kanila.  At kahit papaano, may ilan akong nahanap.  At may ilang hindi na at pilit ko na lamang kinalimutan.


Kanina, nakanood ako ng Story line.  Tungkol sa abduction cases na tila nakalimutan na at naibaon sa libo-libong kasong nahihimbing sa bangungot ng realidad.  Nakilala ko si Manuel.  Isang dating magsasaka at naging biktima ng hindi makatarungang pagbihag at pagpapasakit ng grupo ng mga militar at ni Army Maj. Gen. Jovito Palparan.  Detalyado ang bawat salitang binitawan niya.  Buhay na buhay ang takbo ng istoryang inilahad niya.  Matulis ang reaksyon ng damdamin ko at ng ate ko.  Awa, takot, poot at galit.  Dati rati nababasa ko lang ang pangalan ni Palparan sa mga vandals malapit sa FA (Fine Arts) at sa mga placards at sa katsa na bumabandera kapag may rally.  Naririnig ko lang ang mga kwentong ganito kapag nananawagan ang mga aktibista at pinapamukha sa bawat klasrum ang picture ni Karen Empeno at Sherlyn Cadapan (mga nawawalang UP students/activists) at kasabay ng hinaing nila ang mga pangalan ng mga dapat daw sisihin at parusahan.  Nakita ko lang ng malapitan ang lagim ng kalagayan ng mga nawala at hindi na muling nahanap pa sa bulag na hustisyang mayron tayo ngayon nang mapadpad kami sa isang exhibit tungkol at alay para sa kanila.  Nabasa, naintindihan at naisulat ko lang ang mumunting saloobin ko sa lahat ng ito nang minsang kailanganin namin para sa isang aralin.  Pero dun lang natapos ang lahat ng iyon.  At sa pakikinig ko kanina sa karanasan ni Manuel, ang nasaksihan niyang paglapastangan sa pagkababae ng ilan, pagbugbog, pag-aalipusta, unti-unting pagkitil sa pagkatao at buhay nila, hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ko. Kung ganun ang epekto sa tulad kong isang mangmang at walang kinalaman sa kanilang lahat, ano pa kaya ang emosyong namayani sa nanay, sa asawa o sa anak ng mga walang kaawa-awang nabihag at hanggang ngayon ay tila hindi na muling mahahanap pa sa kwento ni Manuel? Buhay pa ba sila at nakatakas katulad ni Manuel? Naghihingalo na ba sila at kasalukuyang nagkukubli sa kung saan mang lugar? Patay na ba sila at hindi na muling mabibigyang hustisya pa? May saysay pa ba ang laban nila o sadyang laro na lang ito sa mata ng ilan?



Hindi din lahat ng tao ay naniniwalang lahat ng nawawala ay dapat pang hanap-hanapin.  May ilang solb na sa alternatibo, halinhin sa nawala, proxy sa hindi makakarating, plan B o kahit ang long method kapag nawalan na ng pag-asa sa shorcut.  Malapit na ang Father’s Day at kahapon nakapili na agad ang tatay ko ng regalo namin para sa kanya.  Sa pagka-atat niya, na-order at nabayaran na din ang regalong iyon.  Isang pares ng sapatos.  Isa na namang pares ng sapatos.  Isa na namang itatambak sa cabinet niya ng magkakamukha namang sapatos.  Isang pares ng sapatos laban sa mga ngiping ilang buwan na ding absent sa loob ng bibig niya.  Mga ngiping mas may silbi sana sa buhay niya sa aspetong pangmatagalan at mas matimbang sa personal niyang pangangailangan.  Hindi lahat ng nawawala ay dapat ikabahala.  Hindi lahat ng nawawala ay dapat ma-miss.  Hindi lahat ng nawawala ay hindi pwedeng palitan.  Gayunpaman hindi din lahat ay may katumbas.


Kung nawawalan na ako ng ganang makinig sa walang saysay at mapagkunwaring pagsuyo ng mga trapo sa ngayon, magigising ba ang atensyon ko sa tunay nilang pagkatao at hangarin bukas o samakalawa ‘di kaya? Paano kung nawawala na ang tapat at malinis na pakikipaglaban sa lipunang ating ginagalawan, may makakahanap pa ba ng nararapat na solusyon para dito at mahahanap pa ba natin ang taong makakahanap ng solusyon na iyon? Kung nawawala na ang puso at utak ng ilan sa pag-intindi at pag-unawa sa kalagayan at kahihitnan ng pangkalahatan, paano nila malalamang may nawawala pala hindi sa iba kundi sa sarili nila? Paano kung mawala na ang pagkakataong mabago at maiayos natin ang nakaraang nadumihan at nabaluktot ng ilang walang malasakit sa mawawalan, ano pa ang kalalagpakan ng nawalan bukas?


Hindi lahat ng nawawala ay habang buhay nang mawawala.  Hindi rin lahat ng nawawala ay muli pang nakikita.  Hindi rin lahat ng nawawala ay hinahanap pa.  Hindi rin lahat ng nawawala ay napapansin nating nawawala pala. Paano kung mawala ako o ikaw bukas? Mahahanap mo ba ang daan pabalik? O maghihintay ka na lang at patuloy na aasang may isang magmamalasakit at puspusang maghahanap sa iyo? Hanggang saan kaya ang pag-asa mong muli ka pang matatagpuan? Hanggang kailan ka mawawala? Hanggang kailan ka hindi mawawala?

Oi Nay, ano’ng araw ngayon?

Mayo 10, 2009 Starlet 7 mga puna

***

Ako: O nay, san mo binili ‘yang meryenda namin?

Nanay: E di sa tindahan.  San pa ba?

Kaibigan ko: nyahaha, nabara ka ng nanay mo.  Manang-mana.

***

Nanay: Halika nga, teka!!! may dumi yang mukha mo.  Ay naku. (sabay laway sa hinlalaki niya at pahid sa “madumi” daw na spot)

Ako: (no comment; deep inside: dyahe inay, ang laway ay hindi pang-alis ng dumi sa mukha. ew.)

***

Ganito magpatulog ng baby.

Nanay: (may tono ito) Jin, jin, jin, jin, jininin.  Repeat from the start. Jenenenen nenen.  Dadadananandanan.  (kahit anong letter ng alphabet pwede pala, infairness.)

Kung mag-aanak ka na, papatutor-an kita sa nanay ko ng tamang tono, sabihan mo lang ako.  Tatawagin niya nga lang ang anak mo na Totoy at Nene.

Ako: Hay naku, nay, huwag na huwag niyong tatawaging ganyan ang anak ko.  Kadiri.

***

Madami ding unforgettable moments ang nanay ko.

Nanay:(nahulog ang wallet habang nakasakay sa saulog) AY B*Y*G!

Kapag nagugulat talaga siya, kung anu-anong expression ang maaari niyang sabihin, may pang-babae, pang lalaki, pangbading, pang-animal and for everyone else.

Nanay: (bumibili sa Mcdo) Miss..

Ate ko: (nangungulit) NAY, GUSTO KO DUN!! dun!! sa JOLIBEE!!!

Nanay: Miss.. ahmm, pabili nga ng isang JOLIBEE.

***

Kapag nagsesermon ang nanay ko tungkol sa swerte namin ng mga kapatid ko sa dali at sarap ng buhay namin bilang mga anak niya.

Nanay: Hay nako, buti pa nga kayo, paganyan-ganyan lang.  E ako nga nung bata ako, araw-araw, ang layo layo ng nilalakad ko para lang makapasok sa skul.  Ako ang tagasaing, tagaluto, tapos nagiigib ako ng napakalayo mula..

Ako: (saulado ko na by heart) oo nay, mula dito sa bahay natin hanggang dun sa pwesto ni doktor spongklong.  Nay paulit ulit ka na *o*

Eto pa ang lagi niyang drama lalo na kapag feeling na humulas ang dala niyang pera sa mall o kapag nasasaid ang pera niya sa wallet.

Nanay: Hay naku, kawawa naman ako.  Ni PANTY hindi man lang ako nakabili.

***

Kung magaling magpatulog ng baby ang nanay ko, magaling din siyang magpaligo ng mga bata.  Sa sobrang galing, halos mabutas ang mga balat naming magkakapatid sa paghilod ng nanay ko.  Kaya din siguro lumaking maputi ang mga ate ko kahit napagkaitan ng kapusyawan ang tatay ko dahil sa kinalakihan naming pagligo.  At kung tatanungin mo na kung sa tuwing pagkuskos ng bimpo ng nanay ko sa aming mga balat ay iwiniwish namin na matapos na  lang ‘yun at banlawan na lang kami, nagkakamali ka.  Buti na lang magaling kaming humingang magkakapatid dahil siguro hindi kami nakasurvive sa bawat araw na pinaliguan kami ng nanay namin.  Ang natutunan namin: Mag-inhale ka ng maximum amount na kaya ng baga mo, as in itodo mo na sa isang hingahan dahil ‘yun ang sasalba sa’yo sa biglaang buhos ng tubig mula sa tabo, BIGLAAN AT SUNUD-SUNOD NA PARANG WALANG KATAPUSAN, seryoso ako.  Kaya nung bata ako parang nakakapagod maligo, parang kailangan prepared ako sa maaaring mangyari.  Pero hindi naman harsh ang nanay ko sa totoong buhay.  Medyo kulang lang sa kagaangan ang kamay niya sa mga sensitibong activity tulad ng pagligo.  Never niya akong napalo (pero hindi pinalad ang mga ate ko) pwera na lang nung batuhin at i-spin-nin kami ng plato ng nanay ko dahil ayaw namin ng ate ko sa ulam at ayaw naming kumain.


Hindi rin ako masyadong nakatanggap ng sermon sa nanay ko.   Bukod sa paborito ako, hindi ko kasi madistinguish ang kaibahan ng tono ng normal niyang boses o kapag galit na siya.  Minsan kasi parang may kagalit pero ‘yun pala may kausap lang sa telepono.  Minsan ang sign na lang na galit na siya ay kapag binuo na niya ang pangalan namin.  Pinakamadalas na ‘yung Hay naku Maria Delza, ratatatatatatatatatatat, once in a blue moon lang na nagagalit siya sa akin dahil ang corny kapag binuo ng nanay ko ang pangalan ko, baka matawa pa ako.


Wala din siyang masyadong hilig bukod sa maglinis ng bahay at magikot-ikot ng kung anu-ano.  Mahilig din siyang mag-bingo at manahi ng kurtina.  Paborito niyang isuot ang mga mala-boldstar na outfit kapag matutulog na siya (with matching butas effects at off shoulders).  Mahilig din siyang magluto at magimbento ng kung anu-anong nakikita niya sa tv na recipe.  Delikado din siyang kasama sa grocery store dahil kung anu-ano ang napupulot ng kanyang mga daliri.  Mahilig din siya sa pinipig crunch and the like kaya kailangan lagi siyang may supply nun sa bahay.  Paboritong color niya ang violet at paborito niyang singer si Martin Nievera at idol niya si Nora Aunor na sobrang hate ko naman.  Paborito niyang ulam ang dilis dahil lumaki daw sila sa piling ng mga dilis.  Mahilig din siyang ngumuya ng candy o kung ano mang kutkutin kaya magastos siya kasama sa sinehan.

Nanay: Ano na naman ‘yang papanoorin n’yo.  Puro bakbakan.  Makakatulog na naman ako niyan.  Mabuti pa ibili nyo na lang ako ng popcorn.

Ako: Gutom ka na naman?

Bukod sa pangtulog na pangboldstar, hindi makukumpleto ang get up kung wala ang tententenen, ang black stockings.  Kapag inaatake siya ng rayuma, pagkatapos magpahid ng herbal oil at kung anu ano pang pang-albularyo na pamahid, isinusuot niya ang black stockings niya.

Ate ko: (pagkauwi galing office) Yes naman, andito na naman si office girl.

Mukha mang nangangagat ang nanay ko pero sobrang luwag ng bonding namin ng mga ate ko sa kanya.  Gala dito, gala diyan.  Laging may meryenda na camote cue, turon, fishball o goto.  Naiwala ko ang digicam namin, ok lang digicam lang ‘yon.  Umabsent ako sa skul para sa concert, buong saya niya pa akong sinundo sa kanto kinaumagahan.  Naiwala namin ang kwintas, singsing, hikaw, naisnatch ang cellphone, naiwanan sa bus ang payong, nagpaulan, ginabi ng uwi, bumaba ang grades, naiwanan uli sa bus ang payong, nahawaan ng ibang kulay ang damit, nalimutang ilagay ang ulam sa ref, nasira ang sapatos, kailangan ng pera, kailangan ng gumamela sa skul, nawawala ang paboritong tshirt ko, kailangan ng load, masakit ang ngipin, nadapa, sinuntok ang classmate, nawala ang contact lens, nawala ang wallet, kailangan ng tae ng baka, nangangalay ang binti, masakit ang ingrown, hindi plantsado ang uniform, kailangan ng sliding folder, naiwanan uli ang payong sa bus, masakit ang tiyan, may tagihawat sa ilong, natanggal ang butones sa blouse, nabasag ang baso, walang tubig sa banyo, walang *pamutat* (dessert) kaya bili ng coke, walang payong na dala, hindi makababa ng tricycle dahil lulubog ang sapatos sa baha, walang baterya ang remote control, ayoko ng ulam, at sobrang haba pa ng listahan ko kung itutuloy ko pa.


Kaya bago pa dumating ang nanay ko na hindi pa ako nakakapag-init ng ulam at nakakapaghain sa lamesa at baka masigawan ako kapag nagkataon, babati na lang ako ng HAPPY MOTHER’S DAY sa nanay kong wild at dramatic at laging may baong megaphone sa lalamunan niya.  Saka na ang regalo kapag mayaman na ako.  Ibibili na lang muna kita ng isang set ng panty bukas.

ang nanay kong hindi ko kamukha.  hindi ka mukhang picture addict dito inay.

ang nanay kong hindi ko kamukha. hindi ka mukhang picture addict dito inay.

Categories: STAR ako Mga Marka:, ,

Dumaan si Derecho

Mayo 6, 2009 Starlet 2 mga puna

EEEEEENNNNNKKKK.  Tumunog ang alarm sa Bruno’s (kung saan ako nagtatrabaho).  Sabi ng isa kong kasama, baka may engot na nagbukas ng maling pintuan sa likod para sa delivery ng  truck.  Sabi naman ng isang customer, dahil may padating daw na tornado.  WOW.  Tornado, hindi pa ako nakakakita nun.  Nasa Amerika na ata talaga ako.  Tornado.  WOW.

Ilang minuto pa ang lumipas, dumilim na ang langit.  Kasabay ng pagbabagong-anyo ng kalangitan ang bugso ng customers, mistulang magpapanic buying.  Sa paghaba ng pila sa kaha ko, humagulgol na ng ulan ang mga ulap.  Kulog.  Kidlat.  At ulan, ulan, ulan.  Ulang hindi na pwedeng eksena sa kantang “I’m singing in the rain.. La la la la la.”  o perfect timing para magpropose sa syota-syotaan mo.  Lumakas nang lumakas ang hangin.  Dahil bukas ng bukas ang sliding pintuan sa Bruno’s, ni-lock ng boss ko ang magkabilang pinto para hindi makapasok ang hangin at ulan sa loob at mapigilan ang mga taong willing pa ring lumabas at maglakad sa labas at maki-ride sa biyahe ng hangin.  Naipon ng naipon ang mga tao sa may pintuan.  Lahat nakatanaw at nakaabang sa pagdaan ng tornado daw.  INGGIT ang nangibabaw sa aking puso’t isipan.  Kung bakit ngayon pa maraming naggrocery at hindi ko maiwanan ang mga chakang grocery nila dahil kundi ay sasabunutan nila ako at irereklamo sa boss ko na siguradong tatanguan lang sila dahil paborito ako ng boss kong baliw.  Habang idinidaan ko ang mga binili ng mga nakakatuwang customers sa scanner, nakatulala at namangha ako sa kumpol ng tao sa magkabilang pinto ng Bruno’s.  Parang nasa “end-of-the-world” na pelikula kaming lahat at inaabangan ang pagdating ng mga alien vs monsters o mga kung ano mang unknown na padala ng milky way o parang eksena sa Knowing o the Happening.  Intense ang eksena.  Feel na feel ko na kung ‘di lang sa pangiistorbo ng mga customers na naisipang magshopping sa oras ng kalamidad, mainam na mainam.  Sa pagdaan niya ay ang pagdaan din ng pagkakataon para sa akin na masaksihan ang isang stateside na natural disaster.  Iba ito.  Hindi ito isang bagyo na lingguhan ang stay o bahang pangmatagalan.  Tornado ito, english.  Sayang.  Sabay subo ko ng chocolate, pampalubag loob.


Sumunod ang nakakatraumang paghagupit ng hail sa bubong na parang bumabaril sa Bruno’s patungo sa aming mga bumbunan at sa sahig.  Isang subo pa uli ng chocolate.  Kung sakaling matangay ang Bruno’s na parang bida kami sa The Flying House, chocolate ang huling pagkaing ninamnam ng taste buds ko.  Ilang minuto ng pagsubo at pagnguya ko, unti-unti ng sumuko ang panahon.  Lumiwanag nang muli at tumigil ang pagbuhos ng ulan.  Ilang minuto pa, parang wala nang nangyari.  Parang walang dumaan.  Parang ako lang ang nag-imagine sa lahat ng nangyari.  Parang may dumura lang at ako lang ang nagpanic at nagpaapekto dahil baka matunaw ako.  Balik sa normal ang lahat.  Balik sa normal ang Bruno’s.  Wala na ang malupit na hangin at ulan at wala na din ang mga customers.  Balik tunganga kaming muli naghihintay sa sinumang dumating.


P.S para sa akin:  Salamat sa yahoo, nalaman kong hindi pala simpleng tornado ang napadaan at bumisita sa amin.  Siya pala si Derecho, ang pinsan ni Tornado boy.

Hiniram ko lang yan sa youtube.  Kung wala akong trabaho ng araw na ‘yun baka may sarili akong bersyon ng video ni Derecho kagaya nito may bonus pang side comments at jokes.  At oo, nahabaan din ako sa video na ito.  Hindi ko tinapos kaya hindi ko alam kung mapapakita ba ang mismong pagdaan niya.  Imagination na lang, go.


Categories: STAR ako

Ang dimple ko

Abril 29, 2009 Starlet 10 mga puna

Meron akong dimple sa kaliwang pisngi.  Meron akong dimple sa kaliwang pisngi na hindi marunong lumitaw kapag ngumingiti ako.  Kahit ilang beses kong praktisin sa harap ng salamin, ayaw niya pa din.  Kaya sa lahat ng pictures ko, hindi halatang biniyayaan ako nun.  Kaya kung nakita mo na ako sa personal, sa pictures sa mga illegal na sites o sa billboards malamang iniisip mo nang nagfifeeling lang ako at desperada lang magkaroon ng photogenic na ngiti.  Pero totoo, isasangla ko pa ang buhay ng mayor namin kahit pati ang wig niya (full set edition), may dimple talaga ako.


Labingsiyam na taon ko nang kinoconfront ang dimple ko.  Kung ayaw niya namang magpakita, bakit pa niya ako sinamahan sa buhay ko, di ba? Kung tutuusin, ang existence nila ay may kaakibat na purpose na magpacute sa mga pictures, para kahit may malaking taling siya sa ilong o pwede ng i-connect-the-dots ang mga pimples niya sa mukha, masasabi pa ding, ay ang lalim ng dimples ng batang ‘yan.  Pwede ko namang palabasin ang dimple na ‘yon paminsan-minsan sa mga ‘di inaasahang pagkakataon tulad ng: kapag nagtotoothbrush ako, nagsasalita o sumisigaw, nanguya o nasipsip ng candy, kapag (note: imagination start) nag-uhhmm ako sabay tago sa upper at lower lip o kapag kinagat o dinilaan ko ang labi ko (tapos na ang imagination time).  Hindi na rin masama, pero kapag picture-an na, nawawala na siyang parang bula pwera na lang siguro kung ang pose na gagawin ko sa picture ay may kinalaman sa mga nabanggit kong pagkakataon, solved na ang problema kong napakalalim.  Kaya naiisip ko na lang minsan na kabilang ang dimple ko sa mga nilalang na hindi pa matagpuan ang calling nila sa buhay o hindi pa nakakabili ng purpose driven life, gulong-gulo, nababaliw, naliligaw.  Pangpalubag loob na lang ‘yan sa sarili ko.



Hindi big deal para sa maraming tao ang ganitong problema.  Kaso nanghihinayang kasi ako na ako na nga lang ang nabiyayaan ng dimple sa aming 5 magkakapatid, mahiyain pa ang naampon ko.  Ito na sana ang bagay na maisasampal ko sa mga taong walang kasing kulit na nagsasabing nakakalito daw kung sino ang sino sa amin.  Ito na sana ang edge ko.  Madedescribe ko na  sana ang sarili ko, physically.  At siguro mas naging camera whore ako kaysa sa kakatihan kong maging cameraman sa lahat ng okasyon.  At baka humble ko pang maikukuwento sa iba na may dimple ako kaysa sa magtunog naghahallucinate at nakaka-whatever sa sinumang makukwentuhan ko.  Baka sakaling may iba akong comment na natanggap sa mga pictures ko bukod sa malaki ang mukha ko at matambok ang pisngi ko.


Maraming bagay sa buhay na hindi man natin nakikita, cool na tayo sa ganung setting.  Batok, bumbunan, leeg, tenga at kung anu-ano pa sa katawan natin.  Hindi man natin nakikita kahit ano’ng ikot at baluktot ng katawan natin, alam nating nandiyan sila sa bawat pagkapa at paghimas natin sa kanila.  Hangin, salubsob sa daliri, ingrown na kuko sa paa, multo, hindi man sila nakikita ng ating mga mata gaano pa ito kalinaw, sa bawat pagdating naman nila ay siguradong nagpaparamdam sila at nagpapaepal upang i-assure tayo na nandyan na sila.  Ang mga tunay na kaibigan at mahal sa buhay na kahit gaano man katoxic ang schedule o gaano kalayo ang lugar na ginagalawan  o gaano man kaiba ang direksyon ng buhay sa iyo o kung buhay pa o patay man  kahit na hindi  mabigyan ng pagkakataong mangamusta o dumalaw o magpakita ng mahabang panahon, sa kabila ng lahat, madadaig ng tibay ng samahan at pagmamahal para sa isa’t isa ang anumang hadlang, mararamdaman mong forever na silang nandyan para sa iyo anuman ang mangyari.  Si Bro, ang mga alaga niyang angels, at ang buong setting ng mundong ginagalawan nila, hindi na natin kailangang hingan ng pruweba at picture upang patunayang totoo sila at alam nating bahagi sila ng buhay natin na walang ending kahit pa minsan ay may ilang elementong nagpapaduda sa ilan sa atin.  Hindi lahat ng bagay sa buhay ay katulad ng isang dimple.  Hindi lahat ng misyon sa buhay ay kasing babaw ng halaga ng isang dimple.  Hindi lahat ng buhay ay kailangan ng isang dimple, hindi lahat ng buhay ay nadadaan sa isang dimple, hindi lahat ng ngiti ay nasusukat ng isang dimple, hindi lahat ng pictures ay kailangan ng isang dimple.  Muli akong nagliliwanag ngayon, pausoAte, kuhanin mo na ang martilyo at pako, simulan na nating palalimin ang pakipot na dimple na ito, dali. Ikaw gusto mo ba?

Categories: STAR ako Mga Marka:, ,

Earth Day ngayon.

Abril 22, 2009 Starlet 6 mga puna

Sobrang labnaw at lapot na ata ng schedule ko sa araw-araw kaya hindi ko naalalang Earth Day ngayon.  Dahil diyan, babati ako ng Happy Earth Day.  Sino pa ba naman kasi ang umaalala sa Earth Day, ‘di ba? Pero kung nakokonsensya ka na ngayon kay Mother Nature, itapat mo na lang ang kahit anong mahalagang event sa buhay mo, binyag, kasal, anniversary/monthsary ng syota-syotaan mo o ng asawa mo o ng crush mo, 1st day sa work, engagement, pagsagot sa manliligaw o kahit hindi nanliligaw, araw na nagpakalbo ka o nagpakulay-orange ng buhok, araw na sinuntok mo ang prof mo sabay sabing teacher lang kita!! bwahahaha ay sir, joke lang ‘yun ha, Earth day kasi e, naghahanap ako ng event sa buhay ko, ano’ng facebook mo sir?, gantihan mo ko sa mafia wars, madali lang ‘yun sir, ayaw mo nun?? uhm,….fashion wars, sir?, pwede din combo, sa April 22 para mababati mo ang sanglibutan at maipamukha mo sa kanilang panahon na para maging green, hindi lang sa dugo, sa buhok, sa mata, sa kuko, sa panty o sa paboritong power ranger.



Wala pa akong nagagawang remarkable para kay Mother.  Bukod sa slogan contest na sinalihan ko noon nung grade 4 ako na sobrang biglaan, one day notice mula sa Science teacher ko, at bakasyon pa nga kaya walang preparasyon at wala namang makakaisip na magaling ako sa paggawa ng slogan lalo pa’t English, pero naipanalo ko pa din kahit na isang malaking puno lang ang nasa white cartolina kasama ang simple ngunit malaman na slogan ko na syempre hindi ako ang may gawa kundi ang ate kong magaling pero walang kaalam-alam ang mga kalaban kong paslit at mga judges na nadaya ko na sila.  Hello, hindi man ako magaling magimbento ng seryosong unquotable quote pero marunong akong magmemorize, isang linya pa nga, yakang-yaka.  Kung hindi ‘yun counted sa participation ko sa Earth day, bukod dun wala na.  Sa pagkakatanda ko hindi pa ako nagtatanim ng puno bukod sa munggo na tinanim namin nung grade 4 kami sa labas ng classroom namin o baka naman tumubo pala ang mga butong pakwan na hinagis ko sa kung saan saan kapag naiinis ako dahil ayaw bumuka kahit anong kagat ko, ‘yun nga lang may kahalong laway ko na.  Hindi rin ako maasahan ng nanay ko sa pagdilig ng mga halaman niya.  Marami-rami pa siguro ang mga napitas at na-murder kong mga dahon mula sa mga kapitbahay namin at sa nanay ko nang hindi nila nalalaman para sa ingredients sa luto-lutuan ko.  De-spray pa ang deodorant na gamit ko at hindi ko sinisermunan ang mga jeep na buga ng buga ng maiitim na usok at kahit sino o anong nagbubuga ng masamang anyo ng hangin.  Hindi ako marunong gumamit ng tabo kapag naghihilamos pero mas malakas gumamit ng tubig ang mga ate ko.  Nanghuhuli din kami nung bata kami ng mga starfish at kung anu-anong unknown pa sa akin noon sa tuwing nakakalapit kami sa dagat na namamatay din naman dahil sa tabo lang namin nilalagay o sa plastik para iuwi mula sa probinsya na milya-milya ang layo sa bahay namin.  Hindi naman ako nagtatapon ng balat sa kung saan-saan, madalas, pero hindi naman ako marunong magpulot ng mga nakikita kong kalat sa tabi-tabi.  Magastos ako sa papel at sa tissue  at sobrang gastos ng aso namin sa dyaryo dahil sa pang-araw-araw niyang pag-ano kaya malamang marami na akong napatay na puno.  Buti na lang wala pa akong kasalanan sa animal kingdom bukod sa butiki na hindi ko minsan sinasadyang maapakan o sa mga langgam o gagamba na napapatay ko sa katripan.  Madami na ata talaga akong kasalanan kay Mother.  Pero nais ko pa ding bumati ng HAPPY EARTH DAY.  *Peace sign*


Wala akong personal na advice sa iyo para sa Earth Day.  Wala talaga.  Bukod sa payo ng nanay ko na huwag na akong maligo kapag off ako dahil nagkukulong lang ako sa kwarto kachikahan ang computer at hindi nga ako naaalikabukan dahil ayokong magdilig ng mga halaman sa labas.  Eto na lang, mula sa pinakamamahal kong Reader’s Digest (may hinanakit pa ako dahil nagkautang ako senyo ng hindi sinasadya, argh), mas makakatipid kung gagamit ka ng hand dryer sa public restrooms kaysa sa gumamit ng paper towel.  Mas kaunting electricity ‘yun kung ikukumpara sa amount ng papel na nagagamit at sa overall energy ng production at transportation ng mga paper towel na ‘yun.  Basta maniwala ka na lang sa akin kahit na mukhang nagjojoke lang ako.  Maghahanap muna ako ng iba pang kapani-paniwalang advice para kay Mother Nature.  Sa ngayon, huwag ka na lang munang maligo o ipunas mo na lang sa damit mo ang kamay mo para tipid sa paper towel at hand dryer.  Happy Earth Day uli.


Saan: Super Oriental

Abril 17, 2009 Starlet 4 mga puna

Hindi tulad sa California at sa iba pang mataong state, kaunti lang ang mga tindahan at tambayan dito para sa mga Asian lalong-lalo na sa mga Pilipino.  Isa sa mga paborito ko ay ang SUPER ORIENTAL.  Sa sobrang pagkapaborito ko, 2 beses ko na siyang dinadalaw.  Pangatlo ngayon.


Drive.  Drive.  Drive ng halos 30 minuto mula sa bahay (malayo na ‘yun para sa travel time dito).  May napadpad pang lady bug sa loob ng sasakyan namin.  Aaaaahh ate!!!! picture-an mo, dali!!.  Kung kailan hindi ko dala ang camera ko ay saka pa may present at ready magpapicture na insekto sa paligid ko, at isang lady bug pa, e sa A Bug’s Life ko lang naka-close-up ang katulad niya.  Malas na nilalang ata talaga ako.

Pagliko sa parking lot, tenen, Super Oriental heto na ako! remember me??.    Super Oriental: Ha? Never heard.

Pumasok na kami.  Pull.  Yes, pamatay ang chimes ng pintuan nila.  Hindi isang simpleng TING! o CLING! o EENK!.  Instrumental, mellow, parang ‘yung mga naririnig mo sa mga Chinese resto, parang buong kanta na.  Pwede ng gawing soundtrack ng pelikula.

Tatay ko: (pagkakita sa isang walang kamalay-malay na mamang papasok sa tindahan) Aay, Pilipino din ‘yun.

Ate ko: (pagkakita sa isang Koreanese na naka-istambay sa may pintuan) Oooh, friend ko ‘yan.

Nanay ko: Asan na ba ang galunggong na ‘yun? Nandito lang ‘yun e.  Aaay ang laki ng tuyo oh.  Gusto n’yo ba ng tuyo? *pisil*

Oo, sabog lagi ang usapan namin basta nasasabik kami sa mga nakikita ng aming mga mata.


Nakakamiss ang mga pagkain sa Pinas.

Ate ko: Naku, Nagaraya! Kung may Nagaraya na sila ngayon, naku mayayapos ko talaga ‘yang tindera na ‘yan.

Ako: Wah, Pretzel.

Ate ko: WWWOOOOHHHHHH. Oh my, gusto ko ‘yan.

Tatay ko: (kasalukuyang namamakyaw ng Pancit Canton)

Ako: Tay, ang mahal naman netong kalamansi (juice).

Tatay ko: Ha? Magkano? (sumagot ako) Akin na, ibabalik ko.

Ako: Sinabi ko lang naman na mahal.  Ikaw na mismo ang nagsabi, kung gusto mo talaga, bilhin mo (parang pag-ibig lang *o*).  Kaya bilhin mo na.  Ikaw naman magbabayad di ba?

Ako: Wow! Ang laking Hello Panda.

Ate ko: Hay naku, wala talagang Nagaraya.

Ako: Ate, NOVA!

Ate ko: Nakita ko na ‘yan dati.  Eto Chippy, gusto mo ba?

Ako: Ayoko nga!! Chippy? E ‘di ba lasang *tut*tut* ‘yan?

Ate ko: Tange, Humpy Dumpy ‘yun.

Ako: Ay, oo nga pala.

Ako: Ate, tingnan mo. tenen!

Ate ko: C2!!! favorite ko ‘yan!!!!

Ako: Kaso lemon lang.

Ate ko: Nye.  Ayoko niyan.

Ako: Oo, masakit sa lalamunan.  Pang-may sakit.

Ako: Wow, puto seko.  Aah u-ra-ro oh. (stress on 2nd syllable)

Nanay: Uraro! (mas mabilis na pagbigkas, stress on the last)

Ako: Ah, ganun ba ‘yun.  ‘Di ko alam.  Ate, URARO oh.

Ate: Ano ‘yun?

Ako: ‘Yung hugis bulaklak.  Basta masarap.  Eto oh!!! May puto seko din.

Ate: PUTO SEKO!!! Asan? Gusto ko ‘yung gawang Quezon e.

Ako: (sabay basa sa packaging) Mey-ca-u-a-yan, Bu-la-can.  Eto Bulacan oh.

Ate: E ‘di hindi Quezon.

Ako: Hindi nga.

Ako: E gusto mo ba ng Peng Pai Pao?

Ate: Ha?

Ako: PENG PAI PAO. (Hindi ko din alam kung ano ang laman nun)

Ako: Aaay, ang cute nung drawing oh.  Aaay, eto, gusto mo? Ice-cream-ice-cream-an.  Parang nung bata tayo.  Mga kung anu-anong shape ng sugary thingy.  Aaay, eto mas may effort na ice-cream-ice-cream-an.

Ako: PENG PAI PAO!!!

Tatay ko: Tara na.

Ako: PEEENNNGG!

Ako: Oo nga, wala akong gana ngayon e.

Ako:  Tay, ikaw na magbayad sa cashier, lagi mainit ang ulo ng cashier dito e.

Ate ko: Ano ba ‘yan, nahiya pa si tatay sa mango juice.  Tinira pa ‘yung isa sa shelf.

Ako: Ate, hello kitty oh!

Ate: Ano ka, BATA!?!

(nagwalk-out na ang ate ko, at naiwan akong nag-iisa at nagayuma ng kinang at alindog ni hello kitty)

May ballpen, pambura, notebook na iba-ibang hugis, bag, wallet, tsinelas, unknown things, at kung anu-ano pang ka-ek-ekan na may drawing ng mukha niya.  Parang gusto kong bumili ng isa, tapos pipicture-an ko para sa blog ko.  Bwahahaha.  Alin kaya dito?? Hmm.  Naaaliw pa din ako ni Hello Kitty.  Aaah ang cute! Ay, ang galing. Wah, parang gusto ko neto.  Habang parang sinasapian na ako sa magic spell at charms ni Hello Kitty, naririnig ko ang tv na tunog Intsik.  Ni hao ding shao shi shi ting pao sio pao min me shao xu yi ye chuk chak chenes… muntik ko ng sabayan ang pagiintsik nung nasa tv dahil nawala na ako sa sarili dahil kay Hello Kitty.  Past time kasi namin ng mga kapatid ko ang panonood nung Chinese cook na nakaka-wow ang style of cooking, tipong nilublob na sa kung saan saan ang sandok, ‘yun pa din ang panghalo at walang aarte-arte dahil expert siya sa gulok.  Oo, paborito naming sabayan ang pagiintsik niya kasabay ng background music ng tilamsi ng kawali, Ni hao (ssssshhhh <—kawali yan) ding shao (sssshhhh) ting pao (ssssshhh)… kaya naging sakit na namin ‘yan.  Buti na lang naalala kong Intsik nga pala ang mga tao dun at baka mabatukan ako.  Hay, naku.  Pahamak kang hello Kitty ka!  Dahil diyan, hindi na kikita bibilhin.  Babu.

Ako: O, asan na ang pinamili natin?

(sabay kita sa mga binili namin sa isang maliit at gamit na kahon)

Ate ko: Yes, naman, parang lipat bahay lang.


Paalis na sana kami, nang biglang hindi talaga makapagpigil ang tatay ko sa mango juice na iniwan niyang nag-iisa sa shelf.  Seryoso talaga ang quote niya na kapag gusto mo talaga, bilhin mo, inaapply namin lagi ‘yun.  At bago kami nagpaalam ng tuluyan sa paningin ni Super Oriental, naiuwi ng tatay ko ang isa pang mango juice.

Homesick

Abril 12, 2009 Starlet 2 mga puna

BABALA:  Overrated ito.  Lahat  naman ng comedy na pelikulang Pinoy, may isang espesyal na drama scene.  Tipong mag-iiyakan o magkokonsensyahan o magsusumbatan ang mga bida.  Highlight ‘yan kadalasan bukod syempre sa bonggang-bonggang outing sa beach o sa park tapos may dance number o kaya kantahan with full choreo at props.  Kaya kahit pilit na pilit akong magpakaclown sa blog na ito, dumadating talaga ang punto sa buhay ko na hindi ko mapigilan ang magdrama at magpaka-emo.  Hindi ko mapigilan ang pagtulo. ng. luha.  Kung talent manager ka, ayoko.  Ayokong mag-artista.  Pramis.



Gusto ko nang umuwi.


Kung makakapulot lamang ako ng pangbili ng ticket pauwi ngayon din, ok na sana ako.  Kanina, nag-emote na naman ako nang halos ilang oras.  Nang dahil sa isang simpleng dahilan, namaga ang mata ko ng buong araw pagkatapos ng todo-todong pagiyak sabay tulog upang makalimot at mahimasmasan.


Maaga akong gumising kanina.  Wala akong trabaho at ganun din ang ate ko.  Mamaya, mag-iinternet ako tapos mag-eexercise bago mag-lunch tapos manonood ng dvd tapos gagawa ako ng blog mamaya, tama kailangan ko nga palang magsulat ng bagong blog, tapos magvivideoke kami, siguro oldies but goodies na lang uli kakantahin namin ngayon, habang nagmimiryenda, ano nga kaya’ng meryenda namin?, tapos manonood ng tv tapos mag-iinternet uli baka may online mamaya tapos sisimulan ko ng basahin ‘yung bago kong libro. Ganyan kahalaga sa akin ang bawat off day ko.  Kahit kadalasan 4 days lang naman ang pasok ko kada linggo, lagi pa din akong sabik makauwi sa bahay at makapagrelax at maging bum.  Kahit papaano ay nadidistract ko ang sarili ko mula sa depression at pressure kapag off ako at nakakapagmoment sa bahay ng mag-isa.  Habang nag-aagahan kami ng ate ko at nag-iimagine na ako ng gagawin ko para sa buong araw biglang nag-ring ang telepono.  Pinapapasok kami sa trabaho ng boss namin dahil kaunti lang ang tao nila ngayon at kakailangan nila ng extrang tulong.  Eeeenk.  Parang naputol ang pantasya ko.  Wala naman akong mahalagang gagawin.  Kung tutuusin, mas ok siguro na kikita ako ng extra pay sa linggo na ito kesa magpakalusaw ako sa harap ng computer at tv.  Pero mabilis ang sagot ng puso at isip ko, ayoko.  Dug.dug.dug.  Pressure.  Nakakahiya sa boss ko at sa tatay ko.  Parang ilang oras na trabaho at extrang pera, tinatanggihan ko pa.  Pagkatapos ng 2 oras na pag-iisip ng dahilan, umiyak na lang ako.  Umiyak ng umiyak.  Kung tutuusin, madali lang naman ang trabaho ko at off din naman uli ako sa Martes at saka hindi ba’t masamang tanggihan ang grasya at malamang para sa karamihan grasya ang dumating sa akin sa puntong iyon.  Pero ayoko talaga.  Naisip ko, na sa kabila ng lahat ng positive thinking ko ng halos ilang buwan, hindi nga ata talaga ako masaya dito.  Hindi.


Gusto ko nang umuwi.


Hindi ko alam kung bakit kahit ano’ng isipin kong future ko dito, naiiyak pa din ako sa tuwing naaalala ko ang buhay sa Pilipinas.  Kahit na marami akong mga kaibigan na nagsasasabing ang swerte-swerte ko daw na andito ako samantalang sila nandun, mainit, magulo, mahirap ang buhay, hindi ko maramdaman at mapahalagahan kung nasaan man ako ngayon.  Ganun nga ata talaga ng tao, gusto ang bagay na wala sa kanya.  At kabilang ako sa mga taong ‘yun.  Pero nung mga panahong wala naman sa mga kamay ko ang pagkakataong makarating dito, walang kahit anong maliit na hinala at pag-asang matutuloy pala ang petisyon ko para makapunta dito, at kahit na alam kong bihira ang mga taong nabibiyayaan ng visa at green card, hindi ako humiling na sana makuha ko ito, na sana mapunta ako dito, na sana maging ganito ako.  Masaya na ako kung nasaan man ako dati.  Masaya na akong mabuhay sa mundong nakasanayan ko at masaya ako.  Kung hindi sana ako napunta dito, 4th yr na ako sa up.  Mag-oojt na.  Malapit nang magthesis.  Marami na siguro akong natutunan sa classroom at sa org.  Marami na siguro akong naging kaibigan at kakilala.  Marami na siguro akong naexperience at na-accomplish.  Mas ok na ako siguro ako ngayon.  Hindi ganito.  Halos malabo ang future.  Hindi ko nga alam ang plano ko sa buhay ko.  Nalimutan ko na nga ata kung paano maging ako, kung paano magpaka-independent at umarte nang tama sa edad ko, kung paano mag-isip at magdesisyon ng para sa sarili ko.  Isa lang ang dapat isumbat sa akin,  isa kang selfish b.  Alam ko.


Ngayong araw na ito, isang taon na akong wala sa Pilipinas.  Isang taon na.  At hanggang ngayon hindi pa din ako ok.


Gusto ko pa ding umuwi.


Kung wala sana ako dito, hindi ganito ang title ng blogsite ko, ang malikot na mundo ng ilusyonadang starlet. Hindi sana kulong sa maliit at natigil kong mundo ang mga kwento at pagtingin ko sa buhay.  Hindi sana ako ganito kagulo at kasabaw.  Hindi ganito.  Sa ngayon magpapakalulong muna siguro ako sa sarili ko, umaasang magiging ok din ako balang araw.  Baka.  Sana.